17. Kabahan Ka Na
C H A P T E R 17:
Kabahan ka na
Dahil meron na akong sariling cellphone, nagagawa ko nang makita ang lumalagong kasikatan ni Hiroshin at Yumi sa Tiktok. Nag-download ako n'on para ma-follow si Hiroshin at doon ko nalaman na marami na silang duet na ginawa pero wala ni isang video na magkasama sila.
Kinagat ko ang pang-itaas kong labi. Itinago ko ang cellphone ko nang makitang pinaskil na ng class adviser namin ang manila paper kung saan nakasulat ang top ten para sa first quarter.
Wala si Ate Monica dahil busy raw siya kaya ako na lang ang kumuha ng report card ko. Wala namang bagsak kaya okay lang.
"Top one ka na naman Yumi!" tuwang-tuwang balita ni Cathy.
"Marife! Congrats! Top two ka ulit!" sabi ni Tadeo, kasama niya 'yong mama niya.
Nag-thumbs up naman sa'kin si Echo habang si Hiroshin ay hindi ako magawang batiin dahil nakatutok ang atensyon niya kay Yumi.
Hindi na bago sa'kin 'to pero hindi pa rin ako sanay. Hindi pa rin ako sanay na nalalamangan ni Yumi. Hindi pa rin ako sanay na may ibang gusto si Hiroshin.
Pagkatapos kong ibalik ang report card ko ay umalis na ako roon. May ipapa-print pa ako mula sa USB na hiniram ko kay Echo para sa group project.
"Si Hope! Nasa rooftop si Hope!"
Napalingon ako sa kaklase kong tumatakbo papasok ng room namin.
"Si Hope! Tulungan natin si Hope!" tarantang sigaw niya.
Natigil ako sa paglalakad at nakita ko ang paglabas ng dalawa sa Madrigal triplets mula sa loob ng room. Sa bilis ng pagtakbo nila ay mabilis din silang nawala sa paningin namin. Nagsilabasan ang iba ko pang mga kaklase at mga magulang kasama ang class adviser namin, puno ng pag-aalala ang mukha.
Gusto naming sumunod sa taas pero pinigilan kami ng class adviser namin. Naghintay kami hanggang sa makita na lang namin si Hope kasama ang Madrigal triplets kasama ang isang security guard.
"Hope!" Patakbong lumapit sa kanila si Yumi. "Ano bang ginawa mo?!" naiiyak na tanong niya habang yakap si Hope.
Hindi ko alam kung maiinggit ako o maaawa kay Hope dahil halatang concern sa kaniya si Yumi, samantalang sa'kin...parang wala siyang pakialam.
Pagkatapos ng pangyayaring iyon ay pinatawag ang parents ni Hope. Nalaman namin na nagkaproblema sa grades si Hope at sumabay pa ang problema nito sa pamilya. Samot-saring reaksyon ang narinig ko mula sa mga kaklase ko pero mas nanaig ang mga naaawa sa kaniya.
"Nakakaawa si Hope..."
Nag-angat ako ng tingin kay Hiroshin habang hinihintay ang may-ari ng computer shop na matapos sa pag-print. Sinamahan niya akong magpa-print dahil nasa training si Echo at si Tadeo naman ay isinama na pauwi ng mama niya.
"Dahil sa grades nagkagano'n siya..." patuloy niya habang nakatulala. Hawak niya ang isang plastic na may laman na samalamig. Nakaipit lang sa mga labi niya ang straw at hindi niya sinisipsip.
"May mga tao kasi na conscious sa grades nila kasi pakiramdam nila ay doon nakabase ang magiging tingin sa kanila ng mga tao," mahabang paliwanag ko.
Naiintindihan ko si Hope kung bakit siya nagkagano'n. Nawala kasi siya sa top ten bigla at masakit 'yon para sa kaniya. Nakikita ko tuloy ang sarili ko sa kaniya. Siguro kapag nawala rin ako sa top ten ay baka gano'n din ang gawin ko. Siempre mapapaisip ako na pangit na nga ako tapos kulelat pa ako pagdating sa pag-aaral?
"Hindi naman importante ang grades, eh," kontra ni Hiroshin. "Kumbaga, bonus lang 'yon kapag nag-aral ka nang mabuti. Pero kung hindi mo naman kaya, hindi mo kailangang pilitin. Okay na 'yong may natututunan ka."
Napatitig ako sa kaniya dahil sa mga salitang binitawan niya. Tumingin din siya sa'kin habang kagat pa rin ang straw ng samalamig. Tumaas ang mga kilay niya, naghihintay sa sasabihin ko.
"P-Paano kapag pakiramdam niya ay doon lang siya magaling? Doon lang siya makikilala? Siempre masakit para sa kaniya 'yon."
Bumuntong-hininga siya at ibinaba ang kamay na may hawak na samalamig.
"Alam mo, nasa isip niya lang naman kasi 'yon, eh. Mahirap kasi kapag perfectionist ang isang tao, 'yong tipong takot siyang magkamali. Kaya kapag hindi niya nagagawa ang isang bagay, pakiramdam niya ay katapusan na ng mundo."
Hindi ako nakasagot sa sinabi niya at nanatili lang akong nakatitig.
"Tingnan mo ikaw..." dagdag niya. "Kahit hindi ka top one, parang wala lang sa'yo. Kasi alam mo sa sarili mo na magaling ka. Nasa tiwala kasi 'yon sa kakayahan mo."
Umawang ang bibig ko. Kung gano'n ay inaakala niya na parang wala lang sa'kin na naging top two lang ako. Hindi niya ba nahahalata na disappointed ako?
"Hindi mo naman kailangan maging top one o makasama sa top ten para mapansin ka ng mga tao. Ikaw, kahit top two ka, proud na proud pa rin ako sa'yo. Kung wala nga lang si Yumi baka ikaw ang naging crush ko…pero loyal ako, eh." Tumawa siya bago humigop ulit ng samalamig.
Napatulala na lang ako sa sinabi niya. Naalala ko 'yong araw na tinatak ko sa isip ko na kailangan kong maging top one para magustuhan niya rin ako.
Naisip ko…kahit maging top one ako, si Yumi pa rin ang magugustuhan niya. At hindi ko kailangan na maging top one kasi proud na siya sa'kin kahit top two lang ako.
Wala sa sariling napangiti ako habang nakatitig sa kaniya.
Mabilis na lumipas ang araw at buwan, hindi ko namalayan na patapos na kami sa pagiging Grade 8 student. Hindi ko alam pero kahit hindi ulit ako ang naging top one ngayong taon ay magaan pa rin ang pakiramdam ko dahil sa sinabi ni Hiroshin.
Habang tumatagal, lumalalim ang pagkakaibigang namumuo sa pagitan naming apat ni Echo, Tadeo at Hiroshin at masaya ako roon. Kasabay n'on, ang pagdami ng tagahanga ng HiroMi—ang bansag sa tambalan ni Hiroshin at Yumi sa Tiktok.
Dumami pa yata ang fans nila dahil noong may dance competition ang dance troupe kung saan kasama si Yumi ay nag-champion sila.
Marami rin ang nag-aabang na gumawa ng content sa Tiktok ang HiroMi habang magkasama at lalo iyon nakadagdag sa excitement ng mga fans nila. Puro lang daw kasi duet ang ginagawa ng dalawa. Nang tanungin ko si Hiroshin tungkol doon ay nahihiya raw siya. Saka na lang daw kapag handa na siyang umamin.
Sakim man pakinggan pero hinihiling ko na sana hindi dumating ang araw na maging handa si Hiroshin na umamin kay Yumi. Dahil alam ko, nararamdaman ko na malaki ang posibilidad na magustuhan siya ni Yumi—o baka nga may gusto na siya pero hindi lang siya umaamin.
"Hoy! Magtrabaho ka!" pangungulat sa akin ni Echo. Nakaupo lang kasi ako sa upuan habang nanonood ng videos ng mga sikat na Tiktok influencers.
"Kakaupo ko lang naman, ah. At saka wala pa namang costumers," nakangusong sabi ko.
Sumilip siya sa pinapanood ko at narinig ko ang pag-ismid niya. "Naks, pinapanood mo si Hiroshin. Ayan lang siya, oh." Tinuro niya si Hiroshin na nasa counter at may sinusulat.
Nag-scroll up kaagad ako para hindi niya ako asarin. Nagkataon lang naman na lumitaw 'yong video ni Hiroshin sa 'For You' page ko.
"Crush na crush na crush kita..." pagkanta niya, nang-aasar.
Siniko ko ang tiyan niya. "Doon ka na nga."
"Echo, ikaw muna rito. Magbabanyo ako." Tinawag siya ni Hiroshin. Nagpasalamat ako dahil nawalan ng asungot habang nagpapahinga ako.
"Marife! Pst!" pabulong na tawag ni Echo. Nasa counter na siya at nakita ko ang pagpasok ng isang lalake na mukhang foreigner. "Halika rito!"
Napakunot ang noo ko pero tumayo pa rin ako. Itinago ko ang phone ko sa bag ko at naghugas ng kamay bago lumapit kay Echo.
"Ano?"
"Kausapin mo 'yan. Baka englishin ako, masapok ko lang 'yan," pabulong na sabi niya.
"Excuse me," untag ng costumer.
"Kausapin mo." Siniko ako ni Echo pero siniko ko rin siya at pinandilatan.
"Ikaw ang nasa counter, ikaw ang kumausap."
"Anak ng—"
Tumikhim ang costumer. "I just want to ask about the direction. I think I'm losing...I was just roaming around and then—"
"Sorry, no English! No English here in the Philippines!" sabi ni Echo, may pag-iling pa.
"Hoy, tumigil ka nga!" Siniko ko ulit siya bago binalingan ang foreigner na costumer. "Uh...pa'no ko ba sasabihin..."
"Top two ka niyan?" pang-aasar ni Echo.
Napabuntong-hininga ako, nagpipigil na hilain ang buhok ni Echo. Minsan nakakainis na siya!
Napakamot sa ulo ang foreigner na kaharap namin habang palipat-lipat ang tingin sa aming dalawa ni Echo.
"Uh...nevermind. Seems like you two have a problem to each other. Please don't argue while doing your job. Lover's quarrel, it is." Napailing siya, natatawa pa.
"Ano?!" Pakiramdam ko ay lumaki ang butas ng ilong ko dahil sa sinabi niya.
Umiling ulit ang foreigner bago tuluyang lumabas.
"Ano 'yon? May narinig akong lover's quarrel?" Lumabas mula sa banyo si Hiroshin habang nagpupunas ng kamay gamit ang towel.
"Akala 'ata ng foreigner mag-syota kami ni Marife!" natatawang sabi ni Echo.
"Tumagil ka nga!" saway ko sa kaniya.
"Aba, ikaw pa lugi niyan?"
"Marife..." tawag ni Hiroshin. Nang tingnan ko siya ay nakatingin siya sa labas ng glass wall kaya napasunod din ang tingin ko.
May babaeng nakatalikod habang kausap 'yong foreigner kanina. Tatanungin ko sana si Hiroshin kung anong meron pero nakita kong bumaling pagilid ang ulo ng babae.
Nanlaki ang mga ko nang makilala siya. Kahit naka-side view ay kilalang-kilala ko ang bawat parte ng mukha niya. Hindi ako pwedeng magkamali.
"Siya 'yong...girlfriend ng ate mo, 'di ba?" maingat na tanong ni Hiroshin.
"Hala, tomboy ba ate mo, Marife? Parang hindi naman halata," usisa ni Echo pero hindi ko siya sinagot.
Hindi ko namalayan na nakakuyom na ang mga kamao ko habang nakatingin kay Ate Carrie. Inalis ko ang suot kong apron at visor at lalabas sana pero pinigilan ako ni Hiroshin sa braso.
"Teka! Chill ka lang. Nakasuot ka ng uniform. Hindi pwedeng magpadalos-dalos."
"Eh di huhubarin ko!" Sa gigil ko ay hindi ko na napigilan na magtaas ng boses.
"Puta, huwag! Ang wild mo naman n'on!" pigil ni Echo.
"Relax ka lang," pagpapakalma sa akin ni Hiroshin. "Paalis na rin naman sila."
Sumakay na sa isang makintab at kulay itim na kotse si Ate Carrie kasama ang foreigner na 'yon. Gustong-gusto ko siyang sugurin pero tama si Hiroshin na hindi ako pwedeng magpadalos-dalos.
"Kung girlfriend 'yon ng ate mo, bakit may kasamang foreigner?" tanong ni Echo pero hindi ko siya sinagot.
Nagkatinginan kami ni Hiroshin at bakas ang simpatya sa mga mata niya.
Hindi na ako nakapag-focus sa trabaho ko dahil doon. Dahil bakasyon ngayon ay pang-umaga ang duty naming tatlo at alas-nwebe ng gabi ang out namin. Nagmadali akong lumabas ng Dreamy nang dumating na ang kapalitan namin. Hindi ko nga napansin na nauuna na akong maglakad kanila Echo at Hiroshin.
"Marife! Hintayin mo naman kami!" sigaw ni Echo. "Kapag hinabol ka ng aso huwag kang magtatago sa'min, ah!"
Tumigil ako sa paglalakad at nilingon silang dalawa. Bigla akong natakot sa sinabi niya.
"Ba't ka nagmamadali?" usisa ni Hiroshin nang maabutan na nila ako.
Kinagat ko ang pang-itaas kong labi bago sumagot. "Pupuntahan ko si Ate Monica."
"Hindi ba pwedeng i-text mo na lang siya?"
Umiling ako at nagpatuloy sa paglalakad, sumunod naman sila. "Gusto ko siyang makausap nang personal...pati si Ate Carrie." Kusang nagkuyom ang mga kamao ko nang maalala ang nakita ko kanina.
"Gusto mong sumabay na lang sa'kin pauwi sa San Fernando?"
Tumingin ako sa kaniya. "Sasabay ako sa bike mo?"
"Pwede! Ang sweet n'on!" mapang-asar na sabad ni Echo. Abala siya sa cellphone niya pero nakukuha niya pa rin mang-asar.
Hindi ko siya sinagot dahil baka makahalata si Hiroshin sa magiging reaksyon ko.
"May upuan naman sa likod 'yong bike ko, eh. Tipid ka pa sa pamasahe," dagdag ni Hiroshin.
Sa kabila ng inis na nararamdaman ko kay Ate Carrie ay nakaramdam pa rin ako ng kilig sa sinabi ni Hiroshin.
Pumayag ako sa suggestion niya kaya sumabay ako papunta sa bahay nila Echo. Doon pa rin iniiwan ni Hiroshin ang bike niya dahil takot na takot siyang manakaw kapag sa gilid-gilid niya lang nilagay.
"Nasaan sila Mama at Papa mo?" tanong ni Hiroshin kay Echo pagbukas niya ng gate ng bahay nila.
"Ah...ewan." Napakamot si Echo sa batok niya. "Nasa pasyalan yata. Kunin mo na bike mo. Huwag ka nang magtanong nang magtanong."
"Sungit. May regla yata 'to."
"Tanginang 'to. Kiss kita sa lips, eh."
"Dugyot!"
Gusto kong mapasimangot sa kanilang dalawa. Bakit ko ba naging kaibigan 'tong mga loko-lokong 'to?
Nagpaalam na kami kay Echo bago ako sumakay sa bandang likuran ng bike ni Hiroshin.
"Hawak ka sa'kin. Baka mahulog ka."
"Nahulog na nga, eh," natatawang bulong ko.
"Huh?" Lumingon siya sa'kin, nakakunot ang noo. "Sorry, hindi ko narinig."
"W-Wala naman akong sinasabi, ah." Umiwas ako ng tingin.
"Ah okay. Hawak na."
Nilagay niya sa harap ang bag niya at saka inayos ang pagkakalagay ng suot na cap. Gamit niya pala ngayon 'yong niregalo ko sa kaniya.
Kagat ang pang-itaas na labi, humawak ako sa bewang niya habang nagpipigil ng ngiti.
"Kapit ka lang. Mahirap na kapag nahulog ka," natatawang sambit niya bago nagsimulang paandarin ang bike.
Napapikit ako habang sinasalubong ng mukha ko ang malamig na hangin. Sa gilid lang kami ng kalsada dumadaan at mabagal lang ang pagpedal ni Hiroshin.
First time ko umangkas sa bike at kahit noon pa man ay gusto ko na matuto mag-bike kaya lang ay wala naman kaming pambili. Hindi ko akalain na siya ang kasama ko ngayon habang ini-experience ang ganitong bagay.
Ilang minuto ang lumipas nang biglang tumigil si Hiroshin sa tabi ng kalsada at bumaba. Nagtataka man ay bumaba na rin ako.
"Bakit?" tanong ko.
"Kain muna tayo?" nakangiting aya niya.
Napatingin ako sa gilid kung saan naroon ang isang maliit na tindahan. May malaki itong payong at may malaki rin na kaldero sa ibabaw ng mesa. Nakapaligid rito ang mga taong may hawak na plastic bowl at kumakain habang nakatayo.
"Pares?" Tumaas ang kilay ko at tumingin pabalik kay Hiroshin.
Nagkibit-balikat siya. "Kumakain ka ba niyan?"
Kinagat ko ang pang-itaas kong labi para mapigilan ang mapangiti. Baka mahalata niyang kinikilig ako sa simpleng pag-aya niya.
Dahil nakakaramdam ako ng gutom ay pumayag na rin ako. Nag-order siya ng dalawang fried rice at dalawang order ng pares.
First time ko kumain n'on pero parang naging instant favorite ko na nang matikman ko.
"Masarap?" untag ni Hiroshin. Nasa gutter kami nakaupo dahil wala nang pwesto roon. Kaunti na lang din ang dumadaan na mga sasakyan sa kalsada.
"Masarap," sagot ko habang puno ang bibig ko.
"Hindi halata na masarap. Pangalawang order mo na 'yan, eh," natatawang sabi niya.
Hinigop ko ang sabaw at napatingin sa plastic bowl niyang may kaunting laman ng pares.
Napatigil sa pagnguya si Hiroshin at napatingin sa akin tapos tumingin sa Pares niya.
Namilog ang mga mata niyang singkit. "G-Gusto mo?"
"Hindi mo naman na kinakain. Sayang naman."
Umawang ang bibig niya. "Pero...nakutsara ko na 'to, eh. May laway ko na."
"Ice cream ko nga dinilaan mo pero kinain ko pa rin," natatawang sagot ko.
"Order na lang kita ulit." Tumayo siya pero hinila ko ang damit niya para pigilan siya.
"Huwag na."
Dahan-dahan siyang umupo ulit habang hawak ang isang plastic bowl na may laman na fried rice.
"Kung ayaw mong ibigay okay lang." Umiwas ako ng tingin at inubos na lang ang kinakain ko.
"Oh, sa'yo na." Nilapag niya sa gilid ko ang pares niya. "Huwag ka nang ngumuso riyan."
Kinagat ko ang pang-itaas kong labi bago nagsalita. "Salamat!"
Tumawa siya at ginulo ang buhok ko.
Pagkatapos naming kumain ay tumambay muna kami nang ilang minuto bago umalis. Kung kanina ay mabagal ang pagpapatakbo niya, ngayon ay bumilis na. Malapit na raw kasi mag-curfew.
"Higpit ng kapit mo, ah!" tumatawang sabi ni Hiroshin habang umaandar ang sinasakyan naming bike. "Natatakot ka? Babagalan ko 'to!"
"Hindi, okay lang! Nag-eenjoy nga ako, eh!"
"First time mong makasakay ng bike?! Gusto mo turuan kita?!"
"Saka na kapag hindi busy!"
"Wokay!"
Nagsimulang gumewang-gewang ang bike kaya napatili ako nang malakas at mas humigpit ang pagkakahawak ko sa bewang niya. Humalakhak siya sa sarili niyang kalokohan.
"Pwede kang singer, taas ng boses mo." Tumawa siya at ginaya kung paano ako sumigaw kanina. Nasa tapat na kami ng bahay namin.
Nagiging bully na siya. Kaasar.
"Uy, joke lang 'yon, ah! Baka magalit ka at siraan mo ako kay Yumi!"
"Hindi na kami close n'on," bitter na sagot ko. "Sige na. Salamat."
"Turuan kita minsan, ah," pahabol niya.
"Sige." Pumasok na ako ng gate namin at saka ako lumingon sa kaniya. Nakatanaw na siya sa direksyon kung saan naroon ang bahay nila Yumi. Nakaramdam ako ng kirot sa puso ko pero bumuntong-hininga na lang ako.
Kumatok ako sa pinto at nakarinig ako ng yabag. Nang bumukas iyon ay bumungad ang nakasimangot na mukha ni Ate Carrie pero napalitan iyon ng gulat nang makita ako.
Nagkuyom ang mga kamao ko at gustong-gusto ko siyang sabunutan pero nagpigil ako.
Hindi ko siya pinansin at nilampasan ko lang siya. Nilibot ko ang paningin ko sa sala at hindi ko nakita si Ate Monica.
"Nasaan si Ate Monica?" tanong ko.
"Ano bang kailangan—"
"Hindi ikaw ang kailangan kong kausapin kaya manahimik ka!" paasik na baling ko sa kaniya na ikinagulat niya.
"Marife?"
Napalingon ako kay Ate Monica na kakalabas lang galing ng kusina.
Tinawid ko ang distansya naming dalawa at niyakap siya. Niyakap niya rin ako pabalik at nagtatakang tiningnan ako.
"Bakit ka naparito? Anong oras na, ah."
"Ate…" Napalunok ako. Hindi ko alam kung paano sasabihin sa kaniya 'yong nakita ko kanina. "Usap tayo sandali. Iyong walang ibang nakakarinig."
"Ano bang problema mo?" sabad ni Ate Carrie. "Bakit ayaw mong marinig ko ang sasabihin mo?"
Hindi ko siya pinansin at hinila ko si Ate Monica papunta sa loob ng kwarto. Ni-lock ko pa 'yon para hindi makapasok si Ate Carrie.
"Ano bang sasabihin mo?" tanong niya nang makaupo kami sa gilid ng kama.
"Ate..." Hinawakan ko ang kamay niya. "A-Alam mo ba kung saan pumunta si Ate Carrie kanina?"
Kumunot ang noo niya. "Saan naman siya pupunta?"
"Nakita ko siya sa San Martino kanina. May...kasamang lalake."
Umayos siya ng upo at hinatak ang kamay niyang hawak ko. Paulit-ulit siyang umiling.
"Ate..."
"Nandito lang siya buong maghapon," matigas na sambit niya.
Umawang ang bibig ko. "Paano mo naman nasabi 'yon? Nandito ka ba maghapon—"
"Oo." Bumuntong-hininga siya. "Kaya hindi ko alam 'yang sinasabi mo. Maghapon kaming magkasama ngayong araw."
Suminghap ako at hindi makapaniwalang tumitig sa kaniya. "Seryoso ka, Ate? Alam ko na siya ang nakita ko."
"Mabuti pa umuwi ka na." Tumayo siya bigla at hinatak ang braso ko.
"Ate, ano ba!" Hindi ko na napigilan ang sumigaw. "Niloloko ka ni Ate Carrie! Huwag mo namang gawing tanga ang sarili mo!"
Napahilot siya sa sintido niya habang nakapikit at paulit-ulit na bumubuntong-hininga.
"Marife..." Nagdilat siya ng mata at sinalubong ang tingin ko. "Hindi niya magagawa sa'kin 'yon. Naiintindihan mo? Mahal niya ako—"
"Kung mahal ka niya bakit siya sumasama sa ibang lalake?!"
Naglapat ang mga labi niya. "Hindi niya magagawa sa'kin 'yon."
"Kaya niya pero hinahayaan mo lang!"
"Mahal niya ako at mahal ko siya. Maniniwala ako sa kaniya."
"At sa'kin, hindi?" puno ng hinanakit na tanong ko. "Ako na kapatid mo, hindi mo kayang paniwalaan? Gano'n ba, Ate?"
Natigilan siya at umiwas ng tingin kaya natawa ako nang sarkastiko.
"Kailan mo ba ako pinili, Ate Monica? Palagi naman siya ang una para sa'yo, 'di ba?" mahinang at puno ng hinanakit na tanong ko. "Wala na akong magagawa kung sarado na 'yang isip mo sa mga sinasabi ko."
"Marife…" Napuno ng pag-aalala ang boses niya.
"Bakit pa ba ako nag-abalang puntahan ka?" Umiling ako at pinunasan ang mga luhang tumulo sa pisngi ko. Hindi ko alam na umiiyak na pala ako. "Aalis na ako."
Dire-diretso akong naglakad palabas ng kwarto. Nakita ko sa gilid si Ate Carrie na alam kong nakikinig sa amin mula sa labas.
Tinaasan niya ako ng kilay habang nakahalukipkip. Dahan-dahan akong naglakad palapit sa kaniya at huminto nang isang metro na lang ang layo namin sa isa't isa.
"Kabahan ka na kapag natauhan ang kapatid ko, Ate Carrie."
Bumakas ang takot sa mga mata niya nang sabihin ko 'yon. Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa bago ko siya nilampasan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top