CHAPTER 02
"LAGOT talaga ako kay tito nito kapag nalaman niyang nagka-sprain ka! Tapos nabasa ka pa ng ulan. Patay talaga ako nito!" Kunsimidong wika ni Harmony kay Mikaela habang nilalapatan ng ice pack ang paa niya.
"'Wag mo na lang sabihin kay Dad para 'di mag-alala," aniya at napaigik nang maigalaw kaunti ang paang na-sprain.
"Malamang! Baka sugurin tayo n'on dito at pabalikin ng Manila kapag nalaman niya 'to! Malilintikan talaga tayo."
"Sorry talaga," kagat-kagat ang labing sabi niya rito at apologetic na tiningnan ito.
Bumuntong hininga ng malakas si Harmony at tumabi sa kanya. "Alam mo naman kung bakit kami sobrang protective pagdating sa 'yo, 'di ba? Naiintindihan ko naman na minsan nasasakal ka na pero sana maintindihan mo rin na nag-aalala lang kami para sa 'yo. Alam naman naming okay ka na. Pero hindi mo na maaalis sa amin na palaging mag-alala sa'yo. Mahal ka namin kaya ayaw naming may mangyaring masama sa'yo."
Isang malungkot na ngiti ang isinukli ni Mikaela sa kaibigan.
Naiintindihan niya naman kung bakit ganoon na lamang ang pag-aalala nito sa kanya – pati na rin ang mga taong malalapit sa kanyang puso. Minsan lang talaga ay lumalabas ang katigasan ng kanyang ulo kaya nakakaramdam siya ng pagkasakal sa ipinapakita na pag-aalala ng mga ito sa kanya.
"I'm sorry for making you worry, Harmony. Promise. Hindi na talaga mauulit ito," aniya at sumandal sa balikat nito. "You know how much I value my life. And I will not waste this second chance God gave me..." Mariin niyang ipinikit ang mga mata. "...and ate gave me."
Naramdaman niya ang mahinang pagtapik ni Harmony sa kanyang balikat. Ngumiti ito sa kanya. "Oh, siya. Magpahinga ka na," anito at iniligpit na ang ilang gamit na nagkalat sa sahig. "'Nga pala, sino 'yung naghatid sa 'yo kanina? Pogi, ha?"
Umikot ang mga mata niya nang makita ang mapanuksong tingin sa kanya ng kaibigan. "Hindi ko naitanong ang pangalan. Tinulungan lang ako no'n kasi nakita niya nga ang nangyari sa akin..."
"Nebeyen! Sana tinanong mo ang pangalan! Gwapo pa man din," nakangising wika nito. "Taga-dito kaya 'yun? Hunting-in natin siya bukas para makapagpasalamat ka naman ng maayos."
Tumaas ang isa niyang kilay sa sinabi nito. "Hindi pa ba sapat ang thank you ko sa kanya kanina? Bakit kailangan pang hunting-in?"
"KJ mo!" Nakangusong sabi nito. "Para naman may kaibigan tayo habang nagbabakasyon dito sa CG."
Nakangiting napailing na lang si Mikaela kay Harmony. Alam niyang hindi lang basta pagkakaibigan ang nasa isip nito. Siguro ay na-crush-an nito ang lalaki.
"Crush mo 'no?" Panunukso niya. Pero tila may sumundot sa kanyang puso nang sabihin niya iyon kay Harmony. At para saan ang sundot-puso chuchu na 'yon, Miks? Don't tell me nagseselos ka?
Lihim niyang ipinilig ang ulo. At bakit naman siya makakaramdam ng selos? Sino ba ang lalaki sa buhay niya? At isa pa, ni hindi nga niya ito kilala kaya bakit siya makakaramdam ng ganoon?
"Crush? Hmmm...pwede. Pero very, very slight lang. Alam mo namang nangako ako sa sarili ko na iisa lang ang iibigin ko habang buhay," sagot nito at napahagikhik.
"'Landi lang, 'te!" Natatawang pang-aasar niya. "Nangako ka ngang siya lang ang mamahalin forevs. Pero ang problema, siya ba ay nangakong ikaw lang din ang mamahalin? Ang lakas maka-one for all, all for one ng pag-ibig niyang minamahal mo. Kahit 'ata posteng sinuotan ng palda, mamahalin."
Inirapan siya ni Harmony at iningusan. "Alam mo, kahit kailan basag-trip ka talaga. Kahit minsan lang, suportahan mo naman ang pag-ibig ko sa kanya."
Natawa na lang siya sa sinabi nito. Hindi na siya nagkomento pa dahil alam niyang kapag nagpatuloy ang usapan nila ay mauuwi na naman iyon sa pagdadrama nito. Alam niyang hindi naman nito sineryoso ang sinabi niya. Pero alam niya ring deep inside ay nasasaktan ito. Matagal na kasi itong trap sa isang one-sided love. At hanggang ngayon ay hindi pa rin ito makaalis-alis doon. Ilang beses niya na itong sinabihan na maghanap na lang ng iba ngunit matigas ang ulo nito. Parang sa lalaki lang na iyon nakatutok ang puso't isip ng kaibigan.
Hay...nakakaloka talaga ang pag-ibig.
Sa edad niyang beinte kwatro ay hindi niya pa nararanasang umibig. Dahil sa pinagdaanan niya kasi noon ay sinadya niyang huwag iyong bigyan ng pansin. Iniisip niya kasi dati na ang pagkakaroon ng kapareha ay hindi para sa kanya. Hindi siya pwedeng magmahal dahil alam niyang sa huli ay masasaktan lang ang taong mamahalin niya kung saka-sakali dahil kakailanganin niya itong iwan.
Ngayon na nalagpasan na niya ang pinakamalaking pagsubok sa kanyang buhay ay hindi naman niya malaman kung ano ang pumipigil sa kanya para buksan na ang puso at magmahal. May mga manliligaw naman siya pero wala ni isa sa mga iyon ang makabihag sa kanyang puso. O baka kasi wala sa mga manliligaw mo ang ka-MTB (meant to be) mo.
"Sige na! Matulog ka na. Ibababa ko lang 'tong plangganita," narinig niya na lang na wika ni Harmony at tinulungan siyang makaayos ng higa. Matapos siya nitong makumutan ay tinungo na nito ang pintuan.
"Sigaw ka lang ng 'Diyosang Harmony!' kapag may kailangan ka."
"Adik!" Natatawang wika niya rito at binato ito ng unan. Dahil wala masyadong lakas ang kanyang pagkakabato ay hindi ito tinamaan.
Binelatan siya nito at saka tumatawang lumabas ng kwarto. Napailing na lang tuloy siya at umayos ng higa.
Ngayon niya naramdaman ang pagod. Gusto na niyang matulog pero mukhang hindi pa 'ata handa ang kanyang diwa na magpahinga. Gising na gising pa ito. At may nais pa itong isipin...at iyon ay walang iba kundi ang lalaking iyon.
Sino ka ba? Bakit ganoon na lang ang naging reaksyon mo nang malaman mo ang relasyon ko sa mga Corpuz? At bakit...bakit gano'n na lang ang pagtibok ng puso ko sa 'yo?
TITIG na titig si King sa bahay ng mga Corpuz na nasa kanyang harapan. Matagal na rin ang panahong lumipas n'ong huling mapadpad siya roon. At hindi siya makapaniwala na hinayaan niya ang kanyang sarili na mapunta muli sa lugar na iyon. Matagal niyang iniwasan ang magawi sa parteng iyon ng Grande Heights pero dahil sa kakaibang takbo ng tadhana ay nasilayan na naman niya ang lugar na iyon.
"What are you doing, King? You should be leaving now..." Bulong niya sa sarili.
Tumigil na ang ulan. Pero kabaliktaran niyon ay isang alaalang matagal na niyang pilit kinakalimutan ang unti-unting bumubuhos sa kanyang isipan...
"SIGURADO ka ba hija na magaling na 'yang paa mo at sasama ka talaga sa akin mamalengke? Baka gusto mo pang magpahinga at matulog? Alas singko pa lang ng umaga. Ke-aga-aga mo naman kasing nagising na bata ka."
Nag-angat ng tingin si Mikaela kay Manang Sol matapos maitali ang sintas ng rubber shoes niya. Tumayo siya at malapad ang ngiting umakbay rito. "Opo, manang. Tingnan mo po ang paa ko. Naigagalaw ko na po nang hindi ako umaaray," aniya at iginalaw-galaw ang na-sprain na paa. "'Tsaka, gising na gising naman na ang diwa ko. Mabuti pang umpisahan ko ang araw ko ng maaga para maging productive ako ngayong araw na ito."
Limang araw na rin ang nakakalipas mula ng ma-sprain ang paa niya. Magaling na iyon at nailalakad na niya ng maayos.
At limang araw na ring palaisipan sa akin kung sino ang lalaking iyon, aniya sa sarili at lihim na napabuntong hininga.
Sa loob ng limang araw na pagpapagaling niya sa kanyang paa ay hindi nawaglit sa isipan niya ang lalaking tumulong sa kanya. Isang malaking palaisipan kasi talaga sa kanya kung sino ito at kung ano ang relasyon nito sa pamilya ng kanyang ama.
"Tulog pa ba si Harmony? 'Di kaya hanapin ka n'on kapag nagising at malaman na wala ka?" Tanong ni Manang Sol at kinuha na nito ang bayong na paglalagyan ng kanilang bibilhin.
"Hay naku, manang. 'Di natulog 'yon. Nabuhay ang hasang magsulat kaya buong gabing gising at nakikipagtuos sa laptop niya," sagot niya at sabay sila ni Manang Sol na tinungo na ang gate palabas. "Bago po ako bumaba, sinabi ko sa kanya na sasama po ako sa'yo sa pamamalengke kaya 'di niya ako hahanapin."
Si Harmony ay isang freelance writer. Nagtatrabaho ito bilang accountant sa kompanya ng pamilya nito ngunit nagagawa pa rin nitong maisingit ang pagsusulat. Passion kasi talaga nito ang magsulat ng mga nobela. May ilan na rin itong mga nobelang naisalibro kaya naman proud na proud siya sa kaibigan.
"Ay, pasaway na bata. Dapat magpahinga at matulog siya. 'Di niya dapat inaabuso ang katawan niya," naiiling na wika ni Manang Sol. "Tama lang din pala ang sumama ka sa akin mamalengke. Ilang araw ka ring hindi nakalabas ng bahay. Paniguradong habang naglalakad tayo sa sentro ay baka may makita kang magandang ipinta."
Napangiti siya sa sinabing iyon ni Manang Sol. Kung si Harmony ay mahilig magsulat, siya naman ay mahilig magpinta. Ang pagpipinta ang isang bagay na hinding-hindi niya pagsasawaang gawin. It's her solace. Her sweet haven.
Marami-rami na rin ang mga ipininta niya na naibenta at natutuwa talaga siya sa tuwing may lumalapit sa kanya at gustong bilhin ang kanyang mga obra.
Pangarap niyang magkaroon ng exhibit. At sa ngayon ay nag-iipon siya ng kanyang mga obra dahil ang kanyang ama ay nangakong tutuparin ang pangarap niyang iyon.
"Andito na tayo, hija."
Napatingin si Mikaela sa labas ng bintana ng sinakyang mini-bus. 'Tsaka niya lang napagtantong nasa public market na sila. Mabilis silang bumaba ng bus ni Manang Sol.
"'SUS ginoo! Nakalimutan kong bumili ng mani para sa kare-kare mamayang hapunan," napapalatak na saad ni Manang Sol kay Mikaela nang mapansing wala itong nabiling mani. Tapos na silang mamili at nakasakay na sila ng mini-bus pabalik ng Grande Heights nang maisip nito iyon.
"Bababa na lang po ako at ako na ang bibili," pagprisinta niya.
"Ayos lang ba sa'yo, hija?" Nag-aalangan na tanong ni Manang Sol. "Pasensya na, ha? Iba na talaga ang tumatanda. Nagiging makakalimutin na," dugtong pa nito at napailing.
Ngumiti siya rito. "Ayos na ayos lang po sa akin, manang. Mauna na po kayo sa bahay. Babalik din po ako agad kapag nabili ko na 'yung mani."
"Oh, sige. Maraming salamat, hija," anito sa kanya at nakangiting tinapik siya sa balikat. "Alam mo naman na ang daan, 'di ba? Mag-ingat ka."
"Opo," sagot niya rito at ngumiti.
Bumaba siya sa pinakamalapit na unloading station. Matapos ay tumawid siya ng kalsada. Hindi pa naman nakakalayo ang bus na sinakyan nila kanina sa public market kaya nagdesisyon siyang lakarin na lang iyon.
Habang naglalakad ay nadaanan niya ang munisipyo. Nakita na niya iyon kanina pero ngayon lang niya natitigan. Malaki iyon at sa tingin niya ay may tatlong palapag iyon. Simple lang ang disenyo ng building. Hindi magarbo ngunit hindi rin naman masasabing hindi man lang pinagkaabalahan pag-isipan ang disenyo. May pagka-old Spanish style ang disenyo nito.
Inilibot niya ang paningin at napadako ang mga mata niya sa katapat na plaza ng munisipyo. Dahil maaga pa ay marami pang nag-eehersisyo roon. May ilang tumatakbo, may ilan namang nagsu-zumba. Naaliw siya nang makita ang isang grupo ng mga senior citizen na puno nang sigla na sumasayaw. Pero mas lalo niyang ikinaaliw tingnan ang isang cute at maliit na babae na kasabay sumayaw ng mga matatanda. Mukha kasing labag sa loob nito ang ginagawa dahil nanghahaba ang nguso nito habang kausap ang isang lalaki na mukhang instructor ng zumba.
In fairness, gwapo ni kuya, aniya sa sarili at nangingiting napailing. Mukhang pinapanindigan ng probinsyang ito ang pangalan nila, ha? Cool.
"I bet you're new here like me."
Nagulat siya nang may magsalita sa kanyang gilid. Mabilis na nilingon niya kung sino iyon at isang nakangiting babae ang kanyang nabistahan.
Pamilyar ang mukha ng babae. Iyon ang una niyang naisip ng matitigan ang mukha nito.
Kahit na nakasuot ito ng sombrero at bahagyang natatakpan ang mukha nito ay hindi n'on naitago ang angking ganda nito. Nakita niya rin ang malalim na biloy nito sa ibaba ng kanang bahagi ng labi nito.
"You look familiar," hindi napigilang wika niya rito.
Pakiramdam niya kasi ay nakita na niya kung saan ang babae ngunit hindi niya lang maalala.
Ngumiwi ito sa sinabi niya. "I guess wearing this hat is not enough to hide my identity."
Bahagyang kumunot ang kanyang noo sa narinig na sinabi nito. So, naka-disguise na siya sa lagay na 'yan?
"Christine Anne Romualdez," anang babae at inabot ang kamay nito. "And you are?"
Nang marinig niya ang pangalan na binanggit nito ay parang may bombilyang umilaw sa kanyang utak.
"Tama! Ikaw 'yung sikat na sikat na artista ng SJTV, 'di ba?" Nanlalaki ang mga matang bulalas niya.
Naalala na niya kung sino ito! Ang babaeng kaharap niya ay ang isa sa mga pinakasikat na artista ngayon. Napakarami na nitong nagawang pelikula at teleserye katambal ang sikat na sikat ring aktor na si Devin Cruz. Isa rin itong magaling na singer at ang alam niya ay sa tuwing maglalabas ito ng album ay palaging sold out iyon. Marami na rin itong naiuwing awards dahil sa husay nito.
"Ssssh!" Anito at pinanlakihan siya ng mata. Nagpalinga-linga ito na para bang tinitiyak kung may nakarinig sa sinabi niya.
Nakagat niya ang pang-ibabang labi at napangiwi. Dahil sa pagkabigla niya ay napalakas tuloy ang boses niya. Halata naman sa babae na umiiwas ito na makaagaw ng atensyon.
"Sorry," aniya at apologetic na tiningnan ito. Alanganing ngumiti siya rito. "Nagulat lang ako nang maisip kung sino ka."
Ngumiti ito sa kanya at tinapik ang kanyang balikat. "Okay lang. Anong pangalan mo?"
"Mikaela Amor German Corpuz," sagot niya. "Miks na lang ang itawag mo sa akin."
"Nice to meet you, Miks!" Anito sa kanya at inakbayan siya.
Nagulat siya sa ginawa nito ngunit hindi na siya nagprotesta pa.
"Pa-FC, ha? Bago lang kasi ako rito," wika nito at humagikhik.
"Okay lang," aniya at ngumiti. "Bakasyonista ka rin?"
"You can say that," sagot nito at tumango. Inalis na nito ang pagkaakbay sa kanya ay kapagkuwa'y humarap sa kanya.
"Where are you going? Pwede bang sumama? Ilang araw na ako rito pero ngayon lang ako nakalabas ng bahay."
Nag-aalangan man ay tumango siya. Wala naman sigurong masama kung isasama niya ito? Harmless naman siguro ito kaya okay lang siguro kung isama niya ito. "Papunta akong palengke. May bibilhin lang."
"Let's go!" Masiglang wika nito at umangkla sa kanyang braso.
Napangiti na lang si Mikaela sa babae. Hindi niya akalain na ganito ka-bubbly at ka-friendly ang artistang napapanood niya lang sa tv dati.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top