Chapter 22: Hayaan mo akong malaman

Kelly's point of view

Tumatakbo ako nang mabilis pabalik sa aking bahay. Kung gaano kabilis ang aking pagtakbo ay ganoon din kabilis ang kabog ng aking dibdib. Sobra akong kinakabahan sa sinabi ni Mr. Fajardo. Paano kung totoong kinuha niya nga ang mga ito?

Nakakapagtaka. Paano niya nalaman ang plano ko? Hindi ko naman ito sinasabi sa kanya noong maayos pa ang aming samahan, ah? Hindi kaya... may espiya siya?

Nakarating ako ng bahay at mabilis akong pumasok dito. Napaawang ang bibig ko dahil hindi ko nadatnan sila sa sala. Ang alam ko ay rito sa sala natutulog sina Nam at Jim, 'di ba?

Tumakbo ako sa CR pero hindi ko sila nakita roon. Napapikit ako nang mariin.

Hinawakan ko ang door knob ng kwarto nila pero napatigil ako nang may biglang humawak sa aking balikat.

Marahas ako nitong hinarap sa kanya at nang magtagumpay siya ay nakatanggap ako ng isang malutong na sampal na lubos ko namang ikinagulat.

"Ano bang problema mo?!" gulat kong singhal at napahawak ako sa aking pisngi.

Gulat kong tinignan si Ms. Alarilla sa aking harapan. Tignan mo pa lang sa kanyang mata ay makikita mo na agad ang galit.

Mas lalo akong nagulat nang hilahin niya ako nang malakas palabas ng aking bahay. Malakas kong tinanggal ang pagkakahawak niya sa braso ko at hinarap ko siya.

"Ma'am, ano bang problema mo? Wala kang karapatan na kaladkarin ako at mas lalong wala kang karapatang sampalin ako dahil nandito ka sa teritoryo ko!" galit kong sigaw sa kanya at matalim ko siyang tinignan pero sinampal na naman niya ako kaya tuluyang lumabas na ang naliliyab na galit ko.

Talagang namomoro na sa akin ang babaeng 'to, eh. Lagi niya na lang akong pinagdidiskitahan! Kung makasabi ng mga masasamang salita sa akin, akala mo Diyos para husgahan ang pagkatao ko. At siya rin ang dahilan kung bakit mas lalong nagtataka ang pito kong kasama sa tunay kong katauhan. Napakapakilamera niya!

Matalim niya rin akong tinignan at huminga muna siya nang malalim para pakalmahin ang dugong kumukulo sa kalooban niya.

"Kelly, sinabi ko naman sa 'yong isikreto mo 'yon, hindi ba?" mahinahon pero ramdam mo roon ang pagpipigil na sigawan ako.

Napakunot ang noo ko sa kanyang sinabi. "Oo nasabi mo na isikreto ko iyon, pero hindi ko alam kung ano 'yon! Hindi ko alam ang mga sinasabi mo! Bakit ba kasiㅡ" pinutol niya ang sasabihin ko at sinigawan ako.

"Mas lumalaki ang tsansa ni Ariel sa pagkontrol sa mundo!" galit niyang sigaw sa akin na aking ikinatigil.

Matagal ng mataas ang tsansa ni Sir Ariel, pero bakit parang may masamang pakiramdam ako rito?

"Niloko ka niya! Ginamit ka niya! Niloko ka ni Sijah!" duro niya sa akin na mas lalo kong ikinatigil.

Napakunot ang aking noo sa kanyang sinabi. Alam kong ginagamit lang ako ni Mr. President dahil manggagamit naman talaga ang demonyong 'yon pero... Si Sijah, niloko ako?

"S-Si Sijah, n-niloko ako?" kinakabahan kong tanong.

Ayoko. Ayokong malaman na totoo 'yon dahil kapag totoo 'yon... nagtiwala ako sa maling tao. Malaking problema ang aking kahaharapin kapag totoo 'yon dahil kinwento ko sa kanya ang lahat ng plano ko. Ang lahat ng sikreto ko ay sinabi ko dahil pinagkakatiwalaan ko siya, kaya hindi pwede na niloloko niya lang ako!

"Oo! Ang tanga mo kasi! Sinabi ko naman sa 'yong 'wag ka agad magtitiwala, pero anong ginawa mo? Kinwento mo pa sa kanya pati ang tungkol sa WINGS!" galit niyang sigaw sa akin at binigyan na naman niya ako ng isang malakas na sampal. Napaupo ako dahil sa lakas nito. Napahawak ako sa aking pisngi dahil rin sa hapdi.

Napatulala ako sa kanyang sinabi. Totoo ba 'to?

"Hindi! Hindi 'yan totoo! Mapagkakatiwalaan si Sijah! Hindi siya traydor!" galit kong sigaw sa kanya pero nagulat ako nang biglang may tumulong luha sa mata ko.

Hindi. Hindi 'to totoo! Nagtiwala ako sa tamang tao. Hindi traydor si Sijah!

Napatingala siya dahil sa sinabi ko. Halos hindi siya makapaniwala sa akin dahil hanggang ngayon ay pinipilit kong mapagkakatiwalaan si Sijah.

"Gumising ka, Kelly. Alagad ng Presidente si Sijah! Kontrolado niya si Sijah! Ginawa ng mga scientists si Sijah!" sigaw niya pa ulit sa akin na ikinaguho ng mundo ko.

Mas lalong gumulo ang utak ko. Si Sijah, ginawa lang ng mga scientists? Ibig sabihin ba nito... hindi gawa si Sijah sa dugo at laman ng kanyang magulang? Isa siyang clone na gawa sa ibang cell? Gawa siya sa mga katawang nakolekta ni Mr. President?

Tang ina.

"Oo, si Sijah Bartolome ay isang clone. Siya ang kauna-unahang clone na nagtagumpay. Marami na silang nagawang clone dahil marami na silang nakolektang cell pero halos lahat ng iyon ay palpak. At si Sijah pa lang ang nagtagumpay." pagpapaliwanag nito sa tanong na gumugulo sa utak ko.

Napaiyak ako sa aking kinauupuan. Isang clone si Sijah...

Bakit... bakit hindi ko man lang nakita sa kanya ang pagiging clone nito? Akala ko ay alam ko na ang lahat! Akala ko'y maisasalba ko na ang lahat! Pero mukhang sinasama ako ni kamatayan sa kanyang kuta.

Nabubuo ang cloning sa pamamagitan ng cell. Maraming proseso para mabuo nang kumpleto ang clone. Nagsisimula muna ito sa fetus at lalaki ito sa loob ng container na hindi ko alam ang tawag. Marami ring panahon para tuluyang mabuo ang clone na ginagawa. Siguro'y matagal na nilang ginawa si Sijah dahil ang laki na nito ngayon.

Noon pa lang pala ay gumagawa na sila ng askyon?

Dinukdok ko ang aking noo sa aking tuhod habang nakaupo pa rin ako sa sahig. Iyak lang ako nang iyak dahil hindi ko na alam ang gagawin ko. Hindi ko alam kung ano na ang mangyayari pagkatapos nito! Ayokong biguin ang Papa ko... lalung-lalo na ang Kuya ko. Pinangako ko sa Kuya ko na ipaghihiganti ko siya pero tignan mo ang nangyayari ngayon. Unti-unti na akong nahuhulog sa butas ng impyerno.

Umiiyak ako ngayon dahil na rin siguro natanggap na talaga ng utak ko na niloko ako ni Sijah. Tanggap na siguro ng utak ko na si Sijah ay isang traydor. Traydor na clone.

Bumulong ng mura si Ms. Alarilla bago niya ako pantayan. Umupo siya sa tapat ko at nagpakawala muna siya ng hininga bago magsalita.

"Kelly, sinabi mo ba kay Sijah ang lahat ng tungkol sa WINGS?" marahan niyang tanong sa akin.

Napakagat ako sa aking labi at dahan-dahang tumango. Bumuhos ulit ang aking luha nang mapagtanto ko ang aking katangahan. Napamura ulit siya at napasabunot siya sa kanyang buhok dahil sa kanyang nalaman.

Pasensya na. Nabilog ako, eh! Wala akong magagawa. Nagsisisi naman ako!

"Kelly, tignan mo 'tong ginawa mo." mariin niyang sabi sa akin. Napaiyak ako ulit ng dahil doon.

Alam ko ang nagawa ko! Pero hindi ko alam ang mga kabayaran nito. Alam kong pagsisisishan ko ito dahil nagtiwala ako sa maling tao.

Tuwang-tuwa pa ako dati tuwing nagkaka-usap kaming dalawa dahil ang gaan-gaan ng loob ko sa kanya. Pakiramdam ko nu'n ay totoo nga siyang mapagkakatiwalaan. Tapos 'yun pala...

Siguro pinagtatawanan niya ako lagi tuwing sinasabi ko sa kanya ang mga sikreto ko. Siguro pati si kamatayan ay tuwang-tuwa dahil nahulog ako sa kanyang patibong.

Walanghiya ka talaga, Ariel!

Inangat ko ang ulo ko at pinahid ko ang mga luha sa aking pisngi. Walang patutunguhan ito kung iiyak lang ako. Kapag ba umiyak ako, maibabalik ba nito 'yung panahong hindi ko pa nakikilala si Sijah? Sana nga maibalik nito para maitama ko ang aking pagkakamali, pero hindi, eh. Hindi naman kasi time machine ang pag-iyak.

Tumayo ako at inayos ko ang sarili ko bago ulit humarap sa kanya. Tinignan ko siya nang seryoso sa mata.

"Ms. Shanie, hayaan mo akong malaman. Hayaan mo akong malaman ang mga posibilidad na mangyayari nang dahil sa aking pagkakamali. Pakiusap, hayaan mo akong malaman. Desperada na ako, Ma'am Shanie." seryoso kong wika.

Oo, desperada akong malaman ang mga ito. Handa akong labanan ang mga ito para mabali ko ang madilim na mangyayari sa kinabukasan. Ayoko ng mabuhay sa gitna ng dilim dahil sawang-sawa na ako. Sobrang sawa na ako.

"At hayaan mo akong malaman kung ano ang magagawa ko para rito."

Bumuga siya nang mabigat na hangin at nilabanan ang aking seryosong tingin.

"Ms. Ladignon, hindi mo kaya ang lahat kung ikaw lang. Pero sige, sasabihin ko na dahil mukhang desperado ka talaga." pambibitin niya.

Napakuyom ako ng kamao dahil sa kaba. Sana mabago ko pa ang madilim na kinabukasan.

"Ang kailangan mo lang gawin ay ang lumaban pero siguraduhin mong makakaligtas ma. Wala ka nang magagawa para pakiusapan na itigil ng Presidente ang kanyang plano dahil wala naman itong pinakikinggan. Pero magagawa mong pigilan ang Presidente sa pamamagitan ng paglaban dito." sambit niya.

"Paghandaan mo na ng husto ang mga mangyayari dahil ang lahat ng kabayaran ay ang buhay mo. Alam niya ang kakayahan mo. Alam niya kung ano ang kaya mo kaya panigurado akong ikaw rin ang pakay niya. At isa pang bagay, si Mr. Rivera. Maaaro mo siyang gamitin. Maaari mong gamitin ang lahat ng kaibigan mo. Magsanib pwersa kayo para pigilan ang mga balak ng Presidente."

Taimtim lang ako na nakikinig sa kanya. Pakikinggan ko siya dahil ito na lang ang tamang magagawa ko sa mga oras na ito.

"At kung may mamamatay man sa inyo... tanggapin n'yo ito dahil sa lahat ng laban ay hindi lahat ay nakakaligtas. May mga taong kailangang magsakripisyo, Kelly." seryoso niyang sambit sa akin. Napalunok ako.

Napapikit ako. Paano nga ba kapag may namatay? Anong gagawin ko? Baka hindi ko kayanin!

"At lagi mong tatandaan, Kelly, nasa panganib ang 'yong buhay. Lahat kayo ay nanganganib basta't nandito kayo sa loob ng lungsod na ito, ay kahit pala sa labas ay nanganganib pa rin ang buhay n'yo, dahil handang magbayad ng malaki ang Presidente para mahanap at mahuli lang kayo." huli niyang paliwanag bago ako iwan sa labas ng aking bahay.

Huli na nang mapagtanto ko na dapat pala ay tinanong ko siya. Bakit ang dami niyang alam tungkol sa Presidente? Bakit alam niya ang tungkol sa WINGS?

Ang tanga ko talaga.

Pumasok na ako sa bahay pagkatapos ng ilang minuto dahil magcu-curfew na rin. Napaupo ako sa sofa at napasapo ako sa aking mukha at doon ako ulit napahagulgol.

Demonyo ka, Sijah! Akala ko pa naman ay mapagkakatiwalaan ka! Pero wala ng mas demonyo kay Mr. President.

Wala na. Nakagawa na sila ng clone. Nagtagumpay ang kagustuhan niya. Madaming namatay kaya paniguradong marami silang resbak na mga katawang kukuhanan ng kanilang mga kailangan. Marami silang stock kapag gagawa ulit sila.

Napasabunot ako sa aking buhok dahil sa inis.

Ang hirap mabuhay! Hindi talaga lahat ng buhay ay normal.

Lalo ako napaiyak nang sumagi sa isip ko ang labas ng Bangtan City. Paano kaya mamuhay sa labas? Ano kaya ang mga ginagawa ng mga tao ngayon sa outside? Namimiss ko nang manirahan sa labas. Ilang taon na rin akong nakulong dito sa Bangtan City at kahit pagsilip lang sa labas ay hindi ko magawa. Sa dinami-rami ba naman ng mga White Guards dito ay makasilip ka pa kaya? Saka kakaiba rin kasi itong city na 'to, eh. Ito 'yung tipo ng lungsod na katabi lang ang gubat. Talagang tagung-tago sa normal na city.

Naalala ko pa na dati, palaru-laro lang ako ng laruang kutsilyo at baril dahil dati noong bata pa ako ay gusto kong maging pulis katulad ng nanay ko.

Pulis ang nanay ko. Pero namatay siya dahil sa isang raid. Hindi ko alam ang buong kwento tungkol doon. Basta ang alam ko ay nabaril ang nanay ko.

Dalawang mahal ko sa buhay na ang namatay. Hindi ko na kakayanin kung may mamatay pa na malapit sa akin. Masakit sa puso. Pakiramdam ko ay unti-unti itong pinupunit tuwing naaalala ko ang pagkamatay ng Nanay at Kuya ko.

Binuksan ko ang pinto ng kwarto ng pitong ugok. Naabutan ko sila sa loob nito na mahimbing ang tulog. Napangiti ako dahil sa pwesto nila sa kama. Talagang pinagsiksikan nila ang kanilang sarili sa kama. Nakadagan pa ang iba. Kawawa naman ang nasa pinakailalim niyan. Mga loko-loko talaga.

Napangiwi ako at naglabasan na naman ang mga luha ko. Napatakip ako sa aking bibig dahil ayokong magising sila dahil lang sa pag-iyak ko.

"P... Patawad k-kung nailagay ko ang buhay n-n'yo... sa peligro..." bulong ko bago ko isara ang pinto. Napasandal ako sa pinto at napaupo.

Tama nga 'yung sinabi noon ni Ma'am Shanie. Hindi ko kayang iligtas ang lungsod dahil isang hamak na amuhing pusa lamang ako.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top