CHAPTER 01
BUONG lakas na pinakawalan ni Forest ang hawak na palaso. Matapos n'on ay napasimangot siya nang makitang hindi niya tinamaan ang target.
"Mukhang kinakalawang ka na," biro ni Lynie sa kanya at kumuha muli ng arrow. Mukhang nag-e-enjoy na rin ito sa archery tulad niya.
Kasalukuyan silang nasa Fun Town Amusement Park ng Capogian Grande. Malawak ang park na kabubukas lang limang buwan na ang nakakalipas kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng probinsya. May kung ano-anong rides ang naroon para sa mga bata at matatanda. May bump car, roller coaster, Vikings, carousel, ferris wheel at kung ano-ano pa. Matatagpuan din sa park ang daan patungo sa Heaven's Peak. Mataas na burol iyon at doon ay masisilayan ang kabuuan at kagandahan ng Sentro Del Sol. Mayroon ding open field kung saan maraming naglalaro ng badminton, frisbee, soccer, at kung ano-ano pa. Mayroon ding iba't-ibang activities sa park tulad na lang ng archery kung saan inuubos nila pareho ni Lynie ang oras.
Inaya niya si Lynie na mamasyal sa Fun Town Amusement Park dahil naii-stress talaga siya at gusto niyang mag-unwind. Mabuti na lang at hindi nito duty ngayon kaya nahila niya ito roon.
Humarap siya kay Lynie. Gusot na gusot ang mukha niya dahil naisip na naman niya ang nagpapa-stress sa kanya nitong mga nakalipas na araw.
"Masama ba akong tao, Lynie?" Tanong niya. "Sa pagkakaalam ko, wala pa naman akong nilalabag na batas at mabuting mamamayan naman ako ng Pilipinas. Pero bakit minamalas ako?"
Bahagyang tumawa lang si Lynie sa sinabi niya at matapos ay swabeng binitiwan ang hawak na palaso. Nang tinamaan nito ang target ay lumapad ang ngiti nito.
Hinarap siya nito at tinapik sa balikat. "Malulutas mo rin 'yang problema mo, Forest. Tiwala lang."
Napabuga siya ng hangin. Kung sana nga ay ganoon lang kadali iyon. Pero hindi. Ilang beses na ba siyang nakiusap, nagmaktol at nagmakaawa? Pero wala pa ring nangyari.
"Kapag hindi ka sumunod sa amin, magkalimutan na tayo."
Umalingawngaw ang mga katagang iyon sa kanyang utak na mas lalong ikinalukot ng mukha niya.
Sa totoo lang ay sobrang sama ng loob niya sa mga magulang niya. Ipinagpipilitan kasi ng mga ito sa kanya ang isang bagay na 'di niya gustong gawin. At never kong gagawin!
Akala niya ay nakatakas na siya noon pero hindi pala. Nananatili pa rin pala ang kasunduan at nagsinungaling lang ang mga ito sa kanya noon para 'di siya tuluyang magrebelde.
Eh, kung ngayon ka kaya magrebelde? Tumakas? Sulsol ng kanyang utak.
Gusto niyang gawin. Madali na lang naman na kung tutuusin. Kaya naman na niyang mamuhay mag-isa dahil mayroon naman siyang sariling negosyo na mapagkukunan nang panggastos sa araw-araw. May ipon na rin siya sa bangko kaya siguradong hindi siya maghihirap. Pero may problema. 'Di niya 'ata maaatim na bigyan ng sama ng loob ang mga magulang niya. Lalo na ang mama niya dahil mahina na ang puso nito at hindi ito pwedeng ma-stress. Ayaw naman niyang siya ang magiging dahilan sa paglala ng kondisyon nito.
Salot ka talaga sa buhay ko, Karyo!
Kumuha muli siya ng palaso at itinira 'yon. Sa isip ay si Karyo ang target. Nang tamaan niya iyon ay isang nakakalokong ngiti ang kumawala sa labi niya.
"Alam mo, kung 'di lang kita kilala, iisipin kong nababaliw ka na," naiiling na sabi ni Lynie na 'di niya namalayan na nakamasid na pala sa kanya.
Ngumiti siya nang matamis dito. "Kapag natuloy ang kasunduan, baka makita mo na talaga ako sa asylum. O mas malala, baka sa CG city jail kapag nakapatay ako."
Napapailing muli na tinawanan lang siya ni Lynie. "Alam mo, napaghahalataan na kita. Hindi lang tungkol sa kasunduan kaya ka naii-stress nang ganyan. May iba pa. Mukhang may history kayo ni Aragon."
Napaikot na lang ang mga mata niya sa sinabing iyon ni Lynie. Hindi pa pala nito alam ang tungkol sa nakaraan nila ni Karyo. Lately niya lang kasi ito naging kaibigan. Nakilala niya lang ito nang minsang isinugod siya sa ospital dahil sa pananakit ng tiyan at ito ang naging attending physician niya.
"Ex mo?"
"Ex my ass," aniya at iningusan ito. Isang palaso ulit ang kinuha niya at ipinosisyon sa pana. Binanat niya ang string at itinutok ang palaso sa target. "More likely, he's my all-time-nemesis."
"Oooh..." Ani Lynie at pinalakpakan siya nang walang mintis na tinamaan niya muli ang target. "Tell me more about it."
Umiling siya. Kumuha muli ng isang palaso at naghandang tumira. "'Ayoko muna pag-usapan. Kapag naaalala ko, kumukulo talaga ang dugo ko."
"Wifeeeeeeeey!"
Ang panang hawak niya ay mabilis niyang itinutok sa taong sumigaw. Hindi na niya kailangang sipatin pa kung sino iyon. Sapat na ang nakakarinding boses nito para malaman niya kung sino ang tukmol na tumawag sa kanya ng ganoon.
Hindi niya alam kung paano nito nalaman na naroon siya. At paniguradong magsisimula na naman ito ng gyera kaya naroon din ito.
"Kalma lang, wifey!" Tumatawang wika ni Neil na nakataas na ang mga kamay na animo sumusuko. "Baka mapatay mo na ako niyan. Ma-byuda ka nang wala sa oras."
Binanat niya ng todo ang string. Kumukulo na naman ang dugo niya. Myentras na nananahimik siya ay tsaka naman susulpot ito para guluhin siya.
"Anong ginagawa mo rito? At pwede ba? 'Wag mo kong matawag-tawag na wifey at baka 'di kita matantya!" Angil niya rito.
Kinalabit siya ni Lynie. Pinanlalakihan siya nito ng mga mata at piping kinakausap na ibaba niya ang pana pero hindi niya ito pinansin.
Nakita niyang tumawa lang si Neil sa sinabi niya at namulsa. Kapagkuwa'y lumapit ito sa kanya na tila walang pakialam sa palasong nakatutok dito.
"C'mon, Forest. Hindi ba pwedeng ceasefire muna? May kailangan tayong puntahan ngayon kaya ako nandito para sunduin ka," ani ni Neil na nakatayo na sa kanyang harapan. Malapad pa rin ang ngiti nito na 'tila ba inaasar siya lalo.
Tinaasan niya ito ng kilay. "At sinong nagsabi na sasama ako sa'yo?" Mataray niyang tanong.
"Sorry, wifey, but you don't have a choice but to come with me," sagot nito at kinindatan pa siya.
"Gusto mong matuluyan?" Pagbabanta niya.
Sinasagad talaga ng lalaking ito ang pasensya niya. Kahit na kasing lawak pa ng pacific ocean ang pang-unawa niya, pagdating dito ay nagiging kasing iksi iyon ng karayom.
"You better put down that bow and arrow if you don't want to get arrested Miss Yuhico for attempted murder."
Napalingon bigla si Forest sa bagong nagsalita. Nang makita kung sino iyon ay pakiramdam niya ay namutla siya at nanlamig ang kanyang mga kamay.
Patay kang bata ka, Forest!
Seryoso ang tingin sa kanya ng bagong dating. Napalunok tuloy siya at parang gusto niya ng tumakbo palayo.
"M-magandang umaga, SPO3 Yuhico!" Kinakabahang sabi niya sabay mabilis na ibinaba ng hawak na arrow at itinago iyon sa kanyang likod. "A-anong mapaglilingkod ko sa'yo?"
Kapag minamalas nga naman talaga siya! Saktuhan na makita siya ni SPO3 Tokie Yuhico, ang pinsan niyang masungit pero bully, na gumagawa na naman ng komosyon!
Baka pagko-community service na naman siya nito dahil sa nakita nitong ginawa niya!
"Magandang umaga rin sa'yo, Miss Yuhico." Nginitian siya ni Chief Yuhico. 'Yung ngiting nakakaloko. "Ang pakiusap ko lang sana sa'yo ay huwag mo nang uulitin ang ginawa mo. Maraming bata ang naririto sa amusement park at baka isipin nila na okay lang ang pagtutok ng palaso sa isang tao at pagbabanta. Hindi iyon magandang halimbawa sa mga kabataan, Miss Yuhico."
Mabilis na nag-init ang kanyang mukha sa pagkapahiya dahil sa sinabi nito. Agad na napatingin din siya sa paligid at nakita niyang may iilang mga taong nakatingin sa gawi nila.
Maygudnes! Kahihiyan ka talaga, Forest!
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Hindi niya naisip ang konsekwensya ng ginawa niya dahil sa sobrang inis niya. Kapag nagkataon na nalaman ni Governor Deo ang ginawa niya ay paniguradong lagot na naman siya! Mahigpit pa naman n'ong pinapatupad ang peace and order sa Capogian Grande at kapag nalaman nito ang komosyon na ginawa niya ay malilintikan talaga siya!
Nginisian siya ni Neil. Matapos ay lumapit ito sa pinsan niya. "You've just saved my life, Tokie!" Anito at nakipag-fist bump rito. "Long time no see!"
Napaikot na lang ang kanyang mga mata. Oo nga pala. Mula pa noon ay magkasundo ang mga ito dahil pareho lang ang likaw ng mga bituka nito.
"Kailan ka pa nakabalik?" Tanong ng kuya Tokie niya kay Neil.
"Last week lang," sagot ni Neil.
"Na sana 'di na siya bumalik at nagpakaburo sa bundok tralala," 'di napigilang singit niya.
Kadarating lang ng unggoy galing ibang bansa. Taal itong taga-Capogian Grande pero simula nang matapos silang magkolehiyo ay sa amerika na ito nanatili dahil naging abala ito sa pagpapatakbo ng kompanya ng mga magulang nito roon.
Nilingon siya ni Neil. Matapos ay nginitian siya nito ng matamis. "Ikaw talaga, Forest. Gusto mo talaga sa'yo lang ang atensyon ko 'no? Ang possessive lang. Pero gusto ko 'yan."
Inambahan niya ito ng suntok ngunit mabilis niya ring ibinaba ang kanyang kamay nang makitang nakatingin ang pinsan niya sa kanya.
Nginitian niya si Tokie at matapos ay bumaling kay Neil. Inismidan niya ito. "Spell asa?"
Tumatawang nailing na lang si Neil sa sinabi niya at matapos ay nagulat siya nang hawakan siya nito sa braso. "Let's go. We don't have enough time. Sa sunod na lang ulit tayo maglambingan."
"Ano ba?!" Aniya at pilit kumawala sa hawak nito. Tumingin siya kay Lynie. "Lynie! May dala ka bang injection diyan? 'Yung pampamanhid! Pakitarakan nga 'tong unggoy na 'to nang matahimik!"
"I'm leaving," tumatawang wika ni Lynie na bakas ang amusement sa mga mata. Saglit nitong binalingan si Neil bago kumaway at tuluyang tumalikod. "Ingatan mo 'yang kaibigan ko. Kapag 'yan nagkaroon ng kahit na maliit na sugat, tatarakan talaga kita ng sandamakmak na anesthesia."
"Yes, ma'am!" Ani ni Neil na sumaludo pa.
"Hoy! Lynie! Anong—"
Napapadyak siya. Kapag tinamaan nga naman talaga ng magaling! Iniwan na lang siya basta ni Lynie sa kamay ng salot! Ni hindi man lang siya tinulungan!
Tumingin siya sa kuya Tokie niya. Magpapaawa siya rito baka sakaling tulungan siya. Kahit naman bully ito at sinusungitan siya paminsan-minsan ay mabait naman ito sa kanya at handa siyang tulungan kapag kailangan niya ito.
"Kuya Tokie, baka pwedeng pakihuli ang tukmol na 'to! Balak akong kidnapin!" Aniya rito at nagpaawa.
Ngumisi lang sa kanya ang pinsan niya. "Mukha lang gagawa nang masama 'yan si Neil pero safe ka naman diyan."
Bumagsak ang balikat niya sa narinig. Bakit nga ba umasa pa siya na tutulungan siya nito? Eh, mas itinuturing pa nitong kamag-anak si Neil kaysa sa kanya dahil sa sobrang close ng mga ito.
"C'mon, brad! Okay na 'yung sabihin mong mabait ako. 'Di mo na kailangan sabihin pa na mukha akong gagawa ng masama. Baka matakot itong si wifey at makipag-divorce sa akin," tumatawang sabi ni Neil kay Tokie.
"Hoy! Ang kapal ng mukha mong unggoy ka! 'Di pa tayo kasal at never mangyayari 'yon! Manahimik ka nga kung ayaw mong ilibing kita ng buhay!"
Tumawa lang ang dalawang lalaki sa kanya. Matapos ay bumaling si Tokie sa kanila.
"I'm going," anito at ngumisi muli sa kanya. "Don't worry, Forest. Tandang-tanda ko na ang pagmumukha niyan ni Neil at kapag may ginawa siyang masama sa'yo, ako mismo ang huhuli sa kanya."
"Pero kuya—"
Hindi na siya pinatapos ng pinsan niya na magsalita at tuluyan na silang iniwan nito. Napanganga na lang siya dahil doon.
"Let's go."
Naramdaman niya na lang na hinihila na siya ni Neil palabas ng park kaya naman buong pwersa niyang tinanggal ang kamay nito sa kanya. Nang makawala siya ay mabilis na umigkas ang kanyang paa ngunit hindi n'on natamaan ang dapat tamaan.
"That won't work for me anymore," nakangising sabi ni Neil sa kanya habang hawak ang kanyang paa. "You'll come with me or sasabihin ko kay Gov. Deo na gumawa ka na naman ng kalokohan? You see, maraming magpapatunay sa pagiging tigresa mo na naman dito."
Natahimik siya. Gusto niyang sipain si Neil ng malakas pero maraming makakakita sa kanya at paniguradong isusumbong siya. Ayaw na niyang maulit ang dati na pinag-community service siya ni Gov. Deo sa loob ng isang buwan nang minsang nahuli siya nito na gumawa siya ng kalokohan.
"Saan ba kasi tayo pupunta?" Inis na sabi niya rito at humalukipkip. Binitawan na nito ang kanyang paa at muling namulsa.
"Sa motel, wifey. Gagawa ng baby," anito sa kanya at kinindatan siya.
Nanlaki ang mata niya sa sinabi nito kaya mabilis na umigkas ang kanyang kamay at binatukan ito.
"Manyak!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top