Chapter 39: Mantsa
Third person's point of view
Ginawaran niya ulit ng isa pang halik si Kelly bago tuluyang umalis upang makipaglaban. Habang lumilipad ay galit lang ang kanyang naiisip sa ngayon. Galit siya dahil hanggang ngayon ay hindi pa niya nakikita ang iba niyang kaibigan. Miski ang mga bulto nitong wala ng buhay ay hindi pa niya nakikita.
Binuka niya ang kanyang dalawang palad at may lumabas doong itim na usok. Kinalat niya sa buong paligid ang kanyang Dark Shadow. Kita ng dalawang mata niya kung sino ang dapat kapitan ng Dark Shadow at ang hindi. Madilim na dahil gabi na pero kitang-kita pa rin ang mga itim na usok dulot ng mga nagliliyab na kapaligiran. Ang mga puno ay nagliliyab. Ang mga bahay ay nasusunog. Bawat parte ng lungsod ay puno ng apoy.
Napaiwas si Tey nang may dumaang bolang apoy sa kanyang gilid.
Kahit malakas na siya ay wala pa rin siyang lakas ng loob upang makipaglaban. Hindi pa siya sanay sa WINGS na nasa katawan niya. Kailangan niya pa ng kaunting panahon upang tuluyan niya itong matanggap pero wala ng oras at kinakailangan na niyang lumaban. Nangako siya kay Kelly. Nangako siya na tutuparin niya ang hiling ng dalaga. Hindi niya pwedeng baliin ang pangakong ito. Hindi pwede.
Dahil nanghihina ngayon si Kelly ay naisip ni Tey na siya ang maghihiganti. Siya ang kukuha ng hustisya para sa pamilya nito. Siya ang papatay sa Presidente. Ngayong alam niya ang pagpatay na ginawa ng Presidente sa mga ito, mas higit pa ang gagawin niya rito. Mas nakakakilabot at mas nakakapanghina ng tuhod.
Napakuyom nang mahigpit ang kamao ni Tey dahil sa kanyang nakikita. Ang sakit sa pang-amoy ng usok pero iniinda niya lang ito. Ang dating lungsod na maaliwalas tignan, ngayon ay punung-puno na ng mantsa. Ang dating lungsod na tahimik ang pagproseso ay ngayon ay sobrang ingay na. Ingay dahil sa sigawan, ingay dahil sa barilan, ingay dahil sa pakikipaglaban, at ingay dahil sa pagpapatayan.
Sinugod ni Tey ang isang gwardiya na balak barilin ang isang bata na nasa sulok lang habang umiiyak pero nagulat siya nang tumumpit ang gwardiya dahil may nakauna na sa pagsugod dito. Napahinto siya sa tapat ng bata at ni Airo, gulat siya dahil sa mabilis na pagsulpot ng lalaki.
Yinakap ni Airo ang batang ngumangawa at pinapatahan ito.
"Shhh. Nandito na si Daddy Airo, wala ng monster," bulong ni Airo sa bata habang inaalu ito.
Napakunot naman ang noo ni Tey sa sinabi nito. Daddy?
"Airo, may anak ka na?" napatingin si Airo kay Tey na nakatayo sa harapan nila.
Seryoso siyang binalingan nito. "Hindi." maikling wika nito.
"Okay," tugon ni Tey at lumipad na siyang muli.
Lahat ng kanyang nakakabangga ay walang awa niya itong pinapatay. Gigil na gigil siya dahil sa galit. Gigil na gigil siyang manakit.
Napangisi si Tey nang marating niya ang palasyo kung saan wala pang nakakatapak dahil puno ng White Guards ang paligid.
Hustisya ang hanap ng lahat? Edi ibibigay niya. Siya ang kukuha at ibibigay sa lahat.
Lumapag si Tey sa sahig kaya naman nagsugudan ang mga kawal sa kanya. Pinagapang niya ang Dark Shadow sa katawan ng iba at ang iba naman ay kanyang nilalabanan.
Tinakbo ni Tey ang ibang kawal at nang marating niya ito ay ibinuka niya nang biglaan ang kanyang pakpak kaya naman nawalan ng kontrol ang mga ito at bumagsak. Siniko ni Tey ang kawal na papasugod sa likuran niya, hinawakan niya ang braso nito at binalibag nang malakas sa sahig.
Nagsquat ang binata at inistretch niya kanyang kanang binti at pinaikot ito kaya nagtauban ang mga kawal na tinamaan niya. Dinampot ng binata ang isang baril at pinaputukan ang mga ito.
Hinagis niya ang baril at tumakbo na papunta sa napakalaking pinto ng palasyo.
Nadaanan ni Tey ang Identity Post kaya lumitaw ang information niya rito. Umalingawnaw sa buong paligid ang malakas na pagtunog ng Identity Post ng '100 percent Bulletproof'. Napangisi si Tey nang marinig niya ito.
Nagsugudan ang mga kawal na nakabantay sa malaking pinto at ang iba naman ay nanatili at pinapuputukan siya ng baril. Bawat bala na papalapit sa kanya ay mabilis niyang iniiwasan.
Mabilis na nawala sa paningin ng mga kawal si Tey na ikinagulat nila. Hindi alam ng mga ito na mabilis na tumakbo ito papunta sa mga kawal na pinapuputukan siya.
Nang lumitaw na ang binata ay sinipa niya ang kamay ng isa at hinampas niya ang isang kawal sa katabi nitong gwardiya din. Naalerto ang mga White Guards at napatingin ito sa gawi nila.
May sumuntok sa mukha ng binata kaya sinipa niya ang tuhod ng kawal na sumuntok sa kanya at mariin niya itong hinawakan si leeg. Nakangisi siya sa kawal habang titig na titig dito.
"Walang makakapagpabagsak sa akin, Mister." nakangisi niyang wika rito at tila naging tuod ang lahat ng kawal nang makita nilang biglang naging itim ang buong katawan ng hawak ni Tey at nawalan ito ng buhay.
"D-Demonyo!" sigaw ng isang kawal at halos madapa ito sa pagtakas.
Nakangisi niya itong binalingan. "Yes, I am." kinindatan pa niya ito.
Napahinto sa pagtakas ang kawal na ito nang maramdaman niya na may hiningang dumadausdos sa kanyang kanang tainga. Napatingin ito sa kanyang kanan at halos mahimatay ito sa gulat nang bumungad sa kanya ang nakangising si Tey.
Tatakbo na sana ang kawal nang hawakan ni Tey ito sa braso at wala pa sa limang segundo itong naging itim. Bumagsak ang katawan ng kawal habang dilat ang mata.
Tinignan ni Tey ang mga natirang gwardiya at tinaasan niya ito ng kilay.
"Uh, susugod pa ba kayo?" pa-inosente niyang tanong at mabilis pa sa isang kisap mata ang pagtakbo ng mga ito.
Napangisi ang binata at mabilis niyang sinakop ng Dark Shadow ang mga ito. Sabay-sabay nagbagsakan ang mga katawan ng mga gwardiya dahil sa pagtapos ni Tey sa kanilang buhay gamit lamang ang pagkuyom ng kamay. Dinilaan ni Tey ang kanyang ibabang labi dahil sa sarap ng kanyang nakuha mula sa katawan ng mga ito.
Sumigla ang katawan ng binata at masayang tinahak ang loob ng palasyo. Siya ay handa ng makatapat ang Presidente, hindi lang handa dahil siya'y handang-handa na.
Ano pa ba ang hinihintay? Edi simulan na.
Mabilis na hinanap ng binata ang lungga ng Presidente. Hindi siya nahirapang hanapin ito dahil tama ang hinala niya na nasa silid lamang niya ito habang nakatanaw sa labas. Sa labas na puno ng patayan.
Ang duwag naman nito. Nagtatago lang. Natatawang bulong ni Tey sa kanyang isipan.
Naglakad nang mabilis si Tey papunta sa nakatalikod na Presidente, at nang sisipain niya na ito ay mabilis siyang naging tuod nang biglang nagkapakpak ito at lumipad.
"Hala!" gulat niyang sigaw. Napatitig siya sa Presidenteng nakangisi sa kanya habang nasa ere.
Hindi makapaniwala si Tey sa kanyang nasasaksihan. May pakpak ang Presidente at may itim na usok ang bumabalot sa katawan nito.
Parang... parang katulad ng ability niya. Nanlaki ang mata ni Tey dahil sa kanyang naisip. Pinilig ng binata ang ulo at matalim na tinignan ang Presidente.
"Wow! Katulad ng ability ko ang ability mo, huh?" maangas na saad ni Tey habang matalim pa rin ang tingin dito.
Napahalakhak ang Presidente na ikinatayo naman ng balahibo ni Tey.
"Nagkakamali ka, Mr. Rivera," nakangising sagot ng Presidente na ikinabigla muli ni Tey.
Mali siya? Kung mali siya, edi ano ang ability niya?
"Ang ability ko ay kopyahin ang ability ng iba."
Napaatras si Tey sa kanyang narinig. Ang ability ng Presidente ay ang manggaya ng ability ng iba? Paano na?
Unti-unting lumapit ang Presidente sa binata at ang binata naman ay tila nag-ugat ang paa sa kanyang kinatatayuan dahil hindi siya makagalaw.
"Kaya kong kopyahin ang ability ng lahat," nakakatakot na wika nito.
Kumabog ang dibdib ni Tey dahil sa kaba nang ikutan siya ng Presidente. Hindi ito inaasahan ng binata. Hindi niya inaasahan na ganito pala kalakas ang ability ng Presidente. Kaya pala ganito na lang ang takot ng iba sa kanya dahil kakaiba pala ang ability nito.
Narinig na noon ni Tey kay Kelly na ang ability'ng Power mimicry ay malakas dahil mahirap itong lutasan at kalabanin. Kung pareho kayo ng ability, paano mo malalabanan ang isa't-isa? Paano mo masisigurado na ikaw ang mananalo kung parehas kayo ng lakas?
Pero may isang bagay na makakatalo rito. Katalinuhan.
Isip ang kailangan para matalo mo ito. Kailangan mong humanap ng butas sa bawat galaw na bibitawan nito.
"Paano ba 'yan? Mukhang hindi mo yata inaasahan ang lakas ng ability ko." Natawa ang Presidente.
"Ang nangongopya ay parang isang pusang tumatakbo kapag umuungol ang lion," buong tapang na umikot si Tey at hinarap ang Presidente na nagulat dahil sa kanyang sinabi.
"At ang pusang katulad mo ay tatakbo kapag ako ay nagsalita na. Isang pusa ka lamang at ako'y lion, Mr. Pussy," nakangising wika ni Tey at nilabanan niya ang titig ng Presidente.
"Isa akong pusa? Hmm, makikita natin..."
Nagitla naman ang binata nang biglang sumugod ang Presidente. Nasipa siya ng Presidente sa tagiliran dahil hindi kaagad siya nakakilos sa gulat. Nabigla siya dahil hindi niya inaasahan na agad siya nitong susugurin.
Napaatras si Tey at kumuha siya ng buwelo para labanan ito. Tumakbo siya at pinaulanan niya ito ng suntok. Inilagan niya ang suntok na paparating sa kanya at nang makaayos siya ng tayo ay binigyan niya ng upper cut ang Presidente.
Lumipad ang binata at sinipa ang mukha ng Presidente patagilid at tinamaan niya ito.
Hindi naman nakagalaw ang binata nang biglang hawakan ng Presidente ang paa niya at nakangisi siya nitong tinignan.
"Masyadong mabagal, Mr. Lion." nakangisi nitong wika at buong lakas na hinampas si Tey sa pader. Hindi pa binibitawan ng Presidente ang paa niya kaya may pagkakataon pa ito upang mahampas pa siya na agad namang ginawa ng Presidente.
Napadaing si Tey nang tumama ang ulo niya sa pader. Napahawak sa ulo si Tey at galit na hinila ang paa. Pero dahil mahigpit ang hawak dito ng Presidente ay hindi niya ito maalis. Nagpatianod ang binata sa paghilang ginawa ng Presidente at nang malapit na siya sa Presidente ay binigyan niya nang malakas na sipa ito sa mukha na naging dahilan kaya siya ay nabitawan.
Napaatras ang Presidente at napangisi naman si Tey nang makita niya ang dugong umagos sa ilong ng Presidente.
Umatras ulit ang Presidente na ikinataas naman ng kilay ni Tey.
"Ohhh?" natatawang wika ni Tey na mabilis namang napawi nang biglang mawala ang Presidente at naging usok ang kaninang kinaroroonan nito.
"Tang..." bulong ni Tey at humakbang siya palapit sa kinaroroonan kanina ng Presidente pero laking gulat niya nang may sumipa sa likod niya kaya nadapa siya sa sahig.
Nangudngod ang nguso ni Tey sa sahig na ikinainis naman niya. Inis siyang umikot paharap at bumulaga sa kanyang harapan ang Presidente na nakangisi. Nakaupo ito sa kanyang tiyan kaya hindi siya makabangon.
Sinuntok siya ng Presidente at tinamaan siya. Sumuntok ulit ito nang sunud-sunod na iniilagan niya pero kahit anong ilag niya ay natatamaan pa rin siya. Masyadong mabilis ang Presidente na ikinairita niya.
Hinawakan ni Tey ang mga kamaong papunta sa mukha niya. Hinigpitan niya ang kapit sa mga ito at buong lakas na binalibag niya ang Presidente papunta sa napakalaking bintana ng silid na 'yon. Dahil sa lakas no'n ay nabasag ang salamin at nahulog ang Presidente pero nakalimutan niya na may pakpak nga rin pala ito kagaya niya.
Bumangon si Tey at lumipad palabas ng silid at dumaan siya sa basag na bintana. Napaiwas ang binata ng hagisan siya ng mga bubog ng Presidente. Napatingala ang binata at nakita niya ang kalangitan na unti-unti nang nagiging asul ang madilim na kalangitan. Simbolo na malapit ng lumitaw ang haring araw na kanina pa nagtatago.
Gusto niyang matapos na ito bago tuluyang sumikat ang araw.
Tatapusin ko na ito.
Napabaling ng tingin si Tey sa Presidente nang marinig niya ang malakas na halakhak nito.
"Sa tingin mo ba'y malalabanan mo ako? Iniisip mo bang matatapos mo ang buhay ko, huh?" humahalakhak pa rin nitong sabi. Tila isang nakakatawang biro ang paglaban sa kanya ng binata kung siya'y makatawa.
Tinaasan siya ng kilay ng binata at nginisian. "Oo, iniisip kong matatapos ko 'yang buhay mo. Bakit naman hindi?"
"Alam dito ng lahat na ako ang mas malakas sa 'yo. Alam dito ng lahat kung sino ang totoo at kung sino ang hindi. Isang hamak na nangongopya ka lamang na nagmamayabang. At ako ay isang gwapo at iyon ang katotohanan."
Natawa ang Presidente dahil sa sinabi ng binata.
"Kung ikaw ang mas malakas, bakit hindi mo patunayan? Akala ko nga kanina ay isang grade 3 student ang kalaban ko dahil sa bagal at hina nito." panunukso ng Presidente.
Napanguso si Tey dahil dito.
"Talaga? Kung ako grade 3, ikaw naman ay nursery, gano'n?" panunukso rin ni Tey sa kanya.
Napangisi ang dalawa at tumalim ang kanilang titigan. Ang tensyong namuo ay patuloy na bumabalot sa buong kapaligiran. Tila isang bombang handa ng sumabog ang parehas na nararamdaman ng dalawa. Dalawang tao na handa ng magpatayan para sa kagustuhan.
Sa labas, sila'y madilim. Ngunit ang isa sa kanila'y maliwanag sa loob at ang isang natitira ay patuloy pa ring madilim.
Pangit man sa paningin pero mabait ang damdamin, iyan ang sinisigaw ng katauhan ng binata na si Tey. Demonyo sa paningin pero demonyo pa rin, iyan naman ang sinisigaw ng katauhan ng isa na si Mr. Ariel Fajardo na Presidente ng lungsod. Magka-ibang magka-iba ang katauhan pero magkamukhang-magkamukha ang kagustuhan. Ang mapatay ang isa't-isa.
Sabay na sumugod ang dalawa habang nasa ere at parehas na naglabas ng itim na usok ang dalawa.
Ang lahat ng nanonood sa ibaba ay kinakabahan sa posibleng mangyari. Nanaig ang kabutihan sa ibaba pero ang nasa itaas ay patuloy pa ring naglalabanan at hindi pa alam kung sino ang mananaig. Sino nga ba?
Napariin ang kapit ni Juko sa leeg ng isang gwardiya dahil sa kanyang kaba habang nanonood sa itaas. Hindi niya kayang manood pero kinakailangan niya. Gusto niyang mapanood at masaksihan kung sino ang mananalo sa dalawang naglalaban.
Hindi masundan ng lahat ang galaw ng dalawang naglalaban. Masyadong mabilis ang galaw ng bawat isa at wala talagang nagpapatalo sa dalawa. Bigay todo kung kinakailangan talaga.
Tunog ng pakpak na humahampas sa hangin ang kanilang bukod tanging naririnig at pati na rin ang daing ng nasa itaas.
Napaatras ang dalawang naglalaban at dinig na dinig ang hingal ng mga ito. Pagod na pagod dahil sa pakikipaglaban sa isa't-isa pero walang may balak na magpatalo.
Tumakbo si Tey palapit sa Presidente pero napahinto ito at napahawak siya sa kanyang dibdib nang maramdamang sumikip ito. Napaangat siya ng tingin sa Presidente na dahan-dahang lumalapit sa kanya habang humahalakhak.
"Akala mo siguro ay hindi kita malulusutan? Nasaan na ang pinagmamalaki mo, ha?" nakangisi nitong wika sa binata.
Nanlaki ang mata ni Tey dahil sa gulat. Nabigla siya sa biglaang pangyayari. Hindi niya inaasahang nakapag-isip kaagad ito. Akala niya ay wala itong balak pero mukhang minaliit niya ito. Pero hindi ito maaari. Kailangan niyang mag-isip ng maaaring gawin hanggang't hindi pa siya pinuputulan ng hininga.
"Kaawa-awa. Mahina. Talunan." nagpantig ang kanyang tainga sa huli nitong sinabi.
Kahit nasa bingit na ng kamatayan ang kanyang buhay ay nakuha pa niyang magalit. Sino ba naman ang may gustong matawag na talunan, 'di ba?
"H-Hindi ako t-talunan!" nauutal niyang sabi.
Natawa roon ang Presidente at mas nilapitan pa siya.
"Nagkakamali ka... Isa kang talunan," puno ng panunukso nitong bulong sa binata.
Itinaas ng Presidente ang kanyang kamay na nakabukas pa at pinakita niya kay Tey ang unti-unting pagkuyom niya rito.
Napatili ang mga nanonood sa ibaba dahil sa ginawa ng Presidente.
Napapikit ang binata at napaawang na ang kanyang bibig sa pag-iisip ng paraan. Ito na ba ang katapusan? Ito na ba talaga ang katapusan ng lahat?
"Kuys Tey, laban para sa hustisya nila Kuys Nam!"
"Tey, kaya mo 'yan!"
"Sige magpatalo ka para mamatay ka at para hindi mo makasama si Kelly!"
"Sige magpatalo ka!"
Para sa 'kin, pakiusap, mag-ingat ka para makaligtas ka.
Napadilat ang mata ng binata hindi dahil sa mga sinigaw ng kanyang mga kaibigan. Napadilat siya at tila namulat sa reyalidad dahil sa narinig niya sa kanyang isip. Narinig niya sa kanyang isip ang boses ni Kelly, ang boses na nagmamakaawa na sana ay makaligtas ito.
Nagpintig ang kanyang puso at napaangat ang kanyang mukha na may ngising nakasukbit sa labi nito. Nanlaki ang mata ng Presidente dahil sa gulat at napaatras ito. Nakasarado na ang kamay ng Presidente kaya paano nangyari na buhay pa ito?
"Nakalimutan mo yatang matagal ng patay ang puso ko."
Patay na patay kay Kelly.
"Nakalimutan mo yatang ako ang orihinal kaya hindi ako ang mamamatay rito."
"Nakalimutan mo yatang ako ang mas may gamay sa Dark Shadow."
"At higit sa lahat, nakalimutan mo yatang masyado akong gwapo para maagang mamatay."
Napakunot ang noo ng Presidente dahil sa mga pinagsasabi ng binata. Ano ba ang pinagsasabi niya?
"H'wag kang lilingon sa iyong likuran kung ayaw mo pang mamatay," bulong ni Tey, sapat na upang marinig ng Presidente.
At dahil nakuryuso ang Presidente sa sinabi nito ay tumalikod siya at tinignan kung ano ang kanyang nasa likuran. Wala siyang nakita pero pagharap niya muli kay Tey ay roon na niya nakita ang lahat.
Sinalubong siya nang malakas na suntok sa mukha at sinundan pa ito ng pagsipa sa sikmura. Napaubo ang Presidente at hindi niya inaasahan ang pagsugod ng usok sa kanya, kasama sa usok na ito ang mga dark blades na ngayon niya lang natutunan. Hindi siya agad nakakilos kaya nasakop siya ng usok na ito at mas lalo siyang nagulat ng biglang humapdi ang buo niyang katawan.
Nawala ang usok pero may mga itim na bagay ang nakaturok sa kanyang katawan. Nanghina ang buo niyang katawan at tumirik ang kanyang mata dahil sa likidong pumasok sa buo niyang sistema.
Unti-unting nanlabo ang paningin ng Presidente at bigla itong luminaw pero iba na ang kanyang nakikita. Ibang pangyayari at ibang tao.
"Ariel..." sambit ng kanyang Kuya habang seryoso ang tingin sa kanya.
"Kuya..." sambit ng Presidente habang naiiyak dahil sa nakikita.
"Ariel, oras na para pagbayaran mo ang lahat ng iyong nagawa," seryosong sambit ng Kuya Artemio ng Presidente.
"A-Ayoko! Wala akong dapat pagbayaran, Kuya! Wala!!!" sigaw niya at dahil alam niya ang paraan upang makaligtas sa Lost Medicine ay nagawa niyang makagising sa panaginip na iyon.
Hindi ang re-experiment na Lost Medicine ang ginamit ni Tey na iturok sa katawan ng Presidente dahil gusto niyang pahirapan ito. Gusto niyang maging mahirap ang kamatayan nito. Gusto niyang maging madugo ang kamatayan nito.
"AKALA MO BA'Y MALULUSUTAN MO AKO?!" galit na galit na singhal ng Presidente at sinugod niya ang binata. Sinugod niya ito na walang alinlangan.
"HINDI AKO ANG MATATALO RITO! YAYAMAN PA AKO! MASASAKOP KO PA ANG BUONG MUNDO! LULUHOD PA ANG MGA TAO SA HARAPAN KO!!!" muling sigaw ng Presidente.
Nanggigil si Tey at sinugod din niya ang Presidente.
"AANHIN MO PA ANG KAYAMANAN KUNG WALA KA NAMANG KAPAYAPAAN AT NABUBUHAY KA SA PUNO NG KASUKLAMAN?!"
Nagsalubong silang dalawa na may galit sa dibdib na dinadala. Nang magkalapit silang dalawa ay hindi inaasahan ng Presidente ang punyal na biglang pagsaksak sa kanyang puso. Napaangat siya ng tingin sa binata na nakangisi sa kanya. Napababa naman ulit siya ng tingin sa dibdib niya kung saan may nakasaksak doong punyal. Tinanggal ni Tey ang punyal sa pagkakasaksak at muli niya itong sinaksak. Paulit-ulit hanggang sa mawalan na ito ng malay.
"Walang peke ang nagtatagumpay. Walang tao ang nagpapaubaya sa taong kopya nang kopya. Tandaan mo, ako ang orihinal sa ating dalawa. Isang hamak na peke ka lang."
"H-Hindi... p-pwede..." mahinang wika ng Presidente at bumagsak ang katawan nito sa lupa.
Tila nabunutan ng bara ang lalamunan ni Tey kaya siya nakahinga nang maluwag nang napabagsak niya ang Presidente.
Napatingin ang binata sa kanyang katawan. Puno ng mantsa ng dugo. Hindi lang ang kanyang katawan kundi ang buong lungsod ay puno ng mantsa ng dugo. Mantsa ng paghihiganti. Mantsa ng kasamaan at mantsa ng katagumpayan.
Tila mga mantsang nasa puting damit na matagal bago mabura sa memorya ng lahat. Lahat ng naghirap at lahat ng nakatikim ng kasamaan. Mga mantsang hindi basta-basta mabubura sa isang kusutan lamang.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top