Kabanata 20

"A-anong ginagawa mo rito!?" napasigaw si inay sa likuran ko nang makababa na siya.

Pakiramdam ko'y agad napalibutan ng lamig ang paligid. Tumaas ang isang kilay ni Don Miguel at nakakakilabot siyang ngumiti dahil sa reaksyon ng ina ko. Napatingin naman kaagad ako ni inay sa likuran na ngayo'y nanghihina at nanginginig sa takot at pangamba. Inalalayan siya ni Ate Tina at hinahaplos-haplos parin ang likod niya.

Nararamdaman kong napapigil ako sa hininga nang tumingin siya sa akin. Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa at hindi parin nawala ang ngiti sa labi.

"Ika'y dalaga na," puna niya pa. "Huli kitang nakita nang bumisita ako rito para sa kaarawan ng ama mo...noon."

Hindi ako tumugon at nananatiling hindi gumagalaw sa pwesto ko.

Pakiramdam ko'y nasasakal na ako sa kabingian ng paligid. Halos naririnig ko na ang bawat pagkudlit ng kaniyang daliri sa hinahawakang tungkod. Sa oras na iyon ay ang tuluyang paglaho ng ngiti sa labi niya. Sumeryoso kaagad ang hitsura, nagpatuloy siya sa pagsasalita.

"Anong ginagawa mo dito, Don Miguel?" tanong ni Ate Tina. Hindi siya natatakot at kinakabahan.

Napaatras kaming tatlo nang tumayo siya. Hindi naman siya lumapit sa akin kung kaya't natatawa siya sa reaksyon namin. Kumuyom ang mga palad ko.

"Huwag kayong mag-aalala, hindi ako nangangagat." pagbibiro niya at umayos sa pagtayo. "Nandito ako para sa isang kasunduan."

"Kasunduan?" I asked. Lumunok muna ako bago nagtanong ulit. "A-anong kasunduan?"

"Madali lang." aniya at sumeryoso ang mukha. May inilabas siyang papeles sa kaniyang amerikana at inilapag iyon sa lamesa. Tumitingin-tingin rin siya sa paligid at nanunuksong ngumiti. "Bibilhin ko ang pansiteryang ito."

Napaawang ang bibig ko at napatingin sa kapatid at ina ko. Nanlakihan rin ang kanilang mga mata at napasinghap ako nang mas nanghina si inay at halos matumba na. Tumulong ako sa pag-aalay at nararamdaman kong nanlalamig na ang ina ko. Inis akong napabaling sa lalaking nasa harapan namin ngayon.

"Bakit mo bibilhin?" tuluyan nang naglaho ang kaba na nararamdaman ko.

"Isabelita," pagbabanta ni ate. Hindi ko na siya nilingon pa. Hindi rin naman ako papayag na ibigay ito sa kanila, kung kaya't huwag ka ring mag-aalala, ate!

"Hmm..." ani Don Miguel at umaaktong nag-iisip. "Sa ngayon ay nagkukulang kami sa mga bahay-imbakan at wala na kaming mabibili pa na lupain. At isa rin, magiging abala na rin sa oras at panahon kung tanging lupa lang ang bibilihin namin kung kaya't napag-isipan kong bilhin ang pansiteryang ito."

"Ha!" I scoffed. "Sa tingin mo ba'y sasang-ayon kami sa sinasabi mo? Nasa amin ang titulo ng lupang ito at ito ang tanging pinagmulan ng kita namin."

"Kaya nga dala-dala ko ito." aniya at iwinagayway ang papeles. "At bilang kapalit ng pansiterya niyo, bibigyan ko kayo ng lupain mula sa hacienda namin. Sangkapat na porsyento. Mas malaki pa sa pwesto niyo dito."

"At ano?" sulpot ni ate. "Lupain na walang bahay? Ano ang gagawin niyo sa amin? Pagpapatrabahuin ng lubusan? Papahirapan ng husto? Kagaya ng palaging ginagawa mo sa mga taong walang-wala kung kaya't malapit lang sa mansyon niyo?"

"Iyan ay lupain niyo at sigurado akong may masama kang balak sa amin!" dagdag ko pa.

"Kayo'y nalalayo na sa pinag-usapan," agad na sabi ng lalaki. "Ang kasunduan lang ang kagustuhan ko—"

"Hindi kami sasang-ayon!" putol ni inay sa kanya. "Umalis ka na at magdadasal pa kami! Tara, Isabelita, Cristina!" wika ni inay at hinila kaming dalawa patungo sa itaas ngunit hindi natuloy nang magsalita ulit ang matanda.

"Nasa kamay ko ngayon ang kasulatan at kasunduan ukol sa pansiteryang ito." napatingin kami sa kanya at itinaas niya ulit ang papel. "Batay sa itinala, napakalaki ng utang ninyo at hindi pa rin nababayaran hanggang ngayon. Ano sa tingin niyo ang mangyayari?"

Kumunot ang noo ko at tumingin sa kanila na nagulat sa sinabi ni Don Miguel. "'Nay, hindi ba't nababayaran na natin iyon?"

"M-manghuhuwad!" sigaw ni inay. "Kakabayad lang namin noong nakaraang buwan, lalo na sa sedula!"

Nanunuyang umiling si Don Miguel at ngumiti. "Maaari ninyong tignan ang papeles na ito."

Marahas na lumapit si inay at agad na binasa ang bawat pahina ng kontrata. Napaawang ang bibig niya at nanginginig na naman siya kung kaya't nilapitan na siya ng kapatid ko.

"Iyan ba ang totoong papeles sa pansiterya natin inay?" tanong ni ate.

"O-oo..." nauutal na tanong ni inay at umiling. "Ngunit i-imposible ito! Kada-buwan ako nagbabayad, Cristina!"

"Kung ganoon, pupuntahan natin ang oficina de impuestos ngayon din." kalmadong sabi niya at tumingin sa akin. "Maiwan ka muna dito, Isabelita."

"Huh?!" natatarantang sabi ko ngunit napasinghap nalang nang lumabas na silang dalawa at naiwan ako kasama ang matandang ito. "H-hoy! Teka!"

"Quédate." sabi ni Don Miguel ngunit nilagpasan ko lang siya.

Sa pagbukas ko ng pintuan ay napahinto ako nang makitang may nakabantay na na dalawang kawal ng mga Riguarios. Hawak-hawak nila ang isang armas na may matulis na kutsilyo sa dulo neto. Seryoso nila akong tinakpan ng daanan palabas!

"Umupo ka muna." narinig ko ang boses ng matanda.

Napalunok ako at bumalik kaagad ang kaba ko. Napapikit ako sa inis bago lumapit sa pwesto niya at umupo sa harapan niya. Pumasok na ang dalawang kawal at nananatiling nakatayo sa likod niya. Bahala na si batman. Umaasa rin naman akong usap lang ito at walang patayan. Grabe naman si ate at inay. May tiwala ba sila na kaya kong mapatumba ang matandang ito?

"Narinig kong si Dominico ang nagbayad sa sedula niyo." panimula niya. "Dahil napahamak kayo sa paraang iyon."

Tumango ako. "Siya ang nagprisintang magbayad. Nagulat nalang kami kinabukasan dahil natapos na. Hindi rin siya magpapabayad sa amin kaya tanging pasasalamat nalang ang naibigay ng pamilya namin sa anak niyo."

"At tinulungan rin kayo ni Antonio..." aniya at nagkukudlit ulit ng sariling daliri sa tungkod na hinahawakan.

"O-opo. Niligtas niya ako noong oras na iyon." kinakabahang sabi ko. "Ilabas niyo ang galit niyo sa anak mo dahil sila ang nagdesisyon ukol doon. Wala kaming kinalaman sa ganoon. Willing—este, naghahanda naman kami sa mga babayarin namin ngunit inunahan na kami ni Heneral Antonio. Hindi rin nakakaganda kung susumbat ka pa sa amin."

Kung ganoon ang mangyayari ay magsisikap ako upang makabayad kami. Maghahanap ako ng trabaho kahit mahirap. Ayaw ko namang umasa kami sa iba ngunit natapos na ang lahat, at hindi na maibabalik ang mga lumipas na.

Bumuntong-hininga siya at seryosong tumingin sa akin. "Hindi ko alam kung ano ang nakikita ni Antonio sa'yo at siya'y nagkakagusto sa'yo."

Ayan na naman. Nalalayo ulit sa topic!

Nanlakihan ang mga mata ko at umaaktong nagulat. "P-po?"

"Ikakasal na siya at ikaw pa rin ang inaabala niya...kaysa sa nobya niya."

Napalunok ako at napayuko. Kasalanan ko ba?

"Mas pinili niya pa ang isang intsik kaysa sa nag-iisang babae ng mga Ylmedas." pagpaparinig ni Don Miguel.

Naikuyom ko ang mga palad ko sa inis. Nandito na naman tayo.

"Ngayon lang siya sumuway sa mga utos ko. Ni hindi na nga nakikinig sa akin! Hindi siya sumasali sa mga piging na ihinanda ng pamilya ng nobya niya at ayaw na rin niyang lumapit sa babae!" nadidismayang sabi niya.

"Mawalang gana na ho pero, ano ang ibig mong iparating sa akin?" agad na tanong ko sa kanya. Nanlilisik ang mga mata niyang sumulyap sa akin. Tinaasan ko lang siya ng kilay at sumandal ako sa upuan ko.

"Lumayo ka sa anak ko."

I scoffed. "Hindi naman ako ang lumalapit sa kanya."

"Ibig kong sabihin...lumayo kayo rito sa Binondo. Huwag ka nang magpapakita sa kanya."

Natigilan ako at napaawang ang bibig ko. A-ano?! Aba, sumosobra natong tandang ito, ah!

"Sino ka para pagsabihan ako niyan!"

"Tandaan mo, Isabelita, magkaiba ang estado niyong dalawa. Ikaw ang lubusang mapapahamak sa ginagawa niyo."

"Ano naman ang ginagawa ko?"

"Ikaw ay may kasalanan rin dito dahil ang mga kilos mo ay ang nagpapaakit sa kanya na manatili siya sa tabi mo. Kung siya'y iyong pinagsabihan at kung iniba mo ang pakikitungo mo sa kanya'y titigil 'yan." aniya at umayos sa pag-upo. "Alamin mo kung saan ka nakatayo. Ikaw ay isang intsik lamang. Walang wala ka sa mapapangasawa niya."

"Hoy tanda, alam ko 'yan." napairap ako. "At sinabihan ko na rin iyang anak niyo na lumayo ngunit ang tigas ng ulo. Dapat ay pagsabihan mo rin 'yan."

Nanliit ang mga mata niya at sumeryoso na siya, hindi katulad kanina na mukhang nagbibiro pa. Totoo naman, ah! Mas gusto ko nga na lumayo na si Anton para magawa ko na rin ang misyon ko ngunit ayaw magpapatinag ang loko! Hindi ko rin alam kung may magbabago kung ganoon ang pangyayari.

"Eres como tu padre," he said and chuckled darkly.

Kumunot ang noo ko sa inakto niya ngunit nagpatuloy lang siya.

"Naaalala ko si Arnulfo sa'yo. Ikaw ay isang ngang tatak na Peguerra."

Arnulfo? Who the heck is that?

"Wala kang delicadeza." aniya at umiling. "Katulad ng ama mong pilibustero at erehe."

So ama ko si Arnulfo? Tseh! Tanggap ko na wala akong delicadeza kaya hindi na ako masyadong affected.

"Tumahimik ka." seryosong sabi ko at kumuyom ang mga palad ko.

"Siguro'y hindi mo alam ang totoong pangyayari, Isabelita, ngunit nararapat lang na mamatay ang ama mo. Pakibigay nalang ng pakikiramay ko." aniya at humahalakhak. "Ang kaniyang paniniwala ay hindi naaayon sa kasalukuyang mga paniniwala ng pamahalaan, at lalo na sa simbahan. Nararapat lang na walang naniniwala sa kanya, walang tumulong sa kanya. Siya ay isang napakabuktot na tao."

"Sinabing tumahimik ka!" hindi ko na napigilan ang pagtaas ng boses ko. Akmang na lalapitan sana ako ng mga kawal ngunit pinigilan sila ni Don Miguel.

Hindi ko man ama si Arnulfo ngunit siya ay patay na at dapat na galangin. Hindi ko man alam ang totoong dahilan ngunit ama iyon ni Isabelita, at dapat respetuhin!

"Sinabi ba ng ina mo na...ako ay mang-aapi lang sa mga walang kaya at sa mga mahihirap?"

Hindi ako nagsalita. Narinig kong sinabi 'yan ni inay at Ate Tina noon.

"Kung ganoon, nagkakamali siya." aniya at humigpit ang hawak sa dinadala-dalang stick.

"Anong ibig mong sabihin?" kumunot ulit ang noo ko.

Tumingin siya sa akin ng ilang sandali bago nagsalita.

"Dahil...hindi mahirap ang ama niyo, Isabelita. Mayaman ang pamilyang Peguerra. Mayaman si Arnulfo."

Napaawang ang bibig ko at umayos ng upo. Ang ama ni Isabelita, mayaman?!

Naguguluhan ako pero nagpatuloy lang siya. "Si Arnulfo ay ang pinakamalapit na kaibigan ng Kapitan Heneral. Siya ay naisilang sa Britanya at lumaki sa Tsina saka doon na rin nagtrabaho bago tuluyang lumipat dito sa bansa. Nag-aral siya sa kursong doktor ngunit hindi niya iyon natapos dahil nagkaroon ng sakit sa puso ang kaniyang ina at kailangan niya itong alagaan at hindi pababayaan mag-isa. Gayunpaman, may sapat siya na mga salapi upang mamuhay ng walang kahirap hirap."

Hindi ako nagsalita at seryoso lang na nakikinig sa kanya.

"Maraming naipatayo na mga bahay-paaralan si Arnulfo dito sa lugar. Marami rin siyang natulungan na mga indio upang makapasok sa trabaho, hindi lang sa Polo y Servicio. Doon niya nakilala ang ina niyo, sa bentahan ng mga palayok sa malapit na palengke. Si Ulaya Negrofado noon ay anak ng isang tindera na nagtitinda ng mga isda. Hindi alam ng ina mo na mayaman si Arnulfo kung kaya't hindi siya naabala sa pakikitungo sa ama niyo. Hanggang ngayon ay naniniwala parin siyang mahirap lang si Arnulfo at walang kalaban-labang. Iyan din ang itinuro niya sa inyong magkakapatid."

"Mabuti at alam mo ang lovestory ng mga magulang ko." halos mapairap ako ngunit hindi ko na itinuloy.

"Nagkaroon ng hindi pagkasunduan dito sa Calle San Fernando noong oras na iyon. Nagulat na lang ang mga tao nang may binaril ang mga guwardiya sibil na isang intsik dahil pumatol ito sa kanila. Nagkaproblema sila ukol sa lugar ng bentahan. Ang matandang napatay ay nagbebenta ng mga sutla at nahuli ng mga kawal na may nakatagong pulbos ng mga punglo para sa baril sa bawat pirasong tela. Ang gawaing iyon ay nakalalabag sa batas dahil tanging ang mga kinikilala at rehistradong vendedor lamang ang maaaring magbenta kung kaya't nagkaroon ng marahas na pagsuri sa bawat bahay sa kabuuan ng Binondo. Nagkaroon ng revisión inmediata de casas at may nahuli na maraming pondo ng mga punglo at pulbos sa pansiterya ninyo. Sa kwarto mismo ng ama mo."

Napasinghap ako at napailing. Nakaramdam ako ng sakit sa ulo at sa oras na iyon ay may naaalala na naman ako.

"Inay! Tulungan natin si itay!" napahagulgol ako at pilit kong kinuyom ang dulo ng baro ng ina ko. Napayakap naman sa akin si Ate Tina habang umiiyak rin siya.

"Arnulfo, mahal, sabihin mo sa kanila na hindi ikaw ang may kagagawan niyan!" sigaw ng inay ko at mahigpit na niyakap si itay ngunit itinulak siya ng dalawang guwardiya sibil kung kaya't natumba at napaupo siya sa sahig. Ang ama ko ay pilit na kumawala sa hawak nila ngunit iginapos na ng mga kawal ang dalawang papulsuhan niya sa likuran niya. Ipinaluhod siya sa sahig at nagpatianod lang si itay.

"Huwag mong saktan ang asawa ko!" sigaw niya at napadaing siya sa sakit nang mas hinigpitan pa ang pagkatali ng mga kamay niya.

"'Tay!" sigaw ko ulit at lalapit sana ngunit sinigawan niya rin ako.

"Huwag kang lumapit, Isabelita! Lumayo ka!" aniya at tumingala upang tumingin sa mga kawal. "Por favor, déjalos ir. llévame solo, por favor." (Please, let them go. just take me alone, please.)

"'Tay, hindi mo kasalanan!" halos hindi na ako makapagsalita dahil sa patuloy na pag-agos ng luha ko. Nakakasakal sa puso tignan ang ama ko na walang kalaban-laban sa kamay ng mga Espanyol!

"Cállate!" (shut up!) Sigaw ng isa sa mga tauhan.

"Maawa po kayo!" sigaw rin ni Ate Tina at basag ang boses na nagmamakaawa.

Lumuhod ako, halos humalik na sa sahig. "P-pakiusap po!"

"Isabelita, tumayo ka!" napipiyok na tugon ni itay ngunit umiling ako. Hindi ako tatayo rito hangga't hindi nila pakawalan ang ama ko!

"Levántate!" (stand up!) sigaw ng isa at ipinatayo na ang ama ko. Napatingala ako at kaagad na tumakbo papalapit kay ama nang makita kong ilalabas na siya sa kuwarto. Niyakap ko siya ng mahigpit, dahilan para mapahinto sila.

"'Tay! Huwag mo kaming iiwan nina inay at ate Tina!" nanginginig na ang boses ko at baradong barado na ang ilong ko. Hindi na ako makahinga pero nagawa ko paring niyakap ang ama ko ng sobrang higpit. Ayaw ko na siyang pakawalan pa dahil pakiramdam ko ay hindi na namin siya makikita muli.

"B-babalik ako, Isabelita." aniya at napatingala ako sa kanya. Yumuko siya upang mahalikan ako sa noo. "Mananaig ang katotohanan, anak. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko."

Nang masabi niya iyon ay tuluyan na siyang nahila ng mga guwardiya sibil kung kaya't napaatras ako. Sa pagbaba nila sa hagdan at sa pag-alis nila ay sinundan ko sila sa labasan ng pansiterya. Ang mga mata ng mga tao ay mapanghusga at nandidiri silang napatingin sa ama ko na hinihila parin ng mga kawal. Sa harapan ko naman ay ang patay na katawan ng tindero na nagtitinda bigla kanina ng sulka sa harap ng karihan namin.

Sa pagpasok ko ay narinig ko ang sigaw ni inay. Agad akong tumakbo sa itaas at nakita kong nakaupo pa rin siya sa sahig at paimpit na umiyak. Yakap-yakap na siya ni Ate Tina ngunit umiiling-iling pa rin siya at halos hindi na huminga. Ang sigaw niya ay may katumbas na sakit, poot, at galit.

Sa gilid ko ay ang mga nakakalat na punglo at pulbos ng bala. Naniniwala akong hindi si itay ang kagagawan nito. 

Ni hindi niya ito magawa kailanman! Nararamdaman kong pinagbibintangan siya!

"Nakulong siya ng halos limang buwan ng walang sapat na pagkain. Naghirap siya mag-isa doon. Tanging magawa niyo lang ay ang bumisita doon sa selda niya. Sinubukan niyang humingi ng mga tulong sa kaibigan niya ngunit lahat sila ay nagsiatrasan dahil...naiinggit rin ang mga iyon sa kaniya, sa kayamanan niya. Ikinaliligaya nila ang pagkakulong ni Arnulfo, Isabelita." mahinahong sabi ni Don Miguel sa harapan ko. Hindi ko namalayang namumuo na pala ang luha sa mga mata ko dahil sa ala-ala ni Isabelita sa ama niya.

"At isa ka sa mga kaibigang iyon?" sarkastiko kong tanong. Tumaas ang isang kilay niya at nanunukso siyang tumawa.

"Minsan oo...minsan rin hindi." nagkibit siya ng balikat. "Sa oras na iyon ay ang pag-angat ko sa industriyang pangkalakalan. Iyon nga ang pinakamasayang mga panahon ng buhay ko."

"Hayop ka..." hindi ko na napigilan ang sarili ko. "Tao ka ba talaga?"

"Dahan-dahan lang mahal," malungkot na sabi ni inay nang makitang sabik na sabik at ganang gana si itay sa pagkaing iniluto namin para sa kanya. Tumulo ang isang luha ko habang pinagmasdan ang ama kong nasa loob ng selda at maduming madumi na. Payat na payat na rin ang kaniyang katawan at nagkasugat na ang paa niyang may tali na bakal upang hindi siya makatakas. Si Ate Tina ay tinakpan ang sariling bibig upang hindi marinig ni itay ang hagulgol niya.

"Ano ba ang nangyari sa atin, Arnulfo?" tanong ni inay sa bigong boses.

Sinubukan kong hawakan si itay. Ipinasok ko ang kamay ko sa mga bakal at hinawakan ang papulsuhan niya ng marahan. Napahinto siya sa pagkain at dahan-dahang lumingon sa akin. Malungkot akong ngumiti.

"Itay, apat na buwan ka na rito." halos hindi ako makapagsalita. "M-malapit ka na bang makalabas?"

Hindi siya nagsalita.

"M-may pag-asa bang...m-mananaig ang k-katotohanan?" nabasag na ang boses ko.

Nang masabi ko iyon ay agad na nagsihulugan ang mga luha niya. Napahagulgol nalang ako nang makita ang bigong hitsura ng ama ko. Umiiling-iling ako at hinawakan ang kamay niya ng mas mahigpit.

"T-tay, gusto na naming sumama ka sa p-pag-uwi." nanginginig ang mga labi ko at ganoon din sa kapatid at ina ko. Si inay ay hinaplos ang mukha ni itay.

"Arnulfo, paano ba ito? W-walang tutulong sa atin. Ikaw ay pinagbintangan ng pilibustero at erehe dahil sa kaso mo noon, noong nag-aaral ka pa. Sabi nila'y sumuway ka raw sa mga doktrina ng mga guro sa unibersidad. Napagalitan ka raw ng kura-paroko noon, na naging dahilan ngayon kung bakit mas ayaw nilang tumulong sa'yo ngayon!"

"Totoo naman, mahal!" nagsalita si itay. "Ipinaglaban ko lang noon ang karapatan ng mga estudyante dahil puro paninira sa pamahalaan at diskriminasyon sa mga mahihirap ang ipinapahiwatig nila. Tatag sila sa paniniwalang iyon na madalas ay puro haka-haka. Matagal na iyon!"

"A-ayaw nila tayong tulungan Arnulfo dahil pinamagatan nilang p-pilibustero at e-erehe ang pangalan mo. Ayaw na nila..."

"Ulaya," pagtawag ni itay. "Nabubuhay akong lumaban sa nararapat. Pantay-pantay ang pagtingin ko sa kapawa nating mga Pilipino. Kahit na nakakasiguro akong bigo na ako ngayon ay patuloy kong ipaglaban ang tama at makatotohanan."

"Mahal, huwag mong sabihin 'yan!" napaiyak ulit si inay.

"Tahan na. Umuwi na kayo baka maabutan pa kayo ng mga alguasil." aniya at may ibinigay na liham. Kada-bisita kasi namin rito ay magbibigay siya at magbibigay rin kami. "Ako'y natutuwa na rin dahil ang mga inipon kong pera ay hawak mo, mahal. Gamitin niyo iyon sa mga babayarin at sa bilihin. Ipagpatuloy niyo ang pansiterya dahil...hahanap-hanapin 'yon ng mga tao sa Binondo." nagawa pa niyang magbiro at tumawa ngunit sinapak lang siya ni inay sa balikat.

Napayuko nalang ako at tahimik na umiyak. Panginoon, alagaan at sanggalangin mo ang ama ko laban sa mga masama. Sana ay makamit niya ang kalayaan at sana ay matapos na ang mga paghihirap na nararanasan namin ngayon.

"Bakit? Akala siguro ng ama mo'y isa siyang bayani na lumaban sa nararapat, hindi ba?" humahalakhak siya. "Alam mo, hindi nagagamit ang mga taong naninidigan ng ganoon sa panahon natin ngayon, Isabelita. At lagi mong tatandaan, nasasakim ang mga tao sa kapangyarihan, kayamanan, at malinis na dignidad ngayon. Kahit pa kung kaibigan mo iyon, malaki ang pagkakataon na mas pipiliin nila ang ikakaligtas nila kaysa ikakapahamak nila. Iiwanan ka rin nila sa huli."

Ngumalit ang mga ngipin ko sa galit. Humigpit na ang pagkakuyom ng mga palad ko. Pinigilan ko lang ang sarili ko na hindi masuntok ang matandang ito.

"Sa ikalimang buwan, nasaksihan din na siya ay nakikipag-alyansa sa mga bandido. Siya ay palihim na naghahanap ng higanti laban sa pamahalaang Espanyol. Labis na nagalit ang hukom ng tagapamayapa laban sa kaniya, na siyang nagmumungkahi ng garote bilang parusa sa kanya."

Nanlakihan ang mga mata ko at kumunot ang noo ko. Ano?!

"Pilibustero, erehe, traydor sa sariling bansa, binansagan siya ng ganoon. Nadumihan ang pangalan niya." dagdag niya pa.

Nadapa ako sa sahig ngunit pilit pa rin akong ipinatayo ng ina ko. Nauna nang tumakbo si Ate Tina.

"Isabelita, bilis!"

Umiiyak parin ako habang tumatakbo. Si inay ay nauna na at narinig ko ang pagkulog ng langit. Alas-singko ngayon ng umaga ngunit nabalitaan namin na si itay ay nadadagdagan ng kaso at ngayo'y napagdesisyunan ng mga hukom na siya ay igarote!

Hindi ko maiintindihan! Bakit madaya ang mundo? Bakit hindi patas ang mga batas? Bakit ba mas umaangat ang mga mayayaman kaysa sa mahihirap? Bakit ba nila pinagbibintangan ang ama ko?!

Makulimlim ang langit at malakas ang ihip ng malamig na hangin. Eksakto ring nakarating kami sa lugar na ipapaslang ang ama ko. Doon ko nakita ang limang militar na nakatayo na sa isang mataas na entabladong pang parusa. Nasa gitna nila ang isang garrote. Nanginginig ang katawan ko sa takot at naging mas malinaw ang paghagulgol ko.

"Papasukin niyo kami!" galit na sigaw ni inay ngunit hinarangan kami ng mga nakapaligid na batas-militar sa pwesto namin. Pinapalibutan nila ang garote sa gitna.

"Mga hayop kayo!!!" dumagdag si ate. "Mga walang hiya! Pinagbintangan niyo ang ama namin na walang ebidensya! Mga hayop kayo, putangina!!"

Nakatulala lang ako sa pwesto ko. Dumating na sa punto na walang ni isang luha ang lumabas na dahil naubos ko na sa kakaiyak. Nararamdaman ko ang matinding pagod. Gusto ko nalang na mamatay. Wala na talagang pag-asa. Ipapatay na nila si itay. Hindi niya nakamit ang katotohanan.

Pagod akong tumingala. Nakaramdam ako ng galit sa panginoon dahil...hinayaan niyang magdusa kami. Araw-araw akong nananalig sa kanya ngunit...mukhang ayaw niyang makinig sa taimtim na mga dasal ko.

Narinig namin ang mga yapak kaya nag-angat kami ng tingin. Hawak-hawak ang magkabilang braso ni itay ay hinila nila ito patungo sa itaas ng entablado. May nagsidatingan na mga tao at napasinghap sila sa nakita. Ang ama ko na walang kabuhay-buhay kung makapaglakad, lamlam ang hitsura, madumi na at napakapayat na din. Dahil sa muntik pa itong matumba ay nagalit ang mga kawal at binilisan ang paglakad.

"Arnulfo! Mahal! Nandito ako!!!!" pinakamataas na sigaw ni inay ang bumalot sa paligid. Pilit niyang itinutulak ang mga militar ngunit hindi niya nakayanan ang lakas nila.

"Itay!!!" sigaw rin ni ate. "Papasukin niyo kami! Itigil niyo ito!"

Gusto kong magsalita ngunit wala na akong boses. Tanging hangin na lang ang lumalabas sa bibig ko.

Nang makaakyat na sila sa entablado ay ipinaupo si itay sa harapan at inilagay ang bakal na konektado sa pang-ikot ng metalya. Sigaw at iyak ang inilabas ng ina at kapatid ko. Narinig ko ang pagtutol rin ng madla na kasama namin. Gusto kong sumigaw pero hindi ko na kaya!

"Algunas últimas palabras?" (any last words?) tanong ng isang kawal.

"Itigil niyo 'to!!!" si inay. "Arnulfo, mahal, maawa ka!"

Sa hitsura ni itay ay nararamdaman na niyang wala na siyang pag-asa. Tinignan niya sila inay at Ate Tina bago nagtagal ang tingin niya sa akin. Sa huling pagkakataon ay ngumiti siya.

"Lo siento..." (sorry) walang salita na bumigkas siya habang nakatingin sa akin ngunit nabasa ko iyon sa bibig niya.

"Berdugo!" sigaw ng namumunong kawal.

May inikot sila at humigpit iyon sa leeg ni itay, pilit siyang isinasakal ng bakal. Napadaing siya at pilit na kumawala. Napasigaw ulit ng malakas si inay at Ate Tina, at sa pagkakataong iyon ay bumalik din ulit ang boses ko.

"HUWAG!!!!" sigaw ko at pilit na pumasok ngunit itinulak nila ako ng malakas kung kaya't nahulog ako at napaupo sa berdeng sahig. Sa paghulog ko rin ay ang pagbitaw ni itay at ang pagkawalang buhay na niya. Napaawang ang bibig ko at napasigaw ako sa walang oras. Napasigaw ako ng napakalakas hanggang sa nararamdaman ko ang malamig na pagbagsak ng malakas na ulan.

Nang makita nila na patay na ang ama ko ay niluwagan na nila ang garote at itinanggal saka tinakpan ng maitim na tela ang ulo ng ama ko. Umiiling-iling ako at isinusuntok-suntok ang sahig. Wala nang luha pa na nais na lumabas sa mga mata ko.

Wala na si itay! Wala na ang ama ko! Pinatay nila ang walang kalaban-laban na ama ko!

Napasinghap ako at natakpan ko ang bibig ko sa naaalala ko. Nararamdaman kong patuloy na umaagos ang mga luha ko. Nanginginig ang mga kamay ko at nanlalamig ang katawan ko.

"Naaalala mo yata," natatawang sabi ni Don Miguel at kalaunan ay agad na sumeryoso ang itsura. "Kung kaya't ibigay niyo sa akin ang pansiteryang ito."

"Hayop ka..." halos hindi ako makapagsalita.

"Dahil kung hindi...ay pagpipilitan ko kayo, at matatakpan ulit ng kadiliman ang buhay niyo."

"Ano ang kinalaman mo sa pagpatay ng ama ko?!" pagalit kong tanong sa kanya.

Nakakakilabot siyang ngumiti at hindi nagsalita.

"I-ikaw ang nagbabanta sa ama ko?! Ikaw ang traydor na kaibigan niya?!"

Eksaktong bumukas ang harapang pintuan at pumasok si inay at si Ate Tina. Nagulat sila nang makita akong umiiyak. Agad nila akong pinuntahan at inalalayan.

"Anong ginawa mo sa anak ko?!" tumaas na ang boses ng ina ko.

"Ibigay niyo sa akin ang pansiteryang ito. Maghihintay ako ng limang araw." ngayon ay tumayo na si Don Miguel. Niyakap kaagad ako ni inay at napahagulgol nalang ako dahil sa nararamdaman ko.

"Wala kayong pambayad. At kung hindi ko na kayo uunahan ay siguradong may bibisita na militar kalaunan upang idadakip kayo."

"Imposible!" sulpot ni Ate Tina. "Ano ang kinalaman mo dito?! Bakit hindi pa kami nakapagbayad kung araw-araw kaming magbayad. Anong ginawa mo?!"

"Sabihin nalang natin na...sakim ako." humahalakhak siya.

"Hayop ka!" sigaw ko at tumayo para sana puntahan siya ngunit pinigilan ako ng kapatid at ina ko. "Mamatay ka sana! Hayop ka! Demonyo ka!"

Huminto siya sa pagtawa at sumeryoso ulit. "At ikaw Isabelita, lumayo ka sa anak ko."

"Wala kang puso! Pinatay mo ang ama ko tapos papahirapan mo pa kami ng ganito?!" patuloy pa rin akong sumisigaw habang nagpupumiglas. "Wala kang hiya!"

"Dahil kung hindi niyo ibibigay sa akin ang pansiteryang ito at hindi ka lalayo sa anak ko, matitikman niyo ulit ang higanti na makakaya ng kapangyarihan ko." huling sabi niya at lumabas na sa pintuan. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top