Chapter 37: Save me
Kelly's point of view
"Kawawang Kelly!" Sabay sampal sa akin ni Mr. President nang malakas.
Napapikit ako sa hapdi nito at narinig ko ang malakas na sigaw ng Papa ko.
"Ariel, lubayan mo ang anak ko! Ako ang saktan mo!" Sigaw ni Papa na mabilis ko namang pinigilan.
"Hindi! Mr. President, ako na lang ang saktan mo..."
Ang dalawa kong braso na nakatali paitaas ay mahapdi na. Ang sakit na ng lubid sa balat ko. Dumudugo na nga ang mga ito, eh. At pati mismo ang mga paa ko ay nakatali. Wala talaga akong kawala.
Ilang araw na akong ginaganito ng Presidente. Ilang araw na niya kaming pinapahirapan. Napakahapdi na ng magkabilang pisngi ko sa kakasampal at suntok niya. May pagkakataon pa na binabambo niya ako sa katawan ng kahoy na malapad. Pakiramdam ko nga ay bibigay na ang katawan ko sa sobrang panghihina.
Minsan gusto kong isigaw sa kanya na bakit hindi na lang niya agad ako patayin? Bakit inuunti o dinadahan-dahan pa niya? Patayin na niya agad ako, hindi 'yung bumebwelo pa siya! Pero t'wing naiisip ko si Tey at ang Papa ko ay umuurong ang dila ko.
Gusto ko pa silang makasama.
"Nakakaawa naman kayong tignan..." Humalakhak ito nang malakas. Bumwelo siya at hinampas ako ng hawak niyang kahoy.
Namilipit ako sa sakit nito at napaubo ako ng dugo. Napapikit ako nang mariin nang unti-unti ng bumibigay ang talukap ng mga mata ko.
"Ang mga kaibigan mo, patay na. Kaya... ikaw na ang isusunod ko," wika ng Presidente na ikinagalit ko.
Matalim ko siyang tinignan at pinagbantaan, "Kapag ako nakatakas dito. Sisiguraduhin kong madudurog ang katawan mo," mariin kong sabi sa kanya.
Tumawa siya at tinapat niya ang mukha niya sa mukha ko. Dahil sa galit ko sa mukha niya ay dinuraan ko siya na ikinatawa niya lalo. Umayos siya ng tayo at galit akong tinignan.
"Walang makakatakas kapag ako ang nakahawak sa 'yo," galit niyang giit at sinampal niya sa akin ang kahoy niyang hawak.
"Hindi ko hahayaang may makatakas dito!" At hinampas na naman niya ako ng kahoy.
"Lahat kayo ay mapapasakamay ko!" Nanggagalaiti niyang sigaw at sa pagkakataong ito ay hindi na niya ako hinampas dahil sinipa niya ako sa aking tiyan.
Galit na galit siya. Nanlilisik ang mga mata niya na nakatingin sa akin. At pakiramdam ko ay hindi niya talaga hahayaang makatakas kami.
Nakagat ko ang labi ko dahil sa sakit. Ayokong sumigaw dahil alam kong mas masasaktan si Papa kapag narinig niya ang sigaw ko.
Hindi ko na alam ang gagawin ko. Wala na kaming kawala rito. Pinatay na niya ang mga kaibigan ko. Oo, galit ako sa ginawa niya pero wala na akong magagawa. Bugbog na bugbog na ang katawan ko. Napakadami ko ng sugat na natamo. Pumutok na rin ang ulo ko sa kakahampas niya ng kahoy rito.
Tey... pakiusap, iligtas mo kami...
"Kelly..." sambit ni Papa at napatingin ako sa kanya.
Nanlaki ang mata ko nang makita ko si Ariel sa likod ni Papa at nakatutok sa leeg nito ang isang syringe na may luntiang likido.
Napakalaki ng ngisi ng Presidente. Napakasakit sa tainga ng halakhak nito at damang-dama ko ang kaba ng Tatay ko nang ilapit pa mismo nito ang syringe sa gilid ng leeg niya. At mas lalo akong nagalit nang lumitaw si Sijah na may ngisi rin sa labi.
"Hi, Kelly. Na-miss mo ba ako?" Nakangisi niyang sabi pero hindi ko siya pinansin. Wala akong oras sa kanya.
Mas lalong tumalbog ang puso ko dahil sa kaba nang mas lumawak ang ngisi sa labi ng Presidente at mas tinutok niya ang syringe sa gilid ng leeg ni Papa.
"A-Anong gagawin m-mo?" Kinakabahan kong tanong at sinubukan kong makawala sa lubid sa kamay ko pero napakahapdi nito kaya hindi ako makawala.
"Mr. President, handa na akong makapanood ng drama sa harapan nating dalawa," sabi ni Sijah at tumawa pa ito nang malakas.
"Nakakatuwang marinig iyan dahil maski ako'y handa na," nakangising sagot ng Presidente habang nakatingin ito sa akin.
"Papaiyakin na ba natin?" Tumingin si Sijah nang nakakaloko sa akin at tumingin siya kay Papa. Napaigting ang panga ko.
"Oo, papaiyakin na natin para magtagumpay na ako sa plano ko!" Humalakhak pa ito nang sobrang lakas. Napasakit sa tainga ng halakhak na ito.
"Magpaalam ka na sa pinakamamahal mong Ama, Kelly!" Tuwang-tuwang sigaw ni Ariel at tinusok niya na ng tuluyan ang syringe sa leeg ng tatay ko.
Tila huminto ang mundo ko. Hindi agad ako nakatugon. Hindi agad ako nakagalaw. Hindi ko agad napigilan!
"Hindi!!!" Malakas kong sigaw at kawala ako nang kawala sa lubid na nakatali sa akin. Kahit masakit sa braso wala akong pakialam... dahil mas masakit ang puso ko. Mas masakit makita na ang tatay ko ay unti-unting mamamatay.
"Papa!" Inaabot ko ang isa kong kamay gamit ang isa pero hindi ko maabot. Kahit ganoon ay hindi ako tumigil sa kakaabot pero hindi ko talaga kaya.
Naluha ako habang tinitignan ang Tatay ko na nakatingin sa akin at sinusubukan niyang magsalita.
"K-Kelly... anak... mahal ka ni Papa at ni... Kuya. Mahal ka namin," nahihirapang sabi ni Papa. Napangiti siya pero ako ay hindi ako makangiti.
Ang ganda sana tignan ng ngiti niya kung sa ibang pangyayari ko ito makikita.
Paano siya nakakangiti kung mamamatay na siya? Paano niya 'yun nagagawa?! Galit kong hinila ang kamay ko sa tali at napaiyak ako lalo dahil sa sakit ng buo kong katawan.
Mas lalo akong naiyak nang makita ko ang pagtulo ng luha sa mata ng Papa ko. Umiiyak ang Papa ko. Ang kahinaan ko, nasubaybayan ko, nakita ko mismo. Ang pag-iyak ng Papa ko ay nagkaroon ng epekto sa puso ko. Parang... winasak ito at dinurug-durog.
Patay na patay na ako sa pagkakataong ito...
Napahagulgol muli ako nang unti-unti ng bumabagsak ang talukap ng mata ng Papa ko.
"P-Papa? Papa! H-Hindi. Papa! Gumising ka, Papa!" Sigaw ko habang kumakawala pa rin sa lubid.
Hindi ko mapigilang mapahagulgol nang malakas dahil sa sinapit ni Papa. Habang nakatingin sa kanya, hindi nakaligtas sa utak ko ang pagbabalik tanaw ng sarili ko noong kapiling ko pa ang Papa ko sa masasayang pagkakataon.
Biglang nagbalik tanaw sa akin ang lahat. Noong tinuturuan niya akong maglakad. Noong tinuturuan niya akong magsalita. Noong kitang-kita ko ang sobrang kasiyahan niya dahil nabigkas ko ang salitang 'Papa'.
Ang sakit-sakit. Napakasakit.
"Mga putang ina kayo! Papatayin ko kayo! Papatayin ko kayo!!! Mga hayop kayo. Mga demonyo!" Galit na galit kong sigaw. Puno ng galit ang dibdib ko at kinakain nito ang buong sistema ko.
Napayuko na lang ako nang wala na talagang malay ang Papa ko. Ang Papa ko... siya na nga lang ang meron ako, nawala pa. Siya na nga lang ang pampalakas ko, nawala pa.
Mas lalo akong napahagulgol sa sakit ng puso ko. Pakiramdam ko ay wasak na wasak na 'to. Sobrang wasak na ang puso ko. Napakasakit. Wala ng natira sa akin. Kahit isa, wala. Awang-awa na ako sa sarili ko.
Walang tigil na nagtutuluan ang mga luha ko. Hindi na ako makakita nang maayos dahil dito. Hindi na rin ako makahinga nang maayos. Napakasakit ng katawan ko pero mas nangingibabaw ang sakit sa puso ko. Hindi ko alam kung kakayanin ko pa ba...
Lahat nagsabay-sabay, kaya ko pa bang hawakan ang lahat ng iyon?
Sa sobrang sakit, bigat, at hapdi ng puso ko, parang ikamamatay ko na ito. Napaiyak muli ako nang maalala ko ang mumunting ngiti ni Papa kahit unti-unti na siyang binabawian ng buhay.
Papa, mahal... na mahal kita. Mahal na mahal kita. Pasensya. Pasensya kung hindi kita nailigtas. Pasensya kung hindi ko natupad ang pangako ko. Pasensya, Papa.
Napatingin muli ako sa Papa ko pero laking gulat ko nang hindi ko makita si Mr. President at nagkakagulo na ang buong silid. Nakita ko si Sijah na hawak-hawak ng isang lalaking may itim na pakpak. Bigla akong nabingi nang biglang may pagsabog na naganap. At mas lalo akong naiyak nang biglang may yumakap sa akin.
Isang yakap na mas lalong nagpaiyak sa akin. Parang bigla akong nakaramdam ng pagod nang maramdaman ko ang yakap na ito. Parang biglang gustong umiyak ng mga mata ko nang dahil sa yakap na ito.
"Shhh... Nandito na ako, Honey," malambing at punung-puno ng pag-aalu na wika nito.
Nang matanggal ang lubid sa magkabila kong braso ay mabilis kong sinunggaban ng yakap si Tey. Na-miss kong yakapin ang baliw na 'to.
Iyak ako nang iyak habang nakayakap sa kanya. Hindi ko inaasahan... Hindi ko inaasahan na maililigtas niya ako. Pero bakit ngayon lang siya?!
Humiwalay ako sa yakap at galit ko siyang pinaghahampas sa dibdib na ikinabigla niya.
"Aray!" Sigaw niya pero patuloy lang ako sa paghampas sa kanya. Galit ako! Galit na galit!
"Napaka mo! Sobrang napaka mo! Bakit ngayon ka lang, huh?! Bakit ngayon ka lang dumating kung kailan namatay na si Papa?!" Galit kong sigaw at biglang nanghina ang katawan ko kaya sinalo niya ako.
Tumitig ako sa mga mata niya. "B-Bakit ngayon... ka lang?" napahagulgol ako at inis kong tinangal ang kamay niya sa akin at kumaripas ako ng takbo papunta kay Papa.
"Papa!" Salubong ko sa katawang walang malay nito.
Kinuha ko ang katawan ni Papa at yinakap ko ito nang sobrang higpit.
"Papa! Papa!" Paulit-ulit kong sigaw habang yakap-yakap ito.
Pagod na pagod na ang katawan ko. Hinang-hina na ako.
Yinakap ko nang sobrang higpit ulit ang Papa ko at tinignan ko ang mukha nito. Hinimas ko ang kanyang mukha.
"Papa..." hindi ko alam ang sasabihin ko. Tanging 'Papa' na lang ang kaya ko.
Hindi ko pa nga nakukuha ang hustisya para sa Kuya ko, namatay pa agad si Papa at kinakailangan ko rin ng hustisya pa. Hindi ko na alam ang dapat maramdaman. Namatay si Kuya at si Papa at sa kamay sila ng demonyo namatay. Hindi man lang naging madali ang pagkamatay sila. Talagang namatay sila sa sobrang paghihirap.
Ang elixir na 'yon. 'Yung luntiang likido na pumasok sa katawan ng Papa ko ay sigurado akong Lost Medicine iyon. High-dosage iyon at kapag naturok iyon sa katawan mo ay hindi ka na magigising pa. Mawawala na agad ang reyalidad mo at mamamatay ka na agad. Iyan ang re-experiment sa Lost Medicine. Napag-alaman nila na may mga Bulletproof na matatalino at nakakatakas sa Lost Medicine kaya gumawa sila ng panibago. Mas matindi at mas nakakatakot.
Napahigpit ang hawak ko sa katawan ng Papa ko at mas lalo akong nagalit. Biglang yumanig ang buong paligid dahil sa pagsabog at naramdaman ko ang katawan kong lumulutang.
Napatakip ako sa bibig ko dahil naiyak na naman ako. Mabilis kong yinakap si Tey at sa dibdib niya ako umiyak nang umiyak.
"T-Tey... si Papa," bulong ko sa kanya. Naramdaman kong tumingin siya sa akin at hinalikan niya ang ulo ko.
"Kukuhanin siya nina Yuri, 'wag kang mag-alala," bulong niya rin sa akin at hinalikan niya ulit ang buhok ko at humigpit ang pagyakap niya sa katawan ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top