KABANATA 1 : Ang Paglusob
• K A B A N A T A 1 •
- N E T H C Y R E N E -
Matataas na mga bundok ang kanina pa bumubungad sa aking paningin. Ramdam ko naman ang malamig na hangin na kanina pa humahampas sa aking mukha. Nakangiti ako ngayon habang pinagmamasdan ang buong lugar namin mula rito sa itaas.
Biglang humiyaw ang higanteng ibon na siyang sinakyan ko papunta sa lugar na ito. Nakatingin ito sa akin. Marahan ko lang itong nginitian, napansin kasi nito ang paparating.
Sa 'di kalayuan ay may nakita akong paparating na katulad ni Ava, ang alaga kong ibon, sakay nito si Bret. Lumapag ang higanteng ibon nito sa tabi ni Ava at kaagad naman pumanaog dito si Bret. Nakangiti itong lumapit sa akin at sinuklian ko rin ito ng isang matamis na ngiti. Habang ang dalawang alaga namin ay tila nag-uusap gamit ang kanilang mga mata.
"Sinusundan mo ba ako?" Kunot noo kong tanong sa kanya.
Natawa ito saka umupo sa tabi ko. "Nakita ko kayo ni Ava na umalis at alam ko naman na rito ang tungo mo."
Malamang ay alam nito ang tungkol sa paborito kong lugar. Nasa tuktok kami ng pinakamataas na bundok at halos tanaw namin ngayon ang buong Medria. Sa lugar na ito may apat na klima, ang taglamig, tag-araw, tagsibol, at taglagas. Sa buwan na ito nagsisimula nang magpakita ang mga niyebe.
"Mukhang hindi yata tayo makakapunta sa batis sa susunod na tag-araw," ani nito habang nakatingin sa malayo at tila malalim ang iniisip.
Batid kong alam na niya ang ibinigay sa akin ni papa na misyon. Sa tingin ko naman ay hindi niya ako pipigilan dahil para sa aming lahat naman itong gagawin ko.
"Kailan ba ang alis mo?" Tanong nito.
Lumingon ito sa akin dahilan upang mag tagpo ang aming mga mata. Natural ang kulay asul nitong mga mata habang kapansin-pansin naman ang kulay niyebe nitong mga kilay, palatandaan na isa siyang Medrian.
"Hindi ka naman siguro magtatagal don," muli na namang wika nito dahilan upang umiwas ako ng tingin.
"Hindi ko alam, Bret." Pagsisimula ko at muli siyang tinignan sa mga mata. "Gusto kong maging matiwasay ang pamumuhay natin kasama ang mga anghel. Walang diskriminasyon sa atin, na patas ang tingin sa atin ng karamihan. Gusto kong baguhin ang batas."
Naramdaman ko bigla ang pagdampi ng mga palad nito sa aking pisngi. Agad nanuot ang init ng kanyang palad sa parteng iyon, ngunit agad din akong umiwas at hindi pinansin ang init na pinadama nito sa akin.
"Kung may kapangyarihan lang sana ako," bulong nito pero rinig ko naman. "Gusto natin lahat mamuhay ng normal, makahanap ng trabaho, magkaroon ng karapatan, at makapag-aral. Sa tingin mo ba mangyayari ang mga ito?"
Masyadong mabigat para sa akin ang misyon na ibinigay sa akin ni papa. Ngunit alam ko para sa amin din ito, para sa kapakanan ng mga human. Ang mga anghel na hindi biniyayaan ng kapangyarihan at pakpak ay tinatawag nilang human. Madalas kaming kutyain, at tinataboy dahil sa kakaiba naming hitsura.
"Mangyayari iyan dahil nandiyan naman si papa. Nangako siya sa atin na gagawa siya ng paraan para makawala tayo sa kadenang inilagay ng lipunan sa ating mga leeg. Gagawin ko rin ng maayos ang trabaho ko."
Ang papa namin ang lider ng mga human at patuloy din siyang naghahanap ng mga paraan upang mangyari ang kagustohan namin na makawala. Sa ngayon ay naglalakbay siya tungo sa lugar na alam daw niya na may tutulong sa kanya. Wala siyang sinabi sa amin kung anong lugar ito. Sa ngayon si Bret ang pumalit kay papa na mamuno sa buong nasasakupan.
"Sana sa muling pagbalik mo at magkaroon na tayo ng katiwasayan sana bigyan mo ako ng pagkakataon."
Tinignan ko ang mahaba nitong puting buhok na malayang isinasayaw ng malamig na hangin. Alam ko na matagal na siyang may pagtingin sa akin. Mula noong nakita ako nilang dalawa ni papa sa nakakasulasok na lansangan dito sa Medria ay alam ko kaagad ang tingin na pinupukol niya sa akin.
"Bret, magkapatid tayo." Pigil ko sa kanya. "Dala-dala ko ang apelyido ninyo. Isa akong Idris."
Nakita ko ang pagiba ng kanyang reaksyon. Alam na nito ang palagi kong sagot sa kanya.
"Sa pangalan ka lang isang Idris, Neth. Hindi tayo tunay na magkapatid."
"Ngunit sa mga mata ng mga human magkapatid tayo," mahinang wika ko. "Huwag mo nang ipilit, Bret. Kapag nalaman ito ni papa ay alam kong ilalayo tayo sa isa't-isa."
Natahimik ito saglit at marahas na napabuga ng hangin. Gwapo naman si Bret, makisig, matapang, at may prinsipyo. Maraming nagkakagusto sa kanya mapa-human man o anghel. Hindi ko nga rin batid kung bakit niya ako nagustohan. Hindi ako tulad ng karamihan na inaatupag ang pagpapaganda sa sarili. Banat ako sa mahihirap na trabaho at ako rin palagi ang pinapadala ni papa sa mga mahihirap na misyon.
"Basta bumalik ka lang," muling imik nito. "Pero hindi pa rin mag-iiba ang tingin ko sa'yo."
Ngumiti lang ako at marahang tinapik ang kanyang balikat. "Paunahan tayo bumalik sa bahay?"
"Tsk!" Napakamot pa ito sa kanyang kilay at umiling. "Ang mahuli maglilinis sa kwadra!" Sigaw nito habang tumatakbo.
Agad naman akong sumakay kay Ava at pinalipad ito. Habang nasa himpapawid ay pasimple akong tumingin sa ibaba kung saan pawang nga nagtataasang puno ang sumalubong sa aking paningin. Ngunit may kumuha sa aking atensyon, mga anghel na may dalang sulo at pamilyar sa akin ang daan na kanilang binabaybay.
"Bret!" Tawag ko sa kasama na nasa tabi ko lang. Nang lumingon ito sa akin ay tinuro ko rito ang mga nilalang na nasa baba namin. Batid naman nito ang ibig kong sabihin. Sumenyas ako sa kanya na bumaba kami sa gitna ng gubat.
Nang makababa na kami ay walang ingay na sinundan namin ang mga nilalang. Ang daan na kanilang binabaybay ay patungo sa lugar namin. Hindi naman pamilyar sa amin ang kanilang mukha kaya hinuha ko may balak silang hindi maganda.
"Neth, tignan mo ang uniporme nang nasa unahan."
Sinunod ko naman ang sinabi ni Bret at nang makita ko ang pamilyar na uniporme na iyon ay kaagad akong kinabahan.
Nagkatinginan kaming dalawa at walang pagdadalawang-isip na humarang sa harapan ng mga nilalang. Lima sila lahat at lahat sila may dalang sulo.
Apat sa kanila ang bumunot ng sandata at umaktong susulong sa aming dalawa ni Bret ngunit itinaas nang nilalang na nasa unahan ang kanyang kanang kamay dahilan upang magsitigil ang kasamahan niya.
"Magandang gabi sa inyong dalawa." Magalang na wika nang nasa unahan. "Batid kong alam ninyo kung saan ang tungo namin."
Nangunot kaagad ang aking noo sa sinabi nito ngunit kaagad ko rin nakuha kung paano nito nalaman, wala kaming pakpak dalawa ni Bret at na-iiba rin ang kasuotan namin.
"Ano'ng kailangan ninyo sa mga human?" Matigas na tanong ko sa kanila.
Palihim kong hinanap ang mga presenya ng hukbo ni Santiago, ang nagbabantay sa loob ng kakahuyan, ngunit hindi ko sila naramdaman at tila may nagpipigil din sa akin na gamitin ang aking kapangyarihan.
"Mukhang kayo ang dalawang anak ni Rafael." Hindi nito sinagot ang aking tanong at napako naman ang tingin nito sa akin. "..at ikaw ang ampon ni Rafael na may kapangyarihan."
Nang sabihin nito ang tungkol sa akin ay naalarma ako.
"Neth!" Tawag sa akin Bret at hinawakan ako sa balikat. Nakuha ko naman kaagad ang ibig nitong sabihin. Hinawakan ko ang isang matayog na puno na nasa gilid ko at kaagad nag-iba ang anyo nito.
Tumakbo kaagad kami patungo sa aming mga alaga at pinalipad patungo sa aming lugar ngunit nang nasa himpapawid na kami ay itim na usok ang humarap sa amin sa hindi kalayuan.
Isang ideya kaagad ang pumasok sa aking isipan, sinugod kami. Hindi ko na pinansin si Bret at kaagad pinaharurot sa paglipad si Ava. Nang makapanaog na ako ay tila gusto kong magwala.
Lahat ng mga bahay ay nasusunog, puro sigawan at iyak ang nanunuot sa aking pandinig at maraming nakahandusay sa lupa na tila wala ng buhay.
"N-neth, tumakbo ka na!" Isang ginang ang sumigaw at nang tumingin ako sa gawi niya ay saktong may bumaon na palaso sa kanyang dibdib.
Gulat, galit, takot at pighati ang aking naramdaman sa mga oras na ito. Hindi ako makagalaw dahil sa mga emosyon na dumadaloy sa kaibuturan ko.
Sinugod nila ang hukbo ng mga human. Walang awa nilang pinaslang ang mga nilalang na walang ibang gusto kung hindi bigyan sila ng karapatan mabuhay.
"Neth!"
Tila nabingi ang tenga ko dahil sa mga naririnig kong hindi kaaya-aya at sa isang iglap lang ay sumalubong sa akin ang isang anghel na may dalang sandata. Hindi ko namalayan na kusang gumalaw ang aking katawan at ang kasunod na nangyari ay unti-unting naging abo ang anghel sa aking harapan.
"Neth!"
Nilingon ko si Bret na tila nagulat sa nasaksihan. Buo na ang aking loob.
"Huwag!" Pakiusap nito ngunit hindi ko na siya pinakinggan pa. Gamit ang aking bilis sa pagtakbo ay isa-isa kong nilapitan ang mga anghel na may kulay kayumanggi at puti na mga pakpak. Agad akong nagpalabas ng sandata sa aking kamay at walang pagdadalawang-isip na ibinaon ito sa kanilang mga leeg.
Hinawakan ko ang kanilang mga pakpak at sa isang iglap lang ay naging abo ang mga ito. Dahil sa galit na aking naramdaman ay nakuha ko pang putulin ang kanilang mga kamay.
Hindi ko na inalintana ang dugo na tumalsik sa akin katawan. Wala nang mga bahay na nakatayo, lahat ay tinupok na ng apoy at ang mga human na nakahandusay ay wala ng buhay.
Humiyaw ako sa galit.
"Wala kaming hiling kundi kapayapaan at katiwasayan sa aming lahi!" Napaluhod ako sa lupa habang walang tigil na tumutulo ang mga luha sa aking mga mata. "Hindi ko kayo patatawarin! Maghihiganti ako!"
Naramdaman ko ang isang hukbo ng mga anghel ang paparating sa aking direksyon. Madilim ko lang silang tinignan at gamit ang kapangyarihan kong kontrolin ang bawat dugo na dumadaloy sa kanilang katawan ay walang pagdadalawang-isip na binali ang kanilang mga buto.
"Tama na!" Isang dumadagungdong na boses ang pumaibabaw sa buong lugar. May lumitaw na isang matandang lalaki na may dalang sungkod mula sa kakahuyan. "Hindi kami ang kalaban mo, bata!" Muling sigaw nito.
Hindi nga ba? Pinatay nila ang pamilya ko. Sinunog nila ang pamamahay namin.
"Namumuhay kami ng matiwasay!"
"Marami ka pang hindi alam, Neth Cyrene."
Natigilan ako sa pagtawag nito sa buong pangalan ko. Hindi ko kilala ang matandang lalaki at mas lalong hindi siya pamilyar sa akin.
"Hindi buo ang kaalaman na mayroon ka at itinanim niya sa iyong utak."
Niya? Sino ang tinutukoy nito? Ilang saglit lang ay bigla akong namilipit sa sakit ng ulo. Tila mabibiyak ito sa sakit. Naramdaman ko naman na unti-unti akong nahihiga sa lupa.
"Hindi ka isa sa kanila, Neth Cyrene." Tila isang bulong ang narinig ko mula sa matandang lalaki bago ako nawalan ng malay.
- BM -
Thank you for reading!
Don't forget to vote and comment!
Have a great day!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top