Kabanata 32
Sa buong buhay ko, ngayon ko lang nararamdaman 'to.
Ang magalit ng lubusan.
"Tangina!" akmang na tatakbo na sana ako ngunit natigilan ako nang mapagtantong nakatingin na pala ang mga tao dito sa palengke sa akin. Alam kong hindi kaaya-aya ang ugali ko kung kaya't agad kong naibaba ang daliri kong nakaduro pa sa pwestong tinakbuhan ni Anton kanina lalo na't nakaturo iyon sa ibang tao na na nandoon din.
Nang mapatingin ako sa bawat anggulo ng paligid ko ay agad akong nakaramdam ng pagsisisi. Kaiba na ang mga titig nila sa akin, pati sa tindera ng mga bulaklak. Na para bang natatakot sila sa akin ng sobra. Na para bang nangangagat ako ng mga tao. Na para bang pumapatay talaga ako ng mga tao.
Dahil sa kahihiyan ay agad akong kumaripas ng takbo paalis sa lugar na iyon. Sa pag-uwi ko, padabog kong binuksan ang pintuan ng mansyon. Napatingin ang mga magulang ko sa akin dahil nasa sala lang sila. Narinig ko ang pagbati nila ngunit hindi ko sila natuonan ng pansin, patuloy lang ang pag-akyat ko sa hagdan. Sa oras na maisarado ko ang pintuan, doon na nagsihulugan ang mga luha ko. Napatingin ako sa kabuuang paligid ng kuwarto ko bago tumalon sa kama at isinubsob ang mukha saka malakas na sumigaw.
Inilabas ko ang buong galit ko. Tangina niya! Hayop siya! Talagang nakuha pa niyang pumatol!
Hindi pa ako kontento at sinuntok-suntok ko ang kama. Tumitili ako sa sobrang galit bago umupo at marahas na bumuga ng hangin. Hinawi ko ang mga luha ko at tumingin sa pintuan.
"Makakabawi ako." Tumaas ang sulok ng labi ko at parang kontrabida na tumawa. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin ngunit isa lang ang kasiguraduhan na nararamdaman ko.
Maghihiganti ako!
"Anak! Anong nangyayari sa'yo?!" gulantang at nag-aalalang tanong ni inay sa labas ng kuwarto. Hindi siya tumigil sa pagkatok ng pinto ko.
"Maghihiganti ako..." halos bulong kong sabi ngunit mas natataranta lang siya. Narinig niya.
"Huh?! A-anak, anong maghihiganti?" natatawa siya ngunit bakas sa boses ang kaba. "B-buksan mo 'to! Anong gagawin mo?!"
"Anong nangyari kay Isabelia?!" narinig ko ang paparating na mga yapak at ang boses ni itay.
"Isabelia!" sigaw ng ina ko.
"Anong nangyari?!"
"Hindi ko alam!" halos maiiyak na na boses ng asawa niya. "Ngunit...parang..."
"Parang ano?!"
"N-nasapian yata ang anak natin, Ambrosio!" at doon na napahagulgol ang ina ko.
"Ano?!" narinig ko ang malakas na pagkatok sa pintuan. "Isabelia, buksan mo 'to!"
Nag-angat ako ng tingin at napapikit saka bumuntong-hininga. Tumayo ako at mabagal na naglakad patungo sa pintuan. Nang tuluyan na akong makalapit ay saka ko na binuksan iyon at sinalubong ang gulat na tingin ng mga magulang ko.
"Anong...!" hindi natapos ni itay ang sasabihin niya nang magtama ang paningin naming dalawa. Nakakakilabot akong ngumiti.
"Tay...maghihiganti ako." Humahalakhak ako ng napakalakas, sa puntong umaangat-angat na ang mga balikat ko. Napaatras sila ni inay at yumakap ang ina ko sa kanya.
Napaawang ang bibig ng ama ko. "Anong..."
"Jusko! Isabelia!" halos maiyak na na sabi ni inay.
"Maghihiganti ako!" sigaw ko at napatingin sa paligid ko. Nang makita ko ang isang plorera sa gilid ko na umaaktong disenyo lamang ay agad ko iyong hinablot at kinuha. Mas nagsiatrasan sila at napasinghap.
"Isabelia, ibaba mo 'yan!"
"Isabelia, huminahon ka!"
"Hayop siya, 'nay! Walang hiya! Pinapahiya niya ako sa palengke! Hindi na makatarungan ang mga gawain ko dahil sa kanya! Nawala na ang pagka-delicadeza ko!" namumuo na naman ang galit sa kalooban ko. Gustong gusto kong basagin ang plorera ngunit alam kong mahal ito kung kaya't hinawakan ko nalang.
"Anak—" hindi ko na sila pinatapos pa.
"Tangina!" pagmumura ko.
Napasinghap silang dalawa ngunit agad bumitaw si inay sa yakapan nila ni itay at sinulong ako...saka sinampal ang mukha ko.
Gulat akong napatingin sa kanya. Napahawak ako sa mukha ko at napaatras, natatakot lalo na nang makita ko ang hitsura ng ina ko. Halos matapilok pa nga ako kung hindi lang ako kaagad na nakahawak sa pader.
Naimulat ko kaagad ang mga mata ko. Nakahiga na ako sa kama at habol ko pa ang hininga ko saka agad ko ring nahawakan ang sariling mukha. Sinubukan kong gumalaw ngunit hindi ako natuloy nang mararamdaman ang isang braso na nakayakap sa akin. Napatingin ako sa gilid ko at nakitang mahimbing na natutulog si Anton.
Nais ko sanang ikalas ng marahan ang braso niya ngunit natigilan na rin ako nang marinig ang malalim na hininga niya saka ang mababang boses na halakhak niya. Iyon ang oras na dahan-dahan siyang nagmulat ng mata at ngumiti sa akin.
"Good morning." Pagbati niya.
Tuluyan ko nang inilayo ang braso niya at umupo, hinhilot ang sariling sentido. Umupo rin siya at bahagyang hinaplos ang likuran ko.
"Ayos na ba ang pakiramdam mo?"
Lumingon ako sa kanya. Napakunot nalang ang noo ko nang bigla siyang tumawa...ulit.
"Anong problema mo?" nagtatakang tanong ko.
Bumuntong-hininga siya. "Naaalala ko ang totoong pangyayari sa buhay ni Antonio II."
"Iyong pag-aaway nila ni Isabelia?" tanong ko ulit at tumango siya. Natahimik ako ng ilang sandali habang tumitig sa kaniyang mga mata.
Medyo pareho ang pangyayari namin ni Isabelia ngunit ang magkaiba lang ay hindi kami magkaaway sa unang pagkikita namin. Ngayon ay agad akong nakaramdam ng kuryosidad. Paano kaya sila nagka-ibigan sa isa't isa? Gayong magkaaway naman sila?
"Cute." He said and pinched my nose. Saka rin siya tumayo at inayos ang gusot niyang damit na pantulog. Napatingala ako dahil nakatayo na siya sa gilid ko.
"Ilang araw ba akong walang malay?"
"Tatlo." Aniya at lumapit ng bahagya upang pakiramdaman ang noo ko gamit ang likuran ng kamay niya. He sighed in relief. "Mabuti at hindi ka na mainit. Nilalagnat ka kasi. Nag-aalala ako ng sobra."
"Sorry." Napakagat ako sa pang-ibabang labi ko.
"Sa susunod Isabelle, sana ay huwag kang umalis nang wala ako, naiintindihan mo ba?" he said in an authoritative voice. Para akong tutang tumango.
"G-gusto ko lang kasing magpasyal."
"Kung ganon, dapat ay sabay tayong dalawa."
"Napagod kasi...kita..." halos bulong na sabi ko.
Natahimik kami ilang sandali bago siya malakas na tumawa.
"Ako?" he scoffed. "Napapagod?"
"Eh ano 'yon?" napamewang ako at hinarap siya habang nakaupo pa rin. "Pagod na pagod ka sa ginawa n-natin."
"At ako pa ang napagod?"
"Ikaw lang naman kasi ang nasasarapan." Ngumuso ako upang pigilan ang tawa ko. Napasinghap siya at hindi makapaniwalang itinuro ako.
"I-Ikaw!" aniya at natakpan ang bibig niya. "Kung ano-ano ang pinagsasabi mo—"
Hindi pa niya natapos ang sasabihin niya nang biglang bumukas ang pintuan namin. Agad kaming napalingon doon at tumambad sa amin si Isabelita at si Antonio, bakas sa mukha ang pag-aalala.
"Diyos ko!" aniya at nagmamadaling lumapit sa amin saka niyakap ako ng mahigpit.
"Maayos na ba ang kaniyang pakiramdam?" kalmadong tanong ni Antonio. Napatango si Anton.
"Mabuti kung ganoon!" nag-aalalang sabi ni Isabelita at bumitaw na. Hilaw akong ngumiti.
"Magandang araw p-po." Nahihiyang sabi ko. Sumulyap ako kay Anton at nang-aakit na ngumiti. Napailing nalang siya at napalunok saka nag-iwas ng tingin.
***
Matapos ang usapang iyon ay nauna muna si Anton at Lolo Antonio sa pag-alis dahil may dapat silang aasikasuhin. Habang kami naman ni Lola Isabelita ay naiwan dito sa loob ng mansyon, umiinom ng kape dahil kaka-breakfast lang namin. Noon una, nagulat ako dahil nandito na naman sila, but then, turns out, palagi pala silang bumibisita sa amin dahil nabo-bored daw siya kapag sila lang tapos ang mga magulang ko naman at si Lolo Faulicimo ay bumalik sa Espanya para sa business daw nila.
"Hindi ka ba nasusuka?" biglang tanong ni Lola Isabelita sa gitna ng katahimikan.
Nandito kami ngayon sa balkonahe. Nararamdaman ko ang malamig na ihip ng umagang hangin, pabalik-balik. Sa itaas naman namin ay ang araw na pinapalibutan ng mapuputing mga ulap. May mga nagsiliparang mga ibon na umiingay rin kada-oras. Sa gitna naming dalawa ay ang kahoy na maliit na lamesa, nilalagyan ng mga mabasaging baso at termos.
Napalingon ako sa kanya nang kinuha niya ang sariling basong may mainit na kape. Suot niya ang magarbong baro't saya na kulay puti at maayos na naka-tali ang buhok niya, bun style. Hindi kagaya noon na simple lang ang mga suot niya, ngayon ay ibang iba na siya sa Isabelita na nasaksihan ko dahil sa misyon ko. I believe that...I made her like that. Kung hindi ako sumama kay Anton noon sa paglisan namin sa kagubatan ay hindi sila magkatuluyan ni Antonio ngayon. Natuloy ang pagmamahalan nila sa isa't isa. That's a relief.
Umiling ako. "Hindi po...lola."
Goodness! It sounds weird calling her that when in fact...ako lang din naman 'yan.
"Hindi ka ba nahihilo?"
"Hindi po."
Tumango siya at sumipsip sa kape niya. "Hindi ka ba naghahanap ng mga pagkain na gusto mong kainin?"
My brows furrowed. "H-huh?"
Lumingon siya sa akin at nahihiya akong ngumiti.
"H-hindi naman p-po."
"Ay sayang." Pabulong na sabi niya ngunit narinig ko naman.
Nagtataka akong sumulyap sa kanya bago nag-iwas ng tingin saka kinuha na rin ang sariling baso sa lamesa.
Why is she asking me those questions?
"Alam mo kasi..." aniya at ibinaba ang baso. Nakikita ko pa ang usok na lumalabas sa bibig niya dahil sa lamig ng klima. "...narinig ko kayo."
Natigilan ako at agad na lumingon sa kanya. "Huh?"
"Hindi pa naman umabot ng tatlong linggo." Pagpaparinig niya at tumawa ng kakaiba, tila kinikilig ba o ano.
"Ano po ang ibig niyong sabihin?"
"Noong gabi na oras pagkatapos ng inyong kasal, bumisita kami dito sa mansyon at plano sanang sosorpresahin kayo." She giggled.
Agad akong nakaramdam ng lamig. Tulala lang akong nakatingin sa kanya, nag-aabang parin sa idudugtong niya. Don't tell me...
"Tapos, narinig ko kayo, hihi!" doon na siya tumili sa upuan niya at sa halip na makipag-tawanan rin ay nanlakihan ang mga mata ko at tuluyan ko nang naibaba ang baso ko. Napaawang ang bibig ko sa sinabi niya. "Kaya umalis nalang kami ng lolo mo."
Tumawa ulit siya ng malakas kung kaya't umaakto akong uminom ng kape saka nag-iwas ng tingin. Shit!
"Tinanong kita ng mga ganoong bagay dahil nagbabakasakali lang." aniya at sumipsip ulit sa baso niya. "Na baka...mabuntis ka tapos, magkakaapo ako!"
Halos mabilaukan ako sa kape ko.
"Pero wala pa naman tatlong linggo. Maghihintay-hintay na lang muna ako."
Tatlong linggo?!
Tuluyan ko nang nabuga ang kape na iniinom ko. Mabuti nalang at sa gilid iyon, hindi nadumihan ang suot ko.
Napasinghap siya at agad akong inalalayan, hinahaplos ang likuran ko. "Naku!"
"O-okay lang po ako!" nahihiya kong sabi at pinahiran ang sariling bibig. "O-okay lang po..."
"Bakit ka nauutal?"
Bakit naman hindi?!
Sa sinabi niya, agad akong nakaramdam ng kaba. Wala pang tatlong linggo. Baka...ano....
Jusko!
Lumanghap ako ng maraming hangin at napasandal nalang sa rocking chair ko. Sa bawat pagbuga ko ay makikita ko ng usok na lumalabas sa bibig ko.
"Alam mo Isabelia, hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin nito ngunit...nakakasiguro akong magkamukha talaga tayo." Aniya at huminahon na saka uminom ulit sa baso niya.
Tumango ako kahit nahihirapan pa ng kaunti. "Tapos halos magkapareho rin tayo ng pangalan dahil sa ama ko."
"Tama!" bulalas niya pa. "Subalit, paano nangyari 'yon?"
"Ang ama ko po. Dahil sinabi ni Lolo Faulicimo sa kanya na magkamukha tayo at alam niyang may gusto si lolo sa'yo noon kung kaya't ipinangalan niya ako mula sa'yo. Nang-aasar sa ama niya ngunit tinotoo."
Napatawa siya at ibinaba ang baso niya. Bumuntong-hininga ako at ibinaba na rin ang baso ko sa lamesa saka lumingon ulit sa kanya.
"Paano po kayo...nakaalis sa Binondo?"
Nang maitanong ko iyon ay naglaho ang ngiti sa labi niya. Napayuko siya saka hinahaplos-haplos niya ang likuran ng kamay niya.
"Noon, talagang mahirap ang buhay ko. Namatay ang ama ko. Sa paglaki ko ay nakasama ko si Antonio. Noong una ay may lihim ako na pagtingin sa kanya. Inakala ko na hanggang pagkakaibigan nalang kami hanggang sa nagtapat siya sa totoong nararamdaman niya. Naisip ko, siguro, imposibleng mangyari 'yon. Imposibleng may kalayaan kaming mahalin ang isa't isa dahil ikakasal na siya sa ibang babae na mayaman rin katulad niya, habang ako naman ay isang indio lamang na nakatira sa Binondo, nagtitinda ng mga pansit at iba pang intsik na lutuin kasama ang kapatid at ina ko."
Tahimik lamang akong nakikinig sa kanya.
"Tapos, no'ng nadakip ako sa mga bandido, doon ko nalaman ang katotohanan, ang lahat-lahat. Na ang ama ko ay kasapi ng mga bandido ngunit umalis at nagpakalayo kasama sa ina at kapatid ko. Si Faulicimo ay parte rin sa grupong iyon. Ang pinuno nila na si Tigre ay kapatid ng ama ko. Nagmahalan sila ng ina ko at anak nila si Ate Tina. Ako lamang ang totoo at nag-iisang anak ng ama ko. Ginamit lang ni ina ang ama ko sa pera at nasasayahan pa siya no'ng ginarrote...ang pinakamamahal ko. Lahat ay pag-aarte lang nila. Lahat ng mga naipon naming pera ay napunta sa mga bandido at nagsisinungaling silang lahat sa akin. Sa mga oras na iyon ay nawalan na ako ng pag-asa lalo na't wala na akong taong maaasahan."
"Kung kaya't tumakas ako. Nahabol ako ni Juan Timoteo ngunit ipinagliban ko ang lahat ng takot ko at walang pagdadalawang-isip na tumalon sa bangin. Sa pag-ahon ko ay nagpatuloy ako hanggang sa nakita ko si Antonio, na pinapatay rin ang sariling ama. Ni hindi ko naitanong sa kanya ngayon kung bakit. Lumisan kami palabas ng kagubatan at sumama ako sa kanya dahil siya nalang ang naisip kong tanging pag-asa."
Bumuntong-hininga siya ng ilang sandali bago nagpatuloy.
"Tapos, sa paglisan namin patungo sa Tarlac ay naabutan namin si Ate Tina at si Heneral Dominico sa mansyon. Ipinaliwanag ni Ate Tina sa akin ang lahat-lahat, na napilitan lamang siya ni ina at ni Juan Timoteo saka iniligtas raw siya ni Heneral Dominico. Noong mga oras na iyon ay hindi pa alam ng mga bandido kung kaya't agad kaming umalis. Silang dalawa ay lumuwas patungo sa ibang bansa habang kami naman ng lolo mo ay pumunta dito. Dahil nagugustuhan ko ang lugar na ito ay sinabihan ko si Antonio na kung pwede ay dito na kami manirahan. Hindi siya tumutol."
Nakatingin pa rin ako sa kanya. Maliit ang ngiti niya ngunit may bahid na kontento ay kaginhawaan.
"Agad kaming nagpapakasal at pagkatapos no'n ay nabalitaan nalang namin pagkalipas ng tatlong taon na napatay ni Faulicimo si Juan Timoteo at naipakulong niya ang ina ko. Nabuwag ang lahat ng mga bandido ngunit binigyan niya iyon ng makatarungang trabaho."
Magkapareho lang ang kwento niya sa sinabi sa akin ni Anton.
"N-napatawad mo ang kapatid mo?" I asked.
Lumingon siya sa akin at tumango. "Mahal ko ang kapatid ko. Kahit na marinig ko ang mga masasakit na salita niya ay hindi iyon maging hadlang sa sarili kong konsensya. Mapapatawad at mapapatawad ko pa rin siya sa huli."
"Kahit ang ina mo?"
Umiling siya. "Hindi ko mapapatawad ang ina ko. Narinig ko sa mismong bibig niya na nagdadrama lang siya noong oras ng paggarrote ng ama ko. Lahat ng iyak niya ay hindi totoo. Nagpapakita lang siya sa mga tao."
"Hindi ka ba nagagalit sa ama mo lalo na't sinabi ni Juan Timoteo na may kasalanan rin siya na inilihim niya mula sa'yo? Tulad ng pagiging bandido niya? Tulad ng pag-alis niya mag-isa habang naiwan sa kahirapan ang pamilya niya?"
Kumunot ang noo niya. "Paano mo nalaman iyon?"
Doon ako natigilan. Oo nga pala! Hindi niya sinabi 'yon!
"S-sinabi mo..." tugon ko at hilaw na tumawa, talagang nagsisinungaling at hindi nagpapahalata.
"Wala akong natatandaan na sinabi ko 'yon—"
"Sinabi mo kay Anton." Dugtong ko sa sinabi ko. Napaawang ang bibig niya at kalaunan ay tumango.
"Nasabi ko nga 'yon sa kanya."
Phew!
"Mahal ko ang ama ko." She said ang sighed. "Hindi ko kayang magalit sa ama ko dahil...siya lamang ang totoong nag-aalaga at nagmahal sa akin. Ginahasa raw niya ang ina ko at pinilit...hindi ko maiintindihan pero hindi ako naniniwala sa kasabihang iyon. Hindi ako naniniwala na magawa 'yon ng ama ko."
"Pero—"
"Matindi ang galit ni inay kay itay." Kumuyom ang palad niya. "Siguro ay gumagawa lang siya ng mga salita upang makaramdam ako ng galit at maniniwala ako sa kanya subalit...dahil sa katotohanan na ibinunyag niya lalo na sa pagkabandido niya ay napukaw ang damdamin ko. Naisip kong mas paniniwalaan ko muna ang nararamdaman kong tama maliban sa mga sinabi niyang wala pang katibayan."
"Hindi ka nagtanong kay ate—este, kay Lola Cristina? Sa kapatid mo?"
"Nagmamadali kami sa mga oras na iyon. Ngayon lang ako nakapag-isip isip ng maluwag lalo na't may kalayaan na sa desisyon ko."
Mapait akong napangiti. "At isa doon ang kalayaan mo sa pagmahal?"
She chuckled. "Tama. Sa oras na maikasal ako kay Antonio ay lubos akong nagpapasalamat at lumuhod sa harapan ng altar, hindi ko na napigilan ang luha ko dahil napagtanto kong magagawa at maitutupad mo ang mga bagay kung paghihirapan mo iyon, kung ipaglaban mo talaga 'yon. Naitupad ang mga pangako namin sa isa't isa. Higit akong nagpapasalamat rin sa lolo Antonio mo dahil mahirap rin ang pinagdaanan niya sa pamilya niya. Siya ang nagpapalabas sa mga maduduming gawa ng ama niya. Sa paninirahan niya sa hacienda nila ay lubos siyang pinapahirapan ng mga taong mahal niya."
Hindi ko alam. I want to ask Anton after this pero siguro ay hindi na kailangan lalo na't nasa ibang misyon na kami.
"Sa kabila ng lahat ng pinagdaanan naming dalawa ay kasiyahan ang umunlad. Sa kabila ng paghihirap namin ay nagtagumpay kami. Sa kabila ng mga nasasayang na luha ay may napag-aralan kami. Na kahit anong mangyari sa buhay ay huwag kang susuko dahil masagana ang naghihintay sa huli at mas malaki pa sa lahat ng suliranin na tinatahak mo. Kami ng asawa ko ay malayo na ang narating."
Napangiti ako sa sinabi niya at tumingin sa harapan. Dinamdam ko ang malamig na hangin na sumalubong sa amin. How sweet. Isa pa, kung hindi dahil sa amin ni Anton ay hinding hindi sila magkatuluyan kailanman. And I don't feel any dismay at all. Hindi man nila alam na may misyon kami ngunit sapat na ang makita naming masaya ang kinahahantungan nila sa buhay ngayon. Na ang una naming buhay ni Anton ay humantong sa masayang dulo, sa kabila nga ng iyakan, ika ni Isabelita.
"Kaya ikaw Isabelia," aniya at hinawakan ang kamay ko. Napatingin ako sa kanya at ngumiti naman siya. "Kahit anong mangyari, huwag na huwag kang susuko sa buhay. Laban lang. Darating rin ang isang masaganang dulo sa'yo, mas marami pa sa paghihirap na nararanasan mo."
Napayuko ako at dahan-dahang umangat ang magkabilang sulok ng labi ko.
"Ngayon na kayo ay ganap na na mag-asawa, mahalin niyo ng lubos ang isa't isa. Magtulungan kayo sa gitna ng kahirapan, gawin niyo ng makulay ang paparating na pamilya niyo. Magsilang kayo ng maraming anak, turuan mo sila ng mga aral na napupulot mo mismo sa karanasan,"
Napatingin ako sa kanya.
"At magpapakatatag ka."
Naglaho ang ngiti sa labi ko.
"Dahil ang asawa mo ay isang sundalo na mataas ang rango, isang respetadong heneral. Madalas ay hindi siya makakauwi sa trabaho. At tayo ay nasa gitna parin ng kolonisasyon ngayon. Hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa mga susunod na panahon. Kung sakaling magkaroon ng digmaan, talagang ilang buwan kayong malayo sa isa't isa. At may mga oras na mapapahamak ang anak ko. Nagkamabutihan na kami dahil iyon ang desisyon niya noon pa man kahit labag sa damdamin namin bilang lolo at lola niya. Bago kayo ikinasal, kahit may pagkababae ang ugali niya ay matatag na ang paniniwala niya at malakas ang saloobin niyang lumaban para sa ating mahal na bansa."
Nanlamig ako ngunit hinigpitan lang niya ang hawak sa kamay ko.
"Anong...ibig niyo pong sabihin?" kumunot ang noo ko.
"Lagi mong tandaan." Seryosong sabi niya. "Babalik at babalik si Anton sa'yo sa hirap at sa ginhawa. Magtiwala ka lang sa kanya. Huwag kang mawalan ng pag-asa."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top