Chapter 17: Patikim

Nam's point of view

Isang linggo na ang nakalipas nang mabalita ang ranking at isang araw na rin ang lumipas nang mabalita rin ang curfew. Hindi ko alam kung totoo ba ang mga 'yun o kung siniseryoso iyon ng Presidente dahil hanggang ngayon ay walang nangyayari sa mga bagong patakaran.

Bawat gabing lumilipas ay inaabangan ng lahat. Bawat araw na lumilipas ay inaabangan din ng lahat. Tuwing gabi, gusto sana naming subukang lumabag sa curfew, ang kaso ang kill joy ni Kelly. Baka raw mapaano pa kami.

Kami mapapahamak? Kaya ko kayang bumugbog ng isang daang katao sa isang iglap lang. Basta ba 'wag silang lalaban.

Mahabang gabi ang lumipas at naging masarap ang tulog naming walo. At si Simon ay nag-overnight dito sa bahay ni Kelly. At sa kadahilanang wala ng higaan, sa sahig siya natulog. Masaya naman siya dahil malamig daw ang sahig at masaya siya dahil pumayag daw si Kelly na rito siya matulog.

Nangangamoy love square nga, eh. Team Jim, Team Tey, Team Simon, kanino sila boboto? Kung ako ang papipiliin? Wala. Dahil baka tumanda lang nang maaga si Kelly kapag naging asawa niya ang isa diyan. Ang kukulit kaya nilang tatlo! Dinaig pa ang mga batang sabik sa laro kung makakilos, eh.

Maaga kaming gumising dahil may pasok ngayon. Kasabay namin ngayon si Simon dahil dito nga siya natulog. Biruin mo, walong lalaki na mga gwapo'y nagsanib pwersa? Anong kinalabasan? Edi walong Adonis! Bali-bali na nga ang mga ulo ng mga nadadaanan naming babae, eh. Syempre'y kinikindatan namin. Oo, gusto namin ng atensyon pero ayaw namin nang sobra. Masama ang sobra. Nakamamatay.

"Walong bagyo ay nagsanib pwersa. Kayayabang!" napatingin kaming walo kay Kelly na nakahalukipkip habang naglalakad.

Napangisi kami at taas noong naglakad. Ang mga gwapong mukha ay dapat pinaparada sa mga tao.

"Kelly, manahimik ka na lang. Hindi mo ba naisip na ang swerte mo? Tignan mo, walong naggwagwapuhan ang kasama mo. Ang iba nga diyan ay kahit isa'y walang kasama. Kaya magpasalamat ka na lang, Kelly!" sabi ko at inakbayan siya. Napatingin siya sa akin at inirapan niya ako.

Napasinghap naman ako nang biglang tanggalin ni Simon ang braso ko na naka-akbay kay Kelly.

"Huwag mo siyang hawakan. Ako lamang ang natatanging tao ang pupwedeng hawakan siya, Nam." mariin niyang sabi.

Napangisi ako dahil nakita kong nagdilim ang mga mukha ni Tey at Jim dahil sa sinabi ni Simon.

Bakbakan na naman ito!

"Simon, saling pusa ka lang dito kaya matuto kang dumistansya kung ayaw mong itakbo ng ambulansya." mariin namang banat ni Tey.

"Simon, paalala para hindi ka masaktan. Pwedeng mahalin pero hindi pwedeng angkinin." banat naman ni Jim kaya mas lalo kaming napahalakhak.

"Pagtulungan ba naman ako? Dalawa laban sa isa?" maangas na tugon ni Simon sa banat ng dalawa.

Napahinto kami sa paglalakad dahil ramdam namin ang tensyong namumuo sa tatlo. Parang may kidlat na dumadaloy sa mga mata nila.

"Hindi, dahil patas ang larong ito. Walang kampihan." nakangising sabi ni Tey.

"Itinuturing mo itong laro?" tanong naman ni Jim kay Tey.

"Oo, dahil ang pag-ibig ay isang laro. Ang pag-ibig ay puno ng pagsubok. Ang pag-ibig ay isang laro sa taong malalakas ang puso. Hindi titibay ang relasyon n'yo kung hindi kayo masusubukan. Walang relasyon na matibay na hindi dumaan sa mapaglarong tadhana." napatango kaming mga nanonood sa sinabi ni Tey.

Sa wakas ay hindi na walang kwenta ang mga lumalabas sa bibig ni Tey. Pagpalain ka ng maykapal, Tey!

"Kung isa nga 'tong laro, magsasaya na lang ako dahil alam kong sa 'kin ang bagsak ni Kelly." taas-noong sabi ni Simon at sinampal pa niya nang marahan ang kanyang dibdib at kinindatan si Kelly na seryoso lang ang tingin.

Ang seryoso niya ngayon, ah. Ano kaya ang problema ng isang 'to? Napapansin ko kasi na parang lagi siyang wala sa sarili. Parang laging may iniisip o laging hinahangin ang isip.

Parang lagi siyang lutang dahil sa mga iniisip.

"Edi lalaban ako! Kaya kong ipaglaban ang nararamdaman ko kung gusto ko. Gagawin ko dahil alam kong kaya ko." nakangising sabi ni Jim. At nabasag lang ang usapang labanan sa pag-ibig nang sumingit doon ang kanilang pinagtatalunan.

"Ayokong maging papremyo sa laro n'yo kung isa sa inyo ang mananalo. Pumasok na tayo." seryosong singit ni Kelly at inaya na kaming maglakad.

Natawa kami dahil sa reaksyon ng tatlo. Hindi pa kami nakakalayo ay nagsalita na si Tey.

"Bakit ba ang seryoso mo?" tanong ni Tey kay Kelly at sumabay na siya kay Kelly sa paglalakad.

Napa-iling na lang ako sa pinaggagawa ng tatlo. Talaga nga bang mapaglaro ang tadhana? Hindi pa ako nalalaro ng tadhana.

At naisip ko rin na, kapag nilaro ako at 'yung taong mahal ko ng tadhana, hindi ako magdadalawang isip na sirain siya. Subukan lamang ako ng tadhana at pangako, kayang-kaya ko siyang baguhin.

Napalingon naman ako nang bigla akong akbayan ni Jin. Nakangiti siya kaya ngumiti rin ako.

"Nam, naniniwala ka ba kay Tey?" tanong niya habang naka-akbay pa rin sa akin.

Tinignan ko siya at kinunutan ng noo. "Anong ibig mong sabihin?"

"Ang sabi niya'y ang pag-ibig ay isang laro. Ang dami niyang nasasabing kakaiba kapag ang usapan ay si Kelly. At sinabi pa niyang mahal niya si Kelly. Alam mo naman, ang hirap maniwala sa mga pinagsasabi niya dahil nanggaling iyon sa sariling bibig niya." mahaba niyang paliwanag at tinignan niya ako.

Nagkibit ako ng balikat at natawa. "Minsan ay seryoso si Tey at hindi tayo roon sanay, pero kapag si Tey ay hindi seryoso, ihanda mo na ang laway mong mauubos kababawal sa kanya. Siguro'y makisabay na lang tayo sa daloy niya. At ang mga biro ni Tey ay lagi niyang nasasabi kaya akala natin, lahat ng sinasabi niya ay puro biro lamang, pero hindi natin alam ay seryoso na pala siya."

Napatango siya roon at pinatong niya ang gilid ng ulo niya sa gilid ng ulo ko. Bale nakapatong ang ulo niya sa ulo ko habang naka-akbay siya at habang naglalakad kami. Ang sarap sa pakiramdam ng ginawa niya. Ang lambing niyang tao kaya siya ang pinakagusto ko sa aming lahat, eh. Kung babae nga lang ito ay baka matagal ko na siyang pinormahan.

Ang matamis na salita ay kay daling sabihin, ang matamis na pagkain ay kay daling bilhin, ngunit ang taong kasing tamis ng asukal kung umasta'y kay hirap hanapin. Iyon ang dahilan kung bakit gusto kong makasama si Jin panghabang-buhay, dahil kasing tamis siya ng asukal kung umasta at sapat na iyon para magpangiti sa aking labi.

Ilang oras din ang lumipas bago matapos ang klase namin. Nag-inat ako at hinimas ko ang tiyan kong kanina pa ngumangawa dahil sa gutom.

Palabas pa lang kami ng silid nang mapatigil kami dahil sa takbuhan ng mga estudyante.

"Hala, may fun run?" inosenteng tanong ni Tey. Nabatukan naman siya ni Yong.

"Fun run? Aba, Tey, tanghali na!" sigaw sa kanya ni Yong.

"Yong, 2017 na. Nagbagong buhay na yata sila kaya tanghali sila kung fun run. Walang basagan daw ng trip!" singit naman ni Hook.

Napatawa na lang ako sa pinagsasabi nila. Fun run? Sa tanghaling tapat?

Bigla namang humigit si Kelly ng isang estudyante na tumatakbo. Napatigil 'yung lalaki at parang natakot siya nang makita niya si Kelly.

"B-Bakit p-po?" utal niyang tanong at halatang kabado.

Kinabahan yata sa ganda ni Kelly. Lakas naman ng kamandag ni Kelly.

"Anong mayroon? Bakit nagtatakbuhan?" tanong ni Kelly sa lalaki.

Napapunas sa noo ang lalaki at inayos nito ang kanyang suot na salamin.

"Uhm... m-may mga p-patay raw po roon." napatigil naman kaming walo dahil sa gulat dahil sa sinabi ng lalaki.

May mga patay?!

"Patay?" sabay-sabay naming tanong at tumango sa amin ang lalaki.

Mabilis kaming tumakbo kung saan tumutungo ang mga estudyanteng tumatakbo rin. Napahawak ako sa aking dibdib nang bigla itong tumambol sa kaba dahil sa aking nakita.

"Tangina!" sigaw ko at napatakip ako sa aking ilong dahil sa masangsang na amoy.

Lahat kami ay sobrang dilat ang mga mata dahil sa gulat sa aming nadatnan. Nanginig ang tuhod ko at mabuti na lang ay nakakapit sa akin si Jin kaya hindi ako tuluyang bumagsak dahil hinawakan niya ako nang mabuti. Tinignan ko siya at kita ko sa mata niya ang takot at kaba.

Napalunok ako nang mahagip ng mata ko ang piraso ng papel na naka-ipit sa bibig ng isang patay. Walo silang patay. Dalawang babae at anim na lalaki at lahat sila ay sobrang payat dahil mukhang sinipsip ang kanilang mga dugo. May mga sugat din sila at napapikit pa ako nang makita ko ang isang lalaki na labas ang dila habang dilat ang mata.

Napatingin ako sa ibang gawi nang mahagip ng mata ko ang mga kaibigan ni Kelly. Lumapit ang apat na babae sa mga bangkay at kinuha ni Wendy ang papel na naka-ipit sa bibig ng patay. Napansin ko pang may bahid ng dugo sa papel.

Tumingin si Wendy sa lahat ng tao na nakapalibot dito at binasa niya nang malakas ang nakasulat sa papel.

"Huwag n'yong sundin ang aking patakaran at makikita ninyo ang nanaisin ninyong huwag makita!" malakas na bigkas ni Wendy sa nakasulat.

Iyon lamang ang nakasulat pero nagtayuan na lahat ng balahibo ko. Kahit hindi nagpakilala ang gumawa nito ay alam ko na agad kung sino iyon. Alam ko kung sino ang gumawa ng kademonyohan na ito at sa tingin ko, hindi lang ako ang nakakakilala sa taong demonyo, kundi lahat kami..

"Talagang dito pa niya sa harap ng unibersidad tinambak ang mga bangkay na 'yan? Talagang pinapamukha sa atin na kailangan nating gawin ang kanyang kagustuhan!" sabi ni Kelly at nagtiim siya ng bagang.

"Patikim pa lamang 'yan ng Presidente! Alam naman natin ang kaya niyang gawin kaya gagawa pa ba kayo ng ikagagalit niya? Patikim pa lang 'yan at walo na agad ang namatay! Sige, magmatigas kayo ng ulo kung gusto n'yo nang mamatay!" sigaw ni Yuri sa lahat.

Lahat ay napasinghap at makikita mo sa mga mata nila ang takot kay kamatayan. May kakayahan naman kaming lahat, kaya bakit hindi kami magsanib pwersa para labanan ang Presidente? Dahil natatakot ba sila at naduduwag?

Napakunot ang noo ko nang lumapit si Jim sa isang bangkay at may kinuha siya roong papel ulit.

Kinuha niya iyon at malakas na binasa, "at ang simula ng ranking ay... ngayon na!" gulat na bigkas ni Jim at napatingin ang lahat sa kanya.

Nanlambot na naman ang tuhod ko dahil sa aking narinig.

Demonyo ka talaga, Presidente!

Napakapit ako sa mga kasama ko at nagkatalikuran kaming lahat. Magkakadikit ang likod namin at nakaharap kami sa mga estudyante na bigla ring naging alerto sa paligid.

Naramdaman kong may tumulong luha sa pisngi ko kaya mabilis ko itong pinunasan. Naluluha ako dahil hindi ko alam kung anong lugar ba talaga ang pinaglagyan sa amin. Hindi ko alam ang kahahantungan namin dito. Hindi ko alam ang gagawin ko. Naluluha ako dahil papaano na lang ang gagawin ko para iligtas ang mga kasama ko kapag kaharap na namin si kamatayan? Ano na ang gagawin ko kapag sumugod si kamatayan? Hindi ko alam... hindi ko alam ang gagawin ko!

Ganu'n na lang ba talaga kasama ang Presidente para gawin ito? Bakit ganito? Ang sakit tanggapin na baka hanggang dito na lang kami!

Ang sakit sa mata ng nakikita ko. Mga taong umiiyak at may mga taong halos magpakamatay na para maaga nang matapos ang paghihirap nila rito sa impyerno.

Ayokong murahin ang Presidente dahil may respeto sa kalamnan ko pero nakakatangina talaga.

Napapikit ako nang makita kong may lalaking sinugod ang isang babae na parang lutang na naglalakad dahil sa nakitang mga patay. Pagkadilat ko ay nakita ko na lamang ang babaeng nakahandusay sa sahig at duguan. Ang lalaki namang sumugod ay hinihingal at napalinga-linga siya sa paligid.

Biglang may tumunog at may lumitaw na hologram. Nakalagay sa hologram ang ranking at mukhang ang pangalan pa lang ng lalaking pumatay ngayon lang ang nakalista roon. Napakagat ako sa aking labi nang magsugudan na rin ang ibang tao sa kapwa nila tao.

Pumikit ako muli at ayoko nang dumilat dahil ayokong makita ang mga taong nagpapatayan sa harapan ko. Ayokong makakita ng dugo. Ayokong makakita ng patay na tao. Ayokong makakita ng takot pumatay pero pumapatay dahil kinakailangan nila!

Napahawak ako nang mahigpit sa kamay na nakahawak sa kamay ko nang makarinig ako ng mga sigawan at tilian dahil sa nangyayari. Unti-unti kong dinilat ang mata ko at nakita kong may papasugod sa akin at may apoy siya sa kanyang kamay.

Napalingon ako sa mga kasama ko at napansin kong hindi nila napansin ang lalaking papasugod sa akin. Sa ibang gawi nakatuon ang kanilang atensyon.

Napalunok ako nang wala na akong pagpipilian, tumakbo na lamang ako dahil mismo ako'y takot pumatay ng kapwa tao.

Napasinghap ako nang bigla ako makaramdam ng init at nakita ko ang braso ko na hawak ng lalaki. Nanlaki ang mata ko sa nakita at naramdaman ko ang pagkakasunog ng braso ko kaya mabilis kong inalis ang kamay niya sa braso ko pero mahigpit ang pagkakahawak niya roon. Kita ko pa sa mata niya na ayaw niya sanang gawin ito pero wala na rin siyang pagpipilian.

Napadaing ako sa sakit ng braso ko at malakas kong sinuntok ang kamay niya na naging dahilan ng pagkalas ng kamay niya sa aking braso. Susugurin na naman niya sana ako kaso naunahan ko na siya.

Nang makita ko ang sunugan kong braso ay biglang nagdilim ang paningin ko.

Mabilis akong lumapit sa kanya at malakas kong sinuntok ang mukha niya gamit ang kaliwa kong kamay at siniko ko nang malakas ang mukha niya gamit naman ang kanan kong braso. Napa-upo siya sa pag-atake ko kaya kinuha ko na ang pagkakataon na 'yon para patumbahin ang lalaking ito.

"Pasensya na, mas magaling ako kaysa sa 'yo." mariin kong bulong sa kanya at hinawakan ko ng dalawang kamay ang leeg niya at marahas ko itong ini-angat saka ko ito binalibag sa sahig nang sobrang lakas.

Napadaing siya sa sakit at dahil ayokong makarinig ng daing o sigaw ay mabilis ko siyang tinapos gamit ang bato na nadampot ko. Marahas kong pinagpupukpok ang mukha niya at dahil may katulisan ang bato ay inihiwa ko iyon sa kanyang leeg, dahilan para tuluyan na siyang mawalan ng buhay.

Mabigat ang bawat paghinga ko dahil sa pagod. Pinunasan ko ng likod ng palad ko ang noo kong pawisan at naamoy ko ang dugo. Biglang nanlaki ang mata ko nang makita ko ang kamay kong puno ng dugo. Napatingin ako sa sarili ko at ang asul kong kasuotan ay puno na rin ng dugo. Napatingin ako sa lalaki at nakita ko ang nagawa ko sa kanya. Unti-unti akong napaatras at napa-upo sa sahig dahil sa aking nagawa.

Nakapatay ako ng tao... nakapatay ako!

Napasabunot ako sa aking buhok at pumikit ako nang mariin. Pero kahit sa pagpikit ko ay kita ko ang halos hindi na makilalang mukha ng lalaki dahil sa ginawa ko.

"Pasensya... Patawad... Hindi ko sinasadya. Hindi ko sinasadya!" natataranta kong sigaw habang nakasabunot pa rin sa buhok ko at napatingin ako sa hologram at nakita ko roon ang pangalan ko.

31. Nam Aberin.

Napaawang ang bibig ko at tumulo na lang bigla ang luha ko.

"Kainis! Kainis!" marahas kong sigaw habang hinahampas ang tuhod ko.

Napakagat ako ng labi at pumasok sa utak ko ang imahe ng Presidente. Kahit hindi ko pa nakikita ang mukha niya'y pakiramdam ko ay alam ko na kaagad ang kanyang itsura.

Kamukha niya ang demonyo dahil siya ang demonyo. Mas demonyo pa nga siya sa demonyo, eh.

Pinukol ko ang mata ko sa lalaking pinatay ko. Oo, inaamin kong napatay ko ang lalaking ito. Patawad, kaibigan...

Habang nakatitig sa bangkay ng pinatay ko ay gumapang ang galit sa dugo ko. Napakuyom ako ng kamao at kumunot ang aking noo.

Mr. President, ito ba ang gusto mo? Ang makitang magpatayan ang kapwa mo tao dahil lang diyan sa kagustuhan mo? Ang makitang puno ng dugo ang lungsod na pinatayo ng kapatid mo? Ang makitang pumapatay ang ayaw pumatay! Ang makitang nagdurusa ang mga hindi naman dapat magdusa!

Napa-iyak na lang ako sa galit ko at sa mga naiisip ko. Naramdaman kong may mga kamay na bumuhat sa akin at dinig ko ang mga boses ng mga kaibigan ko.

Oo, galit na galit ako kaya lalaban ako para sa mga kaibigan ko dahil ayokong makita silang nagdurusa rin sa kademonyohan ng pinuno rito.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top