Chapter 13: Hostage
Kelly's point of view
Napadaing ako sa sakit na nararamdaman ko. Pinakiramdaman ko ang paligid dahil hindi ko kayang imulat ang mata ko. Kaya ko nga kaso'y malabo ang nakikita ko at mahirap imulat ang mga mata ko dahil sa bugbog.
Malamig ang sahig at malamig din ang hanging yumayakap sa aking katawan. Nakatali ang mga kamay ko sa likod at pati na rin ang paa ko habang nakahandusay ako sa sahig.
May naririnig akong bulungan ng mga babae kaya pinakinggan ko itong mabuti.
"Kapag hindi 'yan nagsalita, malilintikan sa akin 'yang traydor na 'yan. Makikita niya!" sa pagkakakilala ko sa boses ay si Yuri iyon at gigil na gigil siya.
"Huwag muna natin 'yang patayin dahil may kailangan pa tayo diyan." boses naman ni Wendy ang narinig ko.
"Oo, huwag muna," sabi ni Joy.
Napalunok ako sa mga narinig ko. Papatayin ba talaga nila ako dahil sa ginawa ko sa kanila? O nagbibiro lang sila? Hindi naman siguro nila ako papatayin dahil kahit papaano ay naging magkaibigan kami. Pero bakit ang hirap kumbinsihin ng sarili ko?
Teka lang... ano bang nangyari? Napigilan kaya nila ang ability ni Tey? Nakansela kaya ni Joy 'yung ability ni Tey bago ito maghasik?
Nasagot ang tanong sa kaisipan ko nang marinig kong nagsalita si Wendy.
"Grabe 'yung isang lalaki kanina, 'no? Pinahirapan pa kayong dalawa ni Shulgi! Grabeng ability 'yung naramdaman ko nu'n!" medyo may takot ang boses ni Wendy.
"Mabuti na lang talaga'y nag-improved tayo," sabi ni Joy at narinig ko ang tunog ng kubyertos. Siguro ay kumakain sila. Nakaramdam tuloy ako bigla ng gutom. Anong oras na kaya?
Napasinghap ako nang maramdaman kong may tumatapik sa akin.
"Gising na ba ang anghelita?" may halong panunuya sa boses ni Yuri.
Balak ko sanang sumagot kaso tuyung-tuyo ang lalamunan ko at hindi ko kayang magsalita.
Halos mapatalon naman ako sa sobrang hapdi nang sabuyan ako ng mainit na tubig kaya naman napakirot ang mga sugat ko.
"Argh!!" marahas kong sigaw habang namimilipit sa sakit.
"Ay, gising na nga ang anghelita." sarkastikong sabi ni Wendy.
Halos mapaluha ako ng dugo dahil sa ginawa sa akin ni Wendy. Pakiramdam ko ay natusta ang mga sugat ko.
"Wendy, tumigil ka na!" sigaw ni Shulgi nang maramdaman kong may paparating na namang tubig sa katawan ko.
Napahinga ako nang maluwag dahil mabuti na lang ay hindi natuloy ang pagsaboy na naman sa akin ng tubig. Puno ng kaba ang dibdib ko dahil hindi ko alam ang gagawin nila sa akin.
"Tsk." nakarinig ako ng pagbagsak ng timba sa sahig.
May tumulong luha sa mata ko nang biglang may humugot ng buhok ko. Malabo man ang paningin ko'y naaninag ko namang si Yuri ang sumasabunot sa akin.
Nakatingala ang ulo ko at dinadamdam pa rin ang hapdi ng mainit na tubig na sumaboy sa sugat ko.
"Magandang gabi, Kelly," bati niya habang hawak pa rin ang buhok ko.
Gustuhin ko mang sumagot ay hindi ko naman kaya.
Marahas naman niyang binitawan ang buhok ko kaya napahandusay na naman ako sa sahig.
Bumilis lalo ang paghinga ko nang mag-adjust na ang paningin ko. Nasa abandunadong building ako. Ang dati naming tambayan. At tama nga ang hinala ko, gabi na dahil kanina pa kumagat ang dilim. May sofa sa 'di kalayuan sa akin at doon nakaupo si Shulgi habang nakatingin ito sa akin. Sa lamesa namang plastik kumakain ang tatlo habang matalim na nakatingin sa akin.
'Wag kayong mag-alala, hindi naman ako tatakas dahil bugbog ang katawan ko at nakatali pa ako.
Nagulantang ako nang may dalawang kamay na humawak sa dalawa kong braso at malakas akong inilagay sa plastik na upuan. Pagtingin ko ay si Shulgi iyon. Inayos niya muna ang pwesto ko bago siya pumunta sa harapan ko.
"Hawak ka namin, Kelly. Kapag tinanong ka namin, kailangan mong sagutin iyon. Kapag hindi ka nagsalita'y may parusang katumbas. Sa maikling salita, nasa isa kang hostage na kapag hindi namin nakuha ang gusto namin ay liligitan ka namin sa leeg, pero kapag nakuha namin, maaari ka nang umuwi at gamutin ang iyong mga sugat. Okay?" marahan niyang paliwanag. Napatango ako sa sinabi niya kaya nilayasan niya na rin ako at bumalik na siya sa sofang kanina niyang kinalalagyan.
Mabuti na lang at kalma pa si Shulgi ngayon. Mabuti na lang ay kaya niyang kontrolin ang kanyang damdamin. Kahit papaano talaga ay malambot ang puso niya. At iyon ang kanyang kahinaan, ang pagkakaroon ng awa sa kapwa.
Habang nakaupo ako sa upuang plastik ay pinuntahan naman ako ni Yuri na may bitbit na tubo. Umupo siya para maging magkapantay kami kahit papaano. Tinignan niya ako sa mukha at inilapat niya ang dulo ng tubo sa ilalim ng baba ko para mai-angat ang mukha ko.
Nagkatinginan kaming dalawa. At may gumuhit na namang galit sa kanyang mukha.
"Tatanungin kita at sasagutin mo iyon, sagot na puno ng katotohanan." mariin niyang sabi.
Napalunok ako nang unti-unti niyang pagapangin ang tubo niyang hawak sa katawan ko. Para akong ito-torture nito, ah.
"Naniniwala ka ba sa tadhana?" seryosong tanong ni Yuri.
Muntikan na akong masamid sa tanong niya. Sinigawan naman siya ni Joy.
"Anong tanong 'yan!" hindi makapaniwalang sigaw ni Joy. Si Wendy naman ay natatawa sa tanong sa 'kin ni Yuri. Habang si Shulgi ay blangko pa ring nakatingin sa akin.
"Sagutin mo ang tanong ko, bruha!" sigaw sa akin ni Yuri kaya napatango ako.
Kahit walang kwenta ang tanong niya ay wala akong magagawa kundi ang sagutin iyon.
"O-Oo, naniniwala a-ako." utal kong sagot dahil kinakabahan ako sa presensya nila.
Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin ako makapaniwalang nalampasan nila ang pinakahuling pagsusulit. At hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwalang nandito na sila at ngayon ay pinaparusahan ang taong akala nila ay trinaydor talaga sila.
Bakit ba ayaw nila akong pagpaliwanagin? Handa naman akong ipaliwanag ang lahat, alang-alang sa samahan naming lima! Matagal ko rin naman silang hindi nakita kaya miss na miss ko na sila. Ang kaso, kinamumuhian na nila ako ngayon dahil sa ginawa ko noon.
"Mabuti. Alam mo ba kung bakit tadhana ang tinanong ko sa 'yo?" tanong niya at inilingan ko iyon. "Dahil ang iyong tadhana'y madugo! Iyon ay madugong tadhana at mangyayari na sa 'yo 'yon ngayon." dugtong nito.
Nasasaktan ako sa bawat sigaw nila sa akin. Nasasaktan ako dahil hindi nila naintindihan ang gusto kong mangyari noon.
At dahil pumalpak silang intindihin iyon, ngayon ay sa mga lalake kong kasama iyon ipapaintindi dahil nasa kanila ang atensyon ng Presidente ngayon.
"Pakiusap... pagpaliwanagin n'yo ako! Ipapaliwanag ko ang lahat!" puno ng sensiridad na sabi ko habang nangingilid na ang luha.
Bakit ba ang iyakin kong tao? Dapat akong maging matatag sa mata nila! Pero paano ko magagawa kung hindi ko na kaya?
"'Yan! Iyan ang gusto naming malaman dahil ang sakit dito ng ginawa mo!" sabay turo ni Yuri sa dibdib niya kung nasaan puso niya habang nakatingin siya sa akin at dama ko roon ang matinding sakit.
"Ilan taon tayong naging magkaibigan pero anong ginawa mo? Trinaydor mo kaming hayop ka! At sa bago mong mga kaibigan, gagawin mo rin sa kanila iyon, 'di ba? Bakit? Kasi takot ka! Kasi duwag ka! Hindi ka marunong lumaban kaya ginagamit mo ang iba para iligtas 'yang sarili mo!" galit na sigaw sa akin ni Yuri at marahas niya akong binambo ng tubo sa binti kaya napasigaw ako sa sakit nito.
"Pati tuloy si Kuya Kai ay namatay dahil diyan sa kaduwagan mo! Namatay si Kuya Kai sa harap mo pero wala kang ginawa kundi ang ngumawa! Namatay si Kuya Kai... dahil sa 'yo!!" napaiyak ako sa sinabi ni Yuri. Napahagulgol ako nang maalala ko na naman ang Kuya ko. Nagbalik na naman ang masamang alaala na gusto ko ng kalimutan dahil hindi ko na kaya. Masamang alaala na araw-araw ay dinadalaw ako at parang sinisisi talaga ako sa pagkamatay ng Kuya ko. Ang alaala na matagal ko ng ginustong kalimutan... at munting kaligayan na lang ang gustong tignan.
"Huwag n'yong husgahan ang ginawa ko noon hangga't hindi n'yo pa iniintindi ang mga dahilan ko!" humahagulgol kong sigaw. At dahil sa sinabi ko ay binambo na naman niya ako ng tubo na naging dahilan kung bakit ako nahulog sa upuan at nagulat ako dahil sinalo ako ni Shulgi.
"Hindi natin maiintindihan ang dahilan niya kung papairalin mo 'yang galit mo, Yuri! At kung nasaktan tayo sa nangyari kay Kuya Kai, malamang mas nasaktan si Kelly dahil kapatid niya iyong pinatay!" galit niyang sigaw kay Yuri na ikinagulat nito.
"Palibhasa best friend mo 'yan kaya mo ipinagtatanggol hanggang ngayon!" inis na sigaw ni Yuri na umeeko sa apat na sulok ng building.
"Hindi ko 'to ipinagtatanggol dahil pati ako'y nasaktan sa nangyari noon!" tugon naman ni Shulgi pagkatapos niya akong i-upo ulit sa upuan. Bumulong naman ako sa kanya ng 'salamat'.
"Whatever!" sigaw ni Yuri at humandusay siya sa sofa. Si Joy naman ngayon ang lumapit at may bitbit din siyang tubo.
"Dada pa more! Manong tanungin na natin 'to para matapos na!" sigaw ni Joy nang makalapit na siya sa pwesto namin.
Si Shulgi ay nakatayo na ngayon sa tabi ko pero wala siyang bitbit na panghampas sa akin kapag hindi ko sinagot ang mga tanong niya.
"Bakit, ano bang ginagawa ko? 'Di ba'y tinanong ko siya?" sarkastikong tugon ni Yuri.
"Oo, tinanong mo siya at mukhang papatayin mo muna bago pa makasagot 'to." mahinahon namang sabi ni Joy at lumuhod siya sa harapan ko. Itinukod niya ang tubo at nakapatong doon ang kanan niyang kamay.
"Wala nang paliguy-ligoy pa. Bakit mo kami trinaydor?" malamig niyang tanong sa akin. Napatayo ang balahibo ko dahil sa lamig ng boses nito.
Napahinga ako nang malalim bago ito sagutin.
"Dahil gusto kong itago ang katotohanan... dahil kapag hindi ko ito na-itago... baka matagal na tayong napaglamayan." mahinahon kong tugon sa tanong niya. Napayuko ako at kinagat ko ang pang-ilalim kong labi dahil pinipigilan ko ang paghikbi ko.
Hindi sila nagsalita kaya nagpatuloy ako.
"Nahuli kong nag-uusap noon si Mr. Fajardo at ang isang lalaki na sa pagkaka-alam ko ay imbestigador. Nalaman ko noon na pinapa-imbistigahan pala niya kayo dahil kataka-taka na ang kinikilos n'yo at wala pala siyang tiwala sa inyo. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong gawin para hindi niya kayo mahuli. Kaya ang ginawa ko'y nilapitan ko si Mr. Fajardo at nakipagdeal ako. Sabi ko'y iimbestigahan ko kayo at aalamin ko ang kakayahan n'yo dahil iyon naman ang ability ko."
"At sinabi ko sa kanya na may balak kayong tumakas, na totoo naman, pero ang totoo ay kasama ako sa nagplano no'n. Nagalit siya no'n dahil alam na niya na lahat kayo ay 80% Bulletproof at kapaki-pakinabang kayo sa plano niya. Kaya ang ginawa niya ay pinahuli niya kayo sa akin, ginawa ko iyon dahil alam ko ang gagawin niya sa inyo. Ang sabi niya sa akin noon ay ikukulong lang niya kayo pero hindi ko noon alam na itetest na pala nila kayo. Maniwala kayo sa 'kin. Pinaki-usapan ko siya na huwag na huwag kayong pahihirapan dahil kapag ginawa niya iyon ay may mangyayaring masama. Sinabi ko na babagsak siya kapag pinahirapan niya kayo. Bakit ko sinabi iyon?"
"Dahil kapag pinahirapan niya kayo, iyon na ang katapusan niya dahil kahit anong gawin niya'y hindi niya na makukuha ang cell n'yo kahit anong torture pa ang gawin niya sa inyo. At sinabi ko rin sa kanya na mas mabuti kapag kinontrol niya kayo kaysa patayin niya kayo. At pinaalam ko sa kanya na may sikretong elixir ang nakaturok sa katawan ninyo. Iyon ang elixir na kapag tinurok sa 'yo kahit normal na tao ka lang ay kaya mong higitan ang Bulletproof na tao. Sinabi ko na kahit kunin niya ang dugo n'yo ay hindi niya makukuha ang elixir na 'yun na nakahalo sa dugo n'yo para iturok sa normal na tao para mas marami siyang reinforcement kapag sasakupin na niya ang mundo. At sa tingin ko'y nakumbinsi ko siya roon." mahaba kong paliwanag sa kanila. Nakakunot naman ang kanilang noo.
"Elixir?" takang tanong ni Yuri na nakikinig pala sa paliwanag ko.
"Oo. May ganu'ng elixir na nag-eexist sa mundo na gawa ng hindi sikat na scientist. Sa sobrang kagustuhan niyang maging sikat ay gumawa siya ng elixir na kayang higitan ang kakayahan ng Bulletproof. At sa pagkakaalam ko ay hawak ng dating Presidente ang scientist na iyon. Pero dahil patay na ang dating Presidente ay wala ring nakakaalam kung nasaan na ang scientist na iyon." paliwanag ko ulit at isa-isa ko silang tinignan sa mata. Sana maniwala sila sa sinabi ko. Totoo naman kasi ang kinwento ko, eh.
"Paano mo nalaman?" napatingin ako kay Shulgi nang magtanong ito.
"Sinabi iyon sa akin ni Kuya," tugon ko at nginitian ko siya. Napaiwas naman siya ng tingin kaya napawi ang ngiti ko.
"Totoo bang may ganu'ng elixir na nakaturok sa katawan namin?" tanong ni Joy na maiging nakatitig sa akin.
Napayuko ako at umiling. "Sinabi ko lamang iyon sa Presidente para mabilog siya. Para hindi niya kayo patayin dahil hindi ko kakayanin kung pati ang mga kaibigan ko ay mawala sa buhay ko."
"Akala ko pa naman ay mayroon talaga kami nu'n para mas kaya kong durugin 'yang mga buto mo." napadilat ako nang malaki dahil sa sinabi ni Yuri. Akala ko kahit pinaliwanag ko na ang lahat ay mawawala na ang galit nila sa akin pero mukhang aabutin pa kami ng delubyo bago nila ako patawarin nang todo.
"Yuri!" bawal ni Joy kay Yuri. Hindi niya pinansin si Joy at inirapan ako ni Yuri bago bumalik sa sofa.
"Kelly, huwag ka sanang aasa na kaya ka naming patawarin agad dahil lang diyan sa paliwanag mo. Hintayin mo sanang humilom ang sugat sa puso namin para taos puso ka naming patawarin. Dahil mahirap magpatawad agad-agad lalo na kung may galit ka pa naman." marahang sabi ni Joy at inilapat niya ang kamay niya sa ulo ko bago lumayas sa harapan ko.
Napatingin naman ako kay Shulgi nang lapitan niya ako.
"Pa... pasensya na sa ginawa ko noon, Shulgi." pagpapa-umanhin ko sa best friend ko. Tinitigan ko siya sa mata at pinakita ko sa kanya ang pagiging sincerity ko.
"Kalasin mo na 'yang mga tali mo. Alam kong kaya mo 'yun gawin pero hinayaan mong nakatali ka para lang manatili rito at makapagpaliwanag sa amin." at gaya ng sinabi niya ay kinalas ko nga ang tali ko sa kamay at napakamot ako sa aking batok dahil alam niya pala na kaya ko iyon.
"Shulgi... na-miss kita." malungkot kong sabi at mabilis ko siyang yinakap.
Yinakap ko siya nang mahigpit at naramdaman ko na naman ang mga luhang dumadaloy sa pisngi ko.
"Masyado ka ng emosyonal. Dati'y hindi ka naman ganyan. Kilala ko si Kelly Ladignon bilang palatawa pero matapang at hindi pala-iyak." bulong niya pero hindi ko naramdaman na niyakap niya ako pabalik. Hinimas lamang niya ang balikat ko at inilayo na niya ang sarili niya sa akin.
"Ang baho mo." natatawa niyang sabi.
Napasinghot naman ako at naamoy ko ang sarili ko na amoy dugo, pawis, at luha.
Napatanong ako bigla nang maalala ko ang pitong ugok na nakatira sa bahay ko.
"Nga pala, nasaan 'yung pitong lalaki na kasama ko? Anong ginawa n'yo sa kanila?"
"Ah, 'yun ba? Tinurukan lang ni Joy ng pampatulog na aabot ng dalawang araw," paliwanag niya.
Napatango ako at ngingiti na sana ako nang kumirot ang buo kong katawan.
"Bakit hindi n'yo man lang ako pinaliguan o nilinisan ng sugat?" nakanguso kong tanong sa kanya nang maalalayan niya akong makaupo sa upuan.
"Sa tingin mo'y gagawin namin 'yun kung galit kami sa 'yo? Baka sa halip na gamutin ka namin ay chopchop-in namin 'yang katawan mo." at tumawa siya nang mahina.
Napangiti ako sa narinig ko. Nagpapasalamat pa rin ako na kahit may nagawa ako sa kanya ay bukas pa rin ang puso niya para magpatawad.
Nagawa ko sa kanila ang hindi dapat gawin. At ngayon sa pitong lalake ko naman iyon magagawa. Ano nga ba talaga ang dapat kong gawin para maitago ang kakayahan nila? Ano nga ba talaga ang kailangan kong gawin para mailigtas sila? May iba pa bang daan o iyon na lang ang tanging paraan?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top