Chapter 4: Out-Of-School Youth







Nang araw na lumuwas si Uncle para pumunta sa head office nila sa Makati, tinawag ako ni Tita Gloria.

Nakaupo siya sa sala at nagbabasa ng Vogue magazine.

Sa centre table ay may nakapatong na ash tray at umuusok ang sigarilyo na unti-unti ng nauupos.

Pareho pala sila ni Papa ng brand ng sigarilyo.

Marlboro red din ang paborito nito noong buhay pa.

"May kailangan po kayo, Tita?" Dahan-dahan akong lumapit sa kinauupuan niya.

Niyaya ni Kuya Ethan si Len na sumama sa kanya na maglaro ng basketball.

Si Shania naman, sigurado ako na nagkukulong sa kuwarto niya dahil doon siya malimit tumambay.

Abala ang mga kasambahay kaya kamin dalawa lang.

"Umupo ka." Mataray na sabi niya sabay turo sa kanang armchair.

Atubili akong sumunod.

Hindi pa nga niya sinasabi kung bakit niya ako pinatawag pero kinakabahan ako.

"Nag-usap kami ng uncle mo." Binitawan niya ang magazine.

Napansin ko na kahit lagi siyang nasa bahay, lagi siyang may make-up at kulay pulang lipstick.

Ang mga daster na suot niya, bulaklakin at mukhang mamahalin.

"Si Lennon lang ang kaya naming pag-aralin." Iyon agad ang banat niya.

" Ikaw, tutal tapos ka na ng high school, mas mabuti kung maghanap ka ng trabaho para matulungan ang kapatid mo." May diin ang pagsasalita niya na parang hindi ko maiintindihan kung malumanay niya akong kakausapin.

"Hindi porke't nasa abroad ang uncle mo eh nakahiga kami sa salapi. Alam mo naman na mahal ang mga bilihin ngayon. Isa pa, nag-aaral din si Ethan at si Shania. Hindi biro ang binabayad namin sa tuition nila lalo na at pareho sila sa private school nag-aaral. Kung alam mo lang kung anong pagtitipid ang ginagawa ko para hindi kami kapusin sa budget, maiintindihan mo kung bakit ito ang naging desisyon namin." Mahabang paliwanag niya.

"Naiintindihan ko po, Tita."

"Good. Isa pa, aalis na si Manang Cristy dahil babalik na siya sa probinsiya para alagaan ang mga apo niya. Imbes na kumuha kami ng isa pang katulong, naisip ko na ikaw na lang ang tumulong kay Manang Ising."

"Po?" Di ko naitago ang gulat.

"Bingi ka ba?"

"Hindi po pero kung magtatrabaho ako..." Tinaasan niya ako ng kilay.

Biglang sumara ang bibig ko.

Sayang ang laway dahil sa itsura ni Tita, mukhang siya ang tipo na gustong laging nasusunod.

"Paglilinis at laba lang naman ang toka ni Manang Cristy. Pagkagaling mo sa trabaho, eh di iyon ang asikasuhin mo."

Gusto kong mangatwiran pero para ano pa?

"Sige po." Iyon na lang ang nasabi ko.

"May hiring sa fastfood na malapit lang dito sa lugar natin. Alam mo yung Happy Chicken restaurant?"

Tumango ako.

Ilang beses naming nadaanan ang lugar na iyon dahil malapit lang sa grocery.

Kahit sa malayo, amoy na amoy ang fried chicken pati na ang mantika na ginagamit sa pagluluto nito.

Nakakagutom kasi parang ang sarap ng amoy.

"Sinabihan ko na si Ethan na tulungan kang gumawa ng resume dahil pwede niya itong ipasa online. Pipicturan ka na lang niya sa phone tapos iyon ang gagamitin niya sa application mo."

"Sige po."

Akala ko magsasalita pa siya pero kinuha niya na ulit ang magazine na nakapatong sa sofa kaya tumayo na ako iniwan ko na siya.

Lumabas ako sa hardin para tulungan si Manang Ising sa pagdidilig ng mga halaman at orchids.

"Anong kailangan sa'yo ni Mam?"

Nang una kong makita si Manang Ising, naalala ko si Lola Adelfa.

Puro puti na din ang buhok niya na laging nakatali na parang bun sa likod ng ulo niya.

May pekas ang balat sa braso niya at butuhan din ang mga kamay at daliri.

63 years old na si Manang Ising at matandang dalaga.

Mahigit bente anyos na siyang naninilbihan kina Uncle at parang pamilya na kung ituring nila.

Pero napansin ko na tulad namin ni Len, ilag din siya kay Tita Gloria.

"Kailangan ko daw pong maghanap ng trabaho." Unti-unti kong pinulot ang mga patay na dahon sa paso ng kulay violet na orchids na nakasabit sa pader.

Binaba ni Manang ang hawak na hose.

"Bakit? Hindi ka ba mag-aaral?"

"Hindi po." Inayos ko ang mga eggshells na nakapatong sa paso.

"Bakit daw?"

"Wala daw po silang pambayad para sa tuition ko. Isa pa, marami na din silang gastusin."

"Naniwala ka naman." Nakaismid na sabi ni Manang.

Binitawan niya ang hose at hinayaang dumaloy ang tubig sa halaman na korteng pamaypay ang dahon.

"Ang sabihin mo, kinumbinsi niya si Sir Manny na huwag kang pag-aralin."

"Di naman po siguro."

"Rio, matagal na akong nakatira dito. Alam ko na ang ugali ni Mam."

Kahit di niya sabihin, may ideya ako pero wala ako sa posisyon na makipag-deal kay Tita.

Bago lang kami sa kanila.

May mga tao na akala mo nagmamagandang loob pero ang totoo, ang gusto may kapalit.

"Eh okay lang naman po sa akin kasi nakakahiya na dito kami nakatira tapos libre lahat. Tama lang po na magtrabaho ako."

"Kung may pera lang ako, tutulungan kita. Kaso tinutulungan ko din ang mga pamangkin ko sa probinsiya. Mabuti sana kung makapag-aral ka dahil bata ka pa. Sayang ang panahon."

"Pwede naman po akong mag-aral kung may naipon na ako."

"Hay naku. Maniwala ka sa akin, kapag nagsimula ka ng kumita, hindi mo na masyadong pagtutuunan ng pansin ang pag-aaral dahil ang magiging katwiran mo, may pera ka naman, bakit kailangan mo pang mag-aral?"

"Hindi naman po siguro."

Pinatong ni Manang ang kamay niya sa balikat ko.

"Matanda na ako at dalawa sa pamangkin ko ang ganyan din ang nangyari. Ngayong may sarili na silang mga anak, naisip nila na kung nag-aral sana sila noon, eh di mas maganda ang maibibigay nilang kinabukasan sa mga anak nila."

Hindi na ako kumibo.

Halata naman na hindi ako mananalo sa usapang ito.

Binalikan ni Manang ang hose at pinagpatuloy ang pagdidilig.

Ako naman, inisip kung paano ko pagsasabayin ang pagtatrabaho at paninilbihan kina Tita Gloria.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top