CHAPTER 07


TAGAKTAK ang pawis ni Mikaela habang patuloy ang kamay sa pagpipinta. Hindi siya pwedeng mag-aksaya ng oras dahil sa makalawa na ang festival at kailangan na niyang matapos ang mural.

You can do it, Miks! Tiwala lang! Matatapos mo rin ito ngayon! Pagpapalakas niya ng loob at may determinasyon sa mga matang huminga ng malalim.

Alas tres pa lang ng madaling araw ay nasa stage na siya at ipinagpatuloy ang pagpipinta. Ayaw niyang magipit sa oras. At hindi niya gugustuhing matapos ang araw na ito na hindi tapos ang mural.

"You should wipe your sweat and drink water, Mikaela."

Literal na nagulat siya nang marinig ang boses ni King sa kanyang likuran. Hindi niya inaasahan na pupunta ito ng ganoong kaaga sa park taliwas sa madalas na oras na pagpunta nito roon. Dahil tuloy doon ay napatili siya at muntik nang malaglag sa tinutungtungang hagdanan. Mabuti na lang at mabilis siyang nasalo ng lalaki.

"Are you okay?" May pag-aalala sa mga mata na tanong sa kanya ni King. Yakap siya nito sa bewang at halos magdikit na ang mga mukha nila sa sobrang lapit.

Nag-umpisang maglumikot ang kanyang puso. Ang mapalapit kay King katulad ngayon ay tila nagpapahina sa kanyang tuhod. Parang may mga kiti-kiti sa kaloob-looban niya na naglilikot at hindi mapakali.

Napalunok siya ng malaki habang nakatitig sa mga mata nito.

Pakiramdam niya ay nalulunod siya. Nalulunod sa nararamdaman niya para sa lalaking mahigpit ang hawak sa kanya.

Are you in love with him? Tanong ng kanyang konsensya.

Napailing siya sa kanyang isip. Masyadong maaga pa para sabihing inlove siya kay King. Ilang araw niya pa lang itong nakakasama. She likes him. Iyon ang totoo. But in love? Hindi niya alam. Pero kung maaari ay ayaw niya iyong mangyari. Sa tingin niya kasi ay masasaktan lang siya kung saka-sakali dahil mukhang hindi naman interesado sa kanya ang lalaki.

"I'm...I'm okay..."Aniya at mabilis na bumitiw rito. Tumayo siya ng maayos at kahit nagkakaroon ng kaguluhan sa kaloob-looban niya ay inismidan niya ito para pagtakpan ang nararamdaman niya. "B-bakit kasi kailangang manggulat? Para kang multo na bigla na lang nasulpot, eh!" Reklamo niya.

"Sorry," anito at nangiti. Mayamaya'y kunot-noong tinitigan siya. "You look pale."

Biglang nanlaki ang mga mata niya nang maramdaman ang kamay ni King na dumapo sa gilid ng kanyang pisngi at punasan ang pawis niyang tumawid doon. Sobrang lapit ng mukha nito sa mukha niya at ramdam niya na mas lalong nagkaroon ng kaguluhan sa kaloob-looban niya dahil doon.

Oh, please, Miks! Calm down! Kulang na lang himatayin ka! Pinunasan lang naman niya ang pawis mo! Bakit kailangan ma-tense, aber?

Lihim siyang napalunok at napailing.

"O-okay lang ako," aniya at naiilang na ngumiti rito. Naglaan siya ng kaunting distansya sa pagitan nilang dalawa dahil nate-tense talaga siya sa sobrang lapit nito sa kanya. "A-ang aga mo 'ata ngayon dito?" Tanong niya upang iwaksi sa isipan ang kabang nararamdaman.

"Nagja-jogging kasi ako nang makita kita rito," kaswal na sagot nito at namulsa.

'Tsaka niya lang napansin ang suot ni King dahil sa sinabi nito. Nakasuot ito ng puting t-shirt, black jogging pants at black rubber shoes. Ang gwapo nito sa suot nito at kahit bahagyang pawisan ay ang refreshing nito sa paningin niya.

Kahit pawisan, mabango pa rin. Sarap pupugin ng halik, jusko! aniya sa sarili at nangingiting lihim na napailing na lang.

"Bakit ang aga mo rito? It's almost seven in the morning," kunot noong tanong nito sa kanya at matamang tinitigan siya.

"Ah...kasi naghahabol ako ng oras. Sa makalawa na kasi ang pista, 'di ba? Kailangan ko siyang matapos on time...kaya ayon..." Sagot niya at mabilis na umakyat muli ng hagdan at ipinagpatuloy ang pagpipinta.

Naiilang siya sa paraan ng pagtitig sa kanya ni King. Pakiramdam niya ay nanunuot iyon sa kanyang mga ugat at hindi na naman siya mapakali dahil doon.

"Anong oras ka pumunta rito?" Narinig niya na lang na tanong nito.

"Three," matipid na sagot niya.

"Kumain ka na ba ng breakfast?"

"No. Pero kakain din ako mayamaya. Tatapusin ko lang ang part na 'to tapos kakain na ako."

Isang malakas na tili ang muling kumawala sa kanyang labi nang maramdaman niyang hinawakan ni King ang bewang niya at binuhat pababa ng hagdan. Matapos ay walang sabi-sabing kinuha nito sa kanyang kamay ang brush at inilapag lang kung saan. Kinuha nito ang kanyang kanang kamay at hinawakan iyon ng mahigpit. Mabilis siya nitong hinatak paalis ng stage.

"U-uy! Saan mo 'ko dadalhin?" Naguguluhang tanong niya at pilit sumabay sa mabilis na paglalakad nito.

Ramdam niya ang mainit na kamay na King na nakahawak sa kanyang kamay. At ayaw man niya ay nakakaramdam siya ng matinding kilig. Parang kinikiliti ang puso niya sa isiping magkahawak sila ng kamay habang naglalakad.

Stop it, Miks! 'Wag mong bigyan ng kulay, okay? Saway ng kanyang konsensya.

"We'll eat breakfast," sagot nito na hindi man lang siya nililingon.

"But I'm not finish yet—" Hindi na niya natapos ang kanyang sasabihin nang huminto sa King sa paglalakad at hinarap siya. Nagtatagis ang bagang nito habang madilim ang tingin nito sa kanya.

"Alam kong sinabi ko sa'yo na kailangang matapos ang mural bago ang festival. But that doesn't mean that you'll skip meals just to finish it. I don't want you to get sick, okay? At wala akong pakialam kung hindi mo man matapos ang mural bago ang pista as long as you'll eat your meal on time!"

Napatanga si Mikaela sa narinig na sinabing iyon ni King. Tila naumid din ang kanyang dila at hindi siya makapagsalita. Gano'n ba ka-big deal ang hindi niya pagkain ng almusal?

Imbes na mainis dahil sa inasal nito ay unti-unting sumilay ang isang ngiti sa kanyang labi nang may mapagtanto. Ayaw man niya pero kinikilig siya. Dahil nakikita na naman niya ang pag-aalala nito sa kanya.

"Naku, King! Sabi ko naman sa'yo 'wag ka masyadong concern sa akin. Mamaya ma-inlove ka na sa sa'kin niyan. Lagot ka!" Lakas-loob na pang-aasar niya rito at tumawa.

Nagulat siya nang muling harapin siya ni King at seryoso ang mga matang tinitigan siya nito. Natigil tuloy siya sa pagtawa. Naramdaman din niya ang pagkabog nang malakas ng kanyang puso. Hindi niya alam kung bakit pero may kung ano sa paraan ng pagtitig nito sa kanya ang nagbibigay sa kanya ng pakiramdam na pagkailang. Napalunok tuloy siya.

"O-oy, ano...joke lang, King. 'Di ka na—"

"What if I already did, Mikaela? What if I already fall in love with you?"

Pakiramdam ni Mikaela ay nanigas ang kanyang buong katawan sa narinig na sinabi nito. Pakiramdam niya rin ay nanlaki ang kanyang ulo at biglang nagkadabuhol-buhol ang brain cells niya. Ibinuka niya ang bibig upang magsalita ngunit walang lumabas na kahit anong salita roon.

Merong giyerang nag-uumpisa sa utak niya at hindi niya alam kung ano ang dapat isipin sa sinabi nito. Naguguluhan siya. Hindi niya alam kung seryoso ba ito sa sinabi o nagbibiro lang.

"Cat got your tongue?" Mayamaya'y sabi ni King sa kanya at ngumisi. Sumungaw ang pagkaaliw sa mga mata nito. "The next time you'll tease me, make sure you can get back on me easily."

Muling hinawakan ni King ang kanyang kanang kamay at hinila na paalis sa lugar na iyon. Hindi na siya nakatutol pa at napasunod na lang dito dahil ang utak niya ay nananatiling lumilipad sa mga salitang binitiwan nito.

Seryoso ba siya sa sinabi niya? Naguguluhang tanong niya sa kanyang isip.

Hindi niya alam kung ano ang dapat maramdaman. Kung makakaramdam ba siya ng disappointment dahil mukhang hindi naman ito seryoso sa sinabi nito. O makakaramdam siya ng saya...dahil baka may ibig talaga itong sabihin.

Assume pa more, Mikaela! Anang kontrabida niyang konsensya. Kapag nasaktan ka kaka-assume mo, 'wag kang magrereklamo.

Lihim na ipinilig niya ang kanyang ulo at pilit na itinaboy sa isipan ang mga sinabi ni King. Hindi niya na lang siguro iyon bibigyan ng pansin. Baka gumanti lang talaga ito sa biro niya at wala naman iyong malisya rito. Hindi niya dapat na seryosohin iyon.

Eh, bakit parang nalulungkot ka sa isiping joke lang 'yon? Tanong naman ng kabilang bahagi ng kanyang utak.

Kinagat niya ang pang-ibabang labi at lihim na bumuntong hininga. Natural lang naman siguro iyon. Lalo na't gusto niya na talaga si King.



"SERYOSO ka talaga diyan?" Pang-anim na ulit na tanong ni Mikaela kay King habang nakatutok ang mga mata nito sa parte ng dingding na kailangang mapintahan. Hawak nito ang paint brush na inilublob na nito kanina sa kulay berdeng pintura. "'Di ba, may pasok ka sa office? Baka kailangan ka roon. Kaya ko naman 'to mag-isa."

Matapos makapag-almusal kanina at ihatid siya nito muli sa parke ay akala niya ay aalis na ito. Pero laking gulat niya nang bumaba rin ito sa sasakyan at sinamahan siya sa stage. Sinabi pa nito na tutulungan siya nito magpinta basta i-guide niya lang ito kung paano.

"Kulit mo. Ilang beses ka bang inere, Mikaela?" Nakangising sabi ni King sa kanya matapos siyang lingunin. Sa gulat niya ay lumapit ito sa kanya at pinahiran ang kanyang ilong ng pintura.

Napangiwi at napapikit siya ng mariin dahil doon. Narinig niya ang matunog na halakhak nito dahil sa ginawa nito sa kanya.

Idinilat niya ang kanyang mga mata at nakita niya si King na tila hindi maawat sa pagtawa. Naramdaman na naman niya ang pamilyar na kabog ng puso niya sa tuwing makikita itong masaya. Napangiti tuloy siya.

Hinding-hindi niya talaga ito pagsasawaan na makita itong masaya at buong buhay na tumatawa. Pakiramdam niya kasi ay may kung anong mainit na bagay ang humahaplos sa kanyang puso sa tuwing makikita itong gan'on.

"Ah, gan'on? Gusto mo ng gyera, ha?" Aniya at walang ano-ano'y dinampot niya ang lata ng asul at pulang pintura at binuhos dito.

Sinubukan pa ni King na umiwas ngunit hindi nito nagawa. Ang puti nitong damit ay nabahiran na ng mga kulay. Bahagya ring natapunan ng mga pintura ang kaliwang bahagi ng pisngi nito pababa sa leeg.

Tumatawang dumampot din si King ng pintura para ibuhos sa kanya. Mabilis siyang tumakbo para makaiwas ngunit nahuli agad siya nito. Naramdaman niya na lang ang matipunong bisig nitong yumakap sa kanyang bewang mula sa likod at ang pagbuhos ng kulay lila na pintura mula sa kanyang ulo.

Tumitiling pumikit siya ng mariin muli habang pilit kumakawala sa pagkakahawak sa kanya ni King.

Hindi siya binitawan ni King at rinig na rinig niya pa rin ang matunog nitong paghalakhak.

"Anak ka ng tinapa, King! Humanda ka talaga sa akin!" Humahalakhak na sabi niya at nang makawala sa pagkakahawak nito ay mabilis siyang tumakbo at dumampot ng pintura muli. Sinaboy niya ito roon ngunit hindi niya natamaan ang mukha nito. Bahagyang tumalikod kasi ito kaya naman ang balikat at likod nito ang tinamaan.

"You can't win from this war, Miks. You better raise your white flag!" Tumatawang sabi ni King sa kanya at pilit na naman siya nitong hinuli para buhusan muli ng pintura.

Tumakbo siya muli upang makaiwas ngunit dahil sa mga pinturang nagkalat sa sahig ay nadulas siya. Napapikit na lang siya muli at hinintay ang pagtama ng kanyang katawan sa sahig ngunit hindi iyon ang nangyari.

Naramdaman niya na lang ang pagyapos ng mga braso ni King sa kanyang bewang at ulo at imbes na ang katawan niya ang tumama sa sahig ay iniharang nito ang katawan upang protektahan siya. Ang likod nito ang lumapat sa sahig habang siya ay nasa ibabaw nito.

"O-okay ka lang?" Nag-aalalang tanong niya kay King. Nananatili kasi itong nakapikit. Kinakabahan tuloy siya at baka namali ito ng bagsak. Umalis siya sa ibabaw nito at niyugyog ang balikat nito. "H-hoy, King! 'Wag mo naman akong pag-alalahin. Okay ka lang ba? May masakit ba? Hoy—"

Hindi na niya natuloy kung ano mang ang sasabihin niya nang maramdaman niyang hinila siya ni King. Bumagsak siya sa tabi nito at inihilig nito ang kanyang ulo sa dibdib nito dahilan upang marinig niya ang malakas na pagtibok ng puso nito. Gamit ang isang kamay ay niyapos siya nito muli sa bewang.

"Let's stay like this for a while, Miks..." Narinig niya na lang na wika ni King at bumuntong hininga ito.

Hindi siya umimik. Sa kaloob-looban ay gusto niyang yakap-yakap siya nito. Kire na kung kire pero gusto niya ang pakiramdam na nakakulong sa bisig ni King. Dagdag pa na natutuwa rin siyang marinig ang malakas na tibok ng puso nito at ang mabini nitong paghinga.

Hindi niya alam kung ano ang sumapi kay King at gusto nitong manatili sa ganoong posisyon. At hindi na niya kukurtahin ang kanyang utak para isipin pa kung ano ang dahilan. Basta ang importante lang sa kanya ngayon masaya siyang yakap siya ng lalaking minamahal...

Say what, Mikaela?!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top