1
"Il-eul jeonglihaji anhneun iyu?"
"Yongseohaejuseyo, seonsaengnim." Hindi halos makatingin si Jasmine sa supervisor niyang ngayo’y kinagagalitan siya. Na-report kasi na damaged daw ’yong isang bundle ng styrofoam na naka-assign sa kaniya. Late nang nalaman iyon, kung kailan nakarating na ang delivery truck sa Busan.
Hindi alam ng dalaga kung paano at saan nagmula ang damage. Bago kasi iakyat sa truck ang styrofoams ay makailang ulit niyang sinipat ang mga iyon para masigurong maayos iyong makararating sa kliyente.
Ilang minuto pang pinagalitan si Jasmine ng amo hanggang magsawa rin ang huli. Saka lang nakahinga nang maluwag ang dalaga nang bumalik na ang supervisor sa loob ng opisina nito.
"Sinabon ka na naman ni sir. Paborito ka talaga niya," biro ni Myra na naparaan. Pilipino rin ang dalaga tulad ni Jasmine.
Isang malalim na buntong-hininga lang ang isinagot ng huli. Isang tingin muna ang ipinukol niya sa opisinang pinuntahan ng amo bago muling bumalik sa ginagawa.
Dalawang taon nang nagtatrabaho si Jasmine bilang picker packer sa JTL Co., Ltd, isang polysterene manufacturing company sa Seoul. Sila ’yong in charge sa inventory at pag-a-arrange ng styrofoams sa shipping containers.
Kung tutuusin ay sinuwerte nga ang dalaga at ang mga kasama niya sa trabaho. Magaan ang gawain nila sa factory. Ang tanging kalaban lang nila ay ang pagkabagot sa trabaho dahil paulit-ulit lang din naman ang ginagawa nila sa araw-araw.
Itinuturing ni Jasmine na mapalad ang sarili dahil napatapat siya sa ganitong trabaho. Ang iba kasi niyang mga kasabayan sa pag-apply e napapunta sa factory na magkandakuba na sila sa bigat ng gawa. Iyong iba nga e gusto nang umayaw. Wala lang choice kung hindi ang mag-stay dahil sa pinirmahang kontrata.
"Gamsahamnida!" bati ng dalaga sa mga katrabaho pagkatapos niyang mag-clock out.
"Hindi ka ba mag-o-overtime, kabayan?" tanong ni Ernie na panggabi naman ang shift. Kararating lang nito sa pabrika. Nagkasalubong silang dalawa dahil magta-time in naman ito.
"Hindi muna, Manong Ernie. Wala akong gana," laylay ang mga balikat na tugon ni Jasmine. Isinuot na niya ang jacket at tuluyan na siyang umalis pagkapaalam sa katrabaho.
Pagkarating niya sa dorm ay ibinuhos niya ang stress sa pagkain. May Korean dish nang nakahanda para sa kaniya at sa mga kasamahan niya sa trabaho. Luto iyon ng assigned cook sa kanila, provided din iyon ng company.
Nang matapos siyang kumain ay dumiretso na siya sa kuwarto. Nag-apply ng kaunting skincare at nakipag-video call sa pamilyang naiwan sa Pilipinas.
"Nak, kumusta ka na? Nakakakain ka ba nang maayos diyan?"
Isang ngiti ang pinakawalan ni Jasmine sa inang kausap. "Opo, 'Ma. Huwag n’yo po akong intindihin. Maayos na maayos po ang kalagayan ko rito." May bahagi sa puso ng dalaga ang kumudlit. "Kayo po, kumusta na? Naiinom n’yo pa rin po ba ang gamot ninyong pang-maintenance?"
Lumikot ang mga mata ni Aling Emma, ang ina ni Jasmine.
Umiling-iling ang dalaga. "Naku, alam na this. Hindi na naman ininom 'yung gamot."
"Hehe. Sige na, iinom ako pagkatapos ng video call, anak."
May sakit kasi sa puso ang ginang.
"Sure 'yan ha? Naku, kapag hindi ka uminom, 'Ma, uuwi ako sa Pilipinas nang wala sa oras."
"Iinom ako, pangako iyan." Tipid na ngumiti si Aling Emma.
"Ay si ate." Mga kapatid ni Jasmine na sina Jasper at Kier ang bumungad sa likod ng ina. " Hello, ate!"
Pinaalala ng mga ito ang mga inuungot na bagong unit ng Samsung at saka motor na gustong kuhanin.
"Pag-iisipan ko. Basta tumulong kayo sa mga gawa sa bahay. Puro lang kayo hingi e ang tamad n’yo raw diyan."
Kamot sa ulo ang isinagot ng dalawa.
Nang makapagpaalam sa pamilya ay dumapa na siya sa kama para ipahinga ang napapagod na niyang katawan.
•••
Halos kalahating oras na siyang nakahiga ay hindi pa rin nakikiayon ang diwa niya. Ayaw siya nitong patulugin.
"Insomnia na naman," disappointed na turan ni Jasmine.
Tumitig siya sa ceiling. Muling nag-flashback sa kaniya ang nangyari kani-kanina lang. Binalikan niya ng tanaw kung paano siya pinahiya ng supervisor sa harap ng kaniyang mga kasamahan.
Nagsimulang ngatngatin ng panliliit ang self-esteem niya. Bago pa siya tuluyang magupo noon ay bumangon na siya.
Bibili muna siya ng soju sa labas pampatulog.
•••
Vocabulary words
• "Il-eul jeonglihaji anhneun iyu?"
- Bakit hindi mo inaayos ang trabaho mo?
• "Yongseohaejuseyo, seonsaengnim." - Sorry, sir.
Disclaimer: Please bear with me. Hindi po ako bihasa sa South Korean language. Translated lang po iyan ni Pareng Google. 😂
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top