08. Inagaw
C H A P T E R 8:
Inagaw
Nakangiti ako habang pumapalakpak ang mga kaklase ko. Hindi ko akalain na ako ang makakakuha ng highest score sa monthly examination namin sa Math subject.
Isang buwan na ang lumipas at ginawa ko ang lahat para makapag-aral nang mabuti para sa monthly examination at hindi naman ako nabigo.
"Marife Garcia and Gericho Escobar," tawag ni Sir Dean habang hawak ang mga test paper namin.
"Bakit, Sir?" takang tanong ni Echo at napatayo bigla sa tabi ko.
"Dalawa ang kailangang maging representative ng Night class 7 at kayong dalawa ang napili ko. Nakikita ko rin ang galing n'yong dalawa sa Math lalo ka na, Marife. Makakatulong sa'yo ang pagsali sa contest na ito para naman mabawasan nang kaunti ang pagiging mahiyain mo."
Kinagat ko ang pang-itaas kong labi nang marinig ang sinabi niya. Nagkatinginan pa kami ni Echo at nginisihan niya lang ako.
"Go, Mhae! Kaya mo 'yan!" sigaw ni Yumi mula sa likuran.
"Sumali ka na, Marife," sabi naman ni Hiroshin habang nakatingala sa akin. "Ang galing-galing mo kaya."
Napatulala ako nang ngitian niya ako nang malawak. Pakiramdam ko tuloy ay tumaas ang level of confidence ko dahil sa sinabi niya.
"Sige, Sir Dean! Sasali kami!" nakangising sabi ni Echo kaya napatingin ako sa kaniya. "Hindi ba, Marife? Sali tayo!"
"Marife?" untag ni Sir Dean, hinihintay ang kumpirmasyon ko.
Napakamot ako sa ulo ko. "S-Sige po."
Dagdag points na rin 'yon sa extra curricular ko at kapag nanalo kami ay baka maging proud sa'kin si Hiroshin!
"I will be your mentor starting on Monday. You will have to report at the AVR room at exactly 12 noon. 30 minutes lang ang mayroon tayo dahil lunch break n'yo rin 'yon." Tumayo siya at namulsa. "Gusto kong masiguro na mananalo kayo. At kapag nangyari 'yon...kayong dalawa ang kauna-unahang representative ng Henderson University na ilalaban sa labas ng school na galing sa Night Class."
Parang gustong sumabog ng puso ko sa excitement pero hindi pa rin mawala ang kaba ko.
Paano kapag natalo kami? Baka ma-disappoint namin ang buong Night Class 7. Pero paano kapag nanalo kami? Siguradong dagdag points sa'min 'yon pareho.
Umalis na si Sir Dean pero hindi pa rin ako makapaniwala sa sinabi niya. Dati, hindi ako sumasali sa mga math contest dahil nahihiya ako at natatakot din na matalo dahil kulang pa ang kaalaman ko. Pero ngayong may inspirasyon ako... pakiramdam ko ay ang tumaas ang tiwala ko sa sarili ko.
Napatingin ako kay Hiroshin. Naramdaman niya siguro na nakatingin ako kaya lumingon din siya sa akin at ngumiti nang malawak.
Kahit nasaktan mo ako...hindi ko pa rin mapigilan ang sarili ko na gawin kang inspirasyon. Natatakot ako, Hiroshin....Natatakot ako na lumalim ang nararamdaman ko para sa'yo...
***
"Mhae! Congrats, ha? Excited ako para sa'yo!"
Nasa library kami ngayon para maghanap ng mga History book. Pinapunta kami rito ng AP lecturer namin para pag-aralan ang mga ibinigay niyang topics.
"Hindi pa nga kami nananalo, congrats kaagad?" natatawang sabi ko kay Yumi. Nagsusulat ako ng mga importanteng phrases ng topic na binabasa ko.
"Siempre! Alam ko naman na mananalo kayo. Ang galing mo kaya!" Binuklat niya ang librong nakuha niya pero napatingin siya sa likod ko. Napasunod din ang tingin ko at nakita kong sinisenyasan siya ni Cathy na lumapit.
Tiningnan ko si Yumi at ngumiti siya sa'kin.
"Wait lang, ha?" Tumayo siya at pumunta sa kabilang table kung saan nakaupo si Cathy at Hope.
Tss...Cathy na naman...
Napailing na lang ako at nag-focus na lang sa pagsusulat. Pero napaigtad ako nang umupo si Hiroshin sa tapat ko at inalapag ang librong hawak niya.
"Paupo muna," nakangiting sabi niya. Napansin ko kaagad na hindi nakasara ang tatlong botones ng polo niya. Naiinitan yata siya kahit may aircon naman dito sa library.
"Grabe, hindi ko kinakaya si Lovely," napapailing na sabi ni Tadeo na umupo naman sa kaliwang bahagi ng mesa na kinaroonan ko.
Bakit ba sila nandito? Hindi tuloy ako makapag-focus.
"Mahangin, mahangin, mahangin," parang tinatamad na sabi naman ni Echo at saka umupo sa kanang bahagi ng mesa.
Napakunot na ang noo ko sa kanilang tatlo. "Anong ginagawa n'yo rito?"
"Ito na lang ang table na may bakante, dito muna kami. Nasa kabilang mesa pa naman si Yumi ganda," sagot ni Tadeo at saka nagsimula nang buklatin ang librong hawak niya. Napatingin ako sa paligid at halos mapuno na nga ang library dahil kasabay namin ang mga taga-higher level ng Night Class.
"Mister, pakisara ng uniform mo," puna ng babaeng librarian na napadaan sa table namin kay Hiroshin.
"Ay, sorry po!" Kaagad isinara ni Hiroshin ang mga botones niya.
"Psst."
Napatingin ako kay Echo at tinaasan siya ng kilay.
"Bakit nasa kabilang kampo 'yong bestfriend mo?" usisa niya at inginuso pa ang direksyon nila Yumi sa kabilang mesa.
"Ewan ko." Nagkibit-balikat ako. "May pinag-uusapan yata sila." Tiningnan ko si Hiroshin na nakatingin kay Yumi. Yumuko na lang ako sa sinusulat ko.
Tahimik na lang akong nagsulat habang nagki-kwentuhan naman ang tatlong kasama ko. Nagsusulat din naman sila pero mas marami silang napag-uusapan tungkol sa ML at Tiktok.
"Na-follow mo na ba sa Tiktok si Yumi ganda?" tanong ni Tadeo kay Hiroshin. Napatigil ako sa pagsusulat at tumingin kay Hiroshin.
"Hindi pa." Umiling siya. "Nahihiya ako."
"Sus. Bakit ka mahihiya? Nagiging famous ka na kaya sa Tiktok."
Tumaas ang kilay ko sa sinabi ni Tadeo. Si Hiroshin? Famous na sa Tiktok? Kailan pa?
"Hindi naman ako famous," pa-demure na sabi ni Hiroshin.
"Lakas kaya ng appeal mo lalo na kapag sumasayaw ka. Pwede kang maging dancerist."
"Libangan ko lang 'yon kapag wala akong ginagawa sa bahay," parang walang pakialam na sagot ni Hiroshin. Kinagat niya ang dulo ng ballpen niya para matanggal ang takip at saka nagsulat sa notebook niya.
Ang pogi.
Napaiwas ako ng tingin nang mapatingin siya sa akin at nginitian ako. Kumalabog tuloy ang dibdib ko.
"Tingnan n'yo, oh." Nginuso ni Echo si Lovely na kausap at kaharutan si Pampers sa isang table.
"Selos ka naman," pang-aasar sa kaniya ni Tadeo.
Umismid lang si Echo at nagbuklat ulit ng librong binabasa niya. "Bahala siya."
Hindi ko alam kung anong pinag-uusapan nila kaya nag-focus na lang ako sa pagsusulat.
"Oy, Marife. Bukas na pala kayo magre-report kay Sir Dean, 'no?" untag ni Tadeo sa akin.
"Oo," matipid na sagot ko. Ang sabi kasi ni Sir Dean ay bukas na raw kami mag-uumpisa dahil free time niya bukas at wala siyang gagawin dahil Sabado naman.
"Jahe nga, eh. Sabado bukas at may klase tayo sa MAPEH," reklamo ni Echo.
Naiintindihan ko siya. Kaming Night Class students kasi ay pumapasok pa rin tuwing Sabado para sa MAPEH subject at hanggang alas-dose iyon ng tanghali. Pero dahil may report kami ni Echo ay maiiwan kaming dalawa para mag-report sa AVR.
"Baka naman pagtripan mo si Marife," sabi ni Hiroshin. Nasa libro ang mga mata niya. "Malandi ka pa naman."
"Ano ka ba!" asik ni Echo at napalakas pa ang boses niya. Napatingin tuloy sa direksyon namin ang librarian at sinenyasan siya na huwag maingay. "Sorry po, sorry po." Saka siya bumaling kay Hiroshin. "Alam mo ang rules ko."
"Rules rules ka pa. Madamot ka naman. Kwek-kwek lang ayaw pang manlibre kahapon! Akala mo naman ikakahirap niya," pang-aasar ni Tadeo.
Napailing na lang ako nang sabunutan ni Echo si Tadeo. Napagalitan tuloy ulit sila ng librarian.
***
Halos hindi na yata ako nakatulog sa sobrang excited ko kinabukasan. Antok na antok tuloy ako habang nagwa-warm up kaming lahat sa gilid ng oval.
MAPEH ang subject namin ngayong Sabado at kasama na roon ang pagtakbo namin sa oval. Nakasuot kaming lahat ng maroon jogging pants na may puting lining sa magkabilaang gilid. Ang pang-itaas naman namin ay kulay puti at kulay maroon naman ang manggas. May logo naman ng Henderson University sa upper left ng damit.
Nilalagyan ko ng puting towel ang likod Yumi nang lumapit bigla si Cathy at hinila siya. Tumigil muna kasi kami para magpahinga sa lilim ng puno.
"Tara! Isang ikot pa tayo!" yaya ni Cathy sa kaibigan ko at hindi ko maiwasang mapasimangot.
"Pahinga muna raw kami sabi ni Mhae. Kayo na lang muna," nakangiting sagot ni Yumi.
Tapos na ako sa paglagay ng towel sa likod niya kaya yumukod ako para isintas ang sapatos ko na medyo lumuwag sa kakatakbo namin kanina.
Pagtayo ko ay napakunot ang noo ko dahil wala na si Yumi. Natanaw ko siya na tumatakbo na ulit kasabay si Hope at Cathy.
Nagdikit ang mga labi ko dahil sa inis. Kaunti na lang talaga at mapupuno na ako sa mga ginagawa ni Cathy. Wala ba siyang mahanap na ibang kaibigan at si Yumi ang pinupuntirya niya?
Nilabas ko ang nakatuping face towel mula sa bulsa ng jogging pants ko at pinunasan ko ang mukha kong punong-puno na rin ng pawis.
"Huwag ka nang tumakbo, Clover! Hindi ka na papayat kahit kailan!" tumatawang pang-aasar ni Dominggo kay Clover.
Nakita ko si Clover na hirap na hirap sa pagtakbo. Tumigil siya at sumilong na rin sa lilim ng puno na kinaroroonan ko.
"Ayan! Magsama kayo ni Marife! Parehas na pangit!" pang-aasar ni Dominggo sa aming dalawa. "May tatlong bibe akong nakita! Mataba, mapayat, mga pangit!" kanta niya pa.
Gusto ko siyang singhalan pero tumakbo na siya ulit habang tumatawa.
"Madapa ka sana!" pahabol na sigaw ni Clover. Hawak niya ang mga tuhod niya habang naghahabol ng hininga. Napatingin siya sa akin. "Huwag mong intindihin 'yong sinabi ni Dominggo. Mapanglait talaga 'yon."
Hindi ako sumagot at yumuko lang ako. Pakiramdam ko ay nasira ang araw ko dahil sa mga sinabi ni Dominggo. Unti-unti na naman akong nilamon ng insecurities ko.
Kahit ano talagang talino ko ay itsura ko pa rin ang nakikita nila.
Pero ano bang pakialam ko sa sasabihin ng iba? Si Hiroshin ang inspirasyon ko at sa mga salita niya lang ako magpapaapekto. Siya ang dahilan kung bakit gusto kong maging top one.
"Kaya ko 'to!" sabi ni Clover sa sarili niya bago ako binalingan. "Ano, Marife? Tara na!" Hinatak niya na ako patakbo at wala akong nagawa kung hindi magpahila.
***
"Mhae! Sasabay na ako kanila Cathy. Mamaya ka pa naman uuwi, 'di ba? May report pa kayo ni Echo kay Sir Dean?" tanong ni Yumi.
Isinara ko ang locker ko at binalingan siya.
"Sige," sagot ko. "Siguradong matatagalan kami ni Echo."
"Ingat ka na lang pag-uwi mo, ha? Bye!" Niyakap niya ako bago siya kumaway at patakbong umalis.
Napabuntong-hininga na lang ako habang sinusundan siya ng tingin. Mukhang hindi ko na maiaalis sa kaniya na makipagkaibigan sa Cathy na 'yon.
"Bilat mo!" Napahawak ako sa dibdib ko nang may humampas sa locker na katabi ko. Hinampas ko ang braso ni Echo dahil sa inis. "H-Huwag mo nga akong ginugulat!"
Tumawa siya nang malakas habang itinuturo ang mukha ko.
Nakakainis 'to, ah!
"H-Ha? B-Bilat?" At tumawa ulit siya nang malakas. Nag-eecho tuloy ang tawa niya sa buong hallway dahil kami na lang ang tao dito sa ground floor.
Napakamot ako sa ulo ko dahil sa hiya sa sinabi ko. Tumalikod na ako pero hinila niya ang bag ko kaya napabalik ako.
"Nasa kabila 'yong AVR. Hindi riyan," mapang-asar na sabi niya.
"Bitaw na!" Pumiglas ako para bitawan niya na ang bag ko. Itinaas niya ang mga kamay niya na parang sumusuko sabay tawa.
"Ang sarap mong inisin. Para kang 'yong kapatid ko."
"Bakit? Pangit ba kapatid mo?" usisa ko at nagsimula na kaming maglakad papunta sa AVR.
"Walang pangit sa lahi namin, 'no. Proud ako na ipagkalat ang genes namin."
"Bakit mo 'ko kinukumpara sa kapatid mo?"
"Parehas kasi kayong inosente pero masarap inisin." Tumawa ulit siya.
Hindi na ako sumagot. Panay kasi ang tingin ko sa paligid.
"Umuwi na 'yon," sabi ni Echo nang mahalatang may hinahanap ako.
Pakiramdam ko ay nag-init ang pisngi ko. Masyado na ba akong halata?
"S-Sino? Wala naman akong tinatanong, ah," patay-malisya kong sabi.
"Huwag ako, Marife. Alam ko ang pagsintang-purorot mo kay Hiroshin."
Napatigil ako sa paglalakad at humigpit ang pagkakahawak ko sa strap ng bag ko. Nakatingin lang ako sa baba dahil ayokong makita niya ang pamumula ng mukha ko.
"Oh, bakit?" Tumigil din siya sa paglalakad. "Akala mo ba hindi ko alam?"
Nag-angat ako ng tingin sa kaniya at nakita ko ang nakakalokong ngisi sa labi niya.
"Tingin mo pa lang kay Hiroshin, alam ko na," nakangising sabi niya. "Huwag kang mahiya. Natural lang magkaroon ng crush. Naiintindihan ko ang nararamdaman mo kasi pinagdadaanan ko rin 'yan."
Napakunot ang noo ko. "Crush mo si Lovely? Bakit hindi mo sabihin sa kaniya?"
Nangasim ang mukha niya bigla. "Hindi ko crush 'yon. Wala akong balak magka-crush o magkagusto sa mga kaklase ko kasi hassle lang 'yon."
"Eh...sinong tinutukoy mo?" curious na tanong ko. Curious lang ako kung anong mga tipo niya sa babae. Kung si Lovely nga na mala-dyosa ang ganda ay hindi niya crush, eh.
"Marami akong crush na taga-Regular Class. Ang hirap isa-isahin."
Napasimangot na lang ako.
"Huwag kang mag-alala. Wala akong sasabihin kay Hiroshin." Ipinatong niya ang kamay niya sa tuktok ng ulo ko, palibhasa ay matangkad siya. "Tara na. Hinihintay na tayo ni Sir Dean."
***
Ang sarap sa pakiramdam kapag pinupuri ka. Hindi tuloy mawala ang ngiti ko nang matapos kami ni Echo sa pag-report kay Sir Dean.
"You're a shy girl but you can be a human calculator," panggagaya ni Echo sa sinabi sa akin ni Sir Dean kanina lang. Natawa tuloy ako at hinampas siya sa braso.
"Sira ka talaga," natatawang sabi ko.
Dahil ilang oras din kaming nagkasama ni Echo ay parang naging komportable na rin ako kapag kasama ko siya.
Napatingin kaming dalawa sa nakasalubong namin na dalawang lalake na may black arnis stick holder sa likod. Nang tingnan ko si Echo ay nakita ko ang pagkislap ng mga mata niya.
"Crush mo?" inosenteng tanong ko.
"Hala, oy!" Napahawak siya sa dibdib niya at sinamaan ako ng tingin. "Anong tingin mo sa'kin? Bading?"
Napangiwi ako. "Iba kasi ang tingin mo doon sa dalawang lalakeng nakasalubong natin, eh."
Lumingon siya sa likod para tingnan 'yong dalawang lalake bago ibinalik sa akin ang tingin niya. "Arnis player kasi sila kaya ako napatingin!"
Natawa ako. "Ang defensive mo naman."
"Gusto kong sumali sa Arnis." Hindi niya pinansin ang sinabi ko, nakatingin lang siya sa baba habang sabay kaming naglalakad.
"Bakit hindi ka sumali?"
"Wala lang. Baka kasi maapektuhan ang grades ko. Noong elementary kasi ako, naapektuhan ang pag-aaral ko dahil sa mga kalokohan ko at dahil na rin sa pagsali ko sa Arnis."
"Natatakot ka na matanggal ka sa Night Class kapag bumaba ang grades mo?" usisa ko at tumango naman siya.
"Mahirap na. Ayokong matanggal sa Night Class."
"Mukhang gustong-gusto mo talaga ang Arnis. Sumali ka kaya? Kapag gusto mo ang isang bagay, dapat gumagawa ka ng paraan para—"
"Balak ko ngang sumali pagkatapos ng contest natin." Tumingin siya sa akin at ngumisi. "Eh, ikaw? Kailan mo balak aminin kay Hiroshin ang pagsintang-purorot mo?"
Nag-init kaagad ang mga pisngi ko. Napaiwas ako ng tingin. "Ewan ko sa'yo."
"O-Oy! Nagjo-joke lang ako!" sigaw niya nang bilisan ko ang paglalakad ko at iniwan siya.
Inaasar niya ba 'ko? Nakakainis siya!
Narinig ko pa ang pagtawa niya. "Pikon!"
***
"Time's up!"
Sabay naming ibinaba ni Echo ang hawak naming ballpen nang sabihin iyon ni Sir Dean.
Nakipag-high five sa akin si Echo habang nakangisi. "Good very good!"
"You solved it within one minute," nakangiting sabi ni Sir Dean sa aming dalawa.
Ibinulsa niya ang hawak na cellphone kung saan nag-set siya ng timer para tingnan kung gaano kami kabilis mag-solve ng problem at gumawa ng solution.
"I guess wala na tayong magiging problema sa darating na contest next week," nakangiting sabi ni Sir Dean.
"Oo naman, Sir! Gagawin namin ang lahat para manalo!" masiglang sabi ni Echo bago ako siniko. "Hindi ba?"
"Oo na lang," sabi ko sabay hikab. "Pwede na ba tayong kumain? Gutom na 'ko."
"Sir! Kain na kami! Gutom na 'tong kasama ko! Ang dami mo raw kasing pinagawang—hmp!" Tinakpan ko ang bibig niya para manahimik siya.
"Okay, okay." Tumawa si Sir Dean. "You can have lunch. Thank you."
Sa wakas, kakain na rin kami. Sinamahan ako ni Echo na pumunta ng room namin para kunin ang baon ko bago kami sabay na bumaba sa canteen.
"Ayon lang," nakangiwing sabi ni Echo pagpasok namin sa canteen.
Nagtaka ako sa reaksyon niya at naintindihan ko lang iyon nang makita ko si Yumi na kumakain sa isang table kasama si Cathy at Hope.
Nakagat ko ang pang-itaas kong labi at napatigil sa paglalakad.
"Sabi niya kanina sabay kayong kakain, 'di ba?" untag ni Echo na tumigil din sa paglalakad. "Hayaan mo, tayo na lang ang magsabay."
Nakaramdam ako ng alon sa dibdib ko nang makita kong nagtatawanan sila habang kumakain. Sa totoo lang, hindi naman ito ang first time na ginawa 'to ni Yumi simula nang magsimula kami ni Echo na mag-report kay Sir Dean tuwing tanghali.
Palagi niyang idinadahilan na gutom na siya kaya nauna na siyang kumain at hindi na ako nahintay pa. Naintindihan ko 'yon noong una, pero isang linggo na ang nakalipas at paulit-ulit niyang ginagawa. Pakiramdam ko tuloy...tuluyan na siyang inagaw sa akin ni Cathy.
Hinila ako ni Echo at hindi ko alam kung saan niya ako dadalhin. Hindi ako nakita ni Yumi kahit nang dumaan kami ni Echo sa table nila. Nang makaupo ako ay saka ko lang napansin na sa table ni Hiroshin at Tadeo pala kami pumunta.
Nanlaki ang mga mata ko at tumayo ako kaagad. "S-Sorry—"
"Saan ka pupunta?" Hinawakan ni Echo ang balikat ko para paupuin ako ulit. "Dito ka na lang para hindi ka OP."
Kumunot ang noo ko. "OP?"
"Out of place." Tinapik niya ang ulo ko na para bang isa akong aso. "Dito ka lang. Order lang ako."
Hindi na ako sumagot at yumuko na lang ako. Umalis muna si Echo para mag-order ng pagkain niya.
"Kain ka na, Marife," sabi ni Tadeo habang puno ang bibig ng kanin. "Gusto mo ba ng ulam ko? Kuha ka."
Tiningnan ko ang ulam niya at pinigilan ko ang mapangiwi nang makitang nilagang okra iyon.
"Hindi siya nakain niyan, baliw," tumatawang sabi ni Hiroshin. Nasa harap niya ang isang plato na may kanin at toccino. Paubos na iyon.
"Hindi ka kumakain ng okra?" tanong ni Tadeo sa akin, namimilog pa ang mga mata. "At paano mo nalaman?" baling niya kay Hiroshin.
Sumubo muna si Hiroshin at nginuya iyon bago sumagot. "Nakita ko lang."
Napataas ang kilay ko dahil sa sinabi niya pero hindi na lang ako umimik. Maya-maya pa ay nag-umpisa na rin akong kumain. Dumating na rin si Echo dala ang order niya at nagsimula na ring kumain.
Hindi ako sanay sa presensya nila lalo na ni Hiroshin kaya binagalan ko ang pagkain ko. Hindi rin ako makatingin sa kanila at nasa pagkain ko lang ang tingin ko.
"Hay, salamat. Busog!" sabi ni Tadeo. Sinundan iyon ng malakas na dighay ni Hiroshin kaya napatigil ako sa pagkain at tiningnan siya.
"Maka-dighay naman 'to parang damulag," sabi ni Echo.
"Pakialam mo ba?" asik ni Hiroshin. Nang tumingin siya sa akin ay napayuko ako at nagpatuloy sa pagkain.
"Ang tahimik mo talaga, 'no?" untag niya maya-maya.
Napaangat ang tingin ko sa kaniya at nanlaki ang mga mata ko nang makitang titig na titig siya sa'kin. Nang tingnan ko naman si Echo ay nakatitig din siya sa'kin.
"A-Ano bang ginagawa n'yo?" nauutal na tanong ko sabay kagat sa pang-itaas kong labi.
Nanlaki lalo ang mga mata ko nang makitang kinagat din nila ang pang-itaas nilang labi, ginagaya ako.
"H-Hoy!" saway ko. Narinig ko pa ang malakas pagtawa ni Tadeo habang pinapanood ang dalawa niyang kaibigan.
"Pinagti-tripan ka, oh!" At tumawa ulit siya pero mas malakas na.
Binitawan ko ang hawak kong kutsara at tinidor at sumandig sa upuan ko. At mas lalo lang ako naasar nang ginawa nila ulit ang ginawa ko!
Napasimangot ako at humalukipkip pero ginaya ulit nila ang ginawa ko! Habang ginagaya nila ako ay palakas nang palakas ang tawa ni Tadeo. Hinahampas pa niya ang mesa sa sobrang pagtawa!
Pati expression sa mukha ko ay kuhang-kuha nila kaya hindi ko tuloy napigilan ang matawa sa kalokohan nilang dalawa!
"Ayoko na! Ang sakit na ng tiyan ko sa kakatawa!" humahalakhak na sabi ni Tadeo nang ginaya ng dalawa pati ang pagtawa ko.
"Ayoko na! Nakakainis kayo!" inis pero natatawang sabi ko. Akmang tatayo ako pero hinatak ako paupo ni Echo sabay tawa.
"Hindi na! Pinapatawa ka lang namin!"
"Ang cute ng reaksyon mo," tumatawang sabi naman ni Hiroshin.
Nag-init ang pisngi ko dahil sa sinabi niya. Nakaramdam tuloy ako ng kilig nang wala sa oras.
"Huwag ka nang malungkot, Marife. Kapag wala kang kasabay na kumain, pwede kang sumabay sa amin," nakangiting sambit ni Hiroshin. "At huwag kang magalit kay Yumi kung hindi ka na niya nahintay. Sa totoo lang kanina ka pa niya hinihintay pero parang hindi niya na kinaya 'yong gutom niya."
Napabuga ako ng hangin at napatingin sa direksyon ni Yumi. "Okay lang. Naiintindihan ko naman siya."
"Ubusin mo na 'yang kinakain mo," malambing na sabi niya pa bago binalingan si Tadeo na hindi pa rin natigil sa pagtawa. "Okay ka pa? Baka mamaya maubusan ka ng hininga sa kakatawa mo riyan."
"Sorry, sorry." Tumikhim siya at tumigil na nga sa kakatawa.
Napailing na lang ako at napangiti. Ganito pala ang feeling kapag may iba kang nakakasalamuha. Masaya pala sila kasama at alam nila kung paano makisama lalo na sa babaeng katulad ko.
"Papansin naman."
Napatingin ako sa kabilang table nang marinig ko iyon at doon ko nakita si Lovely na kasamang kumakain si Adan, ang baklang kaklase namin at si Pampers.
Iiwas na sana ako ng tingin pero nakita kong tumingin sa direksyon ko si Lovely at hindi nakaligtas sa paningin ko ang pag-irap niya.
Napakunot ang noo ko.
Ako ba ang inirapan niya? Ano bang ginawa ko sa kaniya?
***
Nagising ako sa malakas na tugtog ng speaker. Gusto kong bumangon pero naramdaman ko ang pananakit ng katawan ko. Sinalat ko ang leeg ko at napabuntong-hininga ako dahil mainit iyon.
Kahapon ko pa nararamdaman na lalagnatin ako at gusto kong magsisi dahil hindi kaagad ako uminom ng gamot.
Pinilit kong bumangon at naramdaman ko kaagad ang pag-ikot ng paningin ko. Pero kahit gano'n ay pinilit ko pa rin na maghilamos at lumabas para hanapin si Ate Monica. Sa pagkakaalam ko ay day off niya ngayon kaya malakas ang loob ni Ate Carrie na magpatugtog nang malakas.
"Oh, anong nangyari sa'yo at tinanghali ka na ng gising? May pasok ka, ah," tanong ni Ate Monica nang maabutan ko siya sa kusina at naghuhugas ng mga plato sa kusina.
"Masama ang pakiramdam ko, Ate," sagot ko.
Napatigil siya sa paghuhugas at kaagad idinikit ang braso niya sa leeg ko dahil basa ang mga kamay niya.
Gumuhit ang pag-aalala sa mga mata niya. "Ang taas ng lagnat mo. Huwag ka munang pumasok."
"Pero Ate, may report ako kay Sir Dean."
"Uunahin mo pa ba 'yon kahit masama na ang pakiramdam mo? Maiintindihan naman 'yon ng lecturer mo."
Sasagot pa sana ako pero narinig ko ang boses ni Yumi mula sa labas. Lumabas kaagad ako at nakita kong nakasuot na siya ng P.E uniform at nakasabit sa balikat niya ang maganda niyang bag.
Napatingin siya sa suot ko. "Bakit hindi ka pa nakasuot ng uniform? Hindi ka papasok?"
Napakamot ako sa ulo ko. "Masama kasi pakiramdam ko—"
"Ano?!" Bumakas ang pag-aalala sa mukha niya. "Uminom ka na ba ng gamot?"
"Hindi pa pero iinom ako mamaya."
"Huwag ka munang pumasok. Ako na lang ang bahalang magsabi sa mga lecturers natin na masama ang pakiramdam mo."
Napabuntong-hininga ako. "Kaso...may report kami ni Echo kay Sir Dean. Hindi ako pwedeng um-absent dahil next week na 'yong contest—"
"Ako nang bahala magpaliwanag sa kaniya. Magpahinga ka muna rito," nakangiting sabi niya kaya napahinga na lang ako nang malalim at dahan-dahang tumango bilang pagsang-ayon.
Nagpaalam na siya sa akin dahil papasok na raw siya. Bumalik na rin ako sa loob at kumain ng almusal. Pinainom na rin ako ni Ate Monica ng gamot at sinabihan na magpahinga na lang daw ako sa kwarto ko. At dahil masama ang pakiramdam ko ay sinunod ko na lang ang sinabi niya.
***
Hindi ko inakala na aabot sa tatlong araw ang lagnat ko. Muntik na akong dalhin ni Ate Monica sa ospital pero mabuti na lang at bumuti na ang pakiramdam ko pagdating ng Martes.
At kahit kakagaling ko lang sa sakit ay sinikap ko na makapasok dahil nasasayangan ako sa mga araw na absent ako.
Pagpasok ko sa room namin ay hinanap kaagad ng mga mata ko si Yumi. Sa loob ng tatlong araw na may lagnat ako ay hindi niya man lang ako dinalaw sa bahay na para bang hindi kami magkakilala. At ngayon ay gusto ko siyang tanungin kung bakit hindi niya nagawang maalala na may kaibigan siya.
Natahimik ang mga kaklase ko nang makita nila ako na siyang ipinagtaka ko.
Nakita ko si Yumi na kaagad umayos ng upo nang makita ako.
Dumiretso ako sa upuan ko at inilagay ko roon ang bag ko bago ako umupo. Nginitian ako ni Hiroshin pero medyo alanganin iyon kaya hindi ko maiwasang magtaka.
Nilingon ko si Echo at nakita ko ang pagbuga niya ng hangin habang nakatingin sa akin.
"Bakit?" takang tanong ko. "Bakit ganyan ang itsura n'yo?"
Hindi siya sumagot at seryoso lang ang mukha niya.
"Hinanap ba ako ni Sir Dean? Alam niya bang nilagnat ako kaya hindi ako nakapag-report—"
"Tapos na ang contest, Marife," putol niya sa sinasabi ko.
Napakunot ang noo ko. "Huh?"
Bumuntong-hininga siya at nakaramdam ako ng kaba dahil sa ikinikilos niya. "Tapos na ang contest—"
"Sa Friday pa 'yon, ah."
"In-adjust nila 'yong contest. Ginawa nilang Lunes. Kahapon nangyari 'yong contest at nanalo tayo."
Napaayos ako ng upo. "T-Teka, paano 'yon? Paano tayo nanalo kung ikaw lang ang sumabak sa contest—"
"Noong Sabado na hindi ka pumasok, napilitan si Sir Dean na palitan ka dahil hindi ka raw makakaabot sa contest nang mabalitaan niya na may sakit ka."
Parang piniga ang puso ko dahil sa narinig ko. "P-Pinalitan? Ako?"
Tumango siya. "Naipanalo naman namin kahapon, huwag kang mag-alala."
Pero ako dapat 'yon! Hindi ako masaya na nanalo ang Night Class 7 nang wala akong naiambag!
"S-Sinong ipinalit sa akin?" tanong ko habang nakakuyom ang mga kamao.
Alam kong maliit na bagay lang 'to para sa iba pero hindi ko matanggap na basta-basta na lang akong pinalitan!
"Si Yumi ang ipinalit sa'yo," sagot niya, dahilan para mapaawang ang bibig ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top