1. Isang Sanaysay

Magkakaibang Pamantayan, Iisang Pinanggalingan

SA BILIS ng panahon, paano masasabi ng isang tao na may nagbago na sa kanya? Ito ba ay masasabi dahil madaragdan na ang kanyang edad o ang pagbabago sa estado ng kanyang buhay? 

Ito ba ay makikita sa pisikal niyang kaanyuan? Sa ilang husay at galing nagawa niya sa nakaraang mga taon? Ang pagbabago ba ay mas nakikita mula sa kaayaaya na kaanyuan nito? Ang pagbabago ba ay pagsunod sa kung ano ang uso at pagkalimot sa kung ano na ang laos? 

Ano ba tunay na ibig sabihin ng pagbabago kung kinalimutan mo kung saan ka mismo nanggaling?

Ikaw ba ay katulad ng isang patatas? Na tumubo mula sa kadiliman at pinatatag ng panahon, sinubukan mong umahon para makita ang liwanag na iyong inaasam asam. Ngunit nang ikaw ay pinakuluan sa mainit na tubig, ikaw ay nanlambot, natunaw at nadurog.

Ikaw ba ay katulad ng isang itlog? Na protektado at sandigan ang kanyang mga magulang. Ngunit nang ika’y nawalay sa kanila at sinubok ng panahon kung saan ika’y lumubog sa pinakamainit na tubig, ika’y umahon nang may makapal na kalasag at pinangako sa iyong sarili na kahit kailan, hinding-hindi ka na masasaktan o mahihirapan. Pero sa kaloob-looban mo, doon mo tinatago-tago na ikaw ay mahina, maselan at malambot na ayaw mong makita ng mundo.

O ikaw ba ay katulad ng isang tsaa? Pino, limitado at nakakahon. Nabuo mula sa mga halaman na itinanim sa mundong ibabaw, kung saan ika’y pinunit at tinuyo. Sinubok ka ng panahon kung saan ika’y pinaliguan gamit ng pinakamainit na tubig, ngunit hindi tulad ng itlog o ng patatas; ikaw ay naging isa sa mainit na tubig.

Mula sa ginamit na metapora, alin ka sa kanila?

Walang tama o maling sagot dahil ikaw lamang ang nakakaalam kung saan ka nagmula.

Ang pagbabago na meron ka ngayon ay may pinag-ugatan, pero sana ay hindi mo makalimutan kung saan ka nagmula.

Sa mundong ito ang mga tao ay mula sa magkakaibang pamantayan, ngunit iisa sila ng pinanggalingan. Lahat nagsisimula sa wala, pantay-pantay, walang titulo at ranggo. 

Hindi mo tagumpay ang ‘tagumpay’ ng mga ninuno mo. Maaaring  namamana ang estado sa buhay, ngunit hindi iyon ang pundasyon mo sa iyong sarili. Isa kang sangay mula sa puno ng iyong mga ninuno, ngunit hindi ibig sabihin no’n ay hindi ka na pwedeng tubuan ng bulaklak. 

Ang tunay na pagbabago ay kusang nagbubunga mula sa itinanim mo sa iyong puso. Hindi mo ito kailangang bigyan ng kung anumang lebel o pangalan dahil ito ay sumasalamin sa iyo.

Hindi ka pwedeng magsuot ng maskara para lang sabihin mong ika’y nagbago. Huwag kang kumapit sa isang bagay na akala mong brilyante, dahil hindi lahat ng brilyante ay kumikinang. Hindi lahat ng kumikinang ay totoo.

Hindi mo kailangang makisabay sa bilis na agos ng mundo dahil darating ang araw na kung saan yayakapin mo ang sikat ng araw, buwan at mga bituin sa kalangitan.

Hindi mo kailangan magmadali para lang patunayan sa ibang tao na ikaw ay nagbago. Magbago ka para sa sarili mo at ipakita mo sa Kanya na ang buhay na niregalo niya sa iyo ay kayamanan na iyong sinusulit kasama ng mga alaalang babalikan mo balang-araw.

Hindi nagtatapos ang kwento ng patatas na nanlambot, natunaw at nadurog. Siya ay naging masustansyang pagkain na ngayon ay sikat na sa iba't-ibang bahagi ng mundo.

Hindi nagtapos ang kwento ng itlog kung saan sinarado niya ang sarili niya sa mundo. Dahil naging sangkap siya ng ilang putaheng makikita natin na nagkalat sa paligid natin.

At ang kwento ng tsaa ay hindi lamang nagtapos noong siya ay naging isa sa mainit na tubig… dahil namayani siya sa buhay ng isang tao sa loob ng matagal na panahon.

Ang pagbabago na nais mo sa sandaling ito… ay nasa sa’yo. 

Hawakan mo ang mga sandaling minsan ika’y sinubok ng panahon at sana maging paalala ito para ika’y lumingon saglit at kilalanin ang maliliit na pagbabagong nagbigay kulay sa iyong buhay.

Hindi maglalaho ang iyong nakaraan, pero hindi ibig sabihin no’n ay hindi na magbabago ang kwento ng iyong kasalukuyan at ng iyong hinaharap.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top