Chapter 26: Plan

Kelly's point of view

Uminit ang gilid ng aking mata at nanginig ang aking labi dahil sa kaba. Tulala akong nakatingin sa kalsada kung saan nakita kong dinaan sina Juko at Jim ng mga White Guards.

Bakit? Bakit hindi ko sila sinundan? Bakit hindi ko sila tinulungan? Bakit wala akong ginawa? Dahil ba sa nakita ko ang tatay ko?

Napaupo ako sa sahig at naramdaman ko sa aking pisngi ang mga luhang nag-uunahan sa pagtulo.

Napatingin ako sa kwintas na may maliit na bote. Napahigpit ang hawak ko rito nang maalala ko ang kaninang mukha ng tatay ko.

Hindi ko alam na gagawing kahinaan ko ang tatay ko ni Mr. President.

Napayuko ako nang sumagi sa isip ko ang magiging galit ng mga kaibigan ko kapag nalaman nila na nakita ko kung saan dinala sina Juko at Jim pero hindi ko ito sinundan.

Paano ko sila susundan kung kamatayan naman ng Papa ko ang magiging kapalit?

"Ms. Ladignon, sige sabihin mo sa kanila ang nakita mo't makikita mo ang sarili mong ama na pinag-eexperimentuhan na."

Paulit-ulit na umeeko sa aking isipan ang sinabi sa akin ng Presidente. Ano nga ba ang dapat kong gawin?

Kapag sinabi ko sa kanila, mamamatay ang nag-iisa ko na lang na pamilya. Wala na nga akong Nanay at Kuya, mawawala pa si Papa?

Mabilis kong tinago sa aking bulsa ang kwintas nang may maramdaman akong presensya sa aking likuran. Tumingin ako sa likod at nakita ko sina Nam at Jin na papalapit sa aking pwesto.

Tumayo ako at pinunasan ko ang aking basang mukha at inayos ko ang aking sarili.

"Oh, Kelly, ayos ka lang?" tanong sa akin ni Nam.

Ngumiti ako nang pabiro at inakbayan siya. "Ikaw nga dapat ang tanungin ko niyan, eh. Ikaw, ayos ka lang ba?"

Napatingin sa akin si Nam at nawala ang ngiti ko nang makita ko sa kanyang mata ang nangingilid na luha.

"Hindi, eh..." mabilisan niyang tugon.

Napakagat ako sa aking labi at tinanggal ko na ang pagkakaakbay ko sa kanya. Nagdatingan sina Tey, Yong at Hook at mukhang hingal na hingal sila kakahanap sa dalawa.

"Hindi... namin mahanap..." hinihingal na sabi ni Yong habang nakatukod ang dalawa niyang kamay sa kanyang tuhod.

Napa-iwas ako ng tingin sa kanila dahil ako ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi nila mahanap ang dalawa.

Nanikip na naman ang dibdib ko dahil sa nangyari kanina. Paano ba 'to?

Pumasok kami sa loob ng bahay at dumeretso ako sa aking kwarto upang makapag-isip-isip.

Sumalampak ako sa aking kama at tinignan ko ang kwintas na matagal ng nakatago sa akin.

WINGS.

Natatakot ako. Natatakot akong gamitin ito dahil hindi ko alam ang tunay na epekto nito. Kakaunti pa lang ang aking kaalamanan sa WINGS.

Naibaba ko ang aking kamay at napayuko ako. Bumuhos ang aking luha dahil sa matinding problema ko ngayon.

Napahigpit ang hawak ko sa kwintas at nanginig ang aking labi dahil sa pag-iyak.

"Papa..." umiiyak kong sambit habang inaalala ang itsura ng Papa ko.

Ano ba ang dapat kong gawin? Sabihin ko ba sa kanila kung nasaan ang kanilang kaibigan at mamamatay naman ang tatay ko? O hindi ko sa kanila sasabihin para mabuhay ang tatay ko? Ano ba ang isasakripisyo ko?

Hanggang ngayon ay umiikot pa rin sa aking isipan ang mga nagawa sa akin ng Presidente.

Noon, nagawa kong traydurin sina Shulgi, Wendy, Yuri at Joy dahil sabi sa akin ng Presidente na hindi nila ito sasaktan. Ang alam ni Mr. President ay 70% Bulletproof na sina Shulgi dahil iyon ang nireport ko. Medyo may kalakasan na ang 70 pero ang kailangan niya ay 100. Minsan kaya ko binabaluktot ang aking report ay dahil kapag nalaman ni Mr. President na mahina lang ang mga ito ay agaran niya na itong titigilan at hahanap ng iba.

Pinakuha ko sina Shulgi sa mga White Guards at sinabi sa akin ni Mr. President na dadalhin niya lang ito sa lugar kung saan mabibigyan ng leksyon dahil sa plano nitong pagtakas. Pero hindi ko naman aakalain na ipaparamdam niya pala sa mga ito ang huling test na talagang kababaliwan ng lahat.

Niloko ko ang mga kaibigan ko para mailigtas sila dahil iyon ang pangako sa akin ng Presidente, pero niloko niya ako! Binilog niya ako! Pinadama niya sa mga kaibigan ko ang hirap ng huling test!

Pero napaisip ako ngayon... Bakit pumasok pa rin sa utak ko na traydurin ang pitong lalaki upang mailigtas? Bakit naisip ko 'yan dati, eh alam ko namang lolokohin lang ulit ako ng Presidente?

Napakalaking pagkakamali, Kelly! Napakalaki. Ang laki-laki mong tanga!

Napahagulgol ako sa aking kinauupuan dahil sa naalala kong ito. Iyon 'yung panahon na mas lalong lumakas ang mga kaibigan ko dahil sa test na iyon. Iyon ang test na tinatawag na Epilogue. Sa pagkakalaam ko ay dinadala nila sa isang puting truck container yata 'yon. Tapos doon isasagawa ang test na parang experimento na rin.

May ibibigay silang ilang salita na kailangang sagutin ng tama at kapag mali ang nasagot mo ay mamamatay ka. Kailangan mong masagot ang mga logic at malalalim na salita para makaligtas ka. Isang test lamang ito pero kababaliwan mo dahil sa hirap sagutan nito.

Mabuti na lang at nakaligtas silang apat du'n. Sobra akong natakot nang malaman ko na dinala sila sa container na iyon. Napakademonyo talaga ng Presidente. Napakademonyo niya talaga!

Kinuha ko ang litrato naming tatlo nina Papa at Kuya. Tinitigan ko ito at bumalik sa aking alaala ang pagpatay ng Presidente sa Kuya ko. Pinatay na niya ang Kuya ko, tapos ngayon, mukhang pati ang Papa ko ay papatayin niya. Bakit ba hindi na lang 'yung sarili niya 'yung patayin niya nang mas matuwa pa kaming lahat?

Napahigpit ang hawak ko sa basang litrato dahil sa aking luha. Sawa na akong lumuha tuwing naaalala ko ang pagpaslang ng Presidente sa mga tao rito sa lungsod. Dito ako lumaki sa lungsod na ito, pero hanggang ngayon ay ang sakit sa dibdib tuwing nakakakita ako ng kamatayan. Matagal ko na itong nasasaksihan pero ang hirap kalimutan.

Maraming beses na rin pala akong trinaydor ng Presidente pero hanggang ngayon ay nagbubulag-bulagan pa rin ako rito dahil pakiramdam ko nu'n ay iyon ang mas mabuti. Ang magbulag-bulagan.

Pinunasan ko ang mga luha sa aking mukha at tumayo ako. Nilagay ko ang litrato naming tatlo sa aking bulsa at naglakad ako patungo sa pinto habang hawak nang maigi ang kwintas.

Buo na ang desisyon ko.

Kung noon ay nagawa niya akong traydurin, malamang sa malamang ay kaya niya rin itong gawin ngayon din.

Pagkalabas ko ng kwarto ay bumungad sa akin ang nagkakagulong mga kaibigan ko. Nilapitan ko sila dahil mukha silang takot na takot at puno ng kaba.

"Anong meron?" tanong ko sa kanila.

Tumingin sila sa akin at inabot sa akin ni Nam ang isang litrato. Napakunot ang noo ko rito at kinuha ko ito.

Halos madurog ang puso ko dahil sa aking nakita. Nanlaki ang mata ko at naramdaman ko ang luha kong tumulo sa aking pisngi. Napahigpit ang hawak ko sa litrato kaya halos mapunit na ito.

"Argh!" sigaw ko at galit na binato ang litrato.

Nakita ko sa litrato ang tunay na ugali talaga ng Presidente. Nakapiring ang apat kong kaibigan na babae na hindi ko talaga aakalain na pati sila ay madadamay ngayon rito. Pati si Papa, Juko at Jim ay nakapiring. Nakatayo sila at nakatipon lang sila sa bilog na lugar. Napalibot sa kanila ang mga nagtutulisang bakal na kapag nahulog sila sa bilog na ito ay paniguradong tusok ang katawan nila. Paniguradong patay sila.

Hinawakan ako ni Tey at pina-upo niya ako sa sofa. Napasapo ako sa aking mukha nang maka-upo na ako.

"A-Anong gagawin n-natin?" kinakabahang tanong ni Hook. Hindi ako makasagot dahil hanggang ngayon ay kinakain pa ng nakita ko sa litrato ang utak ko.

Hindi ako makapag-isip nang maayos dahil sa galit ko.

Kinalma ko muna ang sarili ko bago magsalita. Suminghap ako at napatingin silang lahat sa akin.

"Alam ko kung nasaan sila." tila dinudurog ang puso ko sa pag-aming gagawin ko. Natatakot akong sigawan at magalit sila sa akin dahil sa kadugawang ginawa ko.

Napakunot ang kanilang noo. Napakagat ako sa aking ibabang labi bago ipagpatuloy ang aking sasabihin.

"Nasa Underground sila. Alam kong doon sila dinala dahil sinabi ito sa akin ng Presidente kanina. Nakita ko ring dinukot sila pero hindi ko sinabi sa inyo dahil kamatayan ng tatay ko ang kapalit nito. 'Wag sana kayong magalit sa akin." pumiyok ang boses ko kaya napatakip ako sa aking bibig.

Gulat silang nakatingin sa akin at hindi ko alam ang gagawin ko dahil hanggang ngayon ay hindi sila nagsasalita.

Ilang minuto kami binalot ng katahimikan at napatingin ako kay Jin nang magsalita ito.

"Ang tapang mo talaga, Kelly." nagulat ako nang may gumuhit na ngiti sa kanyang labi.

"Ano?" nagtataka kong tugon.

"Ang tapang mo kasi kahit kamatayan ng tatay mo ang magiging kapalit kapag sinabi mo sa amin iyan ay ginawa mo pa rin." sabi ni Yong.

"Sinabi mo pa rin kahit may kung anong mangyayari sa tatay mo." dugtong pa ni Nam.

Napasapo ako sa aking mukha at tumaas-baba ang aking balikat dahil sa pag-iyak. Akala ko'y pagtutulungan na nila ako ngayon pero natuwa pa sila sa ginawa ko? Kakaiba tala sila!

Lalo akong naiyak nang yakapin nila akong lahat. Feeling ko'y naramdaman ko ulit ang yakap ng Kuya ko. Napangiti ako kahit umiiyak at ginantihan ko sila ng yakap.

Abot talaga ang pasasalamat ko kasi naintindihan nila ang side ko. Talagang tama nga ang kasabihang, "ang mga marunong makinig, sila ang nakakaalam kung paano ang magmahal." At sa punto ngayon, nararamdaman ko ang kanilang pagmamahal dahil pinakinggan nila ang paliwanag ko.

Napatigil lang kami sa yakapan nang magsalita si Tey.

"Ano na ang plano?" tanong ni Tey.

"Samahan n'yo akong lumaban," wika ko.

Napatingin sila sa akin pagkatapos ay nagkatinginan silang lima.

"Wala tayong pakpak kaya hindi tayo makalipad. Pero mayroon tayong mga paa para tumakbo palayo sa lungsod na 'to. Pero sa ngayon, maaari bang samahan n'yo akong lumaban? Dahil hindi tayo makakatakas kapag hindi tayo lumalaban." mahaba kong sabi.

Gumuhit ang ngiti sa kanilang labi at dahan-dahang silang tumango na lubos kong ikinasaya.

Sa sobrang saya ko ay agad kong nilabas ang kwintas na may nakasabit na maliit na bote. Napatingin sila sa bote.
Winagayway ko sa kanilang harapan ang kwintas. May laman ang boteng ito na elixir. Ito 'yung binanggit ko sa kanila dati. 'Yung kayang makapagpalakas sa tao kapag ininom ito.

"Ito ang elixir ng kalayaan. Ito ang makakapaglaya sa atin dahil sa kalakasang taglay nito. Ito ang pakpak ng kalayaan. Pero ang taong mapipiling malagyan ng elixir na ito ay ang taong noon pa man ay nakakamangha na ang kakayahan. Ito ay ang WINGS." nakangiti kong sambit habang hawak ang kwintas.

Sabay-sabay kaming napalingon kay Tey dahil alam naming lahat na siya ang may kakaiba at nakakamanghang kakayahan sa aming lahat. Napataas ang kilay ni Tey nang mapansin niyang lahat kami ay nakatingin sa kanya.

Nakangiti ko itong inabot sa kanya pero nang kukunin na niya ito ay bigla itong nabasag. Napasigaw kami sa gulat nang may nagputukan ulit na mga baril. Tumingin ako sa labas at nakita ko ang mga White Guards sa labas. Ang dami nila kung lalabanan namin sila!

Hinatak ko sila at tumakbo kami palabas sa likod ng bahay. Tumakbo kami nang tumakbo pero ang aking bawat hakbang ay mabibigat.

'Yung WINGS... iyon na lang ang nag-iisang elixir na meron ako. 'Yun na lang ang kahuli-hulihang elixir na alam kong mayroon dito sa Bangtan City... tapos nawala pa?

Tinungo namin ang aming training place dahil ito na lang ang alam naming lugar kung saan ay ligtas kami. Mabilis akong napa-upo sa tabi ng puno dahil sa panghihina ng mga tuhod ko.

"Akala ko'y tapos na! Tapos mayroon pa silang pahabol?" galit na sigaw ni Yong at nakarinig ako ng pagliyab. Mabilis siyang pinuntahan ni Hook at pinakalma siya nito.

Napasapo ako sa aking mukha dahil sa nangyari sa huling elixir na hawak ko. Paano na 'yan? Iyun na nga lang ang makakapagligtas tapos nawala pa?

Napatingin ako kay Nam nang marinig ko itong dumaing. Nakita ko ang kanyang kaliwang braso na dumudugo. Kanina pa niya 'yan natamo at mukhang nadagdagan na naman. Napalingon ako kay Jin dahil naririnig ko siyang umiiyak habang hawak niya ang kanyang pisnging sugatan. Si Hook, nakita ko ang luha niyang tumulo at ang pagtulo rin ng dugo galing sa kanyang ulo. Si Yong, hanggang ngayon ay galit pa rin at may mga sugat din siyang natamo.

Tinignan ko si Tey na mukhang malalim ang iniisip. Siya. Siya dapat ang iinom ng WINGS pero nawala pa! Lalong nadurog ang puso ko nang makita kong naluha na rin si Tey. Napatingin ako sa kanyang tagiliran at nakakita ako roon ng dugo na umaagos.

Malutong naman akong napamura nang napahawak ako sa aking sentido dahil bigla itong kumirot.

Napapikit ako dahil doon. Lahat. Lahat kami ay sugatan. Lahat kami ay nasaktan. Lahat kami umiiyak. At lahat kami ay unti-unti ng nawawalan ng pag-asa.

'Yung kakapiranggot na ilaw, tuluyan nang naglaho.

Dinilat ko ang mata ko dahil sa galit na naramdaman ko. Napakuyom nang mahigpit ang kamao ko at naramdaman ko ang mga dugo kong mabilis na dumaloy sa bawat ugat na mayroon ako. Mga dugong galit.

Matagal na rin pala ang nakalilipas nang masaktan kita, Mr. President.

Na-miss kong saktan ka. Na-miss kong lokohin ka. Na-miss kong makipagngisian sa 'yo. Na-miss ko ang makipagtitigan nang masama sa 'yo. Tang ina mo, miss na miss na kita.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top