Kabanata 35
Noong bata pa ako ay napag-alaman ko ang ibig sabihin ng pangalan ko. Maliban sa pagiging Isabelia, ang hindi masyadong natatawag sa akin ay Urduja dahil sa kakaibang wika nito. Ngunit kung matutunan mo ang kahulugan ay maiiba ang pananaw mo.
"Bukang-liwayway, pagsikat ng araw. Iyon ang ibig sabihin ng Urduja." tugon ni inay.
Tama nga naman na pangalan ko 'yon dahil nagugustuhan ko rin ang mga oras kung sisikat na ang araw. Kakaiba ang nararamdaman ko. Saya, ginhawa, panibagong araw.
"Ano ang iniisip mo?" tanong ni Lolo Faulicimo.
Napukaw ako sa realidad. Nilingon ko siya at umiling bago yumuko. "Wala po."
Nasa simbahan kami ngayon, sa tinatawag nilang "Mount Mary" o "Baguio Cathedral". Sabi ng mga magulang ko, napag-isipan nilang tumira kami dito sa Baguio nalang dahil marami silang mga negosyo rito. Ilang linggo na ang nakalipas no'ng nagsayawan kami ni Anton. Minsan ay maaabutan ko siyang bumibili ng bulaklak sa bayan. Minsan ay magkaabutan kami habang namimigay ako ng pagkain. Ngayon naman ay taimtim na nagdadasal ang lahat ng mga tao. Ako ay tahimik lamang ngunit ang isip ko'y napupunta sa kung saan-saan dahil may inaabalahan talaga ako. Patawad, Panginoon.
Sa paglabas namin pagkatapos ng misa ay natatanaw ko ang mga malawak na daanan ng mga tao. May mga matataas na puno sa malayo at panay na ang pag-uusap usapan ng mga lumalabas at pumapasok sa simbahan. Tumunog ang kampana upang hudyat ng susunod na misa.
"Lolo Faulicimo, maaari ba akong magtanong?" pagsasalita ko sa pagpasok namin sa sasakyan.
Napatingin siya sa akin at tumango. "Ano iyon?"
"May nararamdaman kasi akong kakaiba." Napailing ako. "Hindi ko maiintindihan kung bakit ganoon, bakit ganito."
Natigilan siya ng ilang sandali at tumagilid ng kaunti ang ulo niya. Kahit na matanda na siya at kulubot na ang balat niya ay gwapo pa rin siya kung tignan. Narinig ko nga, marami raw ang babaeng nagtangkang makipagkaibigan sa kanya.
"Bakit? Ano ang iyong nararamdaman?"
"Tungkol po kasi ito kay Heneral Anton." Nahihiya kong sabi.
Tumango siya. "Tapos?"
"Ano, kapag nakikita ko siya ay bigla nalang akong kinakabahan. Lumalakas ang tibok ng puso ko, sa puntong sumasakit na ito." Tinuro ko ang dibdib ko. "Tapos, kapag may gagawin siyang maliliit na mga galaw ay hindi ako makapaniwala at mapangiti ako sa walang oras. Ewan ko po lolo, masaya ako kapag kasama ko siya. Masaya ako kapag nakikita ko siya, kahit sa maliit na oras lamang."
Dahil tahimik siya ay nilingon ko ang pwesto niya. Seryoso lang siyang nakatingin sa akin at kalaunan ay bumuntong hininga.
"Kailan mo unang nararamdaman 'yan?" mahinahon ngunit may diin na tanong niya.
Napalunok ako. "Pagkatapos no'ng iniimbitahan niya ako sa sayawan, lolo."
Akala ko ay magagalit siya subalit ngumiti lang siya at napailing saka nag-iwas ng tingin.
"Lolo, ano po ang dahilan? M-may sakit po ba ako? Bakit po kayo tumatawa?"
"Hindi ka na bata, Isabelia. Hindi mo ba talaga alam kung ano ang sagot sa tanong mo?" natatawang sabi niya.
Natigilan ako. Ano raw?
"O sadyang pinipigilan mo lang ang sarili mo na buksan ang isip mo sa katanungan na iyan?"
"Ano po ang ibig niyong sabihin?"
"Nabibighani ka na sa kaniya, Isabelia."
Napasinghap ako sa narinig. A-ako?! Nabibighani?!
"Ha!" hindi makapaniwala kong sabi. "Imposible!"
"Ni minsan ba, hinahanap mo ang presensya niya?"
Napaisip ako habang mabagal ang galaw ng sasakyan. Napatingin ako sa labas ng bintana at nakikita ang mga dumadaan na mga tao. Paano kung sasabihin kong 'oo'? Hindi ako magsisinungaling, gawain ko 'yan minsan. Kapag ako lang mag-isa sa bahay ay nagbuburda ako ngunit umaasa akong bibisita sila sa mansyon namin.
"Minsan lang naman..." pabulong na sabi ko ngunit narinig niya iyon.
"Sabi ko na nga ba..."
"Pero minsan lang naman, Lolo!"
"Ganoon lang din ang kasagutan, Isabelia." Aniya. Napasimangot ako at napayuko.
"P-paano ba mawala ito? Ayaw ko, lolo."
"Bakit naman?"
"Ayaw ko lang."
"Ikaw na ang mag-isip isip diyan."
"Pero kung ipagpatuloy ko po ito," nag-angat ako ng tingin sa kanya. "Tatanggapin niyo po ba ang desisyon ko? Hindi po ba kayo magagalit?"
Kumunot ang noo niya. "Bakit naman ako magagalit?"
"Kasi...magkaaway po kayo ni Lolo Antonio noon..."
Malakas ang pagtawa niya sa sagot ko, sa puntong napasulyap rin ang tagapagmaneho ng sasakyan sa aming dalawa.
"Bakit? Magpapakasal ka agad?"
Nanlakihan ang mga mata ko. "Bente siyete pa po ako!"
"Pa?" hindi makapaniwalang tanong niya. "Matanda ka na, Isabelia. Sa ganyang edad, biyudo na ako."
"Lolo!"
Mas lumakas ang pagtawa niya. "Totoo naman. Dapat nga, bente tres ay may asawa ka na. Ngunit dahil naiiba ka sa mga ibang babae ay hinayaan ka lang namin ng mga magulang mo sa kung saan ang ikakasaya mo. Ayaw naming mahahadlang ka sa mga bagay na ayaw mo rin."
"Pero, okay lang po kung magpapakasal na ako?"
Nanliit ang mga mata niya. "Magpaligaw ka muna."
"Pa'no kung wala akong manliligaw?"
"Imposible."
"Bakit naman imposible, lolo?"
"Maraming lalaking nagtangka na manligaw sa'yo subalit binalewala mo lang."
"Kailan?!" gulat kong tanong.
"Ayaw rin namin sa kanila." Pabulong na sabi ni lolo. "Tss, hindi kaaya-aya ang ugali, lalo na ang mga magulang ng mga lalaking 'yon."
"Hindi naman iyon ang problema ko lolo, eh."
"Bakit? Hindi ka ba gusto ng Anton na 'yon?"
Nanlakihan ang mga mata ko. Pa'no niya nalaman?!"
"Sabagay, hindi naman siguro babae ang gusto niya." Nagkibit siya ng balikat.
"Hindi ka sigurado diyan, lolo." Tumaas ang sulok ng labi ko.
Naaalala ko ang sinabi niya. Nagpapanggap lamang siya dahil ayaw niyang maipangako sa ibang babae na hindi naman niya mahal. Sinisigurado lang niya lalo na't nasa mundo ng negosyo ang mga magulang niya, pati na rin ang lolo't lola niya.
"Ngunit, kung ayaw niya sa'yo Isabelia, huwag mo nang pilitin. Dahil kapag ikakasal na kayo ay ikaw ang maghihirap." Kung kanina ay panay ang pagtawa niya, ngayon ay sumeryoso na siya.
"Alam ko naman po 'yun. Saka mahirap din dahil isa siyang respetadong heneral. Kapag sa oras ng trabaho ay talagang malayo siya sa amin ng ilang araw, o di kaya'y buwan. Mahirap na."
"Sa inyo? Nino? Ng anak mo? Ng anak niyo?" pang-aasar niya pa.
"Lolo! Nagbabakasakali lang naman." Napakagat ako sa pang-ibabang labi ko. Muli siyang tumawa.
Totoo naman. Kung ganoon na nga, nagbibighani siguro ako sa kanya. Ngunit, kung ipagpatuloy ko ito ay sugat at galos lang ang matitira sa akin sa huli kapag...sakaling ikakasal kami at siya ay aalis upang gawin ang trabaho niya. Natatakot ako ng ganoon. Ayaw kong mawalay ang asawa ko sa akin kung magkakataon.
Marami akong natutunan kay Lolo Faulicimo. Isa na doon ang tungkol sa pag-ibig. Ngayon ay nawari ko na ang lahat ng mga gumugulo sa isip ko. Pero nakakakilabot parin isipin na ako'y may nagugustuhan na, sa dalawampu't pitong taon na pamumuhay ko sa bansa, ngayon lang ako nakaramdam ng ganito. Pakiramdam ko'y nagsitaasan ang mga balahibo ko kapag naiisip ko 'yon!
Napangiti ako nang tumambad sa akin ang bukang-liwayway ng umaga. Ang init na sinag ng araw ay tumama sa aking balat. Suminghap ako ng preskong hangin ngayong nakatingin lamang ako dito sa loob ng bintana.
"Panibagong araw...na naman." Halos bulong na sabi ko sa sarili ko at ngumiti.
Sa pag-ikot ko sa aking likuran ay ibinigay ko ang pagkain sa matanda. Siyempre, hindi nawawala ang ngiti ko kapag magpapasalamat na sila sa akin at sa pamilya ko.
"May nobyo ka na ba, hija?" tanong ng isang matanda.
Napailing ako. "Wala pa po."
"Mabuti! Ipapakilala kita sa anak ko! Guwapo iyon at matangkad, may malaking katawan at masipag magtrabaho!" nasasayang wika niya.
Ngumiti lang ako at niyakap siya, bago bumulong sa tenga niya. "Walang problema sana lola ngunit...may nagugustuhan na po akong ginoo."
Lumungkot ang hitsura niya nang lumayo ako sa kanya ngunit tumango nalang. "Sayang pero...sana ay maiimbitahan mo kami sa kasal niyo."
"Haha!" malakas akong tumawa at umiling. "Ako lang po ang may gusto sa kanya."
"Imposible! Sa kagandahan mong iyan?!"
"Oo nga, lola!"
"Pwes, tatandaan ko 'yang sinasabi mo. Kapag ikakasal kayo'y pagtatawanan kita, Binibining Isabelia." Pagbabanta niya pa subalit nakikita ang ngiti sa sariling labi.
Matapos ang oras ko sa bayan ay papalabas na ako ngayon, dala-dala ang isang palumpon ng Green Chrysanthemum. Hinahaplos-haplos ko ang bawat petalo nito at nagbibirong binibilang, kahit alam kong imposibleng matapos ko 'yon dahil napakarami. Kada-linggo ako bumibili ng ganito at ilalagay ko lang sa gusi na nasa kwarto ko. Kakaiba rin ang nararamdaman ko ng bulaklak na'to. Na para bang matagal ko na itong paborito noon paman.
"Berde. Bagong buhay." Nakangiting sabi ko.
Bumuntong-hininga ako at nag-angat ng tingin upang tignan ang dinadaan ko. Subalit, tadhana nga siguro. Dahil sa oras nang maiharap ko ang daanan ay napabagal ako sa paglakad hanggang sa napahinto nang makita kung sino ang paparating na naglalakad rin patungo sa pwesto ko.
Si Heneral Anton. Suot niya ang isang sundalong kasuotan, mukhang kakagaling lang sa trabaho. Maraming bumabati sa kanya na binabati niya rin pabalik. Sa oras na magtama ang aming mga mata ay agad naglaho ang ngiti sa labi niya at napahinto rin siya sa paglalakad.
Pakiramdam ko'y bumagal ang galaw ng mundo. Ang mga tao na nag-uusap sa magkabilang gilid ay hindi ko na kailanman narinig. Nagsitaasan ang mga balahibo ko sa pagragasa ng malamig na hangin. Ang dapit-hapon ay nasa likuran lang niya, matatanaw ko pa, lalo na't tumama ang mga sinag nito sa balikat at likod niya. Dahan-dahan kong naibaba ang mga kamay kong nakahawak sa palumpon at napaawang ang bibig ko.
Wala na sa ayos ang paghinga ko. Iyon na siguro ang pinakamalakas na tibok ng puso ko. Nanginginig ang mga kamay ko at nanlamig ako.
Ngumiti siya. Isang ngiti na siguradong matatak sa kaisipan ko magpakailanman. Hindi ko magawang ngumiti dahil sa nararamdaman ko. Hindi ako makagalaw nang nagsimula na siyang maglakad papalapit sa akin. Hindi ko alam ngunit naririnig ko ang bawat pagtama ng mga bota niya sa kongkreto na sahig.
Nababaliw na siguro ako.
Kahit na paparating pa siya ay nasisilayan ko talaga ang kagwapuhan niya. Lalo na kung ngumiti siya. Lalo na kung sumisingkit ang kaniyang mga mata at nang matamaan ng sinag ang kulay seresa niyang labi at ang kaniyang kulay-kastanyo na mga mata.
"Mabuti at naabutan kita rito, Binibining Isabelia." Aniya nang huminto na siya sa harap ko.
Napalunok ako at nahihiyang tumango. "M-magandang hapon, Heneral Anton."
"May masakit ba sa'yo?"
Kumunot ang noo ko. "Huh? Wala naman. B-bakit?"
"Namumula ka."
Nanlakihan ang mga mata ko at agad tumalikod saka hinawakan ang pisngi ko. Kinikilig siguro ako! Nakakahiya!
"Binibining Isabelia—"
"Huwag kang tumingin!" kahit nakatalikod ako sa kanya ay tinakpan ko ang namumula kong mukha gamit ang palumpon.
Natahimik siya kung kaya't nilingon ko siya. Aking mga mata lang at noo ang nakikita niya gayong nakatakip ang bulaklak sa ibaba parte ng mukha ko. Nagtama ulit ang mga mata namin. Doon siya mahinahong tumawa.
"W-wala lang 'to!" pagdadahilan ko.
Kinagat niya ang pang-ibabang labi niya at at tumagilid ng kaunti ang ulo niya bago tumango at natatawa ulit. Napapikit nalang ako sa hiya.
"H-huwag mo akong pagtawanan..."
"Kahit namumula ka ay maganda ka pa rin." Nakangiting puna niya.
Mas lumakas ang tibok ng puso ko. Huwag kang magpapahalata, Isabelia!
Tumikhim ako at tumango. "S-salamat. Ano, m-mauna na ako."
Ngumiti ako at nagmamadaling lumagpas sa gilid niya ngunit napahinto kaagad nang mahawakan niya ang papulsuhan ko at dahil doon ay napilitang mababa ang nakatakip na palumpon sa aking mukha. Napasinghap ako at nag-iwas ng tingin ngunit sa isang iglap lamang ay nasa harapan ko na siya. Napatingala ako at hindi sinadyang makipaglabanan ng titig sa kanya.
"A-Anton..."
"Aalis ka na?" nadidismayang sabi niya.
"U-uuwi na ako."
"Nais ko sanang makipag-usap sa'yo."
Natahimik ako at napalunok. Baka hindi ko kakayanin kapag nagkakataon!
"Kahit ilang minuto lang...pakiusap."
Bakit?!
At dahil sa hindi ko siya matiis ay ganoon na nga ang nangyari. Nasa isang tahimik kami na lugar, walang mga tao kundi kami lang dalawa. Nakatingin kami sa palubog na araw.
Wala sa sarili akong napasulyap sa kanya. Hangang hanga pa rin ako sa kagwapuhan niya, kahit kailan! Isa pa, hindi pa rin ako makapaniwala na nakipagkaibigan ako sa kanya dahil kilalang kilala siya sa lahat ng mga binibini dito sa lugar namin. Sinabi niya rin noong nakaraang araw na ako lamang ang babaeng kaibigan niya.
Totoo na nga siguro ang sinabi ni Lolo Faulicimo. Nabibighani na ako sa kanya. Hindi ako ganito noon! Nagagalit ako sa sarili ko dahil nangako ako sa sarili ko na mabuhay mag-isa hanggang sa pagtanda ngunit heto ako ngayon, namumula lang dahil sa presenya ng isang guwapong ginoo. Natatakot ako. Paano kung ganito rin ang nararamdaman niya para sa akin? At paano kung yayain niya akong magpakasal? Paano kung darating ang oras kung saan ako'y kanyang iiwanan kasama ang anak namin upang magtrabaho sa malayo? Paano kung...mapapahamak siya at wala na akong mahihintay pa?
Iniisip ko palang iyon ngunit...parang naiiyak na ako sa takot at pangamba.
"Kumusta ka na?" tanong niya sa gitna ng katahimikan.
Bumuntong-hininga ako. "Ayos lang. Ikaw?"
"Ako? Mag-isa lamang at iniisip ka palagi."
Nanlakihan ang mga mata kong napalingon sa kanya. Ngumiti lang siya bilang tugon sa gulat ko.
"Bakit naman?"
"Hindi ba halata?" tanong niya, tila nang-aasar.
"Ano nga?"
Ang kaniyang mga mata ay nakatingin pa rin sa dapit-hapon ng oras.
"Noong bata pa lamang ako ay maaga akong namulat sa katunayan ng ating kinalalagyan na bansa. Tinuruan ako ng ama ko na maging makasarili sa pag-aral ng mga bagay at magkaroon ng kasarinlan sa bawat desisyon na aking itutupad. Naniniwala akong mahal nila ako kung kaya't sa maliit na edad pa lamang ay hinahanas na nila ang kaisipan ko. Sa bawat sugat ko ay ang mga panibagong aral na makukuha ko. Sa bawat iyak ko ay ang panibagong mga pagkaunawa ko sa kung gaano kahirap ang aking tinatahak na daan kung kaya't kailangan ko ring magsikap. Sa bawat dapit-hapon na aking masaksihan ay ang mga pahiwatig na tapos na ang trabaho at kailangan ko nang magpahinga para sa susunod na subok ng aking buhay."
Nananatili ang tingin ko sa kanya.
"Naniniwala ako na dapat ay bigyan ko muna ng halaga ang sarili ko bago sa lahat- lahat. Nagsumikap ako upang makamit ko ang pangarap ko na maging sundalo. Nakita ko ang mga kababayan kong pilit na ipinaluhod sa sahig habang nakatutok sa kanilang mga ulo ang baril ng mga amerikanong sundalo. Nakita ko kung paano nila iginahasa ang mga nararapat na karapatan ng mga mamamayang Pilipino. Nakita ko kung paano nila binombahan ang mga simbahan, sa kung paano nila sinunog ang mga bahay ng mga mahirap at walang kaya. Nakikita ko ang bawat pagpatak ng luha ng mga nagmamakaawang pamilya dahil iyon lamang ang meron sila ngunit, ni kailanman ay hindi iyon pinakinggan ng mga namamahala sa ating bansa. Naniniwala sila sa sariling kakayahan lalo na't tayo ay nasa kolonisasyon pa ngayon. At kailanman rin ay hindi ko 'yon mararanasan dahil mayaman ako. Isang kamayan lang mula sa kanila ay may mga negosyo nang matupad, mga kalakal na pakikipag-uganayan, madali lang sa atin dahil tayo ay nabibilang sa mayayaman."
Hindi ako nagsalita. Kumuyom ang mga palad niya.
"Kung kaya't napag-isipan ko ang ganitong trabaho. Pinaghirapan ko 'to ng husto. Dahil alam kong kahit sa maliit na paraan lamang ay matutulungan ko ang mga mahihirap hanggang sa makakaya ko. Marami na akong nailigtas na mga pamilya mula sa kamay ng pamumuno ng mga Amerikano. Binibigyan ko sila ng trabaho sa kompanya namin upang may hanapbuhay sila. Nasasayahan ako sa bawat pasasalamat nila, iyon ang pinakamahalagang dahilan ko."
"Nakakatulong ka na ng sobra..." halos bulong na sabi ko.
Tumango siya. "Dahil nagawa ko na ang mga iyon ay naniniwala akong ipagpatuloy ko lang ito at magiging sapat na ang buhay ko mag-isa. Ngunit...nagkakamali ako."
Lumingon siya sa akin.
"Dahil napagtanto ko ring minsan ay dapat uunahin ko muna ang sarili ko. At sa oras nang sumama ako sa lolo ko sa trabaho niya ay...nakilala kita."
Kinurot ko ang sariling kamay ko dahil sa panginginig ko. Napaawang ng kaunti ang bibig ko.
"Isang magandang binibini ang bumungad sa akin. Noong una, bago kami pumunta sa kompanya ng lolo mo ay natatakot ako lalo na't nagbanta ang ama ko na bente-otso na raw ako at kailangan ko nang magpakasal. Ipapangako niya ako sa mga kakilala niya. Doon ko siya tinapat na ayaw ko dahil hindi babae iyong tipo ko, kahit akto lamang."
Napangiti ako sa sinabi niya at hindi pa rin nagsalita.
"Pinipigilan ko ang sarili ko sa oras na makita kita at makilala. Pilit kitang iwinaksi sa kaisipan ko dahil sa gabing iyon ay naaalala ko ang bawat anggulo ng mukha mo. Napanaginipan ko ang nakangiting hitsura mo habang hinila mo ako sa mundong paraiso. Nananatili sa pandinig ko ang malambing na boses mo."
Naglaho ang ngiti sa labi ko.
"At nang makita ko ang bukang-liwayway ay pumasok ka kaagad sa isip ko. Ang mga guni-guni ko ay kakaiba kung mararamdaman. Na para bang naiisip kita bilang isang simbolo ng araw. Mainit ngunit may katamtaman, maliwanag, tulad ng mga ngiti mo, umaakit, tulad ng kagandahan mo."
"Anton..." hindi ko maisip kung ano ang sasabihin ko! Lumambing ang boses ko, babaeng babae kung ikokompara sa kanina.
"Kapag nakikita kitang nagbibigay ng pagkain at ngumingiti ay lumalakas ang tibok ng puso ko. Minsan ay naisip ko, paano kung magiging asawa kita? Ganoon ba ang gagawin mo kapag tayo'y magkakaanak na? Siguro ay maaalagaan mo siya ng tama at ibubuhos mo ang lahat ng pagmamahal mo sa kanya."
Napaawang ang bibig ko. Tuluyan ko na siyang hinarap at iyon din ang paglapit niya sa akin. Parang sa ilang beses na sandali ay nag-angat ako ng tingin. Palagi kong hinahanap ang mga mata niya.
"Doon ko napagtantong...gusto kita, Binibining Isabelia. Gustong gusto kita. Ikaw ang naiisip ko sa mga oras na nalulungkot ako. Ninanais ko ang mga mahigpit na yakap mo sa oras na mahina ako. Hinahanap ko na araw-araw ang ngiti mo, ang presenya mo."
Namumuo na naman ang luha sa mga mata ko.
"At napanaginipan ko rin ang isang prehibadong pangyayari dahil maaaring hindi iyon makatarungan." Umigting ang kaniyang panga.
"Ang ano?" nagtatakang tanong ko.
Yumuko siya at umangat ang isang palad niya upang haplusin ang pisngi ko. Mainit iyon.
"Ang halikan ka."
Napatingin siya sa labi ko at bilang pahintulot na gusto ko rin ang naiisip niya ay ngumiti ako at hinawakan ang braso niya. Mas yumuko siya at sa oras na magkadikit na ang ilong namin ay nauna na akong pumikit.
Hanggang sa mararamdaman ko ang pagdampi ng mainit na labi niya sa akin.
Umihip ang malamig na hangin. Ang araw ay tuluyang lumubog. Ang kampana ng simbahan na maririnig namin mula sa malayo ay huminto. Pira-pirasong ala ala ang tumatak sa isip ko ngunit, ni isa sa amin ay hindi huminto at nagpatuloy lamang.
Oo, natatakot ako sa ano ang hahantungan namin. Ngunit parang isang iglap ay nawala iyon, nang masabi niya ang lahat ng nararamdaman niya. Sa ngayon ay ang tanging iniisip ko lang ay ang halikan namin. Naniniwala akong, sa tamang panahon ay maaayos ang lahat ng mga nailalahad na damdamin.
Ang oras na ang siyang bahala ngunit, ang tadhana ang siyang magpasya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top