04. Dahil Kay Yumi

C H A P T E R  4:
Dahil kay Yumi

"Marife, tara! Snack tayo!" yaya sa akin ni Yumi nang tumunog ang bell para sa 15-minute break. 

Hindi ako kumilos at tumingin lang ako sa kaniya. "Hindi na. Dito lang ako." Ngumiti ako nang tipid.

"Huh?" Lumungkot ang mukha niya at saka umupo sa bakanteng upuan ni Hiroshin para tingnan ako nang maigi. "May sakit ka ba? Ngayon ka lang yata hindi sasabay sa akin." 

Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Mula nang malaman ko kanina ang tungkol sa pagkakaroon ng crush ni Hiroshin kay Yumi ay parang ayokong tingnan o kausapin siya.

Tsk. Ano bang nangyayari sa'kin? Dapat hindi ako ganito. Crush ko lang naman si Hiroshin at bestfriend ko si Yumi. Parang ang unfair para sa kaniya na maramdaman ko 'to.

"H-Hindi. Wala akong sakit," sagot ko at saka pilit na ngumiti. "Hindi lang ako gutom."

Ngumuso siya. "Baka wala ka na namang pera kaya ayaw mong mag-snack. Libre na lang kita! Dali!"

"H-Hindi! Okay lang talaga ako! Sige na."

Mas lalo siyang napanguso. "Ayaw mo talaga?"

"Sige na. Kaya mo namang pumunta ng canteen kahit mag-isa ka, eh."

"Sure ka, ha?" malungkot ang boses pero nakangiting paniniguro niya.

Tumango na lang ako at binigyan siya ng isang tipid na ngiti. Maya-maya pa ay lumabas na siya ng room namin nang matamlay. Napabuntong-hininga na lang ako.

Bakit ba ako ganito? Hindi naman ako nakakaramdam ng ganito dati kay Yumi, eh. 

Noong elementary pa lang kami ay wala naman akong pakialam kahit may nagkaka-crush sa kaniya, supportive pa nga ako sa kaniya kapag may crush din siya sa isa sa mga 'yon. Never din akong nakaramdam ng inis o inggit sa kaniya kasi tanggap ko naman na lamang siya sa akin pagdating sa ganda.

Hindi kaya dahil kay Hiroshin? Naiinggit ako kasi si Yumi ang crush niya?

Siguro nga.

Naiintindihan ko na kung bakit ako nagkakaganito. Dahil si Hiroshin...siya lang ang naging crush ko na nagawa akong tulungan sa hindi inaasahang pagkakataon.

Akala ko, sa bullies lang ako takot noon—sa aso rin pala.

Maulan noon at naglalakad lang ako pauwi sa bahay namin. Nabalitaan ko ang nangyari kay Mama at Papa kaya madaling-madali ako. Sa kakamadali ko, hindi ko napansin na may malaking aso pala ang nakaabang sa akin.

Tinahulan ako ng itim na aso at dahil tuliro ang utak ko ay nabitawan ko ang hawak kong payong at nabasa ako ng ulan. Hindi ko pinulot ang payong dahil umatras ako nang umatras habang papalapit sa akin ang aso. Unti-unti na akong nabasa ng ulan pero parang wala ako sa sarili ko. Naghalo-halo ang takot at kaba sa dibdib ko.

Hindi ko nakita ang maliit na bato sa likod ko at natapakan ko iyon, dahilan para mawalan ako ng balanse at mapaupo sa pavement.

Napatili ako nang sugurin na ako ng aso—pero may dumating na lalakeng nakasakay sa bike at itinaboy ang aso.

"Shoo! Alis!"

Bumaba ang lalake sa bike at pinahiga iyon sa pavement habang patuloy na itinataboy ang aso.

Nang tuluyang maitaboy ang aso ay saka lang ako nakahinga nang maluwag. Tatayo na sana ako pero inalalayan ako sa braso ng lalakeng tumulong sa akin.

"Basang-basa ka na," sambit niya at napatitig naman ako sa mukha niya.

Saka ko lang siya namukhaan dahil sa palagi niyang suot na sumbrero at sa dimple niya sa kanang pisngi na kahit hindi siya nakangiti ay lumilitaw pa rin.

Taga-Section 2 siya at nakilala ko siya dahil maraming taga-Section 1 ang nagkaka-crush sa kaniya.

At mukhang magiging isa na 'ko sa kanila.

Basang-basa na rin siya ng ulan pero nagawa niya pa akong tulungan. Ang bait niya.

Pinulot niya ang payong ko at inabot sa akin. "Huwag kang magpaulan. Baka magkasakit ka." Tinalikuran niya na ako at sumakay ulit sa bike niya. 

Hindi ko namalayan na umalis na pala siya. At doon ko lang naramdaman ang lamig na dulot ng basa kong uniform.

Noong araw na 'yon, wala na akong ibang naging crush kundi si Hiroshin.

***

"Who got the score of 20?" tanong ni Ma'am Cheska, ang Science Lecturer namin. 

Nagpa-surprise quiz kasi siya at ngayon ay kinokolekta niya na ang mga papel namin.

Tumayo ako para ibigay kay Ma'am Cheska ang papel ko. Narinig ko ang singhapan ng mga kaklase ko at ang bulungan nila.

"Wow, naka-perfect siya."

"Ang galing niya."

Lihim akong napangiti bago ako bumalik sa upuan ko.

"Very good, Marife," nakangiting sambit ni Ma'am Cheska at ngumiti lang ako.

"Galing naman!" mapang-asar na sabi ni Echo sa akin. 

"Oh, ngayon? Crush mo na si Marife?" nakangising tanong ni Lovely kay Echo. 

Gusto kong mainis sa kaniya. 

Bakit kailangan niyang itanong 'yon? Obvious naman na ang mga katulad niya ang nagiging crush ni Echo. 

"Pwede naman. Bakit hindi?" tunog-sinsero na sagot ni Echo. 

Tumawa si Lovely na parang isang biro ang sinabi ni Echo. "Weh?"

"Oo nga. Ang bait kaya ni Marife saka matalino pa," sagot ni Echo at unti-unti namang nabura ang ngiti ni Lovely. 

"Okay."

Gusto ko 'yong sinagot ni Echo pero mas gusto ko 'yong tipong napahiya si Lovely. Akala niya naman ay sa kaniya lang pwedeng magka-crush ang mga boys dito.

"Who got the score of 18?" muling tanong ni Ma'am Cheska. 

Tumayo si Hiroshin at nagulat ako nang makitang sabay sila ni Yumi na lumapit kay Ma'am Cheska para ibigay ang mga papel nila. Nakita ko kung paano nginitian ni Hiroshin si Yumi bago bumalik sa upuan niya.

"Ngiting-ngiti?" pang-aasar ni Echo sa kaniya at nakaramdam na naman ako ng inis sa dibdib ko. 

Yumuko na lang ako para hindi ko makita ang reaksyon ni Hiroshin.

Pakiramdam ko ay ang bagal ng oras. Gustong-gusto ko nang umuwi dahil nawalan ako ng gana sa mga nalaman ko. Naiinis din ako kay Hiroshin na panay ang sulyap kay Yumi sa likod.

Alam kong hindi ko dapat nararamdaman 'to pero ang hirap pigilan, eh. Ganito siguro talaga kapag hindi ka crush ng crush mo.

Ala-sais na ng gabi nang bumuhos ang ulan sa labas. Sinara pa namin ang bintana dahil pumapasok ang malakas na hangin at mga patak ng ulan. Pero kahit gano'n, patuloy pa rin ang pagtuturo ng mga lecturer namin hanggang sa dumating ang oras ng uwian.

"Mhae, wala kang dalang payong?" tanong sa akin ni Yumi habang sabay-sabay kaming naglalakad sa pathway palabas ng Henderson University. 

Niyakap ko ang sarili ko. "Wala, eh."

Umangkla siya sa braso ko. "Sabay ka na lang sa akin."

Ngumiti na lang ako.

"Congrats pala sa'yo kanina. Na-perfect mo 'yong quiz."

"Tsamba lang 'yon," pa-demure na sagot ko. "Ikaw nga dalawang mali lang, eh. Napapansin ko, nagiging active ka na sa class recitation."

Humagikhik siya. "Gusto ko lang bumawi kasi noong elementary tayo hindi man lang ako makasama sa top 10. Sinubukan ko lang naman pero hindi ko akalain na may itinatago rin akong talino."

Hindi ako nakasagot. 

Bakit ngayon pa niya naisipan 'yan kung kailan gusto kong maging top one? Hindi tuloy maiwasan na maging magkakompetensya kami. 

"Ops! Sorry!" Nabangga ako ni Pampers nang pumagitna siya sa aming dalawa ni Yumi. "Hi, Mayumi! Sabay ka na sa'kin! May payong ako!"

Ngumiti sa kaniya ang kaibigan ko. "Salamat. Pero may payong na 'ko, eh." Tumingin sa akin si Yumi. "Si Mhae walang payong. Baka pwedeng—"

"Eh, ikaw ang gusto kong isabay sa payong ko, eh."

"H-Huh?" Napaawang ang bibig ng kaibigan ko. "Hindi pwede 'yon. Thank you na lang. Hindi ko iiwan ang kaibigan ko."

"Okay!" Nagkibit-balikat si Pampers at si Lovely naman ang nilapitan.

"Lahat na lang yata ng babae sa room natin ay kinakausap niya," nakangiwing bulong sa akin ni Yumi.

"Hindi lahat," kontra ko. "Magaganda lang ang nilalapitan niya."

"Ibig sabihin, maganda ako?" 

"Ay, hindi mo alam?" pabirong tanong ko at kinurot niya naman ang tagiliran ko habang tumatawa.

"Mayumi!" tawag ni Cathy sa kaibigan ko. Sa pagkakaalam ko ay isa siya sa seatmate ni Yumi. Tumigil kami sa tabi. "Sabay ka na sa tricycle namin. Taga-San Fernando ka, 'di ba? Dadaan kami roon."

"Talaga?" Napangiti si Yumi. "Sige, isasama ko na rin si Mhae."

Medyo nabura ang ngiti ni Cathy at saka tumingin sa akin. Pero mabilis din niyang ibinalik kay Yumi ang tingin niya.

"Dalawa na lang ang kasya sa tricycle ni Papa, eh. Kasama kasi namin sila tita at mga pinsan ko."

Nabura ang ngiti ni Yumi at napatingin sa akin.

"Okay lang." Tinanguan ko siya. "Sumabay ka na."

"Pero wala kang payong, Mhae," protesta niya. "At ayokong iwan ka."

"Papahiramin ko siya ng payong," sabad ni Hiroshin na nasa likuran pala namin at tumigil din sa paglalakad. Kay Yumi siya nakatingin.

"T-Talaga?" Lumiwanag ang mukha ni Yumi at tumingin sa akin. "Pahihiramin ka raw niya ng payong, Mhae!"

"Pahihiramin naman pala siya, eh!" sabad ni Cathy. "Tara na, Mayumi! Naghihintay na si Papa sa labas!"

"T-Teka!" angil ni Yumi nang hilain na siya sa braso ni Cathy. Nilingon niya ako. "Bye, Mhae! Ingat ka sa pag-uwi, ha?! Thank you, Hiroshin!"

Isang tango na lang ang isinagot ko sa kaniya hanggang sa tuluyan siyang hilain ni Cathy palayo. Naiwan kaming dalawa ni Hiroshin at ngayon ko lang napansin na may hawak siyang isang itim na folding umbrella.

Ngumiti siya sa akin. "Tara. Hatid na kita sa sakayan ng jeep."

Hindi ako nakasagot. Halos matameme ako sa kakatitig sa mukha niya. Nakasuot siya ng itim na jacket at sumbrero na baliktad na naman ang pagkakalagay. Ang gwapo niya talaga sa porma na 'yon.

"Tara." Hinawakan niya ang likod ko para paunahin na ako sa paglalakad. Pero nang makita niyang napasinghap ako sa ginawa niya ay binitawan niya rin ako. "S-Sorry."

"N-Nasaan sila Echo at Tadeo?" pag-iiba ko kaagad ng topic. Pinagpawisan ako bigla dahil sa presensya niya at ayokong mahalata niya ako.

"Hindi ko alam. Nauna sila sa'kin, eh. Baka nasa waiting shed, nagpapatila ng ulan. Walang mga dalang payong 'yon." Tumawa siya.

Kinagat ko ang pang-itaas kong labi. Bakit ba siya nagtityaga na samahan ako? Baka mag-aasume ako niyan, masaktan lang ako.

"Ang tahimik mo, 'no?" natatawang biro niya. "Pero kapag recitation, ang daming lumalabas diyan sa bibig mo." 

Hindi ako sumagot. Pakiramdam ko kasi ay nanuyo ang lalamunan ko dahil kasama ko siya ngayon. Malamig ang panahon pero parang nasa sauna ako ngayon.

"Tara," yaya niya matapos ibuka ang hawak niyang payong. Nasa bungad na kami ng pathway at wala nang bubong kaya kailangan na namin magpayong.

Sabay kaming lumusong sa malakas na ulan habang siya ang may hawak ng payong. Pero dahil may kaliitan ang payong niya ay hindi maiwasang magdikit ang mga balikat namin—pakiramdam ko tuloy ay mauubusan na ako ng hininga.

Sabay kaming tumawid sa kabilang kalsada hanggang sa—

"Ay!" Humampas ang malakas na hangin kaya bumaliktad bigla ang payong ni Hiroshin. Napilitan tuloy kami na sumilong muna sa waiting shed.

"Hoy!" panggugulat ni Tadeo sa aming dalawa. Nakasilong din pala sila ni Echo sa waiting shed.

"Hoy ka rin!" Napahawak si Echo sa dibdib niya at kamuntik na mabitawan ang hawak na cellphone dahil sa gulat. "Huwag ka ngang nanggugulat!" asik niya kay Tadeo. "Naglalaro ako rito, epal ka!"

"Hindi naman ikaw ang ginugulat ko! Sila Hiroshin at Marife!" turo sa amin ni Tadeo. "Boplaks!"

Napatingin sa akin si Echo at kunot-noong pinalipat-lipat ang tingin sa akin at kay Hiroshin. Sumilay ang nakakalokong ngisi sa labi niya.

"Bakit kayo magkasama, ha?" 

"Sira." Tumawa si Hiroshin habang inaayos ang payong niyang bumaliktad. "Ihahatid ko lang siya sa sakayan ng jeep pero itong putanginang—" Napatigil siya sa pagsasalita at tumingin sa akin. "I-Itong payong ko, bumaliktad."

"Gano'n?" sabi na lang ni Echo at saka nagpatuloy sa paglalaro. ML yata ang nilalaro niya.

Nang maayos ni Hiroshin ang payong niya ay may kinuha siya sa bag niya. Napaawang na lang ang bibig ko nang ilabas niya mula roon ang isang puting towel at inabot sa akin.

"Magpunas ka," nakangiting sambit niya. "Nabasa ka ng ulan. Baka magalit sa akin si Yumi dahil pinabayaan kita."

Nag-init ang pisngi ko kaya napaiwas ako ng tingin.

Ano bang ginagawa niya? Baka ma-fall na 'ko nito sa ginagawa niya, eh.

"S-Salamat." Tinanggap ko na lang ang towel at pinampunas sa buhok at braso kong nabasa ng ulan. 

Pinanood ko naman siya nang tanggalin niya ang suot na sumbrero at pinagpag ang sariling buhok.

Pogi talaga.

Nawala sa kaniya ang atensyon ko nang bumusina ang isang jeep sa tapat ng waiting shed kung saan kami nakasilong.

"Tara na, Marife," yaya ni Hiroshin at saka ako pinayungan. Inalalayan niya akong makasakay ng jeep dahil masyadong madulas ang kalsada.

"H-Hindi ka ba sasabay?" lakas-loob na tanong ko nang makaupo ako sa bungad ng jeep habang siya naman ay nasa labas. 

Pareho naman kaming taga-San Fernando pero bakit hindi na lang siya sumabay sa akin?

Ngumiti siya. "May pupuntahan pa kasi ako. Mamaya pa 'ko uuwi." Tinapik niya ang gilid ng jeep. "Okay na, boss!"

"S-Sige. Salamat, ah."

Tumango siya habang hindi inaalis ang ngiti sa mga labi. "Ingat!"

Sinundan ko siya ng tingin nang tumakbo na siya pabalik ng waiting shed. Napangiti ako nang malawak dahil sa kabaitan niya.

Sinong babae ba ang hindi magkaka-crush sa'yo, Hiroshin? Bukod sa gwapo ka ay mabait ka rin at matalino. Sayang lang at hindi ako naging kasingganda ni Yumi. Pero kahit gano'n, gusto ko pa ring matupad ang goal ko na maging top one. Baka sakaling mapansin mo ako kapag narating ko 'yon. 

Umandar na ang jeep at saka ko lang napansin na hawak ko pa rin ang towel ni Hiroshin. Hindi naman nadumihan 'yon kaya kailangan kong ibalik. Baka kailanganin niya rin!

"M-Manong! Para muna sandali!" sigaw ko sa jeep driver at tumigil naman siya. "May ibabalik lang po ako!"

Bumaba ako ng jeep at patakbong bumalik sa waiting shed dahil mas lumakas pa yata ang ulan.

Pero hindi pa man ako nakakasilong ay narinig ko na ang boses ni Echo.

"May gusto ka ba kay Marife kaya sobrang bait mo sa kaniya?" 

Natigilan ako sa tanong na iyon ni Echo. Dahan-dahan akong sumilong at nagtago sa gilid para hindi nila mahalata ang presensya ko.

"Ano ka ba. Mabait naman talaga ako pero iba kay Marife," narinig kong sagot ni Hiroshin.

Hindi ko alam pero kumabog nang malakas ang dibdib ko sa susunod niyang isasagot.

"Iba kay Marife dahil kay Yumi?" Boses naman ni Tadeo ang narinig ko.

"Hindi ko naman siya ginagamit," tanggi ni Hiroshin. "Parang gusto ko lang ipakita kay Yumi na mabait ako sa kaibigan niyang si Marife. Para pagdating ng araw na pwede ko na siyang ligawan ay kilala niya na ako. Alam n'yo namang matagal ko nang crush si Yumi. Hayaan n'yo na 'ko."

"Gano'n na rin 'yon! Parang ginagamit mo na rin si Marife!" kontra ulit ni Echo. 

Nanikip ang dibdib ko dahil sa mga narinig ko. Napaawang ang bibig ko at pakiramdam ko ay maiiyak ako.

Ginagamit niya lang ako para magpakitang-gilas kay Yumi? 

Hindi ko na napigilan ang sarili ko at tuluyan akong nagpakita sa tatlo. Si Echo at Tadeo ang unang nakakita sa akin dahil nakatalikod sa direksyon ko si Hiroshin.

Ibinato ko sa likod niya ang towel. 

"Ayan ang towel mo! Salamat!" 

Hindi ko na siya hinintay na humarap sa akin at binirahan ko na sila ng talikod.

At dahil wala ako sa sarili ko ay dere-deretso akong naglakad sa tabi ng kalsada kahit sobrang lakas ng ulan.

Manggagamit! Hindi na kita crush! Pinapasikip mo ang dibdib ko!

Isang malakas na busina ng motor ang sunod kong narinig sa gilid ko kaya napatigil ako. Nasilaw ako sa headlights ng motor at naramdaman ko ang pagdikit ng gulong ng motor sa binti ko kaya napaupo ako sa pavement.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top