11

CHAPTER 11
Late

“Lia naman, sa susunod mag-text ka para naman alam namin kung nasaan ka,"bungad ni Mommy sa akin pagkapasok ko sa bahay namin.

Nag-aabang na sila ni Dad sa sala pagdating ko. Hindi na pumasok si Dominique dahil gabing-gabi na rin at kailangan na niyang magpahinga.

“Mom, Dad, I'm sorry. Wala naman po kasi sa plano ko na magtagal sa pinuntahan ko,"sagot ko.

“Where have you been? Sinong kasama mo?"tanong naman ni Dad.

“I just helped someone. Ibinigay ko ang kalahati ng napanalunan ko sa taong 'yon dahil mas kailangan niya ng pera. Is it bad?"

Nagkatinginan sila mom at dad bago ngumiti sa akin. I guess I made the right decision?

“That's great, anak. You should help those people in need. At kahit hindi nila kailangan ng tulong, mag-offer ka pa rin. Minsan kasi ayaw nilang tumanggap ng tulong sa iba dahil sa pride,"sabi ni Mom.

Naalala ko na naman tuloy iyong mukha ni Sabelle kanina. Parang ayaw niya talagang tanggapin ang tulong ko pero dahil nga may sakit ang ama niya ay nilunok niya sa kanyang pride. Kahit naman siguro sino ay willing magpakumbaba kapag nahihirapan na ang mahal nila sa buhay.

Matapos akong kausapin nila mom at dad ay umakyat na ako sa kwarto. Nakakapagod ang araw na ito. Mabuti na lang at Sabado na ulit bukas. It means makakatulog ako nang mahaba.

I woke up at ten in the morning and I saw my parents in the sala. May pinag-uusapan sila pero tumigil din nang makita akong pababa ng hagdan.

“Good morning,"I greeted them before I went to the dining area to eat breakfast. Habang kumakain ay umupo sa tabi ko si Mommy. Umiinom na siya ng kape ngayon.

“What are your plans for today?"she asked.

Napaisip naman ako kung ano bang gagawin ko ngayong araw. Wala pa naman akong plano. Gusto ko lang manatili sa kwarto ko. Tuwing weekends ay nasa bahay lang talaga ako. Depende na lang kung naisipan kong mag-shopping kasama si Erich.

Uminom muna ako ng tubig bago sumagot.

“Wala naman, mommy. Bakit po?"tanong ko at ipinagpatuloy ang pagkain.

“Really? Hindi mo bibisitahin si Dominique?"

Napatingin ako kay mommy dahil sa tanong niya. Ngayon na binanggit niya iyon ay may ideyang pumasok sa isip ko.

“Now that you mention that, I might visit him in the plantation. Dadalhan ko na rin siya ng lunch,"sabi ko at napangiti si mommy. Iyong ngiting nang-aasar.

“Wow. Galawang asawa anak,ah. Hindi mo pa nga boyfriend si Dominique,"

Namula ang pisngi ko sa sinabi niya. Asawa lang ba ang naghahatid ng pagkain sa lalaki? Hindi ba puwede kapag kaibigan lang? Si Mommy talaga, nagiging ma-issue na rin.

Gaya nga ng sinabi ko ay nagpaluto ako ng lunch sa chef namin. Hindi nga kasi ako marunong magluto. Ayaw ko namang pakainin siya ng hindi masarap at baka malason pa siya.

Nagbihis na lang ako ng puting bestida at sandals t'saka ako nagpahatid sa driver namin papuntang Aranda plantation. Nabanggit kasi ni Dominique na tuwing weekends ay madalas siya sa planta kaya doon na rin ako didiretso.

Pagkababa ko ng sasakyan ay nilibot ko ang paningin sa malawak na planta. Kagaya nung una kong punta rito ay abala ang mga tauhan sa pagtatrabaho kahit na mainit. Gano'n naman talaga, kung gusto mong kumita kailangan mong magtrabaho. Lalo na kung kabilang ka sa mga taong ipinanganak na salat sa yaman.

Napalingon sa akin ang ibang tauhan, marahil ay nagtataka kung sino ako at kung bakit ako nandito. Siguro hindi na nila ako naaalala. Nilapitan ko ang isa sa kanila. Iyong medyo batang tauhan, siguro kasing edad ko lang ito.

“Excuse me, narito ba si Dominique?"tanong ko sa lalaki. Medyo nagulat pa siya at parang hindi makapaniwalang kausap ko siya.

“Ah, nasa langit na ba ako? Bakit nakakakita ako ng anghel?"tanong niya sa kasamahan niya.

Napakunot ang noo ko. Is he hitting on me? Hindi na lang ako nag-react dahil baka nagbibiro lang. Binatukan siya ng isa sa mga tauhan doon.

“Puro ka talaga kalokohan. Hindi mo ba narinig? Hinahanap niya si Sir Dom, ibig sabihin girlfriend siya ni boss,"sabi noong nambatok sa lalaki.

Hinintay ko silang matapos magtalo at hindi ko na rin itinama ang akala nila. Mukha bang girlfriend ako ni Dominique? Siguro bagay talaga kami. Pinigilan ko ang sarili na mapangiti dahil baka mapagkamalan pa akong baliw rito.

“Ah, Miss pasensya na sa mga kasama ko. Nandoon si Sir Dom sa likod ng pabrika. Gusto mo pong samahan ko kayo?"sabi ng isa pang lalaki na sa tingin ko ay mas matanda sa dalawang lalaking kumausap sa akin.

Tumango ako. “Sige, salamat,"sabi ko at sinundan siya papunta sa kung nasaan si Dominique.

Napakainit ng panahon kaya agad akong pinagpawisan dahil medyo malayo ang iikutin namin. Napakalaki naman kasi ang factory nila. Hindi pa ako nakapagdala ng payong.

“Ang swerte naman ni Sir Dom at may bumibisita sa kanyang kagaya mo Miss. Sa susunod po magdala kayo ng payong baka po mangitim kayo rito,"sabi ng lalaki.

Napangiti na lang ako. Iniisip din kaya ni Dominique na swerte siya dahil sunod ako nang sunod sa kanya? Baka iniisip lang no'n, isa lang akong spoiled brat na walang magawa sa buhay.

“Ayon po si Sir Dom. Tatawagin ko po ba o ikaw na lang ang lalapit?"tanong niya sa akin at itinuro si Dominique na mukhang nag-oobserba sa ginagawa ng mga tauhan nila.

Naka-asul na polo shirt siya at itim na pantalon. Nakakunot ang kanyang noo at nakapamulsa ang dalawang kamay. Napakseryoso naman ng datingan ng lalaking 'to. Hindi na ako magtataka kung palaging takot ang mga tao dito.

“Ako na lang ang lalapit. Salamat, ah,"sabi ko sa kanya at bumalik na siya agad sa pinanggalingan niya.

Tinitigan ko muna si Dominique mula sa malayo bago ako nagpasyang lapitan siya. Bitbit ko ang paper bag na may lamang pagkain.

“Napakaseryoso naman ng future Mayor ng bayang 'to,"bungad ko kay Dominique.

Nilingon niya ako at napakunot ang kanyang noo. Mukhang nasorpresa ko yata siya. Hindi naman kasi ako nagtext na pupunta ako.

“Lunch?"alok ko sa bitbit kong paper bag.

“Hindi ko alam na pupunta ka. Dapat sa office ka na naghintay,"sabi niya pagkatapos tanggapin ang binigay ko.

Napanguso ako bago nagsalita. “Hindi ko talaga sinabi sa 'yo. At saka sabi ng mga tauhan mo, nandito ka raw kaya nagpasama ako,"

Napakunot na naman ang noo niya. May nasabi yata akong hindi niya nagustuhan.

“P'wede mo naman akong tawagan para sana hinintay kita sa office. Hindi mo na kailangang magpasama sa mga trabahador dito,"seryosong saad niya bago hinawakan ang kamay ko at iginiya sa may shed.

“Eh, surprise nga 'di ba? Mabait naman sila, mukha nga raw akong anghel,"natatawang sabi ko.

“What? Who told you that?"he asked like he was about to get mad. Ano bang problema nito at parang mas lalong na-badtrip?

“Bakit galit ka? Hindi ba ako mukhang anghel?"nagtatampong tanong ko sa kanya.

Alam ko namang masungit ang mukha ko at hindi rin pang-anghel ang ugali ko pero hindi ba p'wedeng sakyan niya na lang? Buti pa ang mga trabahador marunong i-appreciate ang ganda ko.

“It's not like that. Tara na nga, samahan mo ako sa office, pero ituro mo muna sa akin kung sino ang nagsabing mukha kang anghel,"sabi ni Dominique at hinila na naman ako sa kung saan.

Pumasok kami sa isang pintuan sa gilid ng factory at sa tingin ko ay shortcut ito papuntang office niya. Tama nga ako dahil paglabas namin ay nasa kabila na kami at malapit na sa opisina niya.

Nilingon ko kung nasaan iyong mga pinagtanungan ko kanina. Naroon pa sila at napalingon din sa akin. Nginitian ko sila pero hindi naman sila ngumiti pabalik. Nag-iwas lang sila ng tingin.

Bakit kanina ang friendly naman nila? Tapos ngayon parang ni hindi nila ako kayang tingnan man lang.

“Stop smiling at them. Pumasok na tayo sa office at pinagpapawisan ka na rito,"sabi ni Dominique.

Sumunod na lang ako sa kanya papasok sa office. Malawak ang opisina ni Dominique. Puro puti ang kulay ng pader at itim naman ang mga kagamitan. Napakilinis din at walang kung anong nakakalat sa mesa niya. Sa likod ng mesa ay nakasabit ang portrait nilang pamilya. Si Mayor Enrique, ang ina ni Dominique at siya sa gitna. Bata pa siya sa picture, siguro nasa pitong taong gulang pa lang siya doon.

Naalala ko na naman tuloy ang sinabi ni Sabelle tungkol sa dahilan kung bakit ayaw makipagrelasyon ni Dominique. Ayaw raw nitong magaya ang babaeng mahal niya sa nangyari sa kanyang ina. Ano kayang nangyari sa mama niya?

Nilingon ko si Dominique at nakitang binubuksan na niya ang lalagyan ng pagkain na dala ko. Sinigang na karne ng baboy ang ipinaluto ko.

“Baka kiligin ka masyado, hindi ako ang nagluto niyan. Pero ako naman ang nagdala rito kaya nag-effort pa rin ako,"sabi ko at umupo sa may sofa.

Natawa si Dominique at sinimulan nang kainin iyon.

“Have you eaten?"he asked and I nodded.

“Kakakain ko lang bago ako umalis ng bahay, para sa'yo lang 'yan,"sabi ko.

Habang kumakain siya ay lumapit ako sa mesa niya at umupo sa kanyang upuan. Hindi naman niya ako sinaway, nanatili siyang nakatitig sa akin mula sa puwesto niya.

Napansin ko ang phone niya na nakapatong doon. Kinuha ko ito at nakitang walang password. Alam kong masama mangialam ng gamit ng iba pero hinayaan niya lang ako. Una kong tiningnan ang pangalan ko sa contacts niya. Camellia.

Napangiti ako. Ang hilig talaga naming tawagin sa buong pangalan ang isa't isa kahit na may mga palayaw naman kami. Ang iba kasi ay tinatamad banggitin ang buong pangalan ko pero siya buo talaga.

Sunod kong binuksan ang camera at nag-selfie. Mga sampung shots ang ginawa ko bago ko tinigilan ang phone niya. Saktong tapos na kumain si Dominique.

“Dito ka lang ba buong araw?"tanong ko.

“Probably,"he answered.

“So, I can stay here too? Wala naman akong gagawin, hindi ako mangungulit promise,"sabi ko at muli naman siyang natawa.

Bakit ba kapag tumatawa siya parang ang sarap sa tainga? Nababaliw na ba ako? Parang kahit maghapon kong pakinggan ang tawa niya ay hindi ako magsasawa. His laugh is like music to my ears.

“Sure. Pero baka ma-bored ka lang dito,"sabi niya.

“I won't. Kaysa naman nasa bahay lang ako,"sagot ko naman.

Saglit niya akong tinitigan bago tumango. “Okay. You can freely roam around,"

Iniligpit niya na ang pinagkainan niya at inilapag na muna sa isang cabinet. Mamaya ko na lang kukunin iyon kapag uuwi na ako.

Lumabas siya ulit dahil may mino-monitor pala siyang trabaho doon. Ako naman ay nanatili saglit sa loob ng opisina bago lumabas nang mainip ako. Lilibutin ko na lang ulit ang buong planta.

Nasaan na naman kaya si Dominique? Dapat pala sumabay na ako sa kanya kanina paglabas niya.

Lumapit ako sa mga nagbubuhat ng mga kahon at inilalagay sa truck. Malalakas din ang mga trabahador dito. Lima-limang kahon ang buhat ng bawat tao. Ni isa ata hindi ko kayang buhatin.

“Miss! Tumabi ka diyan!"

Napalingon ako sa sumigaw at nakitang isa-isang naghulugan ang mga kahon mula sa pinagkakapatungan nito. Hindi ako nakagalaw at nanigas ako sa kinatatayuan ko.

Shit!

Napapikit na lang ako at hinintay na magbagsakan sa akin ang mga kahon ngunit naramdaman kong may humila sa braso ko. Bumagsak ako sa lupa kasama ang taong humila sa akin.

Sunod-sunod na nagbagsakan ang mga kahon na may lamang iba't ibang produkto. Hindi ko maisip ang magiging itsura ko kung sa akin bumagsak ang mga iyon. Panigurado malalamog ang katawan ko.

“Damn! I'm almost late,"tiningala ko ang taong humila sa akin at nakita si Dominique. Tumayo ito at tinulungan din akong tumayo. “Are you okay? Nasaktan ka ba?"

Hindi ako agad nakasagot dahil gulat pa rin ako. Nakatitig lamang ako sa nag-aalalang mukha ni Dominique. Mas lalo tuloy siyang nag-alala at siya na mismo ang tumingin sa braso ko kung may sugat ba ako.

Nagsilapitan din sa amin ang ibang tauhan.

“Sir, ayos lang po ba kayo?"tanong ng isa.

“Pasensya na po sa nangyari,Sir. Bumigay po ang patungan ng mga kahon kaya nawalan ng balanse,"paliwanag naman ng isa. “Ibawas niyo na lang ho sa sweldo namin,"

Binalingan sila ng tingin ni Dominique at ang akala ko ay magagalit siya.

“Linisin niyo na ang kalat. Aksidente ang nangyari kaya hindi ko ibabawas sa sahod ninyo iyon,"sambit ni Dominique na nagpaluwag sa hininga ng mga trabahador.

Napakabait at responsableng amo talaga ni Dominique. Nararapat lang na siya ang maging susunod na Mayor ng lugar na 'to. May malasakit siya sa mga tao kahit sa mahihirap.

Muli siyang tumingin sa akin. “Ayos ka lang ba? Bakit hindi ka nagsasalita? Dadalhin na ba kita sa hospital?"tanong niya at umiling ako.

“I'm fine. Nagulat lang ako sa nangyari,"sagot ko.

Pero mas nagulat ako nang bigla niya akong kabigin upang mayakap. Iyong yakap na parang takot siyang mawala ako. Yakap na ayaw akong pakawalan. Yakap na hahanap hanapin ko.

______________________

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top