Charm's Lucky

HINDI ko alam kung paano ko nga ba uumpisahan ang kwento nating ito. Ang kwento kung paanong ang buhay ko ay binago ninyong dalawa. Ilan pang pag-iisip, napagpasyahan ko na siguro magandang umpisahan ko na lang muna sa pagku-kwento ng tungkol sa buhay ko kahit pa wala namang interesante sa akin?

Isa lang naman kasi akong palaboy sa kalye. Ako iyong makikita mong pagala-gala, makikikain sa tira-tirang pagkain ng iba. Minsan ay nakaungkot at naiinggit habang pinapanood silang nabubusog ng masasarap na pagkain, minsan din ay sinusubukan kong maki-agaw sa ibang tulad kong nakatira sa lansangan pero sa huli nasasaktan lang kapag ginagawa ko iyon.

Dahil nga wala naman akong bahay na mauuwian, kaya naman umaraw o umulan at maksi pa bumagyo ay nasa lansangan lang ako. Kahit malamig sa gabi, nagtitiis akong mamaluktot sa isang gilid ng kalsada. Pero matibay ako.

Hindi ko ikinamamatay ang lahat ng iyon. Hindi ko ikakamatay ang lamig, ang gutom at ang pagod sa araw-araw na paglalakad para lang makahanap ng maiilaman sa aking tiyan. Ang ikinakatakot ko lang naman ay ang masagasaan ng sasakyan kaya naman labis akong nag-iingat sa pagtawid sa kalsada. At ang takot na may makaharap akong masamang tao at kunin niya ang buhay ko kaya naman palagi akong alisto. Agad akong tumatakbo nang mabilis at nagtatago kapag nararamdaman ko at nakikita ko ang galit at pagkaayaw sa akin ng isang tao.

Akala ko habang buhay na akong ganoon. Hindi ko kailanman inasahan na mararanasan kong magkaroon ng tinatawag nilang tahanan. Hindi ko kailanman inaasahan na makakakain ako ng masarap na pagkain nang hindi nagmamakaawa, nang hindi nasasaktan para makipag-agawan, nang hindi nasisipa sa labas ng mga kainan habang nakaabang sa itatapon nilang pagkain. Hindi ko inaasahan na darating ang tag-araw at muling magtatag-ulan nang may nasisilungan at nauuwian na ako. Hindi ko inakala na may yayakap sa akin nang hindi ako pinandidirihan. At ni minsan hindi ko inakala na magkakaroon ako ng sariling pangalan.

At dito ka na papasok sa kwento na ito.

Lucky, alam mo bang ikaw 'yong masasabi kong nagbago ng buhay ko? Maniwala ka man o sa hindi, ikaw ang nagsisilbing lucky charm ng buhay ko. Tamang tama ang ipinangalan nila sa iyo dahil isa ka ngang lucky, sa buhay ko at sa buhay niya, ng nagsisilbi mong magulang.

Lucky, hindi ko alam kung ano bang nakita mo sa akin. Dahil simula nang makita mo ako sa labas ng kainan na iyon kung saan kayo naroon ng magandang babae na kasama mo, na napag-alaman kong magulang mo, ay hindi mo na ako nilubayan ng mga mata mo at ng bawat tawag mo kaya siguro nakuha ko rin ang atensyon niya.

"Gusto mo ba siya?" iyon ang narinig kong tanong niya sa iyo.

Tumingin ka sa kanya saka muling ibinalik sa akin ang tingin at saka ka sumagot. Lumabas kayo at nilapitan ako. Sa unang pagkakataon, naranasan kong mayakap.

Walang pandidiring binuhat niya ako at nakangiting kinausap, "Hi! Ako si Elisha. Wala ka bang bahay? Gusto mong sa amin ka na lang tumira?"

Halos maiyak ako nang sumagot sa kanya. At hindi ko na napigilan ang maya't mayang pag-iyak nang makita ko sa ngiti niya at sa iyong ngiti ang tuwa lalo na noong naglalakad kayo habang pauwi tayong tatlo sa bahay ninyo nang gabing iyon.

Hindi ako makapaniwala na isinama ninyo ako sa inyong tahanan. Hindi ako nagtangkang tumakbo dahil wala akong nararamdamang takot bagkus ramdam na ramdam ko ang kabutihan ng inyong puso. Ramdam na ramdam ko ang init ng yakap ninyo sa akin. Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal sa bawat tingin ninyo sa akin.

Niliguan niya ako, dinamitan, at binigyan ng mainit at kumportableng higaan. Sa unang pagkakataon naranasan kong matulog nang hindi inaalala kung may magtataboy ba sa akin paalis sa harapan ng kanilang tahanan o kung may magbubuhos ba sa akin ng tubig dahil nakihiga ako sa labas ng kanilang tindahan. Sa unang pagkakataon hindi ako nagising dahil sa lamig ng paligid. Sa kauna-unahang pagkakataon may natawag na akong tahanan ko.

"Charm! Iyon na lang ang pangalan mo. Ikaw si Lucky at ikaw si Charm." Mahigpit niya tayong niyakap. Tuwang tuwa siya, kitang kita iyon sa malapad niyang ngiti. Nagkatinginan tayo at inilapit ang ulo sa isa't isa. Sa unang pagkakataon, nagkaroon ako ng sariling pangalan na hindi katulad ng tawag sa halos lahat ng katulad ko.

Hindi ito ang unang beses na nagkaroon ako ng kalaro, pero ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ako ng kapatid at matalik na kaibigan sa katauhan mo. Hindi ko nga akalain dahil kahit magkaiba tayo ay nagkasundo pa rin tayong dalawa. Ganoon nga siguro kapag gusto mong maging kaibigan, hindi kailanman magiging hadlang ang pagkakaiba ng lahi natin.

Tuwang tuwa ako sa tuwing naiiwan tayong dalawa sa bahay kapag umaalis ang ating mommy. Oo, mommy. Hindi ba't iyon daw ang itawag natin sa kanya? Sa unang pagkakataon, nagkaroon rin ako ng ina sa katauhan niya.

Kapag naiiwan tayo sa bahay kapag nagta-trabaho ang ating mommy, maglalaro tayo nang maglalaro. At kapag napagod ay matutulog. Kakain kapag oras na ng kain at saka muling maglalaro. Kapag naman wala siyang pasok sa trabaho ay iginagala niya tayo sa parke. Doon tayo maglalaro kasama ang iba nating kaibigan na nakilala ko dahil sa iyo. Mababait sila. Hindi nila ako inaaway. At alam ko rin naman na kapag inaway nila ako ay ipagtatanggol mo ako.

Hindi ba't ganoon ang palagi mong ginawa kapag naglalakad tayo sa kalsada at nakakasalubong tayo ng mga salbahe? Palagi kang humaharang sa harapan ko, namin, para mabantayan kami at ma-protektahan? Ganoon ka katapang. Ganoon mo kami kung alagaan.

Ilang taon ang lumipas. Pareho na tayong tumatanda pero nanatili tayong bata, walang kapaguran ang paglalaro. Lalo pa nga't mas dumami rin tayo sa ating tahanan dahil maraming katulad ko, natin, ang naging anak ng ating mommy. Nagtataka ka siguro kung bakit alam ko ang tungkol sa iyo. Alam ko, dahil ikinu-kwento iyon sa akin ng ating mommy. Nalaman ko na katulad ko ay tinulungan ka rin ng ating mommy, ng ating daddy na hindi ko na nakilala pa. Kahit naman nawala siya, hindi naging sarado ang puso ng ating mommy. Nagkaroon siya ng asawa at nagkaroon din sila ng supling, ang napakagandang si Baby Hannah na palagi nating binabantayan. Tuwang tuwa ako sa tuwing isasama tayo ng ating mga magulang sa mga litrato ng

Naging mas maingay ang tahanan at naging mas magulo pero naging mas masaya. Iyon ang palagi niyang sinasabi sa atin. At iyon din ang nararamdaman ko, at natitiyak kong iyon din ang nararamdaman mo.

Ngayon, sampung taon na ang lumipas simula nang magbago ang buhay ko dahil ssa tingin at pagkahol mo, dahil sa pagsagot mo sa ating mommy nang tanungin ka niya kung gusto mo ba ako. Sampung taon na, Lucky, at labis akong nagpapasalamat. Sa sampung taon na iyon, hindi ka nagkulang na maiparamdam sa akin ang iyong pagmamahal. Sa sampung taon na nakilala kita, puro saya na lamang ang tangi kong naramdaman.

Maraming salamat, Lucky. Dahil kahit nakahiga ako ngayon at nanghihina dahil sa panganganak sa aking limang kuting, ikaw pa rin ang nasa tabi ko. Alam ko, ngayon, sila naman ang aalagaan at po-protektahan mo. Sila naman ang mamahalin mo nang walang katumbas. At alam ko, balang araw, sasabihin din nila, na ikaw ang aking lucky charm, lucky.

***

Charm’s Lucky is a sequel of short story "Luke and Lucky" written by HannahRedspring


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top