05. Kaya Ko Na

C H A P T E R  5:
Kaya ko na

"Marife!"

Narinig ko ang pagtawag ni Hiroshin at namalayan ko na lang na hinawakan niya ako sa braso para tulungan na makatayo. 

"Boss! Pasensya na!" sabi ni Hiroshin sa driver ng motor na muntik nang makabundol sa akin. "Pasensya! Pasensya!"

Pinayungan niya ako at inalalayan papunta sa isang saradong tindahan. Iika-ika akong naglakad dahil medyo masakit ang binti ko na natamaan ng gulong ng motor.

"Masakit ba?"

Paki mo?

Gusto ko siyang singhalan pero nanahimik na lang ako. Tiniklop niya ang payong at napasandig naman ako sa tindahan habang nakangiwi.

"Basang-basa ka. Bakit kasi nagpaulan ka?" tanong niya.

Sinamaan ko siya ng tingin pero hindi ako nagsalita.

"Galit ka ba?" tanong niya ulit. "M-May...narinig ka?"

"Oo. At alam ko na kung bakit ka ganyan sa'kin. Hindi mo na kailangan na magpanggap na mabait—"

"Hindi ako nagpapanggap na mabait sa'yo, Marife," putol niya sa sinasabi ko. 

"Pero narinig ko," kontra ko. Nagbaba ako ng tingin para hindi niya makitang nangingilid na ang mga luha ko. "Ginagamit mo lang ako para magpakitang-gilas kay Yumi. Gusto ko lang sabihin sa'yo na kung talagang mabait ka, hindi mo kailangang pilitin na ipakita sa kaniya 'yon. Dahil kilala ko ang kaibigan ko. Mas magugustuhan ka niya kung totoo ka sa sarili mo. Hindi mo kailangang manggamit ng iba."

Matagal siyang hindi sumagot kaya napaangat ang tingin ko sa kaniya. Nakayuko na siya at seryoso ang mukha. 

"S-Sorry," mahinang sambit niya habang nakababa pa rin ang tingin. "Sorry kung gano'n ang tingin mo pero maniwala ka, totoo lahat ng pinapakita ko sa'yo mula pa kahapon."

"Hindi mo na kailangang magpaliwanag. Hindi naman tayo magkaibigan," sabi ko na lang at saka naglakad na paalis pero nagsalita siya.

"Pero gusto kitang maging kaibigan."

Hindi ako nakasagot. Nalasahan ko ang pait sa bibig ko. "Pero ayokong maging kaibigan ka," nakatalikod na sagot ko sa kaniya.

Hindi ko na narinig na sumagot siya. Bumuntong-hininga ako at aalis na sana pero may bumunggo sa akin na tumatakbong babae. Sa sobrang laki ng katawan ng babae ay nawalan ako ng balanse. Napapikit ako at hinintay na tumama ang pwet ko sa lupa pero hindi nangyari 'yon dahil pumulupot sa tiyan ko ang mga braso ni Hiroshin.

Nanlaki ang mga mata ko at kaagad na lumayo kay Hiroshin at sinamaan siya ng tingin.

"S-Sorry." Napayuko siya.

"Naku, Marife! Ikaw pala 'yan! Sorry kung nabangga kita!" paumanhin ni Clover, ang kaklase kong medyo may katabaan. Hindi ko kaagad siya nakilala.

"Bakit ka kasi tumatakbo?" curious na tanong ko. Kung makatakbo kasi siya kanina ay parang may humahabol sa kaniya.

"Hoy! Magnanakaw!" 

Napatingin ako sa babaeng tumatakbo papunta sa direksyon namin. 

"Naku, ayan na siya!" Pumunta si Clover sa likod ko na parang nagtatago. "Itago mo 'ko! Itago mo 'ko!"

Hinintay ko na makalapit sa akin 'yong babaeng humahabol kay Clover. 

"Hoy!" Dinuro niya ang likod ko kung saan nagtatago ang kaklase ko. "Ibalik mo 'yong garapon ng gummy bears na ninakaw mo!"

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ng babae. Napatingin ako kay Clover at mabilis siyang umiling sa akin na parang sinasabi na hindi totoo ang sinasabi ng babae.

"Wala akong ninanakaw, Ate!" mariing tanggi ni Clover. "Napadaan lang ako sa tindahan mo!" 

"Masiba ka sa gummy bears, eh! Kung bumili ka nga sa akin ay gara-garapon! Paniguradong ikaw ang nagnakaw ng tinda ko!"

Napantig ang tenga ko sa sinabi ng babae. Mukhang mas matanda siya sa amin pero hindi ko na napigilan ang sarili ko na makisabad.

"T-Teka lang, Ate. Hindi naman yata tama na siya ang bintangan mong nagnakaw."

Napatingin sa akin ang babae at hindi ako nagpatinag sa talim ng tingin niya. "Bakit ka ba nakikialam? Kasabawat ka ba ng babaeng 'yan?" Itinuro niya si Clover na nasa likod ko pa rin. "Mukha n'yo pa lang ay alam ko nang hindi kayo gagawa ng maganda—"

"Excuse me lang PO, Ate! Hindi batayan ang itsura namin para husgahan mo kami!" 

Napasinghap ang babae at maging si Clover dahil sa pagsigaw ko.

Minsan lang ako magsalita para ipaglaban ang tama kaya itutuloy ko na 'to.

"Sino bang pagbibintangan ko?! Eh, siya lang naman ang nakita kong dumaan sa tindahan ko!"

"May ebidensya ka ba na siya ang kumuha, Ate?" Idiniin ko ang huling salita para ipakita ang respeto ko sa kaniya kahit ginaganito niya kami. "Nakita mo ba na siya mismo ang kumuha ng garapon mo?"

Napakurap siya nang ilang beses. "H-Hindi."

"Hindi naman pala, eh! Por que ba hindi maganda si Clover ay may masama na siyang gagawin? Por que ba baduy siya magsuot ng damit ay mukha na siyang magnanakaw? Por que ba mataba siya ay—"

"Manglait ba?" sarkastikong tanong ni Clover sa akin. Napabuga ako ng hangin.

"Hindi ko siya pinagtatanggol dahil kaklase ko siya. Pinagtatanggol ko siya kasi mali ang ginagawa mo, Ate. Mali 'yang ginagawa mong pagbibintang nang walang basehan." Ikinuyom ko ang mga kamao ko para mapigilan ang maging emosyonal. "Huwag kang magpalinlang sa nakikita ng mga mata mo. Dahil minsan, kung sino pa 'yong mga hindi biniyayaan ng ganda, sila pa 'yong mga taong..." Humugot ako ng malalim na hininga. "S-Sila pa 'yong mga tao na may mabuting kalooban at  gagawin ang lahat para mapasaya ka lang."

Natahimik ang babae at umiwas naman ako ng tingin para pasimpleng punasan ang isang butil ng luha na kumawala sa gilid ng mata ko.

"Ate! Heto na 'yong garapon ng gummy bears!" Biglang sumulpot ang isang batang lalake na nakapayong.

"H-Huh?" halatang gulat na sambit ng babae sa batang lalake. "Saan mo nakuha?"

"Kay Tonton! Iyong kalaro ko! Siya pala 'yong kumuha noong nakatalikod ka!" 

Nanlaki ang mga mata ng babae at napatingin sa akin at sunod kay Clover. Lumambot ang ekspresyon ng mukha niya at unti-unti siyang yumuko.

"S-Sorry." At umalis na siya sa harap ko kasama 'yong batang lalake.

Bumuntong-hininga ako para mapakalma ang sarili ko. Muntik na akong sumabog, mabuti na lang at napigilan ko ang sarili ko.

Tahimik lang si Clover at Hiroshin nang makaalis ang babae. Tanging patak lang ng ulan ang naririnig ko at ang mga busina ng mga dumadaang sasakyan. 

"G-Grabe," tanging nasabi ni Clover. Pumunta siya sa harap ko at hinawakan ang balikat ko. "Tatahi-tahimik ka pero iba ka pala magalit, 'no?"

Napaiwas ako ng tingin. "T-Tama naman ang sinabi ko, ah."

"Oo! At salamat, ha?! Pero alam mo, hindi naman ako apektado sa sinabi ng babaeng 'yon. Alam mo kung bakit? Tanungin mo 'ko kung bakit."

"B-Bakit?"

"Kasi tanggap ko ang sarili ko! Confident ako kahit hindi ako maganda, baduy magsuot at mataba—"

"S-Sorry. Hindi ko sinasadya na laitin ka."

Ngumiti siya kaya parang lalong lumapad ang mukha niya. "Okay lang! Hindi naman panglalait 'yon kapag totoo naman! At kahit ganito ako, confident ako, 'no!"

Napatitig ako sa kaniya.

Saan siya kumukuha ng self-confidence? Sana ganyan din ako. Dahil habang lumalaki ako, unti-unti kong nararamdaman ang insecurities sa sarili kong itsura na hindi ko naman nararamdaman noong bata pa ako.

At alam ko sa sarili ko na nagsimula ito noong grade six ako...noong mawala sila Mama at Papa.

Hindi ko namalayan na naiiyak na pala ako. Tuwing maalala ko ang mga magulang ko ay hindi ko mapigilan ang maging emosyonal.

"Hala! Bakit ka umiiyak?!" natatarantang tanong ni Clover. "May nasabi ba akong masama?! Naku, sorry!"

Kaagad kong pinunasan ang mga luha sa pisngi ko. "W-Wala 'to. Sige. Mauuna na 'ko."

"Sandali," pigil niya sa braso ko. "Umuulan pa. Wala kang payong—Uy, Hiroshin! Nandyan ka pala?!" Lumagpas sa akin ang tingin niya.

Narinig ko ang pagtikhim ni Hiroshin sa likod ko. "Marife, ihahatid na kita sa—"

"Kaya ko na," pigil ko sa sasabihin niya. 

"Pero maulan—"

"Ihahatid ako ni Clover. May payong naman siya, eh." Napatingin sa akin si Clover, nagtatanong ang mga mata. "Hindi ba, Clover?" 

"A-Ah, oo." Tumango na lang siya nang makitang nangingilid na naman ang mga luha ko. "Ihahatid ko siya, oo."

"M-Mari—"

"Tama na, Hiroshin. Okay na 'yon. Kung talagang gusto mo si Yumi, huwag mo na akong idamay."

Binuklat na ni Clover ang payong niya at sumilong naman ako roon. Walang lingunan na hinila ko si Clover paalis sa tindahan na 'yon.

"Nag-aaway ba kayo?" usisa ni Clover habang naglalakad kami papunta sa paradahan ng jeep. 

"Huwag mo nang intindihin 'yon," sabi ko na lang para hindi na siya magtanong pa. Hindi naman kami close kaya bakit kailangan niyang magtanong nang magtanong?

"Ilang taon ka na?" pag-iiba niya ng topic. "Kasi kung magsalita ka kanina, parang matanda ka na. Alam mo 'yon? Iyong tipong parang ang dami mo nang pinagdaanan?"

Napigil ko ang hininga ko dahil sa sinabi niya. Gano'n ba ako kahalata?

Tumikhim ako. "14 na 'ko. "Mag...Magbi-birthday ako next month."

"Ha?! Ibig sabihin gurang ka sa amin?"

"Late na kasi akong nakapag-aral. Humabol lang ako dahil sa hirap ng buhay," paliwanag ko. 

Naalala ko tuloy na pitong taon ako nang magsimula akong mag-aral. Ang dami kasing gastusin noon nila Mama tapos nagkasakit pa si Papa kaya walang magbabantay sa akin sa school. Noong time na 'yon ay ako ang pinakamatanda sa mga kaklase ko pero ako pa rin ang pinakamaliit.

"Bakit gano'n? Mas matanda ka sa'min pero ikaw ang pinakamaliit?" walang prenong tanong niya.

Natawa ako nang mahina. "Mana kasi ako kay Mama. Kinulang sa height."

"Pero bumawi ka naman sa talino," dagdag niya habang tumatango-tango pa. "Mahiyain ka nga lang. Alam mo, kung ako sa'yo, hindi ako mahihiya. Kung nagiging insecure ka sa sarili mo, isipin mo na lang na matalino ka at doon ka babawi."

Iyon naman talaga ang nasa isip ko, eh. Kinulang ako ganda pero alam ko sa sarili ko na matalino ako at may laban. Pero...Pero ngayong nagiging aktibo si Yumi sa class recitation...parang nawalan na naman ako ng tiwala sa sarili ko, natakot ako bigla.

Maganda si Yumi at nakikita ko ang kakaibang talino niya na hindi niya naipakita dati. Natatakot tuloy ako na matalo niya ako. At hindi ako sanay matalo sa isang bagay na alam kong may laban ako.

Gusto kong alisin ang takot ko. Kasi paano ako magiging top one kung takot akong matalo ni Yumi? Napabuntong-hininga na lang ako. Sarili ko ang kalaban ko.

Nang makasakay ako ng jeep ay nagpasalamat ako kay Clover sa paghatid sa akin. Malapit lang pala rito ang bahay nila, sinabi niya sa'kin.

Isa na lang ang kulang nang sumakay ako kaya lumarga na kaagad ang jeep na sinasakyan ko at maya-maya lang ay nasa biyahe na kami. Malakas pa rin ang ulan at hindi ko alam kung paano ako nito pagbaba sa kanto ng bahay namin. Paniguradong magpapaulan na lang ako. 

"Ay, bilat mo!" Napahawak ako sa hawakan sa taas nang biglang tumigil ang jeep at halos magbeso ang pisngi namin ng katabi kong lalake.

Narinig ko ang mga reklamo ng mga kasama kong pasahero dahil sa biglaang pagtigil ng jeep na ang dahilan pala ay pumutok ang gulong nito sa harapan.

Kapag minamalas ka nga naman.

Dahil hindi kaagad maaayos ang jeep ay ibinalik na lang sa amin ang binayad namin at nagsibabaan kami ng jeep. At dahil wala akong payong ay patakbo akong sumilong sa labas ng glassdoor ng milkshake shop. 

Niyakap ko ang sarili ko dahil sa lamig. Medyo masakit din ang binti ko na nabundol kanina ng motor. Lahat yata ng kamalasan ay nasalo ko ngayong araw.

Tumingin ako sa kanan para mag-abang ulit ng jeep na dadaan pero karamihan ay punuan.

Napakamot ako sa ulo ko. Pinagkiskis ko ang dalawa kong palad para makaramdam ng init dahil nanginginig na ako sa lamig. Palakas nang palakas ang ulan na may kasamang hangin kaya nababasa pa rin ako. 

Huhu. Mukha na akong basang sisiw.

Maya-maya ay may tumigil na jeep sa harap ko. Hinintay ko na bumaba ang ibang pasahero pero nanlaki ang mga mata ko nang makita si Echo at Hiroshin na bumaba mula roon.

"Dalian mo! 'Tadong 'to!" Itinulak ni Echo si Hiroshin papunta sa sinisilungan ko pero hindi nila ako napansin dahil pinagpag nila ang mga sapatos nila na naputikan.

"Late na tayo! Yari na!" halatang inis na sabi ni Echo at bago pa nila ako makita ay yumuko na ako at patakbong umalis doon.

Wala na akong pakialam kung lalo akong mabasa ng ulan. Ayokong makita ako ni Hiroshin!

Tumigil ako sandali para maghanap ng masisilungan. Nakita ko ang isang waiting shed na maliit at tatakbo na sana ulit ako papunta roon pero may sumulpot sa harap ko at nagkabunggun kami.

"Aray!" Napapikit ako at napahawak ako sa ilong ko dahil tumama iyon sa dibdib ng nakabangga ko. "Nag-iisang asset ko pa naman 'tong ilong ko—" Pagdilat ng mga mata ko ay nanlaki ang mga ito nang mamukhaan ang lalakeng nasa harap ko.

Siya 'yong isa sa mga lalakeng humabol sa akin noong isang araw. Iyong tinawag na 'Martin' n'ong babaeng maputi!

May hawak siya na isang cup ng Starbucks na natapon ang laman sa mismong suot niyang branded na t-shirt. Madilim ang mukha niya habang nakatingin sa akin na parang gusto niya akong sakmalin.

"Ikaw 'yon, 'di ba?!" maangas na tanong niya. "Iyong babaeng hinabol namin—" Tinulak ko siya bago niya pa ako masaktan. Nawalan siya ng balanse at nabitawan ang hawak na payong at cup. Dumiretso pa ang natitirang laman ng cup sa mukha niya kaya napasigaw siya sa inis.

"S-Sorry!" tarantang sabi ko at saka patakbong bumalik sa daan na pinanggalingan ko kanina.

Nawala na sa isip ko na baka makita ako ni Hiroshin. Mas gugustuhin ko pa na makasalubong si Hiroshin kaysa sa Martin na 'yon!

Nang makita ko ang milkshake shop na sinilungan ko kanina ay dere-deretso akong pumasok sa loob ng glassdoor. Nakalagay naman na open pa 'yong store kaya okay lang na pumasok. 

Naramdaman ko kaagad ang lamig pagkapasok ko dahil sa aircon pero binalewala ko lang 'yon dahil ayokong makita ako ni Martin. Umupo ako sa isang upuan at dinampot ang isang menu stand na nakapatong sa table at hinarang sa mukha ko sakaling mapadaan si Martin.

Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko at parang gusto ko nang mahimatay. Gutom na rin ako dahil hindi ako nag-snack kanina.

May narinig akong tumikhim mula sa counter at parang natuod ako sa kinauupuan ko. Nakatalikod ako sa direksyon ng counter at hindi ako makalingon dahil sa kaba.

Nakalimutan ko na bawal palang tumambay sa mga ganitong lugar ang mga hindi naman bibili!

"A-Ah..." Hindi ko alam ang sasabihin ko. "M-May tinataguan lang po ako. Sorry po—"

"Marife?"

Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko ang pamilyar na boses. Napatayo ako bigla at dahan-dahang pumihit paharap para makita kung sino ang nasa counter.

At napaawang ang bibig ko nang makita ko si Echo na nakangisi sa sakin habang nakahalukipkip. Katabi niya si Hiroshin na nakaawang din ang bibig habang nakatingin sa akin.

A-Anong ginagawa nilang dalawa rito?! 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top