16. Komportable

C H A P T E R 16:
Komportable

Tama ang sinabi ko. Hindi ako ang top one. Si Yumi ang umakyat ng stage bilang recognition kasabay ng mga taga-Regular Classes. Hindi ko nagawang makapunta dahil hindi naman required at isa pa, mas lalo lang akong maiinggit.

Bakasyon. Nag-uwian ang mga boardmates kong babae pati ang mga lalake sa baba sa kaniya-kaniya nilang pamilya. Ang siste, ako na lang, si Aling Helga at si Lovely ang nakatira sa boarding house. Kaya naman, inilaan ko ang oras ko sa pagtatrabaho sa Dreamy. 

Sa buong bakasyon, wala rin ibang ginawa si Echo at Hiroshin kundi ang pagtulungan akong pagtripan.

"Sasuke!" inis na sigaw ko nang pinitik niya bigla ang noo ko habang tahimik akong gumagawa ng Daily Sales Report sa counter. 

Mahina lang naman ang pagkakapitik niya pero natamaan kasi ang tigyawat ko.

Namilog ang mga mata niya habang nakatingin sa akin. "A-Anong Sasuke?"

"Sasuke! Ikaw si Sasuke na nagbigay ng love letter kay Yumi!" inis na sagot ko habang hawak ko ang nasaktang noo.

Narinig ko ang malakas na pagtawa ni Echo habang nasa loob siya ng banyo.

"Yari ka na, men! Buking ka na!"

"Hindi ako si Sasuke!" tanggi ni Hiroshin, may pag-iling pa.

"Ikaw kaya 'yon." Ngumuso ako at nagpatuloy sa paggawa ng report. Ako ang magre-remit ngayon kasi ako ang nakatoka sa counter kahit ayaw ko.

"Huwag mo sasabihin sa kaniya, ha?" 

"Alam mo naman na hindi na kami nag-uusap ni Yumi." Biglang humina ang boses ko nang sabihin ko iyon. "At saka...crush mo naman siya, 'di ba? Siguro okay lang naman na malaman niya—"

"Gusto kong malaman niya kapag niligawan ko na siya." 

Napatingin kaagad ako sa kaniya. Nakangiti siya at kumikislap ang mga mata sa tuwa.

"Pero hindi muna ngayon. Bata pa kami, eh," dagdag niya.

Hindi ako nakasagot. Nasa boses niya na seryoso siya sa sinabi niya. Hindi ko alam kung ano ang una kong mararamdaman.

"Hoy!"

"Ay bilat mo!" Napatalon ako sa gulat nang biglang sumigaw sa tenga ko si Echo.

Humagalpak siya ng tawa at hindi pa man ako nakakabawi ay hinampas naman ni Hiroshin sa harap ko ang plastik na hinanginan niya kanina, dahilan para pumutok ito nang malakas at magulat ulit ako. 

Sabay kong piningot ang tenga ng dalawa, 'yong tipong mapapangiwi sila sa sakit. Pinagtitripan nila 'ko, eh!

Palagi kasi kaming magkasama kaya nasanay na ako sa presensya nilang dalawa at hindi na ako nakakaramdam ng ilang lalo na kay Hiroshin.

Pagdating ng May ay sabay kaming tatlo—kasama si Tadeo na pumunta ng Henderson University para mag-enroll para sa Grade 8. 

Mayroon kaming babayaran na enrollment fee pero hindi iyon ganoon kalaki. Bukod sa test papers at journal na kailangan ding bayaran ay wala na kaming poproblemahin kasi under kami ng Night Class Program.

Mabuti na lang talaga at nakaipon ako habang bakasyon. Ang sarap sa pakiramdam ng mag-provide ka para sa sarili mo nang hindi umaasa sa iba.

"Deretso tayo ng mall," sabi ni Hiroshin habang palabas na kami sa gate 1 ng Henderson. 

Nasa gilid lang ako kasi pakiramdam ko ay hindi ako pwedeng sumabay sa kanila sa paglalakad. Puro sila lalake at ang ganda ng pormahan nila. Samantalang ako, simpleng maong na pantalon at puting t-shirt lang.

"Anong gagawin natin sa mall?" usisa ni Tadeo.

"Baka magco-concert tayo," sarkastikong sagot ni Echo. "Mga tanong mo pangtanga."

"Eh di ikaw na ang matalino!" Umismid si Tadeo bago umakbay kay Hiroshin. Kailangan niya pang tumingkayad nang kaunti para maabot ang huli. "Bakit tayo pupunta ng mall, Hiroshin? Manlilibre ka?"

"Oo. Birthday ko ngayon."

Nanlaki ang mga mata namin ni Tadeo at Echo sa sinabi niya. 

Birthday niya pala at hindi man lang siya nagsasabi!

Nakalabas na kami ng gate at naglalakad na kami sa gilid ng highway. Lumapit ako sa kanila nang kaunti nang makita kong may asong gala sa gilid na daraanan ko.

"Marife, dito ka." Hinatak ako ni Hiroshin papunta sa gitna nila. "Bakit ka kasi humihiwalay sa amin?"

Hindi ako nakasagot kasi pinamulahan ako ng mukha sa ginawa niya.

Mabait na nga gentleman pa. 

Sumakay kami ng jeep dahil ayaw naming maglakad papunta sa mall na pupuntahan namin. Medyo malayo kasi iyon.

Pagdating namin sa mall ay dumiretso kami sa isang sikat na fast food chain. 

"Ayos! Libre ni Hiroshin! Happy birthday! Mahal na mahal ka namin! Orayt!" Sobrang lakas ng boses ni Tadeo kaya binatukan siya ni Echo. "Oy, Kuya! May wifi kayo rito?" tawag niya sa dumaan na crew pero hindi siya nito narinig.

"Puta, nasa mall tayo tapos 'yang bibig mo...Dios ko! Paano ba kita naging kaibigan?" Nasapo ni Echo ang ulo niya.

Palibhasa ay nasa pila si Hiroshin kaya walang sumasaway sa kanila.

"Tumulong ka nga roon kay Hiroshin!" utos ni Echo.

"Ikaw na lang kaya!" angil ni Tadeo bago siya tumingin sa'kin. "O si Marife!"

"B-Bakit ako nasali riyan?" Napasimangot ako.

Binatukan ulit ni Echo si Tadeo. "Ano ka! Baka magalit si Hiroshin! Ayaw n'on na may nahihirapang babae!"

Napakamot sa ulo si Tadeo pero tumayo na rin siya para tulungan si Hiroshin na bitbitin ang mga pagkain namin.

"Okay na sa'yo ang fried chicken saka Sundae?" tanong ni Hiroshin sa akin matapos ilapag sa harap ko ang pagkain.

Tumingala ako sa kaniya at ngumiti nang tipid. "O-Okay na 'yan. Salamat. Hindi naman ako mapili sa pagkain."

Tumawa siya at ginulo ang buhok ko. "Sabi na, eh. Okra lang naman ang ayaw mo." Umupo na siya sa upuan na katabi ko.

Kinagat ko ang pang-itaas kong labi para pigilan ang mapangiti. Nagsimula na kaming kumain habang dumadaldal si Tadeo at Echo, kami ni Hiroshin ay tahimik lang. Maya-maya ay may lumapit na grupo ng mga babaeng mukhang kaedad lang namin.

"Pwede po pa-picture?" kinikilig na sabi ng isang babaeng may hawak ng camera, kay Hiroshin siya nakatingin.

"Wow! May artista pala tayong kasama!" mapang-asar na sabi ni Tadeo kay Hiroshin.

"Tanga. Ngayon mo lang nalaman?" parang walang pakialam na sabi ni Echo habang kumakain. 

Kami kasi palagi ang kasama ni Hiroshin sa trabaho kaya medyo nasanay na kami na biglang may magpapa-picture sa kaniya. Pasikat kasi siya nang pasikat sa Tiktok, silang dalawa ni Yumi.

Tumayo si Hiroshin at nakangiting kinausap ang mga babae, hindi ko sila naririnig kasi medyo lumayo sila sa table namin. Maya-maya ay nag-picture na sila, halatang kinikilig ang mga babae sa kaniya. Napaiwas na lang ako ng tingin.

"Sayang wala si Yumi..." dinig kong sabi ng isa. Napairap tuloy ako.

Maya-maya ay bumalik na rin si Hiroshin at umupo ulit sa tabi ko, nakangiti.

"Ngiting-ngiti, ah. Binigyan ka ng number n'ong isang chick?" pang-aasar ni Echo.

"Sira." Binato siya ni Hiroshin ng tissue. "Sabi kasi nila bagay daw kami ni Yumi." Ngumiti siya nang malawak.

"Ayon naman pala! Kinilig ang loko!" 

Yumuko ako at tinuon na lang sa pagkain ko ang atensyon. Halatang-halata naman na masaya siya dahil sa sinabi ng mga babaeng 'yon. Tinukso nila si Hiroshin habang tahimik lang ako.

"Kailan ang birthday ni Yumi, Marife?" tanong ni Hiroshin maya-maya.

Nilunok ko muna ang kinakain ko bago ako sumagot. "July 4."

"Luh?! Magkasabay kami?!" bulalas ni Echo.

"Malapit na pala, 'no? Ano kayang gusto niyang regalo?"

Napahigpit ang hawak ko sa kutsara, nasa pagkain ang tingin. 

Bakit niya tinatanong? Bibigyan niya ba ng regalo si Yumi?

"Parang mahilig siya sa sapatos. Ginagamit niya minsan sa training niya sa dance troupe," dagdag ni Hiroshin habang kumakain na ulit.

Paano niya nalaman 'yon? Masyado niya ba talagang pinagtutuonan ng pansin si Yumi at pati 'yon ay nahalata niya?

Pagkatapos naming kumain ay pumunta kami ng Timezone, ayoko sanang sumama pero hinatak ako ni Hiroshin.

"Ayan! Ayan—Puta ka!" Sinipa ni Tadeo si Echo nang sundutin nito ang pwet niya habang naglalaro siya ng baril-barilan. Hindi ko alam kung anong tawag doon.

"Ang iingay naman ng mga 'to..." narinig kong reklamo ng katabi nilang grupo ng kalalakihan.

Kinagat ko ang pang-itaas kong labi. Tiningnan ko sila Hiroshin, Tadeo at Echo na naglalaro pa rin doon. Kapag magkasama talaga ang tatlong 'yan, pakiramdam ko ay magkakaroon ng sakuna. Ang ingay nilang tatlo. Normal lang naman mag-ingay pero nakakabulabog na sila.

"Hoy! Tangina, kanina pa kayo, ah!" sigaw ng lalake mula sa kabilang grupo. Mukhang mas matanda siya sa amin at nakakatakot ang boses niya.

Napatigil sa paglalaro sila Hiroshin at tumingin sa sumigaw sa kanila, sabay-sabay pa.

"Bakit? Library ba 'to at bawal ang mag-ingay?!" maangas na tanong ni Echo, naghahamon. Kaagad siyang hinatak ni Hiroshin.

"Nakakairita na 'yang boses n'yo! Hindi lang kayo ang naglalaro dito!"

"Eh di kayo ang umalis! Hindi rin naman kami natutuwa sa pagmumukha n'yo!"

"Anong sabi mo?!"

Napangiwi ako at kaagad pumagitna sa kanila dahil mukhang magsusuntukan na sila.

"P-Pasensya na kayo," sabi ko. "Aalis na lang kami—" 

"Bakit ka humihingi ng pasensya riyan?!" tanong ni Echo pero pinandilatan ko siya ng mata.

"Tara na, tara na! Umalis na lang tayo dito!" aya ni Tadeo, mukhang ayaw din ng gulo. Pinagtitinginan na kasi kami ng mga tao.

"Huwag na kayong babalik dito, ha?!"

"May-ari ka?! Tangina ka, ah!" 

"Echo!" sabay na saway namin ni Hiroshin. Nagkatinginan pa kaming dalawa.

Hinatak na ni Tadeo at Hiroshin si Echo dahil ayaw niya talagang magpaawat. Sumunod ako sa kanila pero napatingin ako sa babaeng lumapit sa lalakeng kaaway ni Echo. Nakatalikod siya sa direksyon ko kaya hindi ko makita ang mukha niya, pero pamilyar sa akin ang likod niya.

"Marife! Halika na!" tawag ni Tadeo.

"O-Oo!"

Umalis na kami roon bago pa magkagulo.

"Bawasan mo nga 'yang pagiging maangas mo. Nasa mall tayo," panenermon ni Hiroshin kay Echo.

Nasa department store kami ngayon. Wala kaming balak bumili at nagtitingin lang kami ng mga gamit.

Nasa men's wear kami at sumunod ako sa kanila kahit sinabihan ako ni Hiroshin na mag-ikot sa women's wear section. Siempre sumunod ako sa kanila kasi binabantayan ko si Echo, parang gusto niya kasing mag-amok kanina pa.

"Tropa ba kita o tatay? Kanina mo pa ako sinesermunan, ah," nakasimangot na sabi ni Echo kay Hiroshin. Kinuha niya mula sa pagkaka-hanger ang isang raglan shirt, Tribal ang tatak at kulay itim ang sleeve. "Sukat mo nga 'to."

Tiningnan ni Hiroshin ang damit bago tumingin ulit kay Echo. "Anong gagawin ko riyan?"

"Kakainin mo!" barumbadong sagot ni Echo. "Isukat mo tapos kapag nagkasya, babayaran ko!"

"H-Huh?"

Tinulak niya si Hiroshin sa fitting room at sumunod naman ito.

"Ano 'yon? Ibibili mo siya?" usisa ni Tadeo.

"Birthday niya, eh. Regalo ko sa kaniya."

"Wow, ah! Bakit kapag ako walang regalo?"

"Sapakin kaya kita kaliwa kanan?" Umamba ng suntok si Echo. "Niregaluhan kaya kita noong last na birthday mo. Ikaw nga ni isa walang regalo sa'kin!"

"Babawi ako sa'yo kapag nagkatrabaho ako!"

"Hoy, huwag kayong magsigawan," saway ko sa kanilang dalawa.

"Opo, Mama," pang-aasar ni Echo.

Sinamaan ko siya ng tingin at tumingin na lang sa mga cap na naka-display sa gilid. Mura lang ang mga 'yon dahil naka-sale. Naalala ko tuloy si Hiroshin dahil mahilig siya sa sumbrero.

Kinuha ko ang isang itim na cap at sinuri ang design. Simple lang naman iyon at may nakalagay na letter H sa gitna at kulay puti.

Saktong lumabas si Hiroshin mula sa dressing room hawak ang raglan shirt na pinasukat sa kaniya ni Echo.

"Kasya pero mahal."

Inagaw ni Echo ang damit. "Babayaran ko na 'to—"

"Bakit? Huwag na!" 

"Para kang tanga. Regalo ko 'to sa'yo. Mahilig ka sa mga ganito, 'di ba?" 

"Tanggapin mo na, Hiroshin," sulsol ni Tadeo habang nakaakbay. "Minsan lang 'yan mabait."

"Samahan mo 'ko sa cashier." Hinatak ni Echo ang likod ng damit ni Tadeo at nawala sila sa paningin ko.

Tumingin sa akin si Hiroshin, napapakamot sa batok. Tumikhim ako at naglakad palapit sa kaniya.

"Ano 'yan?" turo niya sa hawak kong sumbrero. "Bibilhin mo? Panlalake 'yan, eh."

Umiling ako at sinenyasan siya na bumaba nang kaunti para maabot ko siya.

Napakunot ang noo niya pero yumuko pa rin siya nang kaunti para magpantay kami. Isinuot ko sa ulo niya ang hawak kong cap at tinitigan nang mabuti kung bagay ba sa kaniya.

Tumaas ang dalawang kilay niya at napangiti sa ginawa ko. Ngayong malapit siya sa akin ay mas lalo lang akong nahulog sa maganda niyang ngiti at sa biloy niya. Kumabog nang malakas ang dibdib ko at napaiwas ng tingin.

"Ano 'to? Regalo mo sa'kin?" nakangiting tanong niya habang hawak ang visor ng cap.

Bagay naman sa kaniya kaya inalis ko ulit 'yon sa ulo niya. "H-Happy birthday. Ito na lang muna ang ibibigay ko sa'yo."

Lumiwanag ang mukha niya. "Talaga?"

Tumango ako. "M-Mahilig ka sa mga ganito, 'di ba? Nakikita ko kasi na iba-iba ang sumbrerong sinusuot mo kapag pumapasok ka ng school kaya naisip kong dagdagan ang collection mo. Okay naman, 'di ba? I-Iyong sumbrero...maganda…"

Tumawa siya at kinurot ang ilong ko. "Ang cute mo. Sana hindi ka na nag-abala, pero salamat pa rin."

Nag-init ang pisngi ko dahil sa ginawa niya. Bumalik na rin sila Echo at binayaran ko na ang cap. 

"Salamat dito, Marife." 

"Pang-ilang beses ka ba magti-thank you kay Marife?" iritang tanong ni Echo kay Hiroshin. Naglalakad na kami palabas ng mall.

"Na-appreciate ko lang 'yong bagay na binigay niya," katwiran ni Hiroshin. 

Alam ko 'yon. Alam kong binibigyan niya ng halaga ang mga bagay na binibigay sa kaniya dahil nakikita ko 'yon tuwing may mga 'fans' siya at binibigyan siya ng mga ito ng regalo.

"Curious lang ako, Marife…" Bigla akong kinausap ni Tadeo. Napapagitnaan niya kasi ako at si Hiroshin naman sa kabila. Si Echo ay nasa unahan, may ka-text.

"Bakit okay lang sa'yo na sumama sa amin kahit puro kami lalake?" tanong ni Tadeo. Dinilaan niya ang cone ng hawak niyang ice cream.

Napatingin ako sa sahig dahil sa tinanong niya. Hindi ko namalayan na tumutulo na pala ang hawak kong Chocolate ice cream.

"Uy, sayang!" 

Hinawakan ni Hiroshin ang kamay kong may hawak na ice cream. Nanlaki ang mga mata ko nang dinilaan niya ang cone kung saan tumulo ang ice cream.

Napatigil tuloy ako sa paglalakad at naiwan kaming dalawa ni Hiroshin. Walang kaalam-alam si Tadeo at Echo at dire-diretso lang sa paglalakad.

"A-Anong ginagawa mo?" gulat na tanong ko, nakaawang ang bibig.

Umayos siya ng tayo at nanlaki rin ang mga mata. "S-Sorry! Nasayangan kasi ako, eh! Palit na lang tayo!"

Binigay niya ang Vanilla ice cream na hawak niya pero tiningnan ko lang iyon. Gusto ko sana kuhanin pero kaunti na lang iyon.

"A-Ay...nakain ko na rin pala." Napangiwi siya nang makita ang ibinibigay niyang ice cream.

Tumawa ako at umiling. "Hayaan mo na. Hindi naman ako maarte."

"Sana all hindi maarte," sabi niya habang tumatawa.

"Nasa'n na 'yong dalawa?" Lumingon sa amin si Echo at nangunot ang noo niya. "Ginagawa n'yo?!"

Natawa kami pareho ni Hiroshin at saka sumunod na sa kanila.

Maganda ang nangyari sa araw na 'yon kaya pag-uwi ko ng boarding house ay nadagdagan ang lyrics ng kantang sinusulat ko.

Mabilis na lumipas ang mga araw at nagkataon na sumabay ang birthday ni Echo at Mayumi sa first day ng school year namin bilang Grade 8. Maraming bumati sa dalawa at may nagbigay din ng mga regalo.

Nagpalibre lang si Echo ng kwek-kwek sa amin ni Hiroshin dahil hindi niya naman daw kailangan ng regalo. Si Mayumi, marami siyang natanggap pero hindi ako nag-abalang bigyan siya. 

Bakit? Hindi pa ba sobra 'yong mga natanggap niyang regalo? Mukhang hindi niya na kailangan ng regalo mula sa akin.

"Wow, kay Sasuke ulit galing?"

Napatingin ako kay Cathy habang nakikitingin siya sa mga regalong natanggap ni Mayumi. Hawak ni Yumi ang isang paper bag na may tatak ng Otto shoes. Alam kong sapatos ang laman n'on pero hindi talaga 'yon ang dahilan kung bakit ako napatingin.

"Oo. Si Sasuke nga," nakangiting sagot ni Yumi sa tanong ni Cathy. Tumingin siya sa paligid na parang hinahanap kung sino sa amin ang nagtatago sa pangalang Sasuke.

"Kung sino man si Sasuke, hindi ko alam kung bakit ayaw mong magpakilala ng personal. Pero thank you rito sa binigay mo. Sana magpakilala ka na." Ngumiti nang matamis si Yumi at inasar siya ng mga kaklase naming lalake na sila raw ang nagbigay.

Pero alam ko naman kung kanino galing 'yon.

Tiningnan ko si Hiroshin na kagat ang pang-ibabang labi habang kumukuyakoy. Ang isang kamay niya ay tina-tap ang desk, nagpapatay-malisya.

"Kilala ko kung sino si Sasuke!" mapang-asar na sigaw ni Echo.

"Tumigil ka nga!" biglang asik ni Hiroshin. Huli na para mabawi ang ginawa niya dahil napatingin na sa kaniya ang mga kaklase namin.

Umawang ang bibig niya, hindi alam ang gagawin.

"Ikaw si Sasuke?!" sabay-sabay na tanong ng mga kaklase namin. Narinig ko pa ang pagtawa ni Echo.

Umiling si Hiroshin. "H-Hindi ako si Sasuke! Sinaway ko lang naman si Echo."

Pero mas lalo lang siyang inasar ng mga kaklase namin kaya napakamot na lang siya sa ulo niya, namumula ang tenga.

Tumingin ako kay Yumi at nakita kong ang pagngiti niya habang kinakantyawan siya ni Cathy.

Obvious naman na maraming may gusto na maging mag-on si Yumi at Hiroshin dahil bukod sa parehas silang magaling sumayaw sa Tiktok ay bagay na bagay din sila. At hindi iyon matanggap ng puso ko.

Sa unang buwan ng pagiging Grade 8 student ko, pakiramdam ko ay wala akong ganang mag-aral. Isa siguro sa dahilan ay ang patuloy na pagsikat ni Yumi at Hiroshin sa Tiktok kaya madalas silang i-ship sa isa't isa. Patawa-tawa lang ako pero deep inside, letse ang sakit.

Pagdating ng birthday ko ay hindi ako nabigyan ng regalo ni Ate Monica dahil kapos daw siya sa pera ngayon. Naiintindihan ko naman 'yon pero hindi ko maiwasang mapaisip kung bakit wala siyang pera samantalang wala na nga ako sa puder niya.

"Happy birthday!" 

Mula sa ginagawa kong inventory ay umangat ang tingin ko sa paper bag na humarang sa mukha ko.

Napakunot ang noo ko at hinawakan iyon. Tumingin ako kay Echo at kay Hiroshin na nakatayo sa magkabilang side ko at parang hinihintay na buksan ko ang paper bag.

"Buksan mo na! Katagal!" buyo ni Echo.

Nagtataka man ay dahan-dahan kong binuksan ang paper bag. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang isang kahon ng cellphone!

Kumurap ako nang tatlong beses. "C-Cellphone?" 

"Hindi. Walkie-talkie 'yan," pambabara ni Hiroshin sabay tawa. 

Binuksan ko ang kahon at tumambad sa akin ang bago at makintab na kulay pulang cellphone.

"Mura lang 'yan," nakangiting sambit ni Hiroshin. "Hindi 'yan gano'n kamahal pero pinaghatian namin ni Echo ang pinambili riyan. Nagustuhan mo ba?"

Hindi ako nakasagot dahil maghang-mangha ako sa cellphone na hawak ko. Buong buhay ko ay hindi pa ako nagkaroon ng cellphone dahil wala akong pambili at hindi ko akalaing si Echo at Hiroshin pa ang mag-iisip na regaluhan ako ng ganito.

"Binili namin 'yan para naman may magamit ka at mapaglibangan," sambit ni Echo.

"Hindi mo ba nagustuhan? Ang tahimik mo, ah," tanong ni Hiroshin. 

Tumingala ako sa kaniya, nag-iinit ang mga mata. Pakiramdam ko ay may humaplos sa puso ko dahil sa ginawa nilang dalawa.

Sa sobrang saya ko ay hindi ko na napigilan ang sarili ko. Tumayo ako at niyakap si Hiroshin.

Ngayon lang, Hiroshin. Hayaan mong yakapin kita nang ganito kasi sobrang saya ko.

"T-Thank you..." Ito na yata ang pinakamasayang birthday ko.

Naramdaman ko ang paglapat ng mga kamay ni Hiroshin sa likod ko kaya nahigit ko ang hininga ko.

"You're welcome. Higpit ng yakap, ah," natatawang sabi niya.

Ayoko pa sanang bumitaw sa kaniya pero narinig ko ang pagtikhim ni Echo. Natawa ako at pumihit paharap sa kaniya.

Nakanguso siya habang nakalahad ang mga braso. "Hug..."

Ngumiti ako bago pumaloob sa mga braso niya. Tumawa siya at niyakap ako pabalik. Inangat niya pa ako mula sa sahig sa sobrang gigil kaya natawa ako.

"Happy sweet 16th birthday," malambing na sambit niya.

"Thank you. Hindi n'yo naman kailangan na bumili ng cellphone pero thank you pa rin. Napasaya n'yo 'ko."

"Tsk! Ayoko ng drama! Huwag kang umiyak!" pabirong sabi niya. 

"Sama 'ko, mga repapips!" Nakiyakap din si Hiroshin kaya naipit ako sa gitna. Halos hindi na ako makahinga pero hindi ako nagreklamo. Masaya ako, eh.

"Masaya lang ako kasi kahit hindi n'yo ako kaibigan, binigyan n'yo pa rin ako ng regalo," sambit ko.

Humiwalay sila sa pagkakayakap sa akin at tiningnan ako nang kunot ang noo.

"Langya, akala mo ba hindi kaibigan ang turing namin sa'yo?" tanong ni Echo, bakas ang inis sa boses.

Yumuko ako para iwasan ang mga tingin nila. "S-Sorry naman. Mga lalake kasi kayo, eh. Hindi ko naman alam na okay lang sa inyong makipagkaibigan sa isang babae na pangit—"

"Sinong nagsabi sa'yong pangit ka?! Tatanggalan ko ng bulbol!" sabad ni Hiroshin. "Joke lang. Hehe. Pero hindi ka pangit, ah."

Nag-init ang pisngi ko pero hindi ko pinahalata. Alam kong sinabi niya lang 'yon para magkaroon ako ng confidence sa sarili ko pero masaya pa rin ako na galing iyon sa kaniya.

"Alam mo kung bakit kita tinuring na kaibigan?" tanong ni Echo. "Kasi nakikita ko ang kapatid ko sa'yo. Ang sarap mong asarin tapos 'yang height mo ang cute. At isa pa, simpleng babae ka lang kasi, hindi 'yong tipong trying hard na maging...alam mo 'yon...trying hard makipagkaibigan dahil may gusto sa'kin. At least alam kong totoo ka at walang tinatagong...you know…"

"Haba naman ng paliwanag mo," reklamo ni Hiroshin. "Basta ako, mabait ako sa lahat pero mas mabait ako sa mabait sa'kin. Alam mo na ang punto ko, Marife."

Kinagat ko ang pang-itaas kong labi para mapigilan ang pagngiti. Sumilip silang dalawa sa mukha ko kaya tinulak ko ang mukha nila pareho.

"M-Masaya ako sa nalaman ko na tinuturing n'yo akong kaibigan," nakayuko pa ring sambit ko. "At gusto ko rin na malaman niyo na kaibigan na rin ang turing ko sa inyong dalawa."

Nag-angat ako ng tingin sa kanilang dalawa at parehas silang seryoso lang ang mukha habang nakikinig sa sinasabi ko.

"Kapag kasama ko kayo, hindi ko kailangang ikumpara ang sarili ko sa iba, komportable ako at hindi nakakaramdam ng insecurity."

Masisisi ba ako ng mga kaklase kong babae kung sa lalake ko nahanap ang isang kaibigan? Less plastikan, less insecurities. Kaya magmula no'ng araw na 'yon, sila na talaga ang kaibigan ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top