Chapter 14: Bagong Guro
Nam's point of view
Isang araw na rin ang nakalilipas nang magising akoㅡkaming pito at ang nadatnan namin ay ang sugatan at bugbog na Kelly. Syempre ay sobra kaming nabigla dahil nakita namin siyang hinang-hina ang katawan at puno pa ng sugat at ang sabi niya ay nadapa lang siya. Wow naman, 'di ba? Saan ba siya nadapa at grabe naman yata ang nangyari? At dahil hindi kami sumuko kakatanong sa kanya ay bumigay rin siya. Ang totoo pa lang nangyari ay napagtripan daw kami ng mga tambay, at isang suntok pa lang daw sa amin ay nakatulog na kami kaya siya ang lumaban at nagligtas sa amin. Dahil hindi naman namin maalala ang nangyari ay nakumbinsi niya kami. Paano na nga lang kung totoo pala 'yung sinabi niya na nabugbog siya dahil sa pagligtas sa amin? Nakakahiya nga rin, eh! Babae pa ang nagligtas sa mga gwapo.
"Lunes na naman!" malungkot na sabi ni Yong at humikab pa habang pumipidal.
Magulo pa ang mga buhok namin dahil kagigising lang namin. Napuyat na naman kami dahil nagbantay kami sa bahay. Baka kasi mamaya ay resbakan ng mga tambay si Kelly dahil natalo sila ni Kelly. Masama na dahil dyosa ang kakalabanin nila, kaya pansamantalang guard muna kaming pito. Ayaw naming masaktan ulit si Kelly 'no.
"Aish. Mga tamad mag-aral!" sigaw sa amin ni Kelly.
"Hindi, 'no! Gwapo lang!" depensa naman ni Jim. Nagsi-ayunan kami ru'n dahil totoo namang gwapo kami 'no. Kaya nga ang daming naghahabol sa amin, eh.
"Ang hangin nga naman, oh!" natatawang sabi ni Kelly at binilisan pa niya ang pagpipidal. Hinabol namin siya at nagkarerahan kaming walo.
"Ang matalo siya ang maghuhugas ng pinggan mamaya!" sigaw ko at binilisan ko pa lalo ang pagpidal.
"Sige ba!" sang-ayon nilang lahat.
"Hala!" bigla kong sigaw nang maalis ang kadena ng bisikleta ko kaya ang naging resulta ay ako ang natalo sa pustahan namin.
Nagtatawanan sila habang bumababa sa bisikleta pero ako ay malungkot. Paniguradong maraming hugasin mamaya! Mga aksayado pa naman sila sa pinggan.
"Magandang umaga, God of Destruction!" napahinto ako nang may bumati sa aking dalawang babae at kumaway pa sila.
May fans ako?
Napatigil silang lahat sa sinabi ng dalawang babae. Napatigil din sila sa pagtatawanan.
"Magandang umaga rin!" masaya kong bati at nilagpasan na ang dalawang babae.
"Paniguradong walang matitirang pinggan mamayang gabi." ngayon ay ako naman ang natigilan sa sinabi ni Juko. At ang ngisi naman ay unti-unting gumuhit sa labi ko.
"Hala, oo nga! Paniguradong bukas na bukas ay sa takip tayo ng kaldero kakain." kabado namang sabi ni Kelly at napasapo pa siya sa kanyang noo.
"Astig kaya 'yun!" masaya namang sabi ni Tey at nakapatong pa ang kanyang hintuturo sa kanyang sentido at parang ini-imagine niya na kumakain kami sa takip ng kaldero.
"Anong astig do'n? Walang swag!" nakangusong tugon ni Yong.
Nginitian ko sila at tinaas-baba ko pa ang mga kilay ko. Aba, may maganda rin pa lang na-idudulot ang pagiging god of destruction ko.
"Nagboboluntaryo ako! Ako na lang ang maghuhugas ng pinggan dahil kapag si Nam ay baka pati ang lababo'y mawasak!" sambit ni Jim at inakbayan ko siya dahil sa kanyang sinabi.
"Naks, pakitang gilas kay Kelly?" nakangisi kong tanong at tumango siya roon kaya napahalakhak ako.
"Hindi mo abot ang lababo." natatawang tukso naman ni Tey kay Jim.
Nagtawanan kami dahil nagrambol na naman ang dalawa kaya pinagtitinginan na naman sila ng mga estudyante rito sa White University.
"Ano ba naman kayong dalawa! Lagi na lang kayong nag-aaway. The more you hate, the more you love kaya. Ayiee! Sinong bading sa inyo, huh?" panunukso ni Kelly kaya nagtawanan ulit kami.
Ang dalawa naman ay nagkahiyaan pa kaya lalo kaming napatawa.
"Kelly, 'wag mo na akong ireto sa iba dahil kahit ipagtulakan mo pa ako, sa iyo at sa iyo ako tatakbo para iparamdam itong nararamdaman ko para sa 'yo." bigla namang natahimik si Kelly sa sinabi ni Tey. Mismo kami ay napatigil sa biglaang banat ni Tey.
"Korni!" at nagkunwari pang nasusuka si Jim.
"Ehem. Natahimik ang isa diyan, oh." panunukso ko kay Kelly. Napatingin sa 'kin si Kelly kaya mabilis kong iniwas ang tingin ko. Baka mamaya'y bugbugin pa ako nito.
"Anong sinabi mo? Anong sinabi mo, huh? Akala mo'y hindi ko 'yun narinig?" nanlilisik na sabi ni Kelly.
Napalunok ako, "Bakit mo pa tinatanong kung narinig mo naman pala?" pambabara ko sa kanya at mabilis niyang tinapakan ang kaliwa kong paa.
"Aray!"
"Hmp!" sabay irap niya sa akin kaya inirapan ko rin siya.
Magtatanong nang ganu'n tapos kapag sinagot mo nama'y tatapakan ka na lang bigla sa paa? Parang hindi masakit 'yung ginawa niya, ha! Narinig niya naman pala kasi tapos ay magtatanong pa. Kung ayaw niyang masagot nang pabara, mas mabuti nang manahimik na lang.
Dumistansya ako kay Kelly dahil baka mamaya ay hindi lang tapak sa paa ang abutin ko sa kanya, kundi tapak sa mukha. Mamaya'y madungisan pa ang nakakabihag kong mukha at baka hindi pa ako masagot ng nililigawan kong si Erika.
Nakapasok na kami sa classroom namin at bumungad sa amin ang bagong mukha ng guro sa harapan. Mukhang baguhan 'tong teacher na 'to dahil ngayon ko lang siya nakita.
Umupo na kami sa upuan namin at nakinig kami sa magandang teacher sa harapan nang magsalita ito. Chix 'to, men!
"Magandang umaga. Ako nga pala si Shanie Alarilla, ang inyong bagong guro." nakangiti niyang pakilala kaya nagsigawan ang mga kalalakihan.
Nakakabihag ang ngiti niya! Lalo siyang gumanda nang ngumiti siya.
"Pumalit na ako sa lahat ng subject ni Mr. Reisgo dahil kahapon ay natagpuan siyang patay sa kanyang bahay mismo. Hindi pwedeng sabihin kung ano ang ikinamatay niya. Basta simula ngayon ay walang Mr. Reisgo dahil Ms. Alarilla na. Pero ang eskwelahan naman ay saludo sa pagiging magaling niyang guro dito." paliwanag ni Ms. Alarilla.
"Ma'am! May boyfriend na po ba kayo?" tanong ng lalake naming kaklase.
Napatawa pa si Ms. Alarilla sa tanong ng estudyante. "Wala pa, eh. Gusto mo ba?" nakangising banat ni Ms. Alarilla kaya lalong nagkantyawan ang mga lalake. Syempre kasama kaming pito, 'no. Si Kelly nga ay kanina pa nabibwisit dahil mukhang hindi naman daw magguguro si Ms. Alarilla eh, mukhang lalandi lang daw. KJ din talaga minsan si Kelly, eh. Hindi ba niya alam na kaya lang namin ito ginagawa ay para malingat si Ms. Alarilla sa pagtuturo? Kaantok kasi!
"Niloloko lang kita!" sabay tawa ni Ms. Alarilla. Agad naman kaming napaayos ng upo nang biglang magseryoso si Ms. Alarilla.
"Okay, tama na." seryoso niyang sabi kaya lahat kami ay natahimik.
Ang hirap ng ginawa niya, ah. Tumatawa siya tapos biglang naging seryoso ang itsura niya?
Nanigas ako sa kinauupuan ko nang mabaling ang kanyang mata sa akin. Matagal kaming nagkatitigan at ganu'n rin ang nangyari sa mga kasama ko. Nakatitigan din nila nang matagal ang bago naming guro. Pagkatapos niya kaming titigan ay napangisi siya at napatawa nang marahan. Bigla akong kinabahan sa tingin at ngisi niya. Hindi ko alam pero nagsitayuan ang mga balahibo ko nang marinig ko ang kanyang tawa.
Bakit ako biglang kinilabutan nang ganu'n? Napatingin ako sa mga kasama ko at pati sila ay mukhang kinilabutan sa matang ipinukol sa amin ni Ms. Alarilla. Kung kami ay kinakabahan sa bago naming guro, si Kelly naman ay seryosong nakatingin kay Ms. Alarilla. Para bang iniimbistigahan niya ito at parang interesado siya kay Ms. Alarilla. Aba! Minsan na lang maging interesado si Kelly sa ibang bagay, 'no! Bukod sa mga horror at mystery movies ay wala na akong alam na kina-iinteresaduhan niya. Kaya bago sa akin na parang interesado siyang kilalain si Ms. Alarilla.
Nagsimula na siyang magsulat sa glass board at may quiz kami ngayon. Aalamin daw niya kung hanggang saan ang natutunan namin kay Mr. Reisgo.
Ang hihirap pa ng mga binibigay niya pero mabuti na lang talaga at nasasagutan ko. Ewan ko lang sa mga kasama ko. Pero kada minutong lumilipas na nagki-quiz kami, si Ms. Alarilla ay laging umaaligid sa aming pito. Panay pa ang tingin niya sa amin. Nakakapagtaka na nga, eh. Mayro'n pang time na may binubulong siya pero hindi ko masyadong marinig dahil masyado 'yong mahina. Pero may pakiramdam ako na may pinapahiwatig siya sa amin.
"Ma'am, bakit po ba kami lang ang binabantayan mo? Huwag po kayong mag-alala, ma'am, hindi kami nagkokopyahan." bulong ni Hook kay Ms. Alarilla nang magawi si Ma'am sa pwesto niya.
"So, ikaw ang sound manipulator, huh?" sabay-sabay kaming napatingin kay Ms. Alarilla dahil sa kanyang sinabi.
Paano niya nalaman?
Hindi nakapagsalita si Hook sa pagkabigla. Pati kami ay nabigla.
Bigla na lang nagkibit-balikat si Ms. Alarilla at bumaling siya sa amin at isa-isa niya kaming tinuro.
"The superhuman strength. The night vision. The superhuman sense of smelling. The heat vision." turo niya sa amin pero napatigil siya nang mabaling siya kay Kelly na katabi si Tey.
"The power of sensing. And the... power of...?" nanlaki ang mata ni Ms. Alarilla nang tumitig siya kay Tey. Hindi pa niya natuloy ang sasabihin niya dahil sa pagkabigla.
Napatingin kami kay Tey at nakakunot ang noo niya sa reaksyon ni Ms. Alarilla.
"So, ikaw ang hinahanap nila?" napatigil kami sa sinabi ni Ms. Alarilla kay Tey. Seryoso pa siyang nakatingin kay Tey.
"So, ikaw ang taong kayang makita ang identity ng isang tao?" nabigla naman kami nang biglang sumingit si Kelly. Nabasag ang kaunting tensyon at nabalutan ito ng isang matinding tensyon.
Napalunok ako dahil ramdam na ramdam ko talaga ang tensyong nabuo. Ang mga kaklase namin ay nakikinig at nanonood na rin sa nangyayari.
Pero paano niya nalaman ang abilities namin? Dahil gaya nga ng sinabi ni Kelly ay iyon ang kakayahan niya? Pero bakit ganu'n na lang ang reaksyon niya kay Tey? Bakit parang nakakapagtaka ang huli niyang sinabi? Saka bakit kami lang ang pinagdidiskitahan niya? Marami naman kami rito sa silid, ah!
"May tama ka. Ms. Ladignon, mas mabuting ingatan mo 'yan dahil baka mangyari na ang kinatatakutan ng lahat. Matagal din naming tinago ang importanteng bagay at ayaw naming masayang lang ang ilang taon naming pagtatago ng dahil lang diyan sa walang kwenta mong plano." mahabang saad ni Ms. Alarilla bago lumayas sa aming harapan at bumalik na siya sa harapan.
Naiwan naman kaming tulala at puno ng pagtataka. Anong sinabi niya? Si Kelly ay traydor? Ayaw nilang masayang ang ilang taong pagtatago? Pero sa anong dahilan? Sino ba talaga si Ms. Alarilla? At sino ba talaga si Kelly? Kilala na ba talaga namin siya? O may huling piraso pa na kulang kami para mabuo ang puzzle tungkol sa pagkatao niya?
Napaupo si Kelly nang hindi niya kami nililingon at natahimik na siya hanggang sa matapos ang klase. Gusto ko sanang itanong sa kanya ang ibig sabihin ng sinabi ni Ma'am Shanie, pero mukhang wala siya sa mood. Baka mamaya niyan, sa halip na sagutin niya ang tanong ko ay isubsob niya lang ako sa aking lamesa.
Tanghalian na at uwian na namin kaya naman nagpasya na kaming lumabas para makakain na ng tanghalian. Pumunta kami sa karinderya na malapit lang sa school.
Bumili na kami at may pwesto na kami sa lamesa. Tahimik kaming kumakain dahil sa nangyari kanina sa aming silid-aralan. Hindi ko alam kung magsasalita ba ako o kakain na lang. Pero sa huli ay nagpasya na akong magsalita para iwas ilang.
"Ang sarap talaga ng pagkain dito, 'no? Mura na nga, masarap pa!" nakangiti kong papuri at sumubo ako sa aking pagkain. Sumang-ayon naman sa 'kin 'yung pito kaya tuluyan nang nabasag ang ilangan at nabuo na ang kwentuhan.
At hindi naman sinasadyang nabanggit ni Yong si Ma'am Shanie.
"Ang ganda ni Ma'am Shanie kahit medyo may katandaan na, 'no?" sabi ni Yong na ikinahinto namin.
Tama naman siya. Si Shanie Alarilla ay maganda kahit nasa 20s na. Talagang alagang-alaga ang balat niya. Ang balat niya'y mapuputi, ang mata niyang tsokolate sa kulay, at ang kanyang katangkaran.
Napa-ismid si Kelly at natigil kaming lahat nang may lumapit sa aming lalake. Matangkad ito at matipuno ang katawan. Kung tititigan mo ang itsura ay mapagtatanto mong nasa 20s pa lang ito.
Blangkong ekspresyon ang iginawad niya sa amin bago nagsalita, "Kelly Ladignon? Ang tagong armas ni Mr. Fajardo?"
Kelly's point of view
"Kelly Ladignon? Ang tagong armas ni Mr. Fajardo?" napatayo ako sa sinabi ng lalaking kararating lamang.
"Sino ka?" tanong ko pero ginamit ko ang kakayahan kong makipagcommunicate sa utak ng tao dahil ayokong mas lalong madagdagan ang kataka-taka ng pitong kasama ko. Mahihirapan akong itago ang dapat itago kung puno naman ng pagtataka at katanungan ang utak nila.
Napangisi ang lalaki sa ginawa ko. Sino ka ba?
"Ayaw mong mabunyag ang iyong mga sikreto, huh?" napaigting ang aking panga sa sinabi niya.
Sino ba 'to at mukhang marami siyang alam?
Nag-isip naman ako ng paraan para mai-alis ang lalaking ito sa harapan ng pito.
"Ohh! Simon!" nagkunwari akong gulat at niyakap ko ang lalake at bumulong.
"Magpanggap ka." mariin kong bulong sa kanya. Napatawa siya nang mahina at niyakap niya rin ako.
"Akala ko, Kelly, ay hindi mo na ako kilala!" nakangisi niyang sabi nang makalas na ang yakapan naming dalawa.
Tumingin ako sa pito at nakita ko sa mata nila ang taka at alam kong kanina pa nila gustong magtanong tungkol sa nangyayari pero nanatili lang silang tikom ang bibig.
"Ha? Ikaw makakalimutan ko? Hindi, 'no!" at tumawa ako at hinampas ko pa siya sa braso. Nilingon ko ang pito at tinanguan ko sila.
"Kakausapin ko lang ang kaibigan ko. Na-miss namin ang isa't-isa kaya kailangan naming mag-usap dahil ilang taon din kaming nagkahiwalay na dalawa." nakangiti ko sa kanilang sabi. Tila hindi pa sila kumbinsido sa sinabi ko kaya naman ngumuso ako at kinulit sila.
"Maniwala kayo sa 'kin! Hindi ako marunong magsinungaling kaya nagsasabi ako ng totoo. Pangako!" sigaw ko sa kanila at mabilis kong hinila 'yung lalake paalis sa karinderya at dinala ko siya sa tagong lugar.
Pagkabitaw ko sa kanya ay mabilis ko siyang inatake na kanyang ikinabigla. Ngayon ay nakapulupot na ang kaliwa kong braso sa balikat niya at ang kanan kong braso ay may hawak na kutsilyo at nakadikit iyon sa leeg niya. Isang maling galaw at paniguradong hiwa ang leeg niya.
"Whoa, whoa! Ang bilis nu'n, ah! Tama nga ang sabi nila na isa kang magaling katulad ng iyong Kuya." napahinto ako sa kanyang sinabi pero alerto pa rin ako sa posibilidad na gagawin niya kapag lumuwag ang pagkakakapit ko sa kanya.
"Sino ka ba talaga!" irita kong sigaw sa kanya.
Sino naman ang nagsasabi na magaling ako katulad ng Kuya ko? At kilala niya ba ako at ang Kuya ko? Sino ba kasi talaga siya at ano ang pakay niya? Ano ang mga alam niya?
"Tinawag mo akong Simon kanina tapos tatanungin mo ako kung sino ako?" idiniin ko ang kutsilyo sa leeg niya at napatawa siya sa ginawa ko.
"Pakulo ko lamang iyon!" inis kong sigaw sa kanya.
Mabuti na lang at walang tao rito dahil kung mayro'n ay baka kanina pa ako naihiwalay sa taong gusto kong patayin.
"Hoy, babae. Pwede bang kumalma ka muna?" malakas ko siyang tinapok sa noo gamit ang kanan kong kamay at mabilis ko rin namang ibinalik ang kanan kong kamay sa pagkakalapat sa kanyang leeg.
"Kumalma? Niloloko mo ba ako? Paano ko magagawa 'yun kung ganito ang sitwasyon? Paano ko magagawa 'yun kung nalaman kong may taong nakakaalam ng sikreto ko, huh? Sige nga, paano!" at idiniin ko ulit ang kutsilyo sa kanyang leeg. Sa pagkakataong ito, nagdugo na iyon dahil sa tulis ng kutsilyo. Wala naman akong balak na pahirapan siya dahil gusto kong patayin agad siya. Pero kung sasagarin niya ang pasensya ko ay mapipilitan akong pahirapan siya gamit lang ang kutsilyong ito.
"Kaya kitang turuang kumalma dahil kapag binigyan mo ako ng oras magsalita ay paniguradong kakalma ka na." ramdam ko ang ngisi sa labi niya kaya lalong napakunot ang noo ko sa sinabi niya.
"Maniwala ka sa 'kin, Kelly Ladignon. Hindi ako ang kaaway mo rito dahil isa ako sa taong kailangan mong pakinggan at pagkatiwalaan." napalunok ako at dahan-dahang niluwagan ang pagkakakapit sa kanya, hanggang sa tuluyan na siyang nakawala sa mga bisig ko.
Hindi naman siguro masama kung pakinggan ko siya, 'di ba? Hindi naman siguro masamang magbigay ng oras sa taong nangangailangan ng oras mo, 'di ba? At kung susugurin niya man ako ngayon ay alam kong mas mauunahan ko siya. Dahil alam kong mas mabilis ako sa kanya.
"Good girl. Pero una sa lahat, gusto ko munang ipakilala ang aking sarili. Ako nga pala si Sijah Bartolome at ako ay mapagkakatiwalaan mo, Binibini." nakangiti niyang pakilala sa akin pero hindi ko siya sinuklian ng ngiti.
"Magsalita ka na lang kung ano ang mga alam mo." mariin ko sa kanyang sabi. Napataas ang dalawa niyang kamay at ngumisi.
"Alam ko ang kasunduan n'yo ni Mr. Fajardo, ang Presidente sa lungsod na ito." napaawang ang bibig ko sa kanyang sinabi.
Pero paano? Wala akong pinagsasabihan at hindi ko iyon ipagsasabi! Sino ba talaga kasi ang kumag na 'to?
"Alam ko ang lahat tungkol doon. Alam ko rin ang balak mo sa pito mong kasama. Paano ko nalaman? Syempre, dahil gwapo ako!" mahangin niyang sabi at napa-irap ako sa kanya.
May pito na nga akong kasama na mahangin, may dumagdag pang isa! Ano 'to, super typhoon sa lakas ng hangin at lakas ng bugso ng kahanginan kapag nagsanib pwersa silang lahat?
"Sino ka ba talaga?" seryoso kong tanong sa kanya. Napaayos siya ng tayo at nagseryoso rin.
"Sijah Bartolome?" napasapo ako ng aking noo dahil sa kanyang sagot.
Alam ko ang pangalan niya pero kailangan ko pa ng ibang detalye!
"Kelly, maniwala ka sa 'kin, mapagkakatiwalaan ako. Alam ko nga ang tungkol sa kasunduan ninyo pero hindi ko iyon ipagkakalat dahil tutulungan pa kita roon." mapupungay ang kanyang mata na nakiki-usap sa akin.
Kailangan ko bang pagkatiwalaan ang bago ko lang kakilala? Pero paano kung mapagkakatiwalaan nga pala siya?
"Totoo ba 'yan?" tanong ko.
Nang dahil sa sagot ko ay napangiti siya nang malaki at masaya siyang tumango. Napabuntong hininga ako at dahan-dahang tumango. Bigla naman niya akong niyakap na ikinabigla ko.
"Hoy, ano ba!" bulaslas ko dahil sa pagkagulat. Chansing ang puta!
"Hindi ka magsisisi, Kelly. Pangako." nakangiti niyang sabi at bigla na lang niya akong hinalikan sa pisngi na mas lalo kong ikinagulat.
"Shit ka, Sijah!" malutong kong sigaw at dinuro ko siya dahil mabilis na siyang tumakbo palayo sa 'kin.
Baliw ba ang isang 'yon? Kakakilala ko lang sa kanya tapos naniyansing na nga siya, nanghalik pa! 'Yung totoo, may gusto lang ba talaga sa 'kin 'yun?
Napayuko ako at napailing. Kahit si Tey o Jim o kahit sino sa pito o kahit sa mga babae kong kaibigan ay wala pang nakakahalik sa pisngi ko, lalung-lalo na sa labi ko! Baka mapatay ko ang magnanakaw ng halik sa labi ko.
Maglalakad na sana ako pabalik sa karinderya nang may biglang humarang sa aking harapan. Pagtingin ko sa taong humarang sa 'kin ay napaatras ako bigla dahil sa gulat.
"M-Ma'am Shanie?" gulat kong ani nang makita ko siyang nakatayo sa harapan ko habang nakakrus ang mga braso.
"Gulat?" nakangisi niyang tanong at tinaasan pa niya ako ng isang kilay.
Napa-igting ako ng panga dahil sa inasal niya. Ano bang ginagawa niya rito?
"Bakit po ba kayo nandito?" tanong ko sa kanya at umayos na ako sa pagkakatayo.
Inalis niya ang pagkakrus ng braso niya at mataman akong tinignan. Malalim ang kanyang mga mata at sinubukan kong basahin ang isip niya pero laking gulat ko nang wala ako ritong mabasa. Bakit hindi ko mabasa ang isipan niya? Shit naman, oh!
"Sinusubukan mo bang basahin ang aking isipan?" seryoso ang mga mata niya pero may halong panunuya sa boses niya.
Napakagat ako sa ibaba kong labi. Kanina pa niya ako pinapahanga sa mga sinasabi niya. Naramdaman ko ang abilidad niya, ang ability niya ay may kakayahan siyang malaman ang identity ng isang tao. Halos lahat ng tungkol sa 'yo ay kayang-kaya niyang malaman.
Mabilis akong napalingon sa kanya nang umismid ito.
"Kelly, wala kang kwenta. Nagtiwala ka sa taong hindi mo naman alam ang tunay na katauhan. Hindi lahat ng tao rito ay mapagkakatiwalaan, sabihin pa niyang kilala ka niya, pero siya ba, kilala mo? Alam mo, hindi ako naniniwala sa mga taong nagsasabi na kaya mong iligtas ang tanginang lungsod na 'to, dahil ang nakita ko kanina ay isang malaking katalunan." napatigil ako sa kanyang sinabi. Hindi ako nakakilos at bigla na lang tumambol nang malakas ang puso ko dahil sa kaba. Ano bang sinasabi niya? Hindi ko siya maintindihan.
Pero bago pa ako makapagsalita ay mabilis na niyang nilisan ang harapan ko at hindi ko na siya makita sa kung saang sulok dito. At ako'y naiwang tulala at hindi pa rin nakakahinga nang maluwag ng dahil sa kaba.
Ano bang sinasabi niya? Hindi ko makuha 'yung sinasabi niya, eh! Hindi ko makuha ang ibig niyang sabihin. Pero anong karapatan niyang sabihan ako ng walang kwenta? May kwenta ako!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top