Captured
WARNING: Mature content ahead. This story contains brutal scenes that are inappropriate for some readers, so read at your own risk!
HABOL-HABOL ng lalaki ang kanyang paghinga nang makarating siya sa kanyang kwarto. Animo'y naligo siya sa ulan dahil tumatagaktak ang pawis sa kanyang mukha papunta sa itim at lukot-lukot niyang jacket. Kahit na bumibigay na ang talukap ng kanyang mga mata ay nagawa pa rin niyang ngumisi habang hawak-hawak ang cellphone niya.
Madilim ang buong paligid at ang tanging nagpapaliwanag lang nito ay ang screen ng kanyang cellphone. Pinailaw niya ang flashlight at tinungo ang kama. Bago siya humiga ay pinindot niya muna ang gallery nito at naaaliw na pinagmasdan ang mga imahe na siya mismo ang kumuha.
Sa tuwing mapapatingin siya sa maamo nitong mukha ay hindi niya mapigilan ang sariling hindi mabaliw.
"Ang buhok mo." Inilapit niya ang cellphone sa kanyang ilong at sininghot ito. Napapapikit pa siya na para bang naamoy niya ang mabango nitong shampoo.
Inilipat niya ito at nakita ang babae na masayang nakangiti.
"N-Naya..." usal niya sa pangalan ng babae at hinalikan ang kanyang cellphone. "Ah...ang sarap mo—hindi, ang ganda mo."
Bago pa siya tuluyang mabaliw sa kagandahang taglay ng dalaga ay mabilis niyang tinungo ang notes ng kanyang cellphone. Umarko ang kanyang labi habang nakatingin sa petsa at oras na nakatala rito. Agad niyang i-ni-scroll ito pababa at doon nagsulat.
'June 15, 2020. 7:17 A.M. Nagising ang reyna ko.'
'June 15, 2020. 8:00 A.M. Natapos siyang maligo at kumain.'
'June 15, 2020. 10:00 A.M. Lumabas ang pinakamamahal ko sa kanilang bahay.'
'June 15, 2020. 12:51 P.M. Sinamahan ko ang aking mahal na mag-grocery.'
'June 15, 2020. 2:34 P.M. Masaya kaming kumaing dalawa.'
'June 15, 2020. 4:21 P.M. Hinatid ko siya sa kanila.'
'June 15, 2020. 5:00 P.M. Hinalikan niya ako at sinabihang, mahal na mahal niya ako.'
"Mahal na mahal din kita. Akin ka lang, ha?" saad niya habang hinahaplos ang screen ng kanyang cellphone. "Nandito lang ako palagi sa tabi mo. Hinding-hindi ako mawawala sa 'yo. Pangako 'yan."
NAGISING si Ron sa ingay ng kanyang alarm clock. Kaagad siyang bumangon at pumunta sa bintana ng kanyang kwarto. Nasa gilid lang ng kalsada ang kanilang tahanan at sa kabilang dulo no'n ay ang tirahan ng kanyang pinakamamahal.
"Magandang umaga, Naya," bati niya nang makita niya itong nagdidilig ng mga halaman. Mag-isa lang itong nakatira sa kanila dahil nasa abroad ang ina at ama nito.
Kinuha niya ang kanyang cellphone. Zi-noom niya muna ito bago kunan ng litrato si Naya.
Ang ganda niya talaga.
Tinungo niya ang banyo upang maligo dahil nangangamoy pawis na siya. Hindi pala siya nakapagbihis dahil nakatulog siya kagabi. Pagkatapos niyang maligo ay isinuot niya ang kanyang uniporme at nagmamadaling lumabas ng kanyang kwarto.
Nakasalubong niya ang kanyang ina na naghahain ng pagkain.
"Oh, Anak, gising ka na pala. Kumain ka na."
"Hindi na, Ma. Sa school na lang po ako kakain," sabi niya at tinungo ang pintuan palabas.
"Teka, Anak, paano 'yong gamot mo?" pahabol ng kanyang ina.
"May dala po ako, do'n na lang din ako iinom pagkatapos kong kumain," pagsisinungaling niya at lumabas na ng kanilang bahay.
Eksakto ring pagkalabas niya ay ang paglabas din ni Naya. Nakasuot din ito ng uniporme na katulad ng sa kanya. Parehas sila ng university na pinapasukan at magkaklase rin sila. Nang magsimula na itong maglakad ay ganoon din ang ginawa niya.
Nasa kabilang dulo ito ng kalsada at palihim niya itong sinusulyapan.
Ang maputi at makinis nitong balat, ang balingkinitan nitong katawan at ang buhok nitong sumasayaw sa hangin, hindi niya talaga mapigilang purihin ang dalaga sa isipan niya.
Kinuha niya ang cellphone sa kanyang bulsa at binilisan ang paglalakad. Sinadya niyang mauna kay Naya at dahan-dahang itinaas ang cellphone. Kukunan niya ng litrato ang sarili. Bahagya niya itong tinagilid upang makita rin si Naya sa litrato.
Ngumiti siya bago pinindot ang capture button.
"Ang ganda mo, Mahal," bulong niya sa sarili habang zi-no-zoom ang litratong kakakuha lang niya.
Nawiwili siyang tignan ito nang biglang lumakas ang hangin. Napapikit siya upang 'di pumasok ang mga alikabok sa kanyang mga mata. Agad niyang nilingon si Naya kung napuwing ba ito o nadumihan ang suot-suot nitong uniporme, ngunit wala siyang nakitang Naya sa kabilang dulo ng kalsada.
"Naya?"
Nataranta siya. Lumingon siya sa iba't ibang direksyon para hanapin ang dalaga, pero wala. Hindi kaya bumalik ito sa kanila?
Napaigtad si Ron nang may kumalabit sa kanya.
"Hinahanap mo 'ko?"
Nilingon niya ito. Kamuntikan na siyang mawala sa balanse dahil sa sobrang lapit ng mukha ni Naya sa kanya. Biglang bumilis ang tibok ng kanyang puso at pakiramdam niya'y sasabog ito sa tuwa nang makita nang malapitan ang mukha ng mahal niya.
"Hi, Ron," nakangiti nitong bati sa kanya.
"H-Hi," nauutal niyang sagot at napaiwas ng tingin.
"Sabay na tayo?"
Napangiti siya sa tanong nito. "S-sige."
Gustong-gusto talaga ng mahal niya na sabay sila. Nauna itong maglakad sa kanya at wala siyang ibang ginawa kundi titigan ito. Kahit kailan ay hindi siya magsasawang kabisaduhin ang kabuohan ng dalaga.
Hanggang sa makarating sila sa kanilang classroom ay nakatitig lang siya rito. Nasa unahan niya lang ito nakaupo at amoy na amoy niya mabango nitong buhok.
"Baliw ka na talaga, tol," rinig niyang bulong ng kaklase niya mula sa kanyang likuran. Nilingon niya ito at nakita niya itong umiiling pa.
"Manahimik ka nga," asar na saad niya.
"Pfft. Ano ba kasi inaamoy mo d'yan?"
Ano pa ba? E 'di ang mabangong buhok ni Naya. Hindi niya na lang ito pinansin at ibinalik ang atensyon kay Naya.
Hindi siya nakinig nang magsimula na ang kanilang klase dahil ang tanging nasa isipan niya lamang ay si Naya. Si Naya na nagpapabaliw sa kanya. Si Naya na mahal na mahal niya. Si Naya na gustong-gusto niyang palaging nakikita. Si Naya na reyna niya.
FIVE P.M. nang magsimula ng magsilabasan ang mga estudyante sa university. Nagpanggap siyang may kinakalikot sa bag dahil hinihintay niya si Naya na matapos magligpit ng gamit.
"Ron, uuwi ka na ba?"
Napangisi siya sa tanong nito. "Oo."
"Kung ganoon, sabay na tayo," tuwang-tuwa nitong sabi at hinila ang kamay niya palabas ng classroom.
Habang naglalakad pauwi ay tinitigan niya ang kamay nilang magkahawak. Hinawakan niya rin ito. Ramdam niya ang init ng palad nito. Pansin naman niyang nabigla si Naya sa ginawa niya dahil napatingin ito sa kanya. Nang magsalubong ang kanilang mga mata ay agad itong napaiwas ng tingin. Ang akala niya'y bibitaw ito, pero hinayaan lang siya nitong hawakan ang malambot nitong palad.
Hindi niya maipaliwanag ang tuwang nararamdaman niya. Eksaktong-eksakto talaga ang kamay nila para sa isa't isa.
Hinatid niya si Naya sa kanila. Aalis na sana siya nang pigilan siya nito.
"Ahm..." Namumula ang mga pisngi nito habang napapayuko. "P'wede bang dito ka muna?"
"Ha?" Natigilan siya sa sinabi nito.
"Dito ka muna sa bahay kahit sandali lang. Wala ka naman sigurong gagawin 'di ba?"
Napangiti siya. Gustong-gusto talaga ni Naya na palagi siyang kasama.
Tumango siya at sabay silang pumasok sa bahay nito. Ito ang unang beses na nakapasok siya sa bahay nito. Namangha pa siya dahil napakalinis nito.
"Ipagtitimpla muna kita ng juice. Upo ka muna." Tinuro nito ang sofa.
Kagaya nga ng sinabi nito ay umupo siya sa sofa. Inilagay niya muna ang bag sa maliit na lamesang nasa harapan niya habang hinihintay na makabalik ito sa salas.
Pumikit siya at sininghot ang halimuyak na bumabalot sa buong bahay. "Ah, ang bango mo talaga."
"Ito na."
Napalingon siya babaeng may dala-dalang dalawang baso at nakatuon lang doon ang atensyon. Palapit na ito sa kanya. Bumangga ang tuhod nito dahilan para mawala ang balanse ng dalaga.
"Ah!" sigaw nito.
Napapikit siya nang sumaboy ang juice sa mukha niya. Nagulat siya nang maramdaman niyang may malambot na bagay na lumapat sa kanyang labi. Napamulat siya at nagsalubong ang mga mata nila. Magkalapit ang kanilang mukha kaya ramdam niya ang malalim nitong paghinga.
"S-sorry, sorry."
Wala siyang ibang naririnig kundi ang malakas na pintig ng kanyang puso. Napalunok siya nang mapunta ang tingin niya sa mapupula nitong mga labi. Itinaas niya ang kanyang kamay at hinaplos ito.
Gusto niyang angkinin ito. Gusto niyang halikan ang labi ng dalaga. Gusto niyang matikman ang tamis nito.
"R-Ron..."
Kita niyang napalunok ito kaya napabalik ang kanyang tingin sa mga mata nito, ngunit nakapikit na ito. Nangangahulugang gusto rin nitong halikan niya.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at dahan-dahang inilapit ang kanyang mukha sa dalaga hanggang sa maglapat muli ang mga labi nila.
Hindi maipaliwanag ni Ron ang kanyang nararamdaman. Bahagya pa siyang natigilan, pero agad ding napabalik sa kanyang diwa nang magsimula itong gumalaw. Hinapit niya ang bewang nito palapit sa kanya at tinugon ang bawat halik na binibigay nito. Hinayaan niya ang kanyang sarili na malunod at mabaliw sa sensasyong binibigay ng malambot nitong mga labi.
Unti-unti na ring gumagapang ang kanyang kamay sa iba't ibang parte ng dalaga, ngunit napatigil siya nang may maramdaman siyang malapot na bagay sa labi nito. Kinagat ng dalaga ang kanyang labi at pilit na pumapasok, ngunit napahiwalay siya dahil sa malagkit na likidong kumakapit sa kanyang bibig.
"Teka lang, Nay—"
Hindi natapos ni Ron ang kanyang sasabihin nang masilayan ang mukha ng dalaga. Umurong ang kanyang dila nang masilayan ang dalaga. Kita niya kung paano nagbago ang mukha nito. Ngumiti ito nang malawak at bumalandara ang mapupulang nitong mga ngipin dahil sa dugong tumutulo mula sa bibig ng dalaga papunta sa leeg nitong nangingitim.
Hindi na ito ang Naya na nakahalikan niya.
Dahil nakahawak siya sa braso nito, pumatak sa kanyang kamay ang pulang likido. Kamuntikan na siyang takasan ng kaluluwa nang maramdaman ang lamig nito.
Agad siyang napabitiw.
"Anong problema?" Tumalsik ang dugo mula sa bibig ng dalaga papunta sa kanyang mukha.
Agad siyang napaiwas ng tingin at napausog palayo. Napailing siya at dali-daling hinawakan ang kanyang mukha. Nanginginig, dahan-dahan niyang tiningnan ang kanyang mga palad. Pilit niyang kinukumbinsi ang kanyang sarili na hindi totoo ang kanyang nakita, ngunit ang dugong nakapinta sa kanyang kamay ang nagpapatunay na hindi siya nag-iilusyon.
Ano'ng nangyayari?
"Ron, ano'ng problema?" malambing na tawag ni Naya sa kanya ngunit hindi niya ito nilingon.
Ramdam niya ang pamumuo ng pawis sa kanyang noo. Hindi siya makagalaw sa kanyang inuupuan. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Bumibigay ang kanyang mga tuhod kaya hindi niya magawang tumayo.
"Ron!" Isang matinis na hiyaw ang nagpaigtad sa kanya, kasabay no'n ang pagpatay ng lahat ng ilaw.
Agad siyang nataranta nang naging madilim ang buong paligid. Wala siyang makita. Iginalaw niya ang mga kamay at pilit na naghahanap ng mahahawakan, ngunit napatigil siya.
Napalunok si Ron nang maramdaman ang malamig na hanging dumaan sa kanyang batok. Nagsitasaan ang balahibo niya sa katawan nang may mga kamay na yumakap sa kanya mula sa likuran.
"Bakit ba hindi ka nagsasalita?" mahina nitong pagkakasabi sa kanyang tainga. "Bakit ka humiwalay sa halik kanina? Hindi mo ba iyon nagustuhan?"
Kinilabutan siya dahil sa boses nito. Nawala na ang matamis na boses nito at naging malalim. Halos lumuwa na rin ang kanyang puso sa kabang nararamdaman.
"L-Lumayo ka sa a-akin," nanginginig ang mga labi niya habang sinasabi ang mga salitang iyon.
"Anong sabi mo?"
"Lumayo ka sa 'kin!" sigaw niya at hinawi ang babae. Sa lakas ng pagkakahawi niya ay bumagsak siya sa sahig.
Isang malakas na hiyaw ang narinig niya. Napatakip siya dahil pakiramdaman niya'y masisira ang kanyang tainga sa lakas ng sigaw nito.
"Anong sabi mo?!" nangangalaiti nitong sigaw.
Biglang nabuhay ang mga ilaw at sumalubong sa kanya ang maputlang mukha ng babae. Sobrang lapit nito sa kanya kaya hindi siya makagalaw. Itim ang mga mata nito, mula roon ay umaagos ang itim na likido papunta sa wasak-wasak nitong bunganga. Kamuntikan na siyang masuka nang makita niya kung paano nito dinilaan at lunukin ang likido.
Hinawakan nito ang magkabila niyang pisngi gamit lang ang kanang kamay. Napasigaw siya dahil sa higpit ng pagkakahawak nito.
"Bakit mo 'ko pinapalayo? Hindi ba ito 'yong gusto mo? 'Yong malapit ako sa 'yo, ha?!" Gamit ang kaliwang kamay ay sinakal siya ng babae. "Tignan mo 'ko, Ron. Hindi ba gustong-gusto mo akong tinititigan. Ngayon tignan mo 'ko!"
"H-hindi ikaw si N-Naya." Hinawakan niya ang braso nito at pilit na inaalis ang kamay nitong nakahawak sa kanyang leeg. Bumabaon ang mga kuko nito dahilan para mapadaing siya.
Masyadong malakas ang babae kaya hindi niya magawang ialis ito.
Kita niya kung paano ito ngumisi. Ang ngising iyon ay unti-unting napalitan ng tawa. Humalakhak ito na para bang may sinabi siyang nakakatawa. Hindi nagtagal, ang halakhak ay napalitan ng pagtangis. Ang itim na likido sa kanyang mga mata ay naging mapula.
"Hindi ba't ikaw ang gumawa nito sa 'kin, Ron?"
Halos tumirik na ang kanyang mga mata dahil sa higpit ng pagkakasakal nito.
"Hindi ba't ikaw ang gumawa nito?HINDI BA? HINDI BA? HINDI BA?!"
Hindi niya magawang intindihan ang pinagsasabi nito dahil kinakapos na siya sa paghinga. Inipon niya ang kanyang lakas at sinipa sa tiyan ang dalaga subalit bigla itong nawala. Napaubo siya at sunod-sunod ang paglanghap niya ng hangin.
Akala niya'y mamamatay na siya. Akala niya'y 'yon na ang katapusan niya.
"Ah!" Agad siyang napasabunot sa kanyang buhok nang biglang sumakit ang ulo niya. Pakiramdam niya'y mabibiyak ito. May mga imaheng pumapasok sa kanyang isipan subalit malabo ang mga ito, hanggang sa marinig niya ang tinig ng kanyang ina.
"Anak, gusto mo nang gumaling 'di ba? Inumin mo na itong gamot mo."
Tama. Tama ang kanyang ina. Siguro nga'y sinusumpong lang siya ng sakit niya. Nag-iilusyon lang siya. Hindi ito totoo. Kathang-isip niya lang ang lahat ng ito.
Natigil siya sa pag-iisip nang may marinig siyang mga yabag ng paa at papalapit ito sa kanya. Napaikot ang kanyang tingin sa paligid, ngunit wala siyang makitang mga paa at tanging tunog lamang ang naririnig niya. Palakas nang palakas ito at parang masisira na ang sahig dahil sa bigat ng pagkakatapak nito.
Bago pa siya makapag-isip, ang katawan na niya ang kumilos. Dali-dali siyang gumapang papunta sa malapit na pintuan. Nasubsob pa siya nang ilang beses dahil sa pagkataranta. Inabot niya agad ang door knob at walang pagdadalawang-isip na pinihit ito.
"Tangina!" napamura siya nang hindi ito mabuksan. Iniikot-ikot niya ito nang paulit-ulit pero ayaw talagang bumukas.
Palapit na ang mga yabag sa kanya. Sumasakit na rin ang kanyang dibdib dahil sa bilis ng tibok ng kanyang puso. Nag-umpisa nang tumulo ang mga luha sa kanyang mga mata.
Bumukas ka, pakiusap. Dasal niya sa kanyang isipan at pinihit muli ang door knob. Napasubsob siya nang bigla itong bumukas. Kaagad siyang gumapang papasok at sinira ang pinto. Kasabay ng pagsara ay ang pagkawala rin ng mga yabag.
Naging tahimik ang buong paligid at ang kanyang malalalim na hininga lamang ang maririnig. Napahawak siya sa kanyang puso at pilit na pinapakalma ang sarili. Inangat niya ang kanyang tingin para tignan ang kabuohan ng kwartong pinasukan niya na sana'y hindi niya na lang ginawa.
Napaawang ang kanyang labi.
Anong—
Ang kwarto ay punong-puno ng mga litrato...niya.
Ang bawat sulok ay napapaligiran ng kanyang litrato. Nakangiti, nakatalikod, nakahawak ng cellphone. Iba't iba ang kanyang postura sa larawan. At ang bawat litrato ay may nakasulat na petsa, araw at taon kung kailan ito kinuha.
Ito ba ang kwarto ni Naya?
"M-Mahal kita. Walang sinuman ang makapaghihiwalay sa ating dalawa. Nagmamahal, Naya."
Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay tumindig ang balahibo niya matapos sabihin ang mensaheng nakasulat sa isang litrato. Hinawakan niya ang door knob bilang suporta at hinila ang sarili patayo. Kahit na nanghihina ay pinilit niya pa rin ang mga paang humakbang palapit sa mga litrato, ngunit bago pa man siya makarating ay natigilan siya.
Napunta ang tingin niya sa sahig nang may maapakan siyang malagkit na likido.
Dugo.
Sinundan niya ang mga bakas. Padami nang padami ang dugong nakakalat hanggang sa makarating siya sa kama ng dalaga. Kamuntikan na siyang masuka sa nakita niya. Agad niyang tinakpan ang ilong at bibig dahil sa malansa nitong amoy.
Nanigas siya.
Si Naya...nakaratay sa kama at wala ng buhay. Nababad ng sariling dugo ang puti nitong mga damit. Dilat ang mga mata at ang dila ay nakalabas. Kita sa leeg ang mga pasa na halatang sinakal ito. Wasak din ang kanyang dibdib at kita niya ang puso nitong hindi na tumitibok.
"N-N-Naya..." ni hindi niya magawang sabihin nang diretso ang pangalan nito. Napaluhod siya habang walang tigil sa pag-agos ang kanyang mga luha.
"S-sino ang gumawa nito s-sa 'yo? Sino?!" hagulgol niya at inabot ang malamig nitong kamay. Wala na siyang pakialam kung dumikit pa ang mga dugo sa kanyang katawan at niyakap ang dalaga.
Hindi kayang tanggapin ng kanyang sistema ang nakita niya. Si Naya, ang babaeng pinakamamahal niya ay wala na. Sino ang walang hiyang pumatay sa mahal niya?!
"Ikaw." Napaangat ang ulo niya nang may bumulong sa kanyang tainga. "Ikaw ang gumawa nito sa akin kahapon. Hindi mo ba naaalala? Hmm?"
Napapikit siya nang bigla na namang sumakit ang ulo niya. Naririnig niya ang boses ng kanyang ina. Pinapagalitan siya nito.
"Anak naman, sabi ko naman sa 'yo na palagi kang uminom ng gamot mo."
"Magaling na ako, Ma," sagot niya sa kanyang ina na nakapamewang sa harapan niya. Habang siya ay kalmado lang na kumakain.
"Alam ko anak, pero kailangan mo pa rin na uminom. Baka—"
"Aalis na ako." Dali-dali na siyang tumayo at hindi pinansin ang kanyang ina.
No'ng nakaraang araw pa siya hindi umiinom ng gamot niya at ngayon lang nalaman ng kanyang ina kaya galit ito sa kanya.
Tsk. Bakit pa siya iinom ng gamot, e magaling na siya. Hindi na siya sinusumpong ng sakit niya kaya okay na siya.
Lumabas na siya ng kanilang bahay at palihim siyang ngumiti nang makita si Naya na nasa kabilang dulo ng kalsada.
Napakaganda talaga nito.
"Magandang araw, Mahal," bati niya.
Nagsimula na itong maglakad kaya inihakbang niya na rin ang mga paa niya. Kinapa niya ang cellphone sa bulsa ng jacket niya ngunit wala siyang mahawakan. Napayuko siya upang tingnan ito at wala nga ang cellphone niya. Naiwan niya ata sa loob.
Papasok na sana siya sa loob nang muli siyang mapatingin sa gawi ng mahal niya.
"Anong—" Hindi niya natapos ang sasabihin nang makita si Naya na may kasamang lalaki at naghahalikan pa sila.
Napakuyom ang kanyang mga kamao. Ano itong nakita niya? Paano ito nagawa ni Naya? Pinagtataksilan ba siya ng mahal niya?
"Oh, anak, bumalik ka ata?"
Hindi niya pinansin ang kanyang ina at diri-direstong pumasok ng kanyang kwarto.
"Bakit, Naya? Bakit mo 'ko pinagtaksilan? Ako lang 'di ba? Bakit ka may kasamang iba?" kausap niya sa kanyang sarili at binuksan ang kanyang drawer. Napangisi siya nang madilim at kinuha ang bagay na nandoon.
Dali-dali siyang lumabas at humabol kay Naya. Wala na ang lalaking kasama nito kanina. Sinundan niya ito papuntang grocery store, kumain sa isang fast food chain, hanggang sa umuwi ito ng kanilang bahay.
Papasok na ito nang agawin niya ang mga pinamili nito.
"Oh, R-Ron, ikaw pala," gulat nitong sabi.
"Tulungan na kita," sabi niya sabay ngiti. Sandali pa itong natigilan at kita niya kung paano namula ang mga pisngi nito.
"S-sige." Nauna itong pumasok sa kanya at sumunod naman kaagad siya.
Nang makapasok siya ay binitawan niya ang mga pinamili nito at agad na ni-lock ang pinto. Napangisi siya at inilabas ang kutsilyong nakatago sa jacket niya.
Humanda ka, Naya. Pagsisisihan mo ang pagtataksil na ginawa mo!
"H-Hindi...hindi 'yon totoo...hindi ako ang gumawa nito. Hindi..." Napabagsak siya sa sahig habang umiiling. Pilit niyang inaalis sa isipan niya ang naalala. Hindi maaari. Kahit kailan ay hindi niya iyon magagawa sa pinakamamahal niya.
"Nag-iilusyon lang ako...h-hindi 'to—"
"Manahimik ka, Ron!"
Napalunok siya nang biglang bumangon ang patay nitong katawan. May hawak itong kutsilyo habang nakatingin sa kanya.
"Ito ang ginawa mo sa 'kin!" Itinaas nito ang patalim at itinusok sa kanyang wasak na dibdib. Ilang beses pa nitong ginawa ng dalaga at nagtalsikan sa mukha ni Ron hindi lang ang dugo pati na ang nagkapira-pirasong laman nito.
"Pagkatapos ay sinakal mo 'ko. Sinakal mo ako!" —At sinakal nito ang sarili. Nagsiputukan ang mga ugat nito sa leeg pati na sa noo nito— "Nagmakaawa ako sa 'yo pero hindi ka nakinig hanggang sa malagutan ako ng hininga! Pinatay mo 'ko. Pinatay mo ako, Ron!""
Napaatras si Ron. Hindi na niya maaninag ang dalaga dahil sa agos ng kanyang mga luha. Wala siyang ginawa. Nagkakamali lamang si Naya.
Napasabunot siya sa kanyang sarili at sumigaw, "Hindi! Hindi! Hindi! Hindi!"
Ramdam niyang natatanggal ang ilang hibla ng buhok niya dahil sa higpit ng pagkakasabunot pero hindi niya iyon pinansin. Sinampal niya ang kanyang sarili at hinawakan ang magkabila niyang pisngi. Bumabaon na ang kuko niya sa kanyang pisngi ngunit wala siyang maramdamang sakit.
"Bakit, Ron? Wala akong ibang ginawa kundi mahalin ka. Bakit mo 'to ginawa sa akin?" Napaangat ang tingin niya sa dalaga na ngayo'y umiiyak na. Nakayuko ito. "Hindi mo ba ako mahal?"
"Mahal kita," sagot niya. "Mahal kita kaya hindi ko magagawang gawin 'to sa 'yo."
"Pero ginawa mo. 'Wag kang mag-alala dahil kaya naman kitang patawarin, e. Mahal na mahal kita, Ron, kaya pinapatawad na kita sa ginawa mo." Inangat nito ang mukha at madilim itong ngumisi sa kanya. "Pinapatawad na kita, Ron. Pinapangako ko na mananatili ako sa tabi mo. Hinding-hindi kita iiwan. Hindi ba gusto mo iyon?"
Agad siyang napailing. "Hindi. A-ayoko, ayoko!"
"Mahal mo 'ko at alam ko na gusto mong palagi akong nasa tabi mo—"
"Lubayan mo 'ko!" putol niya at halos magkandasubsob na ang kanyang mukha sa pagmamadaling makatayo.
Inipon niya ang natitirang lakas para tumakbo. Gusto niyang tumakas. Ayaw na niya. Hindi ito ang nais niyang mangyari para sa kanilang dalawa. Ayaw na niya kay Naya!
Pinihit niya ang door knob at mabilis na tumakbo palayo nang hindi man lang lumilingon.
"Sige, tumakbo ka. Hindi kita tatantanan, kaya tumakbo ka hangga't may lupa!" Isang malakas na halakhak ang pinakawalan nito. "Susunod at susunod ako sa 'yo, mahal ko. Tandaan mo 'yan."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top