12. Hindi Ka Pangit
C H A P T E R 12:
Hindi ka pangit
Hindi ko nagawang makapasok sa Dreamy dahil sa resulta ng top ten. Sinabi ko na lang na masama ang pakiramdam ko kaya hinatid ako rito ni Ate Monica. Binigyan niya pa ako ng pera pero binigay ko lang 'yon kay Echo para mabayaran ko na lahat ng utang ko sa kaniya.
Humiga ako sa higaan ko at napabuntong-hininga.
Top 2 lang ako. Natalo ako ni Yumi.
Bakit ako natalo? Ginawa ko naman ang lahat. Kahit may trabaho ako, nagagawa ko pa rin makapag-aral sa gabi para lang tumaas ang mga grades ko at hindi ako malampasan ni Yumi. Pero sa huli...talo pa rin pala ako.
Naramdaman ko ang pagpatak ng isang butil ng luha mula sa mata ko at napapikit na lang ako. Nasa labas pa ang mga kasama ko rito sa kwarto kaya hindi ako nag-abalang punasan ang luha ko.
Ano bang kulang? Ayokong natatalo ako...at ito na lang ang kaya kong patunayan sa sarili ko pero nabigo pa ako. Hindi na nga ako maganda, hindi pa ako top one. Ano na lang ang makikita nila sa akin? Paano pa ako mag-eexist sa kanila?
Natigil ang pagdadrama ko nang maramdaman kong may umupo sa higaan ko sa mismong paanan ko. Nang idilat ko ang mga mata ko ay nakita ko si Lovely.
Gusto kong magtaka dahil kapag nasa school siya ay panay ang pagpapaganda niya, pero kapag dito naman sa bahay ay parang wala siyang pakialam sa mukha niya. Maganda pa rin naman siya kahit walang make-up. Hindi lang ako sanay na hindi siya naglalagay ng powder sa mukha niya o ng kahit anong kolorete.
Bumangon ako at pinunasan ko ang mga luha ko.
"Umiiyak ka?" seryosong tanong niya.
Hindi ba obvious?
"Okay lang ako," tanging nasabi ko.
"Pwede ka namang bumawi sa next quarter."
Napakunot ang noo ko. "Anong sinasabi mo?"
Hinaplos niya ang hita niya at bumuntong-hininga. "Alam kong affected ka sa pagiging top 2 mo. Nakita kaya kita kanina. Halos maiyak ka kanina nang makita mong number two ka lang."
Ano ngayon sa'yo?
Umiwas ako ng tingin. "Ngayon lang 'to."
"Hahayaan mo na lang ba 'yon? Magiging kontento ka na lang na maging top 2?"
Umiling ako. "Hindi. Babawi ako."
"Pero aminin mo, ginawa mo naman ang lahat para maging top one pero hindi pa rin sapat."
Tumingin ako sa kaniya. Alam kong may gusto siyang iparating.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko.
Sumilay ang matipid na ngiti sa mga labi niya. "Ang sinasabi ko lang...kung hindi mo makuha ang pagiging top one, kailangan mong hilain pababa ang nasa tuktok."
Hindi ako tanga para hindi kaagad maintindihan ang sinasabi niya.
"Hindi ko kakalabanin ang kaibigan ko," seryosong sabi ko at idiniin ko pa ang huling salita para ipamukha sa kaniya na kaibigan ko si Yumi.
"Talaga? Kahit siya ang gusto ni Hiroshin?"
Natigilan ako sa sinabi niya. Paano niya nalaman 'yon?
"Sinabi sa'kin ni Echo," sabi niya na para bang nabasa niya kung anong laman ng isip ko. "Actually, hindi niya sinabi sa akin. Parang sinabi niya lang na nahahalata niyang may gusto ka kay Hiroshin."
"Bakit gusto mong kalabanin ko ang kaibigan ko? Ano bang gusto mo?" Hindi ko na napigilan na itanong sa kaniya kung anong laman ng isip ko.
Tumawa siya sa maarteng paraan. "Chill ka lang. Wala naman akong sinabing kakalabanin mo siya, eh..."
Nagkuyom ang mga kamao ko. Sa lahat ng ayaw ko ay 'yong pinapaikot ako...dahil doon lumalabas ang sungay ko.
"Hindi mo 'ko maloloko, Lovely. Alam ko kapag ang taong kaharap ko ay isang plastik at nagpapanggap."
Nabura ang ngiti niya at naging seryoso ang mukha.
"Unang kita ko pa lang sa'yo...hindi na kita gusto dahil alam kong hindi totoo ang mga ngiti mo noon sa amin. At nararamdaman ko na ayaw mo-"
"Kung gano'n ay plastik ka rin pala," biglang sabad niya kaya napatigil ako sa pagsasalita. Hindi ako nakasagot.
"Nalalaman mo na plastik ang taong nasa harap mo dahil gano'n ka rin. Alam mo kung paano kumilos ang isang plastik na katulad ko dahil gawain mo rin iyon. Tama ba ako?"
Hindi ulit ako nakasagot. Tinatamaan ako sa mga sinasabi niya.
"Kung plastik ka...ibig sabihin ay hindi ka rin totoo sa mga ipinapakita mo kay Yumi?"
"H-Hindi totoo 'yan!" mariing tanggi ko. Bumibilis ang tibok ng puso ko dahil sa tensyong nararamdaman.
"Gano'n ba ang isang kaibigan para sa'yo, Marife? Ang maging plastik?"
"Ano bang gusto mo?!" Hindi ko na naiwasang magtaas ng boses.
"Naiinggit ka kay Yumi dahil sa kaniya may gusto si Hiroshin at nagagalit ka sa kaniya kasi pakiramdam mo ay inaagaw niya lahat ng bagay na dapat ay para sa'yo...lalo na ang pagiging top one."
Tumaas-baba ang dibdib ko kasabay ng paghigpit ng pagkakakuyom ng mga kamao ko. Nagsimula na ring mangilid ang mga luha sa mga mata ko pero wala akong mahagilap na isasagot sa mga ibinabato niya sa akin.
Dahil totoo lahat ng 'yon. Totoo ang mga sinasabi niya.
"Bakit hindi mo siya kalabanin, Marife?"
"Dahil kaibigan ko siya! Ano bang problema mo?!" sigaw ko kasabay ng pagbuhos ng mga luha ko.
Alam ko ang ginagawa niya. Tinitira niya ang emosyon ko.
"Kaibigan pa rin ba ang turing mo sa kaniya kung hindi mo na kayang magpakatotoo? Aminin mo, Marife...hindi ka natutuwa sa bawat achievements na nakukuha niya kasi naiinggit ka. Ipinapakita mo na masaya ka para sa kaniya pero ang totoo...pinaplastik mo na siya."
"Oo na!" Sumabog na ako. "Oo na! Masaya ka na? Naiinggit ako kasi parang ang dali ng lahat para sa kaniya! Nakukuha niya 'yong mga bagay na ginusto ko rin makuha! Samantalang ako, kahit anong gawin kong pagpupuyat sa pag-aaral, siya pa rin ang magaling, siya pa rin ang pinupuri, siya pa rin ang nagugustuhan ng lahat! Ayan, narinig mo na?! Okay na?!"
Napangisi siya habang pinagmamasdan akong umiyak. Hindi ko akalain na mailalabas ko ang mga salitang 'yon na dapat ay nasa isip ko lang. Hindi ako sanay na inilalabas ang mga hinaing ko at hindi ako makapaniwalang kay Lovely ko iyon nasabi lahat.
"Naiintindihan kita."
Umiling ako. "Hindi mo ako maiintindihan kasi maganda ka. Hindi mo nararamdaman ang insecurities na nararamdaman ko kasi-"
"Matalino ka ba talaga?" sarkastikong putol niya sa sinasabi ko. "Sa tingin mo...kayong mga pangit lang ang may insecurities sa katawan?"
Ayos...pinamukha pa talaga.
"Nakikita mo 'tong mukha na 'to?" Itinuro niya ang sarili niyang mukha. "Maganda, 'di ba? Pero sa tingin mo...bakit wala akong mga kaibigan na babae? Bakit sa mga lalake lang ako close?"
"Kasi plastik ka..." prangkang sagot ko at napaismid siya. "...at feelingera. Isa kang halimbawa ng pick-me girl."
"That my personality!"
Kahit tumutulo ang mga luha ko ay hindi ko napigilan ang matawa nang sarkastiko. "Kulang ka sa 's'."
"Sabihin na nating totoo ang sinabi mo. Pero ang points ko-"
"Point hindi points. Sobra ka na ngayon ng 's'," pagtatama ko.
"Makinig ka nga muna! Boba nito!"
Gusto kong matawa dahil naglalabasan na ang tunay naming ugali ngayong kami ang magkaharap.
"Ang punto ko...nagkakaroon din ng insecurities ang magagandang babae katulad ko. Katulad noong una ko kayong makilala ni Yumi, hindi ko siya nagustuhan kasi maganda siya."
Tiningnan ko siya nang masama. "Nai-insecure ka kay Yumi kasi maganda siya? Nasaan ba ang utak mo? Ni kalahati nga ng ganda mo ay hindi ako pinalad. Ang mga katulad ko dapat ang ma-insecure at hindi mga katulad mo!"
Tumitig siya sa sahig na para bang may inaalalang masakit na nakaraan. "Hindi ako sanay na may kahati sa atensyon. Gusto ko...ako lang ang maganda," halos pabulong na sambit niya.
Pinunasan ko ang mga luha sa pisngi ko at hindi makapaniwalang tumitig sa kaniya.
"Seryoso ka ba? Hindi lang ikaw ang babae sa mundo at hindi lang ikaw ang maganda sa mundo. Kung ayaw mo ng may kahati sa atensyon ng lahat ay sa Mars ka na lang sana tumira."
Tumingin siya sa'kin nang masama pero hindi ako nagpasindak. "Ang epal mo, 'no? Hindi mo naman ako maiintindihan, eh. Hindi n'yo 'ko maiintindihan hangga't hindi kayo napupunta sa sitwasyon ko."
"Pare-pareho lang tayo na hindi kayang intindihin ang isa't isa."
"Bakit hindi natin intindihin ang isa't isa? Parehas naman tayong may insecurity kay Yumi."
Hindi ko napigilan ang umismid, na kahit kailan ay hindi ko ginawa. "Anong gusto mo? Kalabanin ko si Yumi at makipagkaibigan sa'yo?"
"Oo," walang kagatol-gatol niyang sagot. "Ayoko kay Yumi at naiinggit ka sa kaniya. Magtulungan tayo para siraan siya-"
"Hindi ko magagawa sa kaibigan ko 'yan," mariing putol ko sa sinasabi niya.
Umikot ang mga mata niya. "Tinatawag mo pa rin siyang kaibigan kahit alam mo sa sarili mo na hindi ka nagpapakatotoo sa kaniya?"
"Dahil ayoko siyang masaktan kapag nalaman niyang naiinggit ako sa kaniya." Tinitigan ko siya nang maigi. "Mahal ko ang kaibigan ko kahit naiinggit ako sa kaniya. Kaya huwag mong lalasunin ang isip ko."
Umangat ang sulok ng labi niya. "Hindi ko na kailangang lasunin ang isip mo, Marife. Dahil habang tumatagal...alam kong lalamunin ka rin ng inggit na nararamdaman mo kay Yumi."
Hindi ako nakasagot at nanatiling nakakuyom ang mga kamao ko. Binigyan niya ako ng nang-uuyam na ngisi bago dahan-dahang tumayo at umalis.
Kaibigan ko si Yumi kahit anong mangyari.
Iyon ang paulit-ulit na sinasabi ko sa sarili ko para hindi maapektuhan sa mga sinabi ni Lovely.
***
Akala ko ay hindi na ako ulit kakausapin ni Lovely-pero nagkamali ako.
Pagdating ng lunch break ay umupo siya sa bakanteng upuan ni Echo at inilapag ang notebook at ballpen niya desk.
Mula sa notebook niya ay lumipat ang tingin ko sa mukha niya. Napakalawak ng ngiti niya-pero kahit gaano kalawak iyon ay alam kong peke.
"Paturo naman ako ng lecture kanina. Wala kasi akong naintindihan, eh. Baka kapag ikaw ang nagturo ay maintindihan ng brains ko."
"Brain," pagtatama ko sa sinabi niya sabay hikab.
"Mhae, tara lunch na tayo," aya ni Yumi na kakatapos lang ilabas mula sa loob ng bag niya ang lunchbox.
"Ah, mamaya na raw siya kakain kasi tuturuan niya pa ako." Si Lovely ang sumagot kaya palihim ko siyang sinamaan ng tingin.
"A-Ah...gano'n ba..." Halatang dismayado si Yumi pero nagawa niya pa rin ngumiti kay Lovely. "Sige. Okay lang. Mukhang kailangan mo talagang magpaturo, eh."
"Tatapusin ko lang 'to, Yumi," sabi ko. "Mauna ka nang kumain at susunod na lang ako."
Ngumiti siya. "Sayang...may pasobra sana 'yong ulam ko ngayon kasi bibigyan sana kita. Pero sige...ibibigay ko na lang kay Cathy. Bye!" Kumaway pa siya bago lumabas ng classroom.
Bumuntong-hininga ako bago ko binalingan si Lovely na sobrang lawak ng ngiti.
"Akin na at tuturuan na kita."
"Thank you!"
Akala ko ay gusto niya talagang magpaturo pero habang nagsasalita ako ay busy lang siya sa paglalagay ng powder sa mukha niya.
"Nakikinig ka ba?" asar na tanong ko sa kaniya.
"Go on. I'm listen," sabi niya habang hawak pa rin ang compact powder niya at busy sa mukha niya.
"Listening. Hindi listen," pagtatama ko at halos paikutin ko ang mga mata ko dahil sa inis. "Alam mo, dapat sa English grammar ka mas mag-focus."
"Magpapaganda na lang ako kaysa pag-aralan ang mga 'yan."
Napailing ako at sinulat ko na lang sa notebook niya ang mga importanteng detalye para basahin niya na lang.
"Hindi ka ba natatakot na matanggal sa Night Class?" tanong ko habang nagsusulat. "Tandaan mo na hindi ka dapat magkaroon ng marka na mas mababa sa 83."
"Buti na lang 83 'yong marka ko sa English subject," parang wala lang na sagot niya. "Alam mo, hindi mo naman kailangan maging matalino para umangat ka sa buhay. Kaya hindi na ako nag-aaksaya ng panahon para makipag-kompetensya sa mga matatalinong kagaya n'yo. Basta makapasa ako, okay na 'yon. Gagamitin ko na lang ang ganda ko."
"Hindi nga kailangang maging matalino pero hindi naman pwedeng ganda lang ang puhunan mo para umangat. Kailangan ay maging madiskarte ka rin sa buhay."
"Bakit, hindi naman lahat ng artista ngayon ay nakapagtapos ng pag-aaral at hindi lahat ay matalino pero sumisikat pa rin sila at yumayaman."
Itinago ko ang pag-irap ko. "Hindi lang naman kasi ganda ang hinahanap nila. Gusto nila 'yong may pleasing personality na magugustuhan ng mga tao. Hindi kasi lahat ay nadadaan sa ganda."
Mula sa gilid ng mata ko ay nakita kong lumingon siya sa'kin at tinigil ang ginagawa.
"Talaga? Bakit hindi mo 'yan sabihin sa sarili mo?" nakataas ang kilay na tanong niya.
Napatigil ako sa pagsusulat. Napahigpit ang pagkakahawak ko sa ballpen. Pakiramdam ko ay may bumara sa lalamunan ko at hindi ako nakapagsalita.
Natamaan na naman ako sa sinabi niya.
"Iyon siguro ang nasa isip mo pero hindi mo naman ma-apply sa sarili mo."
"Hindi mo 'ko maiintindihan kasi hindi ka naman pangit," sambit ko.
"Hindi pagiging pangit ang problema sa'yo. Wala kang confident sa sarili kaya ka nagkakaganyan."
"Confidence," pagtatama ko sa sinabi niya. "Madaling sabihin 'yan kasi maganda ka. Hindi mo nararanasan ang malait at maging hangin sa paningin ng iba."
Pumalatak siya. "Drama mo naman."
Napailing na lang ako at hindi na sumagot.
Pagkatapos kong magsulat sa notes ni Lovely ay sabay na kaming bumaba para pumunta sa canteen.
Napansin ko kaagad na maraming napapatingin kay Lovely lalo na nang dumaan kami sa room ng mga sophomores. Karamihan sa kanila ay mga lalake na kahit isang segundo ay hindi man lang sumulyap sa akin.
Wala, eh...pangit kasi ako. Pero pakialam ko ba sa kanila?
Nang makarating kami sa canteen ay nilapitan kaagad ni Lovely ang grupo nila Pampers kasama 'yong Madrigal triplets na sila Alex, Vince at Zach.
Inilibot ko ang mga mata ko para hanapin si Yumi at nakita ko siya na nakikipagtawanan kanila Cathy kasama si Hope at Sole.
Napako ako sa kinatatayuan ko at hindi ko alam kung lalapit pa ba ako kay Yumi. Hindi ko naman kasi ka-close sila Cathy kaya parang nakakahiya na makiupo pa ako sa kanila.
Pumila na lang ako sa counter para bumili ng pagkain ko. Hindi na ako nagbabaon dahil hassle lang 'yon. Wala naman akong time makapagluto sa boarding house kasi wala namang lulutuin at hindi ako makapunta sa palengke dahil sobrang busy.
"Marife! Dito!" Biglang nagtaas ng kamay si Hiroshin na nakaupo sa mesa na malapit sa grupo nila Pampers.
Tiningnan ko muna sila Yumi na hanggang ngayon ay nagtatawanan pa rin. Bumuntong-hininga ako bago naglakad papunta kanila Hiroshin bitbit ang tray na may laman na pagkain.
Kinuha ni Hiroshin ang isang upuan at inilagay sa tabi niya. "Upo ka na."
Nag-init ang pisngi ko sa simpleng ginawa niya. Umupo na ako at inilapag ang pagkain ko sa mesa.
"S-Salamat. Si Echo?" tanong ko nang mapansin na wala siya.
"May practice sila sa Arnis," sagot ni Tadeo habang may tinitingnan sa cellphone niya. "Oy, grabe! 300K followers sa Tiktok? Hanep ka, Hiroshin!"
Napatingin ako kay Hiroshin nang sinabi iyon ni Tadeo. Sobrang lawak ng ngiti niya pero hindi 'yong tipong nagyayabang.
Grabe, hindi ko akalain na gano'n siya kabilis sisikat sa Tiktok.
"Hindi naman dadami 'yang followers ko kung wala si Yumi," sabi ni Hiroshin habang busy sa pagtanggal ng mga carrots sa ulam niyang Afritada. Inilalagay niya iyon sa gilid ng pinggan niya.
Nang maramdaman niyang nakatingin ako sa kaniya ay tumingin din siya sa akin at saka ngumiti.
"Gusto mo?" alok niya.
Umiling ako at yumuko para magsimulang kumain.
"Humahabol si Yumi sa mga followers mo, ah. Sumikat pala talaga kayo dahil sa dance performance n'yo noong Intrams?" Hindi pa rin matigil sa kakasalita si Tadeo kaya inagaw ni Hiroshin sa kaniya ang cellphone.
"Sira ka ba? Ba't mo ini-stalk si Yumi?"
"Anong ini-stalk? Lumabas kaya sa notification mo! Nag-followback siya sa'yo, obob!"
Napaubo ako nang marinig ang sinabi ni Tadeo. Namali ang paglunok ko ng kanin at biglang nangati ang lalamunan ko at sunod-sunod akong napaubo.
Tumayo kaagad si Hiroshin na makitang hawak ko ang leeg ko. Tumayo siya sa likod ko at dinampot ang baso ko na may lamang tubig. Inilapit niya iyon sa bibig ko at uminom ako roon habang hinahagod ng isa niyang kamay ang likod ko.
"Okay ka lang, Marife? Dahan-dahan lang kasi," sabi niya pagkatapos ilapag ulit sa mesa ang baso. "Ano, okay ka na?"
Lumunok nang ilang ulit habang naghahabol ng hininga. Ang sakit ng lalamunan ko!
At ano raw?! Nag-followback si Yumi sa kaniya?!
"Uy, affected siya..." panunukso ni Tadeo kaya sinamaan ko siya ng tingin.
"Tigilan mo nga si Marife," saway ni Hiroshin. Umupo na ulit siya sa upuan niya at tiningnan ako. "Okay ka na ba?"
Tumango ako bilang sagot dahil masakit pa rin ang lalamunan ko. Nawalan tuloy ako ng ganang kumain.
Tumingin ako sa direksyon nila Yumi at sinamaan siya ng tingin kahit nakatalikod siya.
May gusto ka rin ba kay Hiroshin at nililihim mo lang sa'kin? Hindi mo binanggit sa'kin ang tungkol dito, akala mo yata ay hindi ko malalaman por que wala akong cellphone.
Binilisan ko na ang kain ko kahit nawalan ako ng gana. Nang matapos ako ay nagpaalam na ako kay Hiroshin at Tadeo para bumalik na sa classroom namin.
***
"Mhae...may audition ako sa dance troupe bukas. Naghahanap kasi sila ng freshmen at gusto kong sumali. Pwede mo ba akong samahan bukas pagkatapos natin mag-lunch?" tanong ni Yumi habang nasa library kami. Dito kami pinapunta ni Ma'am Kyla para mag-self study.
Hindi ko man lang siya tinapunan ng tingin habang nagbabasa ako ng librong nakuha ko.
"Sorry. Sasamahan ko rin kasi Lovely bukas. Sasali siya sa Drama Club, eh."
"H-Huh?"
Inilapag ko ang librong binabasa ko at tiningnan siya. Nagulat pa ako dahil namumula ang mga mata niya at parang paiyak na.
"Oh, bakit?" takang tanong ko.
"B-Bakit siya ang sasamahan mo? Siya ba ang bestfriend mo?" Halos pumiyok na ang boses niya.
"H-Hindi naman. Pero sa kaniya ako unang umoo, eh."
Umiwas siya ng tingin at nagsimulang kumibot ang mga labi niya. Nakita ko ang pagpatak ng isang butil ng luha sa binabasa niyang libro kaya kaagad akong nataranta.
"Y-Yumi-"
Bigla siyang tumayo at naglakad papunta sa kabilang table kung saan nakapwesto sila Cathy.
Napabuntong-hininga na lang ako at hindi ko na siya sinundan pa. Nakalimutan kong sensitive pala si Yumi pagdating sa'kin. Lahat ng salita na nanggagaling sa'kin ay iniintindi niya at hindi siya sanay na may iba akong sinasamahan.
Kahit nang lumabas kami sa library ay hindi na ako pinansin ni Yumi. Kilala ko naman siya, ngayon lang siya ganyan at bukas ay makikipagbati na siya sa'kin. Alam kong hindi niya ako matitiis.
Walang masyadong pinagawa ang mga lecturers namin ngayong araw pero pakiramdam ko ay pagod na pagod ako.
Panay tuloy ang hikab ko habang nasa duty ako ng Dreamy. Napansin iyon ni Hiroshin.
"May sakit ka pa ba?" Sinalat niya ang noo ko. "Mukhang wala naman."
Kahit apektado ako sa ginawa niya ay nagawa ko pa ring magsalita nang hindi nauutal.
"Napagod lang siguro ako. Alam mo na, palagi kasi tayong kulang sa tulog."
Kumuha ako ng isang pack ng vanilla powder mula sa drawer sa baba at inilagay sa malaking container dahil nakita kong paubos na ang laman. Hinugasan ko na rin ang dalawang blender.
Ako pa rin ang nasa preparation area magmula nang maging regular na ako dito sa Dreamy. Gusto nila akong ilagay sa counter pero dahil mahiyain ako na humarap sa costumers ay nagpumilit ako na ako na lang ang mag-prepare ng mga orders.
May dumating na babaeng costumer at nag-order kay Echo. Tiningnan ko ang order slip para tingnan kung anong in-order ng costumer.
"Grabe. Extra large Mango Graham with three add-ons of black pearl ang order niya," natatawang bulong ni Echo sa akin.
Tumawa lang ako sa sinabi niya.
Panay ang hikab ko habang ino-operate ko ang blender, napapapikit pa ako.
"Ako na nga riyan, Marife," sabi ni Hiroshin nang makitang antok na antok ako.
"Hindi, ako na. Salamat."
Nang matapos kong i-prepare ang milkshake ay binigay ko na iyon sa costumer.
"One Extra Large Mango Graham po!" nakangiting sabi ko at inilapag sa counter ang milkshake kasama ang straw.
Tumayo mula sa pagkakaupo ang babae at tiningnan lang ang milkshake niya.
"Hindi ba sabi ko huwag n'yong lagyan ng seal?" salubong ang mga kilay na tanong niya.
Nagkatinginan tuloy kaming dalawa ni Echo bago muling tumingin sa babae.
Tumikhim si Echo bago nagsalita. "Ma'am...wala po kayong sinabing huwag lagyan ng seal ang-"
"Sasagot ka pa?!" sigaw ng babae. "Sinabi ko sa'yo kanina na huwag lagyan ng seal kasi gusto kong kutsarain! Mahina ba ang pandinig mo?!"
"Pasensya na po, Ma'am. Hindi ko lang po siguro narinig."
"Kukuha ka na lang ng order ay hindi mo pa magawa nang tama! Kaya siguro ganyan lang ang trabaho n'yo kasi mga bobo kayo!"
"Ah...Ma'am..." Sumabad si Hiroshin. "Pasensya na po pero hindi n'yo po kailangang sumigaw. At tungkol po sa nirereklamo n'yo...kailangan po talagang i-seal ang milkshake n'yo kasi matatapon 'yan. At...wala rin po kaming kutsara para sa milkshake. Straw lang po."
Medyo kumalma ang babae dahil sa sinabi ni Hiroshin pero padabog niya pa ring kinuha ang milkshake niya kasama ang straw. Palabas na sana siya ng glassdoor pero napatigil siya at muling humarap sa amin.
Sumipsip ulit siya sa milkshake at nakita ko kung paano nalukot ang mukha niya na para bang hindi niya nagustuhan ang lasa n'on.
"Bakit lasang Melon 'to?!" sigaw niya at tiningnan kami isa-isa. "Sinong gumawa nito?!"
Nanlaki ang mga mata ko nang ma-realize na mali pala ang ginawa ko.
"Hindi ba sabi ko Mango Graham?!" Dumagundong ang boses niya sa bawat sulok ng Dreamy at sabay kaming tatlo na napaatras.
Napalunok ako bago nagsalita. "A-Ako po ang gumawa. Pasensya na po, antok na antok lang po kasi-"
"Simpleng trabaho, hindi mo magawa?! Nasaan ang boss mo, ha?! Irereklamo kita!"
"M-Ma'am sorry po. Papalitan ko na lang po-"
"Anong sorry?! May magagawa ba ang sorry mo?! Pangit ka na nga, palpak ka pa! Ano pang silbi mo kung ganyan na nga ang itsura mo ay hindi mo pa magawa nang maayos ang trabaho mo?! Ito kainin mo!"
Napatili ako nang ibato niya sa mismong dibdib ko ang milkshake niya. Sa lakas ng pagkakabato niya ay nabutas ang baso at natapon sa uniform ko ang laman niyon.
"Ma'am! Awat na!" bakas ang galit na sigaw ni Echo. Itinago niya ako sa likod niya at gano'n din ang ginawa ni Hiroshin.
"Sobra naman 'yan, Ma'am!" sigaw din ni Hiroshin. "Hindi naman po sinasadya, eh!"
"Sasagot-sagot pa kayo?! Baka nakakalimutan n'yo na costumers are always right?! Binabayaran ko kayo ng tama pero mali-mali ang ibinibigay n'yong order!"
"Anong costumers are always right?! Tama ba 'yang ginawa n'yo?! Loko ka, ah!" Lumabas na ang pagiging barumbado ni Echo. "Umalis ka na rito, Ma'am! Tatawag ako ng security guard!"
"Gago, wala tayong security guard," bulong ni Hiroshin.
"Tatawag ako ng tambay sa labas!"
"Irereklamo ko kayo!" sigaw ng babae habang paatras na naglalakad palabas ng glassdoor, mukhang natatakot na kay Echo.
"Magreklamo ka! Magrereklamo rin kami! Sinaktan mo si Marife! Lagot ka sa DOLE! Akala mo siguro hindi kami lalaban, ah!"
"Tama na 'yan, oy!" saway sa kaniya ni Hiroshin bago ako binalingan.
Nakatulala lang ako habang tahimik na dumadaloy ang mga luha sa pisngi ko. Pakiramdam ko ay namanhid ang buong katawan ko.
"Huwag ka nang umiyak," malambing na sambit ni Hiroshin habang pinupunasan ang mukha ko gamit ang malinis na face towel. Siya na rin ang nagtanggal ng suot kong apron dahil iyon ang sumalo sa milkshake na binato sa akin.
"Ako na ang maglilinis dito," sabi ni Echo. "Paupuin mo muna 'yan si Marife."
Hinila ako ni Hiroshin sa gilid at doon kami umupo sa mahabang upuan. Pinunasan niya ang mga talsik ng milkshake sa mga braso, leeg at mukha ko.
"Tahan na..."
Napayuko ako at imbes na tumigil sa kakaiyak ay nagkaroon tuloy ng tunog ang pag-iyak ko.
"May mga gano'n talagang costumers, Marife..." mahinang sambit niya. "Kapag nagkamali ka, sisigawan at ipapahiya ka nila. At kung minsan, sinasaktan pa. Hindi nila alam 'yong pagod at antok na nararamdaman natin kasi akala nila ay madali lang ang magtrabaho at magpuyat habang nag-aaral sa umaga."
Umiling ako at suminghot bago nagsalita. "H-Hindi naman ako umiiyak dahil binato niya ako ng milkshake. Hindi rin ako umiiyak dahil sinigawan niya ako at pinahiya. Kaya kong tiisin ang mga 'yon...pero 'yong tirahin niya 'yong isang bagay kung saan napakahina ko...'yon ang hindi ko kaya..."
Tumigil siya sa pagpupunas sa leeg ko at kahit nakayuko ako ay ramdam ko na nakatitig siya sa'kin na parang hinihintay ang susunod kong sasabihin.
Paulit-ulit akong suminghot bago nagpatuloy. Ngayon ko lang ilalabas ang kung ano ang nasa loob ng isip ko at ramdam ko na gusto niyang makinig kaya hahayaan ko muna ang sarili ko na magdrama.
"H-Hirap na hirap akong i-build up 'yong confidence ko sa sarili ko, Hiroshin. H-Hirap na hirap ako na paniwalain ang sarili ko na maganda ako kahit alam ko sa sarili ko na hindi. Tapos ang dali para sa iba na buwagin ang katiting na tiwala ko sa sarili ko? Isang sabi lang nila sa 'kin na pangit ako...nawawala na parang bula..."
Isinubsob ko ang mukha ko sa dalawa kong palad habang hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak.
Maaaring mababaw para sa iba ang pag-iyak ko pero hindi nila alam 'yong pakiramdam na ipamukha sa 'yo na hindi ka maganda. Alam ko naman, eh. Alam kong hindi ako maganda, bakit kailangan pang ipamukha?
"Marife, makinig ka."
Hindi ako sumagot at hinintay ko ang mga sasabihin niya.
"Hindi ka pangit," panimula niya. Parang may humaplos sa puso ko nang sabihin niya iyon. "Naniniwala ako na may kaniya-kaniyang ganda ang mga babae...at nasa tumitingin nakasalalay kung paano ka nagiging maganda sa paningin nila..."
Dahan-dahan kong inalis mula sa pagkakasubsob ang mukha ko at tumingin ako sa kaniya. Kahit malabo ang paningin ko dahil sa pag-iyak ay kitang-kita ko ang nakapaskil na ngiti sa mga labi niya—isang totoong ngiti at alam kong hindi peke.
"At kung ako ang tatanungin mo...sasabihin ko sa 'yo na maganda ka," dagdag niya.
Nahigit ko ang hininga ko nang ilapat niya ang hinlalaki niya sa pisngi ko para punasan ang pumatak na isang butil ng luha mula sa mata ko.
"Kasi hindi lang mga mata ko ang ginagamit ko tuwing tumitingin ako sa 'yo..." nakangiting sabi niya bago tinuro ang sariling dibdib. "Pati ito..."
Napatingin ako sa dibdib niya bago muling binalik ang tingin sa mukha niya. Pakiramdam ko ay nawala lahat ng sama ng loob ko dahil sa mga sinasabi niya.
"Nararamdaman ng puso ko kung gaano ka kabait bilang kaibigan ni Yumi, kung gaano ka ka-sincere sa mga ginagawa mo sa school pati rito sa trabaho. Nakikita ng dalawang mga mata ko at nararamdaman naman ng puso ko..."
Tumulo muli ang mga luha ko at dahan-dahang napangiti.
"Ayan...napangiti rin kita," bakas ang tuwa na sambit niya. "Hindi ka pangit, ha?"
Tumango ako at mas lumawak ang ngiti niya kaya mas lalong lumalim ang dimples niya.
Paano pa ba ako makakaahon nito, Hiroshin? Ang bait-bait mo sa'kin. At kahit hindi ako ang naging top one, napapansin mo pa rin ako. Paano pa kaya kapag naging top one na ako? Mababaling na ba sa akin ang atensyon mo?
"Tawa na," sabi niya at mahinang tinampal ang suot kong visor kaya hinampas ko ang braso niya.
"Masakit 'yon, ah..." reklamo ko.
"Hindi naman malakas 'yon, eh..." tumatawang sabi niya. "Huwag ka nang umiyak. Pumapangit ka tuloy."
"Ewan ko sa'yo..." Hindi ko na napigilan ang matawa nang mahina.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top