Chapter 18: Where Is Mama?




Maga-alas-otso na ng gabi ng matapos ang rehearsal.

Nakatayo sa gilid ng kotse si Kuya Ethan at abala sa pagti-text ng lumapit ako.

Nag-angat siya ng tingin ng marinig ang mga yabag namin.

Pinakilala ko siya sa mga kasama ko.

Ang mga babae, kakaiba ang ngiting binigay sa kanya.

Kung hindi siguro sila nagmamadali, napahaba ang kuwentuhan.

Pero dahil pare-pareho na kaming pagod at malayo pa ang biyahe namin, nagpaalam na kami sa isa't-isa.

"Nasaan si Len?" Tanong ko pagpasok sa kotse.

"Masama daw ang pakiramdam niya kaya hindi sumama." Sinuot niya ang seatbelt at pinaandar na ang kotse.

"Ha? Anong nangyari?" Bigla akong kinabahan.

"May nakain yata."

May biglang bumara sa dibdib ko.

Hindi ko kasi alam na maysakit pala si Len.

Kapag nakabreak, tinitext ko si Kuya para kumustahin siya.

Okay pa naman siya noong hapon.

"Uminom ba siya ng gamot?"

"Oo. Binigyan siya ni Manang Ising tapos hinilot ang tiyan niya." Kalmado ang tono ni Kuya.

Tahimik akong sumandal sa upuan.

Nakafocus si Kuya sa kalsada at kumanan palabas sa parking lot.

Mula ng iniwan kami ni Mama at ng umalis si Papa kasama ang banda niya,  ako na ang nag-alaga sa kapatid ko.

Kapag maysakit siya, ako ang lagi niyang hinahanap.

Naisip ko na malamang hindi iyon mapakali lalo na at wala ako sa bahay.

Napansin ni Kuya na hindi ako kumikibo.

"Rio, don't worry. Okay na si Len ng umalis ako. Sabi pa nga niya, huwag ka daw mag-alala kasi big boy na siya." Kahit nakangiti siya, hindi pa din maalis ang pag-aalala ko.

Dalawa na lang kami.

Kung buhay pa sana si Papa at si Lola, balak ko na magworking student.

Ang pangarap ko kasi, mabigyan ng magandang buhay ang kapatid ko.

Nang umalis si Mama, iyak siya ng iyak.

Pagkatapos ng ilang linggo, natanggap na yata niya na hindi na ito babalik.

Tumigil na siya sa pag-iyak at di na niya ito hinahanap.

Pero ako, hanggang ngayon, iniisip ko pa din kung ano na ang nangyari sa nanay namin.

Buhay pa kaya siya?

Saan kaya siya nakatira?

Nandito kaya siya sa Pinas?

Kapag nagkita kami, ano kaya ang gagawin ko?

Masama ang loob ko sa kanya dahil bigla niya na lang kaming iniwan.

Siguro sinadya niyang gawin iyon dahil baka hindi niya kayanin ang umalis lalo na kapag nasa bahay ako.

Pipigilan ko siya at malamang magmakaawa ako na huwag siyang umalis.

Sa pag-alis niya, ang daming tanong sa isip ko.

Una sa lahat, hindi ba niya kami mahal kaya ganoon na lang kadali na talikuran niya kami?

At bakit di na siya nagparamdam ulit?

Anong dahilan niya at sa loob ng maraming taon, di man lang niya kami hinanap?

Alam niya naman kung saan kami nakatira.

Kung hindi dahil sa pagkamatay ni Lola at Papa, wala naman kaming balak umalis sa probinsiya.

Kung sakaling makita namin siya ulit, ang una kong gustong malaman ay kung bakit bigla na lang siyang nag-alsa balutan.

"Anong iniisip mo?" Nakatigil pala ang sasakyan dahil red light.

"Wala, Kuya."

"Wala eh kanina ka pa nakatulala diyan?"

"Pagod lang ako." Palusot ko.

Hindi na siya ulit nag-usisa.

Dahil mahaba ang biyahe, di ko namalayan na nakatulog ako hanggang sa maramdaman na niyuyogyog ni Kuya ang balikat ko.

"Nandito na tayo." Binuksan niya ang pinto at bumaba na siya.

Nag-inat muna ako at ng maalala si Len, nauna na akong pumasok sa bahay.

Buti naman at wala si Tita Gloria sa sala kaya dumiretso na ako sa kuwarto.

Naabutan ko si Manang Ising na nakaupo sa tabi ng kama at nagbabasa ng Tagalog pocketbook habang binabantayan ang kapatid ko.

Nakahiga si Len sa kama ko.

"Nandito ka na pala."

"Opo. Kumusta na po siya?" Tinabihan ko si Len at hinaplos ang noo.

Hindi naman mainit at medyo pinapawisan.

"Okay na. Hinahanap ka niya kaya sinamahan ko muna."

"Pasensiya na po kayo."

"Huwag mong isipin iyon. Kumain ka na ba?"

"Opo."

Tumayo na si Manang Ising.

"Salamat po sa pagbabantay kay Len." Tumayo na din ako.

"Pag may kailangan ka, kumatok ka lang."

"Opo."

Lumabas na siya.

Pagkaalis ni Manang, tinabihan ko ulit si Len.

Mahimbing ang tulog niya at medyo humihilik.

Nang umalis si Mama at hindi na kami iniintindi ni Papa, pinangako ko sa sarili ko na aalagaan ko ang kapatid ko.

Hindi ko hahayaan na may mangyari sa kanya.

Nung Grade 1 siya, excited niyang pinakita ang drawing na ginawa niya sa school.

Isang babae at lalaki na stick figures na ginuhit niya gamit ang Crayola.

Ako daw iyon at saka siya.

Magkahawak kamay kami at kulay pula ang buhok ko samantalang green naman ang buhok niya.

May pakurbang guhit sa labi namin at smile daw iyon.

Sabi niya, mahal niya ako at di daw niya ako iiwan.

Ewan ko kung bakit niya nasabi iyon.

Bigla na lang akong naiyak.

Hindi ko alam kung ulila kami.

Ang pag-alis ni Mama ay isang malaking tanong na nag-iwan ng malaking puwang sa buhay naming magkapatid.

At least si Papa at Lola, alam ko kung ano ang nangyari sa kanila.

Alam ko din na hindi na sila babalik.

Final destination na ang pinuntahan nila eh.

Pero si Mama, bigla na lang siyang naglaho.

Kung dati, umaasa ako na sana bumalik siya, kalaunan ay tinuruan ko ang sarili ko na huwag masyadong mangarap dahil masakit ang mabigo.

Lalo na kapag lumilipas ang araw na wala akong nakikitang sagot sa tanong ko.

Ang payo ni Lola sa akin, intindihin namin ang pag-aaral.

Huwag daw naming isipin ang problema ni Papa at Mama dahil matatanda na sila.

At kung gusto daw talagang magpahanap ni Mama, eh di sana, noon pa siya nakita.

Ang tanong, may naghanap nga ba sa kanya?

Hindi ko alam kung nag-effort si Papa na sundan ang asawa niya.

Ang kasabihan nga, kung gusto may paraan at kung ayaw, may dahilan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top