Chapter 18: Danger

Yong's point of view

Mabilis ang bawat pagpidal namin dahil sa nangyayari ngayon. Mabilis ang bawat hininga ko at dama ko ang kabang bumabalot dito. Napatingin ako kay Nam na nakaangkas sa bisikleta ni Jin. Hindi siya makapagbisikleta dahil sa nangyari sa kanya at sunog pa ang kanyang kaliwang braso.

Napakagat ako sa pang-ibabang labi ko nang maalala ko na naman ang itsura ni Nam nang makapatay siya ng tao. Awang-awa ako habang pinapanood siyang nagdurusa dahil nakapatay siya. Hindi ko alam ang gagawin ko nu'ng mga oras na 'yun. Buti na lang at nasa tamang pag-iisip pa si Kelly kanina kaya kinaladkad na niya kami para makaalis na sa lugar na 'yon.

Ginulo ko ang buhok ko dahil sa pangyayari. Napalinga pa ako sa paligid at kita ko ang mga taong nagtatago dahil takot pa silang mamatay.

Nakarating na kami sa bahay at mabilis kaming pumasok doon.

"Nam! Dalian mo, kailangan nating gamutin ang iyong braso!" sigaw ni Jin kay Nam dahil hindi ito kumikilos sa isang tabi at nakatulala lamang. Siguro ay naalala na naman niya ang nangyari kanina.

"J-Jin... nakapatay... a-ako.." nakatulalang sabi ni Nam at napaluha pa siya kaya lalong nanikip ang dibdib ko.

Hinigit ko si Nam papasok sa loob ng bahay na ikinagulat ng iba.

"Nam, huwag ka namang malungkot," bulong ko sa kanya habang nakahawak ako sa magkabilang balikat niya.

Napatingin siya sa akin at lalong nanikip ang dibdib ko nang yakapin niya ako.

"Yong..." umiiyak niyang bulong.

Hinawakan ko ulit siya sa magkabilang balikat at hinarap ko siya sa akin.

"Nam, nasaktan ka. Hindi mo ba 'yan nararamdaman?" sabay turo ko sa sunog niyang braso. Napaiwas naman ako agad ng tingin doon dahil ayokong makita ito.

"Oo... nasasaktan ako," sabi niya kaya mabilis akong lumingon kay Kelly.

"Kelly, nasaan ang mga panggamot?" tanong ko rito at agad naman siyang pumunta sa kung saan.

Napatingin ako sa mga kasama ko at nginitian ko sila. Tinignan ko rin si Nam at kahit mahirap ay binigyan ko siya ng isang malawak na ngiti para ipadama sa kanya na ayos lang ang nagawa niya, prinotektahan lamang niya ang kanyang sarili.

Nilapitan ako ni Hook at bumulong siya, "Kailan ka pa natutong ngumiti nang ganyan, aber?" pabiro niyang bulong.

Binigyan ko naman siya ng tingin na natural ng nakasuot sa mukha ko. Malamig na tingin, kasing lamig ng yelo.

Oo, minsan ay malamig ako pero sa kasuluk-sulukan ko, malambot din ako. Hindi lang talaga ako sanay na ipakita ito sa kanila. Kahit naman malamig ako minsan ay tanggap nila ito dahil mas dagdag pogi points daw kapag ganu'n. At dahil magkakaibigan kaming tunay, tanggap namin kung ano man ang mayroon kami.

Saka kahit malamig ako ay marunong naman akong mag-alaga, mahirap nga lang ipakita pero madali namang ipadama.

Natapos ng gamutin ang sugat ni Nam sa braso kaya nakahinga na kami nang maluwag. Tuwing natititig ako kay Nam ay nakikita ko lagi sa kanyang mata ang hinagpis pero mas nangingibabaw ang takot.

Natatakot na rin ako. Sa mga nasaksihan ko pa lang na patayan kanina ay paano pa kaya sa susunod na mga araw? Natatakot ako para sa sarili ko at natatakot para sa lahat ng tao rito.

Paano na lang kaya ang magiging buhay namin kapag nagtagal pa kami rito? Gusto kong tumakas pero paano? Dito na lang ba kami huling makahihinga? Ni hindi ko man lang ba masusulyapan ang mga magulang ko sa huli kong hininga?

'Yung mga magulang ko, hinahanap kaya nila ako? Hinahanap kaya kami ng mga magulang namin? Malungkot kaya sila dahil ilang buwan na nila kaming hindi nakikita?

Napabalikwas kaming lahat sa pagkaka-upo nang biglang bumukas ang pinto at iniluwa no'n sina Simon at apat na babae.

"Guys! Ayos lang ba kayo?" nag-aalalang tanong ni Simon.

Mabilis ko namang nasuot ang ekspresyong ngiwi dahil bigla na lamang yinakap ni Simon si Kelly. Nagtanong pa kung maayos lang ba kami, eh mukhang si Kelly naman talaga ang gusto niyang tanungin no'n. Ang sarap ni Simon bigwasan paminsan-minsan.

"Nam, nakita ko ang nangyari sa 'yo." napalingon ako kay Joy nang magsalita ito.

At nahagip ng mata ko si Nam na maluluha na naman. Tumikhim ako upang kunin ang atensyon ni Joy.

"Nam?" pag-uulit niya rito dahil hindi siya pinansin ni Nam.

Tumikhim na naman ako pero hindi talaga ako mapansin ni Joy. Sarap naman nitong pingutin sa tainga. Minsan na nga lang ako magpapansin, hindi pa mapansin-pansin.

"S-Sandali lang..." sabay tayo ni Nam at dali-dali niyang tinungo ang kwarto namin.

Napa-iling na lamang kami at si Joy naman ay takang-taka. Nagsi-upuan na ang mga kasama ni Joy sa katapat naming sofa at si Simon naman ay kausap si Kelly sa labas. Pribado raw ang kanilang pag-uusapan.

Tumayo ako sa pagkaka-upo at mabilis kong sinipa si Joy sa kanyang kaliwang binti na ikinagulat naman niya.

"Ano bang problema mo?!" bulyaw niya sa akin at tumalsik pa ang kanyang laway sa mukha ko.

Inis ko namang pinunasan ang laway na 'yon. Kadiri naman 'to.

"Ikaw. Ikaw ang problema ko! Kamanhid mo naman, Joy! Hindi pa ba halata na ayaw pag-usapan ni Nam 'yung nangyari sa kanya kanina dahil sariwa pa iyon sa kanyang utak?" sarkastiko kong sabi sa kanya at inirapan ko pa siya.

"Hoy, lalaki, pwede namang ipamukha sa akin 'yun, 'di ba? Hindi 'yung naninipa ka diyan. Saka uulitin ko ba 'yung tanong ko sa kanya kung napansin kong ayaw niya 'yon pag-usapan, huh?" irita niyang sagot sa akin.

"Mas masarap pang matulog kaysa kausap ka," sabi ko at naglakad na para lagpasan siya.

Bigla naman akong nahinto nang bungguin niya ang balikat ko.

"Para namang gusto rin kitang kausap. Ikaw kaya ang unang kumausap sa akin. Duh." maarte niyang sabi.

"Eh, ba't ka ba nambubunggo?" inis ko sa kanyang tanong.

"Eh ikaw, bakit ka nanipa, huh?" maangas naman niyang tugon.

"Eh trip ko, eh!" sagot ko sa kanya at humarap pa ako sa kanyang mukha para matalsikan din siya ng laway ko.

"Edi trip ko rin! Ikaw lang ba ang may karapatang mantrip? Saka kadiri ka naman, Yong! Tumatalsik 'yung laway mo. Eww!" nandidiri niyang sabi habang pinupunasan ang kanyang mukha.

Napangisi ako at mas pinatalsik ko pa ang aking laway.

"Parang siya'y hindi nakakadiri kanina!" sabi ko at tinalikuran na siya.

"Hindi ko talaga gusto 'yang ugali mo, Mr. Gilagid! Kinakausap ka tapos tatalikuran mo ako? Nasaan ang paggalang mo, huh?" sigaw niya.

Siguro ay namumula na sa inis ang babaitang 'to. Hindi ko man kita dahil nakatalikod ako sa kanya, pero dama ko naman iyon sa bawat pagbigkas niya.

Hinarap ko ang ulo ko sa kanya at ngumisi ako. "Huwag kang mag-alala, parehas lang tayo ng nararamdaman. Nasaan ang aking paggalang? Nandito sa gilagid ko!" nakangisi kong tugon at binaling ko na ulit ang ulo ko sa daan patungo sa kwarto.

Narinig ko siyang pumadyak kaya napatakbo na ako papunta sa kwarto para damayan si Nam.

"Ililibing kita nang buhay!"

Nam's point of view

Nandito lang ako sa loob ng kwarto namin at nagdadrama. Alam kong hindi bagay sa akin ang magdrama, kaya nga nagtago ako rito, eh.

Bwisit kasi si Joy, hindi marunong makiramdam. Sariwa pa kaya sa alaala ko ang nagawa ko kanina! Saka sino ba ang magiging ayos lang kung nakapatay ka?

Nagulat naman ako nang biglang bumukas ang pinto at iniluwa no'n si Yong. Si Yong na ginagawa ang lahat para pagaain ang loob ko.

Lumapit sa akin si Yong at tumabi siya sa akin dito sa kama. Pero humiga siya sa kama.

"Kumusta na ang sugat mo? Masakit pa ba?" tanong niya. Tinignan ko siya at nakatingin lang siya sa kisame.

Iniwas ko na ang tingin ko sa kanya saka ako sumagot, "Maayos lang. Hindi naman na masyadong masakit."

"Iniisip mo pa rin ba 'yung nagawa mo kanina?" napatuwid ako sa pagkaka-upo sa tanong ni Yong.

Nilingon ko siya at sa pagkakataong ito'y nakatingin na rin siya sa akin. Hindi ako makapagsalita dahil baka kapag bumuka ang bibig ko ay sumabay ang agos ng luha ko. Sa buong buhay ko ay hindi pa ako nakakapatay kahit hayop pa 'yan o ano, kaya sobrang laki ng epekto nito sa akin.

"Kung ano man ang hindi mo kayang gawin noon, panahon na para gawin iyon ngayon, dahil iyon na lang ang tanging paraan para manatiling buhay rito, Nam." sambit niya at napabuntong-hininga.

Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko at pinisil ko ang daliri ko dahil pinipigilan kong maluha sa mga binibigkas ng lalaking kaharap ko. Bakit ang daldal niya ngayon? Hindi ako sanay, eh.

Umupo na siya sa pagkakahiga at inilapat niya ang kamay niya sa aking likod. Ngumiti siya sa akin na bihira ko lang makita. Ang kilala kong Yong ay hindi ganito at mukhang ito na ang pagbabago.

"Ayos lang 'yan, Nam. 'Wag mong pigilan huwag maluha dahil mukha kang natatae na ewan. Ngayon, inuutusan kitang lumuha." sabi niya at muntikan ko pa siyang masapak sa kanyang sinabi.

"At sino ka naman para utusan akong lumuha?" at siningkitan ko siya ng aking mata.

"Manahimik ka! Basta, gawin mo na lang ang inuutos ko sa 'yo dahil kaya niyang pagaain ang pakiramdam mo! Hindi ako sanay na makita kang malungkot kaya pakiusap, ngumiti kang muli..." napatigil ako sa sinabi ni Yong at hindi nagtagal ay yinakap ko siya at doon ako naluha.

Bakit ba kasi kailangan pang pumatay? Bakit ba kasi kailangan ko pang tumapos ng buhay para lang mabuhay ako? Gusto kong maging masaya ang lahat, pero ano ba 'tong nangyayari ngayon...

Isa itong bangungot. Namumuhay kami sa madilim na bangungot. Gusto kong takasan ito pero hindi ko kaya. Gusto kong magising sa bangungot na ito pero nakakalungkot na sabihing... ito ang aming reyalidad. Ito ang aming madilim na katotohanan.

Sa ilang minutong pagluha ko sa balikat ni Yong ay nagbalik-tanaw sa akin ang mga masasayang alaala ko kasama ang mga kaibigan ko. Ang mga tawa nilang parang musika na kay sarap pakinggan. Ang mga kalokohan naming ginagawa. Lahat. Lahat ng aming mga pinagsamahan ay nagbalik-tanaw sa akin.

Nang umayos na ang pakiramdam ko ay napagpasyahan na namin ni Yong na lumabas na ng kwarto. Gutom na rin kasi kami at gabi na. Nang makalabas na kami sa kwarto ay nadatnan namin na masinsinan silang nag-uusap. Lahat sila at tanging kaming dalawa lang ni Yong ang kulang para makumpleto sila.

Nabaling ang atensyon nila sa amin ni Yong dahil naagaw namin ang kanilang atensyon. Bigla silang natahimik at mukhang ingat na ingat sa bawat pagsasalita.

"Uhm... Nam..." napatingin ako kay Hook nang magsalita ito.

Mukhang nag-aalinlangan pa siya. Ayoko namang maging abala sa kanilang lahat dahil lang sa matindi nilang pag-aalala sa akin. Kung ngayon ay nakapatay ako ng isa, paano pa kaya sa sususunod na araw, 'di ba? Kaya kailangan ko ng sanayin ang sarili ko sa mga posibilidad na mangyari. At saka lalaki ako kaya dapat, hindi na sila nag-aalala sa akin!

"Ayos lang ako." nakangiti ko sa kanilang sabi at tumabi ako sa kanila at ganoon din si Yong para makasali kami sa usapang nagaganap.

Mukhang nag-aalinlangan pa silang ikalat sa amin ang kanilang pinag-uusapan kaya ngumiti ulit ako para ipakitang ayos lang. Napabuntong hininga naman si Shulgi at nagsalita na siya.

"Katulad nga ng sinabi ko kanina lang, mukhang nagsimula na ang plano ng Presidente. Marami ng namatay kanina. Biruin n'yo, isang araw pa lang ay halos mag-isang libo na ang patay? Ganyan kadesperado ang mga tao rito na mabuhay kaya kailangan nating mag-ingat." seryoso niyang saad.

"At hula ko ay si Nam pa lang ang nakapapasok sa ranking sa inyo." turo sa amin ni Shulgi. Sila kasing mga babae pwera lang kay Kelly ay nakapatay na at kasali na sila sa ranking.

"Ah, opo," tugon ni Juko.

Napahawak ako sa braso kong sugatan at tinignan ko ito. Ito ang bakas ng aking pagsisimula sa lungsod na 'to. Ito ang bakas ng unang pagpatay ko.

"Kailangan n'yo ng kumilos. Hanggang dalawang daan lang ang ranking at tangina, ilang libo ang tao rito sa Bangtan City!" inis na wika ni Shulgi.

"Ano ba naman kasi ang nakain ng Presidente at hanggang dalawang daan lang ang ginawa niyang makapapasok sa ranking?" sarkastiko namang sabi ni Yuri.

"Parang hindi n'yo naman kilala ang Presidente." walang gana namang sabi ni Wendy at sumandal siya sa sandalan ng sofa.

"Nasa peligro na ang buhay nating lahat dito kaya kailangan na nating umaksyon. Kapag hindi pa tayo kumilos, paniguradong laglag na talaga tayo sa ranking. Mahirap habulin ang mga marami ng iskora. Kaya hangga't maaga pa, pumatay na tayo para unti-unti ang ating pag-angat sa ranking." pahayag naman ulit ni Shulgi at kaming lahat ay tahimik lang na nakikinig sa kanya.

"At isang bagay pa pala, ang curfew. 'Wag na 'wag kayong gagabihin sa labas. Oo, ayos lang ang gabihin pero huwag 'yung aabot ng alas-dose dahil makukuha kayo ng mga guards at dadalhin nila kayo sa White Laboratory upang kunin ang mga cells n'yo. Walang awa ang pinuno rito kaya mag-iingat kayo." napasapo na lang si Shulgi sa kanyang noo dahil sa nangyayari ngayon.

"Naiintindihan namin. Ano na ang plano?" napahinto naman kaming lahat sa biglaang pagsabat ni Kelly.

"Plano?"

Hindi naman niya pinansin ang tanong ko at bigla ring nagsalita si Wendy.

"Ikaw. Ikaw ang mag-isip dahil alam kong may alam ka. At ikaw rin ang may alam kung sino ang makatutulong sa atin kaya pakiusap, Kelly, kausapin mo sila para sa ikabubuti natin." wika ni Wendy.

Napalingon ako kay Simon na parang naging alerto ito dahil sa sinabi ni Wendy.

"Oo, sasabihin ko sa kanila 'yung nangyayari ngayon dito para maging alerto rin sila." tugon dito ni Kelly.

Napakunot ang noo ko sa usapan nila at pati rin ang mga kasama kong lalaki ay nagtataka.

Sinong sila? May iba pa bang kaibigan si Kelly? May iba pa bang makatutulong sa kalagayan namin? Ang gulo. Hindi ko maintindihan ang nangyayari rito.

"Ayos lang ba kung sabihin n'yo sa akin kung sino sila?" napalingon naman kami kay Simon nang magtanong ito. Parang interesado.

"Sasabihin din namin sa inyo. Maghintay lang kayo," seryosong sabi ni Kelly.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top