Chapter 30: Run
Juko's point of view
Nilabanan namin ang lahat ng aming kalaban. Masyadong marami ang mga White Guards. Labing isa lang kami, daan sila.
"Sa kanan ay may paparating na mga bala! Sa kaliwa'y may susugod na limang gwardiya!" sigaw ko at dumapa kami upang hindi matamaan ng bala.
Nakarinig kami ng mga daing dahil tinamaan ng mga bala ang limang gwardiya na susugod dapat sa amin.
Napakadilim ng lugar. Nakulong kami sa forest. Sabi ni Ate Shulgi, ang tawag daw sa forest na ito ay Moonlightwoods. Kaya raw ito tinawag na Moonlight ay dahil tuwing hating gabi ay kitang-kita mo rito ang buwan at malinaw na malinaw ang liwanag nito rito.
Dito nila kami itinago sa Moonlightwoods. Akala ko pa naman ay sa White Laboratory na.
Tumakbo kami nang tumakbo at nang mapagod kami ay nagtago kami sa isang malaking puno. Pinunasan ko ang pawisan kong noo gamit ang likod ng aking palad.
Tila may mali yata rito sa Moonlightwoods. Napakadilim dito pero hating gabi na. Hating gabi na pero walang liwanag na yumayakap sa buong paligid. Tumingin ako sa itaas at nanlaki ang aking mata nang makakita ako ng mga punyal na pabagsak sa aming pwesto.
"Tago!" sigaw ko pero huli na ang lahat dahil malapit na ito sa aming pwesto.
Napapikit ako dahil sa sobrang takot. Hinintay kong may tumama sa aking matulis na mga punyal pero wala. Dinilat ko ang aking mata pero laking gulat ko nang lumulutang pala kami at nakabalot sa amin ang isang malaking bula.
Nagkatinginan kaming lahat.
"Ano 'to?" takang tanong ni Hook.
Napatingin naman kaming pito sa apat na babae nang napangiti ito at mukhang ligtas na ligtas na sila.
"Nandito sila. Nandito sila para tulungan tayo, para iligtas tayo." nakangiting wika ni Joy.
"Sinong sila?" sabay-sabay naming tanong. Tumingin sa amin ang apat na babae at tumingin sa ibaba.
"Sila." nakanguso sa ibaba na sagot ni Wendy.
Nakita ko sa ibaba ang mga taong nakaitim na kasuotan. May mga babae at may mga lalaki. Kung bibilangin mo silang lahat ay nasa trenta silang lahat.
Unti-unting bumaba ang bumalot sa aming bula at bigla na lang itong nawala. Nagulat ako nang pagtingin ko sa paligid ay nasa training place na kami.
Napatingin kami sa isang babae nang lumapit ito sa amin at siya si Ma'am Shanie Alarilla.
"Ang bigat n'yo." natatawa nitong saad. Nanlaki ang mata ko at nakuha ko kaagad ang ibig niyang sabihin.
Kakayahan niya 'yon. Gamit ang kanyang ability, niligtas niya kami.
May mga tao na lumapit sa amin at tinignan kami kung may galos.
Sandali. Naguguluhan ako. Sino ba sila?
"Huwag kayong mag-alala. Hindi namin kayo sasaktan. Ang swerte niyo nga eh, nakaalis kayo sa Moonlightwoods nang walang kahirap-hirap." sabi sa amin ng isang babae na maganda at abot baywang ang itim na buhok.
"Walang kahirap-hirap? Kung alam mo lang." sabi naman ni Yong.
Napatingin ako sa babaeng papalapit sa amin at pati ang mga Kuys ko ay napatingin din sa kanya.
"Ate Kelly," tawag ko sa kanya at mabilis akong tumakbo papunta sa kanya at mabilis ko siyang yinakap.
Yinakap niya rin ako at nagulat ako nang may yumakap pa ulit sa amin at nasundan nang nasundan.
"Pasensya na, Kelly, kung hindi ka namin pinakinggan muna," bulong ni Jin.
Humiwalay na sa amin si Ate Kelly at binigyan niya sina Kuys Jin, Hook, Nam at Yong ng tig-iisang pingot sa tainga.
"Ayan ang nababagay sa mga taong hindi marunong makinig sa paliwanag. Ayan ha, may natutunan na kayo. Ang makinig sa paliwanag ng tao." sabi ni Ate Kelly sabay ngiti.
Napatingin naman ako kay Kuys Tey nang hindi siya nakikisali sa usapan. Sa aming pito, siya ang may pinakamadamdamin pagdating kay Ate Kelly. Alam ko ang lahat kaya naiintindihan ko siya.
Ang trentang katao na nakaitim ay mga kaibigan din pala sila ni Ate Kelly.
Lahat kami ay nakabilog. Nakatipun-tipon kaming lahat at pinag-uusapan namin ang pagtakas na gagawin.
"Kami ang lalaban at kayong mga bata ang tatakas. Suksok sa aming kaisipan na mas kailangan n'yong tumakas. Mas alam namin na kinakailangan kayong mailayo sa lungsod na ito dahil kayo ang pakay ng demonyo." wika ng pinakamatanda sa lahat. Siya ang tinuturing na pinuno.
Hanggang ngayon ay katanungan pa rin sa aking isip ang pagdating nila. Paano sila nakapagtago? Saan sila natago? Saka bakit may armas sila?
Binigyan tingin ko lahat ng armas na nakahain sa aming harapan. May mga punyal, shurikens at may mga baril. Hindi ko alam kung saan at paano sila nagkaroon nito. Ayaw nilang sabihin. At ang masasabi ko lang ay... astig.
Mukhang bago at bagong hasa pa lang ang mga patalim. Napatingin ako kay Yuri nang abutan niya ako ng isang punyal.
"Kakailanganin mo 'yan." walang ekspresyon niyang sabi. Napakibit na lang ako ng balikat at tinanggap ito.
Ang gandang punyal nito. Tinignan ko ang talim nito at ang talim! Talagang hasang-hasa ang punyal.
Ilalagay ko na sana sa aking bulsa ang punyal nang bigla kaming lahat tumalsik dahil sa pagsabog na naganap.
Napadaing ako nang tumama ako sa isang puno. Hinawakan ko ang aking likod dahil sa sakit nito.
Tinignan ko ang paligid at halos mapuwing ako dahil sa mga alikabok na kumalat sa paligid. Dinig na dinig ko ang daing at pagkataranta ng lahat.
"Tumakbo na kayo! Nandito na sila!!" paulit-ulit na sigaw kaya nataranta ako. Luminga ako sa paligid upang hanapin ang mga kaibigan ko pero laking gulat ko nang humapdi ang braso ko. Biglang may humawak sa akin at isa itong White Guard. Sinubukan niya akong kunin pero pumapalag ako.
"Bitiwan mo ako!" sigaw ko at tinapakan ko ang kanyang paa kaya napabitaw siya sa akin.
Hinarap ko siya at sinalubong ko siya ng tadyak sa betlog. Napaluhod siya dahil doon. Pinulot ko ang punyal na ibinigay sa akin kanina ni Yuri at pumunta ako sa likod ng gwardiya at niligitan ko ito sa leeg gamit ang punyal.
Napatingin ako sa aking kaliwa nang may papasugod sa aking gwardiya. Hinagis ko ang punyal sa kanya at napahiga ito dahil tinamaan ko siya sa kanyang dibdib. Pinuntahan ko ang gwardiya na nakahiga at hinugot ko sa kanyang dibdib ang punyal. Luminga ako sa paligid at nakita ko ang lahat na nakikipaglaban.
Nasaan ang mga kaibigan ko? Luminga ulit ako at sa wakas ay nakita ko na sila. Sama-sama silang nakikipaglaban. Tinakbo ko ang distansya namin pero napaluhod ako bigla dahil may nagpaputok sa akin.
Napadaing ako sa sakit at hapdi sa aking tuhod. Nakarinig na ako ng sunud-sunod na putok ng baril at mayroon pang pagsabog.
Bigla ako kinabahan nang marinig ko ang boses ni Simon.
"Hoy, Juko," bulong nito sa aking tainga kaya mabilis akong umikot paharap sa kanya pero hindi ko siya nakita. Tumayo ako at tiniis ko ang sakit ng aking tuhod. Lahat ng sakit na nararamdaman ko ay tiniis ko. Kahit pagod ay lalaban ako.
"Hayop ka, Simon." galit kong saad at luminga ako sa paligid ko.
Nakarinig ako ng kanyang pagtawa at lilingon na sana ako sa aking likod nang bigla siyang sumulpot sa harap ko habang nasa ere. Sa sobrang gulat ko ay hindi kaagad ako nakagalaw kaya nasipa niya ako sa aking mukha.
Napahiga ako sa sahig. Hinawakan ko ang aking ilong nang may maramdaman ako rito na tumulo. Tatayo na sana ako nang sumulpot na naman si Simon sa harapan ko at nakadagan siya sa akin.
"Hindi kayo makakatakas." nakangisi at mariin niyang sambit. May hawak siyang syringe sa kanan niyang kamay at nakangisi niya itong ituturok sa akin kaso biglang nagsidatingan ang mga kaibigan ko upang kalabanin siya.
"'Yan ang akala mo." maangas na sabi ni Kuys Tey at sinipa niya patagilid si Simon pero mabilis itong nawala sa harapan ko.
Tinulungan ako ni Kuys Jin at Tey sa pagtayo. Inalalayan nila ako dahil hindi ko kinaya tumayo dahil sa tama ng baril sa tuhod ko.
"Tumakbo na kayo papunta sa Moonlightwoods! Naroon ang daan!" sigaw sa amin ng isang nakaitim na kakampi namin.
Muntik na akong mapamura. Nasa Moonlightwoods lang pala ang tamang daan palabas dito sa lungsod pero inilayo pa nila kami kanina ro'n. Pero sabagay, maraming gwardiya kanina roon kaya sa halip na makatakas ay lalo lang kami mahuhuli.
Tinahak namin ang papunta sa Moonlightwoods pero hindi naging madali dahil nagkalat ang mga White Guards. May mga bomba silang dala. Talaga namang desperado talaga ang Presidente na mahuli kami. May mga tao rin na nakikipaglaban sa mga gwardiya pero mabilis silang umaatras kapag tinututukan na sila ng baril. Natatakot pa silang mamatay.
Tinakbo lang namin ang Moonlightwoods at nang nasa bungad na kami nito ay biglang lumitaw si Simon kasama ang mga gwardiya.
Malutong na napamura si Ate Kelly at sumugod siya papunta sa mga ito. Sumugod na rin sina Kuys Nam sa mga gwardiya. At kaming mga natira ay umiba ng gawi para mahanap ang daan palabas.
Naglitawan ang dalawang gwardiya at akala namin ay kalaban sila pero mabuti na lang at namukhaan ko agad sila. Sila ang kasama ni Ate Kelly lagi na mga gwardiya.
"Dalian ninyo. Dito ang daan," sabi ng isa at sinamahan kami tahakin ang daan.
Kahit taka ang iba ay nagawa pa rin nilang sumunod. Habang tumatakbo ay bigla na lang may humarang na mga gwardiya ulit sa amin.
"Napakadami namang White Guards. Kailan ba sila mauubos?" inis kong bulong.
Nilabanan sila nila Ate Wendy at napataob nila ang mga ito. Takbo lang kami nang takbo pero syempre'y nakaalalay pa rin sa akin sina Kuys Jin at Tey.
"Masakit pa ba?" tanong sa akin ni Kuys Jin. Tinignan ko siya at nginitian. Kahit pagod pa ako dahil sa pag-experimento na ginawa sa akin kanina ay ipapakita ko pa rin sa kanila na ayos pa ako. Ayoko silang pinag-aalala.
Huminto kami nang nasa harapan na kami mismo ng napakataas na pader. Nakunot ang aking noo. Nasaan ang daan dito, eh?
Nagkatinginan kami. Nagsidatingan na sina Ate Kelly na hingal na hingal at sa pagkakataong ito ay kumpleto kaming lahat, nadagdagan lang ng dalawang gwardiya.
"Kuya Rey, Kuya Razi, ihanda n'yo na ang mga bomba." nakangising wika ni Ate Kelly. Nakunot ang aking noo sa sinabi niya.
Bubutasin lang namin ang pader?
Pinaatras kami ng dalawang gwardiya at may mga maliliit na bomba silang idinikit sa pader. Pumunta sila sa pwesto namin at nagtakip sila ng tainga kaya nakigaya kami. Ilang segundo ang lumipas at halos kumawala ang aking puso dahil sa lakas ng pagsabog. Nang mawala na ang alikabok ay halos manlumo kami sa nakita.
"Hindi naman nasira, eh." dismayadong sabi ni Yong.
Hindi nga nasira. Medyo lang. Bumulong si Ate Kelly kay Nam at tumango ito rito. Nagulat kami nang bigla itong suntukin ni Kuys Nam ng buong lakas at nagulat kami nang mawasak ito nang tuluyan.
"Swag!" manghang sabi ni Kuys Yong.
Dahil sa aming pagkamangha ay naestatwa pa kami ng ilang segundo ro'n kaya nasayang ang aming oras sa pagtakas.
"Halika na kayo!" aya sa amin ni Ate Kelly at nang lalabas na siya sa butas ay biglang nagkaroon ng ilang pagsabog at mga tunog ng baril sa aming paligid.
Tumilapon ako sa taas ng puno at nasabit ang aking damit sa sanga nito kaya nanatiling nasa itaas ako. Napaubo ako dahil sa alikabok sa paligid at napangiwi ako sa hapding naramdaman ko.
Patuloy pa rin ang mga putok ng baril kaya halos magwala na ang aking puso dahil sa kaba.
"Hindi n'yo ako matatakasan!" sigaw ng isang demonyo. Napatingin ako sa ibaba upang hanapin ang aking mga kasama.
Namataan ko si Mr. President na simple ang lakad habang may hawak na armalite. Nakangisi ito habang tinatahak ang kaninang kinalulugaran namin.
Napalunok ako nang makita kong papalapit siya sa pwesto ni Kuys Jin na walang malay. Napamura ako at sinubukan kong tanggalin ang damit ko sa sanga at nagtagumpay ako roon. Bumagsak ako sa sahig at namilipit ako dahil sa sakit nito.
"Tae, ang sakit," mura ko at ika-ika na naglakad patungo sa pwesto ni Kuys Jin.
Kaunti na lang talaga at bibigay na ang katawan ko sa mga sugat at hapding nararamdaman ko. Kaunti na lang at mauupos na ang enerhiya ng buo kong katawan kaya sa puntong ito kailangan kong mag-ingat.
"Walang makakatakas sa 'kin!" nakakakilabot na wika ng Presidente at nagpaputok siya kaya dali-dali akong nagtago sa isang puno.
Napatingin ako kay Kuys Jin na wala pa ring malay. Napapikit ako dahil sa sakit na aking natamo sa pagsabog na naganap.
Hawak-hawak ang aking kaliwang braso ay mabilis kong tinakbo ang pwesto ni Kuys Jin, dumapa ako at iginulong ko ang aming sarili patago sa isang puno. Nagpaputok ang Presidente sa dating pwesto ni Kuys Jin kaya nakahinga ako nang maluwag nang hindi kami maabutan nito.
"Kuys Jin. Kuys Jin," tawag ko sa walang malay na Kuys ko. Nang hindi talaga siya magising ay luminga ako sa paligid dahil halos kumawala na talaga sa aking dibdib ang puso ko dahil sa kaba.
Nakita ko sa tabi-tabi ang mga kasama ko at mukhang naghahanda sila sa pag-atakeng gagawin.
"Juko, dalhin mo si Jin at tumakbo kayo."
Nanlaki ang aking mata nang marinig ko ang boses ni Ate Kelly sa aking isipan.
"Ate Kelly?"
"Oo, ako ito. Wala na akong oras para ipaliwanag pa ito sa 'yo pero 'wag mo kaming intindihin. Tumakbo kayo, dalhin mo si Jin at si Tey ay naghihintay na sa inyo."
Napakapit ako kay Kuys Jin.
"Pero paano kayo?!" kinakabahang tanong ko sa kanya.
Kung kami ay tatakas, paniguradong maiiwan sila dahil baka pagtakpan nila kami upang tuluyan kaming makalabas sa lungsod na ito.
"Hindi pwede! Hindi ko kayang gawin iyon, Ate Kelly. Sama-sama tayong makakalabas dito!" nangilid ang aking luha dahil sa aking naisip.
Paano kung maiwan sila rito? Paano kung sila ang pagdiskitahan ng Presidente? Hindi pwede! Hindi ko hahayaang mangyari 'yon!
"Makinig ka, Juko. Kami ang lalaban at kayo ang tatakas. Susunod naman kami kapag may pagkakataon pa! Pakiusap, Juko, gawin mo kung ano ang inutos ko sa 'yo. Isalba mo ang iyong sarili saka si Jin. Tumakbo kayo at iwan n'yo 'to sa 'min."
"Dahil gaganti muna ako dahil sawa na ako sa kademonyohan dito! Gusto ko ang hustisya ng aking Kuya. Magtiwala ka sa 'kin, Juko. Makakaligtas kami rito."
Napariin ang aking pagpikit at inalalayan na si Kuys Jin upang makatayo.
"Ate Kelly, ipangako mo sa akin, makakaligtas ka. Malulungkot si Kuys Tey kapag hindi mo 'yan nagawa."
Tila binibiyak ang aking puso sa pagsunod dito. Sige, pagkakatiwalaan ko siyaㅡsila. May tiwala ako na makakatakas sila rito pagkatapos lumaban. Pero hindi ko kayang tanggapin kapag hindi iyon nangyari.
"S-Sige. Salamat, J-Juko."
Hindi ko alam pero nadurog ang aking puso nang marating ko ang butas ng pader. Kahit masakit ang aking katawan ay nagawa kong bitbitin ang walang malay na si Kuys Jin. Napatukod ako sa pader nang mapaluhod ako dahil sa panghihina, napatingin ako sa taong sumapo sa akin at siya si Kuys Tey.
"Kuys..." nabasag ang aking boses at tumulo ang aking mumunting luha. Lumingon ako sa aking likuran at nakita ko ang paglaban ng aking mga kaibigan.
Hindi ko makita ang buong paligid. Hindi ko makita kung kasama ba namin ang iba ko pang Kuys sa pagtakas. Hindi ko masyado magamit ang aking ability dahil sa pagluha. Nanlalabo ang aking paningin.
"Juko, tumakbo na kayo!!" malakas na sigaw ni Ate Kelly kaya nataranta ako at mabilis akong tumayo at pinagtulungan namin ni Kuys Tey ang pagbuhat kay Kuys Jin.
Mabilis kaming tumakbo palayo sa lungsod. Pagkaalis namin sa butas ng pader ay ang saktong pagsabog naman nang malakas kaya mas lalo akong nanlumo.
"Ate Kelly!!!" napatingin ako pabalik sa pader at halos wala na akong makitang butas dito.
Napatigil ako sa pagtakbo at nabitawan ko si Kuys Jin. Nakatingin lang ako sa pader na aming pinaglabasan na ngayon ay wala ng matatakasan. Nanginig at nanlamig ang aking katawan habang nakatanaw sa pader na ito. Nanginginig ang aking kamay at natutop ko ang aking bibig dahil sa paghagulgol.
"Kuys Hook! Kuys Nam! Kuys Yong! Kuys Jim!" sigaw ko at babalakin ko sanang tumakbo pabalik doon nang pigilan ako ni Kuys Tey.
Pumiglas ako sa pagkakayakap niya sa aking likod dahil sa kagustuhan kong puntahan ang mga kaibigang naiwan namin.
"Kuys Tey, bitiwan mo ako! Bitiwan mo ako!" paulit-ulit kong sigaw habang kumakawala sa mahigpit niyang yakap.
Nakakainis! Napakasakit maiwan ang mga kaibigan ko! Ang mga Kuys ko ay naiwan sa loob ng impyerno tapos ako ay nandito sa labas at nakawala na roon? Tang ina!
Lumuwag ang yakap nito sa akin pero wala na akong lakas upang takbuhin pa ang pader na wala ng butas. Sa sobrang panghihina ko ay napaluhod ako pero patuloy pa rin ang aking paghagulgol.
Narinig ko ang paghikbi ni Kuys Tey kaya mas lalo akong naiyak.
Ate Kelly, bakit mo ba akoㅡkami iniligtas? Bakit kami muna ang inuna n'yo kaysa sa sarili ninyo? Dapat lang na iligtas mo ang iba kapag nailigtas mo na ang iyong sarili! Marapat lang na sarili mo muna bago kami!
Napahampas ako sa aking hita at hindi ko alam ang aking gagawin.
"Ahh!!" umiiyak kong sigaw at napayuko na lamang ako.
Nagsituluan ang aking mga luha sa aking mga kamay na mahigpit ang kapit sa aking pantalon. Ang bigat ng dibdib ko. Ang bigat nito para pasanin sa gabing ito.
Ano pa ang silbi ng aming pagtakas kung kaming tatlo lang din naman ang nakaligtas? Paano na lang kung may gawing mas malala ang Presidente sa kanila? Sila'y nagsasakripisyo sa loob tapos kami ay nandito sa labas at mamumuhay na ng panibago?
Hindi. Hindi ko kakayaning mamuhay nang masaya kung wala sila. Sila na nga lang ang mga kaibigan ko tapos nawala pa.
Mas lalo akong napahagulgol nang yakapin ako ni Kuys Tey galing sa aking likuran.
"Pasensya... Pasensya na kung pinigilan kita... Masakit din ito para sa akin pero ito ang utos sa akin ng taong mahal ko... Ito ang gusto nila." humihikbing bulong sa akin ni Kuys Tey.
Ayokong tumakbo nang wala sila. Ayokong magalit sila sa akin dahil sa pag-iwan sa kanila. Heto ba ang gusto nila? Pero... ayoko nito. Gusto kong bumalik doon, kunin sila at muling tumakbo palayo. Pero... natatakot akong mahuli ulit. Natatakot akong maghirap ulit sa lugar na 'yon. Pagod na akong lumaban, dahil ayoko naman talagang gawin iyon. Pagod na pagod na ako.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top