Catwalk - Part 1
Copyright © Jay-c de Lente
Cover: photo/digitalArt by © Jay-c de Lente
All rights reserved. This book or any portion thereof may not be reproduced or used in any manner whatsoever without the express written permission of the author/publisher except for the use of brief quotations in a book review.
This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
Catwalk (Short Story) - PART 1
"Shaaanaaa..."
Kumunot ang noo ng magandang dilag sa narinig. Pabulong ang pagkakabigkas noon sa mababang boses. Hindi niya alam kung kanino iyon galing.
"Shaaanaaa..."
Hayun na naman!
Marahas siyang lumingon tuloy sa bandang kanan kung saan narinig ang bulong. Subalit abala ang kanyang mga katabi sa paghahanda ng kasuotang kanilang irarampa sa catwalk o runway. Rehearsal nila kasalukuyan para sa malaking fashion show na gaganapin sa darating na linggo.
"May tumawag ba sa akin?" tanong niya sa ilan na malapit sa kanyang kinaroroonan.
Puro iling lamang ang bumalik na sagot sa kanya. Nilinga pa niya lalo ang paningin sa paligid sa pagbabasakaling makita ang nanloloko.
Maya-maya pa ay naging uneasy na siya at nagsitindig ang mga balahibo sa mga braso nang mapagtantong siya lamang ang nakaririnig noon. Inaamin niyang kinilabutan siya sa paraan ng pagkakabigkas ng kanyang pangalan. Malalim at parang pakaladkad. Animo'y ipinaaalam ang presensiya.
Ang totoo, hindi first time na narinig niya ang mga bulong. Mahigit isang buwan na iyong pabalik-balik. Malimit ay tuwing may photo shoot o rehearsal siya katulad ngayon. Kinumbinsi lang niya ang sarili na epekto iyon ng pagod sa trabaho kaya isinawalang-bahala niya. Gayunpaman, habang patagal nang patagal ay lumalala ang naturang mga bulong at nagiging madalas na. Kung kaya sumagi na sa isipan niya na malamang ay mayroon siyang kasamahang modelo o 'di kaya ay ibang empleyado na nanloloko sa kanya. Mas malala kung iyon ay stalker!
"Alright, ladies! Let's do this!" Pumalakpak ang fashion choreographer, senyales na magpapatuloy na ang rehearsal. Nag-break kasi sila panandalian.
Muling umalingawngaw sa maluwang na lokasyon na iyon ang upbeat music, kasama ng mga special effects na ilaw na bagay na bagay sa mga damit na kanilang suot. Pang-summer at puro ready-to-wear ang mga disenyo.
Mula sa left wing ng stage, siya ang unang lumabas at pumagitna. In character siya agad nang tinunton ang catwalk. Suwabeng-suwabe ang paggalaw ng kanyang hips at paghakbang ng mahahabang mga legs sa tempo ng tugtugin.
Strategically, siya ang inilagay na pambungad sa palabas. Siya, na nakikilala na sa larangan ng pagmomodelo. Siya, na bukambibig na sa mga midya. Siya, na in demand na sa mga kompanyang gustong ipaendorso ang mga produkto. Siya, na numero uno nang modelo sa malaki at kilalang agency na kanyang pinagtatrabahuan.
Hanggang tainga ang ngiti ng choreographer habang rumarampa siya sa magara at mahabang catwalk. Hindi ito nagkamali sa pagpili. Madali kasi siyang makakuha ng instructions sa kung ano ang dapat na gawin sa pagdadala ng kasuotan, sa dapat na emotion o facial expression, at sa style ng paglalakad. Matalino siya, talented, walang arte, at hindi paimportante.
Tumango at nag-thumbs up sa kanya ang fashion designer sa huli niyang pose sa gitna ng stage bago tuluyang nag-exit sa left wing.
"Well done, darling!" papuri rin ng choreographer sa kanya.
"Shana!"
Napapitlag siya! Muntik na siyang matalisod sa paglalakad sa sobrang gulat. Ang lakas kasi ng muling bulong. May diin na iyon. Parang nagagalit. Dahilan na mas tumindi ang paninindig ng kanyang mga balahibo. Ultimo buhok niya sa ulo ay ramdam niyang nagsitayuan na. Mabuti na lang at nakalampas na siya ng entryway sa left wing at hindi na iyon nakita ng mga tao sa ibaba ng stage.
Mulagat ang kanyang mga matang nagpalinga-linga sa paligid hanggang makarating siya sa backstage. Parang nilukob ng lamig ang buo niyang katawan nang mayroon siyang na-realize. Alam niya kasi na malayo at ilang metro ang distansiya mula sa kanya ng mga modelong kasunod niyang lumabas ng left wing at sumunod na rumampa, kaya malayong isa sa mga ito ang gumawa ng prank. Imposible kasing maririnig pa niya ang bulong ng isa sa mga ito sa ganoong layo ng distansiya.
Kung ganoon ay walang nanloloko sa kanya. Wala ring stalker.
"Oh, God..." mahina niyang sambit sa sarili. Nanginginig ang mga bigkas na iyon dahil sa pangangatal ng kanyang mga labi. "What is happening? Nasisiraan na ba ako ng bait?"
Gustong humiyaw tuloy ng kanyang utak sa huling isiping 'yon. Dahil iisa lang ang ibig sabihin ng mga naririnig niyang bulong lalo pa't wala ni isa sa mga kasamahan sa paligid ang nakarinig.
Na-distract lang siya nang kinuha ng kanyang assistant ang kanyang pansin. "Shana, kailangan mo nang magpalit," anito, sabay inilapit ang ready nang kasuotan na susunod niyang irarampa.
Naging abala sila sa kasuotan. Pansamantala ay bumalik sa rehearsal ang kanyang isipan. Pansamantala, naiwaglit niya ang naririnig na mga bulong.
Makalipas ang ilang minuto, muli siyang pumagitna sa entablado at tumungo sa catwalk suut-suot ang kasuotan na pinakakakaiba at maganda sa lahat—ang pang-finale.
"Gorgeous!" sabi ng choreographer patungkol sa kanya at sa suot.
"And stunning!" saad at sang-ayon naman ng producer na naroroon ding nanonood.
Hindi niya mapigilang ngumiti. Sobra niyang naa-appreciate ang suporta at approval na ibinibigay sa kanya.
"Gorgeous..?"
Biglang nawala ang maluwang niyang pagkakangiti!
Hindi siya nagpahalata at nagpatuloy pa rin sa pagrarampa. Subalit kumakabog nang sobra ang kanyang dibdib dahil sa loob ng mahigit na isang buwan ay ngayon lamang nangyari na inulit ng bulong ang sinabi ng isa sa mga naroroong tao. Pakiramdam niya ay nasa tabi lamang niya ang may-gawa noon. Dinig niya kasi pati hininga!
Binilisan niya ang paglalakad nang tumalikod pabalik sa gitna ng entablado. Gusto na niyang umalis doon. Para kasing ambigat ng ere sa paligid. Mabuti na lamang at propesyonal siyang modelo at seryoso siya sa trabaho. Dahil kung hindi, nag-panic at nagsisigaw na siya sa takot at nerbiyos.
"Stunning..?"
Tuluyan na niyang tinakbo ang backstage nang makalampas ng entryway. Dumeretso siya sa umpok ng ibang mga modelo. Baka kasi tigilan na siya ng mga bulong kapag nasa presensiya siya ng maraming tao. Namumutla siyang naupo sa bakanteng upuan malapit sa tokador at itinago ang nanginginig na mga kamay.
Napatingin siya tuloy sa harapang salamin sa kanyang sariling repleksiyon. Takot at nagugulumihang mga mata ang nababasa niya.
Nilapitan siya ng kanyang assistant upang tulungang hubarin ang kasuotan. "Okay ka lang, Shana?" tanong nito matapos. Napansin kasi nito ang kanyang pamumutla.
"O-oo naman... Napagod lang siguro ako. Kailangan ko lang mag-rest."
"Sigurado ka ba?" Nasa anyo ng assistant na hindi ito kumbinsido. "Ikukuha kita ng gamot kung gusto mo."
"No—no need. Pagod lang talaga ito. Pero, salamat sa concern." At pinilit niyang ngitian ito upang hindi na palawigin pa ang usapan.
Narinig iyon ng ilang mga kaibigan at modelo na katatapos lang din magpalit ng damit. Nilapitan siya ng mga ito.
"Sissy, alam mo, sa mga tulad nating kagandahan at talent ang puhunan, hindi dapat pinababayaan ang katawan," nagpapatawang komento ng isa na kunwari ay maarteng nag-pose sa harap niya. "Kaya uminom ka na ng gamot bago pa 'yan lumala."
"Oo nga naman," sang-ayon ng isa. "Malapit na ang big event at ikaw pa naman ang inaantabayanan ng mga guests at ng mga midya."
"Hindi na," mariin niyang tugon kasabay ng mariin ding pag-iling. "Wala naman akong sakit."
"Come with us then. Kape tayo pagkatapos dito," anyaya naman ng isa pa.
"Para matanggal 'yang stress mo—kung ano man 'yan," dagdag ng kaibigang nag-pose kanina.
"At saka hindi ka na rin sumasama sa mga lakad ng grupo. Minsan kahit hindi ka busy sa schedule mo ay hindi ka pa rin pumupunta sa get-together."
"Okay, fine," naiiling habang nangingiting sang-ayon na niya sa huli.
Tama kasi ang mga ito na kailangan niya ng maraming caffeine sa katawan. Hindi niya ipinapakita sa kanila, pero antok na antok siya at hapung-hapo na. Maraming gabi na kasing hindi maayos ang kanyang pagtulog.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top