01. The Night Class 7
C H A P T E R 1
The Night Class 7
"Hala! Bakit nanginginig ka?" tumatawang tanong sa'kin ng bestfriend kong si Yumi habang papasok na kami ng classroom ng Night Class 7.
"S-Siempre!" Humigpit lalo ang pagkakahawak ko sa kamay niya dahil sa kaba. "Tayong dalawa lang ang magkakilala roon! At saka natural lang naman siguro na kabahan kapag first day ng pagiging high school!"
"Sabagay." Tumawa siya. Maya-maya lang ay nasa tapat na kami ng pinto ng Night Class 7 kung saan kami papasok.
Nagkatinginan kami ni Yumi at sabay na huminga nang malalim. Nakakakaba na nakaka-excite!
Si Yumi na ang nagbukas ng pinto para makapasok kami, at hindi ko inaasahan na tahimik na mga kaklase ang madadatnan namin.
Kulang na lang ay ang sound effect ng kuliglig para mag-match sa aura ng mga kaklase namin na ngayon ay napatingin na sa direksyon namin.
Ang tahimik nila, palibhasa first day. Ngumiti lang si Yumi sa kanila habang ako naman ay yumuko dahil nahihiya ako.
"Doon tayo sa pangalawang row, dali," bulong ni Yumi sabay hatak sa'kin.
Maya-maya ay nakaupo na kami sa second row sa bandang malapit sa bintana kung saan nakikita ko ang pathway ng mga estudyante sa baba papunta sa gymnasium o kaya sa college building.
"Okay lang tumabi?" nakangiting tanong ni Yumi sa katabi niyang babae na busy sa paglalagay ng powder sa mukha nito.
"Yah." Ngumiti ang babae pero alam kong pilit iyon. Sandali siyang tumigil sa ginagawa niya at tiningnan kaming dalawa. "Nakaupo na kayo, eh. May magagawa pa ba 'ko?" Tumawa siya at saka ipinagpatuloy ang ginagawa.
"Thank you." Ngumiti pa rin si Yumi kahit may pagkasungit ang babae. "Mayumi nga pala ang pangalan ko at ito naman si Marife, bestfriend ko." Hinawakan niya ang braso ko para ipakilala ako.
"Lovely," matipid na sagot ng babae na patuloy pa rin sa ginagawa niya.
Partida, hindi naman siya oily at maganda na siya pero lagay pa rin siya nang lagay ng powder sa mukha niya.
Medyo weird.
"Hi, Lovely. Ang ganda ng pangalan mo." Ngumiti ulit si Yumi pero hindi na siya sinagot ni Lovely.
Kinalabit ko siya at bumulong ako sa tenga niya. "Huwag mo nang kausapin, mukhang masungit."
"Hindi naman, ah."
Napakibit-balikat na lang ako. Hindi ko masisisi si Yumi. Natural na sa kaniya ang pagiging friendly kahit noong elementary pa lang kami. Marami siyang kaibigan noong nasa San Fernando pa kami nag-aaral pero ako talaga ang pinaka-bestfriend niya at ganoon din ako sa kaniya.
Siya lang naman ang kaibigan ko, eh. As in 'yong totoong kaibigan talaga. Marami kasi sa mga naging kaibigan ko dati ay nilayuan din ako kalaunan kasi hindi naman ako maganda katulad ni Yumi, 'yong tipong gusto lang nilang mangopya kaya sila nakikipagkaibigan sa'kin. Kainis kaya 'yong gano'n.
Kaya si Yumi lang talaga ang naging kaibigan ko at halos hindi na kami mapaghiwalay dahil noong sinabi ko na dito ako sa Henderson University mag-aaral ng high school ay sumunod din siya sa'kin.
Kahit malayo ang bahay namin, dito ko piniling mag-high school. Bukod kasi sa maganda rito ay mayroon pang Night Class para sa aming mga mahihirap na walang scholarship at walang pera na pambayad ng tuition.
Wala naman kasi akong nakuhang scholarship kahit 5th honor ako noong graduation ko sa grade 6. Mabuti na lang at nakapasa kami ni Yumi sa entrance exam kahit 30 students lang ang pwedeng makapasa.
"Hi! May dalawa pala tayong chicks dito!" Biglang may sumulpot na lalake sa gitna ni Yumi at Lovely. "Ako pala si Pampers—"
"Pft—"
Tinakpan ko ang bibig ko para mapigilan kong tumawa at maging si Yumi ay kinagat ang labi para lang hindi matawa nang tuluyan. Namula kaagad ang pisngi niya dahil sa pagpipigil.
"Seryoso? Pampers ang pangalan mo?" tanong ni Lovely sa kaniya na ngayon ay napatigil na sa ginagawa.
"Bakit? Iyon naman pinangalan ng nanay ko sa'kin, eh." Ngumuso si Pampers.
"Huwag kang mag-alala, hindi ka naman mukhang diaper." Ngumiti si Lovely sa kaniya.
Nagkatinginan tuloy kaming dalawa ni Yumi kasi ngumiti siya nang malawak sa Pampers na 'yon, samantalang...ewan. Ayoko na lang mag-talk.
"Pangalan mo?" Bumaling si Pampers kay Yumi.
At dahil friendly ang kaibigan ko, ngumiti kaagad siya.
"Mayumi. Yumi for short. At si Marife kaibi—"
"Yumi. Gandang pangalan." Ngumiti nang malawak si Pampers at hindi man lang ako tinapunan ng tingin.
Napayuko na lang ako. Sanay naman na ako na hindi pinapansin, eh. Sino ba namang papansin sa akin? Pangit ako. At kapag pangit ka, hindi ka mahalaga sa mga mata ng iba. Maganda lang ang nakikita ng iba riyan, katulad na lang ng Pampers na 'to.
Pero pakialam ko ba sa kaniya? Hindi naman sila ang ipinunta ko rito. Nandito ako para mag-aral, para makapagtapos ng pag-aaral at matulungan ko ang kapatid ko. Iyon lang naman ang goal ko sa buhay, eh.
Wala akong pakialam sa kanila.
Ilang minuto pang nakipag-usap kay Lovely at Yumi si Pampers bago siya bumalik sa upuan niya sa pinakalikod. Tama lang 'yon dahil maingay siya.
"Mhae, may dala kang tubig?" untag sa akin ni Yumi.
Mhae talaga ang tawag niya sa'kin, mas maikli raw kasi. Okay lang naman sa'kin kasi second name ko naman 'yon.
Kinuha ko ang water bottle ko mula sa dala kong bag at saka ibinigay kay Yumi. Hindi ko pa naiinuman 'yon pero okay lang. Para na kaming magkapatid ni Yumi at kahit inuman ng tubig ay pinagsasaluhan namin.
"Thank you." Pinaliit niya ang boses niya pagkatapos makainom.
Inabot niya sa akin ang water bottle ko pero napatingin ako sa pinto kung saan nakita ko ang pamilyar na lalakeng dumating.
Hawak ko na ang water bottle pero dumulas iyon sa kamay ko dahil natulala ako sa lalakeng dumating. Bumagsak iyon sa sahig at lumikha ng ingay.
"Palaka mo!" Nagulat si Lovely at napatingin sa akin. "Be, okay ka lang?"
"Mhae." Tinawag ako ni Yumi pero natulala lang ako sa lalake pagkatapos kong pulutin ang bote.
Sukbit niya ang isang itim na bag at nakasuot siya ng puting t-shirt na pinatungan ng itim na jacket. Itim na pantalon naman ang suot niya sa baba na pinaresan ng puting sapatos.
Bumalik ang tingin ko sa mukha niya habang naglalakad siya papunta sa likod. Nakasuot siya ng itim na sumbrero pero baliktad ang pagkakalagay, dahilan para lumitaw ang ilang hibla ng bagsak niyang buhok sa noo niya.
Makapal ang mga kilay, matangos ang ilong, manipis ang mga labi, chinito ang mga mata. Kahit sinong makakita sa kaniya ay mapapangiti dahil sa aura niya na napakagaan. Palagi pa siyang nakangiti hanggang sa makaupo siya sa pangatlong row ng mga upuan at tumabi sa dalawang lalake na parang nag-aaway.
"Mhae, si Hiroshin 'yon, 'di ba?" untag sa akin ni Yumi, nakaturo sa lalakeng tinititigan ko. "Uy, Mhae!"
Doon ako natauhan. Inalis ko ang tingin ko kay Hiroshin at tumingin kay Yumi na tatawa-tawa sa reaksyon ko.
"Natulala ka na." Tumawa siya at lumingon kay Hiroshin na nakikipag-usap na sa dalawang lalake na katabi nito. "Nakita mo lang crush mo, eh."
Sinenyasan ko kaagad siya na huwag siyang maingay, pinanlakihan ko pa siya ng mga mata pero tumawa lang siya.
"H-Hindi ko alam na dito rin siya mag-aaral ng high school," halos pabulong na sabi ko kay Yumi habang panay ang tingin sa direksyon ni Hiroshin.
Hala, ang gwapo niya! Akala ko pa naman nawala na ang pagka-crush ko sa kaniya nang maka-graduate kami. Pero ngayong nandito siya...Hala, paktay na.
"Ayaw mo n'on? Kaklase na natin siya ngayon. Hindi tulad noong grade 6 tayo, sa section 2 siya kaya hindi mo siya nakikita palagi." Binigyan niya ako ng nang-aasar na ngiti. "Yiee. Inspired na naman ang bestfriend ko."
"Tumigil ka nga." Napayuko ako. Nag-init ang pisngi ko at pakiramdam ko ay singpula na iyon ng kamatis.
Lakas ko naman yata kay Lord? Naging kaklase ko pa talaga ang ultimate crush ko na si Hiroshin! Si Hiroshin! Si Hiroshin na crush na crush ko noong grade 6! Gusto ko tuloy magtatalon sa tuwa pero hindi ko magawa.
"Good morning, class."
Biglang dumating ang isang babae na medyo pandak at maikli ang buhok. Inilagay niya sa ibabaw ng mesa ang dala niyang bag at ang dalawang libro niya bago siya tumayo sa harap namin.
"Good...morning...Ma'am!" sabay-sabay pero mabagal na sambit namin pagkatapos tumayo.
Nalukot kaagad ang mukha niya at saka humalukipkip. "Ano kayo? Elementary? Bakit ganyan ang pagbati niyo? Para kayong kumakanta."
"Good morning, Ma'am!" masiglang bati ng isang lalake na nakaupo sa likuran namin ni Yumi.
Actually, may pagkamalambot ang boses niya kaya kahit hindi ko siya tingnan ay alam kong bakla siya.
"Iyan! Ganyan dapat ang pagbati. Hindi 'yong mabagal na para kayong inaantok na hindi ko maintindihan," iritadong sambit niya. "Take your seat!"
Umupo na kaming lahat at inabangan ang susunod niyang sasabihin.
"I'm Carol De Naga and I'm your adviser and TLE Lecturer. Ayoko sa maiingay, ayoko sa mga late, ayoko rin ng mga estudyante na abala sa mga cellphone nila while I'm talking here in front." Tumaas bigla ang kilay niya habang nakatingin sa bandang likod.
Napasunod ang tingin namin sa tinitingnan ni Ma'am Carol at nakita ko na kay Hiroshin siya nakatingin, kay Hiroshin na may tinitingnan na kung ano sa cellphone na hawak ng katabi niyang lalake sa kanan. Nakikisilip din ang katabi niya sa kaliwa kaya halatang-halata na may pinapanood silang tatlo.
"The three of you!" Halos umangat ang pwet ko dahil sa gulat sa pagsigaw ni Ma'am Carol.
Kaagad itinago ng lalakeng katabi ni Hiroshin ang hawak nitong cellphone. Sabay silang tatlo na napatingin sa lecturer namin na ngayon ay naniningkit na ang mga mata habang nakatingin sa kanila.
"Give me that phone." Inilahad ni Ma'am Carol ang kamay niya, naghihintay na ibigay sa kaniya ang cellphone.
"S-Sorry po, Ma'am," nakangiwing sambit ni Hiroshin. "Si Echo po kasi—"
"Anong ako? Nakinood ka nga rin, eh," angil ng lalakeng may-ari ng cellphone na tinawag ni Hiroshin na Echo. Kahit hindi siya nakatayo ay alam kong matangkad siya. Moreno siya at may pagka-spiky ang buhok. Gwapo rin siya.
"Kasi pinakita mo, siempre titingnan ko—"
"Gagi, bigay mo na!" udyok ng lalake sa kaliwa ni Hiroshin.
Napakamot sa ulo 'yong Echo at saka tumayo para ibigay ang cellphone niya.
"M-Ma'am, take care of my cellphone," nakangusong sabi ni Echo. "2K lang 'yan pero mahal na mahal ko 'yan. Ilang beses kong tinipid ang baon ko para lang makabili niyan. Pasensya na po, ganito lang kasi ako—"
"Akin na!" Inagaw na ni Ma'am Carol ang cellphone at tiningnan kung anong pinapanood ng tatlo. Umarko ang kilay niya at tumingin kay Echo na ngayon ay nakayuko na.
"Tiktok?"
Nagtawanan ang mga kaklase ko maliban sa aming dalawa ni Yumi. Nakangiwi lang kami.
"May tinitingnan lang po kami," nakayukong paliwanag ni Echo.
Nilingon niya si Hiroshin at ang isa pang lalake na para bang nanghihingi ng tulong.
"The three of you, pumunta kayo dito sa harap," seryosong utos ni Ma'am Carol matapos ilapag sa mesa ang cellphone ni Echo. "Now!"
Tumayo kaagad si Hiroshin at ang katabi niya para pumunta sa harap, gano'n din si Echo na kakamot-kamot sa batok.
"What's your name?" tanong ni Ma'am Carol sa isang lalake na katabi ni Hiroshin. Medyo alanganin ang height niya at medyo kulot rin ang buhok pero maputi siya at may itsura.
"Mattadeo po, Tadeo na lang for short." Ngumiti siya pero napangiwi rin nang mapansin na sobrang sama ng tingin ni Ma'am Carol sa kaniya.
"And you?" Si Hiroshin naman ang binalingan niya.
"H-Hiroshin po," sagot ni Hiroshin.
"Ako naman po si Gericho, Echo for short—"
"Sumayaw kayo sa harap," putol ni Ma'am Carol sa sinasabi ni Echo.
"M-Ma'am?" sabay na sambit ng tatlo, nanlalaki ang mga mata.
"Isayaw n'yo sa harap ang pinapanood n"yo sa Tiktok," seryosong utos ni Ma'am Carol sabay halukipkip. "Hindi ko na uulitin ang sinabi ko. Do it now."
Nagkatinginan ang tatlo pero sumunod na rin sa utos ni Ma'am Carol.
"I-Isasayaw namin sa Tiktok, Ma'am?" utal na tanong ni Tadeo. Siya ang nasa gitna ni Hiroshin at Echo.
Nang hindi sumagot si Ma'am Carol ay lumapit si Tadeo sa mesa at kinuha ang cellphone. May pinindot siya doon at maya-maya lang ay pumuwesto silang tatlo sa harap ng cellphone na nakatayo sa may libro ni Ma'am Carol para hindi matumba.
Biglang umere ang kantang "Sayaw Kikay" mula sa cellphone at nanlaki ang mga mata ko nang mag-umpisa silang tatlo na sumayaw....ng pambabae.
Nakakabinging tawanan ang pumuno sa classroom namin at maging si Yumi ay humalakhak na rin habang pinapanood ang tatlo. Ako yata ang nakaramdam ng hiya para sa kanila, lalo na nang kumembot-kembot pa sila na para talagang babae. Pero infairness, mukhang nag-eenjoy sila sa ginagawa nila dahil tawa sila nang tawa. Pati tuloy si Ma'am Carol ay hindi na napigilan ang tumawa.
"Hooh!" malakas na sigaw ng babae sa likod habang pumapalakpak pa.
Nang matapos silang sumayaw ay naging hyper na ang klase namin. Ang daming nang-aasar sa kanilang tatlo kasi ang lambot ng mga katawan nila lalo na ni Hiroshin.
Naging maayos naman ang first day of class namin kahit puro 'introduce yourself' lang ang nangyari. Iba't ibang lecturers din ang na-meet namin para sa iba't ibang subjects at aaminin ko na maganda ang sistema rito kumpara sa mga public schools.
Advanced kasi ang mga itinuturo rito at talagang magagaling magturo ang mga lecturers, lahat professionals at walang tatamad-tamad.
Gumawa kami ng nametag namin ayon sa utos ni Ma'am Carol para hindi raw siya mahirapan at ang ibang lecturers na kilalanin ang pangalan namin. Kaya naman, may mga kaklase ako na kilala ko na kahit sa isang tingin pa lang dahil sa nametag nila.
***
"Hindi ka sasabay?" takang tanong ni Yumi nang makitang hindi ako kumilos nang sasakay na sana siya sa nakapilang tricycle sa kanto na malapit sa Henderson University.
8 PM pa sana ang uwian naming Night Class pero maaga kaming pinauwi dahil may meeting ang mga lecturers.
Umiling ako. "Hindi na. Mahal diyan. Magji-jeep na lang ako." Tiningnan tuloy ako nang masama ng tricycle driver.
"Libre na lang kita! Halika na! Mukhang uulan pa, oh!" pagpupumilit niya bago tuluyang sumakay sa loob ng tricycle.
"Hindi. Ayoko," pagmamatigas ko. Ayokong magpalibre sa kaniya, nakakahiya. Kahit mag-bestfriends kami ay ayokong nagpapalibre sa kaniya.
Ngumuso si Yumi at saka ako binitawan. "Sure ka?"
Tumango ako at ngumiti. "Sure ako! Sige na. Mag-iingat ka!"
"Sige. Ikaw rin!"
Wala na siyang nagawa at hindi niya na ako napilit na sumabay sa kaniya. Bumuntong-hininga ako nang makaalis na ang tricycle na sinasakyan niya.
Bumaba ang tingin ko sa kamay ko na may hawak na sampung piso.
Hindi kakayanin ng sampung piso ang tricycle na 'yon. May kalayuan kasi ang San Fernando dito kaya medyo mahal kapag nag-tricycle ako. Bente pesos lang kasi ang baon ko at pinambili ko ng snack kanina 'yong sampung piso.
Nakayukong naglakad na lang ako papunta sa kabilang kalsada kung saan mag-aabang ako ng jeep—pero natigilan ako nang makita ang kaklase kong lalake na si Zach. Hawak siya sa kwelyo ng isang lalake pero mukhang hindi siya natatakot.
Kilala ko si Zach dahil siya ang pinakamaangas na kaklase ko. Paano ko nasabi? Siya lang naman ang may ganang makipagsagutan sa English lecturer namin kanina dahil lang sa binato siya nito ng eraser. Tapik kasi siya nang tapik sa desk niya kaya nabwesit sa kaniya si Sir Monte.
"Ano, lalaban ka?" panghahamon ng lalakeng naka-uniform din ng Henderson kay Zach.
"Hindi ako lumalaban sa mukhang kalansay," nakangising sagot ni Zach.
Oo nga naman. Mukha kasing kalansay ang kaaway niya. Kulang na lang ay liparin ito ng hangin sa sobrang payat—Ay, erase! Erase! Ayoko manlait!
Nakita kong susuntukin na ng lalake si Zach kaya napasigaw ako. "H-Hoy!"
Sabay na lumingon sa akin ang dalawa at sabay din na napakunot ang noo.
"Sino ka?!" maangas na tanong sa akin ng lalake at saka binitawan ang kwelyo ni Zach. Napaatras ako nang naglakad siya palapit sa akin.
Tiningnan ko si Zach para humingi ng tulong sa kaniya pero umiling lang siya at naglakad na paalis.
Luh?! Iniwan ako?!
"Bakit ka ba nakikialam?!" paasik na tanong sa akin ng lalake. May sinenyasan siya sa likod ko at pagtingin ko ay may dalawang lalake na mga payat pero mukhang maangas din ang lumapit sa akin.
Nanlaki ang mga mata ko nang akmang hahawakan nila ako. Lumusot ako sa pagitan nilang dalawa at nagtatakbo palayo.
"Hoy!"
Hinabol nila ako pero mabilis akong tumakbo patawid sa kabilang kalsada. Halos mabingi ako nang biglang may bumusina nang malakas habang tumatakbo ako patawid.
"S-Sorry po!" nakangiwing sigaw ko sa kotse na muntik na akong mabundol. Tumakbo ulit ako patawid hanggang sa makarating ako sa kabilang kalsada.
Nakakainis 'yong Zach na 'yon! Iniwan ako bigla kahit alam naman niyang tinulungan ko siya!
Napatili ako nang may tumalon na lalake sa harap ko kaya napatigil ako sa pagtakbo.
Mula sa pagkakayukod ay dahan-dahan siyang umayos ng tayo sa harap ko kasabay ng paglaglagan ng mga dahon ng mangga mula sa itaas. At halos mapanganga ako nang makita nang maayos ang mukha ni Hiroshin—ang nakangiting mukha ni Hiroshin!
"Bakit ka tumatakbo, Marife?" tanong niya at saka tumingin sa likod ko.
Hindi pa man ako nakakasagot ay hinawakan niya na ang braso ko at mahina akong tinulak papunta sa likod niya na parang itinataboy niya na ako.
"Alis na."
"A-Ah, okay..." Iyon lang ang nasabi ko at saka ako tumakbo ulit.
Pero nang maalala ko na tinawag niya ako sa pangalan ko ay tumigil ako at nilingon siya.
Nakasandig na siya sa puno ng mangga kung saan siya nanggaling kanina. Lalapit na sana ako pero nakita ko ang dalawang lalakeng humahabol sa akin. Nanlaki ang mga mata ko nang makita nila ako.
"Ayon siya!" Itinuro ako ng isa.
Napaatras ako pero napatigil din nang makitang tinisod ni Hiroshin ang isang humahabol sa akin. Ang nangyari ay natisod din ang isa pa kaya nadapa ang dalawa sa lupa.
"Bakit mo 'ko tinisod?!" maangas na tanong ng isang lalake kay Hiroshin matapos tumayo at pinagpag ang nadumihan na uniform.
Ngumiti lang si Hiroshin kasabay ng paglaglagan ng mga mangga mula sa puno—dumiretso ang mga iyon sa ulo ng dalawang lalake.
"Aray ko! Anak ng—"
Tumingala 'yong isang lalake sa puno ng mangga habang hawak ang nasaktang ulo. Magsasalita sana siya pero biglang tumalon sa lupa sina Tadeo at Echo na galing sa itaas ng puno.
Luh?! Ibig sabihin ay magkakasama silang tatlo ni Hiroshin sa itaas ng puno ng mangga kanina? Ano sila? Unggoy?
Umayos ng tayo si Tadeo at Echo habang pinapagpagan ang mga suot na uniform.
"Ang daming langgam!" reklamo ni Tadeo, hindi pinansin ang masamang tingin sa kanila ng dalawang lalake.
"Siraulo ba kayo, ha?!" nakadurong sigaw ng isang lalake sa kanilang tatlo.
"Bakit? Kasalanan ba namin kung lampa kayo? Isang tisod lang natumba na." Tumawa si Echo.
"Aba—" Kwinelyuhan ng isang lalake si Echo at tiningnan ang suot nitong ID. "Hah! Ang yayabang n'yo pero mga taga-Night Class naman pala kayo!"
"Huwag mong maganyan-ganyan ang tropa namin, ah!" asik ni Tadeo sabay tulak sa lalakeng may hawak kay Echo.
Halos nawalan ng balanse ang lalake kaya naatrasan niya ang isang babaeng naglalakad at may hawak na stick ng kwek-kwek.
"Hey!" reklamo ng babae dahil nalaglag sa lupa ang hawak niyang kwek-kwek. Madilim ang mukha na binalingan niya ang lalakeng bumangga sa kaniya. "Hindi mo ba alam na may naglalakad sa likod mo, Martin?!"
"D-Dette, sorry," nauutal na sambit ng lalake na ngayon ay parang basang sisiw.
Bakit takot siya sa babae?
Pinagmasdan ko ang babae. Mukha siyang mayaman dahil sa kutis niya—sobrang puti. Tapos ang suot niyang bag ay mukhang mamahalin at may hairstick pa na nakatusok sa nakapusod niyang buhok.
Nakakainggit naman ang kutis niya, sana ganyan din ako.
Napanguso ako sa naisip ko.
"Umalis na nga kayo sa harap ko!" asik ng babae sa dalawang lalake at mabilis naman silang nawala sa paningin ko.
"Miss, sorry," sambit ni Hiroshin. "Nadamay ka pa."
"Okay lang," nakangusong tugon ng babae habang nakatingin sa kwek-kwek na nasa lupa. "Nasasayangan lang ako."
"Saan?"
"Ah, wala." Umiling siya at nag-angat ng tingin kay Hiroshin. "Nga pala. Iwasan niyo ang grupo nila Martin. Mahilig silang mang-trip ng mga estudyante dito sa Henderson, lalo na sa mga taga-Night Class." Tumalikod na siya at naglakad paalis kahit hindi pa sumasagot si Hiroshin.
"Bakit takot sa kaniya 'yong mga lalake?" tanong ni Tadeo sabay siko kay Echo na sinusundan ng tingin 'yong babae. "Hoy! Gericho!"
"Oh?!"
"Natulala ka na!"
"Bobo! Kainin mo na 'to!" Ipinasak ni Echo ang isang mangga sa bibig ni Tadeo. "Masiba ka sa mangga, 'di ba?!"
"Wow! Sino kaya sa atin ang nagyayang umakyat ng puno ng mangga?!"
Hindi ko na narinig ang pagtatalo ng dalawa dahil para akong nabingi nang naglakad palapit sa akin si Hiroshin.
"Okay ka lang?" nakangiting tanong niya sa akin at hindi kaagad ako nakasagot.
Ngayon ko lang siya natitigan nang malapitan kaya kitang-kita ko ang paglabas ng biloy niya sa kanang pisngi.
Ang pogi!
Gusto ko pa sana siyang titigan pero yumuko na ako. Nakakahiya dahil marami akong pimples sa mukha tapos oily pa.
"O-Okay lang ako. Paano mo nga pala nalaman ang pangalan ko?" nauutal na tanong ko habang nakatingin ako sa baba.
"May tinatawag kasi tayo na nametag, eh," natatawang sagot niya sabay turo sa nametag na nakalagay sa bandang kanan ng dibdib ko.
Nge? Akala ko pa naman kilala niya ako kasi magka-batchmate kami noong grade 6. Mukhang hindi niya ako natatandaan.
Sabagay, sino ba naman ang makakaalala sa pangit na tulad ko?
"Uwi ka na?" tanong niya ulit.
"O-Oo." Ihahatid niya ba 'ko?
"Sige. Bye." Kumaway siya sa akin bago bumalik kanila Tadeo.
Lumaylay ang balikat ko. Akala ko pa naman ay ihahatid niya ako.
Naku, Marife! Huwag ka nang mangarap! Bakit ka ihahatid ni Hiroshin?! Maganda ka ba?!
Tumalikod na ako pero tinawag ako ni Hiroshin. Lumingon ako sa kaniya at ngumiti siya.
"Ingat ka!"
Kinagat ko ang pang-itaas kong labi. Pakiramdam ko ay nag-init ang pisngi ko dahil sa sinabi niya. Isang matipid na ngiti ang isinagot ko bago ako tumalikod ulit at naglakad nang mabilis.
Parang may bulak na humahaplos sa puso ko ngayon at hindi ko napigilan ang mapangiti nang malawak.
Ingat daw ako. Concerned siya sa'kin!
Mas lalo tuloy akong nagkaroon ng crush sa kaniya. Bukod sa gwapo siya ay mabait pa. Halos perfect na siya, grabe.
"Neng, sasakay ka ba o hindi? Iiwan ka na namin," tanong sa akin ng babaeng nakaupo sa dulo ng jeep.
Nasa harap na pala ako ng jeep nang hindi ko namalayan!
"S-Sorry po!" Sumakay na ako sa jeep at awkward na nakiupo sa gitna ng dalawang matandang babae habang yakap ko ang bag ko sa harap.
"Ay, bilat!"
Biglang umandar ang jeep kaya napatili ako. Saka ko lang na-realize na bastos ang nasabi ko dahil sinamaan ako ng tingin ng dalawang matanda sa tabi ko.
Napayuko na lang ako. Nakakahiya!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top