Chapter 20: Rio's First Performance




Kapag sumasali ako sa mga singing contests sa pistahan, ang laging sinasabi ni Papa, mag-enjoy ako.

"Eh di po ba sumali tayo para manalo?"

Ngingiti lang siya tapos sasabihin sa akin na hindi lang pera ang mahalaga sa mundo.

Kaya pala lagi siyang walang pera at malimit mabungangaan ni Mama lalo na kung malapit na ang bayaran ng tubig at kuryente.

Buti na lang at kay Lola kami nakatira dahil sigurado ako na pati ang upa, isesermon sa kanya ni Mama.

Gusto ko mang panghawakan ang sinabi ni Papa pero sa contest na ito nakasalalay ang kalayaan namin ni Len.

Kapag natalo ako, maninilbihan ako ng buong buhay kina Tita.

Ang yabang ko kasi.

Isa pa, nagpadala ako sa galit.

Iyon ang isang bagay na malimit sabihin sa akin ni Lola.

Huwag daw laging mainit ang ulo ko dahil mapapahamak ako.

Medyo nabawasan nga noong mamatay sila ni Papa.

Bumalik na lang ulit noong hinahamon ako ni Tita Gloria.

Gusto ko kasing patunayan sa tiyahin ko na hindi porke't mahirap lang kami, wala na kaming maipagmamalaki.

Ang pagkanta ang isang bagay na puwede kong sabihin na magaling ako.

Hindi pa ako natatalo sa mga singing contests kaya naman tuwang-tuwa sa akin si Papa.

Pagkatapos niyang kunin ang napalunang pera, pupunta kami sa fastfood at bibilhan niya ako ng fried chicken, spaghetti, burger at saka chocolate sundae.

May uwi pa kaming pasalubong kina Mama, Len at Lola.

Kahit nagagalit si Mama dahil pati daw ako pinupuyat ni Papa sa pagsali sa mga contest, ramdam ko naman na proud siya sa akin.

Ang pride na iyon ang pilit kong pinanghahawakan ngayon habang nakaupo ako at naghihintay na sumalang sa stage.

Tapos na si Bea kumanta ng It's All Coming Back To Me Now ni Celine Dion.

Grabe ang palakpakan ng mga tao.

Pati ang mga nanonood sa loob ng waiting area, binigyan siya ng standing ovation.

Tumayo ang balahibo ko lalo na pagdating sa mataas na tono.

Effortless ang pagkanta niya.

Parang normal lang na humihinga.

Nagbiro pa nga si Cheryl na umuwi na daw kami.

Yung iba, tumawa pero meron ding nagtaas ng kilay.

Si Kat na ang nakasalang ngayon.

Vision Of Love naman ni Mariah ang binanatan.

Sa kanya nasurprise ang mga kasama namin dahil ang linis din ng delivery at balewala din ang high notes.

Nang matapos kumanta si Kat, nagsalita ulit si Cheryl.

Tuloy daw ang laban.

Nagpasya ako na lumabas muna para makapaglakad-lakad.

Kapag lalo ko kasing pinapanood ang mga kasama ko, lalo naman akong nai-intimidate dahil halos lahat sa kanila magaling.

Karamihan din sa mga performers, puro mga birit songs ang kinakanta.

Ako lang yata ang mahilig sa rock n' roll.

Isa lang din ako sa tumutugtog ng sariling instrumento.

Meron na din naman na mukhang nanganganib tulad ni Justin na pumiyok sa kalagitnaan ng Noypi.

Umpisa pa lang, wala sa range niya ang kanta pero ito ang gusto niyang kantahin.

Rockstar din ang pinoproject ni Justin.

Walang tao sa hallway paglabas ko.

Halos lahat kasi nasa loob ng studio.

Sumandal ako sa pader.

Masaya sana kung nandito sina Papa.

Siguradong matutuwa iyon dahil big time na ang contest na sinasalihan ko.

Malamang I-coach pa niya ako.

Si Lola naman, siguradong iiyak na naman iyon.

Ewan ko ba pero lagi siyang naluluha kapag kumakanta ako.

Kahit mga masasayang kanta ng The Beatles, naiyak pa din si Lola.

Siguro naaalala niya ang kabataan niya?

Eh si Mama?

Kung buhay siya, nanonood kaya siya?

May TV kaya sa lugar na tinitirhan niya?

Maayos kaya ang buhay niya?

Nagtatrabaho kaya siya?

Naiisip niya kaya kami ni Len?

O baka naman nakalimutan niya na kami?

Makilala pa kaya niya ako lalo na at ang tagal na ng panahon na lumipas?

Alam niya naman ang pangalan ko dahil nagtalo daw sila ni Papa nung pinagpilitan nito na Riordan ang ipangalan sa akin.

Parang pangalan daw ng lalake.

"Eh di Rio ang palayaw natin sa kanya." Katwiran ni Papa.

May narinig akong boses at nagulat ng makitang naglalakad papalapit sa akin si Ellis.

Kasama niya ulit ang maliit na babae noong huling nakita ko siya sa studio.

May kasama din sila na mestisuhing lalake na may kausap sa phone.

Matangkad siya, balingkinitan ang katawan hindi tulad ni Marky at Xavier na puro muscles.

Kulot ang light brown na buhok at matangos ang ilong.

"Hey." Bati niya sa akin.

"Hello." Ngumiti ako ng matipid.

"Why are you here? Shouldn't you be inside?"

"Gusto ko lang magpahangin." Sagot ko.

"Well, you'd better get back."

Napatingin ako sa mga kasama niya.

Pinakilala niya ako kay Marie, ang alalay niya na ngumiti sa akin at kay Joseph na sumulyap lang sa akin pero hindi ngumiti.

Blue ang kulay ng mata niya.

Totoo kaya?

Baka contact lens?

"I'll be watching at the back so goodluck, Riordan."

Kumaway si Ellis at iniwan na nila ako.

Pagpasok ko ulit sa waiting room, katatapos lang ni Alex kumanta.

Naghigh-five siya at ang ibang lalake pero dahil wala ako sa loob, di ko alam kung ano ang kinanta niya.

"Ikaw na, Rio." Paalala ni Kat.

Maaliwalas na ang itsura niya kasi safe siya.

Bago ko kinuha ang gitara na nakasandal sa dingding, may hinugot ako ng pulang bandana sa backpack.

Inikot ko ito sa kaliwang braso ko.

"Ano yan?" Nakatingin sa akin si Kat.

"Bandana ni Papa. Lagi siyang may suot na ganito."

"Tulungan na kita." Kinuha niya ang bandana at hinigpitan ang pagkakatali sa braso ko.

"Goodluck!" Sabi ni Kat.

"Thank you."

Pinatayo ako ng PA sa gilid dahil nagsasalita pa si Marky at si Jessica.

Pinaalala nila sa mga manonood mag-text para sa The Chosen contestants na sinusuportahan nila.

Ang text format ay Team, pangalan ng contestant at ang number na nagsisimula sa 017.

Lahat ng ito ay pinapakita habang sinasabi nila.

"Huwag na nating patagalin pa and let's call our next contestant." Sabi ni Jessica.

Iyon na ang cue ko para pumasok.

As usual, nagsign of the cross muna ako ulit bago tumapak sa stage.

Tumayo ako sa gitna ni Marky at Jessica.

"Kumusta, Rio?" Tanong ni Marky.

"Mabuti naman po."

"Ready ka na ba?" Tanong naman ni Jessica.

"Opo."

"Okay." Humarap si Marky sa audience.

"Let's see if Rio will advance to the next level of..." Nagpause siya at sabay na nagsabi ng The Chosen bago ako iniwan sa stage.

Bago nagdim ang ilaw sa stage, hinanap ko si Len.

Nakatingin siya sa akin at tumango siya.

Bago ko tinipa ang intro ng kakantahin ko, naalala ko ang sinabi ni Papa.

Enjoy ko lang ang lahat.

Since You've Been Gone ang kinanta ko.

Bago umabot sa chorus, nagtayuan na ang ibang tao sa audience.

May mga nagheheadbang habang sumasayaw.

Pati si Miss Marlene, tumayo din sa likod ni Xavier at nag-air guitar.

Iiling-iling na tiningnan lang siya ng guwapong judge.

Dahil hindi naman namin kinakanta ang buong kanta, diretso agad  sa bridge.

"You had your chance you blew it

Out of sight

Out of mind

Shut your mouth I just can't take it

Again and again and again and again..."

Guitar solo ko na at nagpalakpakan ang mga tao tulad ng nag-audition ako.

Doon ko lang napansin ang grupo ng mga kabataan na nakatayo sa pinakataas ng stage na may dalang mga banner.

Pula ang lettering na Team Rio ang nakasulat at sa ilalim nito ay nakalagay din ang salitang Rock Chick.

Ganadong-ganado sila sa pagsayaw at pagsabay sa kanta ko.

Binalik ko ang atensiyon sa kanta dahil isang chorus pa bago ako matapos.

Tama nga si Papa.

Kapag nasa stage ako at ini-enjoy ko lang ang lahat, nawawala ang nerbiyos ko.

At lalo akong natutuwa kapag nakikita na masaya ang mga tao.

Pagkatapos kung kumanta, nakabibingi ang palakpakan ng lahat.

Ngumiti ako tapos nagbow sa kanila.

Pagbalik ko sa waiting room, niyakap ako ni Kat sa tuwa.

"Oh my god! Grabe ang energy ng mga tao habang nanonood sa'yo." Tili niya.

"Oo nga." Pagsang-ayon naman ni Benson.

"Parang feel na feel mo yung kanta. Break-up song ba 'yan, Rio?" Pabiro niyang tanong.

"Hindi 'no?"

"Ang mabuti pa, umupo ka at panoorin natin ang iba pa." Bumalik si Kat sa sofa.

Sinandal ko ulit ang gitara sa dingding bago ako tumabi sa kanya.

Pag-upo ko, nakatingin sa akin si Bea at ang mga kasama niya na si Roxanne at Jude.

Nakataas ang kilay ni Roxanne at di ko alam kung bakit ganoon ang expression niya.

Para siyang naiinis.

Nagtitigan kaming dalawa hanggang sa siya ang umiwas.

Nang matapos na ang performance naming lahat, kailangang bumalik kami sa stage para sa elimination.

Isa sa bawat team ang tatawagin at tatayo sila sa harap ng mga judges.

Dalawa sa kanila ang uuwi at ang dalawa ay mananatili sa next round.

Ang rating na ibibigay ng judges ay S for saved or D for dismissed.

Itataas ng judges ang puting placard kung saan nakasulat ang pulang letter na napili nila.

Kapag S ang nakuha mo, babalik ka ulit sa team mo.

Kapag D naman, may mage-escort sa'yo palabas sa stage.

Kailangang dalawa sa mga judges ang magtaas ng S para makabalik ka sa grupo.

Ang coach ng team ay hindi kasali sa pagboto para maging patas.

Kahit pa maganda ang performance ko, kinakabahan din ako dahil tense ang atmosphere sa stage lalo na kapag tinutugtog ang mahabang drum roll habang tinatawag ni Marky at Jessica ang pangalan ng Not So Fab Four kung tawagin sa show.

Ang unang tinawag sa Team Kin ay si Dionesa.

Sumunod si Jude ng Team Xavier.

Sa Team Camille naman, si Justin

Ang huli sa Team Marlene ay si Asher.

Si Dionesa, maluha-luha habang lumalapit sa harapan.

Naiintindihan ko naman dahil ganun din siguro ang mararamdaman ko lalo na kung malaki ang expectation mo na sana man lang, umabot ka sa ikaapat na episode bago ka matanggal.

Ang tatlong lalake, pinipilit na ngumiti.

Pero bakas sa mga mata nila ang nerbiyos.

Si Kin ang unang nagsalita.

Siya ang spokesperson ng mga judges lalo na sa portion na ito.

Tinanong niya kung ano ang nararamdaman ni Dionesa habang nakatayo sa harapan nila.

"Natatakot po." Nanginginig ang boses na sagot niya.

Sinabi ni Kin na sa pagkanta niya ng I Have Nothing, merong mga notes na hindi niya naabot.

"Nandoon ang heart at feel namin ang emotions pero may moments sa performance mo na doubtful ka na I-release ang lahat ng energy mo habang kumakanta ka."

Napakagat labi si Dionesa.

Sabi ni Kat, tulad ng marami sa sumali, mahirap ang pamilya ni Dionesa at gusto daw talaga nito na manalo dahil kailangang suportahan niya ang lima pang maliliit na kapatid.

"But I believe there's hope so I will leave it to my fellow judges to give the verdict."

Tinuro ni Kin ang katabi niyang si Camille.

"I agree with Kin. The heart is there and with practice, you'll only get better so I'll give you an S." Inangat niya ang placard.

Yung ibang audience, pumalakpak.

Si Xavier na ang susunod.

Ang usap-usapan, mabait at considerate daw ito na judge.

"Sa simula pa lang ng pagkanta mo, nasense ko na agad ang nerbiyos sa boses mo.

I thought habang kumakanta ka, mawawala and you'll get carried away by the emotions of the song pero it was there until the end. I'm sorry, Dionesa but..." Kinuha niya ang placard sa gilid niya at tinaas ang letrang D.

Napatakip si Dionesa sa bibig niya.

Hindi niya siguro inasahan na kay Xavier niya makukuha ang D rating.

Pati ang mga audience, napabuntong-hininga.

Nagulat din siguro sa ginawa ni Xavier.

Tumutok na ang camera kay Miss Marlene.

Dahil kilalang terror na judge, pati kami kinabahan.

Maliit ang tsansa na mabigyan niya si Dionesa ng S.

Ang pagsali sa mga contest ay isang sugal.

Hindi mo alam kung anong baraha ang mapupunta sa'yo.

Minsan, nasa diskarte kung paano ka mananalo.

Magaling naman kumanta si Dionesa kaso nanaig ang nerbiyos.

Nakakakaba ang mga susunod na mangyayari.

Napansin ko na lang na nakakuyom ang mga kamay ko.

Kung ako din ang nasa katayuan ni Dionesa, hindi ko din alam ang gagawin ko dahil bukod sa ang daming nanonood sa studio, mas maraming viewers sa mga bahay.

Number one ang The Chosen at inaabangan ito ng mga tao tuwing Biyernes ng gabi.

Parang tumitigil ang lahat sa ginagawa nila para lang makapanood.

Kinabukasan, ito pa din ang usap-usapan di lang sa TV kundi pati sa radyo.

Sa Happy Chicken, ito din ang bukangbibig ng mga katrabaho ko.

Nang sumali ako, lalong naging exciting sa kanila ang show.

Nag-hello muna si Miss Marlene kay Dionesa.

"Hello din po." Halos hindi na marinig ang boses niya kahit may hawak ito na microphone.

"First of all, you have the voice to do this."

Nagulat ang mga audience sa sinabi ni Miss Marlene.

"Thank you po." Nanginginig na sabi ni Dionesa.

"Since the talent and the desire is there, the rest will be easy to fix. Don't you agree?" Nginitian siya ni Miss Marlene.

"Opo." Ngumingiti na si Dionesa.

Nabuhayan yata ng loob.

"So..." Pasuspense habang dahan-dahan niyang kinukuha ang placard at tinuro pa ng nakapilantik daliri na parang nanunukso kung ano ang pipiliin between S and D.

"I will gladly give you an S. I believe you deserve a second chance."

Pagtaas ng placard, tuluyan ng umiyak si Dionesa.

Mula sa kinatatayuan ko sa likod, kita ko ang paggalaw ng balikat niya habang umiiyak.

Nilapitan siya ni Jessica at inakbayan.

"You're saved, Dionesa."

"Thank you po, Miss Marlene and Miss Camille." Garalgal ang boses habang nagsasalita siya.

Pagbalik niya sa grupo ay niyakap siya nina Benson.

Mas mabilis ang proseso para sa tatlong lalake.

Si Justin, tatlong D.

Mortal sin talaga ang pumiyok sa singing contest.

Malaking points ang nawawala kapag nangyari ito.

Si Jude naman, na-save dahil sa madamdaming rendition niya ng Take Me Out Of The Dark ni Gary V.

Nagsabi pa nga ito ng praise God bago bumalik sa grupo niya.

Si Asher, kahit nilayo ang microphone para I-cover ang pagpiyok niya, hindi pa din nakalampas sa judges.

Dalawang D ang nakuha niya mula kay Xavier at Camille.

Nang makaalis na ang dalawang natanggal, pinalapit kaming lahat sa harap ng judges at nagsalita si Marky.

"And then there were 14."

Iyon ang lagi niyang spiel hanggang sa umabot sa...and then there was The Chosen.

Naghawak-hawak kamay kami at nagbow sa audience bago nagsalita si Jessica ng closing spiel niya.

Pinasalamatan niya lahat ng nanonood at pinaalalahanan na tumutok ulit sa susunod na Biyernes.

Tumunog ang theme song ng The Chosen at dumilim na ang ilaw sa stage.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top