2. Kailan Pwede?
TRACK 1
Sa tuwing naririnig ko ang awiting lagi nating pinapatugtog noong kabataan natin, hindi ko mapigilan ang mapangiti.
Hindi ko alam kung theme song na natin iyon. Pero dahil sa lagi nating kinakanta iyon na magkasama noong high school, ang imahe ng nakangiti mong mukha ang unang nakikita ko sa alaala ko sa tuwing naririnig ko ang awitin na iyon.
"Sa likod ng bawat liriko at awitin, may tinatago akong saloobin na gusto kong malaman mo," iyon ang minsan mong binitawan sa akin noon na hindi ko binigyang pansin masyado.
Halos sabay tayong lumaki sa eskwelahan, hanggang sa makapagtapos tayo ng highschool. Ngunit nagbago ang lahat nang magkahiwalay tayo ng paaralang pinasukan pagtungtong natin ng kolehiyo.
Pinaghiwalay tayo ng oras at distansya. Akala ko sapat na ang lingguhang pagkikita natin, pero tuluyan ng nagbago ang mundo mo kung saan hindi ko alam kung paano ako lulugar sa buhay mo.
Nanibago ako.
Nakaramdam ako ng takot at pangamba.
Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko, sa tuwing may pinapakilala kang 'espesyal na kaibigan' maliban sa akin. Hindi ko gusto ang ideya na may ibang tao na napapalapit sa iyo. Hindi ko alam kung paano ako lulugar sa buhay na meron ka sa kasalukuyan, dahil masyado kong pinapahalagahan ang pagkakaibigan nating dalawa.
Ayokong masaktan ka ng dahil lang sa pagiging makasarili ako. Hindi ko alam kung paano ko ipaglalaban ang posisyon ko sa buhay mo. Siguro nga nasanay ako na nandiyan ka lang sa tabi ko, kung saan inakala ko na walang magbabago. Ngunit pinaalala mo sa akin na, 'walang permanente sa mundo.'
Mas mahalaga ka sa nararamdaman ko. Huli na rin nang napagtanto kong higit ka pa sa isang kaibigan.
Bago pa man ako makapag tapat sayo, pinakilala mo sa akin ang nobyo mo. Pinilit kong maging masaya para sa iyo, kahit na palihim na nadudurog ang puso ko.
Nagpatuloy ang mundo nating dalawa ng magkahiwalay. Dumistansya ako bilang respeto. Pinilit kong kalimutan ang nararamdaman ko para sayo. Sinubukan kong tumingin sa iba, pero kahit anong gawin ko, hindi ko mahanap sa iba ang nahanap ko sa mga mata mo.
Siguro nga sayang 'tayo'.
Abot kamay na kita, pero pinalampas ko lang sa mga kamay ko ang pagkakataon kung saan sana, hawak ko ang mga kamay mo.
Sa nagdaan na panahon para lang makibalita sa iyo, kailangan ko pang dumaan sa ilang tao. Hindi ko alam kung bakit ako nakaramdam ng hiya sa iyo.
Nagkita tayo ulit sa isang pagtitipon. Sa sobrang pakasabik kong makita ka, ang pader sa pagitan natin ay pansamantalang naglaho, lalo na noong binitawan mo ang mga salitang, "Kumusta ka na?"
TRACK 2
Maraming nagbago sa loob ng ilang taon nating hindi pagkikita. Mas lalo kang gumanda kahit pa malaki ang iyong ipinayat.
Nagkwentuhan tayo tulad ng dati na para bang may sarili tayong mundo. Inamin mo sa akin ang sama ng loob nang bigla na lang akong umiwas sa iyo noong tayo'y nasa kolehiyo pa. Gusto ko mang magpaliwanag, ngunit hindi ko alam kung paano magsisimula.
Ginawa kong biro ang binubulong ng puso ko sa harapan mo at binitawan ang mga salitang, "Ayoko kasing makita mo na nasasaktan ako dahil lang sa may iba ka na," tinawanan ko ang sarili ko, "Huli na ng napagtanto ko na, minamahal ko pala ang matalik kong kaibigan."
Inaasahan kong tatawanan mo ako, ngunit bigla kang lumuha ka sa harapan ko. Gustuhin ko pang punasan ang luha mo, pero naunahan mo na ako agad. Hindi ko alam kung bakit mapait mo akong nginitian noong nagpahaging ako ng ilang saloobin ko na tinatago tago ko sa matagal na panahon.
"Masaya akong makita ka ulit," siguro nga'y huli na ako.
"Ako rin. Napasaya mo ako ng sobra," halos kasing lawak ng kalangitan ang ngiti na namuo sa iyong mga labi.
"Magkita tayo ulit sa susunod, para makabawi ako sayo. Kailan pwede?"
Hindi mo ako sinagot noon. Pero nag-iwan ka ng marka sa pisngi ko na hinding hindi ko mabubura sa kaluluwa ko.
Hindi na tayo nagkita pagkatapos ng pagkakataon na iyon. Nabalitaan ko na lang na matagal mo ng nilalabanan ang isang kondisyon sa iyong utak kung saan para kang nakakulong sa sarili mong katawan. Ayon sa mga doktor, suntok sa buwan kung ikaw ay gagaling, pero ayokong isuko ang pag-asa na gusto kong panghawakan mo.
"Mananatili ako sa tabi mo, hanggang sa gumaling ka. Maghihintay ako," ayaw mo man makita ko ang kondisyon mo, pero hindi na ako hihingi ng permiso kung pwede ba akong magkaroon ng lugar sa buhay mo. Kusa kong bubuksan ang pintuan na pilit mong sinasara dahil lang sa takot kang masaktan ako ulit.
"Walang kasiguraduhan ang hinaharap ko, dahil sa kondisyon ko ngayon, Jo."
"Hindi ako aalis sa tabi mo Paye, hinding hindi na ako aalis."
Sa pagkakataon na ito, hindi ako takot masaktan. Mas takot akong manghinayang. Ayokong sayangin ang hiram na pagkakataon kung pwede kitang makasama hanggang sa huli.
"Jo, sa tingin mo ba, pwede pa tayong humiling ng dagdag na oras?"
"Bakit naman hindi? Lagi ko namang pinagdarasal iyon."
"Gusto pa kitang makasama, yung katulad ng dati."
Mataimtim akong humiling para sa isang milagro. Tulad niya ay gusto kong ibalik ang panahon kung saan pwede ko siyang makasama ng mas mahabang oras, ngunit isang sandali lang ang pinahiram Niya sa amin.
"Paye, mapagbibigyan mo ba ako kahit 'sandali' lang ang meron tayo?"
"Hindi mo kailangan humingi ng permiso para magmahal, Jo. Dahil matagal mo ng binigay mo na sa akin ang regalong iyon nang hindi mo napapansin."
Ang huling sandali na meron ako na kasama siya, ay pinunan ko ng panghabangbuhay. Tama siya, matagal ko na siyang minamahal bago ko pa man makita sa sarili ko ang halaga niya sa buhay ko.
Kung alam ko lang na limitado lang ang panahon na meron kami, sana ay nasulit ko ang oras na meron siya sa mundong ito. Ngunit tulad ng naging payo niya noon sa akin, "Huwag mong ikulong ang sarili mo sa panghihinayang, dahil dumating ka sa tamang panahon at oras ng naaayon sa plano Niya."
Ngayon, sa tuwing pinapatugtog ko ang kanta natin sa radyo, isinasapuso ko ang bawat awitin na inaalay ko para sa iyo, Paye. Kung nasaan ka man, sana ay naririnig mo kung paano ko binuod ang kwento nating dalawa.
Ang kwento ng pagkakaibigan.
Ang tamis at pait ng unang pag-ibig.
At ang pag sarado sa kwento natin na magsisilbing gabay at aral para sa ibang taong katulad natin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top