06. Nandito Ka Pero Ang Layo Mo

C H A P T E R  6:
Nandito ka pero ang layo mo



"Anong ginagawa mo rito?!" sabay na tanong namin ni Hiroshin sa isa't isa.

Bumaba ang tingin ko sa suot nilang dalawa: blue polo-shirt, blue visor, blue ID lace, blue apron na may logo pa ng Dreamy.

"D-Dito ako nagtatrabaho," sagot ni Hiroshin nang makabawi. 

Napakunot ang noo ko. "Trabaho? Dito?" 

Inilibot ko ang paningin ko sa paligid. Maliit lang ang store nila. May malaking menu sa bandang itaas ng counter. May nachos, sanwiches, mojos, frappes, milkshakes at mini-cakes na pagpipilian. Binasa ko ang pangalan ng store na nakalagay sa pinakataas ng menu.

Dreamy.

Teka. Dreamy? Kapangalan ng milkshake shop na nakatayo sa tapat ng Henderson University na may kalayuan din dito.

Pero ang tanong, bakit nandito sila?! Bakit sila nagtatrabaho rito? Minor pa sila, ah!

"B-Bakit kayo..." Hindi ko alam kung anong una kong itatanong.  

"Tinatanggap dito ang minor." Si Echo ang sumagot, nabasa siguro ang iniisip ko. "At may parent's consent kami."

Napanganga ako sa sinabi niya. Tumingin ako kay Hiroshin. "Dito ka pala pumupunta kaya hindi ka kaagad umuuwi sa San Fernando?"

Tumango siya at matipid na ngumiti. "9 PM to 3 AM ang shift namin dito. Gusto ko lang makatulong kay Mama kaya tinanggap ko 'tong alok ni Echo."

"A-Ano?! Alas tres ng madaling araw ang out n'yo?! Paano n'yo nakakaya 'yon?!" usisa ko.

"Kung ako ang tatanungin, sanay na 'ko magpuyat," sambit ni Echo. "Pero itong si Hiroshin, nag-aadjust pa. Bata pa 'to, eh."

Sinamaan siya ng tingin ni Hiroshin. "Anong bata? Pareho lang tayong kinse anyos, oy!"

Napataas ang kilay ko nang marinig ang sinabi ni Hiroshin. 15 na siya? Pati si Echo? Mas matanda pa sila sa akin?!

Ang dami kong gustong itanong pero hindi ko alam kung alin ang uunahin ko! Pero ayaw ko man aminin ay tila mas humanga ako sa nalaman ko ngayon kay Hiroshin.

Pagkagaling sa school ay dito siya dumiretso para magtrabaho hanggang Alas-tres ng madaling araw para makatulong sa mama niya. Ang bait niya talaga. Pero paano niya nagagawa 'yon? Parang ang hirap. Iyong pagod at antok, mahirap kalabanin. Tapos kailangan pang mag-aral kasi may pasok kinabukasan.

"Eh, ikaw? Anong ginagawa mo rito?" tanong ni Echo kaya napaayos ako ng tayo.

Niyakap ko ang sarili ko. "N-Nakita ko kasi si Martin kanina. Nabunggo ko siya at natapunan siya ng kape sa mukha. Galit na galit siya kaya nagtago ako rito."

Nagkatinginan silang dalawa at parang nag-uusap sila sa pamamagitan ng mga mata.

"Dito ka lang muna," baling sa akin ni Hiroshin bago yumuko at may hinalukay sa baba.

Lumabas naman sa counter si Echo at inalis ang suot na apron.

"Dito ka lang. Wala pa naman costumers." Hinawakan niya ang balikat ko at marahang tinulak ako paupo.

Binato naman ni Hiroshin ang isang puting damit kay Echo kaso tumama sa mukha.

"Hiroshin, hinay-hinay sa pambu-bully." Tumawa nang peke si Echo bago inabot sa akin ang damit. "Suot mo muna 'to. Basang-basa ka na."

Napaawang ang bibig ko habang nakatingin sa t-shirt na puti. Tumingin ako kay Hiroshin at nginitian niya ako.

"Suot mo. Naging damit ko 'yan noong nasa training ako. Malinis at walang amoy 'yan," sambit niya.

"W-Wala naman akong sinabi." Ngumuso ako at umiwas ng tingin. "Saan ako magbibihis?"

"Dito sa bulsa ko, gusto mo?" sarkastikong tanong ni Echo saka tumawa. "Malamang sa banyo. Ano ka ba?"

Sinamaan ko siya ng tingin bago ako pumasok sa banyo na itinuro niya. Nang makapasok ako ay inamoy ko pa ang t-shirt ni Hiroshin.

Ang bango.

Napangiti ako sa sarili ko habang nagbibihis. Uniform ko lang ang pinalitan ko dahil 'yon lang naman ang nabasa. Pagkatapos kong magbihis ay lumabas na ako ng banyo pero nakita ko si Hiroshin na hinihintay ako. Bumaba ang tingin ko sa hawak niyang tsinelas. Inilapag niya iyon sa paanan ko.

"Tanggalin mo sapatos mo," malumanay na utos niya.

"S-Salamat."

Pagkatapos kong tanggalin ang sapatos at medyas ko ay binigyan niya rin ako ng plastic para doon ko ilagay ang basang sapatos ko.

"N-Nasaan si Echo?" tanong ko sa kaniya. Nasa loob na siya ng counter at may kinakalikot sa loob ng malaking refrigerator sa gilid.

"Nasa labas. Kausap 'yong humahabol sa'yo," sagot niya. Sumulyap pa siya sa akin para ngumiti. Napaiwas na naman tuloy ako ng tingin.

Nilapag ko muna sa upuan ang bag at plastik kung saan nakalagay ang sapatos ko. Binuksan ko ang sliding door at nakita ko kaagad si Echo na kinakausap si Martin.

"Bakit ka nga ba nakikialam?" maangas na tanong ni Martin kay Echo. 

Nakatalikod sa direksyon ko si Echo kaya nakita kaagad ako ni Martin na nakaharap naman sa kinatatayuan ko. Nanlaki ang mga mata ko at babalik sana sa loob pero huli na dahil nakita niya na ako.

"Hoy! Nandyan ka pala, ah!" Susugurin niya sana ako pero hinarang ni Echo ang isa nitong kamay sa dibdib niya.

"Chill ka lang. Babae 'yan."

"Natapunan ako ng kape dahil sa babaeng 'yan!" asik sa kaniya ni Martin.

"At anong gagawin mo? Susuntukin mo?" tanong pabalik ni Echo. "Alam mo, may kapatid din akong babae. Kaya hindi kita papayagan na saktan mo siya." Marahan niya itong itinulak. "Makakaalis ka na."

Tumalim ang tingin ni Martin sa kaniya. "Angas mo, ah. May maipagmamalaki ka ba?"

Tumawa si Echo at nameywang. "Hindi sa pagmamayabang pero, oo. May maipagmamalaki ako."

"Ano?"

Humalukipkip siya. "Itong kapogian ko."

Tinakpan ko ang bibig ko para mapigilang tumawa. Pero naudlot din iyon nang tumingin nang masama sa akin si Martin.

"Umalis ka na," seryosong utos ni Echo kaya napabaling sa kaniya si Martin.

"Night class." Tumawa nang sarkastiko si Martin habang tumatango-tango. "Tatandaan ko ang pagmumukha mo." Bumaling siya sa'kin kaya napalunok ako. "At ikaw din."

"Alis na. Kairita naman," kunwaring naiinip na sambit ni Echo.

Umismid lang si Martin bago tuluyang umalis. Parang nakahinga ako nang maluwag nang makita kong wala na talaga siya.

"Okay ka lang?" tanong ni Echo na hindi ko namalayang nasa harap ko na. "Huwag kang matakot sa lalakeng 'yon. Sa payat n'on, baka isang wasiwas lang ng arnis stick ko ay tumba na 'yon. Nagtataka nga ako kung bakit hindi siya nililipad ng malakas na hangin ngayon, eh." Tumawa siya sa sarili niyang biro.

Yumuko ako. "S-Salamat, ah. Hindi mo naman kailangan gawin 'yon."

"Wala 'yon. Pagdating kasi sa mga ganito, hindi mo maaasahan 'yan si Hiroshin. Hindi niya hilig ang makipag-away. Kaya pasensya na kung ako ang nagtatanggol sa'yo ngayon."

Nag-angat ako ng tingin sa kaniya at napakunot ang noo ko. "P-Paanong nadamay si Hiroshin?"

Tumaas ang sulok ng labi niya. "Sus. Huwag ako."

Nilampasan niya na ako at pumasok na sa store nila. May pumasok na grupo ng mga babae kaya hindi muna ako pumasok at tiniis ang lamig sa labas. 

Maya-maya pa ay lumabas si Hiroshin bitbit ang bag ko kasama ang plastik.

"O-Oh! Bakit mo dala 'yan?!" Inagaw ko ang mga iyon sa kaniya at nanlaki ang mga mata niya sa gulat. 

"S-Sorry. Ayaw mo bang hinahawakan ang mga gamit mo?" nahihiyang tanong niya.

Hindi 'yon gano'n! Ayaw ko lang mahirapan ka! 

Hindi ako sumagot. Napatingin ako sa suot niya. Pinatungan niya ng itim na jacket ang suot niyang uniform. Wala na rin siyang suot na visor at sumbrero niya na ang gamit ngayon.

Ipinasok niya ang dalawa niyang kamay sa bulsa ng jacket niya. "Ihahatid kita sa inyo." 

Nanlaki ang mga mata ko. 

I-Ihahatid?! Seryoso ba siya?! Bakit niya ako ihahatid?! 

"A-Ano?" Sa dami ng tanong sa isip ko ay iyon lang ang lumabas mula sa bibig ko.

"Ihahatid na kita sa inyo," nakangiting ulit niya. "Taga-San Fernando ka rin, 'di ba?"

Tumango ako bilang sagot.

"Ihahatid na kita. Kailangan ko na ring umuwi sa amin kasi may sakit daw si Mama kaya isasabay na kita."

Lumaylay ang balikat ko pero hindi ko pinahalatang apektado ako sa sinabi niya. Akala ko pa naman ay gusto niya lang talaga akong ihatid.

Gumising ka nga, Marife! As if naman mag-aaksaya siya ng panahon sa'yo! Si Yumi ka ba?!

Tumango na lang ako at matipid na ngumiti. Ayoko na rin naman na tumanggi kasi wala naman akong mapapala. Gusto ko na rin umuwi.

Nagpaalam muna kami kay Echo bago kami sumakay sa jeep na dumaan. Hindi ako sanay sa presensya niya sa tabi ko lalo na nang magdikit ang balikat at hita naming dalawa. Nag-init ang pisngi ko kaya yumuko lang ako sa buong biyahe namin habang kagat ko ang pang-itaas kong labi. 

Relax ka lang, Marife.

Nang makarating kami sa kanto kung saan ako bumababa ay hindi ko inasahan na bababa rin siya. Wala raw kasi akong payong kaya kailangan niya akong ihatid mismo sa bahay ko.

"Huwag kang mag-alala, malapit lang dito ang bahay namin," nakangiting sambit niya.

Tss. Matagal ko nang alam 'yan.

Naalala ko noong minsang pumunta kami ni Yumi sa bayan para bumili ng materials para sa project. Pauwi na kami noon pero sabi ko ay sa shortcut na lang kami dumaan kahit maraming aso. Pagod na pagod na kasi akong maglakad noong time na 'yon. Pero hindi ko inasahan na makikita ko si Hiroshin sa labas ng isang bahay at nakikipaglaro ng basketball. Doon ko nalaman na magkalapit lang pala ang bahay namin at magkaiba lang ng street.

"Dito na 'ko. Salamat." Nginitian ko siya. "Bukas ko na ibabalik itong t-shirt at tsinelas mo. Salamat ulit."

Tumango siya at ngumiti pabalik. "Walang anuman." Panay ang tingin niya sa pinto ng bahay namin. "Alas-dies na ng gabi. Hindi ka man lang hinahanap ng mga magulang mo? Mukhang...tulog na sila?"

Napatingin ako sa bahay namin at nakitang patay na nga ang ilaw. 

Nakaramdam ako ng kirot sa dibdib ko. Oo nga, 'no? Hindi man lang ako hinanap nila Ate kahit alam nilang maulan.

Kinagat ko ang pang-itaas kong labi bago ako bumaling kay Hiroshin. "Pagod din kasi sa trabaho ang kapatid ko."

Nangunot ang noo niya. "Kapatid lang? Wala ka nang mga magulang?" 

Umiling ako bilang sagot sa tanong niya. "Grade six pa lang ako nang mamatay sila."

"Anong nangyari?" usisa niya.

Napalunok ako at hindi ko alam ang sasabihin ko. Napapikit ako nang mariin, pilit inaalis ang mga alaalang sariwa pa rin sa utak ko pero piliit ko nang kinakalimutan. 

"H-Hindi mo na kailangan sagutin."

Idinilat ko ang mga mata ko at nakita ko ang pagsisisi sa mga mata niya. "Pasensya ka na. Papasok na 'ko."

Hindi ko na hinintay na makasagot siya at binuksan ko na ang gate namin. Naulanan ako pero kaunti lang dahil kaunti lang ang distansya ng gate sa pinto ng bahay.

Kinatok ko kaagad ang pinto nang hindi ko iyon mabuksan.

"Ate Monica! Pabukas naman ng pinto!"

Bakit ba nila ni-lock? Alam naman nilang nasa labas pa ako, eh!

"Ate Monica!" tawag ko ulit. "Ate Carrie!"

Ilang ulit pa akong kumatok bago tuluyang bumukas ang pinto at bumungad ang inaantok na mukha ni Ate Carrie.

"Ano ba 'yan, Marife! Natutulog na kami, oh!" nakapikit na reklamo niya habang panay ang kamot sa ulo. 

Gusto ko siyang singhalan pero nagpigil ako. Pumasok ako sa loob at nagtuloy-tuloy sa kwarto ko.

Pabagsak kong inilagay ang plastik at bag ko sa upuan ng study table ko. Bumuntong-hininga ako nang ilang ulit at pumikit nang mariin.

Paano nila natiis na hindi ako hanapin? Paano natiis ni Ate Monica na matulog kahit alam niyang nasa labas pa ako at umuulan nang malakas?

Nag-init ang mga mata ko pero pumasok na ako ng banyo para magbihis. Nilabhan ko na rin ang t-shirt na pinahiram ni Hiroshin at habang kinukusot ko iyon ay hindi ko na napigilan ang pagbuhos ng mga luha ko.

Hindi ko na mapigilan. Nagsabay-sabay na naman lahat ng sama ng loob ko.

Mula sa nalaman ko kay Hiroshin, sa pag-alala ko sa nangyari kay Mama at Papa at maging ang trato sa akin ng kapatid kong si Ate Monica. Nandito nga siya pero iba naman ang inaalagaan niya. 

Kapatid niya naman ako, ah. Pero bakit pakiramdam ko ay mas mahal niya si Ate Carrie? Kailangan ba talagang gano'n? Kailangan ba na kapag nagkaroon ka ng karelasyon ay kakalimutan mo nang may kapatid ka? 

Isinabay ko na rin sa paglaba ang uniform at sapatos ko. Kinailangan ko pang itutok ang sapatos ko sa electric fan para matuyo kinabukasan.

Pagkatapos kong maglaba ay kumain muna ako. Mabuti na lang at nagtira pa sila ng pagkain para sa'kin. Nang matapos kumain ay nagsepilyo na ako at dumapa na sa kama ko.

Kaharap ko na ngayon ang mga notebook ko na may kanya-kanyang assignments. Sinagutan ko iyon nang mabilisan lang.

Nang matapos ako sa lahat ng gawain ko ay napatingin ako sa kinalalagyan ng gitara ko—pero nanlaki ang mga mata ko nang makitang wala roon ang gitara!

Sinalakay ng kaba ang dibdib ko at kaagad akong lumabas ng kwarto para tanungin sila Ate Monica.

"Ate Monica...Ate..." Niyugyog ko ang balikat niya para magising siya pero walang nangyayari.

Binuksan ko ang ilaw sa kwarto nila dahilan para mapakunot ang noo ni Ate Carrie. Idinilat niya ang mga mata niya.

"Ano ba, Marife?! Kanina ka pa, ah!" asik niya sa akin. Bumangon siya mula sa kama at hindi man lang nagising si Ate Monica nang maapakan ito sa paa.

"A-Ate Carrie...nasaan ang gitara ko?" nanginginig na tanong ko nang tumigil siya sa harap ko at nameywang.

Pinaikot niya ang mga mata. "Sus! Gitara lang pala—"

"Nasaan, Ate?! Sabihin mo!" malakas na sigaw ko na ikinagulat niya. 

Pero kaagad din siyang nakabawi. "Pinahiram ko lang sa kaibigan ko! Bakit ba galit na galit ka?! Baka nakakalimutan mong mas matanda ako sa'yo?!"

Nagdikit ang mga labi ko kasabay ng pagkuyom ng mga kamao ko. "Ate Carrie naman! Gitara ko 'yon, eh! Dapat hindi mo pinapakialaman!"

Suminghap siya at mahinang sinundot ang noo ko. "Ang lakas ng loob mong sigawan ako, ah! Gitara lang 'yon! Ibabalik din 'yon sa'yo! Napakaarte mo naman! Ayaw mo bang nahahawakan ang gitara mo?! Hoy, Marife! Hindi bagay sa'yo ang maging maarte! Ang pangit mo kaya!"

Napasinghap ako sa sinabi niya. "Walang connect ang pagiging pangit ko sa pagiging pakialamera mo! Gitara ko 'yon at bigay sa'kin ni Mama at Papa! Ayaw kong may humahawak na iba ro'n! Bakit mo pinahiram nang wala akong kaalam-alam?! Ate naman!"

"Ibabalik ko 'yon sa'yo bukas na bukas! Manahimik ka na!" sigaw niya. "Gitara lang nagkakaganyan ka na! Ang lakas ng loob mo, ah! Bakit? Dahil ba may boyfriend ka na?!"

Napaawang ang bibig ko sa sinabi niya. "Anong boyfriend—"

"Bakit? Kaya ka nga ginabi ng uwi, eh! Kasi marunong ka nang lumandi! Haliparot ka!"

Mas humigpit yata ang pagkakakuyom ng mga kamao ko nang marinig ang mga pinagsasabi niya. Ngayon lang yata ulit ako nakaramdam ng nag-uumapaw na galit at hindi ko na mapigilan ang sarili ko.

"Alam mo, Marife...may binabagayan ang landi." Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa at saka tumawa nang pagak. "At hindi bagay sa'yo ang lumandi kasi wala namang papatol sa'yo, eh. Kasi bukod sa bata ka pa...pangit ka rin."

"Kung naasiwa ka sa mukha ko, eh di huwag mong tingnan!" Sumabog na ako. "At oo, Ate! Pangit ako at alam ko 'yon! Eh, ikaw?! Maganda ka nga pero mas mabaho pa sa utot mo ang ugali mo!"

"Anong sabi mo?!" Sinampal niya ako kaya napahawak ako sa pisngi ko.

"Carrie! Ano ba 'yan?!" At nagising na nga si Ate Monica. 

Bumangon siya at pumagitna sa aming dalawa kahit halatang inaantok pa.

"Ano bang nangyayari sa inyong dalawa?!"

"Pagsabihan mo 'yang kapatid mo! Bastos at walang modo!" Dinuro ako ni Ate Carrie.

"Ate! Pinakialaman niya 'yong gitara ko!" pagsusumbong ko. "Alam mo naman na importante sa'kin 'yon, eh!"

"Pero hindi dahilan 'yon para bastusin mo si Carrie!" sigaw ni Ate Monica sa akin.

Napaawang ang bibig ko at hindi makapaniwalang napatingin sa kaniya.

Seryoso ba siya? Alam niyang...Alam niya kung gaano kaimportante sa akin ang gitara na 'yon.

"Huwag mong kalimutan na mas matanda kami sa'yo, ah!" patuloy ni Ate Monica at wala akong ibang nagawa kundi ang humagulhol at yumuko. "Igalang mo kami ng Ate Carrie mo kung ayaw mong palayasin kita rito!"

Napaangat ang tingin ko sa kaniya nang sabihin niya iyon. "A-Ate?"

Kaya niya akong palayasin sa sariling bahay ni Mama at Papa? 

Hinilamos niya ang mga palad sa mukha niya. "Alam mo, hinihintay ko lang naman na tumuntong ka sa tamang edad. Kailangan mong matutong tumayo sa sarili mong mga paa dahil hindi habangbuhay ay nasa tabi mo ako—"

"Kailan ka ba nanatili sa tabi ko, Ate Monica?" Pumiyok ang boses ko. Tumitig ako sa mga mata niya habang tahimik na lumuluha. "M-Mula nang mamatay ang Mama at ang Papa...p-parang nawalan na rin ako ng kapatid. N-Nang mawala sila...n-nawalan ka na rin ng pakialam sa'kin kasi nagkaroon ka ng girlfriend. N-Nandito ka, pero ang layo mo naman..."

Nakita ko ang pagkawala ng emosyon sa mukha ni Ate Monica dahil sa mga sinabi ko. Hindi ko na hinintay na sumagot siya at binirahan ko na sila ng talikod. Kumuha ako ng payong at saka lumabas ng bahay namin.

Mas lalo yatang lumakas ang ulan pero parang namanhid ang katawan ko at wala akong maramdaman na lamig.

Wala pang dalawang minuto ay nasa harap na ako ng gate ng bahay nila Yumi. Gusto ko siyang makausap. Kailangan ko ng kaibigan ngayon.

"Nagpaalam siya sa'kin kanina kasama 'yong kaklase n'yo na Cathy ang pangalan," sagot ni Tita Vicky nang tanungin ko siya kung nasaan si Yumi. "Sinamahan naman siya ng Papa niya."

"S-Saan po sila pumunta?" tanong ko. 

Mabuti na lang at madilim ang parte kung saan kami nag-uusap ni Tita Vicky. Nasa loob siya ng gate habang nakapayong habang nasa labas naman ako. Ayokong makita niyang umiiyak ako at paniguradong magtatanong siya.

"Birthday daw ni Cathy at gusto ka nga niyang isama kaso wala ka pa raw. Eh, madaling-madali si Cathy kaya hindi ka na nahintay ng anak ko. Ano bang nangyari?"

"A-Ah." Pinunasan ko ang mga luha sa pisngi ko. "Wala po. May...itatanong lang po sana ako tungkol sa assignment namin. Sige po. Una na po ako."

"Sige na at gabi na, Marife. Mag-iingat ka, ha?"

"Opo."

Nagpakawala ako ng malalim na hininga nang makabalik na sa loob si Tita Vicky.

Pakiramdam ko ay sobrang bigat ng dibdib ko na parang gusto nitong sumabog. Naglakad na ako pabalik sa bahay namin at hindi pa rin ako matigil sa kakaiyak.

Noong bata pa 'ko, excited na excited ako na maging teenager. Gusto kong maranasan ang nararanasan ng mga nakikita kong teenagers sa paligid ko. Curious ako kung anong pakiramdam nila, curious ako kung paano nila nalalampasan ang mga problemang pinagdadaanan nila.

Pero ngayong teenager na ako, hindi pala madali. Dahil habang tumatanda ako, unti-unti kong nararamdaman ang iba't ibang uri ng sakit.

Mas gugustuhin ko pa na maging bata ulit ako. Dahil noon, maliliit lang na bagay ang iniiyakan ko...at hindi ang mga taong nasa paligid ko. Candy lang ay masaya na ako, pero hindi tulad ngayon na kahit ilang balot pa ng candy ang ilapag sa harap ko ay hinding-hindi n'on maiibsan ang sakit na nararamdaman ko.

Gusto kong bumalik sa panahon na madali akong mapasaya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top