18. Ang Sakit
C H A P T E R 18:
Ang sakit
"Happy birthday to you! Happy birthday to you! Happy birthday, happy birthday, happy birthday to you, handa tuyo!"
Natampal ko ang noo ko nang marinig ang huling linya ng kanta ni Echo, Tadeo at Hiroshin habang nasa Plaza kami.
Buwan na ng July at Grade 9 na kami. At siempre, birthday ko kaya kinakantahan nila ako ngayon. Linggo naman at wala kaming pasok sa Dreamy kaya nag-aya si Echo pumunta ng Plaza. Parang kailan lang ay birthday ko, na-realize ko na tumatanda na pala ako. Isang taon na lang at 18 na ako.
"Naalala mo noong bakasyon? Sabi ko tuturuan kita mag-bike?" sabi ni Hiroshin habang kumakain kami ng ice cream.
Tanghaling tapat pero niyaya nila ako dito sa Plaza. Nakita ko si Tadeo at Echo na nakasakay sa dalawang bike at nagpapaunahan makarating sa dulo ng lane na para sa mga bike na nirentahan nila.
"Magrerenta ka rin ng bike?" tanong ko habang inuubos ang hawak kong ice cream.
Hindi niya ako nasagot sa tanong ko dahil kausap niya na 'yong isang lalake. Maya-maya pa ay hinila niya na ako papunta sa lugar kung saan nakahilera ang mga bike. Kinuha niya ang isa at tiningnan ako.
"Ito na lang muna ang birthday gift ko sa'yo, ha? May ginastusan kasi ako sa bahay, eh," nakangiting sabi niya pagkatapos ilagay ang itim na helmet at knee and elbow pads sa katawan niya.
"Okay lang 'yon. Ako nga rin, eh. Wala naman akong...nabigay na regalo no'ng birthday mo," sagot ko.
Parehas naman kaming kinakapos ng pera ngayon. Pati nga si Echo ay wala rin naibigay na regalo at gano'n din kami sa kaniya.
Pakiramdam ko, habang lumalaki ako ay mas dumadami ang mga pangangailangan ko sa pang-araw-araw.
Simula nang magkaroon ako ng cellphone, parang ayaw kong lumipas ang isang araw na wala akong load. Wala naman akong ibang ginagawa kundi panoorin ang mga Tiktok videos ni Hiroshin. Nagbabasa rin ako ng mga comments at marami akong nakikita sa comment section na lantarang pinapahayag ang paghanga nila sa HiroMi.
"Hoy! Ang bagal n'yo naman! Nakatatlong ikot na kami, nandyan pa rin kayo!" malakas na sigaw ni Echo nang dumaan sa gilid namin.
Ang bilis nilang magpatakbo ng bike ni Tadeo kaya sinaway sila n'ong lalake kanina.
"Suot mo 'to."
Umawang ang bibig ko nang ako naman ang sinuotan niya ng mga protective gears. Hindi ko maiwasang mapatitig sa kaniya.
Ang pogi niyang tingnan ngayon dahil naiipit ng suot niyang helmet ang ilang hibla ng buhok niya. Tapos nakasuot pa siya ng puting raglan shirt na kulay green ang sleeve, pinaresan niya iyon ng itim na khaki shorts at puting sneakers. Kahit yata anong porma niya ay gwapo pa rin siya sa paningin ko.
Pakiramdam ko, isa lang akong langaw kapag itinabi sa kaniya. Mga pormahan ko kasi ay simple lang. T-shirts at pedal pants lang ako tuwing may ganito kaming lakad.
Na-distract ako nang tumunog ang cellphone ko. Binasa ko ang magkasunod na text na galing sa magkaibang sender.
From: Ate Monica
Happy Birthday, Marife. Sorry, wala akong regalo sa'yo ngayon. Gipit lang. Pero sana dumalaw ka rito sa bahay. Ipagluluto kita. Matagal ka nang hindi nagpapakita sa'kin.
Napabuntong-hininga ako nang mabasa ko iyon. Simula nang mag-away kami ay hindi na ako pumunta ulit sa bahay. Hindi ko na rin siya masyadong tini-text kasi masama pa rin ang loob ko sa kaniya.
Hindi ko siya nireplayan at sunod kong tiningnan ang isang text mula sa isang unknown number.
From: Unknown number
Happy 17th Birthday, Mhae. Si Yumi 'to, hiningi ko number mo kay Hiroshin.
Sorry, dito lang kita mababati. Hindi ko kasi alam kung paano ka lalapitan.
Mag-iingat ka palagi at sana masaya ka ngayong birthday mo.
Kung gusto mong dalawin sa sementeryo sila tito at tita ay pwedeng-pwede kitang samahan.
Napahigpit ang pagkakahawak ko sa cellphone ko nang mabasa ang huling text niya. Nagdikit ang mga labi ko at paulit-ulit na bumuntong-hininga.
Bakit kailangan niya pang ipaalala na death anniversary nila Mama at Papa ngayon? Kaninang umagang panggising ko, pinilit kong alisin sa isip ko 'yon dahil gusto kong maging masaya ngayong birthday ko. Tapos ipapaalala niya lang?
Nananadya ba siya? At saka matagal na kaming hindi nag-uusap, kapag nakakasalubong kami ay tango at pekeng ngiti lang ang sinasagot ko kapag binabati niya ako. Bakit kung makipag-usap siya sa'kin ay parang magkaibigan pa rin kami?
"Oh, bakit ganyan ang mukha mo?" puna ni Hiroshin nang mapansin ang pagsalubong ng mga kilay ko. "May nang-aaway ba sa'yo sa text? Sino 'yan? Bubugbugin ko," pagbibiro niya.
Nawala ang pagsasalubong ng mga kilay ko at natawa. "Bubugbugin mo si Yumi?"
Namilog ang mga mata niya. "H-Hindi, ah! Bad kaya 'yon! Hinding-hindi ko sasaktan si Yumi."
"Nag-text kasi siya sa'kin, binigay mo raw number ko sa kaniya."
Nagbaba siya ng tingin nang sabihin ko iyon. Napakamot siya sa kilay niya at tumawa nang alanganin.
"Sorry kung binigay ko. Gusto ko lang kasi na magkausap kayo. Matagal na kayong hindi nag-uusap, eh. Nasasayangan lang ako sa friendship n'yo rati."
Bumuntong-hininga ako. "Mahirap na yatang ibalik 'yon. May iba na siyang mga kaibigan."
"Pwede pa naman siguro na makipagkaibigan ka ulit sa kaniya. Alam mo, kapag nagkakausap kami, nababanggit niya sa'kin na miss ka na raw niya."
Gusto kong mapairap dahil sa sinabi niya.
Miss? Mukhang enjoy na enjoy naman siya sa mga bago niyang kaibigan, ah. At mukhang gustong-gusto niya rin ang mga nakukuha niyang papuri mula sa mga tao ngayong patuloy ang pagsikat niya.
Ngumuso ako at hindi na sumagot pa. Binulsa ko ang phone ko dahil nagyaya na siyang mag-bike. Pinasakay niya ako roon habang nakaalalay siya sa mismong inuupuan ko at sa manibela.
"Itutulak kita tapos ikaw ang bahalang bumalanse, ha?"
"B-Baka matumba ako," takot na sabi ko pero tinawanan niya lang ako.
"Hindi ba fast learner ka? Madali lang naman bumalanse at saka nakaalalay naman ako sa'yo, eh."
"Kahit na—"
"Ready, set, go!"
Bigla niyang tinulak ang bike na sinasakyan ko kaya napilitan akong balansehin iyon.
Napatili ako nang muntik na akong matumba pero nagawa kong balansehin ang manibela habang nagpepedal ako.
Ayan! Marunong na kaagad ako!
"Whoah!" nang-aasar na sigaw nila Echo at Tadeo na sinadyang salubungin ako habang nakasakay din sa bike. Niliko nila ang mga bike nila para hindi ako mabunggo at saka tumawa ng malakas dahil sa malakas na sigaw ko.
"Ano ba kayo!" saway ni Hiroshin. "Suntukin ko mga itlog n'yo, eh!"
Nag-preno ako para lingunin sila Echo at Tadeo na tumigil din sa tabi para belatan ako.
"Dahan-dahan lang, Marife! Baka mahulog ka! Kapag nahulog ka, masasaktan ka! Mahirap na!" makahulugang pang-aasar ni Echo.
Pinandilatan ko siya ng mata pero hindi siya nagpatinag. Nginisihan niya lang ako.
Nakakainis ka, Echo!
Pinaliko ko ang bike ko para bumalik at habulin siya. Nanlaki ang mga mata niya nang mahulaan ang gusto kong gawin sa kaniya. Pinaandar niya kaagad ang bike niya para hindi ko siya mahabol.
"Habulin mo 'ko! Nye, nye! Habulin mo 'ko!" pang-aasar niya habang pilit kong hinahabol siya. Hindi pa ako sanay magpaandar ng bike kaya medyo mabagal pa ako at hirap na hirap na abutan siya.
"Argh! Echo!" inis na sigaw ko.
"Hoy! Hoy!" Paglingon ko sa likod ko ay nakasunod na sa amin si Tadeo at maging si Hiroshin. Ang bilis nilang magpedal! Naaabutan na nila ako! At ang layo na rin ni Echo!
"Marife! Dahan-dahan lang! Baka ma—" Hindi na natapos ni Hiroshin ang sinasabi niya dahil nawalan ako ng balanse at nahulog ako mula sa bike.
Napangiwi ako at buti na lang ay nakasuot ako ng protective gears. Kung hindi ay nasugatan na ako sa siko at sa tuhod.
Nagulat na lang ako nang nasa harap ko na bigla si Hiroshin at tiningnan ang siko at tuhod ko.
"Sabi sa'yo mag-ingat ka, eh. Buti na lang at hindi ka nagkasugat," panenermon niya bago ako tinulungang makatayo.
"Oy, ano? Buhay pa ba si Marife?" usisa ni Tadeo na kakarating lang. Sunod na lumapit si Echo na hinihingal at pawis na pawis.
"Bakit kasi nagpahabol ka pa? Tingnan mo nangyari kay Marife," panenermon ni Hiroshin kay Echo.
"Hala." Napahawak sa dibdib niya si Echo. "Sinabi ko bang habulin niya ako?"
"Alam mo namang hindi pa gano'n kagaling mag-bike si Marife, 'di ba?"
Tumaas ang sulok ng labi ni Echo. "Concern ka ba, men?"
"Malamang. Kaibigan natin si Marife kaya dapat—"
"Hindi ba may usapan tayo sa limitasyon?" Biglang sumeryoso si Echo pero mukhang hindi naman galit. "Hindi ka pa ba nadala kay Lovely? Kung sa kaniya mo ginagawa ang mga ginagawa mo ngayon kay Marife, siguradong iisipin n'on na may gusto ka sa kaniya."
Nagsalubong ang mga kilay ni Hiroshin. "Pa'no napunta ro'n ang usapan? At saka magkaiba silang dalawa. Kaibigan natin si Marife at si Lovely ay hindi."
Hindi ko maiwasang mapakunot ang noo dahil sa nagiging takbo ng usapan nilang dalawa.
"So sinasabi mong assumera si Lovely at si Marife ay hindi?" nakataas ang kilay na tanong ni Echo.
"Hindi naman sa gano'n. Magkaiba lang kasi silang dalawa sa pag-intindi ng mga ginagawa ko."
"Parehas pa rin silang babae, men. Sa ginagawa mo, nagbibigay ka ng mixed signals kay Marife dahil sa sobrang concern mo sa kaniya. Pwede niyang isipin na may gusto ka sa kaniya."
"Dahil nga kaibigan natin siya," mahinahon pa rin na sagot ni Hiroshin. "At alam niyang si Yumi ang gusto ko—"
"Kung gano'n, bakit mo tinago sa kaniya ang totoo na sa'yo galing ang sneakers niya noong Grade 7 tayo?" putol ni Echo.
"Parang tanga 'tong dalawang 'to. Ano bang pinag-uusapan n'yo? Bakit parang wala akong alam," sabad ni Tadeo habang pabalik-balik ang tingin kay Echo at Hiroshin.
"A-Anong sneakers?" Hindi ko na napigilan ang magtanong. "Iyong niregalo ni Ate Monica?"
Tumingin sa akin si Echo at umiling. "Kay Hiroshin galing 'yon. Pinadaan niya lang 'yon sa ate mo dahil nakita niyang sira na ang sapatos mo noon."
Natigilan ako at inalala ang araw na 'yon. Christmas noon at hindi ako sumama sa party nila. Tumingin ako kay Hiroshin, naghihintay ng paliwanag niya pero umiwas lang siya ng tingin.
"B-Bakit kailangan mong ipadaan kay Ate Monica? Bakit hindi mo sinabing galing sa'yo?" tanong ko sa kaniya.
Dinilaan niya nang pang-ibaba niyang labi bago tumingin sa akin. "P-Pasensya na, Marife. Naawa kasi ako noon sa'yo kasi sira na 'yong sneakers mo. At dahil hindi ka pumunta noong Christmas party, naisip ko na regaluhan ka pa rin."
"Hindi mo sinagot ang tanong ko—"
"Ayaw niya na mag-aasume ka na may gusto siya sa'yo." Si Echo ang sumagot. "Nadala na kasi siya kay Lovely. Inisip ni Lovely na may gusto sa kaniya si Hiroshin dahil lang sa pinahiram siya ng notes. Parang sa'kin, iniisip niya rin na may gusto ako sa kaniya por que pinapakopya ko siya palagi."
"Ayoko lang na mabigyan ng ibang meaning 'yong pagbigay ko ng regalo sa'yo, Marife," dagdag ni Hiroshin. "Noon kasi...hindi ko pa alam kung paano kita ituturing na kaibigan. Ayokong magpakita ng sobrang kaibaitan kasi baka...iba ang isipin mo. A-Ayokong may nasasaktan akong damdamin ng mga babae. Iyon ang pinakaayaw ko. Kaya hangga't maaari, itinago ko muna 'yon sa'yo. Pero no'ng tumagal naman, naisip ko na hindi ka naman katulad ni Lovely. Kaya...pinakita ko sa'yo 'yong totoong ako."
Hindi ako nakasagot. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko.
Medyo masaya? Kasi hindi niya hinayaan na mag-assume ako noon. Kung nagkataon na alam kong siya ang nagbigay ng sneakers na 'yon, baka nga mag-assume ako kasi hindi pa naman kami totally friends noon tapos mag-eeffort siyang bigyan ako ng regalo?
Pero mukhang nangingibaw ang sakit.
Masakit kasi...hindi niya man direktang sinambit ay parang sinasabi niya na rin na hindi ako pwedeng mag-aasume sa mga ginagawa niyang kabaitan. Kasi hindi niya ako gusto.
Hindi niya ako gusto.
Alam ko naman na 'yon, eh. Kahit sobra-sobrang kabaitan ang mga pinapakita niya sa'kin mula noon ay hindi ako nag-assume na gusto niya ako. Bakit niya naman ako magugustuhan? Maganda ba 'ko?
Bumuntong-hininga ako at ipinilig ang ulo ko nang paulit-ulit bago ngumiti kay Hiroshin.
"O-Okay lang... hindi ako galit, Hiroshin." Sinubukan kong patatagin ang boses ko para hindi niya mahalatang nasasaktan ako.
Nakita ko sa gilid ng mata ko ang pag-iling ni Echo na parang hindi siya naniniwala sa sinasabi ko. Gumuhit ang matamis ngiti sa labi ni Hiroshin.
"T-Tara na! Mag-bike na ulit tayo!" aya ko sa kanilang tatlo.
Pinatayo ko ang bike ko at sumakay ulit. Nagpatiuna akong magpedal at pasimpleng pinunasan ang luhang tumulo mula sa mata ko.
Hindi ka niya gusto, Marife. Si Yumi ang gusto niya at wala nang iba.
Noong araw na 'yon, na-realize ko na habang tumatanda ako ay mas lumalalim ang paghangang nararamdaman ko para kay Hiroshin.
Paghangan pa ba 'to? Pero bakit may gumuguhit na kirot sa puso ko ngayon? Mahal ko na ba si Hiroshin?
Napakabilis ng araw. Recognition ngayong araw ng mga taga-Regular Class at kasama si Yumi sa aakyat ng stage dahil katulad ng dati, nasungkit niya ulit ang top one. Marami siyang nahakot na awards ngayong taon dahil bukod sa maraming beses nanalo ang dance troupe nila ay lumaban din siya sa isang beauty contest at siya ang nanalo.
Hindi sana ako pupunta pero niyaya ako ni Echo dahil magkakaroon ng performance si Yumi at Hiroshin bilang powerful loveteam ng Henderson University. Silang dalawa na kasi ang pinakasikat na influencer ngayon sa Tiktok kahit hindi pa sila nagkakaroon ng content nang magkasama.
Kaya naman, nang sumayaw sila sa stage ay nagwala ang mga nanonood sa kanila. Hindi ko alam na may fan club na pala sila, nakita ko 'yong isang tarpaulin na may picture nilang dalawa.
Sinayaw nilang dalawa 'yong sinayaw nila dati na dahilan kung bakit sila sumikat. Hindi ko maitatanggi na nag-uumpaw ang appeal ng dalawa tuwing magkasama sa iisang lugar. Iyon yata ang dahilan kung bakit hindi sila nalalaos.
Hindi ko tuloy alam kung ano ang mararamdaman ko.
Natutuwa ako para kay Hiroshin dahil deserved niya ang kasikatan na tinatamo niya. Pero hindi ko magawang maging lubos na masaya dahil si Yumi ang kasama niya.
Mali man pero...palaki nang palaki ang inggit na nararamdaman ko kay Yumi. Habang nakatingin ako sa kaniya ngayon ay nanliliit ako. Kasi siya...nasa tuktok na, habang ako... sinusubukan pa ring siyang mahabol. Pero paano ko magagawa 'yon kung kahit sa sarili ko ay wala akong tiwala? Paano ko siya mahahabol kung paulit-ulit na pinapamukha sa akin ng mundo na hindi ko siya kayang pantayan?
Natapos ang performance nila at hindi ko nagawang pumalakpak dahil sa tumatakbo sa isip ko.
"Anong sabi ko sa'yo dati?" Kinalabit ako ni Echo kaya napatingin ako sa kaniya. "Iba ang nagagawa ng inggit sa isang tao."
Kumunot ang noo ko. "Pinagsasabi mo?"
Tumaas ang sulok ng labi niya. "Kitang-kita sa mga mata mo na naiingit ka kay Yumi." Pumalatak siya. "Mahirap nang alisin 'yan, Marife."
Hindi ako nakasagot dahil tinamaan ako.
Ano naman kung inggit ako kay Yumi? Ngayon lang 'to. Magagawa ko rin siyang lampasan balang-araw.
Nang bumaba sila ng stage ay inalalayan ni Hiroshin si Yumi sa pagbaba. Hindi pa man sila tuluyang nakakababa ay sinalubong na sila ng mga fans nila para magpa-picture. Na-stress tuloy si Dean Apollo na siyang magsi-speech sana dahil nagkagulo sa baba ng stage. Mabuti na lang at dumating 'yong dalawang guard para suwayin sila.
Pagkatapos niyon ay tuwang-tuwa si Hiroshin habang kinikwento ang nangyari na para bang hindi kami nanood ni Echo. Uumupo siya sa pwesto namin sa bandang likod. Si Yumi ay kausap si Tita Vicky.
"Kilig na kilig, amp," pang-aasar ni Echo kay Hiroshin.
"Lambot ng kamay niya, repapips."
Nanonood pa kami ng huling performance para sa Recognition Rites. Natuon ang atensyon ko sa tumutugtog na banda sa stage. Nakatingin lang ako sa vocalist at pinapanood siyang kumanta habang hawak ang isang microphone.
Ini-imagine ko ang sarili na kumakanta rin sa harap ng maraming tao. Pero naiisip ko pa lang ay parang hindi ko na kaya. Isa akong introvert, takot sa maraming tao, mahiyain at palaging nakayuko. Bakit ko papangarapin ang maging katulad niya kung takot akong ipakita ang mukha ko sa iba?
"Parang gusto kong sumali ng music club next year."
Napatingin ako kay Hiroshin nang sabihin niya 'yon. Napangiti ako dahil parehas pala talaga kaming interesado sa music.
"Bakit hindi ka sumali?" usisa ko.
Wala namang pipigil sa kaniya. Confident naman siya hindi katulad ko. Magiging masaya ako kapag siya ang tumupad sa gusto ko.
"Hindi ba ayaw mo sa dance troupe dati kasi magiging busy ka?" kontra naman ni Echo.
"Naisip ko lang naman. Saka 'yong pagsasayaw kasi libangan ko lang 'yan. Music talaga ang passion ko."
Dahil sa sinabi niya ay naging curious tuloy ako kung paano siya kumanta, kung maganda ba ang boses niya, kung magaling din ba siyang magpatugtog ng gitara. Never ko pa si siya narinig na kumanta.
"Ano sa tingin mo, Marife?" baling niya sa'kin na siyang ikinagulat ko.
"A-Ah…" Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. "K-Kung...gusto mo talagang sumali sa Music Club, may paraan naman. Mas magiging busy ka nga lang kasi may work tayo kapag gabi, 'di ba?"
"Sige." Ngumiti siya. "Pag-iisipan ko 'yan."
Ngumiti na rin ako. Paborito ko na yatang titigan ang dimple niya tuwing ngumingiti siya.
"Sasali ka do'n pero hindi naman maganda boses mo," pang-aasar ni Echo kay Hiroshin.
Tumawa siya. "Hindi ka sigurado riyan, men. Ayoko lang magyabang."
"Weh? Parinig mo nga."
"Saka na. May tamang panahon para riyan."
Pagkatapos ng araw na 'yon ay isang nakakabanas na balita ang natanggap namin mula kay Ma'am Jade.
"Tinanggap na po namin na walang bayad ang overtime namin, pero 'yong magkaroon kami ng tig-dalawang day off per week? Parang ibang usapan na po 'yon."
Nakayuko lang kami ni Hiroshin habang hinahayaan si Echo na makipagdebate kay Ma'am Jade.
Mula kasi nang magbakasyon kami ay nagsialisan na ang mga kasamahan namin at natira kami ni Echo at Hiroshin. Kaya ang siste, naging pang-umaga na kaming tatlo at nagsasara na kami pagdating ng 9 PM. Bale mula 9 AM hanggang 9 PM ay nagtatrabaho kami pero 'yong sahod ay gano'n pa rin—walang OT!
Tapos ngayon, gusto niya pa na magkaroon kami ng dalawang day off per week? Ano 'yon? Pa'no naman ang mga pangangailangan ko? Namin?
"Alam kong alam n'yo na malaki ang binaba ng sales natin ngayong taon," giit ni Ma'am Jade. "Hindi pwedeng tatlo-tatlo kayong binabayaran sa isang araw tapos mababa ang sale. Malulugi ako."
"Tapos kami po ang ginigipit ninyo ngayon? Hindi po namin kasalanan 'yon. Kayo po mismo ang nag-utos sa amin na bawasan ang bawat sukat ng mga ingredients na nilalagay namin sa mga pagkain para makatipid. Napansin po 'yon ng mga tao kaya mas pinipili na nilang bumili sa kabila," tukoy ni Echo sa Dreamy na nakatayo sa harap ng Henderson University.
"Naiintindihan ko naman kung saan ka nanggagaling, Echo..." Bumuntong-hininga si Ma'am Jade. "Pero kailangan, eh."
"Ma'am Jade…" tawag ko at bumaling naman siya sa'kin. "Baka pwede po na huwag muna ngayong bakasyon. Kasi...nag-iipon po kami parehas ng pang-enrollment fee sa darating na pasukan. Kailangan na kailangan po namin ng pera."
Bakas sa mukha niya ang pagtutol pero mukhang wala na siyang magagawa kung hindi ang tumango.
"Nakakaumay, amputa..." bulong ni Echo pagkaalis ni Ma'am Jade. "Kung hindi ko lang kailangan ng trabaho, hindi ako magtitiyaga rito. Por que minors tayo, sasamantalahin niya?"
"Malapit na tayong mag-disi-otso, tanga," pambabara ni Hiroshin. Tahimik lang ako sa gilid.
Hindi tulad dati, halos wala nang pumapasok na costumers sa amin. Marami na rin kasi ang nagrereklamo na nag-iba raw ang lasa ng tinda namin. Sa kagustuhan kasi ni Ma'am Jade na maparami ang kita niya sa pamamagitan ng pagtitipid sa ingredients ay ito ang napala niya. Ang bilis talaga ng karma.
Kahit gano'n ay nakaraos pa rin naman kami hanggang sa dumating ang araw ng enrollment.
Dahil pasukan na, naghanap ng bagong crew si Ma'am Jade para maging kapalitan namin. Sa gabi na ulit kami naka-assign dahil nga may pasok na kami sa umaga.
Napakabilis ng panahon at Grade 10 na kami. Malapit na kaming matapos sa pagiging Junior High School pero 'yong feelings ko kay Hiroshin ay hindi ko pa rin nasasabi.
Bakit pa? Kapag sinabi ko ba sa kaniya na gusto ko siya ay magugustuhan niya rin ako pabalik? Parang imposible naman yatang mangyari 'yon.
Pagdating ng election sa class officers ay nagulat ako nang ma-elect ako bilang vice-president habang si Hope pa rin ang president. Sa mga nagdaang taon, si Yumi ang palaging naboboto bilang vice-president pero ang sabi ng mga kaklase ko ay para maiba naman daw. Nakaramdam ako ng tuwa dahil doon.
Pagdating ng unang linggo ng July, naging usap-usapan ang pagsali ni Hiroshin sa Music Club. Hindi ko alam kung ano ang nag-motivate sa kaniya para sumali siya roon pero masaya pa rin ako para sa kaniya. Iyon ang passion niya, eh...na passion ko rin.
"Nasa'n si Hiroshin?" tanong ko kay Echo pagkatapos kong ilagay ang bag ko sa upuan. Grade 10 na kami pero aphabetically arranged pa rin ang mga upuan namin.
"Ewan ko ro'n. May meeting daw sila sa Music Club. Wala nga rin 'yong tatlong ulupong, eh," tukoy niya sa Madrigal triplets.
"Uy, punta tayo sa music room! Nando'n sila Hiroshin at Yumi!" sigaw ng kaklase naming si Apple habang nakasilip sa pinto, hinihingal.
Nagkatinginan kami ni Echo. Lumagpas ang tingin ko at nakita ko si Lovely na nakangisi at nakataas ang kilay sa akin.
Kumalabog sa kaba ang dibdib ko at hindi ko alam kung bakit. Dala ng curiosity, pumunta kaming lahat sa music room na nasa first floor. Hindi pa naman kami nagsi-start dahil wala pa si Ma'am Veronica na class adviser namin.
Pagdating namin doon ay katakot-takot na tilian ng mga kaklase kong babae ang narinig ko. Isiniksik ko ang sarili ko sa mga nakikinood para makapasok ako sa loob.
"Padaan ako!" Nauubusan na ako ng pasensya dahil ayaw nila akong pagbigyan na makadaan.
Por que maliit ako, ginaganito na nila ako!
Nagpumilit pa rin akong makapasok hanggang sa magtagumpay ako.
Pero sana pala hindi na lang ako nagpumilit na pumasok. Hindi ko sana nakita si Yumi nang may piring ang mga mata habang katabi si Cathy at Sole na kilig na kilig. Nasa harap nila ang banda ng Madrigal triplets. Si Hiroshin, nakatayo siya sa harap ng microphone stand habang nakatingin kay Yumi.
"Pasensya na kung kailangan ko munang ipatakpan ang mga mata mo habang nagsasalita ako ngayon sa harap mo," panimula ni Hiroshin. "Hindi ko kasi kayang mag-confess nang nakatingin ka sa'kin, eh." Tumawa siya.
"Nakakakilig naman sila!"
"Magco-confess na siya! OMG!"
Paulit-ulit akong napalunok habang nakatingin sa harap. Pakiramdam ko, unti-unting napupunit ang puso ko. Parang gusto ko na lang huminto ang oras para mapigilan si Hiroshin sa binabalak niya.
Expected ko na to, eh. Alam kong darating ang araw na aamin si Hiroshin kay Yumi...pero hindi pa rin ako naging handa sa pagkakataong 'to.
Narinig ko ang paulit-ulit na pagbuntong-hininga ni Hiroshin sa hawak niyang microphone. Bakas ang kaba sa mga mata niya pero maayos pa rin naman ang postura niya. Suot niya pa 'yong…cap na binili ko para sa kaniya.
Ang saklap.
"Kaya mo 'yan, bro!" pangtsi-cheer ni Alex habang hawak ang isang bass guitar.
Mukha namang walang pakialam si Zach habang hawak ang dalawang drumstick at nakaupo sa harap ng drum set. Si Vince, nakatayo sa harap ng isang keyboard.
"G-Gusto kong...malaman mo, Yumi….na..."
Bumilis ang kabog ng dibdib ko habang pigil ang hiningang hinihintay ang susunod na sasabihin ni Hiroshin.
Narinig ko ang impit na tilian ng mga kaklase kong babae lalo na ni Cathy at Sole na kinurot pa sa tagiliran si Yumi. Hindi ko makita ang reaksyon ni Yumi dahil nakatalikod siya sa direksyon namin.
Tumikhim si Hiroshin at kinalabit nang isang beses ang hawak na gitara at muling tumingin kay Yumi.
"Hindi ako kumakanta sa harap ng ibang tao, pero ngayong kaharap kita, gusto kong ikaw ang unang makarinig kung paano ako umawit." Gumuhit ang maangas na ngiti sa labi ni Hiroshin, ang kaninang kaba na nakikita ko sa mga mata niya ay naglahong parang bula. "Kaya Mayumi Rizal...gusto kong malaman mo na..."
Kinalabit niya ang hawak niyang gitara at nagsimulang kumanta.
"Pinipigil...ang damdaming nadama sa unang tagpo...Nililihim ang damdamin, 'pag nandyan ka'y hindi matago…"
Biglang tumugtog ang banda na siyang ikinagulat naming lahat.
"Puso ko'y hindi mapapagod...ipadama sa'yo totoo… Ang tunay na pag-ibig...para sa'yo...para sa'yo...Ang tunay na pag-ibig...para sa'yo...para sa'yo..."
Kumikirot ang puso ko, pero hindi ko maitatanggi na maganda ang boses ni Hiroshin. Ngayong ko lang napansin na mas lumalim at mas lumamig ang boses niya kumpara noong Grade 7 kami. Kapag kumakanta siya, halatang sa puso niya galing. Idagdag pa ang ekpertong pagkalabit ng mga daliri niya sa string ng hawak niyang gitara. Hindi ko tuloy maiwasang mas lalong humanga sa kaniya.
Pa'no mahulog habang nasasaktan? Itong moment na 'to ang halimbawa.
"Yumi...gusto kong malaman mo na...mula elementary hanggang ngayon, ikaw lang ang naging crush ko. At alam ko sa sarili ko na hindi lang 'to basta crush. Bago pa tayo sumikat sa Tiktok at bago pa tayo i-ship ng mga tao, alam kong gusto na kita. At ngayong malalaki na tayo ay hindi ako mahihiyang sabihin sa'yo na…" Ngumiti nang napakalawak si Hiroshin na ikinadurog ng puso ko. Ang mga mata niya habang nakatitig kay Yumi... kumikislap sa tuwa at puno ng pagmamahal.
Hiroshin…
"Hindi ako mahihiyang sabihin sa'yo na ako si Sasuke. Ako ang numero unong tagahanga mo mula pa noon. At...mahal kita, Yumi…"
Kasabay ng paglagapak ng puso ko ay ang malakas na tilian ng mga tao sa paligid. Para akong nabingi. Pigil ko ang hininga ko habang nakatitig sa mukha ni Hiroshin. Unti-unting lumabo ang paningin ko dahil sa pamamasa ng mga mata ko. Napahawak ako sa dibdib ko na para bang maaalis niyon ang sakit na nararamdaman ko sa parteng 'yon.
Bakit ko kailangang masaktan nang ganito para lang ma-realize ko na mahal na kita, Hiroshin?
Ang sakit. Pusangina.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top