1
Disclaimer: This is a work of fiction. Wala po itong kinalaman sa paniniwala o pananampalataya. Hindi ko rin alam kung pasok ito sa Horror, 'di ako nagsusulat ng ganitong genre. Hahahaha. Pasensya na.
Ipinagdaop ko ang aking mga palad nang sabihin ng pari na manalangin. Alas sais na ng gabi at malapit nang matapos ang misa. Kakatapos lang tumanggap ng iba ng ostia.
"Father, tulong!" Isang lagabog na galing sa likurang bahagi-sa may pintuan-ang nagpatigil sa amin. Agad akong dumilat upang alamin ang nangyayari. Mabilis na lumingon ako kung saan galing ang boses.
Isang lalaki ang humahangos papunta sa altar, sumunod sa kanya ang isang babae na sa tantiya ko ay buntis.
Naalarma ang lahat nang makita ang dalawang estranghero na duguan ang mga mukha. Nagsimulang magbulong-bulungan ang mga tao sa paligid.
"Father, m-may aswang!" bulalas ng lalaki habang nakahawak sa kamay ni Father.
"Ano'ng aswang? Paano naman magkakaroon ng aswang sa siyudad?" tanong ng pari.
"Ay, ganoon, Father. May diskriminasyon?" singit ng katabi kong bakla saka nagpaypay ng sarili.
Lalong lumakas ang bulungan sa sinabing iyon ng lalaki. Nagtago siya sa likod ng pari maging ang babae na kasama niya.
"Isara ang-" Hindi pa natapos ni Father ang sasabihin nang mula sa bubong ng simbahan ay may bumagsak.
Nagitla kami nang may taong nakaluhod sa sahig na tila sinadya niyang bumagsak mismo roon. Iniangat ko ang tingin sa bubungan at natulala sa malaking butas na nagawa nito.
Unti-unting iniangat ng taong iyon ang mukha niya. Maputla ang kanyang mukha, ang kanyang mga mata ay magkaiba ang kulay; kulay itim na itim sa kanan, kulay pula naman sa kabila.
Nagtakbuhan ang mga tao sa kung saang panig ng simbahan. Parang ako na nga lang yata ang natirang nakatayo at nakamasid lang sa lalaki.
Nagawa ng iba na makatakas bago pa man isara ng lalaking aswang ang bawat pintuan ng simbahan. Kung paano niya ginawa? Hindi ko rin alam.
Inayos ng lalaki ang pagkakatayo saka itinuro ang altar. "Lumapit na kayong dalawa rito," kalmadong utos ng lalaki na unti-unting tumatalas ang mga kuko.
"Paano ka nakapasok dito? S-simbahan ito, ah," narinig kong sabi ng lalaki na pilit hinahabol ng aswang.
"Father, tulungan mo kami. Gusto niya kaming patayin!" kinakabahang wika ng babaeng buntis.
"Nagkakamali yata kayo. Kayo dapat ang tanungin ko kung bakit nandirito kayo sa teritoryo ko!" Isang halakhak ang pinakawalan ng lalaking aswang.
Nakita ko ang dahan-dahang pagbabago ng lugar. Ang simbahan na puno ng liwanag ay unti-unting napapalitan ng pinaghalong pula at itim. Ang mga kandilang puti ay napalitan ng itim, ang imahe ng mahal na panginoon ay naging isang itim na bungo.
Unti-unti ring nagbago at itsura ng pari. Humaba ang mga kuko nito, kapansin-pansin din ang paglabas ng matutulis nitong pangil.
Ang mga tao na natira sa loob ng simbahan ay nagsimula na ring magbagong-anyo.
Yumuko ako upang pakiramdaman ang paligid. Sinasabi ko na nga ba, may kakaiba sa lugar na ito.
"A-ano'ng nangyari?" tanong ng babae. Nasisilip ko sila sa pagitan ng mga upuang kahoy. Gulat na gulat sila sa naging itsura ng pari nang humarap ito sa kanila.
"Pinatay niyong mag-asawa ang kasintahan ko. Hindi naman ako papayag na mabuhay pa kayo," saad ng lalaking aswang.
"B-bakit nagkaganyan ka, Father?" nauutal na ang lalaki at biglang napaupo sa sahig nang magsimulang kumilos ang pari. Hinihila naman siya ng babae para makaalis sila ngunit dala ng takot ay halos naestatwa na ang kasama niya. "Aswang kayong lahat?"
Hindi.
Hindi lahat ng tao rito ay aswang. Hindi ko naramdaman ni naamoy man lang ang pagiging aswang sa kanila. Siguradong may ginawa sila para maging ganoon ang mga tao.
Ah, tama. Baka ang ibinigay na ostia! Mabuti na lang hindi ako nakakain no'n. Pero paano nila nagawang linlangin ang mga tao? Base sa research ko, matagal na itong simbahan at walang ganitong kaganapan noon. O hindi ka, tahimik lang sila noon?
Isang kasalanan sa Panginoon ang ginawa nila.
Naikuyom ko ang kamao. Minabuti kong itali ang buhok ko at ayusin ang aking rubber shoes.
Akmang kakagatin na sila ng pari nang bumwelo ako at tumalon sa kinaroroonan nila. Habang nasa ere ay itinanggal ko ang aking belt at inihampas ito sa pari. Napaigik siya sa sakit.
Bumagsak ako na nakatukod ang isang tuhod sa sahig sa harapan mismo ng mag-asawa Nasa kanang kamay ko ang aking belt na gawa sa buntot pagi.
Nakatitig ako nang masama sa lalaking may kakaibang mata. Kilala ko na kung sino siya. Siya ang matagal ko nang hinahanap. Ang bise heneral ng mga aswang sa lugar namin.
"Silver," bulong ko sa pangalan niya. Mahigpit kong hinawakan ang belt.
"Ah," preskong nagpamulsa si Silver nang makilala niya ako. "Ikaw na naman? Akala ko pa naman naubos ko na ang lahi ng mga hunters. Nakalimutan kong may natira pa pala."
Tumayo ako nang maayos saka itinaas ang aking baba. "Sana hindi mo na ako binuhay."
"Hell, yeah. Mind your own business, Chastise." Itinuro niya ang dalawang tao na nasa likuran ko. "Ibigay mo sila sa akin kung ayaw mong madamay ka pa."
Naramdaman ko ang paglukod ng puting dress ko dahil sa pagkapit. "H'wag mo akong ibigay sa kanila, please. Papatayin nila kami lalo na ang anak ko." Sumandal siya sa likod ko kaya naramdaman ko ang mga luha niyang bumabasa sa damit ko.
Saglit akong bumaling bago marahang tinitigan si Silver. "Dadaan ka muna sa akin, bago mo sila makuha."
Nagpapadyak na parang bata si Silver. "Ayan ka na naman, bakit ka ba nakikiepal sa mga balak ko? Chastise naman, e." Ang pagiging isip bata niya ay napalitan ng malademonyong tingin. "If that's want you want." Kumumpas si Silver dahilan para magsisuguran ang mga alagad niya sa amin.
Umikot ako upang maihampas ang belt sa kanila. Agad silang nagsi-atrasan. Kumuha ako ng kandila sa may altar at gumuhit ng bilog na sasakop sa aming tatlo.
"Ang sinumang pumasok sa bilog na ito, magpaalam na kayo," matapang kong saad na tumatagos ang tingin kay Silver na hindi pa rin umaalis sa pagkakatayo. naka-krus lang ang kanyang mga braso.
Nakakabinging ungol ang pinakawalan ng mga alagad niya. Nagsimulang kumabog ang dibdib ko, baka dito na ako mamatay. Pero ipinapangako kong hindi ako mamamatay nang dahil lang sa wala.
Unang sumugod ang dalawang aswang sa amin. Iwinasiwas ko sa kanila ang belt. Ang una ay hinampas ko sa mukha ang isa naman ay sa braso. Sa bawat hampas ko ay may usok na lumalabas sa kanilang mga sugat.
Bawat may sumusugod ay hinahampas ko o hindi kaya ay sinusuntok ko, ang iba naman sinisipa ko. Sa huli, naubos kong patumbahin ang mga alagad ni Silver.
Habol-hininga kong hinawi ang buhok kong tumatakip na sa aking mukha. Marami na rin akong natamong sugat galing sa mga kalmot at kagat nila. Hindi pa man ako nakakabuwelo ay mabilis na sumugod si Silver at sinakal ako. Nagawa niya akong ibalya sa pader.
Hindi ko magawang makapagsalita, ang tangi ko lang naiisip ay matanggal ang kamay niya.
"Pakialamera ka talaga, dito ka na mamamatay!" Tila isa lamang akong papel na inihagis ni Silver sa kung saan.
Lumagutok ang buto ko sa likod nang bumagsak ako sa sahig. Dahil napigil ang hininga ko, sunud-sunod na pag-ubo ang pinakawalan ko. Nabitiwan ko ang belt na siyang pamproteksyon ko sa sarili.
Kahit nanlalabo ang paningin ko ay nakita ko siyang palapit sa akin. Walang awa niya akong tinadyakan at tinapakan sa may dibdib.
Masakit ngunit wala nang mas sasakit pa sa mga alaalang bumabalik sa aking isipan.
Ang aking masayang pamilya, ang tahimik at maayos naming pamayanan, ang itsura ni Silver nang kami'y bata pa. Ang mga pinagsamahan namin.
Ngunit ang masasayang alaala ay may kapalit na masalimuot na pangyayari. Nakita ko na naman kung paanong patayin ng angkan ni Silver ang mga tao. Ang walang awa nilang pagkain ng laman-loob, pagpaslang ng mga inosenteng bata, pagsipsip sa tiyan ng mga buntis na parang isang masarap na softdrinks.
At ang pagpatay nila sa aking pamilya.
"Akala ko matutuwa ka kung bubuhayin kita. Kung alam ko lang na magiging hadlang ka sa mga plano ko, pinatay na lang sana kita. Ano nga naman ang pakialam ko sa mga pinagsamahan natin?"
Nagkikiskisan ang mga ngipin ko sa sobrang ngitngit. Naaalala ko na naman ang mga sinabi niya sa akin noong araw na iyon.
"Kaibigan, pasensya na." Lalo niyang pinaalala sa akin ang huli niyang sinabi.
Tumulo ang luha ko na hinawakan ang paa niyang nakadagan. Marahan ko itong inaangat sa abot ng aking lakas pero madali niya lang naibalik sa pagkakadagan sa akin.
"Alam mo ba kung ano'ng klaseng mga tao ang inililigtas mo? Mamamatay-tao ang angkan nila, kaya bakit sa tingin mo kailangan pa nilang mabuhay?"
Umarko paitaas ang gilid ng labi ko saka nagpakawala ng malakas na tawa. "Wala ka rin namang karapatang mabuhay. Isa pa, hindi naman tao ang nobya mo." Kahit nahihirapang magsalita ay nasabi ko ito.
Naramdaman ko na saglit siyang nawala sa konsentrasyon. Gumaan ang pagkakalapag ng mga paa niya.
"Hindi mo siya kilala, kaya wala kang karapatan." Nakita ko ang lungkot sa kanyang mga mata. Sa isang iglap, bigla siyang nawala.
Sunud-sunod ang paghinga ko nang makawala sa kanya. Marahan akong dumipa upang makagapang papunta sa mag-asawa.
Iniangat ni Silver ang lalaki sa ere at binali ang leeg. Wala nang malay ang lalaki nang bitiwam niya.
Gumapang ako sa abot ng aking makakaya papunta sa pwesto nila. Umaatras ang babae palayo kay Silver, nangangatog ang kanyang katawan.
Hindi ko napigilan ang luhang kumawala sa akin. Mauulit na naman ba ang nangyari dalawampung taon na ang nakalipas? Magiging isang mahinang bata na lang ba ako na nakatingin lang sa mga taong inaalisan nila ng buhay? Mauulit ba ang senaryo na hindi ko natulungan ang aking mga magulang sa kamay ng walang awang mga aswang?
Inuntog-untog ko ang aking noo sa sahig habang umiiyak pa rin.
Ngunit, bigla akong nabalik sa pangyayari nang makita ang mukha ng aking mga magulang at marinig ko ang mga salitang laging pinaalala ni ama.
Buong determinasyon akong tumayo kahit nanghihina na. Naglakad ako papalapit sa belt ko at maingat itong kinuha. Walang habas ko itong hinampas sa likuran ni Silver. Agad na umusok ang likod niya at narinig ko ang impit niyang inda sa sugat.
"Hindi ko na, hahayaang maulit pa ang nakaraan, Silver!" Patalon akong dumaluhong sa kanya saka siya binigyan ng sipa sa mukha.
Lumapit ako sa babae. Hindi ko inaasahan ang ibinigay niyang punyal sa akin. Ang hawakan noon ay may ukit ng isang anghel. Nagtataka ko siyang tinitigan ngunit wala na akong sagot na nakuha sa kanya.
Lumingon ako sa gawi ni Silver. Iniamba niya ang matutulis na kuko at sumugod papunta sa akin. Inihanda ko ang sarili sa pag-atake.
Sinasalag ko gamit ang belt ang pagsundot niya ng mga kuko sa parte ng katawan ko. Nang makakuha ako ng tiyempo ay ipinulupot ko ang kanyang braso gamit ang belt, tinisod ko siya saka ako yumuko at buong lakas siyang binuhat at ibinalya sa sahig.
Paulit-ulit ko siyang hinampas-hampas ng belt hanggang sa puro na siya latay. Ibinuhos ko lahat ng galit na matagal nang nakabaon sa puso ko habang naglalandas ang mga luhang kay tagal ko ring inipon. Sa wakas, makakaganti na ako.
Imbis na indahin ni Silver ang mga ginawa kong latay ay tumatawa lang siya ngunit halata sa kanyang boses ang sakit na pinipigilan.
Hahatawin ko na sana siyang muli nang bigla siyang magsalita. " Masarap bang gumanti, Chastise? Tunay ngang mas nakakatakot ang mga tao kaysa sa mga aswang."
Nagtatanong ang isip ko sa sinabi niyang iyon.
"Nais ko na rin sana magbagong buhay. Kaya lang, pinatay nila ang asawa ko." Tumulo ang itim na likido sa kanyang mga mata. "Alam mo ba ang ipapangalan ko sana sa magiging anak ko? Gusto kong kapangalan mo siya, Chastise. Hindi mo alam kung ano ang mga pinagdaanan ko para lang makatakas sa responsibilidad ng pamilya ko. Pero heto, wala pa rin."
Tuloy-tuloy pa ring tumulo ang mga luha ko pero nasabi ko sa sariling hindi na ako dapat magpadala sa awa gaya ng ginawa ko noon sa kanya. Ako ang dahilan kung bakit nasira ang pamayanan at pamilya ko. Dahil sa awa ko sa paslit na si Silver. Ang awang ito, na pilit inaabuso.
"Tumahimik ka na, hindi na ako muling maaawa sa 'yo." Itinaas ko ang punyal, naghahandang tapusin na ang dapat kong tinapos noon pa.
Pero, hindi magawang kumilos ng kamay ko. Naaawa na naman yata ako. Tumaas-baba ang paghinga ko, itinaas ko lalo ang punyal upang bumwelo ngunit hindi ko magawang itarak ito sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang eksaktong dahilan. Pero...nag-aalangan ako.
Tinitigan ko ang mga mata ni Silver. Ang mga mata niya, dala pa rin ang mga malulungkot na alaalang naging dahilan upang magkrus ang mga landas namin.
"H'wag kang maging mahina, Chastise." Hinayaan kong hawakan ni Silver ang punyal. "Tulungan mo akong makalaya sa responsibilidad na dala-dala ko." Hindi ko napigilan ang kanyang kamay na kusang tumulak papunta sa kanyang puso.
Natigagal ako sa mga pangyayari. Marahan niyang ibinaon ang punyal kasabay ng pagyakap niya sa akin.
"S-salamat, Chastise. Tinupad mo ang hiling ko."
Mahigpit kong hinawakan ang balikat niya para bumwelo at bawiin ang punyal ngunit lalo lang niya itong ibinaon sa katawan niya.
Bumalik na naman ang mga traydor na alaala.
"Bakit ka umalis sa poder ng pamilya mo?" tanong ko noon sa batang Silver.
"Gusto kong umalis na sa responsibilidad. Ayaw ko nang maging katulad nila," sagot niya.
"Masama ba sila? Sabi ng itay ko, ang nakaraan ay hindi na dapat mangyari sa kasalukuyan. Sikapin mong baguhin ang nakatakda. Ganoon ang gawin mo, Silv, kung sa tingin mo na masama ang ginagawa nila."
Nabalik ako sa kasalukuyan nang maramdaman ko ang pagbitiw ni Silver sa punyal, ang pagpikit ng kanyang mga mata at ang huling ngiti niya bago mawalan ng hininga.
Wala na siya.
Nakapaghiganti na ako.
Tapos na ang lahat.
Pero bakit, hindi ako masaya?
----Wakas------
This piece won as second place in writing contest.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top