KABANATA 3: Ang Akademya


K A B A N A T A 3

- N E T H C Y R E N E -

Tatlong araw na ang lumipas mula no'ng nakaharap ko ang konseho. Totoong silyado na ang mga kapangyarihan ko, at nag-iwan pa sila ng marka sa aking palapulsohan. Tila isang kadena ang nakapalibot sa magkabilang palapulsohan ko, gano'n din sa aking buol. Wala naman akong nararamdamang kakaiba ngunit dahil sa kanilang ginawa ay pakiramdam ko hindi ako buo.

Naririto ako sa isang gusali na pawang mga aklat lamang ang aking nakikita, isang pahabang lamesa, at mga upuan.

"Nakapagdesisyon ka na ba, Neth?" Tanong sa akin nang nag-iisang nilalang na kasama ko sa lugar na ito.

Nakaupo ito sa upuan, na gawa sa matibay na kahoy, habang nagbabasa ng isang libro. Wala sa akin ang atensyon nito ngunit nababatid ko na nakikiramdam lang ito sa akin. Siya rin ang nilalang na kumausap sa akin sa selda, at tulad nang sabi nya, nandoon siya sa araw na iyon nakihalo sa mga nanonood.

Hindi ko pa rin batid ang pagkakakilanlan nya ngunit hindi rin ako nagtanong. Nang magising ako sa poder nya ay nagpakilala lamang ito sa akin, tanging pangalan lamang nito ang binanggit wala ng iba pa. Nagtanong ito kung ano ang plano ko ngayong isa na akong Aragonian.

"Gustong kong bumalik sa Medria," matapat na sagot ko sa kanya dahilan ng pag-angat ng kanyang tingin sa akin. Malakas na loob kong sinalubong ang kanyang paningin. "Imposibleng napatay nila lahat."

Nagpakawala ito ng hangin bago inilapag ang aklat na binabasa. "Wala na ang mga human at kailangan mo itong tanggapin. Hindi ka isa sa kanila, Neth Cyrene."

Mahigpit na lamang akong napakuyom. Alam ko na ito ang maririnig ko mula sa kanya. Gustohin ko man pumunta roon na walang nakaka-alam ay hindi ko pa rin magagawa dahil sa mga marka na naka-ukit sa aking balat. Hindi lamang nito sinisilyado ang aking kapangyarihan, nililimitahan din nito ang aking mga kilos. Tila isa akong alipin ng konseho. Hangga't naririto ang marka, kontrolado nila ako.

Marahas na lamang akong napabuga ng hangin. Hindi ako naiiba sa isang alipin.

"Ngunit inaalok kita sa isang kasunduan."

Nakuha nito ang buo kong atensyon ngunit hindi ko lamang pinahalata. Nang muli ko siyang tinignan ay nakangiti na ito na tila naka-isip siya ng isang magandang ideya.

"Kung tatanggapin mo ang aking alok ay bibigyan kita ng pagkakataon na makabalik sa Medria at manatili roon ng ilang araw."

"Alok?"

Hindi napawi ang ngiti nito, bagkos ay mas lumawak pa ito lalo. "Pumasok ka sa Akademya at manatili roon ng ilang taon."

Isa lamang ang akademya rito sa Aragon, ang Cazadorian Academy. Hindi ko na itinago ang pagkagulat ko sa narinig.

'Pasukin mo ang akademya...

Naalala ko ang sinabi ni papa. Ang misyon na ibinigay nito sa akin. Ngunit sa aking sitwasyon ngayon ay imposibleng makakagalaw ako ng basta-basta na hindi kontrolado ng konseho.

"Sa isang kundisyon," wika ko.

"Tatanggapin ko kahit ilang kundisyon ang nanaisin mo."

Nagtataka man ay hindi ko na ito pinansin pa. Batid ko na may dahilan kung bakit gusto nya akong pumasok sa lugar na iyon. Posible na gagamitin nya din ako.

"Tanggalin mo ang mga ito," turo ko sa marka sa aking balat. "Alam ko na inaalam ng konseho ang bawat galaw ko."

"Nagkakamali ka riyan. Ang marka na iyan ay palatandaan lamang na nakasilyo ang iyong mga kapangyarihan at hindi nila inaalam ang iyong bawat galaw, Neth Cyrene."

Kung gano'n ay malaya akong makakagalaw.

"Alam ng konseho ang taglay mong kapangyarihan. Maraming nasawing Cazador sa gulo na iyon at ito rin ang naging dahilan kung bakit naririto ka ngayon sa Aragon. Masyado kang mapanganib kung hahayaan ka nila ngunit ayaw ka rin nilang patayin dahil mapapakinabangan ka nila."

Wala akong pinalagpas ni isang anghel sa gabing iyon. Hindi nila ako masisisi dahil sila ang unang gumawa ng gulo. Siniguro ko talaga na ang lahat ng mahawakan ko ay hindi lilisan sa aking kamay na humihinga.

Ewan ko lang pero kung ako ang nasa posisyon ng konseho ay mas pipiliin kong patayin ang isang katulad ko, kaysa hayaan na gumagala. Hindi nila alam kung anong iniisip ng bawat nilalang at masyado rin silang nagtitiwala sa akin. Hindi nila ako kilala at nagkakamali sila ng naging desisyon.

"Ganito na lang, tatanggapin mo ang aking alok at tutulungan kita sa mga kakailanganin mo habang nasa poder kita. Kahit ano, ibibigay ko."

Kanina pa ako kinukutuban sa kanyang sinasabi. Tila ba'y gustong-gusto nya akong pumasok sa naturang eskwelahan dahil may sarili rin siyang ninanais. Ngunit maganda ang kanyang inaalok at mas pabor din ito sa akin. Pero kailangan kong makasiguro na mapagkakatiwalaan ko ang nilalang na ito.

"Okay sige." Lakas loob kong sabi. "Alam ko na may ninanais kang mangyari kaya mo ito ginagawa. Ano ito?"

Marahan itong tumayo mula sa kanyang upuan at naglakad patungo sa akin. Habang naglalakad ito ay rinig ko naman ang hindi kalakasan nitong tawa habang umiiling na animo'y may narinig na kawili-wili.

"Tama rin pala ang naging desisyon ng konseho, sa ginawa ni Rafael kami pa rin ang makikinabang sa huli. Sa tingin ko ay isang pagkakamali na kinuha ka nang itinuring mong ama. Magiging isang mabuti kang mamamayan ng Aragon. Ngayong batid mo na may sarili rin akong ninanais, bakit tatanggapin mo ang aking alok?"

Sinalubong ko ang mga mata nito na halo-halo ang emosyon na pinapakita. Marami akong natutunan sa mga human, isa na rito ang pakikipag-usap habang nakatingin ng diretso sa mga mata ng kausap. Sa paraan na ito ay makikita mo kung ano ang totoong emosyon na nararamdaman ng kaharap. Hindi nagsisinungaling ang mata, kahit kailan.

Katulad na lang ngayon, alam ko na pilit tinatago nang aking kaharap ang tunay nitong nararamdaman.

"Marami akong gustong malaman at sa tingin ko ay nasa akademya ko lang ito mahahanap. Wala akong pakealam kung ano ang motibo mo."

Hindi ito nagsalita ngunit ramdam ko ang talas ng kanyang titig. Hindi ko na rin siyang tinignan dahil hindi ko rin naman malalaman ang katotohanan.

"Samahan mo ako sa aking paaralan, Neth Cyrene Idris."

•. •. •. •. •.

Bumungad sa akin ang tila isang maliit na siyudad na napapaloob sa matatayog na pader. Nang sabihin nang kasama ko na pumunta kami sa paaralan ay kaagad nag-iba ang aking paligid. Alam ko na nag teleport kami at ngayon ko lang ito naranasan sa buong buhay ko.

Nasa tarangkahan kami ngayon habang ang mga bantay ay nakatingin sa aming dalawa na may pagtataka sa kanilang mukha.

"Magpapakilala ako muli sa iyo, Neth Cyrene." Panimula nito at humarap ito sa akin at sa ginawa nya na iyon ay parang nagbago ang kanyang presensya. "Ako si Odin Grymes, ang punong-guro ng akademya, ang may-ari, at ako rin ang tagapagtatag nito. Nasisiguro ko na magiging maganda ang pananatili mo sa aking eskwelahan lalo na at maraming sabik na sabik na ikaw ay makilala."

Ano raw? Nagpapatawa ba siya? At sino naman ang mga ito? Kasi sa pagkakaalam ko ay hindi ako tanggap ng mga mamamayan na manatili rito. Napilitan lamang sila dahil nagpasya ang konseho.

"Wala kang babayaran sa pag-aaral mo sa paaralan ko ngunit may kailangan kang gawin."

"Ano?"

"Malalaman mo iyan kapag nakilala mo na sila. Sa ngayon ay kailangan muna nating libutin ang buong nasasakupan upang maging pamilyar ka."

Lihim ako umirap. Gusto ko nang malaman kung ano talaga ang binabalak nito. Pero saka na nga lang pagkatapos nito. Nilibot nga namin ang kabuoan ng eskwelahan. Mula sa harapang bahagi, likurang bahagi, sa mga kasulok-sulukan, pati na rin ang bawat silid na aming nadadaanan.

Sa buong pag-iikot ay wala akong naging tanong at reaksyon. Hinayaan ko siyang magsalita at magpaliwanag kung ano ang tawag ng mga silid na aming pinasok. Bagaman tahimik lang ako ay hindi ko parin maiwasan ang mamahangha sa aking nakikita.

Sobrang lawak ng akademya. May lugar silang tinatawag na kantina na kung saan samut saring mga pagkain ang nakahain sa harapan. May nakahilera namang apat na lamesa na sa tingin ko ay pitong metro ang haba, at ito ang sentro nang buong kantina.

Bukod sa kantina ay may lugar din sila kung saan nag e-ensayo ang mga estudyante na nasa gitnang bahagi ng lugar na napapalibutan ng mga establisyemento. Ramdam ko naman ang kapangyarihan na bumabalot sa kalupaan at dahil nga rito sila nag e-ensayo ay batid ko na hindi lang basta normal na ensayo ang ginagawa nila.

Ang mga gusali ay gawa sa mga matitibay na materyales na makikita sa iba't-ibang bahagi ng Cazadorian. Nangunguna na rito ang mga matatayog nitong pader na ang materyales na ginamit ay makikita lamang sa Medria at Themios. Bukod doon ay nakita ko rin ang iba pang mga kasangkapan sa loob. Mga marmol na sahig na sa Medria lamang makikita, ang kanilang aranya sa kantina na gawa sa mineral na sa Themios lang mahahanap, mga kurtina na gawa sa Galic na sa Seriad lamang tumutubo, at nang pumasok kami sa silid na puno ng mga sandata ay kaagad kong nalaman na isang Astrian ang gumawa nito. Marami pa akong nakita na hindi ko na binanggit pa dahil hindi na ako pamilyar sa mga ito.

"Nagustohan mo ba ang paaralan ko, Neth?"

Nasaan ang silid aklatan?

Ito lamang ang hindi nya naipakita sa akin. Pero makakapasok naman ako roon kapag naging isang estudyante na ako rito. Hindi ko kailangan magmadali.

"Maganda."

"Sa dormitoryo ka mananalagi at hindi mo na kailangan pang isipin ang mga kagamitan mo dahil ayos na. Kung may kailangan ka ay tawagin mo lang ako."

Tango lamang ang naging sagot ko dahil ukupado ang aking isipan ngayon. Malaya akong makakagalaw lalo na at may dormitoryo sa mismong akademya. Muli na naman akong napangiti ng lihim. Bakit umaayon ang lahat sa akin?

"Bukas pa ang pasukan at bukas na bukas ay ipapakilala kita sa bago mong mga kasama. Sasabihin ko na rin sa iyo bukas ang dahilan ng pagpasok mo sa paaralan ko."

Bakit pinapatagal pa nito kung maaari naman na ngayon mismo nito sabihin. Pero hindi pa rin ako umangal. Hahayaan ko lamang siya, total pabor naman sa akin lahat.

"Ihahatid na kiya sa iyong magiging silid."

Sumunod ako kaagad kay Ginoong Grymes na hindi mapawi ang ngiti sa kanyang mga labi habang naglalakad patungo sa dormitoryo. Lihim lamang akong nakasunod at nakikiramdam sa paligid. Isang malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan habang unti-unting tinatanggap ang aking sitwasyon, ang pagkawala ng aking pangalawang pamilya, ang pagpasok ko sa akademya. Ngunit pinapangako ko, ipaghihigati ko sila. Bibigyan ko ng hustisya ang pagkamatay nila.

- BM -

Thank you for reading!
Don't forget to vote and comment!
Have a great day!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top