10. Hindi Na

C H A P T E R  10:
Hindi Na

"Ilang taon ka na nga ulit?" tanong sa akin ni Ma'am Jade, ang may-ari ng franchise ng Dreamy, na boss nila Echo at Hiroshin.

"Kaka-15 ko pa lang po ngayong araw," sagot ko. 

"Birthday mo pala?" tanong sa akin ni Hiroshin. "Ay, sorry po." Umayos siya nang tayo nang tingnan siya ni Ma'am Jade.

"Bata ka pa pala," baling sa akin ni Ma'am Jade. "May experience ka na ba sa mga ganitong klaseng trabaho?"

Kinagat ko ang pang-itaas kong labi. "W-Wala po, eh. P-Pero willing naman po akong matuto. Fast-learner po ako."

Dahan-dahan siyang napatango bago bumaling kay Echo. "Hindi ba nanghihingi ka ng rest day?"

"Oo nga po. Kaso..." Tumingin sa akin si Echo. "Baka hindi po kayanin ni Marife."

"Kakayanin ko," sabad ko. "Kung hindi ako magtatrabaho, wala akong kakainin."

"Nasaan ba mga magulang mo?" usisa ni Ma'am Jade. "Naglayas ka ba?"

Napayuko ako dahil sa tanong niya. 

"May mga gamit kang dala. Naglayas ka, 'no?" usisa rin ni Echo habang nakatingin sa mga bag ko.

"Naku, hindi kita pwedeng—"

"Sige na po, oh," pagmamakaawa ko. "Magpapagawa po ako ng sulat kay Ate Monica na pinapayagan niya akong magtrabaho rito tapos papipirmahan ko rin po. Payagan n'yo lang po ako na magtrabaho rito."

Napabuntong-hininga siya. "Baka ako naman ang makasuhan ng kapatid mo kapag pinayagan kita."

"H-Hindi po mangyayari 'yon! Wala naman siyang pakialam sa'kin, eh."

Natigilan si Ma'am Jade at maging si Hiroshin at Echo ay napatitig sa akin nang marinig ang sinabi ko. 

Tumikhim si Ma'am Jade. "Oh, sige. Pero hindi ka pa pwede magsimula ngayon kasi wala pa 'yong sulat na may pirma ng kapatid mo. Naniniguro lang ako dahil ayokong makulong lalo pa't menor de edad ka. Magdala ka na rin ng birth certificate at bio-data mo bukas."

Napangiti ako. "Okay po. Bukas na bukas. Salamat po!"

"Oh, sige." Tumayo na siya at binalingan si Hiroshin na nakapwesto sa counter. "Kukunin ko na ang remit mo ngayong araw."

"Sige po," sagot ni Hiroshin.

Nang makaalis si Ma'am Jade ay saka ako kinausap ni Echo at Hiroshin. Wala namang costumers kaya okay lang.

"Naglayas ka?" usisa ni Hiroshin habang nakaupo siya sa harap ko. "Bakit? Nag-away kayo ng Ate mo?"

Yumuko ako nang kaunti para hindi niya ako matitigan nang husto. "Mahabang kwento. Ayoko munang pag-usapan."

"Eh ang problema...saan ka tutuloy ngayon?" sabad ni Echo na nakapwesto sa counter ngayon at nakatingin sa akin.

Oo nga, 'no? Gabi na pala.

Nag-isip ako sandali. "Balak ko sana na mag-bedspace na lang."

"May pera ka pang-advance at deposit?" tanong pa ni Echo at umiling ako bilang sagot.

"Wala akong kapera-pera ngayon," nakayukong sagot ko.

"May alam akong boarding house na malapit dito," sabi ni Echo. "Mura lang kaso may mga lalakeng nangungupahan sa baba. Sa taas 'yong kwarto para sa mga babae. Ewan ko lang kung may bakante sila ngayon."

Nag-angat ako ng tingin kay Echo, nabuhayan ng pag-asa. "P-Pwede ko bang malaman kung saan 'yon?"

Napakamot siya sa ulo niya. "Alam mo, umuwi ka na lang sa inyo. Kung kapatid lang kita, baka pinalo na kita sa pwet dahil naglayas ka."

"Pero hindi mo 'ko kapatid," pamimilosopo ko.

"Oo nga, Marife," segunda ni Hiroshin. "Mas maiging umuwi ka na sa inyo. Delikado lalo pa't babae ka."

Nagbaba ulit ako ng tingin. Naiintindihan ko naman ang punto nila pero ayoko talaga umuwi.

"Sige, alis na lang ako kung ayaw n'yo akong tulungan," sabi ko bago binitbit ang dalawang bag ko at tumalikod na.

"Sandali," pigil ni Echo. "Ano, mag-isa kang maglalakad sa labas?"

Dahan-dahan akong humarap sa kanilang dalawa at saka nahihiyang ngumiti. "Desisyon kong maglayas kaya dapat panindigan ko 'to."

Napailing si Echo at saka may kinuha mula sa bulsa niya. Hindi ko alam kung ano 'yon.

"Kunin mo muna 'to." Lumabas siya ng counter at saka inabot sa akin ang tatlong libo.

"H-Huwag na!" mabilis na tanggi ko at ibinaba ang kamay niyang may hawak na pera. "Nakakahiya sa'yo."

"Huwag ka nang mahiya ka naman!" sabi niya pero siniko siya ni Hiroshin. "Ay sorry. Ang ibig kong sabihin, huwag ka nang mahiya. Babayaran mo naman kapag may pera ka na, eh."

"H-Hindi pa naman sigurado kung matatanggap ako rito. Hindi ko rin mababayaran kaagad 'yan kung sakali."

"Ayos lang! Ipon ko lang naman 'to, eh. May pera pa akong ibibigay kay Papa. Huwag ka nang mahiya. Hindi mo naman ako tatakasan, 'di ba?"

"Hindi mo kakayanin kung wala kang kapera-pera, Marife," segunda ni Hiroshin. "Tanggapin mo na. Mayaman naman si Echo—"

Siniko siya ni Echo. "Loko ka?"

Nakakahiya man pero may punto naman silang dalawa. Hindi ko lang maiwasan na mahiya.

Napakamot ako sa batok ko at saka dahan-dahang kinuha ang perang inaabot ni Echo pero itinago niya iyon sa likod niya.

"Nagbago na isip ko. Hindi na kita papautangin," seryosong sabi niya kaya nanlaki ang mga mata ko sa hiya.

Napayuko ako. "A-Ah, gano'n ba—"

"Uy! Joke lang!" natatawang sabi niya nang makita ang reaksyon ko. "Paiyak ka na?"

Napanguso ako at hinampas ang braso niya dahil sa inis. Narinig ko pa ang pagtawa ni Hiroshin kaya naramdaman ko ang pag-init ng pisngi ko dahil sa hiya.

"Aray ko!" reklamo niya habang hawak ang braso niyang hinampas ko. "Sadista ka pala? Ayoko sa sadista!"

Hindi ako sumagot kahit naiinis ako. 

"Sorry na. Heto, oh." Inabot niya ang kamay ko at inilagay doon ang pera. "Pumunta ka na sa boarding house na sinasabi ko at sasamahan ka ni Hiroshin."

"Ba't ako?!" mabilis na angil ni Hiroshin.

"O-Oo nga. Bakit siya?" segunda ko.

"Alangan naman ako?" sagot ni Echo at saka pasimpleng kumindat sa akin bago bumaling ulit kay Hiroshin. "Ikaw na ang sumama sa kaniya. Alam mo naman kung saan 'yon. Saglit lang naman, eh. Huwag ka nang magreklamo riyan."

Nakasimangot na napatingin sa akin si Hiroshin pero mabilis siyang ngumiti nang magtama ang mga mata naming dalawa.

"Tara?" aya niya at saka tumayo para tanggalin ang suot na apron, visor at hairnet.

Nagsuot siya ng jacket para takpan ang suot niyang uniform at siya na ang nagbitbit ng isa kong bag. Nagpasalamat ako kay Echo bago kami sabay na umalis ni Hiroshin.

"Pwede ko bang malaman kung bakit naglayas ka?" untag ni Hiroshin habang naglalakad kami sa gilid ng highway.

Napayuko ako at hindi ko alam ang isasagot ko. 

"Nag-away kayo ng kapatid mo?" usisa niya.

Naku, Hiroshin. Kung hindi lang kita crush, sasabihan kita na napaka-chismoso mo!

Sa gilid ng mga mata ko ay nakita kong tumingin siya sa akin.

"Alam mo, hindi sa kinakampihan ko ang kapatid mo pero mali ang ginawa mo, eh. Hindi ka dapat naglayas."

Bumuntong-hininga ako. "May malalim na dahilan kung bakit ako umalis. Pakiramdam ko kasi...wala na siyang pakialam sa'kin magmula nang dumating sa buhay niya si Ate Carrie."

"May pakialam 'yon...maniwala ka. Hindi lang siguro obvious pero mahal ka ng kapatid mo. May mga tao kasi na hindi showy sa pagmamahal nila para sa kapatid nila at isa na siguro doon ang Ate mo."

Hindi ako sumagot. Madaling sabihin pero mahirap paniwalaan.

"Sorry kung nakikialam ako, ha? Naalala ko kasi 'yong kapatid ko sa'yo. Sinasabi niya na wala akong pakialam sa kaniya pero sa totoo lang, kaya kong magpakahirap para lang mapabuti siya."

Natigilan ako sa sinabi niya. Hindi ko alam na may kapatid si Hiroshin. Ngayon ko lang napagtanto na hindi ko pa pala siya kilala nang lubos.

"Nasaan siya?" tanong ko para maiwas sa akin ang topic.

"Tambay. Ayaw mag-aral. Kahit anong sabihin ko, matigas talaga ang ulo niya." Tumawa siya pero may halong pait na hindi ko maipaliwanag.

Napatingin ako sa kaniya at nakita kong nakatingin lang siya sa harap. May dumaan na kotse sa maluwag na highway kaya kitang-kita ko ang pagkislap ng luha sa gilid ng mata niya.

"Hindi kaya madaling maging panganay..." 

Kumirot ang puso ko nang sabihin niya 'yon. Narinig ko na ang mga salitang iyon kay Ate Monica. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko.

Makalipas ang tatlong minuto ay nakarating kami sa isang bahay na may dalawang palapag at may mataas na gate na kulay pula. Pumasok kami roon at kinausap ang landlady.

"Marami po pala kayong boarder na lalake, 'no?" tanong ni Hiroshin sa landlady na si Aling Helga. 

Kulubot na ang mga balat niya at halos puro puti na ang buhok niya pero mukhang malakas pa siya. Palagi rin siyang nakangiti.

Napatingin ako sa tinitingnan ni Hiroshin. Nakabukas ang pinto ng dalawang kwarto sa tapat ng sala kung saan kami nakaupo at kitang-kita namin ang mga lalake roon. Dinig na dinig din namin ang malakas nilang boses habang kumakanta nang sintunado.

"Ah, oo," nakangiting sagot ni Aling Helga. "Mga taga-Henderson at La Vida University sila. Huwag kang mag-alala. Safe naman ang mga babae kong boarder sa taas. At isa pa, mababait ang mga 'yan."

"Pasensya na po. Naniniguro lang po kasi ako," sambit ni Hiroshin bago ako binalingan. "Okay ka na rito?"

Tumango ako at matipid na ngumiti. "Oo. Okay na ako rito."

Mukhang okay naman, eh.

Sinamahan kami ni Aling Helga papunta sa taas para ipakita kung saan ako matutulog. Pag-akyat namin ay nakita ko kaagad ang malawak na kusina at sala na nasa tapat ng malaking bintana. Nasa kabilang bahagi ang tatlong malalaking kwarto at pumasok kami sa pangatlo.

Apat na double-deck ang nakita ko. Bale walong higaan ang mayroon at dalawa na lang ang bakante. Doon ako umupo sa bandang baba at nakayuko lang ako dahil pinagtitinginan ako ng mga babaeng boarder. 

"Nga pala. Siya si Marife, ang bago n'yong makakasama rito," sabi ni Aling Helga sa mga babae. 

Karamihan sa kanila ay parang walang pakialam na nakahiga lang sa mga higaan nila at hindi man lang ako tinapunan ng tingin.

Marami pang sinabi sa akin si Aling Helga bago ko binigay sa kaniya ang dalawang libo bilang one-month advance at one-month deposit. May natira pang isang libo para sa pagkain ko.

Kaya mo 'to, Marife. Nagsisimula ka pa lang naman maging independent.

"Pa'no? Iwan na kita rito," nakangiting paalam ni Hiroshin matapos akong tulungan na ilabas at ayusin ang mga gamit ko sa maliit na drawer na nakalaan para sa akin.

Ngumiti ako kahit nahihiya ako. "Sige. Salamat sa pagsama rito."

Kinurot niya ang pisngi ko at ginulo ang buhok ko. Nanlaki tuloy ang mga mata ko.

"Mag-iingat ka. At...happy birthday." Tumayo na siya at ngumiti ulit bago tuluyang tumalikod at lumabas ng kwarto.

Sinundan ko siya ng tingin habang hindi maalis ang ngiti sa labi ko. 

Hindi ko maiwasang hindi humanga nang husto sa kaniya. Kahit nalaman ko na may ibang motibo siya kung bakit siya lumalapit sa akin ay nararamdaman ko na totoo ang mga pinapakita niya. 

***

Hindi ako magaling sa pakikipagkaibigan katulad ni Mayumi kaya wala ni isa sa mga boardmates ko ang nagtangkang kausapin ako. Ako kasi 'yong tipo ng tao na kung hindi mo ako papansinin ay hindi rin kita papansinin.

Maaga akong bumangon dahil kailangan kong maabutan si Ate Monica sa bahay bago siya pumunta ng trabaho. Kailangan kong papirmahan sa kaniya ang sulat na ginawa ko para matanggap ako sa Dreamy.

Nanibago ako sa paligid ko dahil kasabay kong kumilos ang mga boardmates kong babae. Pila sa banyo at marami kaming kumikilos sa kusina para magtimpla ng kape at magluto ng almusal.

Nang matapos ay nagbihis na ako ng uniform ko para hindi na ako bumalik dito mamaya. 

"Sa Henderson ka pala nag-aaral?" tanong ng isa kong boardmate habang nakaupo siya sa kabilang double-deck at nagsusuot ng sapatos. Taga-La Vida University siya base sa suot niyang uniform.

Ngumiti ako at tumango bilang sagot. Hindi ko maiwasang hindi mapatitig sa maamo niyang mukha. Maputi siya at mahaba ang buhok. Papasa siyang artista dahil sa nakakasilaw ang kagandahan niya. Hindi ko tuloy maiwasang mainggit.

"Hulaan ko. Night Class ka, 'no?" usisa niya pa.

"Oo. Paano mo nalaman?" 

"Mayayaman kasi ang mga taga-Regular Class ng Henderson. At sa tingin ko, hindi ka titira dito kung mayaman ka," nakangiti pa ring sagot niya. "Ako nga pala si Yasmin."

"Marife," nakangiting pagpapakilala ko rin. Mukha naman siyang mabait. "Scholar ka ba?"

Tumango siya at wala na akong ibang maisip na topic kaya tumayo na ako at nagpaalam na kay Aling Helga.

***

Bukas ang gate sa bahay kaya dere-deretso akong pumasok sa loob. Dahan-dahan akong naglakad papasok ng kwarto ko. Nasa banyo si Ate Monica at nalaman ko iyon dahil naririnig ko ang malakas na buhos ng tubig mula sa loob.

Hinanap ko kaagad ang gitara ko nang makapasok ako sa loob ng kwarto. Niyakap ko iyon at pakiramdam ko ay yakap-yakap ko na rin si Mama at Papa. 

Bago pa ako maiyak ay nararamdaman ko nang may pumasok sa kwarto ko.

"Marife?"

Lumingon ako kay Ate Monica na nakatapis pa ng tuwalya at seryosong nakatingin sa akin. Unti-unting gumuhit ang ngiti sa labi niya at bago pa siya magkamali ng iniisip ay nagsalita na ako.

"Bumalik ako rito para kunin ang gitara ko."

Nabura kaagad ang ngiti niya.

Bumuntong-hininga ako bago kinuha mula sa loob ng bag ko ang sulat na papipirmahan ko sa kaniya. Napakunot ang noo niya nang iabot ko sa kaniya iyon.

"Para saan 'to?" takang tanong niya.

"Pirmahan mo, Ate. Kailangan ko 'yan para matanggap ako sa trabaho."

Mas lalong napakunot ang noo niya. "Trabaho? Magtatrabaho ka? Bakit?"

"Kailangan, Ate Monica."

"Bumalik ka na lang kasi rito. Hindi mo naman kailangan—"

"Hindi ko na kayang tumira dito, Ate. Kaya sana maintindihan mo ang punto ko. Kaya ko na ang sarili ko, kahit ito na lang ang iregalo mo sa'kin. Kahit pirmahan mo na lang 'yan, okay na 'ko."

Umiling siya at unti-unting sumungaw ang butil ng luha sa mga mata niya. "Nangako ako kay Mama at Papa na hindi kita papabayaan. Huwag ka naman umalis."

"Ate…" nahihirapang usal ko. "Please naman...hayaan mo na 'ko. Hindi naman ako lalayo. Sadyang hindi ko lang kaya na tumira sa loob ng bahay na 'to kasama si Ate Carrie."

Natahimik siya at napayuko. Nakita ko ang pagpahid niya ng isa niyang kamay sa pisngi niya bago siya muling tumingin sa akin.

"Iyan ba talaga ang gusto mo?"

Tumango ako bilang sagot. "Dadalawin naman kita rito, Ate. Hindi ako lalayo sa'yo."

Tumango siya. "Hindi ko gustong payagan ka pero mukhang wala na akong magagawa." 

Humakbang siya palapit sa akin at niyakap ako. Naramdaman ko pa ang halik niya sa tuktok ng ulo ko bago ako pinakawalan.

"Pipirmahan ko na." Kinuha niya mula sa akin ang papel na hawak ko kasama ang ballpen. "Kumain ka nang maayos at huwag mong papabayaan ang sarili mo. Saan ka ba nakatira ngayon?"

Tinanggap ko ang papel na pinirmahan niya bago ako sumagot. "Sa boarding house ni Aling Helga, malapit sa Henderson at La Vida University."

"Maayos ba ang lagay mo ro'n? Saan ka kumuha ng pera—"

"Ate, okay ako. Hindi mo na kailangang mag-alala." Napatingin ako sa may pinto nang sumilip si Ate Carrie na mukhang kakagising lang. Napairap ako. "Alis na 'ko, Ate Monica." Humalik ako sa pisngi niya bago ako lumabas ng kwartong iyon bitbit ang gitara ko.

Pasensya na, Ate Monica. Gusto kitang makasama pero hindi ko kayang makihati sa atensyon mo. Ako na lang ang lalayo para hindi ka mahirapan.

***

"Mhae, umalis ka raw sa bahay n'yo?" usisa ni Yumi pagkarating ko pa lang sa classroom namin. Wala pa si Hiroshin kaya sa upuan nito umupo ang kaibigan ko.

Tumango ako bilang sagot kaya nanlaki ang mga mata niya.

"Bakit ka umalis? Saan ka titira?" 

"Sa boarding house na lang muna 'ko. Magtatrabaho ako habang nag-aaral," sagot ko habang inaayos sa loob ng case ang gitara ko.

"Ano bang nangyari?" nag-aalalang tanong niya.

"Hindi na kami magkasundo sa bahay." Bumuntong-hininga ako. "Hayaan mo na. Ayokong pag-usapan."

Tumayo siya at niyakap ang leeg ko habang ang pisngi niya ay nakapatong sa tuktok ng ulo ko. 

"Nandito lang ako, Mhae. Ayaw mo ba talagang bumalik na lang sa bahay n'yo? Walang mag-aalaga sa'yo at isa pa, magkakalayo tayo ng tirahan. Hindi na tayo magkakasabay pauwi at papunta rito."

"Oo, kaya ko. At saka magkikita pa rin naman tayo dito sa school. Pero alam mo, mag-review ka muna. Baka nakakalimutan mong malapit na ang contest n'yo ni Echo sa Speed and Accuracy."

"Yakang-yaka ko na 'yon!" Mas hinigpitan niya pa ang yakap niya sa akin.

Humiwalay lang siya sa akin nang dumating na si Hiroshin at dumating si Ma'am Carol.

"Sino nga ulit ang muse and escort dito?" tanong ni Ma'am Carol sa amin matapos naming mag-pray. 

"Ako ang escort, Ma'am Carol!" Itinaas ni Echo ang kamay niya pero kinurot siya ni Lovely. 

"P.I.O ka kaya!"

"Bagay naman akong maging escort, ah!"

Napatingin kaming lahat kay Hiroshin at kay Yumi. Ngayon ko lang napagtanto na sila nga ang muse at escort ng klase namin. Parehong maganda at gwapo.

"Bakit po, Ma'am Carol?" tanong ni Hiroshin.

"You and Mayumi will represent the Night Class 7 in the coming Intramurals. Magkakaroon ng dance performance ang mga freshmen na katulad n'yo."

Napaawang ang bibig ko dahil sa sinabi ni Ma'am Carol. Tinukso si Yumi at Hiroshin ng mga kaklase namin kaya naramdaman ko na naman ang kakaibang inggit sa dibdib ko habang nakatingin kay Hiroshin na parang tuwang-tuwa pa sa nalaman.

"Maaga kayong dalawa na papasok para makapag-practice kayo kasama ang iba pang representative," patuloy ni Ma'am Carol. "Pero ang tanong, marunong ba kayong sumayaw?"

"Marunong si Hiroshin!" sagot ni Tadeo na nakaupo sa likod. "Dami niya ngang fans sa Tiktok, eh!"

"Si Mayumi rin po, marunong!" sabi naman ni Cathy kaya napalingon ako sa likod kung saan nakaupo sila ni Yumi.

Alam ko naman na marunong sumayaw si Yumi pero hindi siya sumasali sa kahit anong dance contest noong elementary kami. Nahihiya raw kasi siya pero alam kong may talento siya pagdating sa sayaw.

"That's good."

Napatingin ako kay Hiroshin at kumirot muli ang dibdib ko ang makita ang pagkislap ng mga mata niya habang tinutukso siya ng mga kaklase namin.

Hindi ko tuloy maiwasan na mapaisip.

Kung naging maganda ba ako katulad ni Yumi ay ako ang magiging muse ng klase namin at ako ang magiging partner niya sa dance performance? Ang unfair talaga ng mundo.

***

"Mhae, sorry. Hindi ko talaga alam na may gano'n. Kung alam ko lang, hindi sana ako papayag na maging muse," sambit ni Yumi habang naglalakad na kami sa hallway.

Pauwi na kami at nagkakagulo ang mga kaklase namin sa likuran dahil nagtatakutan sila na may multo raw na sasalubong sa dinaraanan namin. Palibhasa ay madilim na at tanging second floor na lang ng building ang may ilaw.

"Okay lang. Hindi ko naman na crush si Hiroshin," pagsisinungaling ko.

Ayoko lang na umaarte siya na parang ayaw niya. Alam ko naman na gusto niya rin, eh. Kitang-kita ko na nakangiti siya kanina nang sabihin ni Ma'am Carol ang tungkol doon.

"Weh? Hindi nga? Hindi mo na crush si Hiroshin?" hindi makapaniwalang tanong niya.

"Oo. May iba siyang crush." At ikaw 'yon.

Nalungkot siya bigla at yumakap sa braso ko. "Gano'n ba? Sino raw?"

"Wala siyang binanggit." Baka kasi kapag sinabi ko na siya ang crush ni Hiroshin ay lumaki pa ang ulo niya.

"Okay lang 'yan, Mhae. Ganyan talaga. Minsan, hindi ka talaga magugustuhan ng taong gusto mo. Mag-move on ka na sa kaniya."

Hindi ko yata kaya 'yon lalo pa ngayon na magkakasama kami sa trabaho. Hay, bahala na.

Hinatid ko si Yumi sa sakayan ng tricycle bago ako naglakad papunta sa Dreamy. Malapit lang naman 'yon at nasasayangan ako sa pamasahe. Matapos ang ilang minuto ay nakarating na ako sa Dreamy. Naabutan ko si Echo at Hiroshin na nag-uusap habang sabay na isinusuot ang mga apron nila.

"Nakakaurat na siya. Akala niya siguro ay may gusto ako sa kaniya," iritadong sabi ni Echo at napapailing pa. "Biruin mo, men. Iniisip niya rin na may gusto ka sa kaniya por que pinahiram mo siya ng notes."

"Huh? Wala akong gusto sa kaniya! Kanino niya narinig 'yon? Hanep sa imagination, ah. Creamstick ba siya? Imagination ang limit?"

"Akala niya kasi lahat magkakagusto sa kaniya. Oo, maganda siya pero wala akong gusto sa kaniya. Nami-misinterpret niya ang harutan naming dalawa, eh."

Natawa si Hiroshin at napailing. "Tanginang 'yan—"

"Sinong pinag-uusapan n'yo?" sabad ko at sabay silang napatingin sa akin, nanlalaki ang mga mata.

Sinampal bigla ni Hiroshin ang bibig niya. "S-Sorry. Hindi talaga ako nagmumura. Na-carried away lang ako."

"Nandito ka na pala." Napatingin si Echo sa gitarang dala ko. "Dala mo pa rin pala 'yan."

Gusto kong umirap. Nililihis nila ang topic, eh. Hindi na lang ako umimik.

Hinintay ko ang pagdating ni Ma'am Jade at ibinigay ko sa kaniya lahat ng requirements na hinihingi niya. 

"Alright...you're hired."

Napangiti ako sa sinabi ni Ma'am Jade. 

"300 pesos ang starting salary mo lalo pa't hindi ka pa marunong sa mga gagawin mo. Tuturuan ka nila Echo at Hiroshin."

Masyadong mababa ang sahod pero okay na 'yon kaysa wala.

Tumango ako bilang sagot.

"Bibigyan kita ng puting t-shirt at hairnet para magamit mo habang nagti-training ka." Binalingan niya si Hiroshin at Echo. "Teach her well, huh?"

Sumaludo si Echo at ngumiti naman si Hiroshin.

Maya-maya lang ay umalis na ulit si Ma'am Jade at nagsimula na akong turuan ni Echo at Hiroshin. Suot ang itim na pantalon na pinaresan ng plain white shirt at hairnet ay nagsimula na ako sa training ko.

Nang magkaroon ng costumers ay ako ang inilagay nila sa pag-prepare ng milkshake. Kaharap ko ang dalawang blender kung saan ko isa-isang nilalagay ang mga ingredients.

"Dapat smooth ang texture niya. Hindi malabnaw, hindi rin matigas. Parang ice cream ba," sabi ni Hiroshin. 

Nang makitang hirap na hirap ako sa paghawak ng mixer rod ng blender ay hinawakan niya ang kamay ko para turuan ako sa tamang paghalo.

Nahigit ko ang hininga ko nang magdikit ang mga kamay naming dalawa. At hindi lang basta magkadikit—hawak niya mismo ang kamay ko at pisil na pisil pa!

"Taas-baba, ikot-ikot...ganyan lang..." bulong niya pero hindi ko masyadong maintindihan. 

Sa aming dalawa, ako lang yata ang apektado sa pagkalapit namin. Naamoy ko ang pabango niya—lalakeng-lalake, tapos ang kamay niya, mas malambot pa yata kaysa sa kamay ko.

"Okay na? Kaya mo na?" nakangiting tanong niya matapos bitawan ang kamay kong halos mawalan na ng lakas. "Tutulungan ko muna si Echo—"

"Hindi! Okay lang ako rito! Turuan mo lang siya riyan," sabi ni Echo habang nakapwesto sa counter at kausap ang isang matandang costumer. 

Napakunot ang noo ko nang pasimple niya akong kindatan bago binalingan ang costumer niya.

"Gusto n'yo po ba ng something sweet? Iyong lalanggamin kayo sa sobrang tamis? Iyong para na rin kayong nag-holding hands ng special someone mo tapos mararamdaman n'yo 'yong kilig?" 

"Ay, ayoko ng masyadong sweet, nakakamatay 'yan…" sabi ng costumer. "Gusto kong bumili ng clubhouse. Iyong walang palaman."

Napakamot sa ulo si Echo. "Pa'no pong walang palaman?"

"Ayoko kasi ng may ham at lettuce. Mas gusto ko 'yong tinapay lang na medyo crispy. Ayoko ng may itlog at mayonnaise."

"Ah, dapat po nag-pandesal na lang po kayo, Ma'am."

"Ayon! Pandesal nga ang hanap ko. Nagtataka nga ako kung bakit wala kayo n'on dito. Dati naman mayroon, eh."

"Naku, Ma'am! Nagkamali po kayo ng napasok," sabad ni Hiroshin. "Nasa kabila po 'yong bilihan ng pandesal. Halika po. Samahan ko po kayo."

Lumabas sa counter si Hiroshin para samahan ang matandang babae palabas. Napakamot na lang si Echo at napatingin sa akin.

"Hindi ka pa tapos diyan? Naghihintay 'yong costumer natin, oh," turo niya sa dalawang babaeng nakaupo malapit sa glass wall. "Palibhasa enjoy na enjoy ka kanina habang hawak ni Hiroshin ang kamay mo."

Pinamulahan ako ng mukha. "Ano ka?" 

"Tao," paismid na sagot niya. "Ako na nga riyan para mas mabilis. Wala pa namang costumer."

"Paano ako matuto kung ikaw ang gagawa at hindi ako?" 

"Mamaya, ako ang magtuturo sa'yo para mas focus ka."

Napakamot ako sa batok ko. "F-Focus naman ako, ah."

Tumawa siya at tinuro ang pisngi ko. "Focus na focus nga, eh. Namumula pisngi mo. Ako na riyan."

Tumabi ako para siya na ang gumawa ng ginagawa ko. Kinuha ko na lang ang isang papel kung saan nakasulat ang mga pangalan ng flavors ng milkshake at kung paano ito gawin. Nagsimula akong i-memorize iyon.

Pinilit kong alisin sa isip ko ang nangyari kanina dahil nandito ako para magtrabaho, hindi para palaguin ang paghangang nararamdaman ko kay Hiroshin.

Nang bumalik si Hiroshin ay bumalik naman si Echo sa counter dahil dumarami na ang costumers namin pagpatak ng Alas-dies. Hindi ako magkada-ugaga habang tinuturuan ako ni Hiroshin. Ayoko kasi na magkamali, ayokong mapahiya ako sa kaniya kaya ginagalingan ko at sinisiguro na mabilis akong matuto.

Pagpatak ng 12 midnight ay saka lang kami nakapagpahinga.

"Ayos, ah! Kahit pagod, ngiting-ngiti ka pa rin! Mapupunit na 'yang bibig mo sa laki ng ngiti mo!" pang-aasar ni Echo kay Hiroshin.

Hindi maalis ang ngiti ni Hiroshin habang pinupunasan niya ang mga mesa sa labas ng counter.

"Masaya lang ako," nakangiting sabi niya. "Partner kami ni Yumi sa dance performance, eh."

"Ayon lang…" Biglang humina ang boses ni Echo sabay tingin sa akin. Ipinatong niya ang siko niya sa dulo ng counter at nangalumbaba, inaasar ako.

Umiwas na lang ako ng tingin at nagkunwaring nagme-memorize. Umalon na naman ang dibdib ko dahil sa sinabi ni Hiroshin.

"Buti na lang talaga naging escort ako, 'no? Swerte ko."

"Hindi ka swerte," protesta ni Echo. "Kung hindi ako ang naging P.I.O, ako sana ang magiging escort at hindi ikaw. Bale, ako sana ang magiging ka-partner ni Mayumi. Iyak-tawa ka."

"Ow, sigurado ka?" 

"Oo, mas pogi ako sa'yo."

"Mas pogi si Hiroshin," wala sa sariling sabi ko. Huli na para bawiin ko 'yon.

"Oh, narinig mo 'yong sinabi ni Marife? Mas pogi ako sa'yo, Gericho."

Nanlaki ang mga mata ko at hindi ko alam ang sasabihin ko.

Tiningnan ako nang masama ni Echo. "Ganyan ka sa'kin, ah. Sige."

Ngumiti ako nang alanganin at nag-peace sign sa kaniya. Nahagip ng mga mata ko si Hiroshin na ngiting-ngiti sa akin.

Sa totoo lang, parehas naman silang pogi. Si Hiroshin lang talaga ang nangingibabaw sa paningin ko dahil matagal ko na siyang crush.

Pagpatak ng 1 AM kung saan walang masyadong costumer ay si Hiroshin muna ang pumalit sa counter dahil mag-aaral daw muna si Echo. Umupo siya sa labas ng counter at inilapag ang mga libro at notebook sa mesa.

At dahil walang costumer, umupo muna kami ni Hiroshin sa dalawang monoblock; siya ay nasa tapat ng counter, ako naman ay nasa tapat ng preparation area at nagbabasa ng notes ko. Hindi kasi ako sanay na hindi nag-aaral sa gabi kaya sinamantala ko na walang costumers.

Isang metro lang ang layo naming dalawa ni Hiroshin sa isa't isa kaya kitang-kita ko kung ano ang pinapanood niya.

Nakapatong ang baba niya sa may counter habang nasa harap niya ang cellphone niya at naka-play sa screen ang sumasayaw na si Yumi.

Oo, si Yumi. Tiktok ni Yumi ang pinapanood niya.

Humigpit ang pagkakahawak ko sa ballpen at hindi ko namalayan na tinititigan ko na lang siya.

Ganito pala ang pakiramdam kapag 'yong taong binibigyan mo ng atensyon...ay sa iba nakatuon ang mga mata.

Humikab si Hiroshin at unti-unting pumipikit ang mga mata hanggang sa mabitawan niya na ang hawak na cellphone at tuluyan na siyang nakatulog.

Napangiti ako dahil sa direksyon ko siya nakaharap kaya napagmasdan ko nang maigi ang gwapo niyang mukha.

Lahat yata ng parte ng mukha niya ay walang kapintasan, napakaswerte ng babaeng nagugustuhan niya... napakaswerte ni Yumi.

Inilapag ko ang notes ko sa tabi at dahan-dahang idinikit ang pisngi ko sa counter at ginaya ang posisyon ni Hiroshin.

Nalulungkot ako. Nalulungkot ako dahil kahit magkalapit kami ni Hiroshin ngayon ay alam kong si Yumi pa rin ang gugustuhin niyang makasama kaysa sa'kin.

Pero hindi ako susuko. Gagawin ko ang lahat para maging top one ako sa klase. Baka sakali lang na...mapansin niya ako kapag nasa tuktok ako.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top