Chapter 3: Len's Revelation




Unang linggo ng Mayo ng dumating kami sa bahay nina Uncle.

Kasagsagan ng init ng panahon at dahil walang aircon sa kuwarto namin, malimit na bukas ang bintana kahit sa gabi.

Hindi naman ito nakakatulong na mabawasan ang alinsangan.

May pamaymay kami sa higaan pero wala ding epekto.

Nangangalay lang ang braso at kamay namin.

Magdadalawang-linggo na kami sa bahay pero wala pang nababanggit sa akin si Uncle kung papasok si Len sa darating na June.

Wala akong balak na pumasok sa college dahil wala naman kaming pera.

Isa pa, kung balak ni Uncle na pag-aralin ako, di sana nag-apply na ako sa mga eskuwelahan para sa entrance exams.

Ayos lang naman sa akin kung hindi ako papasok basta si Len, makapagpatuloy sa pag-aaral niya.

Grade 7 na siya sa darating na pasukan at dapat na siyang mag-enrol.

Sa mga gabi na hindi kami dalawin ng antok, malimit kaming magkuwentuhan.

Pabulong ang usapan namin dahil baka marinig kami ni Tita Gloria.

Nasanay na din kami na ganito mag-usap dahil noong buhay pa si Lola Adelfa nasisigawan kami kapag narinig niya kami na nagdadaldalan.

Ang laging tanong sa akin ni Len ay kung hanggang kailan kami maninirahan kina Uncle.

Ang lagi ko namang sagot, hindi ko alam.

"Bakit? Ayaw mo ba dito?" Nakaupo siya sa tapat ng higaan ko habang marahan akong nagpapaypay.

"Hindi naman sa ganoon, Ate, pero..." di niya tinuloy ang sasabihin at parang nakikinig kung may tao sa labas.

"Pero?"

"Wala na ba tayong ibang kamag-anak?"

"Bakit naman?"

Kahit may idea ako sa sinasabi niya, gusto kong marinig ang sagot niya.

Mahiyain at tahimik lang ang kapatid ko.

Kahit sa probinsiya, ang malimit niyang kasama ay ang bunsong anak ni Aling Metring na ang palayaw ay Bentot.

Meron silang ibang kalaro pero napagkakamalan na sila na kambal dahil lagi silang magkasama.

Kapag inaaway si Len, tumatakbo lang siya pauwi sa bahay at tahimik na iiyak.

Ako ang malimit na sumugod sa nanay ng batang nang-away sa kapatid ko.

Payat kasi si Len at malimit tuksuhin na lampayatot.

Baka daw may bulate kaya hindi tumataba.

Hindi naman totoo dahil dinala namin siya sa doktor para mapatingnan.

Payat din naman ako kahit malakas kumain.

"Kasi sinabihan ako ni Shania na palamunin daw tayo."

Tinigil ko ang pagpapaypay at kung dati, lagi akong merong ready na sagot para kay Len, wala akong nasabi.

"Kailan niya sinabi?" Nanginginig ang kamay ko sa galit kaya naman hinawakan ko ng mahigpit ang dulo ng pamaymay.

"Noong nakaraang araw habang naglalaro ako sa labas."

"Sigurado ka na iyon ang sinabi niya? Baka mali ka lang ng narinig?"

Nagulat si Len sa sinabi ko.

"Hindi ka ba naniniwala sa akin, Ate?" Nangingilid ang luha niya.

"Di naman sa ganoon. Pero mahirap ang magbintang."

"Nilapitan niya kasi ako tapos harap-harapang sinabi na ganoon nga. Palamunin daw tayo at dagdag lang sa gastusin ng Mama at Papa niya."

Kung anuman ang galit na naramdaman ko, pinigil ko ang sarili ko.

Nakikitira lang kami kina Uncle at wala kaming pera.

"Huwag mo na lang pansinin ang sinabi niya. Hayaan mo, susubukan kong maghanap ng trabaho." Nginitian ko siya.

"Hindi ka na ba mag-aaral, Ate?"

Umiling ako.

"Sa ngayon, trabaho muna ang gagawin ko para meron tayong perang panggastos."

"Galit ka ba sa sinabi ni Shania?"

"Len, ang isipin mo na lang, maswerte pa din tayo dahil kinupkop tayo  ni Uncle." Hindi ko sinagot ang tanong niya.

Kahit gusto kong aminin sa kanya na galit ako, ayokong pati siya, magtanim ng galit sa pinsan namin.

Isa pa, alam ko naman na maldita talaga si Shania kahit noong maliit pa ito.

Kapag dumadalaw si Uncle sa probinsiya lalo na kapag galing ito sa abroad, ayaw ni Shania na makipaglaro sa amin.

Dinadala niya ang iPad at parang iniinggit kami habang todo sa pagpindot ng mga games sa computer.

Tumayo na si Len.

"Tulog na ako, 'te." Kumapit siya sa gilid ng hagdan paakyat sa taas ng double deck.

Tumayo na din ako para patayin ang ilaw.

Paghiga ko, hindi maalis sa isip ko ang sinabi ni Len.

Tumulo na lang ang luha ko dahil naawa ako sa kanya at pati na din sa sarili ko.

Nang mamatay si Lola at si Papa, malimit kong maisip si Mama.

Kung hindi niya kami iniwan, mas magiging mabuti kaya ang buhay namin?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top