02. Naniniwala Ako Sa'yo
C H A P T E R 2:
Naniniwala ako sa'yo
Literal na napanganga ako sa dinatnan ko sa bahay namin.
Nagkalat ang mga balat ng junk foods at mga bote ng alak sa baba ng maliit naming sala. Nakahiga naman si Ate Monica at Ate Carrie sa dalawang sofa, mukhang lasing.
Napabuntong-hininga na lang ako at lalagpasan ko na sana sila pero biglang bumangon si Ate Monica.
"Oh, nandyan ka na pala, Marife," halos nakapikit na ang mga mata na sambit niya. Amoy na amoy ko ang alak mula sa kaniya. "Magsaing ka na lang, ha? Naubos kasi namin 'yong kanin kanina. Gutom na gutom kami, eh."
Napatango na lang ako. "Sige, Ate."
Hindi naman na bago sa'kin ang inutos niya. Sanay na 'ko.
"Pakiplantsya na rin ng uniform ko."
"Eh, 'yong uniform ni Ate Carrie? Isasabay ko na ba?" tanong ko.
"Hindi na. Nag-resign na siya sa trabaho niya."
"Huh?"
Parang nabingi ako sa sinabi niya. Hindi ito ang unang beses na nag-resign sa trabaho si Ate Carrie pero hindi pa rin ako sanay.
At ano ang siste? Pakain na naman siya ni Ate Monica nang ilang buwan? Bakit ba kasi hindi siya nagtatagal sa trabaho niya?
Isinandig ni Ate Monica ang ulo niya sa sandalan ng sofa at paulit-ulit na hinilot ang sentido habang nakapikit.
"Nag-resign na siya sa trabaho niya. Marami siyang nakakaaway, maraming naiinggit."
Baka naman kasi dinadala niya sa trabaho niya ang ugali niya rito kaya gano'n?
Napatingin tuloy ako kay Ate Carrie na tulog na tulog sa sofa. Gusto kong magsalita pero pinigilan ko ang bibig ko.
Hindi na ako sumagot pa at pumasok na ako ng kwarto ko para magbihis. Pero nagsalubong ang mga kilay ko nang madatnan ko ang magulo kong kwarto. Nagkalat ang mga unan ko at pati ang kumot ko ay nasa sahig na. Nang tingnan ko ang pader kung saan nakasabit ang gitara ko ay mas lalong nagsalubong ang mga kilay ko.
Nakahiga na sa sahig ang gitara ko at naputol pa ang isang string.
Pakiramdam ko ay umakyat ang lahat ng dugo ko sa ulo ko.
Pabato kong inilagay ang bag ko sa ibabaw ng kama ko bago ako lumabas ulit ng kwarto para komprontahin sila Ate Monica at Ate Carrie pero tulog na ulit sila.
Parang sasabog and dibdib ko sa sobrang galit kaya wala akong ibang ginawa kundi ang paulit-ulit na bumuntong-hininga. Nag-init ang mga mata ko at parang gusto kong umiyak pero wala naman akong magawa.
Kahit gusto kong magalit, kahit gusto kong ipaglaban ang gusto ko ay hindi ko magawa dahil natatakot akong magsalita. Natatakot ako na makipag-away kung sa huli ay matatalo rin ako dahil wala akong laban.
Pumasok na ulit ako sa kwarto ko at inayos ang mga nagkalat kong gamit. Pati pala mga libro sa bookshelves ko ay pinakialaman. Napapikit ako nang mariin.
Nagbihis na rin ako at nilabhan ang uniform na ginamit ko. Dalawa lang kasi ang pares ng uniform na pinatahi ni Ate Monica para sa akin dahil hindi kaya ng budget niya, lalo pa't siya ang gumagastos dito sa bahay.
Nagplantsa na rin ako ng uniform ni Ate Monica sa factory na pinagtatrabahuhan niya at isinabay ko na rin ang uniform na gagamitin ko bukas.
Pagkatapos kong magplantsa ay nagsaing na ako para sa hapunan ko. Habang naghihintay, kinuha ko ang gitara ko at umupo ako sa gilid ng kama ko.
Napanguso ako nang makitang naputol nga ang isang string. Kumikirot ang puso ko kapag nasisira ang isa sa mga iniingatan kong gamit tulad na lang ng gitara ko.
Ang gitarang ito ay niregalo pa sa akin ni Mama at Papa noong nabubuhay pa sila kaya napakaimportante nito sa akin.
Hindi ko namalayan na lumuluha na pala ako habang yakap-yakap ang gitara ko.
Hindi ko makakalimutan ang araw na ibinigay nila sa akin ang gitara na 'to. Iyon din ang araw na namatay sila, na sumabay sa mismong kaarawan ko.
"M-Mama...P-Papa..." Hindi ko na napigilan ang mapahagulhol. Humigpit ang pagkakayakap ko sa gitara habang paulit-paulit silang tinatawag.
***
9 AM ako gumising dahil 11 AM pa ang pasok ko sa Henderson. May isang oras pa akong asikasuhin ang pagkain ko.
"Pimple na naman?" kunot-noong bulong ko habang nakatingin sa repleksyon ko sa salamin.
May eyebags na nga ako dahil hindi kaagad ako nakatulog kagabi kakaiyak tapos may panibagong pimple na naman ako sa noo.
"Oh, Marife." Biglang pumasok si Ate Carrie sa loob ng banyo at pupungas-pungas na kinuha ang toothbrush niya na nasa tabi ng salamin. "Naku, may pimple ka na naman. Lalo kang pumangit." Tumawa siya.
Gusto kong umirap pero makikita niya ako sa salamin kaya pinigilan ko ang sarili ko. Kakagising niya lang tapos panlalait ang unang lumabas sa bibig niya.
"Ang Ate Monica mo, anong oras umalis?" tanong niya habang nakikisabay sa pagsepilyo ko sa harap ng salamin.
"Hindi ko alam, 'Te. Halos kakagising ko lang din," sagot ko habang nakatitig sa repleksyon niya sa salamin.
Maarko ang mga kilay niya, babaeng-babae. Makinis at walang bahid ng pimple marks ang mukha. Matangos din ang ilong niya at maninipis ang mga labi—kaya siguro siya nagustuhan ng Ate ko.
Kung tutuusin, pwede siyang mag-artista dahil bukod sa maganda siya ay may talent siya sa pag-arte. Paano ko nasabi? Madalas niyang artehan ang Ate Monica ko para bilhan siya ng mga luho niya.
At dahil mabait ang Ate ko ay sinusunod nito lahat ng gusto ni Ate Carrie. Wala namang kaso sa'kin 'yon dahil alam kong mahal na mahal siya ng kapatid ko, pero marami siyang ugali na ayaw ko pero hindi lang ako nagsasalita kasi wala naman akong karapatan.
"Ate," tawag ko sa kaniya matapos kong magmumog.
"Oh?" sagot niya habang nagmumumog na rin.
"B-Bakit magulo ang kwarto ko kahapon? Doon ka ba natulog?" usisa ko. Wala naman sigurong masama kung itanong ko 'yon sa kaniya.
Tumingin siya sa repleksyon ko sa salamin at gumihit ang ngiti sa mga labi niya. "Oo. Mas presko kasi sa kwarto mo at mas malaki ang bintana kaya doon ako humilata kahapon."
Pero bakit kailangan mong guluhin ang kama ko at pati ang gitara ko ay pinakialaman mo?
Gustong-gusto kong itanong 'yon pero wala akong lakas ng loob. Ngumiti na lang ako nang peke bago ako lumabas ng banyo.
Napaka-insensitive niya! Alam niyang importante sa akin ang gitara na 'yon tapos pakikialaman niya?!
Mabuti na lang at nagluto si Ate Monica ng Pinakbet bago siya pumasok sa trabaho niya kaya hindi na ako nambroblema. Inilagay ko 'yon sa baunan ko dahil sa school na lang ako kakain. Nag-almusal na rin naman ako kanina ng tinapay at gatas kaya may laman na ang tiyan ko.
45 minutes bago mag-11 AM ay dinaanan ko si Mayumi sa bahay nila. Isang kanto lang kasi ang pagitan ng bahay namin kaya sabay talaga kaming pumapasok kahit noong elementary pa lang kami.
"Anak! Baon mo!" Lumabas mula sa pinto ang mama ni Yumi na si Tita Vicky bitbit ang isang paper bag at inabot iyon sa kaibigan ko.
"Thanks, Ma!" Humalik si Yumi sa pisngi ni Tita Vicky. "Una na po kami!"
"Ingat kayo, anak! Ikaw din, Marife! Huwag magpapagutom, ha?!"
Ngumiti ako sa kaniya. Nakikita ko sa kaniya ang mama ko kaya natutuwa ako na parang anak na rin ang turing niya sa akin kahit noon pa.
"Opo, Tita Vicky!"
"Anong baon mo?" tanong ni Yumi habang nag-aabang na kami ng jeep sa gilid ng kalsada. Nakatingin siya ngayon sa hawak kong paper bag kung saan nakalagay ang lunchbox ko
"Pakbet," sagot ko. "Eh, ikaw?"
"Hindi ko pa alam, titingnan ko mamaya."
Napatingin ako sa kaniya. Sana kagaya niya ay may nanay pa rin ako na nag-aalaga sa akin. Ang swerte niya kasi buhay pa si Tita Vicky para alagaan at ipagluto siya ng baon.
Huminto ang isang jeep sa harap namin at nauna akong sumakay. Halos punuan na kaya nahirapan akong makahanap ng mauupuan ko. Hindi man lang kasi umusog ang mga lalakeng nasa harapan para makaupo ako. Nakaabot tuloy ako sa pinakadulo dahil walang may gustong umusog.
Nang makaupo ako ay nakita ko si Yumi na pinaupo kaagad ng mga lalake sa harap. Samantalang noong ako ang nakita nila ay hindi man lang sila nag-abalang umusog.
Hay. May special treatment talaga kapag maganda.
Kumaway sa akin si Yumi nang makaupo na siya nang maayos sa gitna. Isang ngiti lang ang isinagot ko at humawak na ako sa handrail ng jeep—pero nauwi sa ngiwi ang ngiti ko nang isa-isang nagpaabot ng bayad sa akin ang mga pasahero. Kaya ayoko dito sa dulo, eh. Nagiging kondoktor ako.
Fifteen minutes bago 11 AM nang makarating kami ni Yumi sa Henderson University. Napansin kong maraming ngumingiti kay Yumi kapag may nakakasalubong kami sa pathway papuntang secondary campus. Karamihan sa kanila ay mga lalake at nginingitian naman sila ni Yumi pabalik.
Ang ganda naman kasi ng kaibigan ko. Samantalang ako, ni hindi man lang tapunan ng tingin ng mga nakakasalubong namin. Pakiramdam ko tuloy ay hangin lang ako tuwing katabi ko si Yumi—Teka nga! Bakit ko ba iniisip 'to?! Dati naman ay wala akong pakialam sa mga ganyang bagay! Ganito ba talaga kapag nagdadalaga na?
Yumakap si Yumi sa braso ko habang umaakyat na kami sa hagdan papuntang second floor. Ganito siya kalambing sa akin at hinahayaan ko lang siya.
"Mhae, alam mo bang may Tiktok account na ako?"
Hindi na ako nagulat sa sinabi niya. Mahilig siya sa mga ganoon, eh.
"Baka maadik ka riyan tulad ni Hiroshin," natatawang sabi ko.
Naalala ko kahapon noong nag-lunch break kami ay nakita ko si Hiroshin sa canteen na patagong nanonood ng Tiktok gamit ang cellphone niya.
"Hindi, ah! Libangan ko lang 'yon," tanggi niya.
Nang makarating kami sa Night Class 7 ay hinanap kaagad ng mga mata ko si Hiroshin at nakita ko kaagad siya habang nakikipagkwentuhan kanila Tadeo at Echo. Mukhang close na kaagad silang tatlo, ah.
Nag-angat ng tingin si Hiroshin at nagtama ang mga mata naming dalawa. Lumagpas ang tingin niya pero mabilis din niyang ibinalik ang tingin niya sa akin sabay ngumiti nang malawak.
Parang may bulak na naman na humaplos sa puso ko dahil sa ngiti niyang iyon. Kung hindi pa ako hinila ni Yumi ay hindi ako makakaupo sa upuan ko.
Naalala ko tuloy 'yong ginawa niyang pagtulong sa akin kahapon. Ang bait niya! Tapos nginitian niya pa ako ngayon!
"May nangyari ba kahapon na hindi mo sinasabi sa akin?" tanong ni Yumi habang nakatitig sa akin.
Bago pa ako makasagot ay dumating na si Ma'am Carol at sinabing may botohan na mangyayari para sa class officers.
Wala naman akong pakialam sa officers-officers na 'yan kaya hinayaan ko lang sila. Pero hindi ko inasahan na may magno-nominate kay Yumi bilang muse—si Pampers. At ang kalaban niya? Si Lovely—na si Echo naman ang nag-nominate.
"Nakakahiya naman," bulong ni Yumi pero halata namang gusto niya rin na ma-nominate siya.
"Okay lang 'yan. Maganda ka kaya," nakangiting sambit ko.
Hindi niya naman first time na ma-nominate bilang muse, eh. Hindi tulad ko na hindi man lang naranasan na maging class officer.
"Sino ang may gusto kay Lovely bilang muse?" tanong ni Hope, ang napiling class president. Nakatayo siya sa harap at siya na ang nagpatuloy sa election.
Limang lalake ang nagtaas ng kamay at kabilang doon si Echo. Napatingin tuloy ako kay Lovely para tingnan ang reaksyon niya. Salubong ang mga kilay niya at parang naiinis pero bigla siyang ngumiti.
"Okay lang." Bumaling siya kay Yumi habang nakangiti pa rin. "Sure win ka na."
Isang awkward na ngiti lang ang isinagot ng kaibigan ko sa kaniya.
"Sinong may gusto kay Mayumi bilang—"
Hindi pa tapos magsalita si Hope pero nagtaasan na ng mga kamay nila ang sampung lalake, kabilang si Hiroshin at Tadeo. At dahil doon, naging instant muse si Mayumi.
Nakita ko kung paano nanlaki ang mga mata ni Yumi habang pinapalakpakan siya ng mga kaklase namin. At siempre, mas malakas ang palakpak ko. Bestfriend ko yata ang muse.
"Grabe talaga! Hindi ako makapaniwala!" Mukhang hindi pa rin maka-move on si Yumi na naging muse siya dahil hanggang lunch break ay iyon ang bukambibig niya.
"Bakit naman? Maganda ka at maamo ang mukha mo, dapat lang na maging muse ka," sabi ko pagkatapos kong ilapag ang lunchbox ko sa mesa.
"Kahit na. Nakakahiya kaya."
"Pero aminin mong gusto mo."
Nagkibit-balikat siya at hindi naitago ang ngiti. Napailing na lang ako habang binibigyan siya ng nang-aasar na ngiti.
Binuksan ko ang lunchbox ko at napangiwi ako nang makitang may okra pala na nakahalo sa pakbet. Hindi ko 'yon napansin kanina, ah.
"Ayaw mo pala ng okra, 'no?" natatawang sabi niya nang makita niya ang itsura ko habang nakatingin nang masama sa okra.
Dinampot niya ang kutsara niya at isa-isang pinili ang mga okra sa pakbet ko at inilipat iyon sa lunchbox niya.
"Okay na! Kainin mo na 'yan!" Tinusok niya gamit ang tinidor ang isang piraso ng fried chicken sa lunchbox niya at inilagay sa ibabaw ng kanin ko. "Sa'yo na 'yan."
"Ano ka ba, sa'yo 'to, eh," angil ko at akmang ibabalik iyon pero umiling lang siya.
"Dalawa naman 'yan, eh. Sige na, sa'yo na 'yan," pagpupumilit niya. "Gulay na kasi 'yong nakita kong inulam mo kahapon, eh."
Wala na akong nagawa dahil nagsimula na siyang kumain. Napangiti na lang ako. Napaka-sweet talaga ng bestfriend ko.
Pinagmasdan ko siya habang kumakain. Nakita kong nalaglag sa sahig ang balat ng fried chicken niya at akmang pupulutin niya iyon pero pinigilan ko ang kamay niya.
"Madumi na 'yan."
Ngumiti lang siya at pinulot pa rin ang balat ng manok at deretsong isinubo sa bibig niya. Napakamot na lang ako sa ulo ko.
"Hmm! Ang sarap!" masayang sambit niya habang ngumunguya. "Hindi pa naman madumi 'yon, huwag kang mag-alala. Wala pang five minutes." Tumawa siya.
Natawa na lang ako sa sinabi niya.
Nang matapos ang lunch break namin ay na-late ang lecturer namin sa Araling Panlipunan kaya si Ma'am Carol muna ang nag-take over. Pero imbes na magturo siya ay sinabi niyang aayusin niya ang sitting arrangement namin.
Napangiwi kaming dalawa ni Yumi dahil siguradong magkakahiwalay kami ng upuan. Alphabetical arrangement kasi ang mangyayari at pagtatabihin pa ang mga lalake at babae para iwas tsismisan daw.
"Panigurado sa likod ako," nakangusong sabi ni Yumi. "Ayoko pa naman magkahiwalay tayo."
"Ako nga rin, eh," segunda ko. "Hayaan mo na. Upuan lang 'yan. Sabay pa rin naman tayo kakain kapag lunch, 'di ba?"
Tumango siya pero mukhang malungkot pa rin.
"Garcia, Marife Mhae."
Napangiwi ako nang matawag ang pangalan ko. Nakayukong umupo ako sa tabi ni Echo. Siya ang seatmate ko sa kaliwa habang nasa kaliwa niya rin si Lovely na panay ang kwento sa kaniya. Hindi ko na sila pinansin dahil narinig ko ang pangalan ni Hiroshin.
"Iscalera, Hiroshin."
Napasinghap ako at nakita ko si Hiroshin na naglalakad papunta sa upuan na katabi ko mismo sa kanan.
Kusang umangat ang pwet ko at hindi ko namalayan na nakaawang ang bibig ko habang nakatitig kay Hiroshin na ngayon ay nakaupo na sa upuan at nakangiti nang malawak sa akin.
"Hi, seatmate," natatawang bati niya matapos ayusin ang bag niya sa likod.
Umayos ako ng upo at ilang ulit na napalunok. Napatingin ako kay Yumi na nakatayo pa rin sa gilid at naghihintay na matawag ang pangalan. Binigyan niya ako ng nang-aasar na ngiti sabay nguso kay Hiroshin. Nag-init tuloy ang pisngi ko.
"Ikaw na naman pala ulit," natatawang untag ni Hiroshin, ako ang kinakausap. "Sa wakas, nagkaroon din ako ng seatmate na matalino."
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Umawang ang bibig ko at gusto kong magtanong pero parang walang lumalabas na boses mula sa bibig ko. Napatutulala talaga ako sa mukha niya!
"Nagkaroon kaya!" angil ni Echo na siguradong narinig ang sinabi ni Hiroshin. "Ako! Naging seatmate mo rin ako, ah!"
"Matalino ka ba?" mapang-asar na tanong ni Hiroshin sa kaniya.
Sinundot ni Echo ang balikat ko kaya napabaling ako sa kaliwa kung saan siya nakaupo. Napatitig ako sa mukha niya, ang pogi niya rin at ang ganda ng mga mata niya.
"Bakit? Matalino ka ba?" prangkang tanong niya sa akin.
"H-Huh?" Napaiwas kaagad ako ng tingin. Hindi ko alam ang isasagot ko sa kaniya. "H-Hindi naman."
"Fifth honor ka kaya noong grade six tayo." Si Hiroshin naman ang sumundot sa balikat ko kaya napabaling ako sa kanan kung saan siya nakaupo.
"N-Naaalala mo 'ko?" hindi makapaniwalang tanong ko.
Akala ko hindi niya ako naaalala noong grade six kami. At alam niyang fifth honor ako!
Gumuhit ang malawak na ngiti sa labi ni Hiroshin. "Oo naman! Nandoon din ako noong graduation ng batch natin. Malamang maaalala kita. Ikaw 'yong ayaw magpa-picture sa photographer kasi nahihiya ka, 'di ba? Tabingi pa nga 'yong graduation hat mo noong umakyat ka ng stage."
Napangiwi ako at napaiwas ng tingin sa kaniya nang sabihin niya iyon. Nakakahiya naman na 'yon ang naaalala niya tungkol sa akin. Totoo ang sinabi niya na ayaw kong magpa-picture noong graduation dahil takot ako sa camera. Pakiramdam ko kasi ang pangit-pangit ko kapag kinuhanan ako ng picture. At hindi ko inakala na mapapansin niya 'yon sa dami namin.
"Isa ka nga sa idol ko noong grade six," patuloy ni Hiroshin at kaagad akong nag-angat ng tingin sa kaniya. Nakatingin siya nang diretso sa akin pero hindi ako yumuko katulad ng palagi kong ginagawa.
"Kahit hindi ko nakikita noon, alam kong matalino ka kasi palagi kang pinagmamalaki ng Math teacher namin. Matalino ka raw kaso mahiyain. Akala ko nga ikaw na ang magiging valedictorian, eh. Kaya ngayong high school, parang gusto kitang maging top one ng Night Class 7."
Parang may mainit na humaplos sa puso ko dahil sa sinabi niya. Kinagat ko ang pang-itaas kong labi para pigilan ang pagngiti ko.
"B-Bakit naman...ako ang gusto mong maging...top one dito?" nauutal na tanong ko habang hindi makatingin nang deretso sa mga mata niya. "S-Siguradong maraming matatalino rito."
"Pero pakiramdam ko matatalo mo sila lahat," nakangiting sagot niya. "Kaya mo 'yan. Naniniwala ako sa'yo. Siguro natalo ka lang noong grade six tayo kasi mahiyain ka."
Para na akong aatakihin sa puso sa bilis ng kabog ng dibdib ko. Iyong pakiramdam na gusto kong tumili nang malakas dahil sa sobrang kilig?!
Nagtitiwala siya sa'kin! Gusto niyang maging top one ako ng klase namin!
Saka ko lang naisip na...
Kahit hindi ako maganda ay may pag-asang mapansin ako ni Hiroshin kapag naging top one ako. Napansin niya nga ako noong fifth honor ako, eh! Paano pa kaya kapag naging top one ako?!
At hindi malabong maging top one ako dahil alam ko sa sarili ko na kaya ko 'yon. Hindi naman ako sasabak sa isang laban kung wala akong panama. Kung talino ang pag-uusapan, kaya kong makipag-kompetensya.
Noong araw na 'yon, nadagdagan ang goal ko sa buhay. At 'yon ay ang maging top one para mapansin ako ni Hiroshin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top