Chapter 22

chapter twenty-two
── ⋆⋅☆⋅⋆ ──

Akala ko dati ang pinakanakakatakot na sandali ng buhay ko ay iyong maging mag-isa na lang ako sa mundo, pero hindi pala dahil sinalo ako ng tiyahin ko. Naging maayos ang pakikitungo niya sa akin, kaya hindi ako naging pariwara o may malungkot na memorya noon.

Laking pasasalamat ko sa kaniya, kaya kahit lagi niyang pinapaalala sa akin na responsibilidad niya ako dahil tiyahin ko siya, alam kong hindi ko dapat iyon itatak sa utak ko, dahil may sarili siyang buhay. Iba pa ako doon.

Malaki ang utang na loob ko sa kaniya. At gusto kong suklian iyon kahit papaano, pinakahuli ang paiiyakin ko siya at pinangako ko dahil dapat iyon sa tuwa o galak sa akin.

Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana, kagaya ng sabi nila. Ang mga pangarap at pangako ko, unti unting gumuho habang nakatunghay ako sa kaniya ngayon at parehas kaming umiiyak, hindi sa tuwa kun'di dahil sa katotohanang nasira ko ang pangarap naming dalawa para sa akin.

"B-buntis ka ba, Abigail? Sagutin mo ako ng diretso, buntis ka ba?! Sa 'yo ba iyang mga pregnancy kit na puros positive ang resulta?!"

Napasinghap ako sa pagsigaw ni Tita Anne. Kaagad na umalalay sa kaniya si Tito Armando na dismayado rin sa akin.

Napayuko ako, pumikit ako at kinalikot ang aking mga daliri. Bakit ngayon pa? Gusto kong manlumo sa sitwasyong kinalalagyan ko ngayon, hindi pa man natatapos ang araw na ito ay ang dami nang nangyari. Parang gusto kong bumigay na lang.

"Sagutin mo ako, Abigail Coleen! Buntis ka ba?! Ang nobyo mo ba ang ama niyang dinadala mo?! Sumagot ka! Sumagot ka dahil nanggigigil ako sa kapusukan niyo!"

"Anne, h'wag ka namang sumigaw. Baka kung mapaano ka niyan, hayaan mo munang kumalma ang pamangkin mo, kung buntis man siya, baka makasama sa bata." Pagitna ni Tito.

"H-hindi mo ako naiintindihan, Armando. H-hindi mo ako naiintindihan, pakiramdam ko, nagkulang ako. Pakiramdam ko, napabayaan ko siya, gayong ang pangako ko sa mga magulang niya ay aalagaan ko siya at babantayan! Pagtatapusin ng pag-aaral at magkakaroon ng magandang kinabukasan! Marami akong pangarap para sa kaniya, marami! Sobrang dami na ngayon ay unti unting sinasampal sa akin na may tatahakin na siyang ibang daan dahil may isang buhay na siyang iisipin!"

Napalakas ang paghagulhol sa narinig. Hiyang hiya ako kay Tita ngayon dahil alam kong sa kabila ng pera na iniwan sa akin ng mga magulang ko, kumakayod din siya para sa akin. Ni hindi ko man lang masyadong nagalaw ang pera sa bangko dahil pera niya ang ginagamit ko.

Wala akong hiya.

Hindi ko man lang naisip na masasaktan ang tiyahin ko sa balitang ito. Hindi sa ganitong paraan ko balak ipaalam sa kaniya ang sitwasyon ko, ngunit sadyang naging pabaya ata ako kaya naunahan niya ako.

Inabot ko ang kamay ni Tita, unti unti akong lumuhod sa harapan niya.

"A-anong ginagawa mo! Tumayo ka d'yan! Hindi mo ako kailangang luhuran at humingi ng tawad, dahil baka nga nagkulang talaga ako sa 'yo. Kasalanan ko kung bakit umabot ka sa ganyan, masyado akong naging focus sa sarili ko't nakalimutan ko ang pangako ko sa mga magulang mo." Pagpipilit ni Tita na maitayo ako.

"Hija, tumayo ka, baka makasama sa anak mo. Halika, dito sa couch, dumito muna kayong mag-tiyahin at kukuha ako ng tubig." Alalay ni Tito Armando sa akin pagkatapos niyang alalayan si Tita Anne na maupo.

Nang makaalis si Tito ay naging tahimik kami ni Tita. Ang tahimik ng paligid na sadyang nakakabingi na para sa akin.

Gustuhin ko mang magsalita, humingi ng tawad sa kaniya ay hindi ko naman makapa ang sarili kong dila. Tila ba nawala ito o biglang naputol, dahil sa kaba at kalituhan sa aking isipan.

"Saan ka galing kanina?"

Napa-angat ang tingin ko kay Tita. Napawi niya na ang luha niya ngunit namumugto naman ang kaniyang mga mata.

"S-sa clinic po. Nagpa-check up ako para malaman ko kung tama ba ang ibinigay na resulta sa akin ng pregnancy kit na nabili ko."

"Kailan ka pa nag-take nito?" Pagtataas ni Tita sa transparent box na pinaglagyan ko ng mga pt, kung saan puros positive ang nandoon.

"Last three weeks pa po. Ngayon lang ako nagkaroon ng time para mapag-check up kaya umalis po ako kanina."

"Ano'ng sabi ng doktora?"

Napalunok ako. Sobrang lamig ng boses ni Tita. Tutok na tutok din ang mata niya sa akin, at ipinapakita talaga no'n anh pagkadismaya niya sa akin.

Nakalikot kong muli ang aking daliri. Napasunod ng tingin do'n si Tita, at sumunod din ang malalim niyang pagbuntong hininga. Muli akong napayuko nang napapikit si Tita at muling umagpas ang luha niya.

"Paano na ang pag-aaral mo, Abigail? Dalawang buwan na lang ay mag-ma-martsa ka na. Makakatungtong ka na ng college—Alam ba ni Troy na nagdadalang tao ka?"

Mas lalo akong natigilan sa biglaang tanong ni Tita Anne.

"Abigail, tinatanong kita."

Napalunok ko at umiling. "H-hindi po, Tita. At wala rin po akong balak na sabihin sa kaniya na dinadala ko ang anak niya."

"Jusko! Armando!"

Kagat kagat ko ang aking pang-ibabang labi nang mag-angat ako ng tingin kay Tita. Para bang tatakasan siya ng bait sa narinig. Kaagad din namang dumating si Tito dala ang pitsel at baso ng tubig.

"Anne, h'wag mo munang pangunahan ang pamangkin mo. Dinggin mo na muna ang rason niya, ano ka ba. Baka mamaya ay tumaas na naman blood pressure mo."

"Paanong hindi taas?! E, hindi alam ng lalaking iyon na buntis ang pamangkin ko! Parehas nilang ginawa iyan, hindi pwedeng pamangkin ko lang ang magdusa!" Inis na wika ni Tita.

"T-tita, choice ko naman po ito." Wika ko. Natigilan siya, maging si Tito. "Desidido naman po akong panagutan ni Troy, sinabi niya po iyon sa akin, pero pinal na po ang desisyon ko na hindi niya kailangang malaman na magkaka-anak kami. Sapat na po na ako lang ang huminto sa pag-aaral, may tamang panahon naman po para pagnagutan niya ako at malaman niya ang totoo."

"Hindi ako pabor sa ganyan, hija. Pero ikaw ang ina ng dinadala mo, ikaw ang may karapatang magdesisyon tungkol sa bagay na iyan." Ani Tito Armando.

Gumawi ang paningin ko kay Tita na malambot nang nakamasid sa akin. Umiiyak pa rin ito at inaalo ni Tito Armando.

"P-pasensya na po kung nadismaya kita, Tita Anne. Hindi ka nagkulang sa pagpapaalala sa akin, sa pag-gabay at pag-aalaga. Wala na akong mahihiling pa kung papaano mo ako itrato na parang sa iyo ako nanggaling. Hindi ka nawalan ng oras sa akin, kasi laging ako ang top priority mo, at malaki ang pasasalamat ko sa 'yo, Tita. Tanggap ko po ang pagkadismaya mo sa akin, dahil nabali ko ang pangako ko sa 'yo, pero babawi po ako. Hindi man ako makatungtong ng kolehiyo pagkatapos ng graduation ko, itutuloy ko pa rin po iyon kapag lumaki ang anak ko. Iyong mga pangarap mo sa akin . . .  na'tin, tutuparin ko po iyon."

Lumapit ako kay Tita. Hinawakan ko ang kamay niya at maya'y yumakap na. Ramdam ko ang unti unting pag-akap din sa akin ni Tita na siyang ikinapikit ko.

"Hindi kita bibiguin sa ikalawang pagkakataon, Tita. Pangako ko po iyan. Hindi na po ako magkakamali, susunod na po ako sa 'yo—"

"H'wag mo nang isipin ang bagay na iyan, Abigail. Alam ko kung gaano ka kabuting bata, sadyang sinubukan ata tayo ngayon kaya napunta tayo sa ganitong sitwasyon. Tahan na, hmm. Baka makasama sa apo—May apo na ako! Hindi pa ako handang maging lola, pero dahil ikaw iyan, buong puso kong tatanggapin ang bagong ikaw, Abigail."

Tuluyan pang bumuhos ang aking luha sa narinig. Yumakap ako ng mahigpit kay Tita. Tanggap ko kung magagalit siya, ngunit hindi iyon ang ipinakita ni Tita sa akin. At nagpapasalamat ako.

Mataimtim akong kinausap nila Tita Anne at Tito Armando pagkatapos. Tinanong nila ang check up ko at ibinigay ko naman sa kanilan ang buong detalye, at ultrasound ko.

Sabi ng doktora ay hindi pa makikita ang bata sa ultrasound dahil hindi pa naman nadedevelop. Hindi pa rin daw sure kung buntis ako pero malaki ang possibility, dahil may mga symptoms na daw akong nararanasan. Kung hindi daw ako dadatnan sa araw na inaasahan ko o tuluyang ma-delay ang period ko ay bumalik ako sa kaniya for follow up check up.

Pagkatapos kong ipaliwanag sa kanila ay tinanong ako ulit nila Tito kung sigurado na ba akong hindi ko sasabihin ang balita kay Troy, at kaagad akong tumango.

Ayaw ko siyang pagdamutan sa anak namin. Pero ayaw ko ring parehas kaming hihinto sa pagkamit ng pangarap namin.

Kung kami talaga, ibibigay ng panahon ang tamang oras sa amin. Sa ngayon, ang kailangan ko ay linisin muna ang lahat bago tuluyang lumagay sa buhay na inaasahan ko na.

"Normal na makaramdam ka ng tiredness at mas malala pa sa morning sickness na nararanasan mo ngayon, since nagde-develop na ang bata sa tiyan mo. H'wag ka na ring magpa-stress dahil mahina pa ang kapit ng bata kapag nasa ganitong stage."

"Paano 'yan, Dra., e nagpra-praktis na sila ng graduation march, masama po ba iyon sa kaniya?" Si Tita Anne na focus na focus sa doktor.

Iyon din ang tanong ko. Kakaumpisa pa lang namin, may ilang linggo pa kaming mag-pra-praktis, at totoong nakakapagod iyon dahil kapag may nagkamali ay uulitin namin kun'di sa simula ay sa kalagitnaan naman.

"Naku, Ma'am. I suggest na kausapin niyo ang in charge sa kaniya. Hindi po pwedeng mapagod ang pamangkin niyo't baka mag-cause pa ito ng masamang balita. For her stage, maselan ang unang pagbubuntis."

Nagkatinginan kami ni Tita at muli ring nabaling nang magsalita ang doktora. May ilan pa siyang binilin sa akin, bago kami nakauwi ng tiyahin ko.

Kakabukas pa lamang ng gate ay nagulantang na ako sa bultong sumalubong sa amin.

"T-Troy."

"Oh, hijo. Napaaga ata ang uwian niyo," kaswal na salo sa akin ni Tita. Sumunod ako sa kaniya sa loob ng bahay at ramdam ko rin ang pagsunod sa akin ni Troy. Maging ang titig niya ay nasa akin din.

"Ah, opo. Half day lang naman po kami ngayon, kaya naisipan ko na rin pong dumaan, kasi hindi naman pumasok si Abigail."

"Sige, maiwan ko na muna kayo. Sa kusina lang ako at dito ka na pala kumain ng hapunan, hijo." Aniya pa ni Tita at iniwan na kami sa sala.

Nagsalubong ang paningin namin ni Troy. Tumaas ang kilay nito at maya'y ipinakita sa akin ang pagka-irita niya.

"May problema ba tayo, Abigail?"

Napangiwi ako sa tanong niya.

"Tungkol na naman ba 'to sa hindi ko pagpaparamdam sa 'yo?" Walang gana kong tanong.

"Kung sabihin mo sa akin iyan, ay parang napakawalang kwenta ng dinadaing ko, Abigail." May hinanakit sa kaniyang boses.

Naalarma naman ako doon. Hindi ko naman intensyong gano'n ang maging dating sa kaniya. Pagod ako, at inaantok na. Gusto na ring bumaliktad ng sikmura ko dahil sa pabango niya, kaya bago ko pa siya sagutin ay mabilis akong pumanhit paakyat ng kwarto ko.

"Abigail, ano ba—Babe? Masama ba ang pakiramdam mo?"

Hindi na ako nakasagot pa sa kaniya ng makapasok ako ng banyo at tuluyang nasuka sa sink. Kaagad na umalalay si Troy sa akin at ang kaninang nauurat niyang reaksyon ay napalitan ng pag-aalala.

"M-magpalit ka ng damit. Kumuha ka sa pinakadulong cabinet, doon ko nilagay 'yong ilang t-shirt mo, bilis." Nanghihina kong sambit at hinilamusan ang sarili ko.

"Mabaho ba ako?"

"Gawin mo na lang. Galing ka sa labas, hindi ba? Tsaka, nag-praktis ka, naamoy ko ang natuyo mong pawis kaya't magbihis ka na. Gamitin mo rin 'yong cologne ko, iyong bilog na crystal sa makeup desk ko, bago mo ako lapitan."

Nalulukot ang mukha niya habang nakatingin sa akin. Ngunit sa huli ay hindi na lang siya nagsalita at sinunod na lang ako.

Nahiga ako sa kama ng magpalit siya ng damit. Ipinikit ko ang mga mata ko at nagpadala na lang sa antok.

Nagising din ako ng maramdaman ko na may mabigat sa aking tiyan. Napamulat ako at naalarma dahil baka mapisa ang anak ko! Kaya wala sa sariling gumilid ako at sumalubong ang mukha ni Troy sa kutson.

Akala ko pa ay magigising siya dahil doon ngunit nagpatuloy lamang ang pahilik niya. Nakonsensya naman ako, mukha kasi siyang pagod na pagod. Hinimas ko ang pisngi niya.

"Ayaw kong ipagdamot sa 'yo ang pagkakataon na 'to pero hindi ko kayang ipagdamot sa 'yo ang malinaw na future mo sa medisina, Troy. Mahal na mahal kita, at alam kong gano'n din ang anak na'tin sa 'yo."

Napabuntong hininga ako ng malalim bago umayos ng tabi kay Troy. Bago pa ako pumikit ay siyang katok naman sa pintuan ko kaya maingat akong tumayo ng kama at pinagbuksan ang nasa labas. Si Tita pala, sumilip pa siya sa loob at napabuntong hininga.

"Naasikaso na ng Tito Armando mo ang bahay na tutuluyan na'tin sa Siargao. Sa biyernes ang alis na'tin kaya may tatlong araw pa kayong dalawa para sulitin ang oras mo, hija. Kakatawag lang rin ng principal at guro mo sa akin, bukas na bukas din ay pupunta ako sa school mo at kakausapin sila tungkol sa graduation mo."

"Salamat po, Tita."

Ngumiti ng malawak ang tiyahin ko. "Magsabay na kayong kumain ng nobyo mo, nauna na kami ng Tito Armando mo, kinatok namin kayo kanina pero parehas naman kayong tulog. Ano'ng oras na rin at baka gusto nang kumain ng anak mo." Mahinang wika niya.

"Hindi pa po ako nagugutom. Mukhang mag-ga-gatas na lang po ako. Gigisingin ko na rin po si Troy, baka hinahanap na siya sa kanila."

"Ayaw mo bang dito na iyan matulog? Tutal ay ilang araw na lang, sulitin mo na. Alam kong ma-mi-miss mo ng todo, kaya pumapayag akong magsama kayo diyan, basta ba't walang milag—"

"Tita," suway ko sa kaniya.

Tumawa siya ng mahina. "Sinasabi ko lang. Oh basta, ikaw na ang magdesisyon, kung ako lang, ayos lang sa akin, kahit papaano kasi ay nakakasama niya ang anak niya kahit nasa loob pa iyan ng tiyan mo."

Napatango ako. Hindi ko na nagawang magsalita pa dahil bumigat ang aking pakiramdam. Pagkapasok ni Tita Anne sa kwarto niya ay humayo na ako para bumalik sa higaan.

Nang sumampa ako ay napanguso ako ng todo.

"Kailangan mong umuwi, kapag nag-stay ka dito baka magbago ang isip ko." Malalim akong bumuntong hininga at humiga ng maingat sa tabi niya. Tumagilid ako at ginawang unan ang aking kamay habang nakapako ang paningin ko sa tulog na tulog kong nobyo.

"Sana maintindihan mo ako, Troy. Hindi ko 'to gagawin para mailayo ka sa anak na'tin, ginagawa ko 'to kasi ito ang makakabuti para sa ating dalawa."

Umusog ako papalapit sa kaniya at yumakap. Ramdam ko ang pag-react din ng katawan ni Troy sa akin at kusang pumulupot ang braso niya sa baywang ko. Mas lalo pa akong nagsumiksik hanggang sa namalayan ko na lang na umiiyak na pala ako. Bago pa ako makalayo sa kaniya, rinig ko na ang nagtataka niyang boses. Mukhang nagising ko siya talaga.

"B-babe? Bakit ka umiiyak? May masakit ba sa 'yo? O binangungot ka?" Pag-aalo niya sa'kin.

Mabilis akong umiling. Mas sumiksik ako sa leeg niya at yinakap siya ng mahigpit.

"M-mahal na mahal kita, Troy. Tandaan mo 'yan ah, sobrang mahal kita."

Paano ko lalayuan ang taong 'to, kung ganito pa lang nga ay lubos na akong nangungulila? Ang hirap, ang hirap hirap magdesisyon sa ganitong sitwasyon pero kailangan kong panindigan ang desisyong makakabuti para sa amin.

Lumapat ang labi ni Troy sa aking noo. Matagal iyon at dinama ko ng husto.

"Mahal na mahal din kita, Abigail. Sobrang mahal kita, at lalo pang nadadagdagan ang nararamdaman ko sa 'yo bawat araw."

Napangiti ako. "At walang palya mong naipaparamdam sa akin 'yan, Troy, kaya nagpapasalamat ako sa 'yo."

Ako na ang lumayo sa kaniya ng bahagya upang magkaroon kami ng espasyo at makita ko ang mga mata niya.

"Pasensya ka na kung nitong nakaraan ay masyado akong naka-distansya sa 'yo. Magulo lang talaga ang isip ko at ayaw kong madamay ka, kaya mas pinili kong h'wag kang pansinin at lumayo muna. Pero mali ako. Mali ako, kasi nasaktan kita. Sorry, babe."

Malawak na ngumiti si Troy sa akin.

"You're forgiven, babe. Basta h'wag mo nang uulitin 'yon ah. Binabaliw mo ako, Abigail. Kapag ginawa mo 'yan sa susunod ay magagalit na ako sa 'yo."

Napipilan ako sa huli niyang sinabi. Seryoso ang mukha niya habang sinasabi iyon sa akin.

Bumuntong hininga siya at maya'y dahan dahang pinadaosdos ang daliri niya sa sintido ko.

"Kung may problema ka, pwede na'ting pag-usapan, babe. Hindi iyong lalayuan mo ako, at hindi ka magpaparamdam ng ilang araw. Nakakatakot, nakakakaba, at higit sa lahat nakakagalit dahil bigla ka na lang naging gano'n. Pero iintindihin kita kasi iyon ang dapat kong gawin. Hindi naman mababaw ang dahilan mo kaya iintindihin kita, but sometime try to open up to me, hmm..."

"Sorry na, hindi ko na uulitin, Troy. Basta h'wag ka magalit sa akin." Naiiyak kong wika.

Mabilis niyang pinunasan ang luha ko at ngumiti. "Hindi ako magagalit, basta h'wag mo nang uulitin, okay?" Tumango naman ako. "Kapag inulit mo iyon, baka hindi ko na mapigilan ang sarili ko, Gail. Alam mo kung gaano ka kahalaga sa akin. Kaunting hindi mo lang paramdam, para na akong mababaliw. Gano'n kalala ang nararamdaman ko para sa 'yo. Kaya panghahawakan ko iyang pangako mo, hmm."

"I'm sorry, . . . " Tanging naisambit kong muli bago yumakap sa kaniya at tahimik na umiyak.

"I love you, Abigail. I love you so much, kaya please, h'wag kang lalayo sa akin basta basta. Sobra akong nasasaktan, babe."

Madiin akong napapikit.

I'm sorry, babe. Pero babaliin ko ang pangakong narinig mo sa akin. Hindi ko kayang sabihin sa 'yo ang bagay na alam kong pipigilan mo lang din. Mahal na mahal kita, tuparin mo ang pangarap mo habang inaalagaan ko ang anak na'tin at kapag dumating ang panahon na makilala mo siya, ako naman ang kakamit sa pangarap ko. At kung tayo talaga, mabubuo ang pamilya na'tin sa huli.

──
𝓳𝓮𝓷𝓪𝓿𝓸𝓬𝓪𝓭𝓸

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top