15. Patawad

C H A P T E R 15: 
Patawad

Unang linggo na ng Disyembre at excited na ang lahat ng kaklase ko para sa magaganap na Christmas Party—pero maliban sa akin.

Isa akong introvert, hindi ako mahilig makisama sa maraming tao at hindi ako mahilig sa mga party. Mas pipiliin kong tumugtog na lang ng gitara sa boarding house kaysa pumunta sa mga gano'ng okasyon.

Nagkaroon ng ambagan bilang gastos sa mga pagkain at mga dekorasyon na gagawin sa Christmas Party. Nasa harap si Hope at siya ang nagtatanong sa mga kaklase namin kung sino ang magdadala ng ganito, sino ang magdadala ng ganyan. Hindi na ako nakinig at pumikit na lang ako. Mula nang magtrabaho ako sa Dreamy ay palagi na akong inaantok.

"Hindi ka ba pupunta ng Christmas Party?" untag ni Hiroshin. Nahalata niya siguro na hindi ako nakikinig.

Idinilat ko ang mga mata ko at tumingin sa kaniya. "H-Hindi, eh. Hindi ako mahilig sa mga ganyan."

"Sayang naman. Lahat tayo magbabayad pero hindi ka pupunta? Sayang 'yong perang ibibigay mo."

Ngumiti ako nang tipid. "Okay lang 'yon. Pupunta na lang ako kay Ate Monica, dadalawin ko siya." 

Huling pagkikita namin ni Ate Monica ay noong pumunta siya ng third quarter PTA meeting—kung saan si Yumi pa rin ang top one. Hindi ko na alam kung ano pang kulang sa ginagawa ko at hindi ko matalo-talo si Yumi. Hindi ko na lang masyadong iniisip dahil nasi-stress lang ako.

Nang matapos sila sa pagpaplano ay tumunog na ang bell para sa lunch break. Nakita ko si Yumi na naglalakad na palabas ng classroom kasama sila Cathy.

Naramdaman niya siguro na nakatingin ako kaya napalingon siya sa'kin. Nabura ang mga ngiti sa labi niya nang magtama ang paningin naming dalawa. 

Matagal-tagal na rin mula nang nagdesisyon kami na makipagkaibigan sa iba. Sa ngayon, wala akong ibang maituturing na kaibigan kung hindi sila Hiroshin. Sila ang madalas kong makausap dito sa school kahit pinagtutulungan nila akong asarin minsan. 

Hindi ko rin naman maituturing na kaibigan si Lovely dahil ayoko sa katulad niyang plastik. Plastik na nga ako tapos makikipagkaibigan pa ako sa isa pang plastik na mas malala pa kaysa sa akin?

Umiwas ng tingin si Yumi at saka nagpatuloy sa paglalakad kasabay ang mga bago niyang kaibigan. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko.

Masaya ako na malungkot. 

Masaya ako kasi hindi niya na ako magiging anino sa tuwing magkasama kami—iyong tipo na kapag kasama ko siya, parang nanliliit ako kasi ang ganda niya tapos ang pangit ko. Ayoko nang maramdaman ulit 'yon. Pero nalulungkot pa rin ako dahil pakiramdam ko ay tuluyan niya na akong pinalitan. Nasasayangan ako sa friendship naming dalawa na hindi ko alam kung sino sa aming dalawa ang sumira.

Ako ba o siya? Posibleng siya...dahil siya mismo ang nagsabi na maghanap kami ng mga bagong kaibigan. At kahit naman noong mga unang buwan namin dito sa Henderson University ay madalas niya nang iparamdam sa akin na mas enjoy siya kasama si Cathy. 

Siya ang sumira at hindi ako.

***

Dumating ang Christmas vacation at nagdesisyon akong dalawin si Ate Monica sa bahay. Ayokong matulog doon dahil nandoon si bruha—ay este si Ate Carrie.

"Ate...namayat ka yata…." puna ko habang pinagmamasdan ko siyang ihanda ako ng pagkain.

"Nagkasakit kasi ako nitong nakaraang araw," dahilan niya bago umupo sa harap ko at tiningnan ako nang mabuti. "Kamusta ka? Kamusta ang lagay mo sa boarding house?"

"Okay naman, Ate…" mahinang sagot ko. Hindi pa rin ako mapakali sa nakikita kong pagbabago sa katawan niya.

"Oh, nandito pala 'yan." Pumasok bigla sa kusina si Ate Carrie, humihikab at gulo-gulo pa ang buhok. "Umagang-umaga ang pangit ng nakikita ko."

"Merry Christmas din, Ate Carrie…" sarkastikong sambit ko habang nakatingin sa kaniya.

Umismid lang siya at umalis ulit, pupunta yata ng banyo.

Bumuntong-hininga ako at kumain na lang ng inihandang egg sandwich ni Ate Monica para sa akin. 

"Pasensya na pala, Ate Monica. Wala akong maireregalo sa'yo. Alam mo na...kailangan ko kasi sa school at saka sa mga gastusin ko sa boarding house," sabi ko habang hindi nakatingin sa kaniya.

Hindi ko pa nga nasasabi sa kaniya na mababa lang ang sahod ko sa Dreamy dahil baka bigla niya akong patigilin. 

"Okay lang 'yon, Marife. Mas mahalaga sa akin na nandito ka ngayon. Akala ko nga ay hindi mo ako dadalawin."

Tumigil ako sa pagnguya at nag-angat ng tingin sa kaniya. "Alam mo naman na hindi ko kayang gawin 'yon, Ate. Kahit anong galit ko...hindi ko pa rin pwedeng kalimutan na pamilya kita."

Gumuhit ang matipid na ngiti sa labi ni Ate Monica nang sabihin ko iyon. Ngayong tinititigan ko siya ay mas nakikita ko ang natural na ganda niya.

Medyo makapal ang mga kilay niya dahil hindi siya nag-aabalang ahitan ang mga 'yon, bilugan ang mga mata niya na may malalantik na pilik, maliit at matangos ang ilong at maninipis ang mga labi. 

Sa totoo lang ay malaki ang pagkakahawig namin ni Ate Monica at ang pinagkaiba lang ay ang balat namin. Natural sa kaniya ang pagiging maputi habang ako naman ay morena—na palaging sinasabi ng iba na maitim daw. Siguro dala na rin ng hindi ko inaalagaan nang maayos ang sarili ko mula nang magkaisip ako kaya ganito ang balat ko—madalas pinuputakte ng tigyawat sa mukha.

Naisip ko na ang unfair talaga ng mundo. Si Ate Monica...biniyayaan siya ng magandang balat at magandang buhok—na ngayon ay hanggang balikat niya ang haba—kahit tomboy siya.

Kung magtomboy na lang din kaya ako?

Napangiwi kaagad ako sa naisip ko.

"Para sa'yo pala 'to..." Inabot niya sa akin ang isang kahon na may nakabalot na wrapper.

Nagtataka kong tiningnan iyon pero kinuha ko pa rin. Isang hugis parihaba at itim na kahon ang bumungad sa akin nang buksan ko ang wrapper.

"Sneakers..." Umawang ang bibig ko nang buksan ko ang kahon at tumambad ang isang pares ng kulay itim na sneakers. Naalala ko tuloy 'yong sneaker na ginagamit ko sa trabaho, halos sira na 'yon pero ginagamit ko pa rin kasi wala akong pambili.

"Nagustuhan mo ba?" untag ni Ate Monica.

Nilabas ko mula sa kahon ang sneakers at pinagmasdan iyon. Unti-unti akong napangiti at tumingin kay Ate Monica.

"S-Salamat, Ate..."

Ngumiti siya pabalik at hindi nagsalita.

Tinapos ko ang kinakain ko at nagpaalam na ako sa kaniya. 

"Alagaan mo ang sarili mo, Marife. Kumain ka sa tamang oras at magpahinga," bilin niya. 

"Ikaw din, Ate...Namamayat ka." Tumingin ako kay Ate Carrie na nakaupo na sa sofa at nakatingin nang seryoso sa akin. "Parang walang nag-aalaga sa'yo rito."

"Umalis ka na lang kaya?" sabad ni bruha.

"Carrie..." saway ni Ate Monica. Binalingan niya ako at binigyan ako ng ngiti na parang sinasabi niyang pasensya na. "Hindi ka ba pupunta dito sa Christmas saka sa New Year?"

Umiling ako. "May...duty kami sa umaga, Ate. Sayang din ang sasahurin ko."

Niyakap niya ako at wala nang nagawa. Umalis ako roon nang mabigat ang loob. Ewan ko ba...parang pakiramdam ko ay may mabigat na dinadala si Ate Monica at ayaw niya lang sabihin sa akin.

Pag-uwi ko sa boarding house ay hindi ko inasahan na madadatnan ko roon si Hiroshin, hinihintay ako sa sala.

"Nag-text si Ma'am Jade na wala tayong duty mamaya. Nakipagpalitan ng shift sila Ate Jen kaya pang-umaga tayo bukas," sabi niya habang umaakyat kami sa taas. "Kaming dalawa lang ni Echo ang may cellphone kaya sinadya kita rito bago umuwi."

Pinayagan siya ni Aling Helga na umakyat dahil bisita ko naman daw siya at wala naman ang mga ka-boardmate kong babae dahil umuwi sa mga pamilya nila para magbakasyon. Mabuti na lang din at wala si Lovely, sa pagkakaalam ko ay gumala siya.

"Upo ka..." Tinuro ko ang sofa at kinuha ko na rin ang dala niyang paper bag. 

Hindi kaagad ako umalis sa harap niya at pasimple siyang pinagmasdan. Nakasuot pa siya ng raglan shirt na kulay itim ang sleeve at may tatak ng Nike sa may dibdib na pinaresan ng itim na pantalon at puting sneakers. May suot din siyang itim na relo habang ang buhok niya ay nakaayos pagilid, mukhang ginamitan niya ng wax. Ang fresh niya at ang gwapo niya pa rin tingnan kahit alam kong galing na siya sa Christmas Party.

"Malawak din pala rito, 'no?" Panay ang linga niya sa paligid. "Pwedeng maglaro ng tagu-taguan at jackstone." 

Tumawa ako sa sinabi niya at inilapag ko sa coffee table ang paper bag. Pagbukas ko n'on ay nakita ko ang kulay blue na tupperware.

"Ah, ako ang nagluto niyan. Dinala ko 'yan sa Christmas Party kanina at nagbukod ako ng para sa'yo. Alam kong paborito mo 'yan, eh."

Hindi ko nasagot si Hiroshin dahil binuksan ko muna ang tupperware. Tumambad sa akin ang ilang piraso ng Lumpiang Shanghai sa bandang kaliwa at Spaghetti naman sa bandang kanan. 

Napangiti ako dahil paborito ko ang mga iyon.

"Ubusin mo 'yan, ha?"

Tiningnan ko si Hiroshin at nag-init ang pisngi ko nang makitang nakangiti siya sa'kin habang nakapatong ang mga siko sa hita niya at magkasalikop ang mga kamay.

Wala na. Mas lalo yata kitang nagugustuhan, Hiroshin.

Kinagat ko ang pang-itaas kong labi at napaiwas ng tingin sa kaniya. "S-Salamat. Nag-abala ka pa."

"Wala 'yon. Sayang kasi at hindi ka nakapunta. Hindi mo natikman 'yong masasarap na pagkain at hindi ka nakasama sa mga laro namin. Ang saya kaya!"

Hindi ako nakasagot sa sobrang pag-iinit ng pisngi ko.

"Tapos nabunot pa ni Yumi 'yong regalo ko kaya ang saya-saya ko."

Nabura ang ngiti ko. Si Yumi na naman.

Pumunta ako ng kusina at nilagay ko sa plato ang pagkain na dala ni Hiroshin. Hinugasan ko na rin ang tupperware para maibalik ko na sa kaniya.

"Nga pala...bakit parang napapansin ko na hindi na kayo masyadong nag-uusap ni Yumi? Magkaaway ba kayo?" usisa niya matapos kong ibalik sa kaniya ang paper bag.

Umupo ako sa sofa, may isang metro ang layo sa kaniya. "O-Okay naman kami. Natural lang siguro na hindi kami magkausap minsan kasi busy siya sa dance troupe at busy rin ako sa trabaho."

Tumango siya. "Sabagay. Pero sana maging maayos pa kayo kasi sayang 'yong friendship n'yo. Solid pa naman kayo mula elementary."

Oo nga pero siya ang unang naghanap ng ibang kaibigan at hindi ako.

Nagpaalam na siya maya-maya at napabuntong-hininga na lang ako noong umalis na siya. Masaya na sana ako dahil nag-effort siya na puntahan ako pero nawala 'yon nang mapag-usapan na namin si Yumi.

Gusto ko...hindi nakakabit ang pangalan niya sa'kin kapag kausap ko si Hiroshin.

***

Boring akong tao kaya boring ang Christmas at New Year ko. At kahit holiday, hindi kami pinayagan ni Ma'am Jade na mag-restday dahil marami raw costumers at sayang daw kapag nagsara kami. 

Okay naman sa'kin 'yon pero nakakapagod dahil halos mapuno na ang store namin sa dami ng costumers. Walang kaming pahinga at ang mas malala ay wala man lang kaming incentives na nakuha kahit lumampas sa quota ang sales namin.

"Umay! Hindi na nga double-pay, walang bonus, walang benefits tapos ni incentives ay wala!" Padabog na sinara ni Echo ang cooler kung saan nakalagay ang crushed ice na ginagamit namin sa paggawa ng milkshake.

"Gano'n talaga," sabi ni Hiroshin habang pinupunasan niya ang leeg niya gamit ang puting towel. "Franchise lang naman kasi 'to at hindi company own. Nakita mo ba 'yong Dreamy sa tapat ng Henderson? Doon ka mag-apply kung gusto mong may benefits ka. Iyon ang main at hindi kuripot ang may-ari."

"Tangek, sa tingin mo tatanggapin ako roon? Wala pa 'ko sa disi-otso, oy!" 

Tiningnan ako ni Hiroshin at inabot ang puting towel, nakangiti. Na-gets ko kaagad ang ibig niyang sabihin kaya kinuha ko ang towel niya at pinunasan ang likod niya.

"Kita mo na? Huwag ka nang magreklamo riyan. Hintayin mo na lang na mag-disi-otso ka at lumipat ka na roon." Nilingon ako ni Hiroshin nang matapos ako sa kakapunas ng likod niya. "Salamat."

"Isumbong ko kaya sila sa DOLE?" Ayaw pa rin tumigil ni Echo sa karereklamo.

"Sinong isusumbong mo sa DOLE?" Biglang pumasok si Ma'am Jade bitbit ang isang kulay puti na tote bag. Nakasuot siya ng dress na kulay puti at abot hanggang tuhod at nakatali ang buhok niya sa ponytail.

"Paki mo? Bwesit," sagot ni Echo habang busy na sa pagbibilang ng pera sa kaha at hindi nag-abalang tingnan kung sino ang nasa harap.

"Siraulo..." natatawang bulong ni Hiroshin at inabala ang sarili sa pagtitimbang ng mga ingredients. Malapit na kasi ang time-out namin.

Naningkit ang mga mata ni Ma'am Jade at dahan-dahang naglakad papunta sa harap ng counter kung saan nakatayo si Echo.

"Bwesit ako? Nabibwesit ka sa'kin?" nakataas ang kilay na tanong ni Ma'am Jade.

Natigil sa pagbibilang ng mga barya si Echo kaya napakamot siya sa batok niya. "Ano ba 'yan! Nakalimutan ko tuloy! Back to piso, amputa!"

Tumikhim nang malakas si Ma'am Jade kaya nag-angat ng tingin si Echo. Unti-unting nanlaki ang mga mata niya nang makilala kung sino ang kaharap.

"O-Oy! Ma'am Jade! K-Kamusta po?! Happy new year!" 

"Tarantado, amputa…" napapailing at tumatawang bulong ni Hiroshin. Nang makita niyang napatingin ako sa kaniya ay natigil siya sa pagtawa at tinakpan ang bibig. "Sorry." 

"Sinong isusumbong mo sa DOLE at bwesit na bwesit ka riyan?" tanong ni Ma'am Jade, nakahalukipkip at nakataas pa rin ang kilay.

"Iyong boss ko na kuripot, Ma'am! Pero hindi ikaw 'yon, ah!" palusot ni Echo. "Sige, magbibilang muna po ako ng pera para ma-remit ko na sa inyo. Upo muna po kayo! Hehe."

Napailing na lang ako habang pinipigilan ang tumawa sa kalokohan ni Echo.

***

Mabilis na lumipas ang mga araw at nagsimula na ulit ang klase...gano'n pa rin kami ni Yumi. Nagbabatian pero hindi na nagkakasama sa pagkain. Hindi na rin kami madalas mag-usap, at kung mag-usap man...hindi na katulad ng dati.

Dumating ang araw bago mag-Valentines day at nakita ko kung gaano karami ang nagbigay ng love letter at mga bulaklak sa magaganda kong kaklase—at isa na roon si Yumi. 

Pinagmamasdan ko siya habang binabasa ang mga love letters na galing sa locker niya. Napakalawak ng ngiti niya at kumikislap ang mga mata sa tuwa.

"Eto pa, oh! Nalaglag!" Pinulot ni Cathy sa sahig ang isang sobre na kulay blue at binigay kay Yumi.

"Daming admirers, ah!" panunukso ni Pampers. Nakatambay kasi kami ngayon sa locker area, kakatapos lang namin mag-jogging sa oval.

"From Sasuke?" basa ni Yumi sa nakasulat sa sobre. "Ano 'to? Naruto?" Tumawa siya.

Biglang napaubo si Hiroshin habang kumakain siya ng Pillows sa gilid.

"Ayan na nga ba ang sinasabi ko!" Tinapik-tapik ni Tadeo ang likod ni Hiroshin na panay pa rin ang ubo habang hawak ang sariling dibdib.

Sa reaksyon pa lang niya ay alam kong sa kaniya galing ang love letter na 'yon. 

Marahas akong napabuntong-hininga at muling tumingin kay Yumi. Binabasa niya na ngayon ang sulat na galing kay Hiroshin at halos mapunit ang bibig niya sa laki ng ngiti.

Ano kayang pakiramdam na makatanggap ng mga ganyan, Yumi? Masarap ba sa pakiramdam? Ang sarap maging katulad mo at nakakalungkot lang na kahit kailan ay hindi ko mararanasan 'yan.

Pagbalik namin sa classroom ay hindi pa bumabalik ang MAPEH lecturer namin, kaya naman ay nagkakagulo pa ang mga kaklase ko sa mga natanggap na regalo ng mga magaganda kong kaklase.

Nang tingnan ko si Lovely ay nakasimangot siya habang hawak ang hindi ko mabilang na pulang rosas. Sa pagkakaalam ko ay galing 'yon sa mga taga-Regular Class at higher section ng Night Class na may crush sa kaniya. May mga love letters din na nakapatong sa ibabaw ng desk niya.

"Bakit nakasimangot ka riyan?" puna ni Echo kay Lovely.

Ngumuso siya. "Puro kasi galing sa Regular Class 'tong mga natanggap ko. Tapos...ni isa sa inyong mga lalakeng classmate ko...walang binigay sa'kin."

Gusto kong mapairap sa sinabi niya.

Buti nga siya ay nakatanggap ng mga ganyan, eh. Ako nga wala ni isa. Tapos magrereklamo siya riyan. Nakakairita lang.

"Kasi kilala ka na namin! Iyong mga taga-Regular Class, hindi!" Dumukwang si Tadeo sa gitna ni Echo at Lovely. "Kung housemate ka ni Big Brother, ikaw ang pinakamaraming boto para ma-nominate! Kaya huwag ka nang magtaka kung bakit mas maraming nagkaka-crush kay Yumi kaysa sa'yo!"

"Tadeo," saway ni Hiroshin, umiling pa nang kaunti.

"Bakit, totoo naman, ah—aray!" reklamo niya nang batukan siya ni Echo.

"Umupo ka na nga roon sa upuan mo."

"Ba't ka nambabatok?!"

Kinuha ni Echo ang Arnis stick niya. "Anak ng—"

"Heto na! Ulol!" Umalis na si Tadeo at bumalik na sa upuan niya, takot makatikim ng hampas kay Echo.

"Ang sama ni Tadeo," naiiyak na sabi ni Lovely.

"Huwag mong intindihin 'yon," alo ni Echo.

Hindi ko masisisi si Tadeo at ang iba ko pang classmate na lalake kung ayaw nila kay Lovely. Siguro kung hindi niya pinaiyak noon si Yumi—noong sinabi niyang pinagseselos lang siya ni Pampers, siguro ay may nagkaka-crush pa rin sa kaniya hanggang ngayon. Simula kasi nang mangyari 'yon, maraming kumampi kay Yumi at marami rin ang nainis sa ugali niya.

Pagdating ng Marso, malapit na ang final exam namin at hindi na ako umaasang ako ang magiging top one.

Bakit pa? Si Yumi ang palaging top one sa nakalipas na tatlong quarter, imposible na matalo ko siya. 

Marami sa amin ang nalulungkot dahil hindi namin makikita ang pagmumukha ng isa't isa kapag nag-summer na. Para sa'kin ay okay lang naman kasi una sa lahat ay wala naman akong kaibigan na mami-miss ko kasi makakasama ko naman sila Hiroshin at Echo sa trabaho—maliban kay Tadeo. 

Pangalawa, gusto ko munang ipahinga ang utak ko sa mga bagay na related sa academics at kay Yumi. Hindi ko siya makikita nang dalawang buwan at ibig sabihin lang niyon ay hindi ako makakaramdam ng inggit. 

"Marife, ikaw na."

Napatingin ako sa notebook na inabot ni Echo. Nakasulat doon ang mga basic na tanong tungkol sa akin at sa mga favorite ko.

Slumbook.

"Kay Cathy 'yan. Sagutan daw natin lahat. Paka-corny, amp."

Hindi ko pinansin ang sinabi ni Echo at hinanap ko ang mga tanong para kay Yumi. Gusto ko lang malaman kung sino ang inilagay niyang crush, gusto kong masiguro na wala siyang crush kay Hiroshin. Sikat sila sa school at marami ang tumutukso sa kanila kaya hindi malabong magka-crush din siya kay Hiroshin.

Nang makita ko ang kay Yumi ay binasa ko kaagad kung sino ang crush niya.

Secret. Sorry. ;)

Nanlumo ako nang makitang hindi niya sinagot. Ibabalik ko na sana sa page kung saan ako sasagot pero napatingin ako sa isang partikular na tanong para kay Yumi.

Who is your bestfriend? 

-Cathy Sole Hope

Parang may pumiga sa puso ko nang mabasa ko ang isinagot niya. 

Cathy at Sole? Eh, ako? Nasaan ako? 

Nag-init ang mga mata ko at marahas na bumuntong-hininga. Ayokong iyakan iyon. Kung ayaw niya akong maging bestfriend, ayoko na rin sa kaniya.

Sinagot ko ang mga tanong para sa akin at para makaganti ay isinulat ko si Lovely bilang bestfriend ko. Wala akong pakialam kahit mabasa niya iyon. Sa crush naman ay 'one of Madrigal triplets' lang ang nilagay ko. Marami rin ang nagkaka-crush sa kanila kaya okay lang na isipin nila na isa sa mga 'yon ang crush ko. Ayokong sabihin ang totoo, ayoko rin kasi na malaman niya. Matapos ko iyong sagutan ay pinasa ko na kay Hiroshin ang notebook.

"Tatlong linggo na lang at matatapos na ang school year ninyo," panimula ng EP lecturer namin na si Ma'am Jodi. 

Pinagilid niya ang mga upuan namin at pinaupo kami sa gitna nang pabilog. Katabi ko si Hiroshin at Echo kasi...ewan ko. Hindi ko alam kung bakit sila palaging nakadikit sa akin. Imposible naman na crush nila ako, magpapa-lechon ako kung totoo 'yon.

"Gusto kong magnilay-nilay kayong lahat. Pumikit kayo at damhin ang bawat paghinga n'yo sa loob ng labing-limang minuto. Kusang may papasok sa isip n'yo at pagnilayan n'yo iyon."

Walang nagreklamo sa amin dahil sabi ni Ma'am Jodi ay paraan ito upang mailabas ang mga alaala na pilit binabaon ng kasalukuyan. Daan din daw iyon para makamit ang tinatawag na 'inner peace'.

Ang sabi niya, kapag tahimik ang paligid at nakapikit ka, kusang papasok sa isip mo ang mga bagay na ayaw mo nang alalahanin.

Naikuyom ko ang mga kamao ko na nakapatong sa mga hita kong natatakpan ng palda.

"Hoy! Kape at gatas! Nye nye nye!" 

Napayuko ako nang sumulpot sa dinadaanan namin ni Yumi ang kaklase naming lalake. 

"Hoy kape!" Tinuro niya ako. "Ang pangit at ang itim mo tapos dumidikit ka kay Yumi!" Tumawa siya nang malakas.

Grade 3 pa lang ako at wala pa akong pakialam sa sinasabi niyang pangit ako. Hindi ko siya pinansin at hinila na si Yumi pero pumulot siya ng bato at binato iyon sa nangbu-bully sa akin.

"Huwag mong tinutukso si Mhae!" sigaw ni Yumi. "Pangit mo!"

"Mas pangit 'yang kaibigan mo!"

"Bleh! Mas pangit ka! Pangit, pangit!" 

"Yumi, tama na…" awat ko.

Pero imbes na tumigil ay pumulot siya ng putik at binilog iyon bago hinagis sa kaaway niya.

"Mukha kang aso!" 

Nagtatakbo palayo ang kaaway niya dahil walang tigil sa pagbato si Yumi. Natigil lang siya nang hawakan ko ang braso niya para pagilan siya.

Napatingin ako sa uniform niya. "Ang dumi na ng uniform mo! Patay ka kay Tita Vicky!"  

Ngumiti siya bigla at napasigaw ako nang ipunas niya sa uniform ko ang kamay niya na puro putik.


"Yumi!"

"Ayan! Parehas na tayong lagot sa mga mama natin!"

"Ah, gano'n, ah!" Pumulot din ako ng putik at pinahid sa uniform niya.

"Ah! Mhae!" 

Tumawa ako sa itsura niya kaya hinabol niya ako. Biglang bumuhos ang ulan at parang wala kaming pakialam, naglaro lang kami sa putikan, nagtatawanan at naghahabulan.

Naramdaman ko ang pagpatak ng isang butil ng luha mula sa mata ko habang inaala iyon. Nakapikit pa rin ako habang kagat ko ang pang-itaas kong labi.

Bakit kailangang may magbago kapag tumanda ang mga bata? Hindi ba pwedeng manatili na lang sa panahon kung saan wala pang malalim na inggit ang pwedeng maramdaman ng isa para sa isa? Kung saan hindi pa maghahanap ng ibang kaibigan ang isa't isa dahil kayong dalawa lang ay sapat na?

Natapos ang labing-limang minuto at nang idilat ko ang mga mata ko ay pinunasan ko kaagad ang mga luha sa pisngi ko.

"Okay ka lang?" tanong ni Hiroshin nang makita ang namumula kong mga mata.

Tumango ako bilang sagot pero umiwas na rin ako ng tingin.

Tinawag kami isa-isa at pinaupo sa gitna para tanungin kung ano ang nasa isip namin kanina habang nagninilay-nilay.

"Sumagi po sa isip ko 'yong araw na...umalis po ang tatay ko." 

Nakinig ako nang mabuti kay Hiroshin. Siya na ngayon ang nasa gitna at tinatanong. Ngayon ko lang nalaman na nilayasan pala sila ng tatay niya.

"Anong naramdaman mo nang sumagi 'yon sa isip mo?" tanong ni Ma'am Jodi.

"G-Galit po…" Nagbaba siya ng tingin. "Kasi iniwan niya kami bigla, eh. Hindi niya inisip na may mga anak siya. Nasaktan ako pati kapatid ko...at higit sa lahat ay nasaktan 'yong mama ko."

"At ano ang natutunan mo sa pangyayaring 'yon?"

Gumuhit ang tipid na ngiti sa labi ni Hiroshin at tumingin kay Ma'am Jodi.

"Hindi ko po gagawin sa iba ang ginawa niya. Hindi ako mananakit ng mga taong pinapahalagahan ko, rerespetuhin ko sila kasi iyon ang mga bagay na hindi nagawa ng tatay ko sa nanay ko."

Nagpalakpakan kaming lahat sa sinabi niya. Napangiti ako kasi napakaganda ng ugali niya. Hindi niya kayang manakit—napakaswerte ni Yumi.

Nangalahati na ang mga tinawag ni Ma'am Jodi at hindi pa rin ako tinatawag. Hanggang sa si Yumi na ang tinawag at pinapunta sa gitna.

Napansin ko kaagad na namumula ang mga mata at ilong niya, parang galing siya sa pag-iyak.

"Anong sumagi sa isip mo, Yumi?" tanong ni Ma'am Jodi.

Tumingin sa akin si Yumi at nakita ko ang sakit na bumalatay sa mga mata niya. Napalunok ako dahil mukhang alam ko na ang mangyayari.

"M-May kaibigan po ako…at siya kaagad ang naisip ko noong pumikit ako," sagot niya sa piyok na boses.

Napatingin sa akin si Hiroshin at hinagod niya ang likod ko, alam niya kasi na hindi kami okay ni Yumi pero hindi naman siya nagtanong tungkol doon.

Yumuko si Yumi at nagsimulang tumulo ang mga luha niya. 

"Go, Yumi...Kaya mo 'yan..." alo ni Cathy. Inalo din siya ng iba naming kaklaseng babae.

Pinunasan ni Yumi ang mga luha niya at bumuntong-hininga bago tumingin sa akin. Nanikip ang dibdib ko.

"N-Nakasakit po ako ng isang matalik na kaibigan. Unti-unti akong lumayo sa kaniya kasi akala ko ay 'yon ang mas makakabuti para sa amin pero nagkamali ako…."

Nanginig ang buong katawan ko dahil na rin sa mga matang nakatuon sa akin ngayon. Alam nila na ako ang tinutukoy ni Yumi dahil alam ng lahat na kami talaga ang close noon.

"N-Nakalimutan ko siya dahil napasaya ako ng iba."

Mabuti alam mo 'yan. Gustong-gusto kitang sumbatan. Kasalanan mo 'to, eh. Kung hindi ka sana unti-unting lumayo sa akin ay hindi ako makakaramdam ng inggit, sana nataboy ko noong una pa lang...sana naiwasan ko. Pero dahil wala ka, nilamon ako ng galit at inggit. Kasalanan mo kung bakit ako nagkaganito, Yumi...

Paulit-ulit akong lumunok, pinipigilan ang pagtulo ng mga luha ko pero nabigo ako. Napayuko ako para hindi nila makita ang pag-iyak ko.

Nahukay ni Yumi ang emosyon na natabunan ng inggit at galit na nararamdaman ko sa kaniya. Dahil aaminin kong nasasaktan ako tuwing nakikita siya na may kasamang ibang kaibigan. 

Naramdaman kong tumayo siya at naglakad palapit sa akin. Nag-angat ako ng tingin at nagtama ang mga mata naming dalawa. 

"P-Patawad...s-sorry...s-sorry..." umiiyak na sambit niya habang nakaluhod siya sa harap ko.

Hindi ko alam ang gagawin ko ngayong nasa harap ko siya. Sa totoo lang ay ayaw ko siyang kausapin. Ayoko nang magpakaplastik sa kaniya na okay kami pero ayoko rin na mapahiya siya o ako sa harap ng mga kaklase namin.

"S-Sorry din..." Iyon ang lumabas sa bibig ko.

Sorry kasi ayoko nang maging plastik sa'yo. Mas mabuti nang hindi tayo magkaibigan dahil hindi na ako totoo sa'yo. 

Niyakap niya ako at yumakap din ako pabalik, hinahagod ang likod niya. Ayoko lang makita ng mga kaklase ko lalo na ni Hiroshin na hindi ko pinapansin si Yumi.

Tumunog ang bell, senyales na breaktime namin sa afternoon period. Hindi na natanong ang iba at kasama na ako roon. Mabuti na rin 'yon dahil ayoko nang humarap pa sa kanila.

"Okay na ba kayo ni Yumi?" usisa ni Hiroshin habang sabay kaming naglalakad pababa ng canteen. Nasa unahan namin sila Echo at Tadeo at may pinag-uusapan sila tungkol sa ML.

Hindi ako nakasagot kaagad dahil napatingin ako kay Yumi kasama sina Cathy at Sole. Nakasabay namin sila sa paglalakad at nginitian niya ako.

"Sabay tayo?" nakangiting aya niya. Akala niya talaga ay okay na kami.

"Uh..." Hindi ko alam ang sasabihin ko. Napatingin ako kay Cathy at Sole na nakaiwas ang tingin sa akin. "May kasabay ka na, eh..."

Nabura ang ngiti ni Yumi dahil sa sinabi ko.

"Siguro mas mabuting mag-usap muna kayo..." nakangiting suhesyon ni Sole. "Tara, Cathy..." Hinatak niya paalis si Cathy.

"Mauna na rin kami sa canteen, Marife," paalam ni Hiroshin bago sumunod kanila Echo at Tadeo na walang alam sa nangyayari sa likod nila.

"Galit ka pa ba sa'kin?" untag ni Yumi nang tumigil kami sa isang bench na katapat mismo ng Tennis court.

Oo. At ayoko nang makipagplastikan sa'yo.

"Tinanggap ko na ang sorry mo, Yumi. Pero kung hindi mo sila kayang layuan—"

Namilog ang mga mata niya. "P-Pero…"

"Una mo 'kong naging kaibigan, Yumi. Pero bakit hindi mo sila magawang layuan? Sila ang dahilan kung bakit tayo nagkaganito."

"P-Pero hindi ko kayang layuan sila—"

"Pero ako, kaya mong layuan?" puno ng hinanakit na tanong ko sa kaniya.

Natigilan siya at hindi nakasagot.

"Alam mo, mas mabuti pa nga talaga na hindi na tayo mag-usap. Masaya ka na sa mga bago mong kaibigan. Hindi mo na ako kailangan pa."

Nanubig ang mga mata niya at umawang ang bibig. "H-Huwag mo naman sabihin 'yan…"

Tumayo na ako at umiwas ng tingin sa kaniya. Ayokong umiyak sa harap niya. Mas mabuti na lang talaga na hindi na kami mag-usap pa. Ayoko nang maging kaibigan siya kung puro inggit ang nararamdaman ko sa kaniya. 

"Simula ngayon...hindi na tayo magkaibigan..." Iyon ang huling sinabi ko bago ako naglakad paalis.

Simula ng araw na 'yon ay kinalimutan ko na ang pagiging magkaibigan namin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top