Chapter 01

MANAHIMIK ka na nga, Sassa! Ang sakit na sa tenga ng ngawa mo! Pwede bang break muna? Kanina ka pa, eh!”

Sumisinghot na tinapunan ng nakamamatay na tingin ni Sassa ang kaibigang si Italia dahil sa sinabi nito sa kanya. Matapos ay nakasimangot na binato niya ito ng siningahan niyang tissue paper.

Nanlalaki ang mga matang hinampas siya nito ng malakas sa balikat. “Kadiri ka!”

“Ay, hutanghamnida! Masakit 'yon, Lia! Masakit na nga ang puso ko tapos pasasakitin mo pa ang katawan ko! 'Wag ganun, bes! Durog na ako! Durog na durog na, bes!” Sumisinghot na reklamo niya at napahawak sa nasaktang balikat.

Halos mag-iisang oras na ring nagda-drama si Sassa sa harapan ng masungit na kaibigan. Paano ba naman kasi, nalaman niya na ang crush na crush niyang si Ranz Buenavidez ay may girlfriend na. At hindi iyon matanggap ng kanyang balun-balunan. Akala niya kasi ay may something na sila ng lalaki. Iyon pala ay asado at bola-bola na naman pala ang kinabagsakan niya.

“Kailangan mo ng hampas ng matauhan ka, bruha! Goodness gracious! Maka-iyak ka, akala mo naman naging kayo ng lalaking iyon. Minsan talaga 'di ko gets 'yang takbo ng utak mo, Sassa. Maghanap ka na nga ng ‘totoong boyfriend’ nang ma-justify ang ganyang kabaliwan mo kung sakaling iwan ka!”

“Hindi mo kasi alam kung anong nararamdaman ko!” Pasigaw na sagot niya sa talak ni Italia sa kanya at muling umatungal ng iyak.

Marahas na pinaikutan siya ng mga mata ng kaibigan. Mukhang nanggigigil na ito sa kanya at kulang na lang ay ilibing siya nito ng buhay dahil sa inis nito sa kanya.

“Alam mo, Sassa, okay lang ang ma-brokenhearted kapag nalaman mong nagkaroon ng girlfriend ang taong gusto mo. Pero 'wag ka namang OA! Talo mo pa nakipag-break kung makaatungal ka diyan. 'Tsaka pang-ilang beses na ba 'to? 'Di ko na mabilang! Palagi na lang ganyan! Kung ayaw mong maagawan, gumawa ka ng paraan!”

Pumalahaw muli si Sassa ng iyak. Nasapul na naman ni Italia ang kahinaan niya. Alam niyang para siyang baliw sa pinaggagagawa niya pero anong gagawin niya? Hindi naman niya ginusto ang nangyayari sa kanya.

Pakiramdam niya ay isinumpa 'ata siya. Hindi 'ata uso sa kanya ang salitang ‘happy ending’. Paano ba naman kasi, sa tuwing magkakagusto siya sa isang lalaki ay imbes na sa kanya mahulog ay sa iba napupunta. Parang isinasabuhay na niya 'ata ang isang lokal na pelikula na may pamagat na “Bakit hindi ka crush ng crush mo?”.

Sabi ng nanay at tatay niya ay maganda siya. Pati 'yong mga kapitbahay nila ay iyon din ang paniwala. Ang mga kaibigan niya ay gan’on din ang pang-uto sa kanya. Kaya 'di niya talaga gets kung bakit hindi siya magustuhan ng mga taong nagugustuhan niya. Palagi na lang siyang nailalagay sa friendzone. At masakit talaga ang ma-friendzone, bes! Saksak puso, tulo ang dugo!

Sa edad niyang beinte dos, never pa siyang nagka-jowa. At nafu-frustrate na talaga siya. Kung bakit ba naman kasi lahat ng pasok sa crush-meter niya ay sa iba nakatingin. Hindi ba pwedeng ang susunod niyang magugustuhan ay sa kanya naman mahulog? Para naman magkaroon ng rainbow ang puso niya?

Akala niya nitong mga nakaraang buwan ay tuluyan ng magkakakulay ang buhay pag-ibig niya dahil kay Ranz; ang lalaking nakilala niya sa isang painting exhibit tatlong buwan na ang nakakalipas. Ang sweet kasi nito sa kanya at kung makaasta ay parang boyfriend niya ito. Palagi pa siya nitong tine-text at hatid-sundo. Feeling niya pa ay M.U. na sila ng lalaki dahil sa ikinikilos nito sa tuwing kasama niya ito. Pero ang hayop na lalaki! Nalaman niyang may nililigawan pala itong iba habang siopao siya sa paglalandi nito sa kanya. At kanina lang ay sinabi nito sa kanya na sinagot na ito ng babae.

Kung hindi nga lang siya nakapagpigil kanina ay baka nanghiram na ng mukha sa aso si Ranz dahil sa bwisit na naramdaman niya. Pasalamat ito at nagawa pa niya itong ngitian at i-congratulate kahit na winasak nito ang puso niya. Grabeng pagtitimpi ang ginawa niya para lang hindi mabugbog ang lintik na lalaki.

Bubugbugin mo siya eh ikaw rin naman ang masisisi. Hindi naman niya sinabing may gusto siya sa’yo. Lakas mo kasing makaasang bruha ka. 'Yan tuloy ang napala mo!

“Palibhasa kasi masaya ang buhay pag-ibig mo! Maghihiwalay rin kayo ni Tanner! Wala kasing forever!” Mapait niyang sabi at suminga muli sa bagong kuha niyang tissue paper.

“Aba’t dinamay mo pa kami ni Tanner! Tumayo ka na nga lang diyan! Imbes na umatungal ka riyan ng iyak, asikasuhin mo 'yong mga dapat gawin dito sa café! Tandaan mo, sa linggo na ang grand opening. Dito mo na lang ibuhos ang frustration mo sa siraulong lalaking iyon kaysa naman bwisitin mo ako sa pag-iinarte mo,” masungit na sabi nito sa kanya at padabog na tumayo na. Pumunta ito sa likod ng counter at nag-umpisang ayusin ang mga nakakalat na gamit doon.

“Nasaan ba kasi si Luna? Pati sina Aryan at Taki? Dapat sila na lang naiwan dito sa Break Up Café hindi ikaw, eh! Mabuti pa sila naiintindihan nila ang kabaliwan ko. Pero ikaw, kulang na lang ilibing mo 'ko ng buhay kapag ganitong nag-e-emo ako. Magsama kayo ni Riva! Mga walang pakundangan sa feelings ko!” Nakangusong sabi niya at tumigil na sa pag-atungal.

Pinunasan niya na ang mga luha at unti-unting kinalma ang sarili. Kahit naman may pagka-bitch si Italia ay alam niyang concern lang ito sa kanya. At kahit na madalas ay harsh itong magsalita ay naiintindihan naman niya ang pinupunto nito. Kung hindi ba naman ay hindi aabot ng mahigit sampung taon ang pagkakaibigan nila.

Siya, si Italia, Taki, Luna, Riva at Aryan ay magkakaibigan na mula pa n’ong hayskul. Kahit na magkakaiba ang pag-uugali at madalas ay nagbabangayan ay mahal nila ang isa’t isa. Parang magkakapatid na ang turingan nila kaya naman hindi sila mapaghihiwalay kahit na may kanya-kanya na silang buhay.

“Si Taki at Riva ay namigay ng invitation para sa opening. Sina Aryan at Luna naman ay pumunta sa supplier natin. May kulang pa sa inventory kaya hinahabol nila ngayon,” bale-walang sagot ni Italia sa kanya na hindi man lang pinansin ang pasaring niya rito.

Isang marahas na buntong hininga ang pinakawalan niya at matapos ay tumayo na rin. Masakit pa rin ang puso niya dahil sa nangyari pero kailangan niya ng kumilos. Papalapit na ang pagbubukas ng café nilang magkakaibigan. At marami pang dapat asikasuhin. Tama si Italia. Imbes na umatungal siya kakaiyak, sa café na lang niya ibubuhos ang sama ng loob niya.

Ang Break-up Café na itinayo nilang magkakaibigan ay ideya talaga ni Riva. Dahil sa pinagdaanan nitong matinding break up noon ay doon nag-umpisa ang konsepto ng café. Malaki na ang nai-down ni Riva para sa lupang kinatitirikan ng café pero dahil kinapos ito ng capital ay nag-usap-usap silang magkakaibigan na maging business partners at punan ang kulang na pera para maitayo ang café.

Ang café ay napapalamutian ng mga materyales na gawa sa kahoy at bato. It’s like a Spanish house but with a modern touch. Sa isang parte ng dingding ng café ay may mga nakasulat na nauusong iba’t ibang hugot lines habang sa ibang parte naman ay mga ilang painting na nakasabit.  Mayroon ding isang malaking shelf sa kanang bahagi ng café na may mga libro na pwedeng hiramin ng mga customer depende sa inuming o-order-in. Each book corresponds to the beverage that will be served. Sa dulong bahagi ng café ay mayroong maliit na fire place at isang pahabang brown na sofa na nakaharap doon. Sa hilera rin n’on ay may maliit na stage na merong piano at acoustic guitar na naka-set-up. Sa labas naman ng café ay mayroon ding iilang mesa at upuan na naliliman ng malalaking payong at ilang puno na nakapalibot sa café.

Kung susumahin niya, ang Break-up Café ay magbibigay ng homey feeling sa bawat customer na pupunta roon. Makakapag-relax ang sino man na gusto mong mag-unwind at gustong kumawala sa stress o sa kahit ano pa mang mabigat na pinagdadaanan dahil sa ambience ng café. Bukod pa syempre sa masasarap na pagkain at inuming ihahain nila sa mga ito at mga "special treat" na ibibigay nila lalo na sa mga customer na dumaraan sa heart break.
 
The café is almost ten months in the making. At ngayon ay excited na siya sa nalalapit na pagbubukas nito. Alam niyang magiging mabenta ang kanilang business. The location itself is good dahil malapit ang café sa universities at iba’t ibang business establishments. Mayroon ding malapit na residential houses sa kinatitirikan ng Break-up Café.

“Check on the books, Sassa. Hindi ko pa naa-account lahat iyon. We need to make sure that we have enough books for the menu,” narinig na lang niyang wika ni Italia.

“Okay,” aniya at napapabuntong-hininga na tinungo na ang shelf.

Magpapakaabala na lang siya. Kaysa naman lalo niya pang damdamin ang nasaktan na namang puso dahil sa letseng Ranz na iyon.

MAG-ISANG naglilibot si Sassa sa mall para bumili ng damit na isusuot niya sa opening ng Break-up Café. Ilang araw na lang kasi ay magbubukas na iyon pero hanggang ngayon ay wala pa rin siyang isusuot. Kasama niya si Taki kanina pero dahil tinawagan ito ng kapatid at sinabihang may importante itong sasabihin sa kaibigan ay nagmamadali itong umalis at iniwan siya.

Wala talagang forever! Pati si Taki nang-iiwan! Nakasimangot na sabi niya sa sarili.

Medyo masakit na ang kanyang paa. Kanina pa siya nag-iikot pero wala siyang matipuhang damit sa mga boutique na napasukan niya. Napapaisip tuloy siya kung lilipat siya sa ibang mall para doon na lang maghanap ng isusuot sa opening ng café.

Huminto siya sa paglalakad nang may madaanan ulit siyang boutique. It’s a famous clothing line at alam niyang magaganda ang mga damit na binebenta roon. Bumuntong hininga muna siya ng malalim bago nagdesisyong pumasok doon. Kapag wala pa talaga siyang magustuhang damit doon ay aalis na siya sa mall na iyon at sa ibang lugar na lang maghahanap.

Mabilis na inikot niya ang paningin sa loob ng boutique. Isang dress na naka-hang sa kaliwang bahagi ng boutique ang naispatan ng kanyang mga mata. Simple lang ang cut ng kulay carnation pink na dress na iyon at knee-length ang haba. Off-shoulder iyon at nagustuhan niya ang ruffles sa laylayan ng dress. Napangiti siya. Sa wakas ay may nagustuhan din siyang damit na isusuot niya sa opening ng café.

Nagmadali siyang lapitan ang damit para kunin iyon nang isang kamay rin ang nakipagsabayan sa kanya. Kunot-noong nag-angat siya ng tingin para tingnan kung sino ang lapastangang mukhang aagaw ng dress sa kanya. Hindi siya papayag na makuha iyon sa kanya. Pagod na siyang mag-ikot at dahil gusto niya ang damit ay hindi niya iyon basta-basta igi-give up.

Sana ganyan ka rin sa mga nagugustuhan mo, Sassa! My gosh! Ang damit kaya mong ipaglaban pero 'yong taong gusto mo, ang dali mong sukuan! Anang intrimitida niyang isip.

Nakahanda na sana siyang magtaray sa taong kaagaw niya sa damit pero umatras ang kanyang dila nang mabistahan ang mukha nito.

Isang lalaki ang bumungad sa kanyang paningin. At hindi basta-basta lalaki. Gwapo ito. In the real sense of the word. At kahit na kunot na kunot ang noo nito ay hindi n’on nabawasan ang malakas na appeal nito.

Kung tatantyahin niya, nasa mahigit anim na talampakan ang taas ng lalaki. May lahing intsik kung pagbabasehan ang features ng mukha. Malapad ang balikat nito at halatang alaga sa ehersisyo ang katawan. Maputi rin ito at feeling niya ay nahiya ang pores nito na lumabas sa mukha nito dahil napakakinis niyon at wala man lang siyang makitang ni-isang butas. Ang jet black na buhok nito ay katulad n’ong mga nauusong gupit ng kpop idols na bumagay sa hugis ng mukha nito. Mayroon din itong maliit na silver earring sa kanang tenga na nagbibigay rito ng angst.
Isang simpleng white polo shirt, maong pants at black loafers lang ang suot ng lalaki pero naglalabas ito ng matinding air of authority. Na para bang kaya siya nitong ipatapon sa bundok tralala kapag ginalit niya ito. Kuh! Lakas maka-domeneering ng aura pero tingin ko naman magkasing-edad lang kami ng lalaking ito!

“A-ako ang nauna rito,” aniya at pilit ibinalik ang composure niyang bahagyang nasira dahil sa pagkakakita sa lalaki.

Sa totoo lang ay nakakaramdam siya ng atraksyon sa lalaki. Sino ba naman ang hindi kung kaharap mo ang isang lalaking tila sinalo 'ata lahat ng kagwapuhan nang magbigay ang Diyos ng katangiang iyon.

Pero hindi! Hindi siya magpapa-intimidate dito kahit gwapo ito. Pagod na siya at hindi niya hahayaang maagaw sa kanya ang damit.

Huwag niya lang sabihin na makikipag-agawan siya sa damit. Bitter ako ngayon sa buhay dahil sa letseng Ranz na 'yon at pagod pa ako kaya hindi ko siya aatrasan!

Gumuhit ang iritableng ekspresyon sa mukha ng lalaki nang tingnan siya nito. “I don’t care if you’re the first one to see this. I need to get this so back off,” mababa ngunit ma-awtoridad na wika nito sa kanya at pilit kinukuha ang damit na hawak niya.

Nanlalaki ang mga matang hinatak niya ang damit papunta sa kanya. Aba! Siya kaya ang nauna sa damit na iyon kaya wala itong karapatan na kunin iyon sa kanya.

Gwapo ka nga, rude ka naman! Tse!

“Aba, Mister! Ako ang unang nakakita kaya sa akin dapat ito mapunta!” Gigil na sabi niya.

Ipaglalaban niya ang karapatan niya! Hindi siya magpapatalo sa bakulaw na ito! Kahit sa damit man lang ay magawa niyang ipaglaban ang gusto niya!

Huwaw! Ihugot mo pa, Sassa! Lalim ng pinagkuhanan. Galing sa kailaliman ng bermuda triangle!

“Let go, Miss! Tumingin ka na lang ng ibang damit. Kahit ilan pa. I’ll pay it for you basta 'wag lang 'to!” Inis na sabi nito sa kanya at patuloy na nakikipag-push and pull sa damit na hawak nilang pareho.

“A-ah, ma’am, sir…b-baka po masira 'yong damit sa ginagawa niyo. Pwede po bang bitiwan niyo muna?”

Parehong dumako ang tingin nila ng lalaki sa sales lady na hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanila. Bahagya itong napaatras nang makita siguro ang iritableng ekspresyon nilang dalawa ng lalaki.

“Miss, may iba pa ba kayong stock nito? Para isasaksak ko sa lalamunan ng bakulaw na 'to ang dress na 'to!” Pikon niyang tanong sa sales lady.
Naha-highblood na siya. Ayaw patalo ng lalaki sa kanya. Ayaw man niyang mag-concede pero nauubos na ang lakas niya sa pakikipag-agawan sa damit. Mas malakas kasi ito sa kanya kumpara sa payat niyang katawan.

“P-pasensya na ma’am pero nag-iisa na lang po 'yan. L-limited edition po kasi 'yan,” kinakabahang sagot sa kanya ng babae. Napapangiwi pa ito habang nakikita ang pag-aagawan nila ng lalaki sa damit.

Napabuga siya ng hangin. Kung ganoon, kailangan niyang ipaglaban ang damit. Kung limited edition pala iyon ay mas lalo dapat niya iyong makuha.

“Bitiwan mo na mister hangga’t maayos pa akong nakikiusap sa’yo,” mahinahong sabi niya sa lalaki.

Isang nakakalokong ngiti ang gumuhit sa labi ng lalaki at bahagyang tumaas ang kilay nito. “Ikaw ang bumitaw, Miss. This dress doesn’t suit you anyway. Masyadong maganda ang damit na ito para sa isang plain at hindi magandang babaeng tulad mo.”

Nagpanting ang mga tenga niya. Nanlalaki ang mga matang napasinghap siya ng malakas.
Kapag tinamaan nga naman ang magaling! Hanep sa panglalait ang lalaki! Akala mo kung sinong makapanglait ng kapwa. Ang sarap putulin ng dila at ipakain sa dragon!

“Gusto mong ihatid kita sa impyerno ngayon na?” Gigil niyang sabi.

“No, thanks. I’m too good for that place,” anito at nagpakawala ng nakaasar na tawa.

“Devil!”

“Witch!”

“Bakulaw!”

“Panget!”

Isang kamay ang humawak sa balikat ni Sassa ang nagpapreno sa kanya na magbitaw ng maanghang na mura. Masama ang tingin na sinipat niya kung sino ang epal na pumigil sa kanya. Isang lalaking tingin niya ay nasa mid-forties at nakasuot ng formal suit ang nakangiting nakatingin sa kanya.

“I’m sorry miss pero pwede mo bang ipaubaya na lang ang damit sa kanya? Kahit anong gawin mo kasi ay hindi niya iyan bibitiwan. I’ll compensate you for this. I’m really sorry for this trouble, miss,” nakangiti ngunit apologetic na sabi nito sa kanya.

Napabuntong-hininga siya ng marahas. Gusto niya pang ipaglaban ang damit pero kung hindi naman susuko ang lalaki sa pakikipag-agawan sa kanya ay mauubos lang ng tuluyan ang lakas niya. Isa pa, maayos na nakikiusap sa kanya ang matandang lalaki. Mukha itong mabait kumpara sa demonyong lalaking kaharap niya.

Nakaingos na malakas na binitiwan niya ang damit. Dahil doon ay bahagyang napaatras ang lalaki at muntik ng matumba. Binato siya nito ng nakakamatay na tingin kaya inismidan niya ito.

“Sa’yo na! Saksak mo sa baga mong kasing itim ng budhi mo!” Masungit na sabi niya at hinarap ang matandang lalaki. “Huwag na kayong mag-abalang bayaran ako sa perwisyong inabot ko sa bakulaw iyan. Kaya kong bumili ng sarili kong damit kaya salamat na lang.”

Tumalikod na siya. Naiinis siya dahil hindi niya nakuha ang damit pero wala naman na siyang magagawa. Kaysa naman ubusin niya pa ang lakas niyang makipag-agawan ay hahayaan niya na lang iyon sa bakulaw na lalaking iyon.

Wala ka na talagang pag-asa, Sassa. You and your attitude!

Nagmamartsang tinungo na niya ang pinto palabas ng boutique na iyon. Pero bago siya tuluyang lumabas ay nilingon niya ang lalaki at sinigawan ito.

Baklaaaaaaaaaaaaa!”

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top