09. Sobra Na
C H A P T E R 9:
Sobra na
"Mhae..."
Narinig ko ang pagtawag ni Yumi sa akin pero hindi ko siya nilingon at nagpatuloy lang ako sa pag-aayos ng mga gamit ko.
Lunch break na at kaming dalawa na lang ang natitira dito sa room kaya wala ring dahilan para itago ko ang inis ko kay Yumi.
"Mhae...sorry..."
Isinara ko ang zipper ng bag ko at saka ko siya binalingan. "Sorry saan?"
Nagbaba siya ng tingin habang nilalaro niya ang mga daliri sa kamay. "Alam kong galit ka—"
"May karapatan ba akong magalit?" Pinilit kong ngumiti kahit sa totoo lang ay gusto ko siyang singhalan.
"H-Hindi ko naman alam na ako ang pipiliin niyang ipalit sa'yo. Na-pressure ako kasi ako na lang daw ang inaasahan—"
"Si Hope at si Sole...hindi ba sila pwede? Bakit...bakit ikaw pa?" tukoy ko sa dalawa kong kaklase na matatalino rin.
Alam niyang gustong-gusto ko na lumaban sa contest, bakit niya pinatos?
"B-Binigyan kami ng quiz ni Sir Dean at ako ang nakakuha ng pinakamataas na score kaya ako ang napiling ipalit sa'yo. Iyon ang dahilan kung bakit...hindi kita nadalaw noong may sakit ka. Hindi ko alam kung paano kita haharapin."
Tinitigan ko siya nang maigi bago ako napairap. Bumuntong-hininga ako nang paulit-ulit para mapakalma ang sarili ko.
Siguro mababaw ito para sa iba. Pero hindi nila alam 'yong pakiramdam na inagaw sa'yo 'yong isang bagay na pwedeng maging dahilan para mapansin ka ng iba.
Paano pa ako mapapansin ng iba kung hindi ako naging bahagi ng contest na 'yon? Dagdag points na naman siya kay Hiroshin! Palagi na lang siya!
Pero kahit anong galit at inis ko sa kaniya...hindi ko magawang ipakita. Natatakot ako na kapag inaway ko siya, mas marami ang kakampi sa kaniya kasi siya ang maganda.
Bumuntong-hininga ulit ako bago ako nagsalita. "H-Hayaan mo na 'yon. Wala naman na akong magagawa. At isa pa...naipanalo n'yo naman, eh."
Nag-angat siya ng tingin sa akin, lumiwanag ang mukha at napangiti. "H-Hindi ka na galit sa'kin?"
Dahan-dahan akong umiling pero hindi ako ngumiti pabalik.
Niyakap niya ako nang mahigpit. "Thank you! Sorry talaga!"
Hindi ko alam pero wala akong maramdaman na sincerity sa boses niya habang nagso-sorry siya sa'kin.
Pakiramdam ko...hindi na kami magkaibigan.
***
Para sa iba, espesyal ang araw kung kailan sila ipinanganak. Pero para sa akin, bangungot lang ang dala nito.
Dumating ang araw ng birthday ko pero wala akong makapa na kasiyahan sa dibdib ko.
May isang masakit na alaala ang pumapasok sa isip ko pero pilit ko iyong tinataboy.
Pero kahit anong gawin ko, nagkukusang bumabalik sa alaala ko ang nangyari isang taon na ang nakalipas.
Maingay. Maraming taong nakukumpulan. Pinilit kong sumiksik sa mga taong nakaharang sa daraanan ko. At dahil maliit ako, nagawa kong makalusot at makapunta sa gitna para tingnan ang dalawang taong nakahandusay sa gitna ng kalsada, duguan at wala nang buhay.
Umawang ang bibig ko habang tahimik na bumuhos ang mga luha ko.
"M-Mama? P-Papa?" nanginginig ang boses na sambit ko.
Napatingin ako sa truck na katabi mismo ng lugar kung saan nakahandusay ang mga magulang ko.
"Mama! Papa!" Dinaluhan ko silang dalawa at nakita ko ang duguan nilang ulo at maraming sugat sa katawan.
"Kawawa naman ang bata."
"Oo nga."
"Ano bang nangyari?"
"Nabundol daw ng truck."
"Tumatakbo daw kasi 'yong dalawang mag-asawa kaya nabangga."
"Bakit sila tumatakbo?"
"Hindi ko alam."
Hindi ko na halos marinig ang mga bulungan sa paligid ko dahil napuno na ng malakas kong iyak ang lugar na kinaroroonan ko.
"Tulungan n'yo po ang Mama at Papa ko! Maawa po kayo!" umiiyak na pagmamakaawa ko sa mga taong nakapaligid sa amin.
Napansin ko ang isang itim na guitar case sa tabi ni Papa. Kinuha ko iyon at binuksan para lang muli ako mapahagulhol.
Naalala ko kahapon ang sinabi ni Papa at Mama na reregaluhan nila ako ng gitara sa mismong birthday ko. At ngayon iyon.
"Marife!" Naramdaman ko ang paghawak ni Tita Vicky sa balikat ko at pilit akong pinapatayo.
"Ang Mama at Papa ko! Hindi ko sila iiwan! Mama! Papa!" umiiyak na pagwawala ko.
Hindi ko na alam ang mga nangyayari sa paligid ko dahil sa pagwawala ko. Basta ang huling natatandaan ko ay dumating ang isang ambulansya at kinuha ng mga lalakeng nakasuot ng puti ang Mama at ang Papa ko.
"Shh..tahan na," alo sa akin ni Tita Vicky. "Nandito lang ako, hindi kita pababayaan, ha?"
"M-Mama...P-Papa..." Hindi ako matigil sa kakaiyak. Parang sasabog ang puso ko sa sakit.
Tumulo ang mga luha ko habang nasa harap ako ng magkatabing puntod ni Mama at Papa. Nasa tabi ko si Mayumi habang nasa likuran naman namin si Tita Vicky at Tito Damian, ang papa ni Yumi.
Nagsindi kami ng tig-isang kandila para kay Mama at Papa at sabay-sabay na nagdasal.
Miss na miss ko na po kayo. Sana tulungan n'yo akong makalimot sa mga nangyari. Na sana sa tuwing dumarating ang kaarawan ko, hindi ang pagkamatay n'yo ang naaalala ko...
"Bakit nga ulit hindi sumama si Monica at Carrie sa pagdalaw dito?" tanong ni Tito Damian habang nag-aabang kami ng jeep pauwi.
"Mamaya na lang daw po siya dadalaw kasi may trabaho siya," sagot ko.
"Happy birthday," bulong ni Yumi habang nakaangkla siya sa braso ko. "Huwag ka na malungkot. Birthday na birthday mo pa naman."
"Hindi ko maiwasan," mahinang sabi ko. "Hindi madaling makalimot kasi isang taon pa lang ang nakalipas."
"Death anniversary ng Mama at Papa mo," nakangiting sabad ni Tita Vicky. "Pero hindi ibig sabihin n'on ay hindi ka na magsi-celebrate ng birthday mo, Marife. Kung buhay lang sila, mas gugustuhin nila na magsaya ka kaysa maging malungkot ka ngayong birthday mo."
"Punta tayo ng mall!" yaya ni Yumi.
Tatanggi pa sana ako pero nagpumilit na sila Tito Damian at Tita Vicky kaya wala na akong nagawa.
Pumunta kami ng mall para mamasyal at kumain. Nahihiya ako pero hindi nila pinaramdaman na iba ako sa kanila.
Matagal na rin kasing magkaibigan ang mga magulang ko at ang mga magulang ni Yumi kahit noong hindi pa kami ipinapanganak. Kaya naman, naiintindihan ko kung bakit ganito sila kabait sa akin.
Pumunta kami ng arcade ni Yumi para maglaro at pagkatapos ay pumunta kami ng department store dahil ibibili raw nila ako ng damit bilang regalo. Sa huli, binilhan nila ako ng kulay pink na dress. Hindi iyon mamahalin pero maganda kaya natuwa ako.
"Salamat po sa regalo n'yo, Tita Vicky, Tito Damian," nakangiting sabi ko habang nasa tapat kami ng gate ng bahay namin. Palubog na ang araw.
"Wala 'yon. Ayaw lang namin na nakikita kang malungkot," nakangiting sagot ni Tita Vicky.
"Kapag may kailangan ka sabihin mo lang sa amin, ha?" segunda ni Tito Damian.
Nginitian ko sila pareho. "Salamat po."
"Mhae, happy birthday ulit. Ang saya ko kasi nakasama kita ngayong araw," nakangiting sambit ni Yumi bago ako niyakap nang mahigpit. "Una na kami, ha?"
Ngumiti ako pabalik. "Sige. Salamat."
Pumasok na ako sa gate namin bitbit ang dress na binili nila para sa akin. Nakangiti ako nang makapasok ako sa loob ng bahay pero nabura iyon nang makasalubong ko si Ate Carrie.
Napakunot ang noo ko dahil gulo-gulo ang buhok niya at parang galing siya sa pakikipag-away.
Bumaba ang tingin niya sa bitbit kong paper bag. "Ano 'yan?"
Itinago ko iyon sa likod ko. "Regalo nila Tita Vicky sa akin."
Umismid siya. "Regalo-regalo ka pa."
Ano bang pakialam mo? Ikaw nga kahit pagbati wala, eh. Si Ate Monica lang ang bumati sa akin kaninang umaga.
"Patingin nga." Hinablot niya ang paper bag mula sa likod ko at binuksan iyon. Tumawa siya nang pagak nang makita ang dress na binili nila Tita Vicky.
Tumingin siya sa akin habang nakangisi. "Seryoso ka? Magsusuot ka nito?"
"Bakit, Ate? Anong masama kung magsuot ako ng ganyan?"
Tumawa siya nang sarkastiko. "Sleeveless 'to at above-the-knee ang laylayan. Kita ang mga siko at tuhod mong maitim. Hindi ka ba mahihiya kapag sinuot mo 'to?"
Nagkuyom ang mga kamao ko dahil sa sinabi niya. Inagaw ko ang dress at ibinalik sa loob ng paper bag bago ko siya binalingan.
"Hindi lang naman para sa makikinis at mapuputi ang dress na ganito, Ate Carrie. At kung naiinggit ka, magpabili ka kay Ate Monica. Total, doon ka naman magaling...ang manghingi."
Napansinghap siya dahil sa sinabi ko. Hindi ko na hinintay na makasagot siya at nilampasan ko na siya.
Parang sasabog na naman ang dibdib ko dahil sa inis at galit kaya bumuntong-hininga ako nang paulit-ulit.
Dederetso na sana ako sa kwarto ko pero narinig ko ang hagulhol ni Ate Monica mula sa kwarto nila.
Kaagad kong binuksan ang pinto ng kwarto nila at tumambad sa akin ang kawawang itsura ni Ate Monica.
Nakaupo siya sa sahig habang nakasandig sa gilid ng kama. Magulo ang buhok, punit-punit ang suot na damit at may mga kalmot sa mukha.
"A-Ate! Anong nangyari sa'yo?!" nag-aalalang tanong ko at mabilis na lumuhod sa harap niya.
Doon ko nakita nang malapitan ang mga kalmot niya sa pisngi na may kaunting dugo pa. Hindi ko tuloy napigilan ang pag-akyat ng dugo sa ulo ko.
"Sinaktan ka ba ni Ate Carrie?" tanong ko pero hindi siya sumagot at panay lang ang hagulhol. "Ate, sumagot ka naman!"
"Pagod na pagod na 'ko!" singhal niya sa'kin kaya natigilan ako. "Pagod na pagod na akong ibigay ang mga gusto niya! Ngayon ko lang naman siya hindi napagbigyan kasi wala ako sa mood! Death Anniversary nila Mama at Papa at kailangan ko ng pag-intindi niya! Bakit ba hirap na hirap siyang intindihin ako?!"
Hindi ko napagilan ang mahawa sa pag-iyak niya. Nakaluhod lang ako sa harap niya habang pinapanood siyang umiyak.
Akala ko noon, hindi ko na siya makikitang umiyak ulit pagkatapos mailibing sila Mama at Papa, pero nagkamali ako. Kahit kilos-lalake siya, naririnig ko pa rin sa paghagulhol niya ang iyak ng isang babae...ng isang babaeng may kahinaan.
Matapang siya at madiskarte sa buhay. Kinailangan niyang tumigil sa pag-aaral sa college nang mamatay sila Mama at Papa. Noong mga panahon na 'yon, malapit na rin siyang tumigil sa pag-aaral dahil marami siyang bagsak na subject, distracted siya dahil kay Ate Carrie. At dahil sa pagkawala ni Mama at Papa ay tuluyan na siyang tumigil at nagtrabaho na lang para buhayin ako.
Pero magmula nang dito niya itinira si Ate Carrie ay parang dito na umikot ang mundo niya.
Kinuha niya ang isang kulay pink na damit na nakapatong sa kama at ipinakita sa akin. Maganda iyon at halatang branded pero punit-punit na iyon.
"I-Itong damit na 'to," umiiyak na patuloy ni Ate Monica. "R-Regalo ko sana 'to para sa'yo kasi birthday mo, eh. Nagalit siya kasi hindi ko naibigay 'yong gusto niya pero naibili kita ng regalo. Kaya 'eto ang ginawa niya! Pinunit niya, sinira niya!"
"A-Ate..." Hindi ko alam ang sasabihin ko. Akala ko wala siyang ireregalo sa akin.
"Ano, nagsusumbong ka riyan sa kapatid mo?!"
Napalingon ako kay Ate Carrie na nakatayo sa may pinto at galit na nakatingin kay Ate Monica.
"At ikaw..." Binalingan niya ako. "Huwag kang makikialam dito."
Naglapat nang mariin ang mga labi ko at hindi ko na napigilan ang sarili ko.
Madalas, hindi ko sinasabi kung ano ang nasa isip ko kahit pa gaano ako kagalit. Pero iba na 'to.
Tumayo ako at humakbang palapit sa kaniya. Nang tumigil ako sa harap niya ay kinailangan kong tumingala nang kaunti para makipagtagisan ng titig.
"Ate Carrie," buong panggigigil na sambit ko sa pangalan niya. "Nirerespeto kita pero..." Marahas akong bumuntong-hininga. "Isa lang. Isa lang talaga."
Hindi ko na siya hinintay na makasagot pa dahil itinulak ko na siya nang malakas, dahilan para mawalan siya ng balanse at mapaupo sa sahig.
"Ano ba!" reklamo niya pagkatapos makatayo. Dinuro niya ang mukha ko pero hinawi ko ang kamay niya.
"Anong 'ano ba'?!" asik ko. "Bakit mo sinaktan si Ate Monica?! Lahat naman ginagawa niya para sa'yo, ah! Iyong ginagawa mo siyang katulong dito sa bahay, mapapalampas ko. Iyong ginagawa mo siyang ATM kapag may gusto kang ipabili na mga luho mo, pinalampas ko rin! Pero 'eto?! Iyong kalmutin mo ang mukha niya?! Iyong punitin mo ang suot niyang damit?! Iyong sirain mo ang regalong binili niya para sa'kin?! Sobra na! Sumusobra ka na!"
Naglapat ang mga labi niya at tinulak niya ako pero hindi ako nawalan ng balanse.
"At bakit ka nakikialam?! Kaming dalawa ang nasa relasyon! Problema naming dalawa 'to at hindi ka dapat sumasali—"
"Kapatid ko ang sinasaktan mo, Ate! Natural makikialam ako!" Halos maputol na ang mga ugat ko sa leeg dahil sa kakasigaw ko. "Anong gusto mo? Hindi ako mag-react?! Sobra ka na, ah! Ano bang nakita sa'yo ng kapatid ko?! Ano, dahil maganda ka?! Bukod doon, wala na!"
Lumagapak ang palad niya sa pisngi ko kaya napaatras ako at napahawak sa pisngi kong sinampal niya. Pakiramdam ko ay bumakat ang kamay niya roon.
Nang tingnan ko siya ay nakita ko ang galit sa mga mata niya.
"Kapatid ka lang! Girlfriend ako!" Itinuro niya pa ang sarili niya. "Sa totoo lang, kung hindi dahil sa'yo ay nakapagtapos sana ng college si Monica! Kung hindi ka sana niya iniisip ay pinagpatuloy niya ang pag-aaral niya habang nagtatrabaho! Pero dahil iniisip niya na walang mag-aasikaso sa'yo habang nag-aaral ka ay sinakripisyo niya 'yon!"
"Tumigil na kayo!" Nangibabaw ang boses ni Ate Monica. Pumagitna siya sa aming dalawa. "Pumasok ka na sa kwarto mo, Marife," baling niya sa akin.
"Pero, Ate—"
"Pumasok ka na sabi!" sigaw niya.
"At ano? Makikipag-ayos ka sa kaniya? Ate naman! Sinaktan ka na't lahat-lahat pero ayaw mo pa ring tumigil! Hindi siya mabuti para sa'yo! Hindi siya mabuti para sa'tin kasi sinisira niya ang pagiging magkapatid natin! Inilalayo niya sa'kin ang loob mo!"
"Hindi ko kayang alisin siya sa buhay ko!" umiiyak na sambit niya kaya natigilan ako. "H-Hindi ko kaya."
Tumaas-baba ang dibdib ko dahil sa labis na emosyon.
Hindi ako makapaniwala na ganito ang ginawa ng pag-ibig kay Ate Monica. Nakakatakot ang magmahal, kayang-kaya nitong bulagin ang isang tao sa kung ano ang tama at mali.
Pinunasan ko ang mga luha ko sa pisngi at tinitigan ko si Ate Monica. "I-Ikaw...kaya mo. A-Ako...hindi. H-Hindi ko kayang makasama pa sa iisang bahay si Ate Carrie."
Sa kabila ng pag-iyak ay nakita kong nagsalubong ang mga kilay ng kapatid ko. "A-Ano?"
"Eh di umalis ka sa bahay na 'to!" sabad ni Ate Carrie pero hindi ko siya pinansin. "Ayaw ko na rin makasama ka sa bahay na 'to! Quits lang tayo—"
"Walang aalis sa bahay na 'to!" putol ni Ate Monica. "Hindi ka aalis, Marife!"
Umiling ako. "Kung hindi mo siya kayang alisin sa buhay mo, ako na lang ang aalis. Total, mukhang pinabayaan mo na rin ako magmula nang itira mo rito si Ate Carrie. Kaya minsan napapaisip ako kung mas mahal mo na ba siya kaysa sa akin na kapatid mo—"
"Mahal kita, Marife! Kapatid kita, eh!" umiiyak na sigaw niya. "Kahit minsan sinisigawan kita, kahit minsan napapabayaan kita, hindi pa rin magbabago na mahal kita kasi kapatid kita! Gusto kong bumawi sa'yo kasi hindi kita napagtutuonan ng pansin nitong mga nakaraang buwan. Aaminin ko na napabayaan kita pero hindi ibig sabihin na wala na akong pakialam sa'yo!"
Natutop ko ang bibig ko habang tahimik na umiiyak.
"S-Si Carrie...siya ang dahilan kung bakit nakaya ko ang pagkawala nila Mama at Papa. Kaya noong tumira siya rito, halos sa kaniya na umikot ang mundo ko dahil siya lang ang napagsasabihan ko ng mga sama ng loob ko. Pero ikaw, bata ka pa. Hindi kita pwedeng dramahan dahil ayoko rin na makita mong mahina ako. At dahil ako 'yong panganay, kinailangan kong ipakita sa'yo na malakas ako. Hindi madaling maging panganay, alam mo ba 'yon? Kailangan mong ipakita na matapang ka kasi ikaw lang ang inaasahan ng kapatid mo. Pero pasensya ka na, hindi ko kayang mabuhay nang wala si Carrie..."
"Pero ako, Ate Monica? Kaya mong mawala kaysa sa kaniya?" tanong ko kahit parang pinupunit na ang dibdib ko.
Lumambot ang expresyon sa mga mata niya. "H-Hindi gano'n ang ibig kong sabihin!"
Matigas akong umiling bago ko pinulot ang paper bag ko. Tiningnan ko muna silang dalawa bago ko sila tinalikuran.
Dumiretso ako sa kwarto ko at isa-isang ipinasok ang mga gamit ko sa isang malaking bag. Isinukbit ko rin ang bag na ginagamit ko sa school, maging ang mga school uniform ko at black shoes ay maingat kong ipinasok sa loob ng bag.
Hindi ko alam kung saan ako pupunta, basta ang gusto ko lang ay makaalis sa bahay na 'to. Mas gusto ko pang lumayas kaysa makasama si Ate Carrie.
"Marife!" Pumasok si Ate Monica sa kwarto ko. "Ano ba! Itigil mo 'yan!"
"Pabayaan mo 'ko, Ate!" singhal ko sa kaniya. "Kaya ko na ang sarili ko! Sanay naman na ako na walang nag-aalaga sa'kin, eh! Kaya ko na!"
Hinawi ko siya para makalabas ako ng kwarto ko. Panay ang tawag niya sa akin pero parang wala akong naririnig at dire-diretso lang akong lumabas ng gate.
"Hayaan mo na nga siya!" narinig kong sigaw ni Ate Carrie mula sa loob.
"Kapatid ko 'yon! Hindi ko pwedeng pabayaan!"
"Sinabi nang dito ka lang!"
"Ano ba!"
Nang makalabas ako ng gate ay pahina nang pahina ang naririnig kong sigawan nilang dalawa mula sa loob. Hindi na nakasunod sa akin si Ate Monica, malamang ay pinipigilan siya ni Ate Carrie.
Sa sobrang bigat ng dibdib ko ay hindi ko namalayan na nasa loob na ako ng jeep. Mabuti na lang at may pambayad ako ng pamasahe galing sa perang ibinigay ni Tita Vicky kanina.
Gustuhin ko man na puntahan sila Yumi sa bahay nila pero alam kong makikita rin ako roon ni Ate Monica kaya mas gusto kong lumayo. Hindi ko alam kung saan ako pupunta, ang nasa isip ko lang ngayon ay gusto kong lumayo. Hindi ko iniisip kung anong pwedeng mangyari sa'kin sa daan, masyado akong emosyonal para makapag-isip nang matino.
Panay ang punas ko sa pisngi kong basang-basa na ng mga luha. Dumarami ang mga taong sumasakay kaya sumiksik ako sa pinakadulo habang yakap ko sa harap ang may kalakihan kong bag. Ilang minuto na rin akong nakasakay sa jeep at hindi ko na alam kung nasaan na ako.
Napatingin ako sa labas at kahit nanlalabo ang mga mata ko dahil sa pag-iyak ay nakita ko pa rin ang malaking signage ng Dreamy.
Bigla kong naalala na roon nga pala nagtatrabaho sila Hiroshin at Echo. Wala sa sariling napasigaw ako ng 'para'.
Bumaba ako sa jeep at tinanaw ko ang signage ng Dreamy. Humigpit ang pagkakahawak ko sa dala kong bag habang naglalakad ako papunta roon.
Sana nasa loob siya.
Nang makarating ako sa tapat ng glassdoor ay nakita kong marami silang costumers sa loob. Hinintay ko munang maubos ang mga costumers bago ako dahan-dahang pumasok sa loob.
Naramdaman ko kaagad ang lamig pagpasok ko. Hinanap kaagad ng mga mata ko si Hiroshin at nakita ko siya sa counter at nakayuko na parang may isinusulat.
"Tama ba sinukli ko roon?" kunot-noong tanong niya.
"Malay ko sa'yo, gago," sagot ni Echo na nakasandig sa malaking ref sa gilid. May hawak siyang cellphone at hula ko ay naglalaro na naman siya ng ML.
"Iyan ang mahirap sa'yo, nasa trabaho ka tapos naglalaro ka niyan."
"Malay ko ba na dadami 'yong costumers kahit hindi naman peak hour?" angil ni Echo. "Bobo mo naman!"
"Mas bobo ka!" asik ni Hiroshin habang nakayuko pa rin at parang may pinipindot.
"Hindi ikaw! Iyong kalaro ko!"
"Ah, hindi ka bobo. Gago ka lang. Pati costumer nilandi mo kanina."
"Sira. Ako 'yong hiningian ng number," sagot ni Echo habang sa cellphone pa rin nakatingin.
"Baka 'yong number ko ang hinihingi pero number mo ang binigay mo. Kilala na kita."
Natigil lang sila sa pagsasagutan nila nang tuluyan na akong lumapit sa counter.
Naramdaman siguro ni Hiroshin ang presensya ko sa harap niya kaya nag-angat siya ng tingin at ngumiti nang malawak.
"Good evening—" Nanlaki ang mga mata niya nang makita ako. "M-Marife?"
Isang tipid na ngiti lang ang isinagot ko sa kaniya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top