Chapter 24: Boys Meet Evil

A/N: Aha! Dito na po maipapaliwanag ang ability ni Tey na pawang imbento ko lamang. :)

~*~

Kelly's point of view

Pinanood kong lumakad si Tey patungo sa ring. Nang makarating na siya roon ay tinanggal niya na ang kanyang balabal at laking gulat ko nang suot din niya ang alien boxer na binili namin no'n sa mall. Napangiti ako dahil doon. Siguro, pumapasok na sa isip ng iba na couple kami. Couple boxer ba naman, eh.

Nang isara na ng Guard ang ring ay humarap sa akin si Tey at binigyan niya ako ng isang pamatay na kindat. Nginiwian ko siya at inirapan.

Napakapit ako sa aking balabal nang biglang sumibol na naman ang malakas na kabog sa dibdib ko. Hindi ko maiwasang kabahan. Hindi niya pa gamay ang ability niya at isang hasa na ang makakalaban niya. Bakit ba kasi siya ang naging representative ng section namin? Sino naman ang may gawa nito? Nakakabwisit!

Nagulat ako nang biglang may umakbay sa akin. Tumingin ako sa aking kanan at si Jim ang umakbay sa akin na may nakakalokong ngiti.

"Hi, baby," bulong niya sa akin. Napalayo ako dahil sa lapit ng aming mukha.

"Tigil-tigilan mo nga ako, Jim." wala akong oras para makipag-asaran sa kanya dahil ang oras ko ay nakay Tey na nakatayo sa ring.

Napakagat ako sa labi ko nang tumunog na ang bell. Hudyat na magsisimula na ang laban.

Paano na niyan si Tey? Hindi niya pa kayang kontrolin 'yung ability niya! Lumalabas lang ang kanyang ability kapag napupuno na ang pasensya niya o kaya kapag sobra na ang kanyang emosyon.

Sa kalagayan niya ngayon, mukhang imposibleng lumabas ang ability niya dahil masaya siya.

Napaayos ako ng upo nang sumugod nang mabilis si Lester. Ang kanyang kakahayan ay superhuman speed kaya naman nakakakaba talaga. Binangga niya ang hindi kumikilos na si Tey at napaupo si Tey sa sahig ng ring.

Napakapit ulit ako sa aking balabal na suot. Sinuot ko na ang balabal ko, baka mamaya kapag hindi ko ito sinuot ay biglang tumalon si Tey palabas ng ring at sapilitan itong isuot sa akin.

Napakapit ako sa aking balabal dahil sinipa ni Lester si Tey sa mukha nito. Napamura ako nang may lumabas na dugo sa labi ni Tey. Mukhang pumutok!

Tey! Sabi mo kaya mo 'yan, sisiw pa nga kamo, eh! Anyare ngayon?

Napataas ang kilay ko nang himasin ni Jim ang kaliwang balikat ko.

"Sungit naman ng baby ko," bulong niya ulit sa tainga ko. Napabuga ako ng hangin at inis ko siyang hinarap.

Pagkaharap ko ay nagkasaling ang aming ilong na lubos kong ikinagulat. Nanlaki ang mata ko at napaawang ang bibig ko dahil sa gulat.

"Jim!" gulat kong tawag sa pangalan niya at ilalayo ko na sana ang mukha ko sa kanya nang higpitan niya ang pagkakaakbay sa akin kaya napabalik lang ulit ako sa pwesto namin.

"Makisama ka naman," bulong niya na ikinakunot ng aking noo.

Anong makisama? Anong makisama ba ang pinagsasabi niya? Gusto yata nitong mabalian ng bagang eh!

Napakunot lalo ang aking noo nang ngumuso siya. Napairap siya nang hindi ko makuha ang gusto niyang iparating. Ngumuso ulit siya at napanguso rin ako. Ano ba kasi ang gusto niyang sabihin?

Napasapo siya sa kanyang noo. "Hays. Maganda nga, slow naman."

Tumingin ulit siya sa akin at mariin niya ulit na ginawa ang ginawa niya kanina. Ngumuso siya at gumilid ang kanyang nguso sa ring. Nanlaki ang mata ko at napatango nang makuha ko ito.

"'Yun lang pala, dapat sinabi mo agad," sabi ko at pinalupot ko ang aking kanang braso sa kanyang baywang.

Lumalabas ang ability ni Tey dahil sa todong emosyon. Hindi niya pa napapractice ang paglabas ng kanyang ability na hindi puno ang kanyang emosyon. Sa ganap niya ngayon ay kailangan ko muna siyang galitin para mailigtas ko siya sa kanyang kalaban.

Kiniliti ko ang tagiliran ni Jim kaya napatawa siya. Nagkilitian kami sa gitna ng labanan ni Tey. Napapatingin pa nga sa amin ang mga nanonood, eh. Binabawal pa nila kami dahil ang ingay-ingay raw namin. Panay irap lang ang tinutugon ko sa kanila dahil wala akong paki sa kanila.

Napatigil kami sa kilitian nang mapasinghap ang mga nanonood sa laban ni Tey. Napatingin ako sa ring at tila tumakas ang aking kaluluwa sa mismo nitong katawan dahil sa kaba.

Mabilis na na-ialis ni Jim ang kanyang kamay sa akin at tila naging tuod din siya kagaya ko. Napatingin ulit ako kay Tey at kitang-kita ko sa mga mata niya ang galit. Habang nakaupo siya sa sahig at dumudugo ang kanyang labi ay matalim ang kanyang titig sa akin.

Hala. Patawad, Tey! 'Yun lang naman ang tanging paraan para mailigtas kita, eh! Kailangan muna kitang galitin para lumabas ang ability mo.

Dahan-dahang tumayo si Tey habang matalim pa rin ang titig sa akin. Napatingin ako kay Lester nang tumakbo ulit ito papunta kay Tey.

Wala sa sarili si Tey!

Pero laking gulat ko nang biglang kumalat ang itim sa buong ring at tanging kinatatayuan lang ni Lester ang walang itim.

Tila naging tuod din si Lester at gulat na gulat sa nangyari. Napatingin naman ako sa katabi kong anim na ugok.

"Go, Kuys Tey! Lamunin mo 'yan!" sigaw ni Juko.

Napataas ang kilay ko nang makita ko sina Nam na may hawak na banner na may sulat na 'Go, Tey! Mahal ka ni Kelly!'

Bakit naman nasali ako diyan?

Napatingin sila sa akin at nagpeace sign sila. Nagsigawan silang anim at kauna-unahang nagwawala roon ay si Hook na parang tanga na naghe-head bang pa.

Napailing ako at binaling ko na lang ulit ang aking tingin sa ring. Napalunok ako sa aking nakita.

Tumaas nang dahan-dahan ang isang kamay ni Tey at kasama ng pagtaas no'n ay ang pagtaas din ng ilang shadow na nanggaling sa sahig.

Napangiti ako roon at humalukipkip. Excited na ako sa mangyayari.

Nararamdaman ko na ang kanyang abilidad.

Nanlalaki ang mata ni Lester na nakatingin sa shadow na tumataas din kasama ng pagtaas ng kamay ni Tey.

Go, honey!

Tumuwid ang kamay ni Tey paturo kay Lester at mabilis na nagsikapit ang shadow sa katawan ni Lester. Nagulat doon si Lester at tatakbo na sana siya paalis sa kanyang pwesto nang mapaluhod siya.

Gumapang ang shadow papunta sa mukha ni Lester at nagpapanic naman na inaalis ito ni Lester pero wala namang silbi iyon dahil patuloy pa rin ang pagtaas nito papunta sa kanyang mukha.

"Tang ina, ano 'to?!" sigaw ni Lester.

Napasigaw ang lahat nang biglang ikuyom ni Tey ang kanyang kamao at kasabay no'n ang pagsakop ng shadow sa buong katawan ni Lester.

Ang astig talaga ng ability niya!

Kumapit sa apat na sulok ng paligid na ito ang marahas na sigaw ni Lester dahil sa tuluyang pagsakop ng shadow sa kanyang katawan.

Dark Shadow.

Unti-unting bumalik ang itim sa katawan ni Tey at nang matanggal ang itim sa katawan ni Lester ay bumagsak na sa sahig ang katawan nito. Napangiwi ako sa itsura ni Lester. May dugong umaagos sa mata at ilong nito, pati mismo sa tainga nito ay mayroon.

'Yan ang kalalabasan ng isang tao kapag nasakop ka ng Dark Shadow ni Tey.

May itim na parang usok sa kamay ni Tey at ihahagis niya iyon sa 'yo at kakapit iyon sa iyong katawan. Iyan ang unang step sa kanyang ability. Sa pangalawang step naman ay bubuo na siya ng shadow na itim at papagapangin niya iyon patungo sa katawan mo. Kapag hawak ka na ng shadow ay papasukin nito ang lahat ng sistema sa buong katawan mo. Iyon ang nagiging dahilan kung bakit nakukuha ng shadow na iyon ang enerhiya ng katawan mo at maililipat iyon sa katawan ni Tey. Kaya naman mas lalakas si Tey kapag nakakakuha siya ng enerhiya.

Kapag nakuha na ng Dark Shadow ni Tey ang enerhiya mo, syempre mamamatay ka na. May bakas na maiiwan at kapag nakita mo ang bakas na ito ay malalaman mo agad na ability ni Tey ang nakapatay rito.

Lalabas ang pulang likido sa iyong mata, ilong, tainga at mangingitim ang buo mong katawan. Kinain ng Dark Shadow ni Tey ang iyong sistema at maiiwan ito sa katawan mo kaya ang resulta, mangingitim ang iyong katawan.

Nakakatakot ang abilidad ni Tey.

Kagaya ng laging nangyayari tuwing lumalabas ang ability ni Tey ay mawawalan siya ng malay at dudugo ang kanyang ilong. Hindi pa kasi sanay ang katawan ni Tey sa lakas ng epekto ng paggamit nito.

Nang mabuksan na ang ring ay kumaripas agad ako ng takbo at mabilis kong sinapo si Tey nang bumuwal ito.

Napangiti ako nang manalo siya sa laban.

Habang sapo ko si Tey ay hinalikan ko siya sa kanyang noo.

"Congrats, Honey."

Pumunta na rin sina Nam dito sa loob ng ring at sila na mismo ang bumuhat sa mala bulldozer sa bigat na si Tey. Kinuha ko ang balabal ni Tey at naglakad na kami palabas ng Underground.

Habang naglalakad kami ay lahat ng mata ay nakatuon kay Tey na buhat ng anim. Gulat na gulat ang kanilang mukha. Alam ko kung bakit ganyang ang kanilang reaksyon. Bihira na lang kasi ang may ability na kagaya ng kay Tey. Maraming types ng shadow ang kagaya ng ability ni Tey. At dalawa na lang sa sampung tao ang mayroon ng ganito. Sobrang bihira na lang talaga.

Nang makarating na kami ng bahay ay inihiga nila si Tey sa kama. Nandito ako sa kwarto at tinitignan si Tey na mahimbing ang tulog. Wala ang anim na ugok, pumunta silang palengke at namili ng mga pagkain na kakailanganin namin sa mga susunod na araw.

Kahit naman delikado ang lumabas dahil baka mamaya ay may sumugod sa iyo para patayin ka, para makataas siya sa ranking ay lumalabas pa rin kami pero syempre ay nag-iingat naman kami kahit papaano. At kapag sinugod nila kami, aba'y wala kaming magagawa kung hindi ang labanan sila.

Wala sa sariling natulala ako sa katawan ni Tey.

Nakita na ng lahat ang kanyang kakahayan. At paniguradong malalaman ito ng Presidente. Malalaman niya kung gaano katindi ang abilidad ni Tey.

Delikado na ito. Mas lumalala na ang sitwasyon ngayon.

Bumuntong hininga ako at umupo ako sa gilid ni Tey.

Bakit kaya ang sarap niyang titigan kapag tulog siya? Napangiti ako nang maalala ko 'yung itsura niya noong nilait ko siya. Natatawa ako sa itsura niya kapag nilalait ko siya. Para siyang ewan na ano. Tapos ang cute niya pa kapag nagsasalita siya ng mga seryosong salita.

Napangiti ulit ako at napahawak ako sa aking labi nang maalala ko na naman ang halik na ibinigay niya sa akin. Isang mariin na halik na hindi talaga ako pinatulog.

Hindi ko naman kasi aakalain na gagawin niya ang sinabi ko, eh. Basta ang alam ko ay lalaitin ko lang siya para maipakita ko ang ability niya sa mga kasama namin kapag lumabas na ito. Talagang nagulat ako nang halikan niya ako.

Mas lalong lumaki ang ngiti ko dahil sa halik na iyon. Feeling ko ay nasa labi ko pa rin ang labi niya. Bakit ang lambot ng labi niya? Bakit ang pula ng labi niya? Hindi ba siya nagbibisyo, eh mukha naman siyang puno ng bisyo?

Napakagat ako sa ibabang labi ko dahil sa pagpigil ng ngiti. Para na akong tanga na ngiti nang ngiti! Ito kasing si Tey eh, binabaliw ako!

Honey, bakit ang hot mo? Bakit ang hot mo kapag nagsasalita ka nang seryoso? Bakit ang hot mo kahit puno ka ng kalokohan? Bakit ang hot mo kahit wala kang abs katulad ni Jim? Iba na ba talaga ang basehan ng kahot-an ngayon? Kahit may bilbil, hot na?

At bakit ang hot mo kahit tulog? Grabe, Tey, alien ka nga talaga. Sana lagi ka na lang tulog, Tey. Hot ka kasi kapag tulog. Pero bakit ganu'n? Bakit ang hot niya pa rin kahit ang cheesy ng mga sinasabi niya? Hustisya naman!

Nagulo ko ang buhok ko dahil sa pag-iisip kay Tey.

Hinawakan ko ang bangs ni Tey na kumalat sa kanyang mukha at hinawi ko ito. Nang aalisin ko na ang kamay ko ay laking gulat ko nang hawakan ito ni Tey.

"Honey, tigilan mo nga ang pagtitig sa 'kin." malambing niyang sabi na ikinatayo ng balahibo ko.

"T-Tey." banggit ko sa kanyang pangalan.

Sinubukan ko ulit na alisin ang kamay ko sa kamay niya pero mas lalo lang niyang hinigpitan ang kapit dito.

Dumilat si Tey at halos manlambot ang kalamnan ko dahil sa pungay ng kanyang mga mata.

Tae ka, honey!

"Tinititigan ko 'yang mukha mo dahil ang pangit niyan. Mas gwapo talaga sa 'yo si Jim." nakataas kilay na sabi ko.

Napaupo siya sa pagkakahiga at masama akong tinignan.

"Wow, Kelly. Kagigising ko lang tapos Jim agad ang maririnig ko sa 'yo? Oo nga pala. Sigurado akong sobrang enjoy ka sa kilitian n'yo kanina, samantalang ako ay naghihirap dahil nakikipaglaban sa ring." irita niyang sabi habang masama ang tingin sa akin.

Napangisi ako nang maalala ko ito. Selos ka na ba niyan, Tey?

"May pakiss-kiss pa sa pisngi ko tapos mayamaya lang, natalikod lang ako nang saglit, may kalampungan na agad na iba! Iba ka, eh!" natawa ako sa pait ng pagsasalita niya. Sinamaan niya ako lalo ng tingin dahil sa pagtawa ko.

"Walanghiya ka, mahal na mahal kita." bigla niyang sabi at sumilay sa kanyang labi ang pamatay na ngiti. Natigil ako sa pagtawa dahil doon.

Oh, Tey. 'Wag mo akong ganituhin! 'Wag kang magpakasaya kapiling ako. Dahil baka magbago ang lahat kapag nalaman mo ang dati kong balak sa inyo. Nararapat lang na maging masaya ka, at hindi masaktan, honey.

Napanguso siya dahil wala akong binigay na reaksyon.

"Ano ba naman 'yan, Kelly! Wala man lang mahal na mahal din kita? Kahit ngiti man lang, ayos na sa akin! Hindi ka man lang ba kinikilig?" sabi niya.

Inalis ko ang kamay ko sa pagkakahawak niya at nagtagumpay ako roon.

Kung alam mo lang, Tey. Kung alam mo lang.

Tumayo ako sa pagkaka-upo pero hinawakan niya ang braso ko at hinila ulit ako paupo. Hindi agad ako nakapagsalita dahil sa gulat.

"T-Tey!"

"Kelly, hindi mo man lang ba naappreciate 'yung mga effort ko para pakiligin ka?" inis niyang tanong sa akin.

Ngumisi ako at tinaasan siya ng kilay.

"Pagsasayang lang ng oras ang pag-appreciate sa efforts mo, Tey." tugon ko sa kanya na lalo niyang ikina-inis.

"Pagsasayang? Sinong tao ang pinagbibigyan mo ng oras habang lumalaban ako? Si Jim ba, ha?" halos masamid ako sa sinabi ni Tey.

Uungkatin na naman niya talaga ang ginawa namin kanina.

"Oo, si Jim. Saka hindi rin kasi ako nagbibigay ng oras sa walang abs na katulad mo. Hindi katulad ni Jim na hindi ako magsasawang titigan at hawakan." maarte kong sabi sa kanya habang nakataas ang aking kilay.

Napangiwi siya sa sinabi ko at mabilis akong tinaboy. "Edi do'n ka sa Jim mo! 'Langya naman!"

Natawa ako dahil sa kanyang reaksyon.

"Oh, anong nakakatawa? Por que alam mong may gusto ako sa 'yo, papaasahin mo na ako? Tangna mo po." sigaw niya habang nakanguso pa rin.

Lalong lumawak ang ngiti ko dahil sa kakyutan ng alien na 'to.

"Hala, may gusto ka pala sa akin, Tey?" pa-inosente kong tanong sa kanya.

Gulat siyang napatingin sa akin at galit na tumayo sa kama at handa ng lumabas pero sumigaw muna.

"Magsama talaga kayo ng unanong Jim na 'yon! Kainis!" inis niyang sabi at lalabas na sana siya nang humirit ako.

"Talagang magsasama kami!" sigaw ko.

Napahinto siya at mabilis akong nilingon. Natawa naman ulit ako nang makita ko ang gulat niyang reaksyon. Lumapit siya sa akin at hinawakan ako sa magkabilang balikat at niyugyog ako.

"Biro lang 'yon, Kelly! Hindi kayo pwedeng magsama. Hinding-hindi dahil tayong dalawa lang ang pwede." sabi niya sa akin habang niyuyugyog ang balikat ko.

"Paano kung ayaw ko sa 'yo?" seryoso kong sabi na ikinatigil niya.

"Hindi. Gustung-gusto mo ako, Kelly. Kakaladkarin kita kung kinakailangan para lang mailakad ka sa altar para mapakasalan ako. Akin ka at sa 'yung-sa 'yo ako, Honey." natigil ako dahil sa seryosong tinig din nito.

"Paano ba pakiligin ang isang Kelly Rivera?" dugtong niya pa. Napakunot ang noo ko dahil sa apilyido na sinabi niya.

"Ugok, Ladignon ang apilyido ko, hindi Rivera." pagtatama ko sa kanya. Bobo naman nito.

"Soon to be Mrs. Rivera ka na rin naman kaya consider na 'yon." sabi niya at napangiti dahil sa kanyang sinabi.

"Paano ka naman diyan nakakasigurado?" nakataas kilay na tanong ko rito na sinamahan ko pa ng ngisi.

Napangiwi siya dahil sa ngisi ko.

"Siguradung-sigurado ako, Honey!" aniya.

"Sigurado lang. Masyado namang marami kapag siguradung-sigurado!" panunukso ko at tinawanan ang reaksyon niya.

Napanguso siya at napapikit dahil sa panunukso ko. Bigla na lang siyang lumabas at sumigaw dahil siguro sa inis. Natatawa ko itong sinundan.

Tumatawa akong lumabas ng kwarto pero mabilis itong napawi dahil sa taong nakaupo sa sofa ng pamamahay ko.

Bumukas ang pinto ng bahay at pumasok sa loob ang anim na lalaki. Taka nilang tinignan ang demonyo sa loob ng bahay ko. Lumapit sa amin ang anim.

Pagkakita ko pa lang sa pagmumukha ng lalaking ito ay umakyat na kaagad ang galit sa buong sistema ko. Mabilis akong naglakad patungo sa pwesto ng Presidente habang kuyom ang aking kamay pero mabilis din akong pinigilan ng dalawang White Guards na dala niya.

Mabilis namang umaksyon si Tey at inilayo niya ako sa dalawang guard.

"Anong ginagawa mo rito?" mariin kong tanong sa kanya.

"Binibisita ang aking alaga." nakangiti nitong sabi.
Lalong nagalit ang dugl ko dahil sa ngiting ito. Ang sarap punitin ng labi niya!

"Para sa iyong kaalaman, wala kang alaga rito. Walang hayop dito bukod sa 'yo." mariin kong wika tugon habang masama pa rin ang aking tingin sa kanya.

"Hindi ako hayop, Ms. Ladignon, dahil isa akong demonyo." nakangisi niyang sagot.

"Mabuti naman at alam mo ring demonyo ka. Aminado ka rin talaga, eh." natatawang singit ni Tey.

"Aba, may kasama ka pala? Maaari mo ba akong ipakilala sa kanila?"

Pumikit ako nang mariin dahil sa matinding galit sa demonyong ito. Kaunting-kaunti na lang talaga at sasabog na ako.

"Hindi na kailangan, Mr. President. Kilala ka na namin. Ikaw ang Presidente ng lungsod na 'to at ang iyong pangalan ay Ariel Fajardo, ang bunsong kapatid ni Artemio Fajardo." seryosong wika ni Nam na ikinalingon ko sa kanya.

Paano nila nalaman? Hindi ko naman natatandaan na kinwento ko sa kanila ang Presidente, ah? Bakit ba ang talino nila?

"At hindi ka naman importante para kilalanin pa nang husto. Kaya maaari ka nang lumayas dito dahil wala kaming oras sa kagaya mo." walang ganang singit ni Yong habang nakapamulsa.

Ikinagulat iyon ng Presidente pero makalaunan ay nakabawi ito at ngumuti sa amin bago tumayo.

Kailangan ko na yatang bumili ng bagong sofa. Ang ayoko sa lahat ay 'yung may bahid ng pagkademonyo 'yung sofa ng bahay ko, eh. Sarap niya talagang ibigti.

"Ang talino n'yo talaga. Kayung-kayo talaga ang kailangan ko para maging matagumpay ang mga plano ko." nakangising sabi ng Presidente.

"Pero hayaan n'yo akong ipakilala ang sarili ko nang maayos. Ako nga pala ang Presidente ng lungsod na ito. At ang pangalan ko'y Ariel Fajardo, ako ang Presidente rito. Ako ang may pinakamalaking kakayahan sa lungsod na ito kaya wala kayong karapatan para labagin ang mga patakaran ko!" sa masayang mukha ay mabilis na nagbago ito sa galit.

Napaatras ang mga kasama ko dahil sa pagsigaw nito.

"Akala n'yo siguro ay por que nakaligtas kayo sa mga kawal ay makakaligtas na rin kayo sa kamatayang nakahatol na sa inyo." galit niyang sabi.

Napakapit ako sa kamay ni Tey nang maramdaman ko ang panlalamig nito. Talagang... talagang napupuno na ako.

Ang lakas talaga ng loob niya para ipakita at ipakilala niya ang sarili niya sa harap ng mga kaibigan ko. Ang lakas ng loob niya para ipakita ang pangit niyang mukha. Ang mukha niyang puno ng peklat. Ang peklat ng nakaraan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top