11. Top One
C H A P T E R 11:
Top one
Pagpatak ng Alas-tres ng madaling araw ay may dumating na dalawang babae bilang kapalit namin dahil tapos na ang shift naming tatlo.
Sinamahan ako nila Echo at Hiroshin pauwi at hinatid nila ako hanggang sa gate ng boarding house.
"Heto na ang gitara mo," sabi ni Hiroshin at inabot sa akin ang gitara ko. Nagpumilit kasi siya na bitbitin iyon habang naglalakad kami.
"S-Salamat, Hiroshin" nahihiyang sabi ko habang bahagyang nakayuko pa. "Salamat, Echo."
"Nga pala, marunong ka bang tumugtog ng gitara? Marunong din ako," usisa ni Hiroshin kaya nag-angat ako ng tingin sa kaniya.
"O-Oo. Tinuruan ako ng mga magulang ko noong nabubuhay pa sila."
"Jamming tayo minsan." Ngumiti siya.
Napalunok ako dahil sa sinabi niya.
Marunong pala siyang tumugtog ng gitara. Pakiramdam ko, unti-unti ko siyang nakikilala ngayon.
"S-Sige," sabi ko na lang. Tatalikod na sana ako pero naalala ko na uuwi pa pala sa San Fernando si Hiroshin. "Paano ka nga pala uuwi? Madaling araw na...wala kang sasakyan."
Isinuksok niya ang mga kamay sa bulsa ng suot niyang jacket. "May bike ako. Iniiwan ko lang sa bahay nila Echo bago ako pumasok ng school."
Napatango na lang ako. Hindi ko maisip na nakakaya niyang magpatakbo ng bike mula San Fernando hanggang dito sa San Martino. Nakakapagod kaya 'yon.
Nagpaalam na silang dalawa bago sila tumalikod at naglakad paalis. Sinundan ko muna sila ng tingin bago ako bumaling sa mataas na gate ng boarding house. At saka ko lang naalala…
Naka-lock na ang gate at wala akong dalang susi.
Natampal ko ang noo ko at napabuntong-hininga.
Bakit ba nakalimutan kong sabihin kay Aling Helga na Alas-tres ng madaling-araw ang uwi ko?
Kinagat ko ang pang-itaas kong labi at nag-isip ng paraan kung paano ako makakapasok.
Saktong napatingin ako sa balcony ng second floor at may nakita akong babae na nakatayo at parang may kausap sa cellphone.
Pumulot ako ng maliit na bato at binato iyon sa direksyon ng babae. Napatingin siya sa'kin at dahil medyo madilim sa pwesto niya ay hindi ko maaninag kung anong reaksyon niya.
Umalis siya sa kinatatayuan niya at nakita ko ang pagbukas ng ilaw sa baba, tanda na bumaba siya at palabas na siya ng boardinghouse.
Maya-maya pa ay narinig ko na ang kalansing ng mga susi habang binubuksan ng babae ang gate.
"Anong oras na...istorbo naman..." narinig kong bulong niya pero hindi na lang ako umimik.
"P-Pasensya na, ha? Nakalimutan ko kasi humingi ng duplicate kay Aling Helga—" Natigilan ako nang tuluyang bumukas ang gate at tumambad sa akin ang mukha ng kaklase kong si Lovely.
"L-Lovely?"
"Marife?"
Sabay pa kaming nagsalita, parehong nanlalaki ang mga mata.
Napatingin ako sa suot niyang puting sando at maikling short na kulang itim. Ang kinis niya pala talaga.
"Dito ka nakatira?" tanong niya.
"Dito ka rin nakatira?" tanong ko rin pabalik. "Parang hindi naman kita nakita kaninang umaga rito at saka nakita ko lahat ng boardmates ko...at wala ka ro'n."
Ngumiti siya at hinawakan ako sa balikat para papasukin na ako. Sumunod na lang ako.
"Hindi ako boarder dito. Apo ako ni Lola Helga."
Nanlaki ang mga mata ko at tiningnan siya habang nilo-lock niya ulit ang gate.
"Siguro kaya hindi mo ako nakita kaninang umaga kasi 9 AM ang gising ko, malamang nasa kwarto pa ako at natutulog."
Napatango na lang ako. Ang liit pala ng mundo. Apo pala siya ni Aling Helga tapos magkaklase pa kami. At ngayon ko lang na-realize na sa kaniya pala 'yong kwarto sa bandang dulo ng second floor.
Nang makapasok na kami sa loob ng bahay ay binigyan niya ako ng duplicate ng susi para hindi na ako mahirapan bukas kapag umuuwi ako.
"Bakit kasi Alas-tres ka na umuwi?" tanong niya habang nakasandig siya sa gilid pinto ng kwarto naming mga boarders.
Tulog na tulog ang mga ka-boardmates ko kahit binuksan ko ang ilaw sa kwarto.
"May... trabaho kasi ako. Diyan lang sa Dreamy," sagot ko habang inaalis ko ang sapatos ko.
"Talaga? Ang sipag mo naman." Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa kaya medyo nailang ako. "So, magkasama pala kayo ni Echo at Hiroshin sa work?"
"Oo." Hindi ba obvious?
"May nasabi ba sila tungkol sa'kin? I mean...may nakwento ba sila sa'yo or what?" tanong niya pa.
Inilagay ko sa ilalim ng higaan ko ang sapatos ko at saka tumingala sa kaniya.
"Wala naman...bakit mo naitanong?"
Tumawa siya na parang kinikilig. "Wala...natatagalan lang kasi ako. Ang tagal nilang umamin, eh."
Napakunot ang noo ko. "Umamin saan?"
"Wala…" Tumawa ulit siya pero mas lalo lang nangunot ang noo ko.
At saka ko lang naalala ang narinig kong pinag-uusapan nila Echo at Hiroshin kanina no'ng dumating ako sa Dreamy. Kaya pala ayaw nilang sabihin sa'kin kung sinong pinag-uusapan nila dahil si Lovely pala ang tinutukoy nila.
"Sige. Maiwan na kita." Ngumiti siya at kumaway bago umalis sa pagkakasandig sa gilid ng pinto.
Napairap na lang ako. Ewan ko ba...pero malakas talaga ang radar ko sa mga plastik na kagaya niya. Iyong ngiti niya, iyong tawa niya, iyong pakikipag-usap niya sa'kin...alam kong hindi totoo 'yon.
Ako kasi 'yong tipo ng tao na nakikita at nararamdaman ko sa bawat kilos at salita ng kaharap ko kung totoo siya sa pinapakita niya. Kaya nga kay Mayumi lang ako nakipag-kaibigan dahil alam kong siya lang ang totoo sa'kin. At ngayon...si Echo at Hiroshin...alam ko na hindi pakitang-tao ang pagtrato nila sa'kin. Dahil para sa'kin, mas maraming plastik na babae kaysa sa lalake...at ramdam ko na totoo silang dalawa sa'kin.
***
Naging maganda naman ang takbo ng araw ko sa Henderson kahit pa hindi ko mapigilang mainggit tuwing nagkikwento si Yumi sa akin tungkol sa practice nila ni Hiroshin kasama ang iba pang freshmen.
Naging palakwento na si Yumi tungkol kay Hiroshin simula nang sabihin kong hindi ko na siya crush. Siguro ay iniisip niya na hindi na ako maaapektuhan pero sa loob-loob ko ay pinagsisihan ko na nagsinungaling ako. Sinabi niya rin sa akin na ni-follow siya ni Hiroshin sa Tiktok at may isang video raw siya na ni-duet nito. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko habang sinasabi niya 'yon sa'kin.
Lumipas ang dalawang linggo at dumating ang araw ng Intrams namin.
Grupo-grupo ang bawat level ng high school base sa kulay ng damit namin: green para sa freshmen, red para sa sophomores, yellow para sa junior at blue para sa senior.
Nagsimula ang Intrams sa pagtugtog ng marching bands kasama ang majorettes habang nagpa-parade kaming mga high school students sa highway. Doon ko napagtanto kung gaano kasikat ang Henderson University dahil habang nagpaparada kami ay maraming tao sa gilid ng highway ang talagang nag-abang na dumaan kami.
Habang nagpaparada kami ay sa harap lang ako nakatingin—kay Yumi na nakasuot ng maikling skirt na kulay puti at kulay green na damit na hapit sa katawan niya at kita ang pusod. Ang ganda niya dahil naka-make up pa siya at medyo kinulot ang buhok niya para bumagay sa kaniya ang aura ng pagiging muse.
Nasa magkabilang gilid naman niya si Echo at Hiroshin na siyang may hawak ng banner kung saan nakasulat ang 'Night Class 7'. Nakasuot lang sila ng katulad sa'min at sila lang ang pinahawak dahil silang dalawa ang nag-presinta.
Nakita ko kung paano nilagay ni Hiroshin ang suot niyang sumbrero sa ulo ni Yumi dahil sa sobrang tirik ng araw.
"Ay, thank you..." malambing na sabi ni Yumi. Dinig na dinig ko iyon dahil nasa bandang unahan ako.
Napabuntong-hininga ako dahil unti-unti na naman akong nilalamon ng inggit.
Naisip ko...ano kayang pakiramdam na maging muse katulad ni Yumi? Anong pakiramdam kapag nakasuot ng ganyang damit habang may make up sa mukha? Anong pakiramdam na ikaw ang nasa unahan at nakikita ng lahat bilang pinakamagandang babae sa klase n'yo? Anong pakiramdam na makatabi ang isang Hiroshin Iscalera?
Talagang unfair ang mundo.
Nilibot namin ang maliit na bahagi ng Barangay Otso ng San Martino bago kami bumalik sa Henderson University para mag-opening ceremony sa loob ng gymnasium.
Napuno ang buong gymnasium ng high school students mula freshmen hanggang senior. May kaniya-kaniyang pila bawat section at habang nagpapasikat ang marching bands at majorettes sa harap ay pinagbihis na ni Hope si Hiroshin at Yumi ng isusuot nila para sa dance performance ng freshmen.
Matagal-tagal silang nawala dahil nakaupo na kami sa mga bleachers pero wala pa rin sila.
"Nasaan na sila?" tanong ni Ma'am Carol na kanina pa pabalik-balik sa pwesto namin.
"Ayan na po sila!" turo ni Sole sa may entrance ng gymnasium.
Nakita ko si Hope, Yumi at Hiroshin. Napako ang tingin ko kay Yumi na nakasuot ng puting dress at straight na ulit ang buhok niya. Lumipat ang tingin ko kay Hiroshin na ngayon ay nakasuot ng maong pants na pinaresan ng itim na sando na fit sa katawan niya. Hindi ko alam kung anong isasayaw nila at ganyan ang suot nila ngayon.
Dumiretso si Yumi at Hiroshin sa backstage at maya-maya lang ay nagsimula na ang mga dance performance ng bawat section ng freshmen. Nagsimula sa star section at pinakahuli ang Night Class 7.
Itinaas namin ang mga hawak namin na kulay green at puting lobo habang nagche-cheer. Nangingibabaw ang malakas na sigaw ni Adan at ni Pampers lalo na nang lumabas mula sa backstage si Yumi at Hiroshin na walang sapin sa mga paa.
"Go, go! Freshmen! Go, go! Night Class!" sabay-sabay na sigaw ng mga kaklase ko habang ako ay tahimik lang at nakatuon kanila Hiroshin ang mga mata.
"Ship!" malakas na sigaw ng isang babae na sophomore.
Narinig ko pa ang mga sigawan ng mga babae mula junior at senior. Totoo pala ang sinabi ni Tadeo na sumisikat na si Hiroshin sa Tiktok pa lang.
Nanahimik ang lahat nang magsimulang tumugtog ang kantang 'Tadhana' ng Up Dharma Down. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko nang magsimulang sumayaw silang dalawa.
Contemporary dance ang genre ng sinasayaw nila kaya damang-dama ko ang bawat galaw ng kamay at paa nilang dalawa.
Lahat kaming nanonood ay napanganga hindi dahil sa performance nila, kundi sa chemistry na mayroon silang dalawa lalo na nang magharap sila at hinawakan ni Hiroshin ang bewang ni Yumi.
Matagal ko nang alam na passion ni Yumi ang pagsasayaw pero ngayon ko lang siya nakitang sumayaw ng contemporary at aaminin ko na magaling talaga siya.
Lumipat ang tingin ko kay Hiroshin na damang-dama sa bawat galaw ang lyrics ng kanta. Pati ang paraan ng pagtitig niya kay Yumi ay kikitaan ng paghanga. Hindi ko alam kung parte pa ba iyon ng performance nila pero tuwing magtatama ang mga mata nila ay nararamdaman ko ang spark na alam kong hindi lang ako ang nakakakita.
Napuno ng palakpakan ang buong gymnasium nang matapos sila. Sabay pa silang nag-bow at bumaba ng stage.
Nawala na ako sa mood dahil sa performance nila lalo pa't naririnig ko kahit saan ang pangalan nilang dalawa. Para bang naging instant famous sila dahil sa sayaw na 'yon. Sana all instant. Ako nga, kahit anong gawin ko...kahit matalino ako...parang hindi ako nag-eexist sa kanila.
Napailing na lang ako at pilit inalis iyon sa isip ko. Nagsisimula na naman kasi akong makaramdam ng inggit kay Yumi.
Pagkatapos ng program ay nagsibalikan na kaming lahat sa mga room namin. Mamayang hapon ay magsisimula na ang labanan ng sports katulad ng Volleyball, Basketball, Soccer, Tennis at marami pang iba. Hindi iyon matatapos nang isang araw lang kaya paniguradong aabutin iyon ng ilang araw.
May mga kaklase kaming representative sa mga sports na nabanggit pero ang mga katulad kong walang namang sinalihan ay hindi naman na required na pumunta sa mga susunod na araw.
"Sikat ka na," pang-aasar ko kay Yumi habang kumakain kami sa loob ng canteen.
Halos mapuno ang buong canteen dahil marami ang ginutom sa parade namin kanina.
Tumawa si Yumi bago kumagat sa hawak niyang hamburger. "Hindi naman. Sineryoso lang kasi namin ni Hiroshin 'yong bawat practice namin. At siguro nakitaan lang kami ng chemistry kaya ganoon."
Gaano kaseryoso? Iyong tipong titig na titig kayo sa isa't isa habang nagpa-practice?
Napabuntong-hininga ako sa naisip ko.
"Uy, Yumi! Picture tayo dali!" Umepal na naman si Cathy at hinila patayo si Yumi.
"S-Saglit! Kumakain ako!" angil ni Yumi pero wala na siyang nagawa at nagpahila na lang kay Cathy.
Napasimangot na lang ako habang binibilog ang spaghetti ko gamit ang tinidor.
"Hoy!"
"Bilat mo!" gulat na sigaw ko nang biglang may pumutok na lobo sa likod ko.
Tumatawang umupo si Echo, Tadeo at Hiroshin sa harap ko. Napakunot ang noo ko habang nakatingin sa kanilang tatlo.
"Ang bastos din pala ng bibig mo, 'no?" tumatawang sabi ni Tadeo habang inilalagay ang puting towel sa likod ni Hiroshin.
"Ayusin mo naman, oy!" reklamo ni Hiroshin. "Tanginang—" Napatingin siya sa'kin at saka ngumiti nang alanganin.
"Ano, kapag sa harap ng babae hindi ka makapagmura!" panunukso ni Tadeo bago tinulak ang likod ni Hiroshin. "Ayan! Okay na!"
"Ano, Marife? Wala kang sasabihin kay Hiroshin sa dance performance nila?" untag ni Echo matapos uminom sa dala niyang bottled water.
"H-Huh?" Pinagsasabi nito?
Napatingin ako kay Hiroshin at nakatingin din siya habang napakalawak ng ngiti sa labi.
Ang saya mo siguro dahil nakasama mo si Yumi sa pagsayaw.
"A-Ang galing mo..." Iyon ang lumabas mula sa bibig ko.
"Si Hiroshin lang?" mapang-asar na tanong ni Echo.
"M-Magaling sila pareho..."
"Salamat, Marife," nakangiting sagot ni Hiroshin. "Ang saya ko sa totoo lang. Nakasayaw ko siya, eh."
"Kanina pa niya sinasabi 'yan," lukot ang mukha na sabi ni Tadeo. "Oo na. Alam na naming crush mo si Yumi. Eh ang tanong, crush ka rin ba niya?"
"Importante pa ba 'yon? Hindi ba pwedeng hangaan mo ang isang tao nang walang hinihintay na kapalit?"
Hindi ko alam pero napangiti ako nang tipid sa sinabi ni Hiroshin.
Kasi ako...hinahangaan ko ang isang katulad niya kahit pa alam kong may iba siyang gusto.
"Marife, bestfriend ka ni Yumi, 'di ba?" tanong ni Tadeo kaya napatingin ako sa kaniya. "Ano bang type ni Yumi sa lalake?"
Siniko siya bigla ni Hiroshin. "Huwag ka nga."
Bumuntong-hininga ako. "Walang specific type si Yumi. Basta magpakabait ka lang sa kaniya…magugustuhan ka niya."
"Weh? Baka gino-good time mo lang kami, ah…" Parang ayaw maniwala ni Tadeo. "Baka mamaya mali 'yang sinabi mo para hindi magustuhan ni Yumi si Hiroshin."
Nagsalubong ang mga kilay ko. "Paano mo naman nasabi 'yan?"
"Baka kasi may gusto ka kay Hiroshin—" Natigil siya sa pagsasalita nang binatukan siya ni Hiroshin.
Nanlaki ang mga mata ko at nakita ko ang pagpigil ni Echo ng tawa.
"Tumigil ka nga riyan. Baka mamaya umiyak 'yan si Marife," saway ni Hiroshin.
Yumuko ako para hindi nila makita ang pamumula ng mukha ko. Nakakainis kasi si Tadeo... masyadong epal. Baka maniwala si Hiroshin.
"Hala...napikon na..." dinig kong bulong ni Tadeo.
Nang maramdaman ko ang pananahimik nila ay tiningnan ko ulit sila. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang nakapatong sa mesa ang mga siko ni Hiroshin at Echo at nakahalumbaba habang nakatitig sa akin.
"P-Problema n'yo?" tanong ko kahit alam kong pinagtitripan na naman nila ako katulad dati.
"Problema n'yo?" sabay na sabi ni Hiroshin at Echo, ginagaya ako.
"T-Tumigil nga kayo…"
"Tumigil nga kayo."
"M-Mga baliw..."
"Mga baliw..."
Napanguso ako at hindi na ulit nagsalita! Humalukipkip ako at pati 'yon ay ginaya nila! Nang sumandig ako sa upuan ko ay sumandig din sila! Parang mga tanga!
Bumulanghit ng tawa si Tadeo habang hawak ang sariling tiyan. Ang babaw talaga ng kaligayahan niya.
"Ayoko na nga. Pupunta pa ako sa gym. May laro kami." Tumayo na si Echo at ngayon ko lang napansin na may nakasabit sa likod niya na Arnis stick. "Pero bago ako umalis..."
Inabangan namin ang susunod na sasabihin ni Echo hanggang sa narinig ko ang malakas niyang utot. Nalukot ang mukha ko maging si Hiroshin at Tadeo.
"Mabango utot ko, oy! Amuyin mo pa!" Idinikit ni Echo sa ilong ni Hiroshin ang palad niya na galing sa pwet niya kanina.
Humalakhak nang malakas si Tadeo at maging ako ay hindi na napigilan ang tumawa nang makitang halos masuka si Hiroshin.
Tumakbo na palayo si Echo bago pa siya masuntok ni Hiroshin.
"Putangina mo, Echo!" malutong na pagmumura ni Hiroshin na ikinagulat ko.
Huli na para mabawi niya ang naisigaw dahil napatingin sa kaniya ang ilan sa mga estudyante.
"Gagi! Ang lutong!" At muling humalakhak si Tadeo with matching hampas sa mesa.
Nag-peace sign si Hiroshin sa mga nakatingin sa kaniyang seniors bago bumaling sa akin. Kitang-kita ko tuloy ang pagkapahiya sa mukha niya.
"Hindi talaga ako palamura."
"Weh?" pang-aasar ni Tadeo.
Tumingin si Hiroshin sa direksyon nila Yumi kung saan hanggang ngayon ay nagpi-picture taking pa rin kasama ang mga babaeng hindi ko naman kilala. Mga instant fan niya siguro.
"Tumingin sa akin si Yumi no'ng magmura ako. Bakit kaya?" Muling tumingin sa akin si Hiroshin at kitang-kita ko sa mga mata niya ang pagkabalisa.
Bumuntong-hininga ako. "Ayaw niya sa mga palamurang lalake."
"Gano'n?!" biglang sigaw niya at maging siya ay nagulat sa pagtaas ng boses. Tumikhim siya. "G-Gano'n ba? Hindi na ako magmumura ulit."
Kumirot ang dibdib ko dahil sa sinabi niya.
Bakit kasi siya pa? Bakit hindi ako? Kapag sa'kin ka...pwede kang magmura sa harap ko kahit gaano pa 'yan kalutong. Pwedeng-pwede kang magpakatotoo kapag ako ang kasama mo, Hiroshin.
Pero bakit ko pa ba tinatanong 'yon? Obvious naman ang sagot. Maganda si Yumi at pangit ako. Gano'n kasimple.
***
Inabot ng tatlong ang araw bago opisyal na matapos ang Intramurals ng Henderson University. Kaya naman, pagdating ng Lunes ay kaniya-kaniyang batian sa classroom namin ang mga nanalo sa sports at kabilang na roon si Echo na nanalo sa Arnis.
Naging doble ang parangal niya nang i-announce sa mga speaker ng broadcasting club ang pagkapanalo nila ni Yumi sa Speed and Accuracy contest na ginanap kahapon.
Naghiyawan sa tuwa ang mga kaklase ko at pansamantalang natigil sa pagtuturo si Sir Dean nang marinig ang announcement na 'yon.
Tumayo si Echo at Yumi sa harap habang pinapalakpakan sila ng mga kaklase namin.
Hindi ko magawang pumalakpak. Nakakuyom lang ang mga kamao ko habang nakatingin kay Yumi na abot-tenga ang ngiti.
Ako dapat ang nasa posisyon niya ngayon. Ako dapat ang pinapalakpakan...ako dapat ang pinupuri.
Nanikip ang dibdib ko lalo na nang marinig kung gaano kalakas ang palakpak ni Hiroshin habang nakatingin kay Yumi, nakangiti nang malawak.
Kung ako kaya ang nasa posisyon ni Yumi, ganyan din kaya kalakas ang palakpak mo, Hiroshin?
"Congratulations to the both of you," nakangiting sabi ni Sir Dean sa kanilang dalawa. "Hindi ako nagkamali sa pagpili sa inyong dalawa. Hindi siguro mananalo ang school natin kung hindi kayo ang pinili ko."
Gusto kong umirap dahil sa sinabi ni Sir Dean. Parang sinasabi niya na mabuti na lang at pinalitan niya ako bilang contestant.
Ang unfair talaga.
Hindi ko alam pero sa bawat araw na lumipas...palala nang palala ang inggit na nararamdaman ko kay Yumi. At mas lalo pa itong lumala pagdating ng PTA meeting kung saan pinapunta ni Ma'am Carol ang mga guardians namin para ibigay ang report card.
"Garcia."
Mula sa labas ng classroom namin ay nakita kong tumayo si Ate Monica para kunin ang report card ko mula kay Ma'am Carol.
"Kinakabahan ako..." sabi ko habang pinagkikiskis ang dalawa kong palad.
Nasa labas kaming lahat at hinihintay na matapos ang PTA meeting sa loob. Hindi kasi kami kakasya sa loob kaya pinatambay muna kami rito sa labas. Sabado ngayon kaya kaming mga taga-Night Class lang ang may pasok.
"Ako nga rin, eh..." sabi ni Yumi habang nakayakap sa braso ko. "Tingin mo pasado ang grades ko ngayong first grading?"
"Oo naman. Baka nga mas mataas pa sa grades ko, eh," sarcastic na sabi ko pero mukhang hindi niya naman nahalata dahil tumawa lang siya.
"Pst! Hiroshin!" tawag ni Yumi kay Hiroshin na nakasandig sa gilid ng pinto ng classroom namin kasama si Echo at Tadeo. Naglalaro yata sila ng ML. Gusto kong matawa dahil parang 'find your height' ang pwesto nilang tatlo.
Si Echo ang nasa unahan kasunod si Hiroshin. Half-inch lang naman ang difference ng height ng dalawa. Pinakamababa ay si Tadeo na hanggang tenga lang ni Hiroshin ang tangkad.
Tumingin kaagad si Hiroshin kay Yumi habang ang mga daliri ay panay ang pindot sa screen ng cellphone.
"H-Huh?" distracted na tugon niya, nabigla sa pagtawag sa kaniya ng crush niya.
"Bakit wala kang guardian na um-attend ng PTA meeting?" tanong ni Yumi.
"A-Ah…" Hindi alam ni Hiroshin ang isasagot lalo na nang siniko siya ng katabing si Echo.
"Skill na, aba! Mamaya ka na mabighani sa prinsesa mo, oy!" sigaw ni Echo kaya kaagad siyang sinaway ni Hope.
"Oo nga!" segunda ni Tadeo na busy rin sa paglalaro ng ML. "Kinabukasan ng rank natin ang nakasalalay dito, men!"
"S-Sandali nga!" angil ni Hiroshin at muling nagpatuloy sa paglalaro pero halatang distracted na.
"Ay, bobo!" sabay na sigaw nilang tatlo at sabay pang nagkamot sa sariling ulo.
"Hoy!" Biglang lumabas si Ma'am Carol at tiningnan nang masama sila Hiroshin.
"Hoy ka rin!" Napahawak sa dibdib si Echo at muntik pang mabitawan ang hawak na cellphone. "Ay, Ma'am...kayo po pala."
"Can't you see? We're in the middle of the meeting," pabulong na asik ni Ma'am Carol.
"Sorry po, Ma'am!" sabay na sabi ng tatlo.
Umalis sila sa gilid ng pinto at tumabi sa akin. Si Hiroshin mismo ang nakatabi ko. Nakasandig kasi kami sa railing. Ang ibang kong mga kaklase ay parang walang pakialam na nanunuod lang ng naglalaro ng Tennis sa baba.
"Ah, Yumi..." tawag ni Hiroshin. Hindi naman ako ang tinawag pero lumingon din ako. "Tungkol sa tanong mo kanina..hindi nakapunta ang mama ko kasi may sakit siya."
"Gano'n ba? Anong sakit niya?" tanong ni Yumi.
Para akong tanga dahil pinapagitnaan pa nila ako habang nag-uusap silang dalawa. Gusto kong umalis pero hindi ako papayag na magtabi sila. Babakuran ko sila, bakit?
Tumawa nang alanganin si Hiroshin at naging mailap ang mga mata. "M-Marami...marami siyang sakit."
"Naku...sana gumaling na siya…"
Napangiti si Hiroshin. "Salamat."
Napayuko ako kaagad nang tumingin din sa akin si Hiroshin. Ayokong makita niya nang malapitan ang mukha ko. Dami kong pimples!
Maya-maya ay natapos din ang meeting at nilapitan ko kaagad si Ate Monica para tingnan ang report card ko.
General Average: 92.8
Remarks: PASSED
Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang average ng marka ko.
"Ang galing mo," nakangiting sabi ni Ate Monica. "Highest grade mo ang 93 sa Mathematics."
Napangiti ako. "Salamat, Ate…"
"Ate Monica!" Lumapit sa amin si Yumi bitbit ang report card niya. Kasama niya si Tita Vicky.
"Oh, Yumi... Tuwang-tuwa ka, ah..."
"Paano, ang taas ng grades na nakuha niya," nakangiting sabi ni Tita Vicky.
Kumabog kaagad nang malakas ang dibdib ko sa sinabi niya.
Mataas? Gaano kataas? Mas mataas pa sa'kin?
"Everyone...this is the official top ten of my class this quarter," nakangiting sabi ni Ma'am Carol bago ipinaskil sa blackboard ang isang manila paper.
Doon nakasulat ang mga pangalan ng top ten.
1 Mayumi Rizal - 93.0
2 Marife Mhae Garcia - 92.8
3 Gericho Escobar - 88.6
4 Hope Lindsy Salvadora - 88.5
5 Hiroshin Iscalera - 87.0
6 Arabella Sole Sanqui - 86.3
7 Adan Monte Aragon - 86.2
8 Alexander Zion Madrigal - 86.0
9 Mattadeo Ocampo - 85.5
10 Catherine Precious Saragosa - 85.4
Pusangina. Top 2?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top