Chapter 27: First Love
Kelly's point of view
Hindi ko na kaya.
Huminga ako nang malalim habang nakatingin sa papasilay na araw na medyo natatakpan ng malaking pader na nakabalot sa buong lungsod. Tumingin ako sa ilog na nasa ibaba. Kailangan kong pakalmahin ang sarili ko.
Tinignan ko ang mga kasama ko na mahimbing pa ang tulog sa ilalim ng puno. Nahagip ng mata ko ang Blood Tree. Napabuntong hininga ako at bumaba na ako papunta sa ilog dahil inaakit akong maligo nito.
Luminga ako sa paligid. Baka kasi may tao at makita pa ang katawan ko. Nang mapagtanto kong walang tao sa paligid ay hinubad ko na ang aking salpot at natira ang bra at panty ko na nakasuot.
Pakiramdam ko ay takam na takam akong maligo ngayon dahil na rin siguro sa natamo kong dumi kagabi sa pakikipaglaban. Gusto kong linisin ang sarili ko dahil sa pagpatay na ginawa ko.
Masama ang pumatay pero kinakailangan ko.
Isinantabi ko ang aking mga damit sa pangpang at nagagalak akong pumunta sa ilog. Hinawakan ko ang tubig na rumaragasa sa ilog at napakasarap sa pakiramdam ng pagdaloy nito sa aking balat. Lumusob ako sa tubig at tila guminhawa ang aking pakiramdam nang maramdaman nito ang malinis na tubig.
Sa sobrang ginhawang naramdaman ko ay pakiramdam ko, isang buwan akong hindi naligo.
Hinarap ko ang malaking pader na medyo malayo sa aking kinaroroonan.
Ano kaya ang itsura ng labas? Marami rin kayang kriminal o mamamatay tao sa labas?
Napabuntong hininga ako at lumangoy ako sa tubig. Gagangbaywang ko lamang ang ilog kaya hindi malalim ang aking paglangoy rito.
Lumusob ako sa tubig at pag-ahon ko ay muntik na akong malunod sa sobrang gulat dahil nadatnan ko si Tey sa pangpang na pinapanood ako.
"Shit!" mura ko at tiniklop ko ang aking mga tuhod para mas bumaba ang aking katawan sa tubig, para hindi niya masilayan ang aking dibdib.
"Tey, bakit ka ba nandito!" pasigaw kong tanong sa kanya.
Krinus ko ang aking braso sa aking dibdib nang lumapit siya sa tubig. Umupo siya sa pangpang.
"Nagising kasi ako at hinanap kita pero hindi kita makita. Hanggang sa madatnan kita rito na naliligo. Sexy natin, ah!" natatawa niyang tugon kaya sinabuyan ko siya ng tubig.
"Bastos!"
Bwisit na Tey 'to. Nakita niya ang katawan ko!
"Ang bastos ay 'yung tumatae sa plato." halakhak niya na ikinairap ko.
"Lumayas ka na nga rito! Magbibihis na ako at baka mamaya ay rape-in mo pa ako!"
Tumayo siya at nginitian ako bago tumalikod.
"Hindi ako lalayas dito dahil may aaminin pa ako." ramdam ko ang kaseryosohan ng boses niya kaya napakunot ang noo ko.
Kailan pa naging seryoso ang baliw na 'yon?
Naglakad na siya palayo sa ilog at nanatili siya sa isang bato habang nakasandal dito pero nakatalikod pa rin sa pwesto ko.
'Di kaya silipan ako ng baliw na 'to?
Napailing na lang ako at dahan-dahan akong umahon sa ilog. Nang hindi talaga siya lumilingon ay mabilis kong tinungo ang mga damit ko at mabilisan itong sinuot. Hinawi ko ang aking buhok nang hanginin ito pero nahagip ng aking mata si Tey na nakadungaw sa bato.
Nanlaki ang mata ko at dumakot ako ng bato at ibinakal ito sa kanya.
"Bastos ka talaga!" inis kong sigaw at masama siyang tinignan.
Napatawa siya at pumunta na siya sa akin. Nang marating niya ang pwesto ko ay dumistansya ako sa kanya. Kahit gwapo siya, hindi pa rin siya mapagkakatiwalaan, 'no.
Hinubad niya ang kanyang dyaket at tumambad sa akin ang nakasando niyang katawan. Umupo siya sa batu-bato at itinabi niya ang kanyang dyaket sa kanyang pwesto. Inayos niya ang pagkakalagay nito at sinampal niya 'yon nang marahan.
Tinaasan ko ng kilay 'yung ginawa niya. Uupo ako sa tabi niya? Hindi kaya rape-in niya talaga ako?
Umirap siya sa akin at hinatak niya ang braso ko at sapilitan akong inupo sa dyaket niyang nakalatag.
Hinawi ko ang buhok kong hinangin. Sinalikop ko lahat ng buhok ko at inilagay ko ito sa kanang balikat ko. Napatingin ako kay Tey na nasa kaliwa ko at nadatnan ko siyang nakatitig sa akin kaya napataas ang kilay ko.
"Ano ba 'yung sasabihin mo?" tanong ko.
Napanguso siya at napa-iwas siya ng tingin. Tinignan ko siya nang mabuti. Ano bang problema ng isang 'to?
"Huy," sabi ko, "ayos ka lang?"
Napabuntong hininga siya at napayuko. Inis ko siyang kinalabit dahil napupuno na ako.
Pinuntahan niya ako rito sa baba. Nasilipan niya ako tapos may aaminin daw siya sa 'kin pero heto siya ngayon at mukhang nahihiyang ewan. Lintek lang, eh!
"Akala ko ba'y may aaminin ka? Kung wala naman ay baka pwedeng mauna na ako dahil nagugutom na rin ako kanina pa." tatayo na sana ako nang hawakan niya ang kaliwang kamay ko kaya napahinto ako.
Napatingin ako sa kamay niya pataas sa kanyang mukha. Napaurong ang aking dila sa seryoso ng kanyang mata.
"Kapag tinititigan kita, tingin ko'y mas gusto pa kita sa salitang gusto." seryoso niyang bulong.
"Biro 'yan, Tey?" naiilang kong tanong na ikinasapo niya ng noo.
"Argh, Kelly. Ayoko kang mahalin dahil wala sa tamang panahon, pero anyare ngayon?" tila naging tuod ako sa aking narinig.
Hindi pwede. Hindi siya seryoso. Alam kong may gusto siya sa 'kin. Jusko, halata naman. Pero bakit nakakabigla kapag inamin niya mismo ito sa akin? Bakit nakakabigla kapag pinag-uusapan namin ito ngayon? Nakakailang.
Napalunok ako nang titigan niya ako sa mata. Tigilan mo 'ko, Tey!
"Oo, mahal kita, 'wag kang tanga." seryoso niyang sabi.
Muntikan ko na siyang masapak nang sabihan niya akong tanga pero sumagi ulit sa isip ko ang pag-aming gagawin niya ngayon.
Aaminin niya ang nararamdaman niya sa akin ngayon.
Binasa ko kung ano ang iniisp niya at nagsisi agad ako. Dapat pala'y hindi ko na binasa dahil mas lalo kong nalaman ang gusto niyang iparating na hirap na hirap siyang gawin.
Napayuko ako. May nangyayari na ngang patayan, nagkaroon pa siya ng oras para sa nararamdaman niya para sa akin? Ayoko, natatakot ako.
Inangat niya ang mukha ko gamit ang isa pa niyang kamay. Nagtama ang aming mata kaya nanigas ang aking katawan.
"Kelly, gusto kita. Unang kita ko pa lang sa 'yo ay nahulog na ako. Ngayon lang ako nagkagusto sa babae. Kelly, ikaw ang first love. Ikaw ang unang minahal ng baliw na 'to. Ang hirap para sa 'kin nito dahil wala sa tamang panahon ang naging pag-ibig ko para sa 'yo." seryoso niyang dagdag.
Hindi ko alam ang gagawin ko lalo na't narinig ko mismo mula sa kanya na ako ang una niyang ginusto. Ako ang first love niya.
Paano ko sasabihin sa kanya na gusto ko rin siya pero hindi katulad nang pamamaraan niya kung ako ang first love niya? Ayokong saktan ang taong first time ma-in love!
Napapikit ako dahil sa kabang nararamdaman. Anong sasabihin ko?
"Honey, gustung-gusto kita kahit wala sa tamang panahon dahil sa delubyong nangyayari ngayonㅡ" pinutol ko ang kanyang sasabihin at tinitigan ko siya sa kanyang mata.
"Tey, tama ka. Wala sa tamang panahon 'yang pag-ibig mo kaya hangga't maaga pa, itigil mo na 'yan at isuko."
Oo, ayoko siyang saktan pero anong magagawa ko? Ang sabihin ang katotohanan para hindi na magtagal ito ang tanging paraan na naiisip ko. Kaya nitong sirain ang planong mayroon kami. Baka protektahan niya lang ako kaysa sa mga kaibigan niya dahil lang sa pagkagusto niya sa 'kin.
Napakunot ang noo ni Tey at inalis niya ang kanyang kamay sa akin pero kunot noo pa rin siyang nakatingin sa akin.
"Kelly, akala mo ba ay madali 'yon?" napatawa siya nang mapakla at napasuklay siya ng kanyang buhok gamit ang kanyang kamay.
"Ikaw kaya rito sa sitwasyon ko, Kelly. Sa sitwasyong may ginugusto akong tao kahit may delubyo dahil hindi kaya ng puso ko na tigilan ito. Sa sitwasyong 'yung taong gusto ko na mismo ang nagsabi na tigilan ko na ito at isuko. Sa sitwasyong nasasaktan ako kahit loko ako dahil mukhang hindi ako gusto ng taong gusto ko." napa-iwas siya ng tingin at hindi nakatakas sa aking mata ang pagtulo ng ilang butil ng kanyang luha sa kanyang pisngi.
Kung alam mo lang, Tey. Gusto rin kita pero hindi talaga pwede ngayon.
"Dapat hindi mo na kasi pinaramdam sa akin na espesyal ako sa 'yo kahit hindi naman pala totoo. Dapat hindi mo ako binigyan ng butas para mapasok 'yang puso mo dahil niloko mo na nga ako, sinaktan mo pa ang puso ko." aniya sa nawawarak na boses.
Napalingon siya sa ibang gawi at alam kong ginawa niya iyon para punasan ang luha niya. Tila dinudurog ang puso ko dahil sa aking nasasaksihan ngayon.
Ganito ba talaga? Kahit may delubyo, may pag-ibig pa ring namumuo sa isang tao? May tao pa ring patuloy na nagmamahal kahit kaharap na niya si kamatayan?
Tumayo si Tey at nakatalikod siya sa akin. Nakatuon lang ang aking mata sa kanyang likod.
"Tama nga sila. Kapag nagmahal ka, kakayanin mo ang lahat. Kahit sakit man 'yan o ano na ikasasakit ng puso mo dahil dito. Lahat ay matitiis mo, kahit pa mismo 'yung katotohanan na kahit ang sakit-sakit na, mahal mo pa rin siya. Lahat ay matitiis mo dahil ang tunay na pagmamahal, kayang indahin ang lahat ng sakit." nagtaasan ang aking balahibo sa kanyang sinabi. Napakagat ako sa aking labi.
"Lalapitan at sasabihin ko na lang ulit sa 'yo ang lahat ng nararamdam ko kapag handa na ulit ang puso kong masaktan sa mga salitang ibibigkas mo." aniya at pumiyok pa ang boses niya. Napalunok ako nang maglakad siya palayo sa aking pwesto.
Sinundan lang siya ng aking mata habang naglalakad pabalik sa itaas. Napa-iwas na ako ng tingin dahil hindi ko na kinaya.
Seryosong Tey ang nasagupa ko. Hindi talaga ako sanay kapag seryoso ang baliw na 'yon.
Napapikit ako at napadukdok ako sa aking tuhod nang maisip ko ang mga huli niyang sinabi bago ako iwan dito.
"Tama nga sila. Kapag nagmahal ka, kakayanin mo ang lahat. Kahit sakit man 'yan o ano na ikasasakit ng puso mo dahil dito. Lahat ay matitiis mo, kahit pa mismo 'yung katotohanan na kahit ang sakit sakit na, mahal mo pa rin siya. Lahat ay matitiis mo dahil ang tunay na pagmamahal, kayang indahin ang lahat ng sakit."
"Lalapitan at sasabihin ko na lang ulit sa 'yo ang lahat ng nararamdam ko kapag handa na ulit ang puso kong masaktan sa mga salitang ibibigkas mo."
Nasaktan ko ba talaga siya nang sobra dahil sa mga sinabi ko? Pero para lang naman iyon sa ikabubuti niya, eh. Bakit ba lahat ng ginagawa ko sa ikabubuti ng iba ay namamali ang pagkaka-intindi nila? Bakit akala nila'y sinasaktan ko sila kapag ginagawa ko ang dapat gawin para sa kanila?
Napahawak ako sa aking dibdib nang sumikip ito dahil sa pag-iyak na ginawa ko. Bakit... ang sakit nito?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top