KABANATA 2 : Panibagong Simula


K A B A N A T A 2

- N E T H C Y R E N E -

Nang muling pagmulat ng aking mga mata ay tanging kadiliman lamang ang sumalubong sa aking paningin. Unang napansin ko, bukod sa kadiliman, ay ang malamig at mabigat na bagay na nasa palapulsohan ko. Kaagad kong napagtanto kung nasaan ako ngayon. Nasisiguro ko na nasa poder ako ng mga Aragonian ngunit bakit ako lang mag-isa ang dinakip nila? Bakit wala akong maramdaman na presensya sa paligid ko? Nasaan ang iba pa?

Nagawa ba nilang patayin ang buong angkan namin?

Hindi ito maaari! Hindi pwedeng..hindi pwedeng lahat sila ay napatay ng mga nilalang na iyon!

Dahil sa galit na nararamdaman ay mariin akong napakuyom ng aking kamay. Ramdam ko ang aking kuko na bumabaon sa aking palad dahil sa higpit ng pagkakuyom ko. Tumataas-baba rin ang aking dibdib dahil sa bigat ng aking nararamdaman.

"Alam ko ang nararamdaman mo, bata."

Biglang may nagsalita at ang nakakagulat ay hindi ko maramdaman man lang ang presensya nya. Ni hindi ko rin alam kung nasa loob ba ito ng selda o nasa labas dahil wala akong nakikita.

"S-sino ka?"

Hindi pamilyar sa akin ang tinig nito.

"Batid ko ang galit na nararamdaman mo ngayon. Mabigat sa dibdib na animo'y nalulunod ka at hindi makahinga," pagpapatuloy nito na hindi man lang sinagot ang aking tanong.

Pagak lamang akong natawa. Ramdam ko ang panghihina ng aking katawan at sa tingin ko dahil ito sa bagay na nasa kamay ko ngayon. Tila isa itong aparato na pumipigil sa akin na gamitin ang aking kapangyarihan at hinuha ko hinihigop din nito ang lakas ko.

"Wala kang alam!" Sigaw ko pabalik sa kanya ngunit tila naging bulong lamang ito dahil kahit sa pagsasalita ay nahihirapan ako.

"Hindi ka nararapat sa lugar na iyon at mas lalong hindi akma na sumasama ka sa mga uri nila. Mukhang nabilog na ng iyong ama ang utak mo at pinapaniwalaan mo na rin ang paniniwala nya."

Napakunot-noo ako sa sinabi nito. Hindi ko batid ang sinasabi nyang paniniwala. Iyon bang paniniwala namin na hindi kami tanggap ng lahat dahil wala kaming kapangyarihan? Na hindi kami kinikilala bilang isang Cazador dahil sa hitsura na mayroon kami?

Kung gano'n ay nagkakamali siya dahil totoo ang mga iyon. Naranasan ko na ang makutya, pagmalupitan, at pag-aalipin sa sarili kong uri. Nakilala ko ang mga human dahil sila lamang ang namumukod tanging tumulong sa akin at nagbigay ng pagkakakilanlan kahit alam nila na may kapangyarihan ako.

"Haharapin mo mamaya ang konseho at malaki ang posibilidad na pipiliin nila na mananatili ka rito dahil sa mga abilidad na mayroon ka. Naroon ako mamaya at manonood."

Bakit nya ito sinasabi sa akin? Sino ba ang nilalang na ito? Kilala nya ba ako?

"Nasisiguro ko na magiging maganda ang pananatili mo rito sa Aragon, Neth Cyrene. Total, karapatdapat ka naman na manatili rito. Magpapakilala ako sa muli nating pagkikita."

Iyon ang huli nitong sinabi dahil naging tahimik na muli ang paligid. Nanatili lamang akong nakaupo habang dama ang bigat na nararamdaman sa nangyari. Muli ako pumikit dahil wala rin namang silbi kung nakamulat ang aking mga mata dahil gano'n lang din ang nakikita ko.

Sa pagpikit ko ay isang pangyayari ang dumaan sa aking isipan. Ang huling pag-uusap namin ni papa.

Malawak ang kabuoan ng opisina ng pinuno namin, ang tanging nilalang na tumanggap sa akin kahit na hindi nila ako ka-uri. Si Rafael Idris. Nakaluhod ako ngayon sa kanyang harapan at pinanatili ang tingin sa sahig. Masyadong mataas ang aking respeto sa pinuno at kahit na anak nya ako ay sinusunod ko pa rin ang tradisyon nila.

"Hindi mo kailangan gawin ang mga bagay na iyan, Neth. Ama mo ako at may karapatan kang maging kaswal sa harapan ko."

Dahil sa sinabi nya ay marahan akong nagtaas ng tingin.

"Hayaan mo ako, papa dahil sa ganitong paraan ay naipapakita ko sa inyo ang aking respeto at pasasalamat."

Nakita ko ang pagtigil nito sa pagsusulat at marahang itinaas ang kanyang ulo upang tignan ako. Nakangiti ito na nakatingin sa akin ng diretso. Hindi ito nagsalita at nanatiling nakatingin sa akin na tila natutuwa.

"Bakit niyo po ako pinapatawag, papa?" Tanong ko sa kanya.

Unti-unting napawi ang ngiti sa kanyang mga labi. Hindi na rin ito nakatingin sa akin. Marahan lamang nitong isinara ang aklat at tumayo at tinungo ang aparador na kung saan nakapaloob ang mga importanteng gamit nya. May kinuha siyang bagay sa aparador, isang nakarolyong papel na may kalakihan at kalumaan na.

"Lumapit ka rito sa aking mesa, Neth." Utos ni papa na kaagad ko rin na sinunod.

Marahan nitong binuksan ang nakarolyong papel sa ibabaw ng kanyang lamesa at bumungad sa aking paningin ang nakasulat.

"Ito ang mapa ng Cazadorian. Malawak hindi ba?"

Napansin ko ang pagningning ng kanyang mga mata. Tama siya, malaki ang nasasakupan ng Cazadorian. Habang pinagmamasdan ko ang mapa ay may nakita ako sa ibabang parte nito na nakapaloob sa isang pulang bilog.

"May binabalak po ba kayo?"

"Bukas ay maglalayag ako patungo sa lugar na ito," tinuro nya ang isang lugar na nasa loob ng pulang bilog. Hindi pamilyar sa akin ang naturang lugar at ngayon ko lamang ito nabasa sa tanang buhay ko. Kasunod lamang nito ang katabing nasyon ng namin, ang Adalea.

"Totoo po ba ang lugar na iyan, papa? Bakit ngayon ko lang po nalaman na may ganyan sa buong Metanoia?"

Naramdaman ko ang pagtitig ni papa sa akin. "Gagawa ako ng paraan upang maging malaya tayo. Kahit saang lugar man iyan, pupuntahan ko. Hahanap at hahanap ako ng paraan."

Ramdam ko sa kanyang mga salita ang pagiging desperado. Nakaramdam ako ng awa sa aming pinuno na walang tanging hiling kundi kapayapaan.

"Tutulungan ko po kayo!" Determinado kong sabi.

"Iyan ang magiging misyon mo, Neth. Pasukin mo ang akademya at hanapin mo ang aklat ni Raellie Sidnir."

"Aklat? Ano'ng klaseng aklat po ito?"

Dahil nakatingin ako kay papa ay agad kong nakita ang pagbabago ng kanyang emosyon.

"Ang tanging bagay na magsasalba sa atin."

Hindi na ako nagtanong pa. Sapat na ang kanyang sinagot upang makuha ko ang ibig sabihin ni papa. Hindi na bago sa akin ang ganitong misyon ngunit ang kaibahan ay malayo ang pupuntahan ko. Kakailanganin kong maglakbay ng ilang araw upang marating ang Aragon.

Sana ay narating ni papa ang lugar na iyon ngunit wala na ang buong nasasakupan. Wala na ang mga nilalang na siyang naging lakas ni papa upang ipagpatuloy ang nasimulan.

Ngunit sa ganitong sitwasyon hindi ako dapat makaramdam ng panghihina. Kailangan ko silang ipaghiganti. Hindi mawawalan ng silbi ang kanilang kamatayan. Bibigyan ko sila ng hustisya at alam ko kung saan ako magsisimula.

Kasabay ng aking pagmulat ay ang biglaang pagbukas ng pinto sa aking kulungan. Sumalubong sa akin ang dalawang nilalang na parehong may hawak na sulo. Hindi ko makita ang kanilang mga mukha kaya dumiretso ang aking paningin sa kanilang mga pakpak.

Mabibigat na mga hakbang ang kanilang ginawa patungo sa akin at sabay nila akong inangat sa pagkaka-upo sa malamig at malagkit na sahig.

"Oras na upang makilala mo ang konseho!"

Nagtawanan pa sila sa sinabi nang isa. Habang pwersahan nila akong pinapalakad, kahit na hindi ko na maramdaman ang aking mga paa, ay pumasok sa isipan ko ang ideya na baka may buhay pa sa mga kasamahan ko. Imposible na pinatay nila ang lahat ng mga human. Lalong-lalo na si Bret.

Tatlong minuto ang itinagal namin sa paglalakad hanggang sa may nabungaran akong hagdanan na sa tingin ko ay nasa mga tatlumpu ang baitang. Pwersahan nila akong pinaakyat at wala akong magawa dahil kontrolado ako nang aparato na nasa mga palapulsohan ko.

"Lakad!" Sigawa nilang dalawa.

Tila isang bilanggo na may mabigat na kasalanan ang trato nila sa akin. Kapag hindi ko maihakbang ng tama ang aking mga paa ay marahas nila itong pinapatid, at kapag hindi ko na makuhang suportahan ang aking bigat at napapaluhod ay marahas nila akong hinihila.

Hindi ako umangal at pinagdadasal ko na lamang na hindi ako mawalan ng malay pagdating namin sa taas. Lihim akong napabuga ng hangin nang pagdating namin sa itaas na bahagi ay hindi ako nabuwal dahil sa likod ng makapal na pinto na binuksan ng dalawang bantay ay ang konseho.

Kaagad akong umiwas ng tingin nang bumungad sa akin ang liwanag sa buong silid. Dinala ako ng dalawang bantay sa gitnang bahagi at marahas na itinulak dahilan upang mapaluhod ako sa marmol na sahig. Nakatitig lamang ako sa magarang sahig habang nakikinig sa mga bulong-bulongan sa paligid.

Doon ko lamang napansin na hindi lang ang limang konseho ang naririto. Maraming mga anghel ang nagtitipon-tipon.

Nandito kaya 'yong nilalang na kumausap sa akin kanina?

"Tahimik!" Sigaw nang isa sa mga konseho. Naging tahimik naman ang buong paligid.

Dahil naging maayos na ang aking paningin sa liwanag ay malaya kong inilibot ang aking mata sa mga nanonood. Hindi sa kanilang mga mukha nakatuon ang aking pansin kundi sa kulay ng kanilang mga pakpak. Mga anghel sa limang rehiyon ang naririto at batid ko na lahat sila ay pawang may mataas na katungkulan. At dahil naririto ako ngayon sa Aragon ay posible rin na nanonood ang may pinakamataas na katungkulan, ang mga maharlika.

"Ano'ng ginagawa nang isang katulad ko sa lugar na ito?" Mahina ngunit sapat na ang lakas ng tinig ko upang marinig ng konseho. Nakita ko ang pagtaas ng kilay nila sa naging tanong ko.

Wala rin ba akong karapatan na magtanong?

Nagsisimula na naman ang mga bulong-bulongan sa paligid.

"Batid namin ang pagkakakilanlan mo at kung anong uri ng nilalang ang nagpalaki sa iyo. Batid din namin ang sakit at galit na pasan mo ngayon ngunit kailangan mong lisanin ang nakagisnan mo."

Halos wala akong maintindihan sa mga sinasabi pa ng konseho dahil pinili ko ang hindi sila intindihin. Wala silang alam sa nararamdaman ko ngayon dahil hindi nila naranasan ang mga naranasan ko.

Pero ano pa ba ang inaasahan ko sa kanila? Ang tanging iniisip nila ay ang kanilang mga sarili. Wala silang pakialam sa mga katulad ko, katulad namin. Dahil kung may silbi kami sa kanilang mga mata ay hindi sana nila nilusob at pinatay ang mga inosenteng nilalang.

"Nabuo na ang pasya namin. Mananatili ka rito sa Aragon ngunit pinagbabawalan ka naming umalis sa rehiyon."

Marami ang umalma na alam ko naman na mangyayari talaga. Walang tatanggap sa isang hindi perpektong nilalang sa isang perpektong rehiyon. Salot lamang ako sa kanilang paningin.

"Hindi iyan maaari! Hindi ko hahayaan na may isang salot dito sa Aragon!" Sigaw mula sa mga nanonood.

"Hindi rin ako sangayon! Pinapanatili natin ang kapayapaan sa buong nasasakupan! Paano kung hindi naman natin siya magpakakatiwalaan?"

"Sa buong human siya lamang ang may kapangyarihan! Paano tayo makakasiguro na hindi maghahasik ng lagim ang halimaw na iyan?"

Marami pa akong narinig na pagtutol. Hindi ko naman maiwasan ang hindi matawa. Sa totoo lang ay nakakatawa silang pakinggan. Matiwasay naman kaming namumuhay malayo sa Aragon ngunit ginulo nila ang pook namin at pinatay lahat, tapos dinala nila ako rito. Para ano? Para pakinggan ang kanilang mga reklamo?

Nakakarindi sa tenga ang kanilang mga reklamo. Hindi ko na rin itinago sa kanila ang galit at inis na nararamdaman ko ngayon ngunit nanatiling tikom ang aking bibig.

Masyadong malilit ang kanilang utak upang maintindihan nila ang mga salitang lalabas sa aking bibig. Nasasayang lamang ang aking laway.

Walang gana lamang akong nakatitig sa mga maiingay na nanonood at hinihiling na sana ay tumigil na sila ay malapit na dumugo ang aking tenga.

"Tahimik!"

Sa wakas!

Nakangiti akong napapikit. Salamat at tahimik na ulit.

"Buo na ang pasya ng konseho at hindi na magbabago ito. Hahayaan namin na manirahan ang batang ito sa Aragon sa ayaw at sa gusto ninyo!"

Gano'n pa rin ang naging reaksyon ng karamihan. Mabuti at umaayon sa mga plano ko ang naging desisyon ng konseho dahil malaya pa rin akong makakagalaw. Yumuko ako upang hindi nila makita ang hindi ko mapigilan na ngiti, mali ang naging hakbang ng konseho.

May naramdaman akong paparating sa aking pwesto kaya inangat ko ang aking tingin. Nasa baba na ang isa sa mga konseho at doon ko lamang nakita ang kabuoan nito. Nakasuot ito ng puting roba habang ang pakpak nito ay may kulay puti. Kapansin-pansin din ang buhok nitong kulay niyebe at ang mga mata nito na kulay asul.

"Medrian." Bulong ko sa hangin ngunit alam kong narinig nya ito.

"Hindi na ako magtataka na malawak ang iyong kaalam dahil gano'n din si Rafael."

Maraming ulit nang nakaharap ni papa ang konseho noong hindi pa buo ang hukbo dahil humingi siya ng tulong sa kanila, ngunit wala siyang napala.

Hinayaan ko siyang lapitan ako. Inabot nito ang aking kamay at marahan na hinawakan ang aparato na kaagad din na nasira. Siya yata ang may gawa nito. Unti-unti namang bumabalik ang aking lakas at dahil sa pagkabigla ay hindi ko nagawang kontrolin ang aking sarili dahilan upang maramdaman ng katabi ko ang presensya na mayroon ako.

"Batid namin ang mga kakayahan mo at upang mapanatag ang kalooban ng mga mamamayan ng Aragon ay kailangan namin isilyado ito."

Lihim akong napa-irap. Ano'ng kaibahan ko ngayon sa isang tunang na human? Kung pinaslang nila ako sa gabing nilusob nila ang aming lugar ay wala sanang nagrereklamong mga Aragonian ngayon.

"May dahilan kung bakit ganito ang nangyayari at sana nasa panig ka namin, Neth Cyrene."

Nakatingin lamang ako sa palad nitong nakadampi sa aking mga kamay habang ramdam ko ang tila pagbaliktad ng aking sikmura. Kung hindi lang ito nakahawak sa akin ng mahigpit ay kanina pa ako nabuwal sa sahig.

"Darating ang araw na kailangan mong mamili sa dalawa. Sana piliin mo kung sino ka."

Iyan ang huling narinig ko na sinabi nito bago ako mawalan ng malay at humandusay sa marmol na sahig.

Neth Cyrene..

- BM -

Thank you for reading!
Don't forget to vote and comment!
Have a great day!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top