(A) Little Damsel in Distress (Completed)

Batang may musmos na katangian. Batang walang alam kundi ngumiti. Batang nagsikap lumaban kahit walang inang umaagapay. Iyong iiyak siyang nakahawak sa mga tuhod kung saan wala siyang magawa para protektahan ang sarili sa lahat ng sakit na nararamdaman. Iyong kahit may sakit gagamutin ang sariling mag-isa at pipiliting magtrabaho kahit sa musmos at patpating kalagayan kung saan walang magawa kundi umiyak ng payapa. 

     Iyong naghahanap ng pagkalinga ng inang nandiyan para pakinggan lahat ng sakit na nararamdaman. Iyong gusto magsumbong ng lahat ng ginagawa nila. Iyong batang pinilit magpakatatag at tanging pluma at tinta ang hawak upang maibsan ang sakit na nadarama. Iyong walang magawa kundi umiyak sa kuwadradong lugar kung saan walang nakakakita sa kaniyang kahirapan at kawalang pag-asang mabuhay ng normal. 

      Iyong batang maitim at patpatin na walang laban. Iyong napapagalitan kahit wala namang kasalanan. Iyong pagsasabihan ng masasakit na salita dahil walang magulang na nandiyan para ipagtanggol siya. Iyong gustong umapela kasi wala naman siyang ginagawang masama pero hindi hahayaang pagsalitain dahil alam nilang laging mali siya; walang ibang tama kundi ang sasabihin nila.

     Iyong agad-agad tumutulo ang mga luha dahil hindi kayang pigilin ang masasakit na salitang naririnig mula sa kanila. Iyong ginawa muna lahat para sa kanila pero basura at walang kuwenta pa rin ang tingin nila. Iyong lalaitin at pagsasabihan ng mga masasakit na salitang ’di kayang tanggapin sa murang edad; walang alam kung ano bang tinutukoy nila kaya bata palang alam na ang obligasyon ng katandaan.

      Na mula sa murang edad, naranasang alipustahin ng pamilyang kinabibilangan niya. Iyong tipong akala niya, mamamatay na sa sama ng loob. Iyong may pamilya siyang nasa tabi pero kahit kailan hindi naman siyang naipagtanggol sa mga taong nananakit sa kaniya. Iyong minsang hiniling mawala na lang sa mundong kinamulatan. Iyong tipong nais na lang mawala pagkatapos ng lahat ng sakit, sigaw, panlalait, at ng kung anong salitang hindi na kayang pakinggan pa dahil walang magulang na nasa tabi para protektahan siya, pagkat sarili lang ang kaagapay sa sakit na nararamdaman.

      Minsan naiisip na lang mawala upang maibsan at matapos na ang sakit na nararamdaman upang paggising nasa ibang lugar na at wala sa mga taong nananakit sa kaniya. Iyong halos hindi katanggap-tanggap lahat ng salitang naririnig mula sa bibig nila sa pang-araw-araw na buhay. Iyong napuno ng sakit, pait at hirap ang puso’t isip sa mahabang panahon. Iyong nakatira siya sa malaking bahay pero iyong tingin sa kaniya’y basurang pakalat-kalat lang. Lahat ginawa na para mapasaya sila at maging tama sa paningin nila pero pag nakatalikod siya, isang patalim at masasakit na paratang ang sinasabi nila.

     Iyong ginawa siyang ibang tao sa pamamahay na pinananatilihan. Iyong ipinaranas ang hindi makatwirang sitwasyon kung saan sa murang edad naranasan maging mature sa mga bagay. Iyong naranasan minaltrato sexually pero wala lang pakialam ang naturang pamilyang minahal. Iyong hindi pa rin siya maipagtanggol dahil ang mahalaga sa kanila’y pera at sasabihin ng iba kapag nakipagsumbatan sila. Iyong na-harass na tapos sasabihing intindihin mo na lang. Iyong ipapahiya siyang hindi makatarungan sa lahat ng taong hindi naman niya nakikilala ng lubusan. 

     Iyong tatanggapin lahat ng paratang kahit wala naman siyang kasalanan at sa huli mauuwi na naman sa kuwadradong lugar upang maglabas ng kalungkutang hindi mapigilan. Dahil lahat ng taong minahal at inunawa, sa huli, pinabayaan na lang siya. Iyong ginawa na lahat upang protektahan sila pero sa huli siya pa rin ang mali sa lahat ng kakilala nilang kapamilya. Iyong alila ang tingin at hindi kapamilya, pero lahat ng iyon, nagbunga ng katatagan kung saan nakayang tumayong matapang sa kabila ng masasakit na nakaraan ng kahapon.

     Kung saan pagkatapos ng masasakit na alaala ng batang musmos na umiiyak sa ilang, nakakatayo na siyang matatag sa hamon ng buhay. Kung saan matapang at puno na siya ng katatagan na magagawa ang lahat ng bagay dahil nagawa niyang malagpasan lahat ng masasakit na pinagdaanan sa nakalipas na tatlong dekada na kaniyang buhay-kabataan. 

    Kaya bilang murang kabataan sa kasalukuyan at magiging ina sa hinaharap sikapin ninyong manatili sa inyong mga anak. Batid kong mahirap ang buhay ngunit kung pipiliin ninyong umangat para mabigyan sila ng mabuting buhay nagkakamali kayo. Maraming kabataan ang puwedeng makaranasan ng masakit na kahapong iyon o baka higit pa roon kung hindi sila lalaban para sa kanilang prinsipyong pinanghahawakan; mabuhay ng malaya sa mga malulungkot na tagpo ng kanilang buhay.

     Hindi masamang mangarap sa pamilyang minamahal pero kung isasakripisyo ninyo ang kamusmusan ng inyong mga anak para sa mabuting buhay, ano pang mas sasakit doon bilang magulang. Magarang buhay nga pero hindi ninyo nakikita ang pinagdadaanan ng musmos na kabataang naghihirap sa mga kamay ng mga taong akala ninyo aalagaan at mamahalin ang binuhay ninyo ng siyam na buwan.

     Nawa’y pag-isipan ang bawat desisyon upang walang pagsisihan sa huli dahil hindi na mababawi pa ang nawalang muwang ng batang alam lang maglaro’t ngumiti pero sa huli, nawala sa kanila sa isang iglap dahil sa mga taong mapanakit ng batang walang muwang. Hindi madaling pumili pero isipin ang mas mahalaga, pera o muwang ng mga batang nawalan ng karapatang maging bata dahil walang kumakalinga kundi perang hindi naman mahalaga sa buhay nila. Kaya sa huli, nabuo sa isip nila ang kahalagahan ng materyal na bagay ngunit nakalimutan ang pinakamahalagang bagay sa mundo; ang kabataang walang katulad.

      Hindi pera, materyal, damit, at kung ano-ano pang bagay ang tunay na magpapasaya sa kanila dahil paglaon makakalimutan din nilang ginawa mo ang mga iyon para sa kanila at matatandaan na lang nila kung paano sila nabuhay noong wala ka. Huwag ninyong hayaang mawala ang hindi na maibabalik na kabataang maglilinang sana sa kanila ng kahalagahan ng totoong kahulugan ng buhay-kabataan.

     Kaya maraming karahasan, sila’y namulat sa maling kahulugan ng buhay ng tao sa mundo na ganito lang pala ang lahat. Huwag ninyong hayaang maagaw ang kabataan at pagiging mabuting kabataan sa hinaharap ng musmos na inalagaan ninyo dahil sa mga maling desisyong magagawa nang dahil lang sa kahirapan ng mundo. Hindi pera ang magpapatakbo sa tunay na kahulugahan ng kasiyahan dahil ang tunay na kaligayahang ninanais mo, magmumula sa sarili mong kakayahan at paniniwalang magiging masaya ka kahit mahirap ang mundo. 

      Tatanda at iiwan mo rin ang lahat ng bagay sa mundong ibabaw gayon din ang inyong mga anak, ngunit mas mainam pamanahan sila ng mabuting asal na panghambuhay nilang magagamit upang maipasa sa susunod na henerasyon ng bawat kabataang magkakaisip sa hinaharap, upang sa ganoon, madagdagan pa ang kakaibang taong may kakaibang persepsyon sa buhay na tutulong upang mas mabuting nilalang sa mundong ibabaw. Laban lang sa buhay, huwag pera ang gawing una kundi personalidad at kaugalian na mapapalawig ang dapat unahin upang mas maging masaya at marami tayong matulungang nangangailangan ng tulong kahit sa larangan lang ng pagsusulat. 

      Manunulat tayo upang maisuwalat ang tunay na kahulugahan ng buhay at makakuha ng aral ang bawat kabataang nais may matutunan upang magkakaroon ng kaalaman sa mundong dapat nilang harapin sa kasalukuyan. Pahalagahan at mahalin natin ang kabataan dahil darating tayo sa puntong gusto na nating maranasan ang kabataan ngunit hindi na maibabalik sa kasalukuyan dahil sa maling desisyong huli na nating nalaman ang magiging epekto sa hinaharap. —A

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top