Chapter 8: The Beginning

Third person's point of view

Huminto ang sasakyan sa tapat ng palasyo. Bumaba sa sasakyang iyon ang isang babae at dalawang lalake. Hindi sila dumaan sa Identity Post ng White Palace kaya hindi makukuha ng palasyo ang pursyento ng pagiging Bulletproof ng mga ito.

Pumasok sila sa napakalaking pinto ng palasyo at bumungad sa kanila ang malaking espasyo ng kabuuan sa loob nito. Nakakasilaw ang malakas na ilaw dahil sa mga ilaw na nakasabit sa maluwang na kisame. Nakakalaglag panga naman ang mga paintings at kagamitan sa loob ng palasyo.

Talagang napakaganda ng palasyo, demonyo nga lang ang pinuno rito.

Habang naglalakad sila sa carpeted na sahig ay hindi nila maiwasang mapamangha sa mga bagay na nasa loob ng palasyo. Ang laki ng palasyo kaya hihingalin ka talaga maglakad-lakad sa loob nito.

Lumiko sila sa kanan at tinungo ang kwarto ng pinuno.

Bago pumasok sa engrandeng pinto ay naiwan sa labas ang dalawang lalake dahil gwardiya lamang sila. Ang babae naman ang nagpatuloy sa pagpasok dahil panahon na naman ng kanyang pagbabalita.

Inabutan niya sa malaking silid ang matandang lalaking nakatalikod sa kanya at nakatayo habang nakatingin sa labas ng bintana.

Halos puti na ang lahat ng buhok nito kaya malalaman mo agad na matanda na ito.

Tumikhim siya dahilan ng paglingon sa kanya ng matandang lalaki.

"Nandiyan ka na pala. Kanina pa kita hinihintay. Halika, umupo ka." pag-aaya ng matandang lalaki sa babaeng kararating lang. Sinunod ito ng babae at umupo siya sa upuang nasa gilid ng lamesa ng matandang lalaki.

"Magandang gabi, Mr. Fajardo." bati ng babae nang maka-upo siya sa harapan nito.

Ngumiti si Mr. Fajardo at bumati rin, "Magandang gabi. 'Wag na tayong magpaliguy-ligoy pa, Ms. Ladignon. Simulan mo na ang pagbabalita."

Napangiti nang pilit si Ms. Ladignon. Balita lang talaga ang habol niyo sa akin, huh? Bulong nito sa sarili.

"Mr. Fajardo, sa mga baguhang dinala niyo rito ay wala pa akong nakikitaang kakayahan. Ilang linggo na ang nakalilipas pero hanggang ngayon ay wala pang sign kung ano ba talaga ang kaya nilang gawin." huminga muna ito bago magpatuloy, "Sigurado ka po bang Bulletproof talaga sila? O ito na ang kauna-unahan mong pagkakamali sa pagdala ng tao sa lungsod na 'to?" may halong panunuya sa pagsasalita ni Ms. Ladignon kaya naman unti-unti ng nag-iinit ang ulo ng pinuno.

"Ms. Ladignon, huwag mo akong pagsalitaan ng ganyan, baka nakalilimutan mo na ako ang Presidente rito?"

Umayos ng upo si Ms. Ladignon at lumingon ulit sa pinuno.

"Hindi ka naman mabiro, Mr. President," nakangiting sabi nito, "nagsasabi lang din naman ako ng totoo. Wala pa talaga akong nakikitang sign kung ano ang kaya nilang gawin. O baka naman ay kailangan pa natin maghintay ng ilang araw?" dugtong pa nito.

Napahalukipkip ang mga daliri ni Mr. Fajardo. "Imposible. Agad-agad lumalabas ang sign kung Bulletproof ka, kaya bakit hanggang ngayon ay hindi mo ito makita? Hindi kaya, humihina na ang abilidad mo, Ms. Ladignon?" nakatitig ang malalim na mga mata ni Mr. Fajardo kay Ms. Ladignon. Tila sinusuri ang pagkatao nito.

"Mr. President, wala akong magagawa kung humihina na ang kakayahan ko. Baka nakakalimutan mo, kaya akoㅡkami nandito ay para palakasin ninyo. Kasi nga gusto niyo kaming kontrolin kung kailan malakas na kami, 'di ba?"

"Kaya nga ginagamit niyo 'ko para sa pansarili niyong interes, eh." dugtong pa ni Ms. Ladignon. Hindi ito inaasahan ng Presidente dahil ang alam niya ay kontrolado niya ang isip ng babae. Akala niya takot ito sa kanya kaya ito sumusunod sa kagustuhan niya.

Natahimik ang loob ng silid at may matinding tensyon na mararamdaman. Nagsalita lang si Mr. Fajardo kaya nabasag ang nakabibinging katahimikan.

"Ms. Ladignon, hindi kita ginagamit! Saan mo naman napulot 'yang tsismis na 'yan!" sabay halakhak ni Mr. Fajardo.

Napangiti nang mapait ang dalaga. Saan ko nalaman? Secret, no clue, baka kasi tapusin mo ang buhay ko kapag sinabi ko sa 'yo. Bulong ng dalaga sa sarili.

"Saka tungkulin mo na rin 'yan. Ikaw na ang pumalit sa Kuya mo, hindi ba? Ganyang-ganyan din ang abilidad ng Kuya mo, kaya nga ikaw ang pumalit sa posisyon niya bilang kanang kamay ko, eh." nakangising wika ng Presidente.

Lihim na napa-irap ang dalaga sa sinabi ng pinuno. Ang tanga rin ng pinuno, nagsisinungaling pero nagsasabi ng totoo sa isip, ayan tuloy nababasa ni Ms. Ladignon ang katotohanan sa isipan niya. O talagang sinasadya lang nitong ibulong sa utak niya ang katotohanan para mabilog niya ang dalaga? Matalino ba ang Presidente o may pinaplano na naman ito?

"Mr. President, gusto ko lang sabihin na kahit wala pa akong ma-ibalita sa inyo ngayon ay gagawin ko pa rin naman ang tungkulin ko. Pero may hiling sana ako." nakatitig ang mata ni Ms. Ladignon sa mapanuring mata ni Mr. Fajardo. Mga mapanuring mata na hindi mo gugustuhing titigan.

"At ano naman 'yun, Ms. Ladignon?" at humilig ang Presidente sa sandalan ng kanyang upuan.

"Gusto ko sanang baguhin ang schedule ng pagbabalita ko. Isang bebes sa isang linggo na. Baka naman kasi magtaka sila kung bakit tuwing gabi ay umaalis ako, 'di ba? Ayoko namang mabuking ako at pumalpak ang plano mo."

"Tututukan ko naman silang mabuti. At mas maayos na rin naman kung isang beses sa isang linggo, 'di ba? Kasi mas marami akong maibabalita. Nakakahiya kasi sa 'yo, Mr. President, kapag pumupunta ako rito pero wala namang dalang balita." at ngumiti ito sa pinuno.

Nag-isip nang malalim ang pinuno sa gustong mangyari ng babaeng kaharap. Mas ayos nga ba kung ganoon ang mangyari?

"Okay, Ms. Ladignon. Pero huwag mong kalilimutan ang deal natin, ha? Once na malaman mo ang kanilang kakayahan ay 'wag kang mag-alinlangang pumunta rito at ibalita 'yan. Laking pasalamat ko talaga at may kagaya mong nasa grupo ko. T'yak na magtatagumpay ang plano ko nito. Hahaha!" malakas na halakhak ng pinuno.

Napapikit ang dalaga sa tawa ng pinuno. Malakas ang tawa nito at talagang mararamdaman mo ang pagiging desperado nito sa gustong mangyari.

Napatingin si Ms. Ladignon sa pinto ng silid ng Presidente dahil sa pagbukas nito. Nakita niyang pumasok doon ang kinaiiritahan niyang lalake.

"Mr. Bang! Halika, pasok ka!" masayang aya ng Presidente sa isa pang pinagkakatiwalaan nitong tao.

Sumunod si Mr. Bang sa sinabi ni Mr. President. Ngayon ay naka-upo na siya sa harapan ni Ms. Ladignon.

"Magkaharap ang mag-amang pinagkakatiwalaan ko! Hahaha! Nakakalungkot nga lang at kulang kayo ng isa." nakangising sambit ng pinuno at nang banggitin nito ang huling kataga ay mas lalong lumapad ang malademonyo nitong ngisi.

Tumalim ang titig ng dalaga sa lalaking kaharapㅡang kanyang tatay.

"Mr. Bang, alam mo bang wala pang nalalaganap ang anak mo sa kanyang misyon? Baka naman pumalpak 'yan! Hala, baka sumunod 'yan sa Kuya niya kapag pumalpak. Nako! Pagsabihan mo nga kung ayaw mong mawalan ulit ng anak!" tila baliw kung magsalita na ang pinuno. Kung hindi lang ito may mataas na kapangyarihan ay baka pinadukot na ito upang ipadala sa mental.

"Ayaw mo naman sigurong sumunod sa Kuya mo, Ms. Ladignon, 'di ba? Kaya gawin mo ang trabaho mo dahil hindi ako mag-aalinlangang patayin ka sa harapan ng tatay mo!" halos mabingi ang dalawang bisita sa sigaw ng pinuno. Nang tumingin ang dalaga sa Presidente ay halos maihi ito sa kinauupuan dahil sa talim at nakakakilabot nitong tingin.

Napapikit nang mariin ang dalawang mag-ama dahil sa sinabi ng pinuno.

Tumayo si Ms. Ladignon kaya nabaling ang mata ng kanyang ama sa kanya.

"Aalis na po ako, Mr. President."

Mabilis siyang lumabas ng silid dahil baka hindi siya makapagpigil at baka mabali siya ang buto ng Presidente. Malakas pa naman ang kalamnan niya dahil na-ensayo siya ng kanyang Kuya at kayang-kaya niyang patayin ang Presidente, kaso sadyang malakas lang ang Presidente dahil mas malaki ang katawan nito kaya baka ang buto niya pa ang mabali.

Tumakbo palabas ng palasyo ang dalaga at nagulat siya nang makitang sinusundan pala siya ng kanyang ama.

Huminto siya sa lugar kung saan sigurado siyang walang makaririnig sa isan' daang bangayan sa kanilang mag-ama.

Nang maramdaman niyang nakalapit na ang kanyang ama sa kanya ay humarap na siya rito.

"Kelly! Nahihibang ka na ba, ha!" salubong sa kanya ng kanyang ama.

Napapikit nang mariin ang dalaga at inisip niya na baka alam na ng kanyang ama ang plano niya.

"Papa, mali kasi, eh! Ang hirap nang magtiis!" giit niya rito.

"Ilang taon na akong nagtiis at ngayon ay hindi ko na kayang gawin ulit iyon, Papa!"

Napasapo ng noo ang kanyang ama at ramdam na ramdam mo roon ang pagka-irita nito.

"Kelly, ayokong magaya ka sa Kuya moㅡ" mabilis na pinutol ni Kelly ang sasabihin ng ama.

"'Pa, hindi ako mabubuking kung walang magbubuking. Papa, pagkatiwalaan mo naman ako, oh. At pakiusap, tulungan mo ako." puno ng sensiridad ang mga mata ni Kelly habang nakiki-usap sa kanyang ama.

"Pero Presidente ang kakalabanin mo!" sigaw ng Ama sa anak. Malalim na ang bawat paghinga ng Ama dahil sa galit at takot na nadarama. Ayaw na niya ulit mawalan ng anak dahil isa pa nga lang ang nawala, halos mamatay na siya, paano pa kaya kung pati ang isang anak ay mawala pa?

"Ano naman ngayon? 'Pa, ang akala niya ay kontrolado niya ako pero hindi naman talaga. Dahil mas pinipili ko ang mas tama kaysa sa mga mali." madiin niyang sabi rito.

Ramdam na ng dalaga ang mainit na likido sa kanyang mata. Ayaw niyang umiyak dahil iisipin ng kanyang Ama na mahina siya. Pero ang umiyak ay hindi masama dahil mailalabas mo ang pakiramdam mo rito at gagaan pa ang pakiramdam mo. Ipinapakita lang ng pag-iyak kung ano talaga ang tunay na nararamdaman mo.

"'Pa, ang pagwasak sa pinuno ang aking dahilan sa bawat laban ko sa lugar na ito." dagdag pa nito at doon na bumuhos ang luha ng dalaga dahil naalala na naman niya ang pagpatay ng pinuno sa kanyang pinakamamahal na Kuya.

"'Pa, si Kuya ang pinakadahilan ko kaya ko 'to ginagawa. Sa tingin mo ba ay magiging maligaya si Kuya kapag nagtagumpay ang demonyo sa plano niya?"

"Kelly, sa tingin mo ba ay magiging maligaya ang Kuya mo kapag ikaw ang nadali dahil sa padalus-dalos mong paghihiganti?" pabalik na tanong ng kanyang Ama.

Napatakip ng bibig ang dalaga dahil ayaw na niyang lumakas pa ang kanyang hikbi.

Paano na nga lang kung siya ang madali sa halip na ang Presidente? Paano na nga lang kung mamatay siya, paano na lang ang mga taong mahal niyang nakapaligid sa kanya? Paano na lang kung...

"'Pa, sino ba kasing nagsabi sa 'yong padalus-dalos ako?" at inayos muna ng dalaga ang kanyang sarili bago ulit magsalita.

"Ipaglalaban ko ang pagpatay niya kay Kuya. Sisiguraduhin kong magdurusa siya. Gagawin ko ang lahat para mawasak ang katawan niya. Para kay Kuya, Papa. Para kay Kuya." at tumulo na ulit ang mga traydor na luha ng dalaga. Tila gripo ang kanyang luha dahil sa mabilis at sunud-sunod nitong pagtulo. Pagod na siyang lumuha dahil gabi-gabi na lang ay dinadalaw siya ng bangungot kung papaano pinatay ang Kuya niya. Wala siyang nagawa. Wala siyang nagawa noong pinapatay ang Kuya niya sa mismong harapan niya.

Napakawalang kwenta ko. Napakahina ko noong nangangailangan ka, Kuya. Hindi kita naipagtanggol pero noong ako lagi ang nasa panganib ay lagi kang nandiyan, handa akong protektahan. Panahon na, Kuya. Panahon na para ako naman ang magtanggol para naman sa hustiya ng pagkamatay mo.

Hindi na kinakaya ng sikmura ni Kelly ang kademonyohan ng pinuno. Unang-una, si Mr. President ang dahilan kung bakit nawala na lang ng parang bula ang dating pinuno na ang apilyido rin ay Fajardo. Magkapatid sila pero nagka-inggitan at nauwi sa patayan. Iyan ang nagagawa ng inggit. Hindi alam ng lahat ang totoong dahilan pero iyan ang lumalabas na dahilan ng recent President.

"Papa, ang daming tao rito sa lungsod na katulad natin, namumuhay na parang puppet dahil sunod nang sunod sa gusto ni Mr. Fajardo."

Nagkatitigan ang mag-ama. Damang-dama ng ama ang gustong mangyari ng kanyang anak.

"Papa, pinatay niya ang anak moㅡang Kuya ko. Hindi ka ba nagagalit sa kanya? Hindi mo ba nararamdaman 'yung dugo mo na gustong maghiganti dahil sa pagpatay niya kay Kuya?"

Napapikit nang mariin ang Ama sa sinabi ng kanyang anak.

"Anak, nawala na ang Kuya mo at ayokong mawala ka rin. Katulad na katulad mo nga talaga ang Kuya mo. Ganyang-ganyan din ang gusto niyang mangyari sa pinuno natin." at hinawakan ng Ama ang dalawang kamay ng kanyang anak.

"O'sige, pagbibigyan kita. Bilang Tatay, gagawin ko ang lahat para protektahan ka. Pero pagplanuhan mong mabuti para hindi ka sumabit." at niyakap nito nang mahigpit ang anak. Ngayon na lang ulit niya nayakap ang kanyang anak kaya naman mula sa mabigat na damdamin ay unti-unti itong gumagaan nang mayakap ang kanyang anak.

"Dahil hindi ko na kakayanin kung pati ikaw ay mawala pa, anak. Hindi ko naipagtanggol ang Kuya mo noon at pakiramdam ko ay wala akong kwentang Ama. Kaya ngayon ay gagawin ko ang lahat para sa 'yo, para sa pamilya natin. At may tiwala ako sa kakayahan mo. Suporta para sa anak galing sa Ama." halos mapiyok ang boses ni Mr. Bang dahil pinipigilan nitong umiyak. At hinalikan nito ang noo ng anak at niyakap muli nang mahigpit.

"Ikaw ang pinakamagaling na tatay, Papa."

Habang magkayakap sila ay naalala na naman ni Kelly ang kanyang Kuya.

Kung sana nandito pa ang Kuya niya, kung sana buhay pa ang Kuya niya. Kung sana humihinga pa ang Kuya niya, edi sana may Kuya pa siya. At edi sana ay kumpleto pa sila...

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top